Read the Gospels in 40 Days
Layunin ng Aklat
1 Yamang marami ang nagsikap mag-ayos ng isang kasaysayan tungkol sa mga bagay na naganap sa gitna natin,
2 ayon sa ipinaalam sa atin ng mga taong buhat sa pasimula ay mga saksing nakakita at mga tagapangaral[a] ng salita,
3 ay minabuti ko naman, pagkatapos na siyasating mabuti ang lahat ng mga pangyayari buhat sa pasimula, na sumulat ng isang maayos na salaysay para sa iyo, kagalang-galang na Teofilo,
4 upang malaman mo ang katiyakan ng mga bagay na itinuro sa iyo.
Ipinahayag ang Kapanganakan ni Juan na Tagapagbautismo
5 Nang(A) panahon ni Haring Herodes ng Judea,[b] may isang paring ang pangalan ay Zacarias, mula sa pangkat ni Abias. Ang naging asawa niya ay isa sa mga anak na babae ni Aaron na ang pangalan ay Elizabeth.
6 Sila'y kapwa matuwid sa harapan ng Diyos, at nabubuhay na walang kapintasan ayon sa lahat ng mga utos at alituntunin ng Panginoon.
7 Subalit wala silang anak, sapagkat baog si Elizabeth at sila'y kapwa matanda na.
8 Samantalang naglilingkod siya sa Diyos bilang pari at ang kanyang pangkat ang nanunungkulan,
9 ayon sa kaugalian ng mga pari, napili siya sa pamamagitan ng palabunutan na pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng insenso.
10 At sa oras ng paghahandog ng insenso, ang napakaraming tao ay nananalangin sa labas.
11 Nagpakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon na nakatayo sa gawing kanan ng dambana ng insenso.
12 Nang makita niya ang anghel, nasindak at natakot si Zacarias.
13 Subalit sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias, sapagkat pinakinggan ang panalangin mo at ang asawa mong si Elizabeth ay magsisilang sa iyo ng isang anak na lalaki at tatawagin mo siya sa pangalang Juan.
14 Ikaw ay magkakaroon ng kaligayahan at kagalakan at marami ang matutuwa sa kanyang pagsilang.
15 Sapagkat(B) siya'y magiging dakila sa harapan ng Panginoon, at hindi siya iinom ng alak o matapang na inumin. Siya'y mapupuno ng Espiritu Santo mula pa sa sinapupunan ng kanyang ina.
16 Marami sa mga anak ni Israel ang panunumbalikin niya sa Panginoon nilang Diyos.
17 Siya'y(C) lalakad sa unahan niya sa espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang papanumbalikin ang mga puso ng mga magulang[c] sa kanilang mga anak, at ang mga suwail sa karunungan ng mga matuwid, upang ihanda ang isang bayang nakalaan sa Panginoon.”
18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko malalamang gayon nga? Sapagkat ako ay matanda na at ang aking asawa ay puspos na ng mga araw.”
19 At(D) sinagot siya ng anghel, “Ako si Gabriel na tumatayo sa harapan ng Diyos. Ako'y sinugo upang makipag-usap at ipahayag sa iyo itong magandang balita.
20 Subalit ngayon, sapagkat hindi ka naniwala sa aking mga salita na magaganap sa kanilang kapanahunan, ikaw ay magiging pipi at di makapagsasalita, hanggang sa araw na mangyari ang mga bagay na ito.”
21 Samantala, hinihintay ng mga tao si Zacarias at nagtaka sila sa kanyang pagtatagal sa loob ng templo.
22 Nang lumabas siya, hindi siya makapagsalita sa kanila. Inakala nila na siya'y nakakita ng isang pangitain sa templo. Siya'y nakipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng mga hudyat, at siya'y nanatiling pipi.
