Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Historical

Read the books of the Bible as they were written historically, according to the estimated date of their writing.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Nehemias 9-11

Ipinahayag ni Ezra ang Kasalanan ng Israel

Noong ika-24 na araw ng buwan ding iyon, nagtipon ang mga Israelita upang mag-ayuno. Nagsuot sila ng damit-panluksa at naglagay ng abo sa kanilang ulo upang ipahayag ang pagsisisi sa kanilang mga kasalanan. Lumayo sila sa mga dayuhan. Tumayo sila upang ipahayag ang kanilang mga kasalanan at ng kanilang mga ninuno. Nanatili silang nakatayo sa kanilang kinaroroonan sa loob ng tatlong oras samantalang binabasa sa kanila ang Kautusan ni Yahweh na kanilang Diyos. Pagkatapos, tatlong oras din silang nagpahayag ng kanilang mga kasalanan at sumamba kay Yahweh na kanilang Diyos. Noo'y nasa isang entablado ang mga Levitang sina Jeshua, Bani, Kadmiel, Sebanias, Buni, Serebias, Bani at Kenani at nananalangin nang malakas kay Yahweh na kanilang Diyos. Sina Jeshua, Kadmiel, Bani, Hasabneias, Serebias, Hodias, Sebanias at Petahias ay nanawagan sa mga tao upang sumamba. Sabi nila:

“Tumayo tayo at purihin ang Diyos nating si Yahweh.
    Purihin siya ngayon at magpakailanman!
Purihin ang kanyang dakilang pangalan,
    na higit na dakila sa lahat ng papuri!”

Pagpapahayag ng Kasalanan

At ang lahat ay sama-samang nanalangin ng ganito:
“Yahweh, ikaw lamang ang Panginoon;
    ikaw ang lumikha ng kalangitan
at ginawa mo ang lupa, ang langit ng mga langit,
    ang lahat ng bituin doon, at lahat ng narito;
ang dagat at ang lahat ng naroroon.
    Binibigyang buhay mo sila,
at ika'y sinasamba ng buong kalangitan.
Ikaw,(A) Yahweh, ang Diyos na pumili kay Abram.
    Ikaw ang tumawag sa kanya mula sa bayan ng Ur, sa Caldea
    at pinangalanan mo siyang Abraham.
Nakita(B) mo siyang tapat sa inyo
    at gumawa ka ng kasunduan sa kanya.
Ipinangako mo sa kanya at sa kanyang magiging mga anak
    na ibibigay sa kanila ang lupain ng mga Cananeo,
    ng mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo at Gergeseo.
Tinupad mo ang iyong pangako sa kanila sapagkat ikaw ay tunay na matapat.
“Nakita(C) mo ang paghihirap ng aming mga ninuno sa Egipto.
Narinig mo ang pagtangis nila sa Dagat na Pula.[a]
10 Gumawa(D) ka ng mga himala at mga bagay na kamangha-mangha laban sa Faraon,
    laban sa kanyang mga lingkod at sa mga mamamayan ng kanyang lupain,
    sapagkat alam mong pinagmalupitan nila ang aming mga ninuno.
Ang pangalan mo'y tanyag magpahanggang ngayon.
11 Sa(E) kanilang harapa'y hinati mo ang dagat,
    at sa gitna nito'y dumaan sila sa tuyong lupa.
Ang mga humabol sa kanila'y nilunod mong lahat,
    parang mga batong lumubog sa nagngangalit na dagat.
12 Pinatnubayan(F) mo sila ng haliging ulap kung araw,
    at haliging apoy kung gabi, upang matanglawan ang kanilang paglalakbay.
13 Mula(G) sa langit ay bumabâ ka sa Bundok Sinai
    at kinausap mo ang iyong bayan.
    Binigyan mo sila ng mga tuntuning makatarungan,
    mga batas na maaasahan at mabubuting kautusan.
14 Itinuro mo sa kanilang ipangilin ang Araw ng Pamamahinga
    at ibinigay mo sa kanila ang iyong Kautusan sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod.

