Historical
Ang Mga Pagtatagumpay ni David(A)
18 Kinalaunan, natalo at sinakop ni David ang mga Filisteo. Inagaw niya sa kanila ang Gat at ang mga baryo sa paligid nito. 2 Natalo rin ni David ang mga Moabita, at sinakop niya sila at nagbayad sila ng buwis sa kanya. 3 Nakipaglaban din si David kay Haring Hadadezer ng Zoba, hanggang doon sa Hamat, noong naglakbay si Hadadezer sa pagsakop sa mga lupaing malapit sa Ilog ng Eufrates. 4 Naagaw nina David ang 1,000 niyang karwahe, 7,000 mangangarwahe, at 20,000 sundalo. Pinilayan nina David ang mga kabayo na humihila ng mga karwahe maliban lang sa 100 na itinira nila para gamitin. 5 Nang dumating ang mga Arameo[a] mula sa Damascus para tulungan si Hadadezer, pinatay nila David ang 22,000 sa mga ito. 6 Nagpatayo agad si David ng mga kampo sa Damascus, ang lugar ng mga Arameo. At naging sakop niya ang mga ito, at nagbayad sila ng buwis sa kanya. Pinagtagumpay ng Panginoon si David kahit saang labanan siya magpunta. 7 Kinuha ni David ang mga gintong kalasag ng mga opisyal ni Hadadezer, at dinala ang mga ito sa Jerusalem. 8 Kinuha rin niya ang maraming tanso sa Teba[b] at Cun, mga bayang sakop ni Hadadezer. Kinalaunan, ang mga tansong ito ang ginamit ni Solomon sa pagpapagawa ng malaking sisidlan ng tubig na parang kawa na tinatawag na Dagat, mga haligi, at ng mga kagamitang tanso para gamitin sa templo.
9 Nang mabalitaan ni Haring Tou,[c] ng Hamat na tinalo ni David ang buong sundalo ni Haring Hadadezer ng Zoba, 10 pinapunta niya ang anak niyang si Hadoram[d] kay Haring David para kamustahin at batiin sa pagkakapanalo niya kay Hadadezer. (Noon pa man ay magkalaban na sina Tou at Hadadezer.) Nagdala si Hadoram ng mga regalong gawa sa ginto, pilak, at tanso. 11 Inihandog ito ni Haring David sa Panginoon, gaya ng ginawa niya sa mga pilak at ginto na naagaw niya mula sa mga sumusunod na bansa – ang Edom, Moab, Ammon, Filistia at Amalek.
12 Si Abishai na anak ni Zeruya ay nakapatay ng 18,000 Edomita sa Lambak ng Asin. 13 Naglagay si David ng mga kampo sa Edom at naging sakop niya ang lahat ng Edomita. Pinagtagumpay ng Panginoon si David saan man siya pumunta para makipaglaban.
Ang mga Opisyal ni David
14 Naghari si David sa buong Israel, na gumagawa ng matuwid at tama para sa lahat ng mamamayan niya. 15 Si Joab na anak ni Zeruya ang namumuno sa mga sundalo niya. Si Jehoshafat na anak ni Ahilud ang namamahala ng mga kasulatan ng kaharian. 16 Sina Zadok na anak ni Ahitub at si Ahimelec[e] na anak ni Abiatar ang mga pari. Ang kalihim ay si Shavsa.[f] 17 Si Benaya na anak ni Jehoyada ang pinuno ng mga Kereteo at Peleteo. At ang mga punong opisyal ni David ay ang kanyang mga anak na lalaki.
Ang Digmaan laban sa mga Ammonita at Arameo(B)
19 Makalipas ang ilang panahon, namatay si Nahash, na hari ng mga Ammonita. At ang anak niya na si Hanun ang pumalit sa kanya bilang hari. 2 Sinabi ni David, “Pakikitaan ko ng kabutihan si Hanun dahil naging mabuti ang ama niya sa akin.” Kaya nagpadala si David ng mga opisyal para ipakita ang pakikiramay niya kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito.
Pero pagdating ng mga opisyal ni David sa lupain ng mga Ammonita, 3 sinabi ng mga opisyal ng mga Ammonita sa kanilang hari, “Iniisip nʼyo ba na pinaparangalan ni David ang inyong ama sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga tauhan para makiramay sa kalungkutan ninyo? Hindi! Ipinadala niya ang mga taong iyan para magmanman sa lupain natin at wasakin ito.” 4 Kaya ipinadakip ni Hanun ang mga tauhan ni David, inahit ang balbas nila at ginupit ang kanilang mga damit mula baywang pababa at pagkatapos ay pinauwi sila.
5 Sa ganoong kalagayan, nahihiya silang umuwi dahil sa kanilang itsura. At nang mabalitaan ni David ang nangyari, nagsugo siya ng mga mensahero para sabihin sa mga opisyal niya na manatili muna sila sa Jerico hanggang sa tumubo na ang mga balbas nila. Pagkatapos, maaari na silang umuwi.
6 Napag-isip-isip ng mga Ammonita na ginalit nila si David. Kaya nagbayad sila ng 35 toneladang pilak para umupa ng mga karwahe at mga mangangarwahe mula sa Aram Naharaim,[g] Aram Maaca at Zoba.
7 Ang bilang ng mga karwahe at mga mangangarwahe ay 32,000. Sumama rin sa kanila ang hari ng Maaca at ang mga sundalo nito. Nagkampo sila malapit sa Medeba. At naghanda rin ang mga Ammonita at lumabas sa bayan nila para makipaglaban. 8 Nang mabalitaan ito ni David, isinugo niya si Joab at ang lahat ng matatapang na sundalo sa pakikipaglaban. 9 Pumwesto ang mga Ammonita sa pakikipaglaban sa may pintuan ng kanilang lungsod, habang ang mga hari na sumama sa kanila ay pumwesto sa kapatagan.
10 Nang makita ni Joab na may mga kalaban sa harap nila at likuran, pumili siya ng pinakamahuhusay na sundalo ng Israel, at pinamunuan niya ang mga ito sa pakikipaglaban sa mga Arameo. 11 Si Abishai naman na kanyang kapatid ang pinamuno niya sa mga natitirang sundalo sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. 12 Sinabi ni Joab kay Abishai, “Kung makikita mo na parang matatalo kami ng mga Arameo, tulungan ninyo kami, pero kung kayo naman ang parang matatalo ng mga Ammonita, tutulungan namin kayo. 13 Magpakatatag tayo at buong tapang na makipaglaban para sa ating mga mamamayan at mga lungsod ng ating Dios. Gagawin ng Panginoon kung ano ang mabuti para sa kanya.”
14 Sumalakay sina Joab at ang mga tauhan niya sa mga Arameo, at nagsitakas ang mga Arameo sa kanila. 15 Nang makita ng mga Ammonita na tumatakas ang mga Arameo, tumakas din sila palayo kay Abishai na kapatid ni Joab, at pumasok sa lungsod nila. Kaya umuwi sina Joab sa Jerusalem.
16 Nang mapansin ng mga Arameo na natatalo sila ng mga Israelita, nagsugo sila ng mga mensahero sa mga kasama nilang mga Arameo na nasa kabilang Ilog ng Eufrates para tulungan sila. Ang grupong ito ay pinamumunuan ni Shofac[h] na kumander ng mga sundalo ni Hadadezer.
17 Nang malaman ito ni David, tinipon niya ang lahat ng sundalo ng Israel sa pakikipaglaban. Pagkatapos, tumawid sila sa Ilog ng Jordan at pumwesto na nakaharap sa mga Arameo, at naglaban sila. 18 Pero nagsitakas ang mga Arameo sa mga Israelita. Nakapatay sina David ng 7,000 mangangarwahe at 40,000 sundalo na lumalakad lang. Napatay din nila si Shofac, ang kumander ng mga sundalo. 19 Nang makita ng mga sakop ni Hadadezer na natalo na sila ng mga Israelita, nakipagkasundo sila at nagpasakop kay David. Kaya mula noon, hindi na tumulong ang mga Arameo sa mga Ammonita.
Inagaw ni David ang Rabba(C)
20 Nang panahong pumupunta ang mga hari sa digmaan para makipaglaban, hindi sumama si David at nagpaiwan siya sa Jerusalem. Si Joab ang nanguna sa mga sundalo sa pakikipaglaban. Winasak nila ang lupain ng mga Ammonita at pinalibutan ang Rabba hanggang sa malipol ito. 2 Pumunta si David sa Rabba at kinuha ang gintong korona sa ulo ng hari ng mga Ammonita,[i] at inilagay niya ito sa kanyang ulo. Ang bigat ng korona na may mamahaling bato ay 35 kilo. Marami pang bagay ang nasamsam ni David sa lungsod na iyon. 3 Ginawa niyang alipin ang mga mamamayan doon at pinagtrabaho, gamit ang lagare, piko, at palakol. Ito ang ginawa ni David sa mga naninirahan sa lahat ng bayan ng mga Ammonita. Pagkatapos, umuwi si David at ang lahat ng sundalo niya sa Jerusalem.
Ang Digmaan Laban sa mga Filisteo(D)
4 Makalipas ang ilang panahon, muling naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita, nangyari ito sa Gezer. Sa labanang ito, pinatay ni Sibecai na taga-Husha si Sipai,[j] na isa sa mga angkan ng Rafa.[k] At natalo ang mga Filisteo. 5 Sa isa pa nilang labanan, pinatay ni Elhanan na anak ni Jair si Lami na kapatid ni Goliat na taga-Gat. Ang sibat ni Lami ay makapal at mabigat.[l]
6 Muli pang naglaban ang mga Filisteo at mga Israelita, nangyari ito sa Gat. Sa labanang ito, may isang tao na sobrang laki, may tig-aanim na daliri sa mga kamay at paa niya. Isa rin siya sa mga angkan ng mga Rafa. 7 Nang kutyain niya ang mga Israelita, pinatay siya ni Jonatan na anak ng kapatid ni David na si Shimea. 8 Ang mga Filisteong iyon ay mula sa mga angkan ng Rafa na taga-Gat. Pinatay sila ni David at ng mga tauhan niya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®