Read the Gospels in 40 Days
Si Jesus at ang Kanyang mga Kapatid
7 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay pumunta si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang dumaan sa Judea, sapagkat pinagsisikapan ng mga Judio na siya'y patayin.
2 Malapit(A) na noon ang pista ng mga Judio, ang pista ng mga Tabernakulo.[a]
3 Sinabi sa kanya ng kanyang mga kapatid, “Umalis ka rito at pumunta ka sa Judea, upang makita ng iyong mga alagad ang iyong mga ginagawa.
4 Sapagkat walang taong nagnanais makilala ang gumagawa ng anumang bagay sa lihim. Kung ginagawa mo ang mga bagay na ito ay ipakilala mo ang iyong sarili sa sanlibutan.”
5 Sapagkat maging ang kanyang mga kapatid man ay hindi sumampalataya sa kanya.
6 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi pa dumating ang aking oras, subalit ang inyong oras ay laging naririyan.
7 Hindi kayo maaaring kapootan ng sanlibutan, ngunit ako'y kinapopootan nito, sapagkat ako'y nagpapatotoo laban dito na masasama ang kanyang mga gawa.
8 Kayo na ang pumunta sa pista. Ako'y hindi pupunta sa pistang ito, sapagkat hindi pa dumating ang aking oras.”
9 At nang masabi ang mga bagay na ito ay nanatili siya sa Galilea.
Si Jesus sa Pista ng mga Tabernakulo
10 Subalit nang makaahon na ang kanyang mga kapatid para sa pista, saka naman siya umahon, hindi hayagan kundi palihim.
11 Hinahanap nga siya ng mga Judio sa pista, at kanilang sinasabi, “Saan siya naroroon?”
12 Nagkaroon ng maraming bulung-bulungan tungkol sa kanya ang mga tao. Sinasabi ng ilan, “Siya'y mabuting tao.” Sinasabi naman ng iba, “Hindi, inililigaw niya ang mga tao.”
13 Subalit walang taong nagsalita nang hayag tungkol sa kanya dahil sa takot sa mga Judio.
14 Nang ang kapistahan ay nasa kalagitnaan na ay pumunta si Jesus sa templo at nagturo.
15 Namangha ang mga Judio, na nagsasabi, “Paanong nagkaroon ang taong ito ng karunungan, gayong hindi naman nag-aral kailanman?”
16 Sinagot sila ni Jesus, “Ang turo ko ay hindi akin, kundi sa kanya na nagsugo sa akin.
17 Kung ang sinuman ay nagnanais gumawa ng kalooban ng Diyos[b] ay makikilala niya kung ang turo ay mula sa Diyos, o kung ako'y nagsasalita mula sa aking sarili.
18 Ang nagsasalita nang mula sa kanyang sarili ay humahanap ng kanyang sariling kaluwalhatian; subalit ang humahanap ng kaluwalhatian ng nagsugo sa kanya ay siyang totoo, at sa kanya'y walang kasinungalingan.
19 Hindi ba ibinigay sa inyo ni Moises ang kautusan? Subalit wala sa inyong tumutupad ng kautusan. Bakit ninyo pinagsisikapang ako'y patayin?”
20 Sumagot ang maraming tao, “Mayroon kang demonyo! Sino ang nagsisikap na ikaw ay patayin?”
21 Sumagot si Jesus sa kanila, “Isang bagay ang aking ginawa at pinagtatakhan ninyong lahat ito.
22 Ibinigay(B) sa inyo ni Moises ang pagtutuli (hindi sa ito'y kay Moises, kundi mula sa mga patriyarka); at tinutuli ninyo sa Sabbath ang isang lalaki.
23 Kung(C) ang isang lalaki ay tumatanggap ng pagtutuli sa Sabbath, upang huwag malabag ang kautusan ni Moises, nagagalit ba kayo sa akin dahil sa pinagaling ko ang buong katawan ng isang tao sa Sabbath?
24 Huwag kayong humatol batay sa anyo, kundi humatol kayo nang matuwid na paghatol.”
Siya ba ang Cristo?
25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong kanilang pinagsisikapang patayin?
26 At narito, siya'y hayag na nagsasalita, at sila'y walang anumang sinasabi sa kanya. Tunay kayang nakikilala ng mga pinuno na ito ang Cristo?
27 Subalit nalalaman natin kung saan nagmula ang taong ito, subalit ang Cristo, pagdating niya ay walang makakaalam kung saan siya magmumula.”
