Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Lucas 4-6

At si Jesus, na puspos ng Espiritu Santo ay bumalik mula sa Jordan at inihatid ng Espiritu sa ilang,

Sa loob ng apat na pung araw na tinutukso ng diablo. At hindi siya kumain ng anoman nang mga araw na yaon; at nang maganap ang mga yaon ay nagutom siya.

At sinabi sa kaniya ng diablo, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ipag-utos mo na ang batong ito ay maging tinapay.

At sinagot siya ni Jesus, Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao.

At iniakyat pa siya niya, at ipinakita sa kaniya sa sandaling panahon ang lahat ng mga kaharian sa sanglibutan.

At sinabi sa kaniya ng diablo, Sa iyo'y ibibigay ko ang lahat ng kapamahalaang ito, at ang kaluwalhatian nila: sapagka't ito'y naibigay na sa akin; at ibibigay ko kung kanino ko ibig.

Kaya nga kung sasamba ka sa harapan ko, ay magiging iyong lahat.

At si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Nasusulat, Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.

At dinala niya siya sa Jerusalem, at inilagay siya sa taluktok ng templo, at sinabi sa kaniya, Kung ikaw ay Anak ng Dios, ay magpatihulog ka mula rito hanggang sa ibaba:

10 Sapagka't nasusulat, Siya'y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo, upang ikaw ay ingatan:

11 At, Aalalayan ka nila ng kanilang mga kamay, Baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato.

12 At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Nasasabi, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Dios.

13 At nang matapos ng diablo ang lahat ng pagtukso, ay hiniwalayan siya niya ng ilang panahon.

14 At bumalik si Jesus sa Galilea sa kapangyarihan ng Espiritu: at kumalat ang kabantugan tungkol sa kaniya sa palibot ng buong lupain.

15 At nagtuturo siya sa mga sinagoga nila, na niluluwalhati ng lahat.

16 At siya'y napasa Nazaret na kaniyang nilakhan: at ayon sa kaniyang kaugalian, siya'y pumasok sa sinagoga nang araw ng sabbath, at nagtindig upang bumasa.

17 At ibinigay sa kaniya ang aklat ng propeta Isaias. At binuklat niya ang aklat, na nasumpungan niya ang dakong kinasusulatan,

18 Sumasa akin ang Espiritu ng Panginoon, Sapagka't ako'y pinahiran niya upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha: Ako'y sinugo niya upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, At sa mga bulag ang pagkakita, Upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi,

19 Upang itanyag ang kaayaayang taon ng Panginoon.

20 At binalumbon niya ang aklat, at isinauli sa naglilingkod, at naupo: at ang mga mata ng lahat ng nangasa sinagoga ay nangakatitig sa kaniya.

21 At siya'y nagpasimulang magsabi sa kanila, Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig.

22 At siya'y pinatotohanan ng lahat, at nangagtataka sa mga salita ng biyaya na lumalabas sa kaniyang bibig: at sinabi nila, Hindi baga ito ang anak ni Jose?

23 At sinabi niya sa kanila, Walang salang sasabihin ninyo sa akin itong talinghaga, Manggagamot, gamutin mo ang iyong sarili: ang anomang aming narinig na ginawa sa Capernaum, ay gawin mo naman dito sa iyong lupain.

24 At sinabi niya, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang propetang kinalulugdan sa kaniyang tinubuang lupa.

25 Datapuwa't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maraming mga baong babai sa Israel nang mga araw ni Elias, nang sarhan ang langit sa loob ng tatlong taon at anim na buwan, noong datnan ng malaking kagutom ang buong sangkalupaan;

26 At sa kanino man sa kanila ay hindi sinugo si Elias, kundi sa Sarepta sa lupa ng Sidon, sa isang babaing bao.

27 At maraming ketongin sa Israel nang panahon ni Eliseo na propeta; at sinoman sa kanila'y hindi nilinis, kundi lamang si Naaman na Siro.

28 At nangapuspos ng galit ang lahat ng nangasa sinagoga, sa pagkarinig nila ng mga bagay na ito;

29 At sila'y nagsitindig, at ipinagtabuyan siya sa labas ng bayan at dinala siya hanggang sa ibabaw ng taluktok ng gulod na kinatatayuan ng kanilang bayan, upang siya'y maibulid nila ng patiwarik.

