Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Samuel 15:23-16

23 At ang buong lupain ay umiyak nang malakas habang ang buong bayan ay dumaraan, at ang hari ay tumawid sa batis ng Cedron, at ang buong bayan ay tumawid sa daan patungo sa ilang.

Si Zadok, Abiatar, at si Husai ay Pinabalik

24 Dumating si Abiatar, pati si Zadok at ang lahat na Levitang kasama niya na dala ang kaban ng tipan ng Diyos. Kanilang inilapag ang kaban ng Diyos hanggang sa ang buong bayan ay makalabas sa lunsod.

25 Sinabi ng hari kay Zadok, “Ibalik mo ang kaban ng Diyos sa lunsod. Kapag ako'y nakatagpo ng biyaya sa mga mata ng Panginoon, ibabalik niya ako at ipapakita sa akin ang kaban at gayundin ang kanyang tahanan.

26 Ngunit kung sabihin niyang ganito, ‘Hindi kita kinalulugdan;’ ako'y naririto, gawin niya sa akin ang inaakala niyang mabuti.”

27 Sinabi rin ng hari kay Zadok na pari, “Nakikita mo ba? Bumalik kang payapa sa lunsod, kasama ang iyong dalawang anak, si Ahimaaz na iyong anak at si Jonathan na anak ni Abiatar.

28 Tingnan mo, ako'y maghihintay sa mga tawiran sa ilang hanggang sa may dumating na salita na mula sa inyo upang ipabatid sa akin.”

29 Kaya't dinala muli nina Zadok at Abiatar sa Jerusalem ang kaban ng Diyos at sila'y nanatili roon.

30 Ngunit umahon si David sa ahunan sa Bundok ng mga Olibo, na umiiyak habang siya'y umaahon. Ang kanyang ulo ay may takip at lumalakad siya na walang suot ang paa; at ang buong bayan na kasama niya ay may takip ang ulo, at sila'y umahon at umiiyak habang umaahon.

31 At ibinalita kay David, “Si Ahitofel ay isa sa mga kasabwat na kasama ni Absalom.” Sinabi ni David, “O Panginoon, hinihiling ko sa iyo, gawin mong kahangalan ang payo ni Ahitofel.”

32 Nang si David ay makarating sa tuktok na doon ay sinasamba ang Diyos, si Husai na Arkita ay sumalubong sa kanya na ang damit ay punit at may lupa sa kanyang ulo.

33 Sinabi ni David sa kanya, “Kapag ikaw ay nagpatuloy na kasama ko, ikaw ay magiging pasanin ko.

34 Ngunit kung ikaw ay babalik sa lunsod, at sasabihin mo kay Absalom, ‘Ako'y magiging iyong lingkod, O hari. Kung paanong ako'y naging lingkod ng iyong ama nang panahong nakaraan ay gayon magiging lingkod mo ako ngayon;’ kung magkagayo'y iyong mapapawalang-saysay para sa akin ang payo ni Ahitofel.

35 At hindi ba kasama mo roon si Zadok at si Abiatar na mga pari? Kaya't anumang marinig mo sa sambahayan ng hari, iyong sabihin kay Zadok at kay Abiatar na mga pari.

36 Kasama nila roon ang kanilang dalawang anak, si Ahimaaz na anak ni Zadok, at si Jonathan na anak ni Abiatar. Sa pamamagitan nila ay inyong ipadadala sa akin ang bawat bagay na inyong maririnig.”

37 Kaya't si Husai na kaibigan ni David ay dumating sa lunsod; samantalang si Absalom ay pumapasok sa Jerusalem.

Sina David at Ziba

16 Nang(A) si David ay makalampas ng kaunti sa tuktok, sinalubong siya ni Ziba na lingkod ni Mefiboset na may isang pares na magkatuwang na asno na may pasang dalawandaang tinapay, isandaang kumpol na pasas, isandaang prutas sa tag-araw, at alak sa isang sisidlang balat.

Sinabi ng hari kay Ziba, “Bakit ka nagdala ng mga ito?” Sumagot si Ziba, “Ang mga asno ay upang sakyan ng sambahayan ng hari; ang tinapay at ang prutas sa tag-araw ay upang makain ng mga kabataan, at ang alak ay upang mainom ng napapagod sa ilang.”

Sinabi(B) ng hari, “Nasaan ang anak ng iyong panginoon?” At sinabi ni Ziba sa hari, “Siya'y nakatira sa Jerusalem; sapagkat kanyang sinabi, ‘Ngayo'y ibabalik sa akin ng sambahayan ng Israel ang kaharian ng aking ama.’”

Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Ziba, “Narito, ang lahat ng pag-aari ni Mefiboset ay sa iyo na ngayon.” At sinabi ni Ziba, “Ako'y yumuyukod; makatagpo nawa ako ng biyaya sa paningin mo, panginoon kong hari.”

Sina David at Shimei

Nang dumating si Haring David sa Bahurim, may lumabas na isang lalaki mula sa angkan ng sambahayan ni Saul, na ang pangala'y Shimei, na anak ni Gera. Habang siya'y lumalabas, siya'y patuloy na nagmumura.

Kanyang pinagbabato si Haring David at ang lahat ng kanyang mga lingkod. Ang buong bayan, at ang lahat ng mga mandirigma ay nasa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa.

Ganito ang sinasabi ni Shimei habang siya'y nagmumura, “Lumayas ka, lumayas ka, ikaw na mamamatay-tao, ikaw na taong walang kabuluhan!

Ipinaghiganti sa iyo ng Panginoon ang lahat ng dugo ng sambahayan ni Saul na siya mong pinalitan sa pagiging hari. At ibinigay ng Panginoon ang kaharian sa kamay ni Absalom na iyong anak. Tingnan mo, dinatnan ka ng pagkawasak sapagkat ikaw ay mamamatay-tao.”

Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai na anak ni Zeruia sa hari, “Bakit lalaitin nitong asong patay ang aking panginoong hari? Patawirin mo ako, at pupugutin ko ang kanyang ulo.”

10 Subalit sinabi ng hari, “Anong pakialam ko sa inyo, kayong mga anak ni Zeruia? Kung siya'y nanlalait sapagkat sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Laitin mo si David,’ sino nga ang magsasabi, ‘Bakit ka gumawa ng ganyan?’”

11 At sinabi ni David kay Abisai at sa lahat niyang mga lingkod, “Ang aking buhay ay tinutugis ng sarili kong anak; gaano pa nga kaya ang Benjaminitang ito? Bayaan ninyo siya, hayaan ninyo siyang manlait sapagkat inutusan siya ng Panginoon.

12 Marahil ay titingnan ng Panginoon ang aking paghihirap, at gagantihan ako ng mabuti ng Panginoon sa panlalait sa akin sa araw na ito.”

13 Kaya't nagpatuloy ng paglakad si David at ang kanyang mga tauhan, samantalang si Shimei ay humayo sa tagiliran ng bundok sa tapat niya. Habang humahayo, kanyang nilalait, binabato at sinasabuyan ng alabok si David.

14 At ang hari at ang mga taong kasama niya ay pagod na dumating at nagpahinga siya roon.

Si Absalom sa Jerusalem

15 Samantala, si Absalom at ang buong bayan ng Israel ay dumating sa Jerusalem, at si Ahitofel ay kasama niya.

16 Nang si Husai na Arkita, na kaibigan ni David, ay dumating kay Absalom, sinabi ni Husai kay Absalom, “Mabuhay ang hari, mabuhay ang hari.”

17 Sinabi ni Absalom kay Husai, “Ito ba ang katapatan mo sa iyong kaibigan? Bakit hindi ka sumama sa iyong kaibigan?”

18 Sinabi ni Husai kay Absalom, “Hindi, kundi kung sinong piliin ng Panginoon, ng bayang ito, at ng lahat ng lalaki sa Israel, sa kanya ako sasama, at sa kanya ako mananatili.

19 At saka, kanino ako maglilingkod? Hindi ba sa kanyang anak? Kung paanong ako'y naglingkod sa iyong ama, ay maglilingkod ako sa iyo.”

20 Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom kay Ahitofel, “Ibigay ninyo ang inyong payo, ano ang ating gagawin?”

21 At sinabi ni Ahitofel kay Absalom, “Sipingan mo ang mga asawang-lingkod ng iyong ama na kanyang iniwan upang pangalagaan ang bahay. Mababalitaan ng buong Israel na pinasama mo ang iyong sarili sa iyong ama. Kung magkagayo'y lalakas ang mga kamay ng lahat ng kasama mo.”

22 Kaya't(C) ipinagtayo nila si Absalom ng isang tolda sa bubungan ng bahay; at sinipingan ni Absalom ang mga asawang-lingkod ng kanyang ama sa paningin ng buong Israel.

23 Nang mga araw na iyon, ang payong ibinibigay ni Ahitofel ay para na ring ang isang tao ay sumangguni sa salita ng Diyos. Kaya't lahat ng payo ni Ahitofel ay pinapahalagahan, maging ni David o ni Absalom.

Juan 18:25-19:22

Muling Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(A)

25 Nakatayo si Pedro na nagpapainit ng sarili. Sinabi nila sa kanya, “Hindi ba ikaw ay isa rin sa kanyang mga alagad?” Ikinaila niya ito at sinabi, “Hindi.”