23 Nang matapos na ang mga araw ng kanyang paglilingkod, siya'y umuwi sa kanyang bahay.
24 Pagkalipas ng mga araw na ito ay naglihi ang kanyang asawang si Elizabeth. Siya ay nagtago nang limang buwan, na nagsasabi,
25 “Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin nang mga araw na ako'y kanyang bigyang-pansin upang alisin ang aking kahihiyan sa gitna ng mga tao.”
Ipinahayag ang Kapanganakan ni Jesus
26 Nang ikaanim na buwan,[d] sinugo ng Diyos ang anghel na si Gabriel sa isang bayan ng Galilea, na tinatawag na Nazaret,
27 sa(E) isang birheng nakatakdang ikasal sa isang lalaki, na ang pangalan ay Jose, mula sa sambahayan ni David. Ang pangalan ng birhen ay Maria.
28 Lumapit ang anghel sa kanya, at sinabi, “Magalak ka, ikaw na pinagpala! Ang Panginoon ay sumasaiyo.”[e]
29 Subalit siya'y lubhang naguluhan sa sinabing iyon at inisip niya sa kanyang sarili kung anong uri ng pagbati kaya ito.
30 Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat nakatagpo ka ng paglingap sa Diyos.
31 At ngayon,(F) maglilihi ka sa iyong sinapupunan at magsisilang ka ng isang anak na lalaki, at tatawagin mo siya sa pangalang Jesus.
32 Siya'y(G) magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David.
33 Siya'y maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman at hindi magwawakas ang kanyang kaharian.”
34 Sinabi ni Maria sa anghel, “Paanong mangyayari ito, samantalang ako'y wala pang nakikilalang[f] lalaki.”
35 At sumagot ang anghel sa kanya, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya't ang batang banal ay tatawaging Anak ng Diyos.
36 Si Elizabeth na iyong kamag-anak ay naglihi rin ng isang anak na lalaki, bagama't siya'y matanda na. Ito ang ikaanim na buwan niya, na dati'y tinatawag na baog.
37 Sapagkat(H) sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari.”
38 At sinabi ni Maria, “Narito ako na alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita.” Pagkatapos, iniwan siya ng anghel.
Dinalaw ni Maria si Elizabeth
39 Nang mga araw na iyon ay tumindig si Maria at nagmadaling pumunta sa isang bayan ng Judea, sa lupaing maburol.
40 Pumasok siya sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elizabeth.
41 Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at napuno si Elizabeth ng Espiritu Santo.
42 Sumigaw siya nang malakas at sinabi, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong sinapupunan!
43 Bakit nangyari ito sa akin, na ako ay dapat dalawin ng ina ng aking Panginoon?
44 Sapagkat nang ang tinig ng iyong pagbati ay aking nadinig, gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan.
45 Mapalad ang babaing sumampalataya na matutupad ang mga bagay na sinabi sa kanya ng Panginoon.”
Umawit ng Papuri si Maria
46 Sinabi(I) ni Maria,
47 “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon,
at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas.
48 Sapagkat(J) nilingap niya ang abang kalagayan ng kanyang alipin.
Sapagkat tiyak na mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
49 Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa para sa akin ng mga dakilang bagay
at banal ang kanyang pangalan.
50 Ang kanyang awa ay sa mga natatakot sa kanya
sa lahat ng sali't-saling lahi.
51 Siya'y nagpakita ng lakas sa pamamagitan ng kanyang bisig;
pinagwatak-watak niya ang mga palalo sa mga haka ng kanilang puso.
52 Ibinaba(K) niya ang mga makapangyarihan sa kanilang mga trono,
at itinaas ang mga may abang kalagayan.
53 Ang mga gutom ay binusog niya ng mabubuting bagay,
at ang mayayaman ay pinaalis niya na walang dalang anuman.
54 Tinulungan niya ang Israel na kanyang alipin,
bilang pag-alaala sa kanyang kahabagan.
55 Tulad(L) nang sinabi niya sa ating mga magulang,
kay Abraham at sa kanyang binhi magpakailanman.”
