Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 31-34

Kawawa ang mga Nagtitiwala sa Egipto

31 Nakakaawa kayong humihingi ng tulong sa Egipto. Umaasa kayo sa mabibilis nilang kabayo, sa marami nilang karwahe, at malalakas na sundalong nangangabayo. Pero hindi kayo nagtitiwala sa Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel, at hindi kayo humihingi ng tulong sa kanya. Sa karunungan ng Dios, magpapadala siya ng salot, at talagang gagawin niya ang kanyang sinabi. Paparusahan niya ang pamilya ng masasama at ang mga tumutulong sa kanila. Ang mga taga-Egipto ay mga tao lang din at hindi Dios. Ang mga kabayo nilaʼy hindi naman mga espiritu, kundi tulad lang din ng ibang mga kabayo. Kapag nagparusa na ang Panginoon, mawawasak ang Egipto pati ang mga bansa na tinulungan nito. Pare-pareho silang mawawasak. Ito ang sinabi sa akin ng Panginoon, “Walang makakapigil sa leon sa paglapa niya sa kanyang biktima kahit na magsisigaw pa ang mga nagbabantay ng mga hayop. Katulad ko rin, walang makakapigil sa akin para ingatan ang Bundok ng Zion. Ako ang Panginoong Makapangyarihan, babantayan ko ang Jerusalem na parang ibon na nagbabantay sa kanyang pugad. Iingatan ko ito, ililigtas, at hindi pababayaan.”

Mga Israelita, magbalik-loob kayo sa Panginoong labis na ninyong sinuway. Sapagkat darating ang araw na itatakwil ninyo ang inyong mga dios-diosang pilak at ginto na kayo mismo ang gumawa dahil sa inyong pagiging makasalanan.

Mamamatay ang mga taga-Asiria, pero hindi sa pamamagitan ng espada ng tao. Tatakas sila mula sa digmaan, at magiging alipin ang kanilang mga kabataan. Tatakas ang kanilang mga kawal[a] dahil sa takot, pati ang kanilang mga pinuno ay hindi na malaman ang gagawin kapag nakita nila ang bandila ng kanilang mga kaaway. Iyan ang sinabi ng Panginoon, na ang kanyang apoy ay nagniningas sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem.[b]

Ang Matuwid na Hari

32 May isang hari na maghahari nang matuwid, at ang kanyang mga opisyal ay mamamahala nang may katarungan. Ang bawat isa sa kanilaʼy magiging kanlungan sa malakas na hangin at bagyo. Ang katulad nilaʼy ilog na dumadaloy sa disyerto, at lilim ng malaking bato sa mainit at tuyong lupain. Maghahanap at makikinig ang mga tao sa Dios. Ang taong pabigla-bigla ay mag-iisip nang mabuti para malaman niya ang kanyang gagawin. Ang taong hindi alam kung ano ang sasabihin ay makakapagsalita nang mabuti at malinaw. Ang mga hangal ay hindi na dadakilain, at ang mga mandaraya ay hindi na igagalang. Sapagkat kahangalan ang sinasabi ng hangal, at ang masama niyang isipan ay nagbabalak na gumawa ng mga kasamaan. Nilalapastangan niya ang Dios, at pinagkakaitan ang mga nagugutom at nauuhaw. Masama ang pamamaraan ng mandaraya. Ipinapahamak niya ang mga dukha sa pamamagitan ng kanyang kasinungalingan, kahit na sa panahon ng paghingi ng mga ito ng katarungan. Pero ang taong marangal ay may hangarin na palaging gumawa ng mabuti, at itoʼy kanyang tinutupad.

9-10 Kayong mga babaeng patambay-tambay lang at walang pakialam, pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyo! Bago matapos ang taon, mababagabag kayo dahil hindi na mamumunga ang mga ubas at wala na kayong mapipitas. 11 Matagal na kayong nakatambay at walang pakialam. Ngayon manginig na kayo sa takot. Hubarin ninyo ang inyong mga damit at magbigkis ng sako sa inyong baywang. 12 Dagukan ninyo ang inyong dibdib sa kalungkutan dahil sa mangyayari sa inyong masaganang bukirin at mabungang ubasan. 13 Ang lupain ng aking mga mamamayan ay tutubuan ng mga damo at matitinik na halaman, at mawawala ang masasayang tahanan at lungsod. 14 Ang mataong lungsod at ang matibay na bahagi nito ay hindi na titirhan. Ang burol at ang bantayang tore nito ay magiging parang ilang magpakailanman. Itoʼy magiging tirahan ng mga maiilap na asno at pastulan ng mga tupa. 15 Mangyayari ito hanggang sa ipadala sa atin ang Espiritu mula sa langit. Kung magkagayon, ang ilang ay magiging matabang lupain at ang matabang lupain ay magiging kagubatan. 16 Lalaganap ang katarungan at katuwiran sa ilang at matabang lupain. 17 At ang bunga ng katuwiran ay ang mabuting kalagayan, kapayapaan, at kapanatagan magpakailanman. 18 Kayong mga mamamayan ng Dios ay titira sa mapayapang tahanan at ligtas sa kapahamakan. At wala nang gagambala sa inyo. 19 Kahit masisira ang kagubatan at ang mga lungsod dahil umuulan ng yelo na parang bato, 20 pagpapalain kayo ng Dios. Magiging masagana ang tubig para sa mga pananim, at ang inyong mga hayop ay malayang manginginain kahit saan.