26 Sinabi ng isa sa mga alipin ng pinakapunong pari, na kamag-anak ng tinagpasan ni Pedro ng tainga, “Hindi ba ikaw ang nakita kong kasama niya sa halamanan?”

27 Muling nagkaila si Pedro at kaagad tumilaok ang isang manok.

Si Jesus sa Harapan ni Pilato(B)

28 Pagkatapos ay dinala nila si Jesus mula kay Caifas hanggang sa palasyo ng gobernador.[a] Noon ay maaga pa at sila'y hindi pumasok sa punong-himpilan, upang hindi marumihan,[b] at upang sila'y makakain ng kordero ng paskuwa.

29 Kaya't lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Anong paratang ang dala ninyo laban sa taong ito?”

30 Sila'y sumagot at sinabi sa kanya, “Kung ang taong ito'y hindi gumawa ng masama, ay hindi sana namin dinala sa iyo.”

31 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya, at siya'y inyong hatulan ayon sa inyong batas.” Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Hindi kami pinahihintulutan na ipapatay ang sinumang tao.”

32 Ito(C) ay upang matupad ang salitang sinabi ni Jesus, nang kanyang ipahiwatig kung sa anong paraan ng kamatayan siya mamamatay.

33 Si Pilato ay muling pumasok sa palasyo ng gobernador, at tinawag si Jesus, at sinabi sa kanya, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?”

34 Sumagot si Jesus, “Sinasabi mo ba ito mula sa iyong sarili, o may ibang nagsabi sa iyo tungkol sa akin?”

35 Si Pilato ay sumagot, “Ako ba'y Judio? Ang iyong sariling bansa at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo sa akin. Ano bang ginawa mo?”

36 Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko ay hindi mula sa sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay mula sa sanlibutang ito, ang aking mga tauhan ay makikipaglaban sana upang ako'y huwag maibigay sa mga Judio; ngunit ang aking kaharian ay hindi mula rito.”

37 Sinabi sa kanya ni Pilato, “Kung gayon, ikaw ay hari?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ako'y ipinanganak dahil dito, at dahil dito ay pumarito ako sa sanlibutan, upang magpatotoo sa katotohanan. Ang bawat isang panig sa katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.”

Hinatulan si Jesus na Mamatay(D)

38 Sinabi sa kanya ni Pilato, “Ano ang katotohanan?”

At nang masabi niya ito ay lumabas siyang muli sa mga Judio at sa kanila'y sinabi, “Wala akong makitang anumang kasalanan sa kanya.

39 Ngunit kayo'y may kaugalian na maaari kong pakawalan ang isang tao para sa inyo sa Paskuwa. Gusto ba ninyong pakawalan ko para sa inyo ang Hari ng mga Judio?”

40 Sila'y sumigaw na muli, “Hindi ang taong ito, kundi si Barabas.” Si Barabas ay isang tulisan.

19 Pagkatapos ay kinuha ni Pilato si Jesus at siya'y hinagupit.

Ang mga kawal ay gumawa ng isang koronang tinik, ipinatong sa kanyang ulo, at siya'y sinuotan ng isang balabal na kulay-ube.

Sila'y lumapit sa kanya, na nagsasabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” At siya'y kanilang pinagsusuntok.

Si Pilato ay muling lumabas at sa kanila'y sinabi, “Tingnan ninyo, ilalabas ko siya sa inyo upang inyong malaman na wala akong nakitang anumang kasalanan sa kanya.”

Lumabas nga si Jesus, na may koronang tinik at balabal na kulay-ube. Sinabi ni Pilato sa kanila, “Narito ang tao!”

Nang siya ay makita ng mga punong pari at ng mga punong-kawal, sila'y nagsigawan, “Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus!” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kunin ninyo siya, at ipako ninyo siya sa krus, sapagkat ako'y walang nakitang kasalanan sa kanya.”

Sumagot sa kanya ang mga Judio, “Kami'y mayroong isang kautusan, at ayon sa kautusang iyon ay dapat siyang mamatay, sapagkat inaangkin niya na siya ay Anak ng Diyos.”

Nang marinig ni Pilato ang salitang ito ay lalo siyang natakot.

Siya'y muling pumasok sa palasyo ng gobernador, at sinabi kay Jesus, “Taga-saan ka?” Ngunit hindi siya sinagot ni Jesus.

10 Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, “Ayaw mong makipag-usap sa akin? Hindi mo ba alam na ako'y may kapangyarihang ikaw ay pakawalan at may kapangyarihang ikaw ay ipako sa krus?”