56 Si Maria ay nanatiling kasama niya nang may tatlong buwan, at umuwi siya sa kanyang bahay.
Isinilang si Juan na Tagapagbautismo
57 Dumating na kay Elizabeth ang panahon ng panganganak at siya'y nagsilang ng isang anak na lalaki.
58 Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na nagpakita ang Panginoon ng dakilang awa sa kanya at sila'y nakigalak sa kanya.
59 Nang(M) ikawalong araw ay dumating sila upang tuliin ang sanggol. Siya'y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kanyang ama,
60 ngunit sumagot ang kanyang ina at nagsabi, “Hindi. Ang itatawag sa kanya ay Juan.”
61 At sinabi nila sa kanya, “Wala kang kamag-anak na may ganitong pangalan.”
62 Sinenyasan nila ang kanyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol.[g]
63 Humingi siya ng isang sulatan at kanyang isinulat, “Ang kanyang pangalan ay Juan.” At namangha silang lahat.
64 Biglang nabuksan ang kanyang bibig, nakalaya ang kanyang dila, at siya'y nagsalita na pinupuri ang Diyos.
65 Nagkaroon ng takot ang lahat ng nakatira sa palibot nila, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pinag-usapan sa buong lupaing maburol ng Judea.
66 Lahat ng mga nakarinig ay inilagay ang mga ito sa kanilang puso, na sinasabi, “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Sapagkat ang kamay ng Panginoon ay sumasakanya.
Ang Propesiya ni Zacarias
67 Si Zacarias na kanyang ama ay napuno ng Espiritu Santo at sinabi ang propesiyang ito,
68 “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
sapagkat kanyang dinalaw at tinubos ang kanyang bayan,
69 at nagtaas ng isang sungay ng kaligtasan para sa atin
sa sambahayan ni David na kanyang lingkod,
70 gaya nang sinabi niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula noong unang panahon,
71 upang tayo ay maligtas mula sa ating mga kaaway, at mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin,
72 upang ipakita ang habag sa ating mga magulang,[h]
at alalahanin ang kanyang banal na tipan,
73 ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham,
74 na ipagkaloob sa atin, na tayong iniligtas mula sa kamay ng ating mga kaaway,
ay maglingkod sa kanya nang walang takot,
75 sa kabanalan at katuwiran
sa harapan niya sa lahat ng ating mga araw.
76 At(N) ikaw, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan,
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang mga daan;
77 upang magbigay ng kaalaman ng kaligtasan sa kanyang bayan,
sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan,
78 sa pamamagitan ng magiliw na habag ng ating Diyos,
kapag ang pagbubukang-liwayway buhat sa itaas ay sumilay[i] sa atin,
79 upang(O) bigyang-liwanag ang mga nakaupo sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan,
upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.”
80 Lumaki ang sanggol at lumakas sa espiritu. At siya ay nasa mga ilang hanggang sa araw ng kanyang pagpapakita sa Israel.
Ang Kapanganakan ni Jesus(P)
2 Nang mga araw na iyon ay lumabas ang isang utos mula kay Augusto Cesar upang magpatala ang buong daigdig.
2 Ito ang unang pagtatala na ginawa nang si Quirinio ay gobernador sa Siria.
3 Pumunta ang lahat upang magpatala, bawat isa sa kanyang sariling bayan.
4 Umahon din si Jose mula sa Galilea mula sa bayan ng Nazaret, patungo sa Judea, sa lunsod ni David, na tinatawag na Bethlehem, sapagkat siya'y mula sa sambahayan at lipi ni David,
5 upang magpatalang kasama ni Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay malapit nang manganak.
6 Samantalang sila'y naroroon, dumating ang panahon ng kanyang panganganak.
7 At kanyang isinilang ang kanyang panganay na anak na lalaki, binalot niya ito ng mga lampin,[j] at inihiga sa isang sabsaban sapagkat walang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.