30 Datapuwa't pagdaraan niya sa gitna nila, ay yumaon ng kaniyang lakad.

31 At siya'y bumaba sa Capernaum, na isang bayan ng Galilea. At sila'y tinuruan niya sa araw ng sabbath:

32 At nangagtaka sila sa kaniyang aral, sapagka't may kapamahalaan ang kaniyang salita.

33 At sa sinagoga ay may isang lalake na may espiritu ng karumaldumal na demonio; at siya'y sumigaw ng malakas na tinig,

34 Ah! anong mayroon kami sa iyo, Jesus, ikaw na Nazareno? naparito ka baga upang kami'y iyong puksain? nakikilala ko ikaw kung sino ka, ang Banal ng Dios.

35 At sinaway siya ni Jesus, na sinasabi, Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya. At nang siya'y mailugmok ng demonio sa gitna, ay lumabas siya sa kaniya, na hindi siya sinaktan.

36 At silang lahat ay nangagtaka at nagsalitaan ang isa't isa, na nangagsasabi, Anong salita kaya ito? sapagka't siya na may kapamahalaan at kapangyarihan ay naguutos sa mga karumaldumal na espiritu, at nagsisilabas sila.

37 At kumakalat ang alingawngaw tungkol sa kaniya sa lahat ng dako sa palibotlibot ng lupaing yaon.

38 At siya'y nagtindig sa sinagoga, at pumasok sa bahay ni Simon. At nilalagnat na mainam ang biyanang babae ni Simon, at siya'y kanilang ipinamanhik sa kaniya.

39 At tinunghan niya siya, at sinaway ang lagnat; at inibsan siya: at siya'y nagtindig pagdaka at naglingkod sa kanila.

40 At nang lumulubog na ang araw, ang lahat na may mga sakit ng sarisaring karamdaman ay dinala sa kaniya; at ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa bawa't isa sa kanila, at sila'y pinagaling.

41 At nagsilabas din sa marami ang mga demonio na nagsisisigaw, na nagsasabi, Ikaw ang anak ng Dios. At sinasaway sila, na di niya sila tinutulutang mangagsalita, sapagka't naalaman nilang siya ang Cristo.

42 At nang araw na, ay lumabas siya at naparoon sa isang ilang na dako: at hinahanap siya ng mga karamihan, at nagsiparoon sa kaniya, at pinagpipilitang pigilin siya, upang huwag siyang humiwalay sa kanila.

43 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Dapat namang ipangaral ko sa mga ibang bayan ang mabubuting balita ng kaharian ng Dios: sapagka't sa ganito ay sinugo ako.

44 At siya'y nangangaral sa mga sinagoga ng Galilea.

Nangyari nga, na samantalang siya'y sinisiksik ng karamihan na pinakikinggan ang salita ng Dios, na siya'y nakatayo sa tabi ng dagatdagatan ng Genezaret;

At nakakita siya ng dalawang daong na nasa tabi ng dagatdagatan: datapuwa't nagsilunsad sa mga yaon ang mga mamamalakaya, at hinuhugasan ang kanilang mga lambat.

At lumulan siya sa isa sa mga daong, na kay Simon, at ipinamanhik niya dito na ilayo ng kaunti sa lupa. At siya'y naupo at nagturo sa mga karamihan buhat sa daong.

At pagtigil niya ng pagsasalita, ay sinabi niya kay Simon, Pumaroon ka sa laot, at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang mamalakaya.

At sumagot si Simon at sinabi, Guro, sa buong magdamag ay nagsipagpagal kami, at wala kaming nahuli: datapuwa't sa iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat.

At nang magawa nila ito, ay nakahuli sila ng lubhang maraming isda; at nagkampupunit ang kanilang mga lambat;

At kinawayan nila ang mga kasamahan sa isang daong upang magsilapit at sila'y tulungan. At sila'y nagsilapit at nangapuno ang dalawang daong, ano pa't sila'y nagpasimulang lulubog.

Datapuwa't nang makita ni Simon Pedro, ay nagpatirapa sa mga tuhod ni Jesus, na nagsasabi, Lumayo ka sa akin; sapagka't ako'y taong makasalanan, Oh Panginoon.

Sapagka't siya at ang lahat ng kasama niya ay nagsipanggilalas, dahil sa karamihan ng mga isdang kanilang nangahuli:

10 At gayon din si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasama ni Simon. At sinabi ni Jesus kay Simon, Huwag kang matakot; mula ngayon ay mamamalakaya ka ng mga tao.

11 At nang maisadsad na nila sa lupa ang kanilang mga daong, ay iniwan nila ang lahat, at nagsisunod sa kaniya.

12 At nangyari, samantalang siya'y nasa isa sa mga bayan, narito, may isang lalake na lipos ng ketong: at nang makita niya si Jesus, ay nagpatirapa siya, at namanhik sa kaniya, na sinasabi, Panginoon, kung ibig mo, ay maaaring linisin mo ako.