Tutulungan ng Dios ang Kanyang mga Mamamayan

33 Nakakaawa kayong mga nangwawasak na hindi pa nakaranas ng pagkawasak. Nakakaawa kayo, kayong mga taksil, na hindi pa napagtataksilan. Kapag natapos na ang inyong pangwawasak at pagtataksil, kayo naman ang wawasakin at pagtataksilan.

Panginoon, kaawaan nʼyo po kami. Nagtitiwala kami sa inyo. Palakasin nʼyo kami araw-araw, at iligtas sa panahon ng kaguluhan. Tumatakas ang mga tao sa dagundong ng inyong tinig. Kapag kayoʼy tumayo para magparusa, nagsisipangalat ang mga bansa. Sasamsamin ang kanilang mga ari-arian, at matutulad sila sa halamang sinalakay ng balang.

Ang Panginoon ay dakila sa lahat! Siyaʼy naninirahan sa langit. Paiiralin niya ang katarungan at katuwiran sa Jerusalem. Siya ang magpapatatag sa inyo. Iingatan niya kayo at bibigyan ng karunungan at kaalaman. At ang mahalagang kayamanan ninyo ay ang pagkatakot sa Panginoon.

Makinig kayo! Ang matatapang nʼyong mamamayan ay humihingi ng saklolo sa mga lansangan. Ang inyong mga sugo para sa kapayapaan ay umiiyak sa pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan. Wala nang dumadaan o lumalakad sa mga lansangan. Nilalabag na ang kasunduan at hindi na pinahahalagahan ang mga saksi nito.[c] Wala nang taong iginagalang. Kawawa ang lupain ng Israel. Nalalanta ang mga puno ng Lebanon, at napapahiya. Naging ilang ang kapatagan ng Sharon. Nalalaglag ang mga dahon ng mga puno sa Bashan at sa Carmel. 10 Sinabi ng Panginoon, “Kikilos na ako ngayon, at dadakilain ako ng mga tao. 11 Kayong mga taga-Asiria, walang kabuluhan ang inyong mga plano at mga ginagawa. Ang nag-aapoy ninyong galit[d] ang tutupok sa inyo. 12 Masusunog kayo hanggang sa maging tulad kayo ng apog. Matutulad kayo sa matitinik na mga halaman na pinutol at sinunog. 13 Kayong mga bansa, malapit man o malayo, pakinggan ninyo ang mga ginawa ko at kilalanin ninyo ang kapangyarihan ko.”

14 Nanginginig sa takot ang mga makasalanan sa Zion. Sabi nila, “Ang Dios ay parang nagliliyab na apoy na hindi namamatay. Sino sa atin ang makakatagal sa presensya ng Dios?” 15 Ang makakatagal ay ang mga taong namumuhay nang matuwid at hindi nagsisinungaling, hindi gahaman sa salapi o tumatanggap man ng suhol. Hindi sila nakikiisa sa mga mamamatay-tao at hindi gumagawa ng iba pang masamang gawain. 16 Ganyang klaseng mga tao ang maliligtas sa kapahamakan, parang nakatira sa mataas na lugar, na ang kanilang kanlungan ay ang malalaking bato. Hindi sila mawawalan ng pagkain at inumin.