Ang mga Pastol at ang mga Anghel
8 Sa lupaing iyon ay may mga pastol ng tupa na nasa parang na nagbabantay sa kanilang kawan sa gabi.
9 Tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila, at sila'y lubhang natakot.
10 Kaya't sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot, sapagkat narito, dala ko sa inyo ang magandang balita ng malaking kagalakan para sa buong bayan.
11 Sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon sa lunsod ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo, ang Panginoon.
12 Ito ang magiging palatandaan ninyo: Matatagpuan ninyo ang isang sanggol na balot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”
13 At biglang sumama sa anghel ang isang malaking hukbo ng langit na nagpupuri sa Diyos at nagsasabi,
14 “Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan,
at sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.”[k]
15 Nang iwan sila ng mga anghel patungo sa langit, sinabi ng mga pastol sa isa't isa, “Pumunta tayo ngayon sa Bethlehem at tingnan natin ang nangyaring ito na ipinaalam sa atin ng Panginoon.”
16 At sila'y nagmamadaling pumunta at kanilang natagpuan sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban.
17 Nang makita nila ito, ipinaalam nila sa kanila ang mga sinabi tungkol sa sanggol na ito;
18 at lahat nang nakarinig nito ay namangha sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga pastol.
19 Subalit iningatan ni Maria ang lahat ng mga salitang ito, na pinagbulay-bulay sa kanyang puso.
20 Pagkatapos ay bumalik ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil sa lahat ng kanilang narinig at nakita, ayon sa sinabi sa kanila.
Binigyan ng Pangalan si Jesus
21 Makaraan(Q) ang walong araw, dumating ang panahon upang tuliin ang bata.[l] Tinawag siyang Jesus, ang pangalang ibinigay ng anghel bago siya ipinaglihi sa sinapupunan.
Dinala si Jesus sa Templo
22 Nang(R) sumapit na ang mga araw ng kanilang paglilinis ayon sa kautusan ni Moises, kanilang dinala siya sa Jerusalem upang iharap siya sa Panginoon
23 (ito ay ayon(S) sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay tatawaging banal sa Panginoon”).
24 Sila'y naghandog ng alay alinsunod sa sinasabi sa kautusan ng Panginoon, “dalawang batu-bato, o dalawang batang kalapati.”
25 Noon ay may isang lalaki sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Ang lalaking ito'y matuwid at masipag sa kabanalan na naghihintay sa kaaliwan ng Israel at nasa kanya ang Espiritu Santo.
26 Ipinahayag sa kanya ng Espiritu Santo na hindi niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita muna niya ang Cristo ng Panginoon.
27 Sa patnubay ng Espiritu ay pumasok siya sa templo. Nang ipasok ng mga magulang sa templo ang sanggol na si Jesus upang gawin sa kanya ang naaayon sa kaugalian sa ilalim ng kautusan,
28 inilagay niya ang sanggol sa kanyang mga bisig, pinuri ang Diyos, at sinabi,
29 “Panginoon, ngayon ay hayaan mong ang iyong alipin ay pumanaw na may kapayapaan,
ayon sa iyong salita,
30 sapagkat nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
31 na iyong inihanda sa harapan ng lahat ng mga tao,
32 isang(T) ilaw upang magpahayag sa mga Hentil,
at para sa kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.”
33 Ang ama at ina ng bata[m] ay namangha sa mga bagay na sinasabi tungkol sa kanya.
34 Sila'y binasbasan ni Simeon at sinabi kay Maria na kanyang ina, “Ang batang ito ay itinalaga para sa pagbagsak at pagbangon ng marami sa Israel at pinakatanda na sasalungatin,
35 at tatagos ang isang tabak sa iyong sariling kaluluwa upang mahayag ang iniisip ng marami.”