13 At iniunat niya ang kaniyang kamay at siya'y hinipo, na sinasabi, Ibig ko; luminis ka. At pagdaka'y nilisan siya ng ketong.

14 At ipinagbilin niya sa kaniya na huwag sabihin kanino man: kundi yumaon ka ng iyong lakad, at pakita ka sa saserdote, at maghandog ka sa pagkalinis sa iyo, alinsunod sa iniutos ni Moises, na pinakapatotoo sa kanila.

15 Datapuwa't lalo nang kumakalat ang balita tungkol sa kaniya: at nangagkatipon ang lubhang maraming tao upang makinig, at upang pagalingin sa kanilang mga sakit.

16 Datapuwa't siya'y lumigpit sa mga ilang, at nananalangin.

17 At nangyari nang isa sa mga araw na yaon, na siya'y nagtuturo; at may nangakaupo doong mga Fariseo at mga guro sa kautusan, na nagsipanggaling sa bawa't nayon ng Galilea at Judea at Jerusalem: at ang kapangyarihan ng Panginoon ay sumasa kaniya upang magpagaling.

18 At narito, dinala ng mga tao na nasa isang higaan ang isang lalaking lumpo: at pinagpipilitan niyang maipasok siya, at ilagay siya sa harap nila.

19 At sa hindi pagkasumpong ng mapagpapasukan, dahil sa karamihan, ay nagsiakyat sila sa bubungan ng bahay, at siya'y inihugos mula sa butas ng bubungan pati ng kaniyang higaan, sa gitna, sa harapan ni Jesus.

20 At pagkakita sa kanilang pananampalataya, ay kaniyang sinabi, Lalake, ipinatatawad sa iyo ang iyong mga kasalanan.

21 At ang mga eskriba at mga Fariseo ay nangagpasimulang mangagkatuwiranan, na nangagsasabi, Sino ito na nagsasalita ng mga kapusungan? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan, kundi ang Dios lamang?

22 Datapuwa't si Jesus, na nakatatanto ng kanilang mga iniisip, ay sumagot at sinabi sa kanila, Bakit pinagbubulaybulay ninyo sa inyong mga puso?

23 Alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad sa iyo ang iyong mga kasalanan; o sabihin, Magtindig ka at lumakad ka?

24 Datapuwa't upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi niya sa lumpo), Sa iyo ko sinasabi, Magtindig ka, at buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.

25 At pagdaka'y nagtindig siya sa harap nila, at binuhat ang kaniyang hinigan, at napasa kaniyang bahay, na niluluwalhati ang Dios.

26 At nagsipanggilalas ang lahat at niluwalhati nila ang Dios; at nangapuspos sila ng takot, na nangagsasabi, Nakakita kami ngayon ng mga bagay na katakataka.

27 At pagkatapos ng mga bagay na ito, siya'y umalis, at nakita ang isang maniningil ng buwis, na nagngangalang Levi, na nakaupo sa paningilan ng buwis, at sinabi sa kaniya, Sumunod ka sa akin.

28 At iniwan niya ang lahat at nagtindig at sumunod sa kaniya.

29 At siya'y ipinagpiging ng malaki ni Levi sa kaniyang bahay: at lubhang maraming maniningil ng buwis at mga iba pa na nangakasalo nila sa dulang.

30 At nangagbulongbulungan ang mga Fariseo at ang kanilang mga eskriba laban sa kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Bakit kayo'y nagsisikain at nagsisiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?

31 At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kanila, Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot; kundi ang mga may sakit.

32 Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan sa pagsisisi.

33 At sinabi nila sa kaniya, Ang mga alagad ni Juan ay nangagaayunong madalas, at nagsisigawa ng mga pagdaing; gayon din ang mga alagad ng mga Fariseo; datapuwa't ang mga iyo'y nagsisikain at nagsisiinom.

34 At sinabi ni Jesus sa kanila, Mangyayari bagang papagayunuhin ninyo ang mga abay sa kasalan samantalang ang kasintahang lalake ay kasama nila?

35 Datapuwa't darating ang mga araw; at pagka inalis sa kanila ang kasintahang lalake, kung magkagayo'y mangagaayuno sila sa mga araw na yaon.

36 At sinalita rin naman niya sa kanila ang isang talinghaga: Walang taong pumilas sa bagong damit at itinagpi sa damit na luma; sa ibang paraa'y sisirain ang bago, at sa luma naman ay hindi bagay ang tagping mula sa bago.

37 At walang taong nagsisilid ng alak na bago sa mga balat na luma; sa ibang paraa'y papuputukin ng alak na bago ang mga balat, at mabububo, masisira ang mga balat.