15 “Nang(H) sila'y magutom, binigyan mo sila ng pagkaing mula sa langit;
    at nang sila'y mauhaw, pinainom mo ng tubig mula sa bato.
At sa kanila'y sinabi mo na sakupin ang lupaing
    sa kanila'y ipinangako mong ibigay.
16 Ngunit(I) naging palalo ang aming mga ninuno,
    nagmatigas sila at sinuway ang mga utos mo.
17 Hindi(J) sila sumunod at nilimot ang mga himalang iyong ginawa para sa kanila.
Naging matigas ang kanilang ulo at naglagay ng pinuno
    na mangunguna sa kanila pabalik sa pagkaalipin sa Egipto.
Ngunit ikaw ay Diyos na mapagpatawad at mahabagin,
    hindi madaling magalit at sagana sa wagas na pag-ibig,
    kaya't sila'y hindi mo itinakwil.
18 Gumawa(K) rin sila ng diyus-diyosang guya,
    at sinabing iyon ang diyos na naglabas sa kanila mula sa Egipto.
Labis ka nilang nilapastangan!
19 Ngunit(L) hindi mo pa rin sila pinabayaan sa ilang,
    sapagkat walang kapantay ang iyong kahabagan.
Hindi mo inalis ang haliging ulap
    na patnubay nila sa paglalakbay sa araw
    at ang haliging apoy na tumatanglaw sa kanila pagsapit ng dilim.
20 Pinatnubayan mo sila ng iyong Espiritu, upang turuan sila ng dapat nilang gawin.
    Patuloy mo silang pinakain ng manna, at binigyan ng tubig na pamatid uhaw.
21 Apatnapung taon mo silang kinalinga sa ilang,
    kaya't sa anuman ay hindi sila nagkulang.
    Hindi nasira ang kanilang mga kasuotan,
    ni namaga man ang kanilang mga paa sa paglalakad.

22 “Pinasakop(M) mo sa kanila ang mga kaharian at bayan,
    ang lupaing sakop ni Haring Sihon ng Hesbon
    at ang lupain ni Haring Og ng Bashan.
23 Pinarami(N) mo ang kanilang mga anak tulad ng mga bituin sa langit.
    Dinala mo sila sa lupain
    na ipinangakong sasakupin ng kanilang mga ninuno.
24 Pinasok(O) nga nila at sinakop ang lupain ng Canaan,
    sa harap nila'y tinalo ang mga Cananeong naninirahan doon.
Ibinigay ninyo sa kanila ang kanilang mga hari at ang lahat ng mamamayan sa lupain
    upang sa kanila'y gawin ang anumang naisin.
25 Pinasok(P) nila at sinakop ang mga may pader na lunsod.
    Nakuha nila ang matataba nilang lupain, at sinamsam ang kanilang mga ari-arian:
    mga bahay na puno ng kayamanan,
    mga balon, mga ubasan, taniman ng olibo at mga bungangkahoy.
Sagana sila sa pagkain at lumusog ang kanilang katawan,
    at tuwang-tuwa sila sa iyong dakilang kabutihan.

26 “Ngunit(Q) (R) kinalaban ka pa rin nila,
    at tinalikuran nila ang iyong Kautusan.
Pinatay nila ang iyong mga propeta
    na isinugo mo upang sila'y panumbalikin sa iyo.
Patuloy ka nilang hinahamak.
27 Dahil sa ginawa nila, pinabayaan mong sakupin sila ng kanilang mga kaaway,
    ipinaalipin mo sila at pinahirapan.
Ngunit nang sila'y tumawag sa iyo,
    pinakinggan mo pa rin sila mula sa langit.
Sa habag mo sa kanila,
    binigyan mo sila ng mga pinunong sa kanila'y magliligtas.
28 Ngunit nang ang buhay nila'y naging matiwasay, muli silang nagkasala laban sa iyo,
    kaya't pinababayaan mo silang muling matalo ng kaaway.
Ngunit kapag sila'y muling nagsisi at humingi ng tulong,
    pinapakinggan mo sila mula sa langit
    at paulit-ulit mo silang inililigtas sapagkat ikaw ay mahabagin.
29 Binabalaan(S) mo silang manumbalik sa iyong Kautusan,
    ngunit sa kanilang kapalalua'y lalo nilang nilabag ito.
    Kahit na ang Kautusan mo ay nagbibigay-buhay,
sa katigasan ng kanilang ulo'y sinuway nila iyon.
30 Maraming(T) taon na pinagtiisan mo sila,
at binalaan ng iyong Espiritu[b] sa pamamagitan ng mga propeta,
    ngunit hindi pa rin sila nakinig.
    Kaya't ipinasakop mo na naman sila sa mga dayuhan.
31 Ngunit dahil sa iyong labis na kahabagan,
    hindi mo rin sila ganap na nilipol at itinakwil.
Ikaw ay mapagpatawad at mahabaging Diyos!