28 Sumigaw si Jesus habang nagtuturo sa templo, “Ako'y inyong nakikilala at nalalaman din ninyo kung taga-saan ako. Hindi ako pumarito sa aking sariling awtoridad,[c] subalit ang nagsugo sa akin ay siyang totoo, na hindi ninyo nakikilala.
29 Nakikilala ko siya sapagkat ako'y mula sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.”
30 Kaya't sinikap nilang siya'y hulihin, subalit walang taong sumunggab sa kanya, sapagkat hindi pa dumating ang kanyang oras.
31 Gayunma'y marami sa mga tao ang sumampalataya sa kanya at kanilang sinabi, “Pagdating ng Cristo, gagawa ba siya ng mas maraming tanda kaysa mga ginawa ng taong ito?”
Nagpadala ng mga Kawal upang Dakpin si Jesus
32 Narinig ng mga Fariseo ang bulung-bulungan ng mga tao tungkol kay Jesus.[d] Nagsugo ang mga punong pari at ang mga Fariseo ng mga kawal upang siya'y hulihin.
33 Sinabi ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ako ng kaunting panahon, at ako'y paroroon sa nagsugo sa akin.
34 Hahanapin ninyo ako, ngunit hindi ninyo ako matatagpuan, at kung saan ako naroroon ay hindi kayo makakapunta roon.”
35 Kaya't sinabi ng mga Judio sa isa't isa, “Saan pupunta ang taong ito na hindi natin siya matatagpuan? Pupunta kaya siya sa mga lupain kung saan nagkalat[e] ang ating mga kababayan sa lupain ng mga Griyego at magtuturo sa mga Griyego?
36 Ano ang salitang ito na kanyang sinabi, ‘Hahanapin ninyo ako, ngunit hindi ninyo ako matatagpuan, at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makakapunta roon’!”
Mga Daloy ng Tubig na Buháy
37 Nang(D) huling araw ng dakilang araw ng pista, si Jesus ay tumayo at sumigaw na nagsasabi, “Kung ang sinuman ay nauuhaw, lumapit siya sa akin at uminom.
38 Ang(E) sumasampalataya sa akin,[f] gaya ng sinasabi ng kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso[g] ay dadaloy ang mga ilog ng tubig na buháy.’”
39 Ngunit ito'y sinabi niya tungkol sa Espiritu, na tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya, sapagkat hindi pa ipinagkakaloob ang Espiritu, sapagkat si Jesus ay hindi pa niluluwalhati.
40 Nang marinig ng ilan mula sa maraming tao ang mga salitang ito, sila ay nagsabi, “Tunay na ito nga ang propeta.”
41 Sinasabi ng iba, “Ito ang Cristo.” Subalit sinasabi ng ilan, “Sa Galilea ba manggagaling ang Cristo?
42 Hindi(F) ba sinabi ng kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa binhi ni David, at mula sa Bethlehem, ang bayan ni David?”
43 Kaya't nagkaroon ng pagkakahati-hati sa maraming tao dahil sa kanya.
44 Nais ng ilan sa kanila na siya'y hulihin, subalit walang taong sumunggab sa kanya.
Ang Di-Paniniwala ng mga Pinunong Judio
45 Bumalik ang mga kawal sa mga punong pari at sa mga Fariseo, at sinabi ng mga ito sa kanila, “Bakit hindi ninyo siya dinakip?”
46 Sumagot ang mga kawal, “Kailanma'y walang taong nagsalita nang gayon.”
47 Sinagot sila ng mga Fariseo, “Kayo ba naman ay nailigaw na rin?
48 Mayroon ba sa mga pinuno, o sa mga Fariseo na sumasampalataya sa kanya?
49 Subalit ang mga taong ito na hindi nakakaalam ng kautusan ay mga sinumpa.”
50 Sinabi(G) sa kanila ni Nicodemo (iyong pumunta kay Jesus noon at isa sa kanila),
51 “Hinahatulan ba ng ating kautusan ang isang tao, malibang siya'y atin munang dinggin at alamin kung ano ang kanyang ginagawa?”
52 Sila'y sumagot sa kanya, “Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Siyasatin mo at iyong makikita na sa Galilea ay walang lumitaw na propeta.”
[53 At ang bawat isa sa kanila ay umuwi sa kanya-kanyang sariling bahay.