17 Mga Israelita, makikita ninyo[e] ang isang makapangyarihang hari na namamahala sa napakalawak na kaharian. 18 Maaalala ninyo ang nakakatakot na araw nang dumating sa inyo ang mga pinuno ng Asiria at binilang ang inyong mga tore at kung ilang ari-arian ang makukuha nila sa inyo. 19 Pero hindi na ninyo makikita ang mga mayayabang na iyon, na ang salita nila ay hindi ninyo maintindihan. 20 Tingnan ninyo ang Zion, ang Jerusalem, ang lungsod na pinagdarausan natin ng ating mga pista. Makikita na magiging mapayapang lugar at magandang tirahan ito. Itoʼy magiging parang toldang matibay, na ang mga tulos ay hindi mabunot at ang mga tali ay hindi malagot. 21 Ipapakita rito sa atin ng Panginoon na siyaʼy makapangyarihan. Ang Jerusalem ay parang isang lugar na may malawak na ilog at batis, na hindi matatawid ng mga sasakyan ng mga kaaway. 22 Gagawin ito ng Panginoon dahil siya ang ating hukom, mambabatas,[f] at hari. Siya ang magliligtas sa atin.

23 Ang Jerusalem ngayon ay parang sasakyang pandagat na maluwag ang mga tali at palo, at hindi mailadlad ang layag. Pero darating ang araw na maraming ari-arian ang sasamsamin ng Jerusalem sa kanyang mga kaaway. Kahit ang mga pilay ay bibigyan ng bahagi. 24 Wala ng mamamayan sa Jerusalem na magsasabi, “May sakit ako.” Patatawarin sila ng Dios sa kanilang mga kasalanan.

Parurusahan ng Dios ang Kanyang mga Kaaway

34 Kayong mga bansa, lumapit kayo at makinig nang mabuti. Makinig ang buong mundo at ang lahat ng nasa kanya. Sapagkat galit ang Panginoon sa lahat ng bansa; galit siya sa kanilang mga kawal. Ganap niyang lilipulin ang mga ito. Papatayin niya silang lahat. Hindi ililibing ang kanilang mga bangkay kaya aalingasaw ito, at ang mga bundok ay mamumula dahil sa kanilang dugo. Matutunaw ang lahat ng bagay sa langit, at ang langit ay mawawala na parang kasulatan na nairolyo. Mahuhulog ang mga bituin na parang mga dahon ng ubas o ng igos na nalalanta at nalalagas. Pagkatapos gamitin ng Panginoon ang kanyang espada sa langit, tatama naman ito sa Edom para parusahan at lipulin. Ang espada ng Panginoon ay mapupuno ng dugo at taba, na parang ginamit sa pagkatay ng mga kambing at tupang ihahandog, sapagkat papatayin ng Panginoon ang mga taga-Bozra bilang handog. Marami ang kanyang papatayin sa iba pang mga lungsod ng Edom. Papatayin din na parang mga toro ang kanilang mga makapangyarihang mamamayan. Ang kanilang lupain ay mapupuno ng dugo at taba. Sapagkat ang Panginoon ay may itinakdang araw upang maghiganti sa kanyang mga kaaway para tulungan ang Zion. Ang mga sapa at ang lupa sa Edom ay masisira.[g] Ang buong bansa ay masusunog at hindi na mapapakinabangan. 10 At hindi ito mapapatay araw at gabi. Ang usok nitoʼy papailanlang magpakailanman. Wala nang titira o dadaan man lang sa Edom kahit kailan. 11 Magiging tirahan ito ng mga kuwago at mga uwak. Nasa plano na ng Panginoon na ipadanas sa lupaing ito ang kaguluhan at kapahamakan. 12 At tatawagin itong, “Walang Kwentang Kaharian.” Mawawala ang lahat ng pinuno nito. 13 Tutubo ang matitinik na mga halaman sa mga napapaderang lungsod at matitibay na bahagi nito. Maninirahan doon ang mga kuwago at mga asong-gubat. 14 Magsasama-sama roon ang mga asong-gubat kasama ng iba pang hayop sa gubat. Tatawagin ng mga maiilap na kambing ang mga kasamahan nila roon. At ang mga malignong lumalabas kapag gabi ay pupunta roon para magpahinga. 15 Ang mga kuwago ay magpupugad doon, mangingitlog, mamimisa, at iingatan nila ang kanilang mga inakay sa ilalim ng kanilang mga pakpak. Ang mga uwak ay pares-pares na magtitipon roon.

16 Tingnan ninyo ang aklat ng Panginoon at basahin. Wala ni isa man sa mga sinabi ko ang hindi matutupad. Walang mawawala ni isa man sa mga hayop na iyon, at wala ni isa man sa mga ito ang walang kapares, sapagkat iyan ang ipinasya ng Panginoon, at siya mismo[h] ang magtitipon sa kanila. 17 Siya ang magbibigay sa mga hayop ng lupa na kanilang titirhan. Mapapasakanila ito magpakailanman, at doon sila titira magpakailanman.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®