32 “O(U) aming Diyos, napakadakila mong Diyos,
    kakila-kilabot ang iyong kapangyarihan.
Tumutupad ka sa iyong kasunduan at mga pangako.
Mula pa nang kami'y sakupin ng mga hari ng Asiria,
    hanggang ngayo'y labis ang aming paghihirap.
Naghirap ang aming mga hari at pinuno,
    mga pari, mga propeta, at ang mga ninuno.
    Ang iyong buong bayan ay dumanas ng kahirapan,
kaya't alalahanin mo ang aming pagdurusa.
33 Makatuwiran ka sa iyong pagpaparusa sa amin;
    naging tapat ka sa kabila ng aming pagkakasala.
34 Ang aming mga ninuno, hari, pinuno at pari
    ay hindi sumunod sa iyong Kautusan.
Sinuway nila ang iyong mga utos at babala.
35 Sa gitna ng kasaganaang kanilang tinatamasa, sa ilalim ng mabuting pamamahala ng kanilang mga hari,
    sa kabila ng malalawak at matatabang lupaing kanilang minana,
    hindi pa rin sila naglingkod sa iyo at nagsisi sa kanilang mga kasalanan.
36 Ngayon, sa lupaing ito na iyong ipinamana,
    sa lupaing ito na ang pagkain ay sagana, kami'y busabos at alipin.
37 Ang dahilan ay ang aming pagkakasala,
    kaya ang nagpapasasa sa ani ng bukid ay ang mga haring sa ami'y lumupig.
Nasusunod nila anumang gustuhin, pati mga kawan nami'y inaangkin.
    O sukdulan na itong hirap namin!”

Pangakong Susundin ang Kautusan

38 Dahil dito, kaming sambayanang Israel ay gumawa ng isang kasulatan ng sinumpaang kasunduan. Ito'y lubos na sinang-ayunan at nilagdaan ng aming mga pinuno, mga Levita at mga pari.

10 Ang unang lumagda sa kasunduan ay ang anak ni Hacalias na si Nehemias, ang gobernador. Pagkatapos ay si Zedekias at ang mga paring sina:

Seraias, Azarias, Jeremias,

Pashur, Amarias, Malquijas,

Hatus, Sebanias, Maluc,

Harim, Meremot, Obadias,

Daniel, Gineton, Baruc,

Mesulam, Abijas, Mijamin,

Maazias, Bilga at Semaias.

9-13 Sumunod ang mga Levitang sina:

Jeshua na anak ni Azanias,

Binui na mula sa angkan ni Henadad,

at sina Kadmiel, Sebanias,

Hodias,

Kelita, Pelaias, Hanan,

Mica, Rehob, Hashabias,

Zacur, Serebias, Sebanias,

Hodias, Bani at Beninu.

14-27 Mula naman sa mga pinuno ng bayan, ang lumagda sina:

Paros, Pahat-moab,

Elam, Zatu, Bani,

Buni, Azgad, Bebai,

Adonijas, Bigvai, Adin,

Ater, Hezekias, Azur,

Hodias, Hasum, Bezai,

Harif, Anatot, Nebai,

Magpias, Mesulam, Hezir,

Mesezabel, Zadok, Jadua,

Pelatias, Hanan, Anaias,

Hosea, Hananias, Hasub,

Halohesh, Pilha, Sobek,

Rehum, Hasabna, Maaseias,

Ahias, Hanan, Anan,

Maluc, Harim at Baana.

Ang Kasunduan

28 Kami, ang sambayanang Israel, ang mga pari, mga Levita, mga bantay-pintuan, mga mang-aawit at mga manggagawa sa Templo, at ang lahat ng iba pang lumayo sa mga dayuhang naninirahan sa aming lupain bilang pagsunod sa Kautusan ng Diyos, pati ang aming mga asawa at ang aming mga anak na lalaki at babae na pawang may sapat nang pag-iisip 29 ay nanunumpa kasama ng aming mga pinuno at nangangakong tutuparin ang buong Kautusan na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Moises. Susundin namin ang lahat ng tuntunin at utos ng Diyos naming si Yahweh.

30 Hindi(V) namin papayagang mag-asawa ang aming mga anak sa mga dayuhang naninirahan sa aming lupain.

31 Kung(W) sila'y magtinda ng trigo o anumang paninda sa Araw ng Pamamahinga, hindi kami bibili sa kanila.

Tuwing ika-7 taon, hindi namin tatamnan ang mga bukirin at hindi na namin sisingilin ang mga may utang sa amin.