Ang Babaing Nahuli sa Pangangalunya
8 Samantala, si Jesus ay pumunta sa bundok ng mga Olibo.
2 Kinaumagahan, siya ay bumalik sa templo, at ang buong bayan ay lumapit sa kanya. Siya'y naupo at sila'y tinuruan.
3 Dinala sa kanya ng mga eskriba at ng mga Fariseo ang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Nang kanilang patayuin siya sa gitna,
4 ay sinabi nila sa kanya, “Guro, nahuli ang babaing ito sa akto ng pangangalunya.
5 Sa(H) kautusan ay ipinag-utos sa amin ni Moises na batuhin ang mga ganyan. Ano ngayon ang iyong masasabi tungkol sa kanya?”
6 Ngunit ito'y kanilang sinabi upang siya'y subukin, upang sa kanya'y may maiparatang sila. Subalit yumuko si Jesus, at isinulat ang kanyang daliri sa lupa.
7 Habang sila'y nagpapatuloy ng pagtatanong sa kanya, tumayo siya at sinabi sa kanila, “Ang walang kasalanan sa inyo ang siyang unang bumato sa kanya.”
8 At muli siyang yumuko, at isinulat ang kanyang daliri sa lupa.
9 Nang ito'y kanilang marinig ay isa-isa silang umalis, simula sa mga matatanda. At si Jesus ay naiwang nag-iisa at ang babaing nakatayo sa gitna.
10 Tumayo si Jesus at sinabi sa kanya, “Babae, nasaan sila? Wala na bang ni isang humatol sa iyo?”
11 At sinabi niya, “Walang sinuman, Panginoon.” Sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita hinahatulan. Humayo ka na at mula ngayo'y huwag ka nang magkasala.”[h]]
Si Jesus na Ilaw ng Sanlibutan
12 Muling(I) nagsalita sa kanila si Jesus, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.”
13 Sinabi(J) sa kanya ng mga Fariseo, “Nagpapatotoo ka tungkol sa iyong sarili; ang patotoo mo ay hindi totoo.”
14 Sumagot si Jesus, “Kung ako ma'y nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang aking patotoo ay totoo; sapagkat nalalaman ko kung saan ako nanggaling, at kung saan ako pupunta. Subalit hindi ninyo nalalaman kung saan ako nanggaling, o kung saan ako pupunta.
15 Humahatol kayo ayon sa laman; ako'y hindi humahatol sa kaninuman.
16 At kung ako'y humatol man, ang hatol ko'y totoo, sapagkat hindi ako nag-iisa, kundi ako at ang Ama na nagsugo sa akin.
17 Maging(K) sa inyong kautusan ay nasusulat na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo.
18 Ako ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo tungkol sa akin.”
19 Kaya't sinabi nila sa kanya, “Nasaan ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi nga ninyo ako kilala o ang aking Ama. Kung ako'y inyong kilala ay kilala rin sana ninyo ang aking Ama.”
20 Sinabi niya ang mga salitang ito sa kabang-yaman habang nagtuturo siya sa templo. Subalit walang taong humuli sa kanya, sapagkat hindi pa dumating ang kanyang oras.
Ipinagpauna ni Jesus ang Kanyang Kamatayan
21 Muli niyang sinabi sa kanila, “Aalis ako, at ako'y inyong hahanapin, at mamamatay kayo sa inyong kasalanan. Sa aking pupuntahan ay hindi kayo makakapunta.”
22 Sinabi ng mga Judio, “Magpapakamatay kaya siya sapagkat kanyang sinabi, ‘Sa aking pupuntahan ay hindi kayo makakapunta.’”
23 Sinabi niya sa kanila, “Kayo'y mga taga-ibaba, ako'y taga-itaas. Kayo'y mga taga-sanlibutang ito; ako'y hindi taga-sanlibutang ito.
24 Kaya't sinabi ko sa inyo na kayo'y mamamatay sa inyong mga kasalanan, sapagkat malibang kayo'y sumampalataya na Ako Nga,[i] ay mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.”
25 Sinabi nila sa kanya, “Sino ka ba?” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Bakit kailangan pang makipag-usap ako sa inyo?”
26 Mayroon akong maraming bagay na sasabihin at hahatulan tungkol sa inyo. Subalit ang nagsugo sa akin ay totoo, at sinasabi ko sa sanlibutan ang mga bagay na narinig ko sa kanya.”
27 Hindi nila naunawaan na siya ay nagsasalita sa kanila tungkol sa Ama.
28 Sinabi ni Jesus, “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, saka ninyo makikilala na ako nga siya, at wala akong ginagawa mula sa aking sarili kundi sinasabi ko ang mga bagay ayon sa itinuro sa akin ng Ama.