36 Mayroong isang babaing propeta, si Ana na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Siya ay napakatanda na at may pitong taong namuhay na kasama ng kanyang asawa mula nang sila ay ikasal,
37 at bilang isang balo hanggang walumpu't apat na taong gulang. Hindi siya umalis sa templo kundi sumamba roon na may pag-aayuno at panalangin sa gabi at araw.
38 Pagdating niya sa oras ding iyon, siya'y nagpasalamat sa Diyos at nagsalita nang tungkol sa sanggol[n] sa lahat ng naghihintay para sa katubusan ng Jerusalem.
Ang Pagbabalik sa Nazaret
39 Nang(U) magampanan na nila ang lahat ng mga bagay ayon sa kautusan ng Panginoon, bumalik sila sa Galilea, sa kanilang sariling bayang Nazaret.
40 At lumaki ang bata, lumakas, napuno ng karunungan, at sumasakanya ang biyaya ng Diyos.
Ang Batang si Jesus sa Templo
41 Noon,(V) taun-taon ay nagtutungo ang kanyang mga magulang sa Jerusalem sa kapistahan ng Paskuwa.
42 Nang siya'y labindalawang taon na, umahon sila ayon sa kaugalian patungo sa kapistahan.
43 Nang matapos na ang kapistahan, sa pagbabalik nila ay nanatili ang batang si Jesus sa Jerusalem, ngunit hindi ito alam ng kanyang mga magulang.
44 Ngunit sa pag-aakala nilang siya'y kasama ng mga manlalakbay, nagpatuloy sila ng isang araw na paglalakbay. Pagkatapos ay kanilang hinahanap siya sa mga kamag-anak at mga kakilala,
45 at nang di nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem upang hanapin siya.
46 Pagkalipas ng tatlong araw, kanilang natagpuan siya sa templo na nakaupo sa gitna ng mga guro na nakikinig at nagtatanong sa kanila.
47 Ang lahat ng nakikinig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan at sa kanyang mga sagot.
48 Nang siya'y makita nila ay nagtaka sila at sinabi sa kanya ng kanyang ina, “Anak, bakit ginawa mo sa amin ang ganito? Tingnan mo, ang iyong ama at ako ay naghahanap sa iyo na may pag-aalala.”
49 Sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo nalalaman na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?”[o]
50 At hindi nila naunawaan ang salitang sinabi niya sa kanila.
51 Umuwi siyang kasama nila, at dumating sa Nazaret at naging masunurin sa kanila. Iningatan ng kanyang ina ang mga bagay na ito sa kanyang puso.
52 Lumago(W) si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(X)
3 Nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea, at tetrarka[p] sa Galilea si Herodes. Ang kanyang kapatid na si Felipe ang tetrarka sa lupain ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ang tetrarka sa Abilinia,
2 Sa panahon ng mga pinakapunong pari na sina Anas at Caifas, dumating ang salita ng Diyos kay Juan, na anak ni Zacarias, sa ilang.
3 Siya'y nagtungo sa buong lupain sa palibot ng Jordan, na ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan.
4 Gaya(Y) ng nasusulat sa aklat ng mga salita ni propeta Isaias,
“Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang,
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.
5 Bawat libis ay matatambakan,
at bawat bundok at burol ay papatagin,
at ang liko ay tutuwirin,
at ang mga baku-bakong daan ay papantayin.
6 At makikita ng lahat ng laman ang pagliligtas ng Diyos.’”
7 Kaya't(Z) sinabi ni Juan[q] sa napakaraming tao na dumating upang magpabautismo sa kanya, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo na tumakas sa poot na darating?
8 Kaya't(AA) mamunga kayo ng karapat-dapat sa pagsisisi at huwag ninyong sabihin sa inyong sarili, ‘Si Abraham ang aming ama.’ Sapagkat sinasabi ko sa inyo na magagawa ng Diyos na magbangon mula sa mga batong ito ng magiging anak ni Abraham.
