Daily Reading for Personal Growth, 40 Days with God
Ang Kayamanan sa Langit(A)
19 “Huwag(B) kayong magtipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili sa lupa, na dito ay naninira ang bukbok at ang kalawang[a] at ang mga magnanakaw ay nakakapasok at nakakapagnakaw;
20 kundi magtipon kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, na doon ang bukbok at ang kalawang ay hindi makapaninira at ang mga magnanakaw ay hindi rin makakapasok ni makakapagnakaw.
21 Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din naman ang iyong puso.
Ang Ilawan ng Katawan(C)
22 “Ang mata ang ilawan ng katawan: Kung tapat ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuno ng liwanag.
23 Ngunit kung masama ang iyong mata, ang iyong buong katawan ay magiging kadiliman. Kaya't kung ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman, anong laki ng kadiliman!
Diyos o Kayamanan(D)
24 “Walang makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa; o magiging tapat siya sa isa, at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa kayamanan.[b]
Tungkol sa Pagkabalisa(E)
25 “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba higit ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit?
26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid: hindi sila naghahasik, o gumagapas, o nag-iimbak man sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba higit na mahalaga kayo kaysa kanila?
27 Sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay mapapahaba ang kanyang buhay?[c]
28 At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Pansinin ninyo ang mga liryo sa parang, kung paano silang lumalaki; hindi sila gumagawa o humahabi man.
29 Gayunma'y(F) sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagdamit nang tulad sa isa sa mga ito.
30 At kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang, na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay itinatapon sa kalan, hindi ba lalo niya kayong bibihisan, O kayong maliliit ang pananampalataya?
31 Kaya huwag kayong mabalisa, na magsasabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’
32 Sapagkat hinahanap ng mga Hentil ang lahat ng mga bagay na ito; at batid ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.
33 Ngunit hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian[d] at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.
34 “Kaya't huwag ninyong alalahanin ang bukas, sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa kanyang sarili. Sapat na para ngayon ang kabalisahan sa araw na ito.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001