Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mateo 7-9

Ang Paghatol sa Kapwa(A)

“Huwag kayong humatol upang hindi kayo mahatulan. Sapagkat sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo, at sa panukat na gagamitin ninyo ay susukatin kayo. Bakit nakikita mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid, subalit hindi mo napapansin ang troso na nakabalandra sa iyo mismong mga mata? Paano mo nasasabi sa iyong kapatid, ‘Halika't aalisin ko ang puwing sa iyong mata,’ gayong may trosong nakahambalang sa sarili mong mata? Mapagkunwari! Tanggalin mo muna ang troso sa sarili mong mata, nang sa gayo'y makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid. Huwag kayong magbigay sa aso ng sagradong bagay, at huwag ninyong ihagis sa harap ng mga baboy ang inyong mga perlas. Tatapak-tapakan lamang nila ang mga ito at baka balingan pa kayo at lapain.

Humingi, Humanap, Tumuktok(B)

“Hingin ninyo at ibibigay sa inyo. Hanapin ninyo at matatagpuan ninyo. Tumuktok kayo at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay makatatanggap; at ang bawat humahanap ay makatatagpo; at pagbubuksan ang bawat tumutuktok. Sino ba sa inyo ang magbibigay ng bato kapag ang kanyang anak ay humihingi ng tinapay? 10 May magbibigay ba sa inyo ng ahas sa kanyang anak kapag humihingi siya sa inyo ng isda? 11 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng magagandang regalo sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya!

Ang Ginintuang Aral

12 “Kaya't anumang nais ninyong gawin sa inyo ng iba, gayundin ang gawin ninyo sa kanila, sapagkat ito ang buod ng Kautusan at ng mga propeta.

Ang Makipot na Pintuan(C)

13 “Pumasok kayo sa makitid na pintuan; sapagkat maluwang ang pintuan at madali ang daan patungo sa pagkawasak, at maraming dumaraan doon. 14 Sapagkat makitid ang pintuan at mahirap ang daan patungo sa buhay, at iilan lamang ang nakatatagpo niyon.

Sa Bunga Makikilala(D)

15 “Mag-ingat kayo sa mga huwad na propeta! Lumalapit sila sa inyo nang nakadamit-tupa, ngunit sa loob ay mga mababangis na asong-gubat. 16 Sa pamamagitan ng kanilang mga bunga, sila'y inyong makikilala. Nakapag-aani ba ng ubas sa halamang tinikan o nakakukuha ba ng igos sa mga dawagan? 17 Kaya't mabuti ang bunga ng bawat mabuting puno, subalit masama ang ibinubunga ng masamang puno. 18 Hindi maaaring magkaroon ng masamang bunga ang mabuting puno, at magkaroon ng mabuting bunga ang masamang puno. 19 Bawat punong masama ang bunga ay pinuputol at itinatapon sa apoy. 20 Kaya't sa pamamagitan ng kanilang bunga ay makikilala ninyo sila.

Hindi Ko Kayo Nakilala Kailanman(E)

21 “Hindi lahat ng tumatawag sa akin ng ‘Panginoon, Panginoon’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang nagsasagawa ng kagustuhan ng aking Amang nasa langit. 22 Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba't sa iyong pangalan ay nagpahayag kami ng propesiya, nakapagpalayas ng mga demonyo, at sa iyong pangalan din ay gumawa kami ng maraming himala?’ 23 At sasabihin ko naman sa kanila, ‘Kailanma'y hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan!’

Ang Matalino at ang Hangal na Nagtayo ng Bahay(F)

24 “Kaya't ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at isinasagawa ang mga ito ay maitutulad ng isang matalinong tao na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. 25 Bumuhos ang ulan at bumaha. Lumakas ang hangin at hinampas ang bahay na iyon, ngunit hindi iyon bumagsak, sapagkat nakatayo sa ibabaw ng bato. 26 At ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito, ngunit hindi isinasagawa ang mga ito ay maitutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. 27 Bumuhos ang ulan at bumaha. Lumakas ang hangin at hinampas ang bahay na iyon. Nagiba nga ang bahay na iyon at nagkawasak-wasak.” 28 Pagkatapos ni Jesus sa pagsasalita ng mga ito, namangha ang napakaraming tao sa kanyang pagtuturo, 29 sapagkat siya'y nagturo sa kanila nang tulad sa isang may kapangyarihan at hindi katulad ng kanilang mga guro ng Kautusan.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(G)