11 Sumagot si Jesus sa kanya, “Hindi ka magkakaroon ng anumang kapangyarihan laban sa akin malibang ito'y ibinigay sa iyo mula sa itaas. Kaya't ang nagdala sa akin sa iyo ay may mas malaking kasalanan.”

12 Mula noo'y sinikap ni Pilato na siya'y pakawalan. Ngunit ang mga Judio ay nagsisigawang, “Kung pakakawalan mo ang taong ito ay hindi ka kaibigan ni Cesar.[c] Ang bawat nag-aangkin na siya'y hari ay nagsasalita ng laban kay Cesar.”

13 Nang marinig ni Pilato ang mga salitang ito ay inilabas niya si Jesus, at siya'y naupo sa hukuman sa dakong tinatawag na Plataporma (sa Hebreo ay Gabbatha).

14 Noon ay Paghahanda ng Paskuwa, at noo'y mag-iikaanim na oras.[d] Sinabi niya sa mga Judio, “Narito ang inyong Hari!”

15 Sila'y nagsigawan, “Ilayo siya, ilayo siya, ipako siya sa krus!” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Ipapako ko ba sa krus ang inyong Hari?” Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari liban kay Cesar.”

Ipinako si Jesus sa Krus(E)

16 At ibinigay ni Pilato[e] si Jesus[f] sa kanila upang maipako sa krus.

17 Kinuha nila si Jesus, at siya'y lumabas na pasan niya ang krus, patungo sa tinatawag na Pook ng Bungo, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Golgota.

18 Doon ay kanilang ipinako siya at kasama niya ang dalawa pa, isa sa bawat tagiliran, at sa gitna nila ay si Jesus.

19 Sumulat din si Pilato ng isang pamagat, at inilagay sa itaas ng krus. At ang nakasulat ay “Jesus na Taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.”

20 Marami sa mga Judio ang nakabasa ng pamagat na ito, sapagkat ang dakong pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa lunsod, at ito'y isinulat sa Hebreo, sa Latin, at sa Griyego.

21 Kaya't sinabi kay Pilato ng mga punong pari ng mga Judio, “Huwag mong isulat, ‘Ang Hari ng mga Judio,’ kundi, ‘Sinasabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.’”

22 Sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko ay naisulat ko na.”

Mga Awit 119:113-128

SAMECH.

113 Kinasusuklaman ko ang mga taong may salawahang kaisipan,
    ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
114 Ikaw ang aking kalasag at dakong kublihan;
    ang iyong salita ang aking inaasahan.
115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan;
    upang ang mga utos ng aking Diyos ay aking maingatan.
116 Alalayan mo ako ayon sa iyong pangako upang mabuhay ako,
    at huwag mo akong hiyain sa pag-asa ko!
117 Alalayan mo ako, upang ako'y maging ligtas,
    at laging magkaroon ako ng pagpapahalaga sa iyong mga batas.
118 Iyong tinatanggihan silang lahat na naliligaw sa iyong mga kautusan;
    sapagkat ang kanilang katusuhan ay walang kabuluhan.
119 Inalis mo ang lahat ng masama sa lupa gaya ng basura,
    kaya't iniibig ko ang iyong mga patotoo.
120 Ang laman ko'y nanginginig dahil sa takot sa iyo;
    at ako'y takot sa mga hatol mo.

AIN.

121 Aking ginawa ang tama at makatuwiran;
    sa mga umaapi sa akin ay huwag mo akong iwan.
122 Maging panagot ka sa ikabubuti ng iyong lingkod,
    huwag mong hayaang apihin ako ng mayabang.
123 Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa pagliligtas mo,
    at sa iyong matuwid na pangako.
124 Pakitunguhan mo ang iyong lingkod ng ayon sa iyong tapat na pag-ibig,
    at ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin.
125 Ako'y lingkod mo; bigyan mo ako ng kaunawaan,
    upang ang mga patotoo mo ay aking malaman!
126 Panahon na upang kumilos ang Panginoon,
    sapagkat ang kautusan mo ay nilabag.
127 Kaya't aking iniibig ang mga utos mo
    nang higit kaysa ginto, higit kaysa dalisay na ginto.
128 Kaya't aking pinapahalagahan na matuwid ang lahat mong mga tuntunin tungkol sa lahat ng mga bagay;
    kinasusuklaman ko ang bawat huwad na daan.

Mga Kawikaan 16:10-11

10 Kinasihang mga pasiya ay nasa mga labi ng hari;
    ang kanyang bibig sa paghatol ay di magkakamali.
11 Sa Panginoon nauukol ang sukatan at timbangang tama;
    lahat ng panimbang sa supot ay kanyang mga gawa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001