38 Kundi dapat isilid ang alak na bago sa mga bagong balat.

39 At walang taong nakainom ng alak na laon, ay iibig sa alak na bago; sapagka't sasabihin niya, Mabuti ang laon.

Nangyari nga nang dumaraan siya sa mga trigohan nang isang sabbath, ay kumitil ng mga uhay ang mga alagad niya, at kinakain pagkaligis sa kanilang mga kamay.

Datapuwa't sinabi ng ilan sa mga Fariseo, Bakit ginagawa ninyo ang di matuwid gawin sa araw ng sabbath?

At pagsagot sa kanila ni Jesus ay sinabi, Hindi baga nabasa ninyo ang ginawa ni David, nang siya'y magutom, siya, at ang mga kasamahan niya;

Kung paanong siya'y pumasok sa bahay ng Dios, at kumain ng mga tinapay na handog, at binigyan pati ang kaniyang mga kasamahan; na hindi naaayon sa kautusan na kanin ninoman kundi ng mga saserdote lamang?

At sinabi niya sa kanila, Ang Anak ng tao ay panginoon ng sabbath.

At nangyari nang ibang sabbath, na siya'y pumasok sa sinagoga at nagturo: at doo'y may isang lalake, at tuyo ang kaniyang kanang kamay.

At inaabangan siya ng mga eskriba at ng mga Fariseo, kung siya'y magpapagaling sa sabbath; upang makasumpong sila ng paraan na siya'y maisakdal.

Datapuwa't nalalaman niya ang kanilang mga kaisipan; at sinabi niya sa lalake na tuyo ang kamay, Magtindig ka at tumayo ka sa gitna. At siya'y nagtindig at tumayo.

At sinabi sa kanila ni Jesus, Itinatanong ko sa inyo, Matuwid bagang gumawa ng magaling, o gumawa ng masama kung sabbath? magligtas ng isang buhay o pumuksa?

10 At minamasdan niya silang lahat sa palibotlibot, at sinabi sa kaniya, Iunat mo ang iyong kamay. At ginawa niyang gayon; at gumaling ang kaniyang kamay.

11 Datapuwa't sila'y nangapuno ng galit; at nangagsangusapan, kung ano ang kanilang magagawang laban kay Jesus.

12 At nangyari nang mga araw na ito, na siya'y napasa bundok upang manalangin; at sa buong magdamag ay nanatili siya sa pananalangin sa Dios.

13 At nang araw na, ay tinawag niya ang kaniyang mga alagad; at siya'y humirang ng labingdalawa sa kanila, na tinawag naman niyang mga apostol:

14 Si Simon, na tinawag naman niyang Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, at si Santiago at si Juan, at si Felipe at si Bartolome.

15 At si Mateo at si Tomas, at si Santiago anak ni Alfeo, at si Simon, na tinatawag na Masikap,

16 At si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging lilo;

17 At bumaba siya na kasama nila, at tumigil sa isang patag na dako, at ang lubhang marami sa mga alagad niya, at ang lubhang malaking bilang ng mga tao mula sa buong Judea at sa Jerusalem, at sa pangpangin ng dagat ng Tiro at Sidon, na nangagsidalo upang magsipakinig sa kaniya, at upang pagalingin sa kanilang mga sakit;

18 Ang mga pinahihirapan ng mga espiritung karumaldumal ay pinagagaling.

19 At pinagpipilitan ng buong karamihan na siya'y mahipo; sapagka't lumalabas sa kaniya ang makapangyarihang bisa, at nagpapagaling sa lahat.

20 At itiningin niya ang kaniyang mga mata sa kaniyang mga alagad, at sinabi, Mapapalad kayong mga dukha: sapagka't inyo ang kaharian ng Dios.

21 Mapapalad kayong nangagugutom ngayon: sapagka't kayo'y bubusugin. Mapapalad kayong nagsisitangis ngayon: sapagka't kayo'y magsisitawa.

22 Mapapalad kayo kung kayo'y kapootan ng mga tao, at kung kayo'y ihiwalay nila, at kayo'y alimurahin, at itakuwil ang inyong pangalan na tila masasama, dahil sa Anak ng tao.

23 Mangagalak kayo sa araw na yaon, at magsilukso kayo sa kagalakan; sapagka't narito, ang ganti sa inyo'y malaki sa langit; sapagka't sa gayon ding paraan ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga propeta.

24 Datapuwa't sa aba ninyong mayayaman! sapagka't tinanggap na ninyo ang inyong kaaliwan.

25 Sa aba ninyo mga busog ngayon! sapagka't kayo'y mangagugutom. Sa aba ninyong nagsisitawa ngayon! sapagka't kayo'y magsisitaghoy at magsisitangis.