Pagbaba ni Jesus mula sa bundok ay sumunod sa kanya ang napakaraming tao. Lumapit sa kanya ang isang ketongin at lumuhod sa harapan niya, nakikiusap, “Panginoon, maaari mo po akong gawing malinis, kung nanaisin mo.” Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan ang lalaki. Sinabi niya rito, “Nais ko. Maging malinis ka.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tiyakin mong hindi mo ito sasabihin kaninuman, sa halip ay pumunta ka at humarap sa pari. Mag-alay ka ng handog na ipinag-utos ni Moises bilang katibayan sa kanila.”

Pinagaling ang Alipin ng Senturyon(H)

Nang pumasok si Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang senturyon. Nakiusap ito sa kanya, na nagsasabi, “Panginoon, ang aking lingkod ay nakaratay sa bahay, paralisado at hirap na hirap sa kanyang karamdaman.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pupunta ako roon at pagagalingin ko siya.” Ngunit sumagot ang senturyon, “Panginoon, hindi po ako karapat-dapat na papuntahin kayo sa ilalim ng aking bubungan. Sapat na pong bumigkas kayo ng salita at gagaling na ang aking lingkod. Ako man ay isang taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng iba, at may nasasakupang mga kawal. Sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka,’ at humahayo nga siya. Sinasabi ko naman sa iba, ‘Lumapit ka,’ at lumalapit nga siya. Sa aking utusan, ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa nga niya.” 10 Nang marinig ito ni Jesus, namangha siya at sinabi niya sa mga sumunod sa kanya, “Totoong sinasabi ko sa inyo, kaninuman sa Israel ay hindi ko nakita ang ganito kalaking pananampalataya. 11 Sinasabi ko sa inyo, maraming manggagaling sa silangan at kanluran at makakasalo sa hapag-kainan nina Abraham, Isaac, at Jacob sa kaharian ng langit, 12 subalit ang mga anak ng kaharian ay itatapon sa kadilimang nasa labas. Naroon ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.” 13 Sinabi ni Jesus sa senturyon, “Umuwi ka na. Mangyayari para sa iyo ang iyong sinasampalatayanan.” Nang oras ding iyon ay gumaling ang naturang lingkod.

Maraming Pinagaling si Jesus(I)

14 Nang pumasok si Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenang babae nito na nakahiga dahil may lagnat. 15 Hinawakan niya ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Bumangon siya at pinaglingkuran si Jesus. 16 Kinagabihan ay dinala nila sa kanya ang maraming taong sinasaniban ng mga demonyo. Sa pamamagitan ng salita ay pinalayas niya ang mga espiritu at pinagaling ang lahat ng mga maysakit. 17 Nangyari ito upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni Propeta Isaias: “Kinuha niya ang ating mga karamdaman, at ang mga sakit natin ay kanyang pinasan.”

Ang Pagsunod kay Jesus(J)

18 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao sa paligid niya, kanyang ipinag-utos na sila'y tumawid sa ibayo. 19 Lumapit sa kanya ang isang tagapagturo ng Kautusan at sinabi sa kanya, “Guro, susundan ko po kayo, saan man kayo magpunta.” 20 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang mga asong-gubat ay may lungga, at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad, subalit ang Anak ng Tao ay walang sariling matutulugan.” 21 Sinabi sa kanya ng isa pang alagad, “Panginoon, payagan po muna ninyo akong umuwi at mailibing ko ang aking ama.” 22 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin. Hayaan mo na ang mga patay ang maglibing sa kanilang mga patay.”

