Read the Gospels in 40 Days
15 At pagdaka, pagkaumaga ay nangagsangusapan ang mga pangulong saserdote pati ng matatanda at mga eskriba, at ang buong Sanedrin, at ginapos si Jesus, at inilabas siya, at ibinigay siya kay Pilato.
2 At itinanong sa kaniya ni Pilato, Ikaw baga ang Hari ng mga Judio? At pagsagot niya ay sinabi sa kaniya, Ikaw ang nagsasabi.
3 At isinakdal siya sa maraming bagay ng mga pangulong saserdote.
4 At muling tinanong siya ni Pilato, na sinasabi, Hindi ka sumasagot ng anoman? tingnan mo kung gaano karaming bagay ang kanilang isinasakdal laban sa iyo.
5 Datapuwa't si Jesus ay hindi na sumagot ng anoman; ano pa't nanggilalas si Pilato.
6 Sa kapistahan nga ay pinagkaugalian niya na pawalan sa kanila ang isang bilanggo, na kanilang hingin sa kaniya.
7 At mayroong isa na kung tawagin ay Barrabas, na nagagapos na kasama ng nangaghimagsik, mga taong nagsipatay ng mga tao sa panghihimagsik.
8 At nagsipanhik ang karamihan at nangagpasimulang hingin sa kaniya na sa kanila'y gawin ang gaya ng sa kanila'y laging ginagawa.
9 At sinagot sila ni Pilato, na sinasabi, Ibig baga ninyo na pawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?
10 Sapagka't natatalastas niya na sa kapanaghilian ay ibinigay siya ng mga pangulong saserdote.
11 Datapuwa't inudyukan ng mga pangulong saserdote ang karamihan, na si Barrabas na muna ang siya niyang pawalan sa kanila.
12 At sumagot na muli si Pilato at sa kanila'y sinabi, Ano nga ang aking gagawin sa inyong tinatawag na Hari ng mga Judio?
13 At sila'y muling nagsigawan, Ipako siya sa krus.
14 At sinabi sa kanila ni Pilato, Bakit, anong masama ang kaniyang ginawa? Datapuwa't sila'y lalong nagsigawan, Ipako siya sa krus.
15 At sa pagkaibig ni Pilato na magbigay-loob sa karamihan, ay pinawalan sa kanila si Barrabas, at ibinigay si Jesus, pagkatapos na siya'y mahampas niya, upang siya'y ipako sa krus.
16 At dinala siya ng mga kawal sa looban, na siyang Pretorio; at kanilang tinipon ang buong pulutong.
17 At siya'y kanilang dinamtan ng kulay-ube, at nang makapagkamakama ng isang putong na tinik, ay ipinutong nila sa kaniya.
18 At nagpasimula silang siya'y batiin, Aba, Hari ng mga Judio!
19 At sinaktan nila ang kaniyang ulo ng isang tambo, at siya'y niluluraan, at pagkaluhod nila, siya'y sinamba.
20 At nang siya'y kanilang malibak na, ay inalis nila sa kaniya ang kulay-ube, at isinuot sa kaniya ang kanyang mga damit. At siya'y kanilang inilabas upang ipako siya sa krus.
21 At kanilang pinilit ang isang nagdaraan, si Simon na taga Cirene, na ama ni Alejandro at ni Rufo, na nanggagaling sa bukid, upang sumama sa kanila, upang pasanin niya ang kaniyang krus.
22 At siya'y kanilang dinala sa dako ng Golgota, na kung liliwanagin ay, Ang dako ng bungo.
23 At siya'y dinulutan nila ng alak na hinaluan ng mirra: datapuwa't hindi niya tinanggap.
24 At siya'y kanilang ipinako sa krus, at kanilang pinaghatihatian ang kaniyang mga damit, na kanilang pinagsapalaran, kung alin ang dadalhin ng bawa't isa.
25 At ikatlo na ang oras, at siya'y kanilang ipinako sa krus.
26 At ang pamagat ng pagkasakdal sa kaniya ay isinulat sa ulunan, ANG HARI NG MGA JUDIO.
27 At ipinako sa krus na kasama niya ang dalawang tulisan; isa sa kaniyang kanan, at isa sa kaniyang kaliwa.
28 At natupad ang kasulatan, na nagsasabi: At siya'y ibinilang sa mga suwail.
29 At siya'y inalipusta ng nagsisipagdaan na pinatatangotango ang kanilang mga ulo, at sinasabi, Ah! ikaw na iginigiba mo ang templo, at sa tatlong araw ay iyong itinatayo,
30 Iyong iligtas ang sarili mo, at bumaba ka sa krus.
31 Gayon din naman ang mga pangulong saserdote pati ng mga eskriba, siya'y minumura na nangagsasalitaan sila-sila na sinasabi, Nagligtas siya sa mga iba; sa kaniyang sarili ay hindi makapagligtas.
32 Bumaba ngayon mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel, upang aming makita at sampalatayanan. At minumura siya ng mga kasama niyang nangapapako.
33 At nang dumating ang ikaanim na oras, ay nagdilim sa buong lupa hanggang sa oras na ikasiyam.
34 At nang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng malakas na tinig: Eloi, Eloi, lama sabacthani? na kung liliwanagin ay, Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?