9 Ngayon(AB) pa lamang ay nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punungkahoy. Kaya't ang bawat punungkahoy na di mabuti ang bunga ay pinuputol at itinatapon sa apoy.”
10 Tinanong siya ng maraming tao, “Ano ngayon ang dapat naming gawin?”
11 Sumagot siya sa kanila, “Ang may dalawang tunika ay magbahagi sa wala, at ang may pagkain ay gayundin ang gawin.”
12 Dumating(AC) din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo at sinabi nila sa kanya, “Guro, ano ang dapat naming gawin?”
13 Sinabi niya sa kanila, “Huwag na kayong sumingil pa ng higit kaysa iniutos sa inyo.”
14 Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami, anong dapat naming gawin?” At sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong mangikil ng salapi kaninuman sa pamamagitan ng dahas o maling paratang at masiyahan kayo sa inyong sahod.”
15 Samantalang ang mga tao'y naghihintay, nagtatanong ang lahat sa kanilang mga puso tungkol kay Juan, kung siya ang Cristo.
16 Sumagot si Juan at sinabi sa kanilang lahat, “Binabautismuhan ko kayo ng tubig. Subalit dumarating ang higit na makapangyarihan kaysa akin. Ako'y hindi karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang mga sandalyas. Kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo at sa apoy.
17 Nasa kamay niya ang kanyang kalaykay upang linisin ang kanyang giikan at tipunin ang trigo sa kanyang kamalig, subalit susunugin niya ang dayami sa apoy na hindi mapapatay.”
18 Kaya't sa iba pang maraming pangaral ay ipinahayag niya sa mga tao ang magandang balita.
19 Subalit(AD) si Herodes na tetrarka, na sinumbatan niya dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid, at dahil sa lahat ng masasamang bagay na ginawa ni Herodes,
20 ay nagdagdag pa sa lahat ng mga ito sa pamamagitan ng pagpapakulong kay Juan sa bilangguan.
Binautismuhan si Jesus(AE)
21 Nang mabautismuhan ang buong bayan, at nang mabautismuhan din si Jesus at siya'y nananalangin, ang langit ay nabuksan.
22 At(AF) bumaba sa kanya ang Espiritu Santo na may anyong katawan na tulad sa isang kalapati. May isang tinig na nagmula sa langit, “Ikaw ang pinakamamahal kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod.”
Ang mga Ninuno ni Jesus(AG)
23 Si Jesus ay may gulang na tatlumpung taon nang magsimula sa kanyang gawain. Anak siya (ayon sa ipinalagay) ni Jose, ni Eli,
24 ni Matat, ni Levi, ni Melqui, ni Janai, ni Jose,
25 ni Matatias, ni Amos, ni Nahum, ni Esli, ni Nagai,
26 ni Maat, ni Matatias, ni Semein, ni Josec, ni Joda,
27 ni Joanan, ni Resa, ni Zerubabel, ni Salatiel, ni Neri,
28 ni Melqui, ni Adi, ni Cosam, ni Elmadam, ni Er,
29 ni Josue, ni Eliezer, ni Jorim, ni Matat, ni Levi,
30 ni Simeon, ni Juda, ni Jose, ni Jonam, ni Eliakim,
31 ni Melea, ni Mena, ni Matata, ni Natan, ni David,
32 ni Jesse, ni Obed, ni Boaz, ni Salmon, ni Naason,
33 ni Aminadab, ni Admin, ni Arni, ni Hesrom, ni Perez, ni Juda,
34 ni Jacob, ni Isaac, ni Abraham, ni Terah, ni Nahor,
35 ni Serug, ni Reu, ni Peleg, ni Eber, ni Sala,
36 ni Cainan, ni Arfaxad, ni Sem, ni Noe, ni Lamec,
37 ni Matusalem, ni Enoc, ni Jared, ni Mahalaleel, ni Cainan,
38 ni Enos, ni Set, ni Adan, ng Diyos.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001