Pinatigil ni Jesus ang Bagyo(K)

23 Nang makasakay si Jesus sa bangka, sinundan siya ng kanyang mga alagad. 24 At biglang nagkaroon ng malakas na unos sa dagat, at halos matabunan na ng mga alon ang bangka. Subalit natutulog noon si Jesus. 25 Siya'y kanilang pinuntahan at ginising, na sinasabi, “Panginoon, iligtas mo kami! Mamamatay kami rito!” 26 Sinabi niya sa kanila, “Ano'ng ikinatatakot ninyo? Kayong mahihina ang pananampalataya!” Bumangon siya at pinagsabihan ang mga hangin at ang dagat. At nagkaroon ng ganap na katahimikan. 27 Kaya't namangha ang mga tao at sinabi nila, “Anong uri ng tao ito? Kahit ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”

Pinagaling ang mga Gadarenong Inaalihan ng mga Demonyo(L)

28 Pagdating niya sa kabilang pampang, sa lupain ng mga Gadareno, sinalubong siya ng dalawang lalaking sinasaniban ng demonyo. Nanggaling ang mga lalaking ito sa mga libingan at sila'y mababangis kaya't walang taong makadaan doon. 29 Bigla silang sumigaw, “Ano'ng kailangan mo sa amin, Anak ng Diyos? Pumarito ka ba upang parusahan na kami bago pa sumapit ang takdang panahon?” 30 Noon ay may isang malaking kawan ng baboy na nanginginain sa di kalayuan mula sa kanila. 31 Nakiusap kay Jesus ang mga demonyo. Sinabi nila, “Kung palalabasin mo kami, papuntahin mo na lang kami sa kawan ng mga baboy.” 32 At sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo roon.” Nagsilabas nga sila at pumasok sa mga baboy, at ang buong kawan ay rumagasang patungong bangin, nahulog sa dagat at nalunod. 33 Nagtakbuhan ang mga tagapag-alaga ng mga hayop at sila'y pumasok sa lungsod. Doon ay ibinalita nila ang buong pangyayari, lalung-lalo na ang nangyari sa mga taong sinaniban ng mga demonyo. 34 Lumabas ang lahat ng mga taong-bayan upang salubungin si Jesus. Pagkakita sa kanya, sila'y nakiusap sa kanya na lisanin ang kanilang lupain.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(M)

Sumakay si Jesus sa isang bangka, tumawid sa kabilang pampang at dumating sa kanyang sariling bayan. Dinala sa kanya ng mga tao ang isang paralitikong nakaratay sa isang banig. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Patatagin mo ang iyong loob, anak. Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” May mga tagapagturo ng Kautusan na naroon ang nagsabi sa kani-kanilang sarili, “Lumalapastangan ang taong ito.” Subalit dahil nalalaman ni Jesus ang kanilang mga iniisip, sinabi niya, “Bakit nag-iisip kayo ng masama sa inyong mga puso? Alin ba ang mas madali, ang sabihing, ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’? o ang sabihing, ‘Bumangon ka at lumakad’? Subalit upang malaman ninyong dito sa lupa, ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan,” sinabi niya sa paralitiko, “Bumangon ka, damputin mo ang iyong higaan at umuwi ka na.” Bumangon nga ang paralitiko at umuwi. Nang makita ito ng napakaraming tao, natakot sila at nagbigay-luwalhati sa Diyos na nagkaloob ng gayong kapangyarihan sa mga tao.

Ang Pagtawag kay Mateo(N)

Sa paglalakad ni Jesus mula roon ay nakita niya ang isang taong tinatawag na Mateo, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi niya rito, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo nga siya at sumunod sa kanya. 10 Habang nakaupo si Jesus sa may hapag-kainan sa bahay, maraming mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ang dumating at naupong kasalo niya at ng kanyang mga alagad. 11 Nang ito'y makita ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanyang mga alagad, “Bakit ang inyong guro ay nakikisalo sa mga maniningil ng buwis at sa mga makasalanan?” 12 Nang ito'y marinig ni Jesus, sinabi niya, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang malulusog, kundi ang mga may sakit. 13 Humayo kayo at pag-aralan ninyo ang ibig sabihin nito: ‘Ang nais ko'y habag, at hindi handog.’ Sapagkat dumating ako hindi upang tawagin ang matutuwid, kundi ang mga makasalanan.”

