Historical
Ang mga Nagawa ni Solomon(A)
8 Ipinatayo ni Solomon ang kanyang palasyo at ang Templo ni Yahweh sa loob ng dalawampung taon. 2 Pagkatapos, ipinatayo niyang muli ang mga lunsod na ibinigay sa kanya ni Hiram at pinatira niya roon ang mga Israelita. 3 Sinalakay niya at sinakop ang Hamat-Zoba. 4 Itinayo niya ang lunsod ng Palmera na nasa disyerto, at ang mga lunsod-imbakan na itinayo niya sa Hamat. 5 Pinaligiran niya ng pader ang mga lunsod ng Beth-horong Itaas at Beth-horong Ibaba. Nilagyan din niya ang mga ito ng mga pintuang may panghalang. 6 Gayundin ang ginawa niya sa Baalat at sa kanyang mga lunsod-imbakan at mga lunsod-himpilan ng kanyang mga karwahe at ng kanyang mga mangangabayo. Ipinagawa ni Solomon ang bawat magustuhan niyang ipagawa sa Jerusalem, sa Lebanon at sa lahat ng sakop ng kanyang kaharian. 7-8 Sapilitan niyang pinagtrabaho hanggang sa mga panahong ito ang mga Cananeong hindi napatay ng mga Israelita noong sakupin nila ang lupain ng Canaan. Kabilang dito ang mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at ang mga Jebuseo. 9 Hindi isinama ni Solomon ang mga Israelita sa sapilitang paggawa. Sa halip, naglingkod ang mga ito bilang mga mandirigma: mga kawal at pinuno ng hukbo at ng kanyang mangangabayo at mga karwahe. 10 Sila rin ang ginawang tagapangasiwa ni Haring Solomon sa mga nagtatrabaho sa kanyang mga pagawaan. Ang bilang nila'y 250.
11 Ipinasundo ni Solomon mula sa lunsod ni David ang asawa niya na anak ng Faraon. Dinala niya ito sa palasyong ipinagawa niya para rito. Sinabi ni Solomon, “Hindi dapat tumira ang asawa ko sa palasyo ni David na hari ng Israel. Iyon ay banal na dako sapagkat itinuturing na banal ang lahat ng lugar na mapaglagyan ng Kaban ng Tipan.”
12 Nag-alay si Solomon kay Yahweh ng mga handog na susunugin sa altar ni Yahweh na kanyang ipinatayo sa harap ng portiko. 13 Ginawa(B) niya ang lahat ayon sa mga tuntuning ibinigay ni Moises tungkol sa paghahandog sa mga Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Bagong Buwan at sa tatlong taunang kapistahan: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, ang Pista ng Pag-aani at ang Pista ng mga Tolda. 14 Sinunod niya ang kaayusang itinakda ni David tungkol sa paglilingkod ng mga pari. Gayundin sa mga Levita sa kanilang pang-araw-araw na pamumuno sa pag-awit ng papuri at pagtulong sa mga pari at sa pagbabantay sa Templo. Ginawa niya ito ayon sa utos ni David na lingkod ng Diyos. 15 Hindi sila lumabag kaunti man, maging sa gawain ng mga pari at mga Levita, at maging sa pag-iingat sa kayamanan ng Templo.
16 At natapos ang mga ipinagawa ni Solomon, mula sa paglalagay ng pundasyon ng Templo hanggang sa mayari ito.
17 Pagkatapos, pumunta si Solomon sa Ezion-geber at sa Elot na nasa baybayin ng dagat sa lupain ng Edom. 18 Pinadalhan siya ni Hiram ng mga barko at mga bihasang magdaragat na mangangasiwa niyon. Pumunta sila sa Ofir kasama ng mga tauhan ni Haring Solomon. Nang bumalik sila ay may dala silang 15,750 kilong ginto na ibinigay nila kay Solomon.
Ang Pagdalaw ng Reyna ng Seba(C)
9 Nabalitaan(D) ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Haring Solomon. Kaya't nagsadya siya sa Jerusalem upang subukin ito sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. Marami siyang kasamang tauhan at mga kamelyong may kargang mga pabango, ginto at mamahaling bato. Nang makaharap niya si Solomon, itinanong niya rito ang lahat ng maisipan niyang itanong. 2 Ipinaliwanag naman ni Solomon ang lahat ng ibig malaman ng reyna. Wala itong tanong na hindi niya nasagot. 3 Napatunayan ng reyna ang karunungan ni Solomon at nakita niya ang palasyong ipinatayo nito. 4 Nakita rin niya ang mga pagkain sa hapag ng hari at ang mga silid ng kanyang mga opisyal, gayundin ang paglilingkod ng kanyang mga utusan at mga tagadala ng inumin at ang mga kasuotan nilang lahat. Nakita rin niya ang mga handog na susunugin na iniaalay ni Solomon sa Templo ni Yahweh. Labis siyang namangha sa lahat niyang nakita.