35 At nang marinig ng ilang nangaroon, ay sinabi nila, Narito, tinatawag niya si Elias.
36 At tumakbo ang isa, at binasa ng suka ang isang espongha, saka inilagay sa isang tambo, at ipinainom sa kaniya, na sinasabi, Pabayaan ninyo; tingnan natin kung paririto si Elias upang siya'y ibaba.
37 At si Jesus ay sumigaw ng malakas na tinig, at nalagot ang hininga.
38 At ang tabing ng templo ay nahapak na nagkadalawa mula sa itaas hanggang sa ibaba.
39 At ang senturiong nakatayo sa tapat niya, nang makitang malagot ang hininga niya, ay kaniyang sinabi, Katotohanang ang taong ito ay Anak ng Dios.
40 At mayroon din namang mga babae na nagsisitanaw mula sa malayo: na sa mga yao'y nangaroroon kapuwa si Maria Magdalena, at si Mariang ina ni Santiago na bata at ni Jose, at si Salome;
41 Na, nang siya'y nasa Galilea, ay nagsisunod sila sa kaniya, at siya'y pinaglilingkuran nila; at mga iba pang maraming babae na nagsiahong kasama niya sa Jerusalem.
42 At nang kinahapunan, sapagka't noo'y Paghahanda, sa makatuwid baga'y ang araw na nauuna sa sabbath,
43 Dumating si Jose na taga Arimatea, isang kasangguni na may marangal na kalagayan, na naghihintay rin naman ng kaharian ng Dios; at pinangahasan niyang pinasok si Pilato, at hiningi ang bangkay ni Jesus.
44 At nanggilalas si Pilato kung siya'y patay na: at nang mapalapit niya sa kaniya ang senturion, ay itinanong niya sa kaniya kung malaon nang patay.
45 At nang matanto niya sa senturion, ay ipinagkaloob niya ang bangkay kay Jose.
46 At binili niya ang isang kayong lino, at pagkababa sa kaniya sa krus, ay binalot siya ng kayong lino at inilagay siya sa isang libingan na hinukay sa isang bato; at iginulong niya ang isang bato hanggang sa pintuan ng libingan.
47 At tinitingnan ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan siya nalagay.
16 At nang makaraan ang sabbath, si Maria Magdalena, at si Mariang ina ni Santiago, at si Salome, ay nagsibili ng mga pabango, upang sila'y magsiparoon at siya'y pahiran.
2 At pagkaumagang-umaga nang unang araw ng sanglinggo, ay nagsiparoon sila sa libingan nang sikat na ang araw.
3 At kanilang pinaguusapan, Sino kaya ang ating mapagpapagulong ng bato mula sa pintuan ng libingan?
4 At pagkatingin, ay nakita nilang naigulong na ang bato: sapagka't yao'y totoong malaki.
5 At pagkapasok sa libingan, ay kanilang nakita ang isang binata na nakaupo sa dakong kanan, na nararamtan ng isang damit na maputi; at sila'y nangagitla.
6 At sinabi niya sa kanila, Huwag kayong mangagitla: hinahanap ninyo si Jesus, ang Nazareno, na ipinako sa krus: siya'y nagbangon; wala siya rito: tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan nila sa kaniya!
7 Datapuwa't magsiyaon kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro, Siya'y nangunguna sa inyo sa Galilea: doon siya makikita, ayon sa sinabi niya sa inyo.
8 At sila'y nagsilabas, at nagsitakas mula sa libingan; sapagka't sila'y nagsipangilabot at nangagitla: at hindi sila nangagsasabi ng anoman sa kanino man; sapagka't sila'y nangatatakot.
9 Nang siya nga'y magbangon nang unang araw ng sanglinggo, ay napakita muna siya kay Maria Magdalena, na sa kaniya'y pitong demonio ang pinalabas niya.
10 Siya'y yumaon at ipinagbigay alam sa mga naging kasamahan ni Jesus, samantalang sila'y nangahahapis at nagsisitangis.
11 At sila, nang kanilang mabalitaan na siya'y nabuhay, at nakita ni Magdalena, ay hindi sila nagsipaniwala.
12 At pagkatapos ng mga bagay na ito ay napakita siya sa ibang anyo sa dalawa sa kanila, nang sila'y nangaglalakad na patungo sa bukid.
13 At sila'y nagsiyaon at ipinagbigay-alam ito sa mga iba: at kahit sa kanila'y hindi rin sila nagsipaniwala.
14 At pagkatapos siya'y napakita sa labingisa samantalang sila'y nangakaupong nagsisikain; at pinagwikaan sila sa kawalan nila ng pananampalataya at katigasan ng puso, sapagka't hindi sila nagsipaniwala sa nangakakita sa kaniya pagkatapos na siya'y magbangon.
15 At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.
16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.
17 At lalakip ang mga tandang ito sa magsisisampalataya: mangagpapalabas sila ng mga demonio sa aking pangalan; mangagsasalita sila ng mga bagong wika;
18 Sila'y magsisihawak ng mga ahas, at kung magsiinom sila ng bagay na makamamatay, sa anomang paraan ay hindi makasasama sa kanila; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga may-sakit, at sila'y magsisigaling.
19 Ang Panginoong Jesus nga, pagkatapos na sila'y mangakausap niya, ay tinanggap sa itaas ng langit, at lumuklok sa kanan ng Dios.
20 At nagsialis sila, at nagsipangaral sa lahat ng dako, na gumagawang kasama nila ang Panginoon, at pinatototohanan ang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip. Siya nawa.
Public Domain