Ang Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(O)

14 Dumating naman sa kanya ang mga alagad ni Juan, at nagsabi, “Bakit kami pati ang mga Fariseo ay nag-aayuno, samantalang ang iyong mga alagad ay hindi nag-aayuno?” 15 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Maaari bang magpakalungkot ang mga inanyayahan sa kasalan habang kasama nila ang lalaking ikakasal? Darating ang panahon na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal at doon pa lamang sila mag-aayuno. 16 Walang taong gumagamit ng hindi pa pinaurong na tela upang itagpi sa lumang damit, sapagkat babatakin ng itinagping tela ang damit, at lalong magiging malaki ang sira. 17 Hindi rin inilalagay ang bagong alak sa mga lumang lalagyang balat. Kapag ganoon ang ginawa, puputok ang mga balat, matatapon ang alak, at magpupunit-punit ang mga balat. Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa mga bagong lalagyang balat, at pareho silang magtatagal.”

Muling Binuhay ang Anak ng Pinuno at Pinagaling ang Isang Babae(P)

18 Habang sinasabi ni Jesus ang mga ito sa kanila, dumating ang isang pinuno at nanikluhod sa kanya. “Kamamatay po lamang ng aking anak na babae, ngunit puntahan ninyo at ipatong ang inyong kamay sa kanya, at siya'y mabubuhay.” 19 Tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati ang kanyang mga alagad. 20 Samantala, may isang babaing labindalawang taon nang pinahihirapan ng pagdurugo, lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinipo ang laylayan ng damit nito. 21 Sinabi ng babae sa kanyang sarili, “Mahawakan ko lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako.” 22 Lumingon si Jesus, at pagkakita sa babae ay sinabi niya, “Patatagin mo ang iyong loob, anak. Pinagaling ka ng iyong pagsampalataya.” Nang oras ding iyon ay gumaling ang babae. 23 Pagdating ni Jesus sa bahay ng pinuno at makita ang mga manunugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakagulo, 24 sinabi niya, “Umalis na kayo. Hindi naman patay ang bata kundi natutulog lamang.” Pinagtawanan nila si Jesus. 25 Nang mapalabas na ang maraming tao, pumasok siya, hinawakan sa kamay ang batang babae at ito'y bumangon. 26 Kumalat ang balita tungkol dito sa buong lupaing iyon.

Pinagaling ang Dalawang Bulag

27 Habang nililisan ni Jesus ang dakong iyon, may dalawang lalaking bulag na sumunod sa kanya at sumisigaw nang malakas, “Maawa ka sa amin, Anak ni David.” 28 Pagpasok niya sa bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag, at sinabi ni Jesus sa kanila, “Naniniwala ba kayong kaya kong gawin ito?” Sinabi nila sa kanya, “Opo, Panginoon.” 29 Hinawakan niya ang kanilang mga mata at sinabi, “Mangyari sa inyo ang inyong pinaniniwalaan.” 30 At sila'y nakakita. Mahigpit na nagbilin sa kanila si Jesus, “Tiyakin ninyong walang ibang makaaalam nito.” 31 Subalit pag-alis nila ay ipinamalita nila ang tungkol sa kanya sa buong lupaing iyon.

Pinagaling ang Lalaking Pipi

32 Nang paalis na sina Jesus, dinala sa kanya ang isang taong pipi dahil ito'y sinasaniban ng demonyo. 33 Pinalayas ni Jesus ang demonyo, at ang pipi ay nakapagsalita. Namangha ang napakaraming tao at nagsabi, “Wala pang nakitang tulad nito sa Israel.” 34 Subalit sinabi ng mga Fariseo, “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo ay nagpapalayas siya ng mga demonyo.”

Nahabag si Jesus sa mga Tao

35 Nilibot ni Jesus ang lahat ng mga lungsod at mga nayon, at nagtuturo sa mga sinagoga ng mga Judio at ipinapahayag ang Magandang Balita ng kaharian. Pinagagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman. 36 Nang kanyang makita ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila'y nababalisa at nakakaawa, na gaya ng mga tupang walang pastol. 37 Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakarami ng aanihin, subalit kakaunti ang mga manggagawa. 38 Kaya't idalangin ninyo sa Panginoon ng ánihin na magsugo siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.”

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.