26 Sa aba ninyo, pagka ang lahat ng mga tao ay mangagsalita ng magaling tungkol sa inyo! sapagka't sa gayon ding paraan ang ginawa ng kanilang mga magulang sa mga bulaang propeta.

27 Datapuwa't sinasabi ko sa inyong nangakikinig, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang nangapopoot sa inyo,

28 Pagpalain ninyo ang sa inyo'y sumusumpa at ipanalangin ninyo ang sa inyo'y lumalait.

29 Sa sumampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo naman ang kabila; at ang sa iyo'y magalis ng iyong balabal, huwag mong itanggi pati ng iyong tunika.

30 Bigyan mo ang bawa't sa iyo'y humihingi; at sa kumuha ng pag-aari mo, ay huwag mong hinging muli.

31 At kung ano ang ibig ninyong sa inyo'y gawin ng mga tao, gayon din ang gawin ninyo sa kanila.

32 At kung kayo'y magsiibig sa mga nagsisiibig sa inyo, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka't ang mga makasalanan man ay nagsisiibig sa nagsisiibig sa kanila.

33 At kung magsigawa kayo ng mabuti sa nagsisigawa sa inyo ng mabuti, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? sapagka't ganito rin ang ginagawa ng mga makasalanan.

34 At kung kayo'y mangagpahiram doon sa mga inaasahan ninyong may tatanggapin, anong pasasalamat ang inyong kakamtin? ang mga makasalanan man ay nangagpapahiram sa mga makasalanan, upang muling magsitanggap ng gayon din.

35 Datapuwa't ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ninyo sila ng mabuti, at mangagpahiram kayo, na kailan man ay huwag mawawalan ng pagasa; at malaki ang sa inyo'y magiging ganti, at kayo'y magiging mga anak ng Kataastaasan: sapagka't siya'y magandang-loob sa mga walang turing at sa masasama.

36 Magmaawain kayo, gaya naman ng inyong Ama na maawain.

37 At huwag kayong mangagsihatol, at hindi kayo hahatulan: at huwag kayong mangagparusa, at hindi kayo parurusahan: mangagpalaya kayo, at kayo'y palalayain:

38 Mangagbigay kayo, at kayo'y bibigyan; takal na mabuti, pikpik, liglig, at umaapaw, ay ibibigay nila sa inyong kandungan. Sapagka't sa panukat na inyong isukat ay doon kayo muling susukatin.

39 At sinabi naman niya sa kanila ang isang talinghaga: Mangyayari bagang umakay ang bulag sa bulag? di baga sila mangabubulid kapuwa sa hukay?

40 Hindi higit ang alagad sa kaniyang guro: datapuwa't ang bawa't isa, pagka naging sakdal, ay nagiging katulad ng kaniyang guro.

41 At bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, datapuwa't hindi mo pinupuna ang tahilan na nasa iyong sariling mata?

42 O paanong masasabi mo sa iyong kapatid, Kapatid, pabayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata, kundi mo nakikita ang tahilan na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagpaimbabaw, alisin mo muna ang tahilan na nasa iyong sariling mata, kung magkagayo'y makikita mong malinaw ang pagaalis ng puwing na nasa mata ng iyong kapatid.

43 Sapagka't walang mabuting punong kahoy na nagbubunga ng masama; at wala rin naman masamang punong kahoy na nagbubunga ng mabuti.

44 Sapagka't bawa't punong kahoy ay nakikilala sa kaniyang sariling bunga. Sapagka't ang mga tao ay di nangakapuputi ng mga igos sa mga dawag, at di nangakapuputi ng ubas sa mga tinikan.

45 Ang mabuting tao ay kumukuha ng kagalingan sa mabubuting kayamanan ng kaniyang puso; at ang masamang tao'y kumukuha ng kasamaan sa masamang kayamanan: sapagka't sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.

46 At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?

47 Ang bawa't lumalapit sa akin, at pinakikinggan ang aking mga salita, at ginagawa, ituturo ko sa inyo kung sino ang katulad:

48 Siya'y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay at pinakalalim, at inilagay ang patibayan sa bato: at nang dumating ang isang baha, ay hinampas ng agos ang bahay na yaon, at hindi nakilos; sapagka't natitirik na mabuti.

49 Datapuwa't ang dumirinig, at hindi ginagawa, ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa, na walang patibayan; laban sa yaon ay hinampas ng agos, at pagdaka'y nagiba; at malaki ang naging kasiraan ng bahay na yaon.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain