Historical
Ang Pagpapatayo ng Bagong Altar
3 Nang dumating ang ikapitong buwan, noong nakatira na ang mga Israelita sa kani-kanilang bayan, nagtipon silang lahat sa Jerusalem nang may pagkakaisa. 2 Pagkatapos, muling itinayo ang altar ng Dios ng Israel para makapag-alay dito ng mga handog na sinusunog ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises na kanyang lingkod.[a] Ang nagpatayo nito ay si Jeshua[b] na anak ni Jozadak at ang iba pa niyang mga kasamahang pari, at si Zerubabel na anak ni Shealtiel at ang mga kamag-anak niya. 3 Kahit takot sila sa mga tao na dati nang nakatira sa lupaing iyon,[c] itinayo nila ang altar sa dating pinagtayuan nito. Pagkatapos, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog sa umaga at gabi.
4 Ipinagdiwang din nila ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. At nag-alay sila ng mga handog na sinusunog, na kinakailangang ihandog sa bawat araw ng ganitong pista. 5 Bukod pa sa mga handog na sinusunog, naghahandog din sila ng mga handog sa bawat Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[d] at sa iba pang mga pista sa pagsamba sa Panginoon. At nag-aalay din sila ng handog na kusang-loob para sa Panginoon. 6 Kahit hindi pa nasisimulan ang muling pagpapatayo ng templo ng Panginoon, nagsimula na ang mga Israelita sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog nang unang araw ng ikapitong buwan nang taon ding iyon.
Muling Ipinatayo ang Templo
7 Nagbigay ang mga Israelita ng pera na pambayad sa mga tagatabas ng bato at sa mga karpintero. Nagbigay din sila ng mga pagkain, inumin, at langis na pambayad sa mga taga-Sidon at taga-Tyre para sa mga kahoy na sedro na galing sa Lebanon. Ang mga kahoy na ito ay isasakay sa mga barko at dadalhin sa Jopa. Pinahintulutan ito ni Haring Cyrus ng Persia.
8 Sinimulan ang pagpapatayo ng templo nang ikalawang buwan ng ikalawang taon mula nang makabalik ang mga Israelita sa Jerusalem. Tulong-tulong sa pagtatrabaho ang lahat ng nakabalik sa Jerusalem galing sa pagkabihag, kasama na rito sina Zerubabel na anak ni Shealtiel, Jeshua na anak ni Jozadak at ang mga kasamahan niyang pari, at ang mga Levita. Ang pinagkatiwalaan sa pamamahala sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon ay ang mga Levita na nasa edad 20 taon pataas. 9 Silaʼy si Jeshua,[e] ang mga anak niya at mga kamag-anak, si Kadmiel at ang mga anak niya. Silang lahat ay mula sa lahi ni Juda.[f] Tumulong din sa kanila ang mga angkan at mga kamag-anak ni Henadad na mga Levita rin.
10 Nang matapos na ng mga karpintero ang pundasyon ng templo ng Panginoon, pumwesto na ang mga pari na nakasuot ng kanilang damit na pangpari para hipan ang mga trumpeta. Pumwesto rin ang mga Levita, na angkan ni Asaf, sa pagtugtog ng mga pompyang upang purihin ang Panginoon ayon sa kaparaanan na itinuro noon ni Haring David sa Israel. 11 Nagpuri sila at nagpasalamat sa Panginoon habang umaawit ng, “Napakabuti ng Panginoon, dahil ang pag-ibig niya sa Israel ay walang hanggan.” At sumigaw nang malakas ang lahat ng tao sa pagpupuri sa Panginoon dahil natapos na ang pundasyon ng templo. 12 Nandoon ang maraming matatandang pari, mga Levita, at mga pinuno ng mga pamilya na nakakita noon sa unang templo. Umiyak sila nang malakas nang makita nila ang pundasyon ng bagong templo. At marami rin ang sumigaw sa galak. 13 Hindi na malaman ang sigaw ng kagalakan at ang tinig ng pag-iyak dahil napakaingay ng mga tao, at naririnig ito sa malayo.
Sinalungat ang Pagpapatayo ng Templo
4 Nabalitaan ng mga kaaway ng mga taga-Juda at taga-Benjamin na muling ipinapatayo ng mga bumalik galing sa pagkabihag ang templo ng Panginoon, ang Dios ng Israel. 2 Kaya pumunta sila kay Zerubabel at sa mga pinuno ng mga pamilya, at nagsabi, “Tutulungan namin kayo sa pagpapatayo ng templo dahil sinasamba rin namin ang Dios nʼyo kagaya ng ginagawa ninyo. Matagal na kaming naghahandog sa kanya, mula pa noong panahon ni Haring Esarhadon ng Asiria na siyang nagdala sa amin dito.” 3 Ngunit ito ang sagot nina Zerubabel, Jeshua, at ng mga pinuno ng mga pamilya: “Inutusan kami ni Haring Cyrus ng Persia na muling ipatayo ang templo. Ngunit hindi kayo kasama sa pagpapatayo nito para sa aming Dios. Kami lang ang magpapatayo nito para sa Panginoon, ang Dios ng Israel.”
4 Kaya pinahina ang loob at tinakot ng mga taong dati nang nakatira sa lupaing iyon[g] ang mga tao sa Juda para hindi nila maipagpatuloy ang pagpapagawa nila ng templo. 5 Sinuhulan nila ang mga opisyal ng gobyerno ng Persia para salungatin ang mga plano ng mga tao sa Juda. Patuloy nila itong ginagawa mula nang panahon na si Cyrus ang hari ng Persia hanggang sa panahong si Darius na ang hari ng Persia.
Ang Pagsalungat sa Pagpapatayo ng Templo nang Panahon ni Haring Artaserses
6 Nang maging hari si Ahasuerus, ang mga kalaban ng mga naninirahan sa Jerusalem at ng iba pang mga nakatira sa Juda ay sumulat ng mga paratang laban sa kanila. 7 At kahit na noong si Artaserses na ang hari ng Persia, sumulat din sila sa kanya. Sila ay sina Bishlam, Mitredat, Tabeel, at ang iba pa nilang mga kasama. Isinulat nila ito sa wikang Aramico at isinalin ito sa wika ng mga taga-Persia.
8-11 Sumulat din kay Haring Artaserses si Rehum na gobernador at si Shimsai na kalihim laban sa mga taga-Jerusalem. Ito ang nilalaman ng sulat nila:
“Mahal na Haring Artaserses,
“Una po sa lahat nangungumusta kami sa inyo, kaming mga lingkod nʼyo rito sa lalawigan ng kanluran ng Eufrates. Kasama po sa mga nangungumusta ay ang mga kasama naming mga pinuno at opisyal, ang mga tao sa Tripolis, Persia, Erec, Babilonia, at ang mga tao sa Susa sa lupain ng Elam. Kinukumusta rin po kayo ng mga taong pinaalis sa kanilang mga lugar ni Osnapar,[h] ang tanyag at makapangyarihan na hari ng Asiria. Itong mga mamamayan ay pinatira niya sa lungsod ng Samaria at sa ibang mga lugar sa kanluran ng Eufrates.
12 “Mahal na Hari, gusto po naming malaman nʼyo na muling ipinapatayo ng mga Judio ang lungsod ng Jerusalem. Ang mamamayan nito ay masasama at rebelde. Dumating ang mga ito sa lungsod mula sa mga lugar na inyong nasasakupan. Inaayos na nga nila ang mga pader pati na po ang mga pundasyon nito.[i] 13 Mahal na Hari, kapag muli pong naipatayo ang lungsod na ito at naayos na ang mga pader nito, hindi na magbabayad ng mga buwis at ng iba pang bayarin ang mga tao, at liliit na ang kita ng kaharian.
14 “Dahil nga po may tungkulin kami sa inyo, Mahal na Hari, at hindi namin gustong mapahiya kayo, ipinapaalam namin ito sa inyo 15 para saliksikin po ninyo ang kasulatang itinago ng mga ninuno ninyo. Sa ganoong paraan, malalaman nʼyo po na ang mga nakatira sa lungsod ng Jerusalem ay rebelde mula pa noon. Kaya nga nilipol ang lungsod na ito dahil naging problema ito ng mga hari at ng mga lugar na gustong sumakop dito. 16 Ipinapaalam lang po namin sa inyo, Mahal na Hari, na kung muling maipatayo ang lungsod na ito at maiayos na ang mga pader nito, mawawala sa inyo ang lalawigan na nasa kanluran ng Eufrates.”
17 Ito ang sagot na ipinadala ng hari:
“Nangungumusta ako sa iyo Gobernador Rehum, kay Shimsai na kalihim, at sa inyong mga kasama na nakatira sa Samaria at sa iba pang mga lugar sa kanluran ng Eufrates.
“Nawaʼy nasa mabuti kayong kalagayan.
18 “Ang sulat na inyong ipinadala ay isinalin sa wika namin at binasa sa akin. 19 Nag-utos akong saliksikin ang mga kasulatan, at napatunayan na ang mga dating naninirahan sa Jerusalem ay kumakalaban nga sa mga hari. Nakasanayan na nga ng lugar na iyan ang pagrerebelde laban sa gobyerno. 20 Nalaman ko rin sa pamamagitan ng mga kasulatan na ang Jerusalem ay pinamahalaan at pinagbayad ng buwis at ng iba pang bayarin ng mga makapangyarihang hari, na namuno sa buong lalawigan sa kanluran ng Eufrates.
21 “Ngayon, ipag-utos nʼyong itigil ng mga taong iyan ang muling pagpapatayo ng lungsod hanggaʼt hindi ko iniuutos. 22 Gawin nʼyo agad ito para hindi mapahamak ang kaharian ko.”
23 Pagkatapos basahin kina Rehum, Shimsai, at sa mga kasama nila ang liham ni Haring Artaserses, pumunta agad sila sa Jerusalem at pinilit ang mga Judio na itigil ang muling pagpapatayo ng lungsod.
24 Kaya natigil ang pagpapatayo ng templo ng Dios sa Jerusalem hanggang sa ikalawang taon ng paghahari ni Darius sa Persia.
Ipinagpatuloy ang Pagpapatayo ng Templo
5 Ngayon, inutusan ng Dios ng Israel, ang mga propeta na sina Hageo at Zacarias na apo ni Iddo para sabihin ang mensahe niya sa mga Judio sa Juda pati na sa Jerusalem. 2 Nakinig sa kanila sina Zerubabel na anak ni Shealtiel at Jeshua na anak ni Jozadak. Kaya ipinagpatuloy nila ang pagpapatayo ng templo ng Dios sa Jerusalem. Tinulungan sila ng dalawang propeta ng Dios.
3 Ngunit hindi nagtagal, dumating sa Jerusalem si Tatenai na gobernador ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates, si Shetar Bozenai, at ang mga kasama nila. Nagtanong sila[j] sa mga Judio, “Sino ang nag-utos sa inyo na ipagpatuloy ang pagpapatayo ng templong ito?” 4 Nagtanong pa sila, “Ano ang pangalan ng mga taong nagtatrabaho rito?” 5-7 Ngunit iningatan ng Dios ang mga tagapamahala ng Judio, kaya nagpasya sina Tatenai, Shetar Bozenai, at ang kanilang kasamang mga opisyal ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates na hindi muna nila ipapatigil ang pagpapatayo ng templo hanggang sa maipaalam nila ang tungkol dito kay Haring Darius at makatanggap ng kanyang sagot.
Ito ang nilalaman ng sulat na ipinadala nila kay Haring Darius:
“Mahal na Haring Darius,
“Nawaʼy nasa mabuti po kayong kalagayan.
8 “Ipinapaalam po namin, Mahal na Hari, na pumunta kami sa lalawigan ng Juda, doon sa pinagtatayuan ng templo ng makapangyarihang Dios. Malalaking bato ang ginagamit sa pagpapatayo ng templo, at ang mga pader nito ay nilagyan ng mga troso upang tumibay. Ginagawa po nila ito nang may kasipagan, kaya mabilis ang pagpapatayo nito. 9 Tinanong po namin ang mga tagapamahala nila kung sino ang nag-utos sa kanila sa muling pagpapatayo ng templo. 10 At tinanong din namin ang mga pangalan nila para maipaalam namin sa inyo kung sino ang mga namumuno sa pagpapatayo nito.
11 “Ito po ang sagot nila sa amin: ‘Mga lingkod kami ng Dios ng langit at lupa, at muli naming ipinapatayo ang templo na itinayo noon ng isang makapangyarihang hari ng Israel. 12 Ngunit dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Dios sa langit, pinabayaan niya sila na sakupin ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Giniba ni Nebucadnezar ang templong ito at binihag niya sa Babilonia ang aming mga ninuno. 13 Ngunit sa unang taon ng paghahari ni Haring Cyrus sa Babilonia, nag-utos siya na muling ipatayo ang templo ng Dios. 14 Ibinalik din niya ang mga kagamitang ginto at pilak ng templo ng Dios. Ang mga ito ay kinuha noon ni Nebucadnezar sa templo ng Jerusalem at inilagay sa templo sa Babilonia. Ipinagkatiwala ni Haring Cyrus ang mga kagamitang ito kay Sheshbazar na pinili niyang gobernador ng Juda. 15 Sinabi ng hari kay Sheshbazar na muling ipatayo ang templo ng Dios sa Jerusalem sa dati nitong pinagtayuan, at ilagay doon ang mga kagamitan nito. 16 Kaya pumunta si Sheshbazar sa Jerusalem at itinayo niya ang mga pundasyon ng templo ng Dios. Hanggang ngayon ay ginagawa pa ang templo; hindi pa ito tapos.’
17 “Ngayon, kung inyo pong mamarapatin, Mahal na Hari, ipasaliksik po ninyo ang mga kasulatan na ipinatago ng mga hari ng Babilonia kung totoo nga bang nag-utos si Haring Cyrus na muling ipatayo ang templo ng Dios sa Jerusalem. At agad nʼyo pong ipaalam sa amin kung ano ang inyong pasya tungkol dito.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®