5 Kaya't sinabi niya sa hari: “Totoo nga pala ang balitang nakarating sa bayan ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan. 6 Noong una'y hindi ako makapaniwala. Ngunit ngayong makita ng dalawa kong mata, wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Ang karunungan pala ninyo ay higit sa nabalitaan ko. 7 Mapalad ang inyong mga lingkod. Mapalad ang mga tauhan ninyong ito na laging nakakarinig ng inyong karunungan. 8 Purihin ang Diyos ninyong si Yahweh na nalugod sa inyo kaya't ginawa ka niyang hari upang mamahala alang-alang sa kanya. Sapagkat tapat ang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, at nais niyang patatagin ito magpakailanman. Ginawa niya kayong hari nila upang pairalin dito ang batas at katarungan.” 9 At binigyan niya ang hari ng 4,200 kilong ginto, maraming pabango at mamahaling hiyas. Walang kaparis ang mga pabangong ibinigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.
10 Bukod dito, ang mga tauhan ni Haring Hiram at ni Solomon na nagdadala ng ginto buhat sa Ofir ay may dala ring mamahaling bato at maraming kahoy na algum. 11 Ito ang kahoy na ginamit ng hari sa mga upuan sa Templo at sa kanyang palasyo at sa mga lira at alpa ng mga mang-aawit. Wala pang nakikitang kahoy na tulad nito nang panahong iyon sa lupain ng Juda.
12 Ipinagkaloob naman ni Haring Solomon sa reyna ng Seba ang lahat ng hiniling nito, bukod pa sa kanyang regalo bilang ganti sa pasalubong nito sa kanya. Pagkatapos, umuwi na ang reyna ng Seba at ang kanyang mga tauhan sa kanilang lupain.
Ang Kayamanan ni Solomon(E)
13 Taun-taon, 23,310 kilong ginto ang dumarating kay Solomon. 14 Hindi pa kabilang dito ang buwis ng mga mangangalakal, ang tinutubo ng kanyang mga tauhang umaangkat sa ibang bansa at ang buwis ng mga hari sa Arabia at ng mga gobernador ng lalawigan. 15 Nagpagawa siya ng 200 malalaking kalasag na may balot na pitong kilong pinitpit na ginto bawat isa. 16 Nagpagawa pa siya ng 300 maliliit na kalasag na may balot namang tatlong kilong pinitpit na ginto bawat isa. Ipinalagay ng hari ang nasabing mga kalasag sa Bulwagan ng Kagubatang Lebanon. 17 Nagpagawa rin siya ng isang malaking tronong balot sa garing na may palamuting ginto. 18 Balot din ng ginto ang anim na baytang na paakyat sa trono at ang tuntungan dito. May patungan ng kamay sa magkabilang tagiliran ng trono at may rebulto ng nakatayong leon sa magkabila. 19 Labindalawang rebultong leon naman ang nakahanay sa magkabilang dulo ng anim na baytang. 20 Walang ganitong trono na nagawa saan mang kaharian. Lantay na ginto ring lahat ang mga kopa ni Haring Solomon at ang mga kasangkapan sa Bulwagan ng Kagubatang Lebanon. Hindi gaanong pinahahalagahan ang pilak noon. 21 May mga malalaking barko siyang nagbibiyahe sa Tarsis kasama ng mga tauhan ni Hiram at tuwing ikatlong taon ay dumarating na maraming dalang ginto, pilak, garing, mga gorilya at pabo real.[a]
22 Si Haring Solomon ang pinakamarunong at pinakamayaman sa lahat ng mga hari sa buong mundo. 23 Kaya't pinupuntahan siya ng mga hari buhat sa iba't ibang panig ng daigdig upang makinig sa karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 24 Bawat isa'y may dalang regalo: mga kasangkapang ginto at pilak, mga damit, mira, mga pabango, mga kabayo at mola. Nagpapatuloy ito taun-taon. 25 Si(F) Solomon ay may 4,000 kuwadra para sa kanyang mga kabayo at karwahe. Mayroon rin siyang 12,000 na mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga lunsod-himpilan ng mga karwahe at ang iba nama'y pinapaalagaan sa Jerusalem. 26 Sakop(G) niya ang lahat ng mga hari ng mga lupain buhat sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa may hangganan ng Egipto. 27 Nang panahon ni Haring Solomon, ang pilak sa Jerusalem ay naging pangkaraniwan lamang na parang bato, at ang kahoy na sedar ay naging sindami ng sikamoro sa mga paanan ng mga burol. 28 Ang(H) mga kabayo ni Solomon ay galing sa Egipto at sa iba't ibang bansa.