29 At siya na nagsugo sa akin ay kasama ko, hindi niya ako pinabayaang nag-iisa; sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakakalugod sa kanya.”
30 Samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito ay marami ang sumasampalataya sa kanya.
Ang Malalaya at ang mga Alipin
31 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga Judiong sumasampalataya sa kanya, “Kung kayo'y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo'y mga alagad ko.
32 At inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”
33 Sumagot(L) sila sa kanya, “Kami'y mula sa binhi ni Abraham, at kailanma'y hindi pa naging alipin ng sinuman. Bakit mo sinasabing, ‘Kayo'y magiging malaya’?”
34 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan.
35 Ang alipin ay walang palagiang lugar sa sambahayan. Ang anak ay may lugar doon magpakailanman.
36 Kaya't kung kayo'y palayain ng Anak, kayo'y magiging tunay na malaya.
37 Nalalaman ko na kayo'y binhi ni Abraham; subalit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin, sapagkat ang salita ko'y walang paglagyan sa inyo.
38 Sinasabi ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama, at kayo, ginagawa naman ninyo ang mga bagay na narinig ninyo mula sa inyong ama.”
Si Jesus at si Abraham
39 Sila'y sumagot sa kanya, “Si Abraham ang aming ama.” Sa kanila'y sinabi ni Jesus, “Kung kayo'y mga anak ni Abraham ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.
40 Subalit ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, isang taong nagsasabi sa inyo ng katotohanan na aking narinig sa Diyos. Ito'y hindi ginawa ni Abraham.
41 Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.” Sinabi nila sa kanya, “Hindi kami ipinanganak sa pakikiapid. Mayroon kaming isang Ama, ang Diyos.”
42 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung ang Diyos ang inyong ama, ay inibig ninyo sana ako, sapagkat ako'y nagmula sa Diyos at ngayon ay naririto ako. Hindi ako naparito mula sa aking sarili kundi sinugo niya ako.
43 Bakit hindi ninyo nauunawaan ang aking sinasabi? Sapagkat hindi ninyo matanggap ang aking salita.
44 Kayo'y mula sa inyong amang diyablo, at ang nais ninyong gawin ay ang kagustuhan ng inyong ama. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa sa simula, at hindi naninindigan sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag siya ay nagsasalita ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kanyang sariling likas, sapagkat siya'y isang sinungaling, at ama ng kasinungalingan.
45 Ngunit dahil sa sinasabi ko ang katotohanan ay hindi kayo nananampalataya sa akin.
46 Sino sa inyo ang makakasumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung sinasabi ko ang katotohanan, bakit hindi kayo sumasampalataya sa akin?
47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos. Ang dahilan kung bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga ito ay sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.”
48 Sumagot ang mga Judio sa kanya, “Hindi ba tama ang aming sinabi na ikaw ay isang Samaritano at mayroon kang demonyo?”
49 Sumagot si Jesus, “Ako'y walang demonyo, kundi pinararangalan ko ang aking Ama, at inyong sinisira ang aking karangalan.
50 Ngunit hindi ko hinahanap ang aking sariling kaluwalhatian. Mayroong isa na humahanap nito at siya ang hukom.
51 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung ang sinuman ay tutupad ng aking salita, hindi siya makakakita ng kamatayan kailanman.”
52 Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Ngayo'y nalalaman naming mayroon kang demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, at sinasabi mo, ‘Kung ang sinuman ay tutupad ng aking salita, ay hindi niya matitikman magpakailanman ang kamatayan.’
53 Mas dakila ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham, na namatay? At namatay ang mga propeta? Ano ang palagay mo sa iyong sarili?”
54 Sumagot si Jesus, “Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang kabuluhan. Ang aking Ama ang siyang lumuluwalhati sa akin, na sinasabi ninyong siya'y inyong Diyos.
55 Subalit hindi ninyo siya kilala, ngunit kilala ko siya. Kung aking sasabihing hindi ko siya kilala ay magiging katulad ninyo ako na sinungaling. Subalit kilala ko siya, at tinutupad ko ang kanyang salita.
56 Nagalak ang inyong amang si Abraham na makita niya ang aking araw. Nakita niya ito at siya'y nagalak.”
57 Sinabi sa kanya ng mga Judio, “Wala ka pang limampung taon, at nakita mo na si Abraham?”
58 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, bago pa man si Abraham ay Ako Nga.”[j]
59 Kaya't sila'y dumampot ng mga bato upang ibato sa kanya, subalit nagtago si Jesus at lumabas sa templo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001