32 Taun-taon,(X) magbibigay ang bawat isa sa amin ng halos apat na gramong pilak upang makatulong sa gastusin para sa Templo. 33 Magkakaloob kami ng mga sumusunod para sa serbisyo ng pagsamba doon sa Templo: tinapay na handog, pang-araw-araw na handog na pagkaing butil, mga handog na susunugin bilang handog araw-araw, handog sa Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at iba pang kapistahan, iba pang handog, ang mga handog para sa kapatawaran ng kasalanan ng Israel, at iba pang kailangan sa Templo. 34 Kaming lahat ay magpapalabunutan taun-taon, ang mga pari, mga Levita at mga mamamayan, para malaman kung aling angkan ang magdadala ng kahoy na panggatong sa mga handog sa altar ni Yahweh na ating Diyos ayon sa itinatakda ng Kautusan. 35 Taun-taon(Y) ay dadalhin din namin sa Templo ni Yahweh ang unang ani ng bukirin at ang unang bunga ng mga punongkahoy. 36 Dadalhin(Z) din namin sa mga pari na maglilingkod sa Templo ang mga panganay naming anak na lalaki upang ilaan sa paglilingkod sa Diyos; gayundin ang panganay na anak ng baka, tupa at kambing para naman ihandog ayon sa itinatakda ng Kautusan. 37 Magdadala(AA) rin kami taun-taon ng minasang harina mula sa unang ani ng trigo at iba naming mga handog na alak, langis ng olibo at lahat ng uri ng bungangkahoy. Magbibigay rin kami sa mga Levita ng ikasampung bahagi ng mga inani sa aming bukirin. Ang mga Levitang ito ang naglilikom ng mga ikasampung bahagi at magdadala ng mga ito sa Templo. 38 Sasamahan(AB) ng mga pari mula sa angkan ni Aaron ang mga Levitang tagapaglikom ng ikasampung bahagi. Ang ikasampung bahagi nito ay dadalhin nila sa kabang-yaman ng Templo para gamitin doon. 39 Ang mga Israelita at ang mga Levita ang magdadala ng mga naipong trigo, alak at langis para itago sa mga bodega ng mga kagamitan sa Templo. Dito nakatira ang mga paring naglilingkod, ang mga bantay-pintuan at ang mga mang-aawit. Hindi namin pababayaan ang Templo ng aming Diyos.

Ang mga Nanirahan sa Jerusalem

11 Ang mga pinuno ng bayan ay tumira sa Jerusalem at ang iba nama'y nagpalabunutan upang sa bawat sampung pamilya ay kumuha ng isang titira sa banal na lunsod. Ang siyam naman ay nanirahan sa iba't ibang bayan ng Juda. Pinupuri ng mga tao ang sinumang kusang-loob na tumira sa Jerusalem.

Ang(AC) ibang mga Israelita, mga pari, mga Levita, mga tagapaglingkod sa templo at ang mga angkan ng mga lingkod ni Solomon ay sa iba't ibang bayan tumira, sa kani-kanilang lupain.

Narito ang mga pangunahing mamamayan ng Juda na nanirahan sa Jerusalem: Mula sa lipi ni Juda: si Ataias na anak ni Uzias at apo ni Zacarias. Kabilang sa kanyang mga ninuno sina Amarias, Sefatias, at Mahalalel na pawang mula sa angkan ni Peres na anak ni Juda. Si Maaseias na anak ni Baruc at apo ni Colhoze. Kabilang sa kanyang mga ninuno sina Hazaias, Adaias, Joiarib at Zacarias mula sa angkan ni Sela. Ang kabuuan ng magigiting na lalaki mula sa angkan ni Peres ay 468.

Mula sa lipi ni Benjamin: sina Salu na anak ni Mesulam at apo ni Joed. Ang iba pa niyang ninuno ay sina Pedaias, Kolaias, Maaseias, Itiel at Jesaias. Sina Gabai at Salai ay malapit na kamag-anak ni Salu. Lahat-lahat ay 928 Benjaminita. Ang pinuno nila ay si Joel na anak ni Zicri at ang kanang kamay nito ay si Juda na anak ni Hesenua.

10 Sa mga pari naman ay kabilang ang mga sumusunod: si Jedaias na anak ni Joiarib, si Jaquin, 11 si Seraias na anak ni Hilkias at apo ni Mesulam. Kabilang din sa kanyang mga ninuno sina Zadok na anak ni Meraiot at si Ahitub na pinakapunong pari. 12 Ang kabuuan ng angkan niyang naglingkod sa Templo ay 822. Kabilang din sina Adaias na anak ni Jeroham at apo ni Pelalias. Ang kasama sa mga ninuno niya ay sina Amzi, Zacarias, Pashur at Malquijas. 13 Ang kabuuang bilang ng mga pangulo ng sambahayan sa kanyang angkan ay 242. Kasama rin sa tumira sa Jerusalem si Amasai na anak ni Azarel at apo ni Azai. Ang kasamang ninuno niya ay sina Mesilemot at Imer. 14 Ang kabuuang bilang ng mga bahagi ng angkang ito na magigiting na mga kawal ay 128. Ang kanilang pinuno ay si Zabdiel na mula sa isang kilalang pamilya.[c]

15 Mula sa mga Levita: si Semaias na anak ni Hasub at apo ni Azrikam. Kabilang sa kanyang mga ninuno sina Hashabias at Buni.

16 Sina Sabetai at Jozabad, mga kilalang Levita ang namahala sa mga gawain sa labas ng Templo. 17 Kasama rin nila si Matanias na anak ni Mica at apo ni Zabdi, mula sa angkan ni Asaf. Siya ang tagapanguna sa korong umaawit ng panalangin ng pasasalamat. Kasama rin niya si Bakbukuias na naging lingkod ni Matanias.

Si Abda na anak ni Samua at apo ni Galal na mula sa angkan ni Jeduthun. 18 Ang kabuuan ng mga Levita sa banal na lunsod ng Jerusalem ay 284.

19 Ang mga bantay sa Templo: sina Akub at Talmon kasama ang kanilang mga kamag-anak ay 172 lahat. 20 Ang iba pang mga Israelita, mga pari at Levita ay nanirahan sa ibang bayan ng Juda, sa kani-kanilang mga lupaing minana. 21 Ang lahat namang manggagawa sa Templo sa ilalim ng pamamahala nina Ziha at Gispa ay doon naman tumira sa Ofel.

22 Ang namahala sa mga Levitang nasa Jerusalem ay si Uzi, anak ni Bani at apo ni Hashabias. Kasama sa kanyang mga ninuno sina Matanias at Mica at siya mismo ay mula sa angkan ni Asaf, ang angkan na namamahala sa mga awitin sa loob ng Templo ni Yahweh. 23 Ang mga mang-aawit ay may kanya-kanyang araw ng paglilingkod, ayon sa mga tuntuning itinakda ng hari.

24 Si Petahias na anak ni Mesezabel mula sa angkan ni Zera sa lipi ni Juda, ang kinatawan ng sambayanang Israel sa pagdulog sa hari ng Persia.

Iba pang mga Bayan na Tinirhan ng Ibang Israelita

25 Ang mga nagmula sa lipi ni Juda ay tumira sa mga bayang malapit sa kanilang bukirin. Tumira sila sa Lunsod ng Arba, Dibon at Jekabzeel at sa mga nayong malapit sa mga lunsod na ito. 26 Ang iba sa kanila'y tumira sa mga lunsod ng Jeshua, Molada, Beth-pelet, 27 Hazar-shual, Beer-seba, at sa mga nayong nakapaligid dito. Nanirahan din sila sa mga lunsod ng 28 Ziklag, Mecona, at sa mga nayong nakapaligid dito, 29 sa En-rimon, Zora, Jarmut, 30 Zanoa, Adullam, Laquis at sa mga kalapit bukirin at sa Azeka at sa mga nayon nito. Nanirahan sila sa nasasakupan ng lupaing nasa pagitan ng Beer-seba sa timog at ng Libis ng Ben Hinom sa hilaga.

31 Ang mga angkan namang mula sa lipi ni Benjamin ay nanirahan sa mga bayan ng Geba, Micmas, Ai, Bethel at sa mga kalapit na nayon ng 32 Anatot, Nob, Ananias, 33 Hazor, Rama, Gitaim, 34 Hadid, Zeboim, Nebalat, 35 Lod at Ono at sa Libis ng mga Panday. 36 May mga pangkat ng mga Levita na dating nanirahan sa lupain ng Juda na napasama sa lipi ni Benjamin.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.