Ang Buod ng Kasaysayan ni Solomon(I)
29 Ang iba pang mga pangyayari sa paghahari ni Solomon buhat sa simula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ni Propeta Natan at sa Pahayag ni Ahias na Taga-Shilo. Mababasa rin iyon sa Mga Pangitain ni Propeta Iddo na nagsasaad din ng paghahari ni Jeroboam na anak ni Nebat. 30 Apatnapung taóng naghari si Solomon sa buong Israel mula sa Jerusalem. 31 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Lunsod ni David. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Rehoboam.
Nahati ang Kaharian(J)
10 Pumunta sa Shekem si Rehoboam sapagkat nagtipun-tipon doon ang buong Israel upang gawin siyang hari. 2 Nang mabalitaan iyon ni Jeroboam, anak ni Nebat na pumunta sa Egipto upang tumakas kay Haring Solomon, ay umuwi na ito. 3 Ipinasundo siya ng mga lipi sa hilaga at sama-sama silang pumunta kay Rehoboam. Sinabi nila: 4 “Binigyan po kami ng mabigat na pasanin ng inyong ama. Kung pagagaanin po ninyo ang pasanin na aming dinadala, paglilingkuran namin kayo.”
5 Sinagot sila ni Rehoboam: “Bigyan ninyo ako ng tatlong araw upang pag-isipan ang inyong kahilingan, saka kayo bumalik.” At umalis nga ang mga tao.
6 Sumangguni si Rehoboam sa matatandang tagapayo na naglingkod sa kanyang ama nang ito'y nabubuhay pa. Itinanong niya kung ano ang dapat niyang sabihin sa mga tao. 7 Ganito ang sabi ng matatanda: “Kapag magiging mabait kayo sa mga taong ito, at pagbibigyan ninyo sila sa kanilang kahilingan, paglilingkuran nila kayo nang tapat habang panahon.”
8 Ngunit binaliwala ni Rehoboam ang payo ng matatanda. Sa halip, sumangguni siya sa kanyang mga kababata na ngayo'y mga tagapayo niya. 9 Tinanong niya ang mga ito kung ano ang dapat niyang isagot sa mga taong humihiling na pagaanin ang pasaning ipinataw sa kanila ng kanyang ama.
10 Ganito naman ang sagot ng mga kabataan: “Sabihin mo sa kanila na ang iyong ama ay naging mahina. 11 Dagdagan mo pa ang pahirap sa kanila. Kung latigo ang panghampas sa kanila noon ng iyong ama, ngayon ay gawin mong tinik na bakal.”
12 Nang ikatlong araw, bumalik nga si Jeroboam at ang mga taong-bayan ayon sa sinabi sa kanila ni Rehoboam. 13 Taliwas sa payo ng matatanda, mabagsik ang sagot niya sa mga tao. 14 Ang sinunod niya'y ang payo ng mga kabataan. Sinabi niya, “Kung mabigat ang ipinapasan sa inyo ng aking ama, daragdagan ko pa iyan. Kung hinagupit niya kayo ng latigo, may tinik na bakal naman ang ihahagupit ko sa inyo.” 15 Hindi nga dininig ng hari ang karaingan ng bayan. Pinahintulutan iyon ng Diyos na si Yahweh upang matupad ang kanyang sinabi sa pamamagitan ni Ahias na taga-Shilo, tungkol kay Jeroboam na anak ni Nebat.
16 Nang(K) hindi sila pakinggan ng hari, sinabi nila: “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse? Bahala ka na sa buhay mo, Rehoboam!” At umuwi na ang mga mamamayan ng Israel. 17 Ngunit naghari si Rehoboam sa mga Israelitang naninirahan sa mga bayan ng Juda. 18 Sinugo ni Haring Rehoboam si Adoram, ang tagapangasiwa ng sapilitang paggawa sa sampung lipi ng Israel. Ngunit binato siya ng mga ito hanggang mamatay. Kaya't nagmamadaling sumakay sa karwahe si Rehoboam upang tumakas patungong Jerusalem. 19 Magmula noon, patuloy na naghimagsik sa paghahari ng angkan ni David ang sampung lipi ng Israel na nasa hilaga.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.