Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 5:11-6:23

11 Nagsugo ng mga mensahero si Haring Hiram ng Tyre kay David kasama ng mga karpintero at kantero, at may dala silang mga trosong sedro para maipagpatayo ng palasyo si David. 12 At naunawaan ni David na ang Panginoon ang nagluklok sa kanya bilang hari ng Israel at nagpaunlad ng kaharian niya para sa mga mamamayang Israelita.

13 Nang lumipat siya mula sa Hebron papuntang Jerusalem, marami pa siyang naging asawa; ang iba sa kanilaʼy mga alipin niya, at nadagdagan pa ang mga anak niya. 14 Ito ang mga pangalan ng mga anak niyang lalaki na ipinanganak sa Jerusalem: Shamua, Shobab, Natan, Solomon, 15 Ibhar, Elishua, Nefeg, Jafia, 16 Elishama, Eliada at Elifelet.

Tinalo ni David ang mga Filisteo(A)

17 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ang piniling hari ng Israel, tinipon nila ang lahat ng sundalo nila para hulihin siya. Pero nabalitaan ito ni David, kaya pumunta siya sa isang matatag na kuta. 18 Dumating ang mga Filisteo at nagkampo sa Lambak ng Refaim. 19 Kaya nagtanong si David sa Panginoon, “Sasalakayin po ba namin ang mga Filisteo? Ipapatalo nʼyo po ba sila sa amin?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, lumakad kayo, dahil siguradong ipapatalo ko sila sa inyo.” 20 Kaya nagpunta sina David sa Baal Perazim, at doon natalo nila ang mga Filisteo. Sinabi ni David, “Nilipol ng Panginoon ang mga kalaban ko na parang dinaanan ng rumaragasang baha sa harapan ko.” Kaya tinawag na Baal Perazim[a] ang lugar na iyon. 21 Iniwanan doon ng mga Filisteo ang mga dios-diosan nila, at dinala ito ni David at ng mga tauhan niya.

22 Bumalik ang mga Filisteo at muling nagkampo sa Lambak ng Refaim. 23 Kaya muling nagtanong si David sa Panginoon, at sumagot ang Panginoon, “Huwag nʼyo agad silang salakayin kundi palibutan muna, at saka nʼyo sila salakayin malapit sa puno ng balsamo. 24 Kapag narinig nʼyo na parang may nagmamartsang mga sundalo sa taas na bahagi ng puno ng balsamo, dali-dali kayong sumalakay dahil iyon ang tanda na pinangungunahan ko kayo sa pagsalakay sa mga Filisteo.” 25 Ginawa nga ni David ang iniutos ng Panginoon sa kanya, at pinagpapatay nila ang mga Filisteo mula sa Geba[b] hanggang sa Gezer.

Dinala ang Kahon ng Kasunduan sa Jerusalem(B)

Muling tinipon ni David ang pinakamagagaling na sundalo ng Israel at umabot ito sa 30,000. Lumakad sila papuntang Baala na sakop ng Juda para kunin doon ang Kahon ng Dios,[c] kung saan naroon ang presensya[d] ng Panginoong Makapangyarihan. Nakaluklok ang Panginoon sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng Kahon. 3-4 Kinuha nina David ang Kahon ng Kasunduan ng Dios na nandoon sa bahay ni Abinadab sa burol at isinakay ito sa bagong kariton. Sina Uza at Ahio na anak ni Abinadab ang umaalalay sa kariton; si Ahio ang nasa unahan. Buong kagalakang nagdiwang si David at ang buong Israel sa presensya ng Panginoon nang buong kalakasan. Umaawit sila[e] at tumutugtog ng mga alpa, lira, tamburin, kastaneta at pompyang.

Nang dumating sila sa may giikan ni Nacon, natisod ang mga baka at hinawakan ni Uza ang Kahon ng Kasunduan ng Dios. Nagalit nang matindi ang Panginoon kay Uza dahil sa ginawa niya. Kaya pinatay siya ng Dios doon sa tabi ng Kahon. Nagalit si David dahil biglang pinarusahan ng Panginoon si Uza. Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez Uza.[f] Nang araw na iyon, natakot si David sa Panginoon at sinabi niya, “Paano madadala sa lungsod ko ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon?” 10 Kaya nagdesisyon siyang huwag na lang dalhin sa lungsod niya[g] ang Kahon ng Panginoon. Iniwan na lang niya ito sa bahay ni Obed Edom na taga-Gat. 11 Nanatili ang Kahon ng Panginoon sa bahay ni Obed Edom sa loob ng tatlong buwan, at pinagpala siya ng Panginoon, maging ang buo niyang sambahayan.

12 Ngayon, nabalitaan ni Haring David na pinagpala ng Panginoon ang sambahayan ni Obed Edom at ang lahat ng pag-aari nito dahil sa Kahon ng Dios. Kaya pumunta siya sa bahay nito at kinuha ang Kahon ng Dios at dinala sa Jerusalem nang may kagalakan. 13 Nang makaanim na hakbang na ang mga nagbubuhat ng Kahon ng Panginoon, pinahinto sila ni David at naghandog siya ng isang toro at isang pinatabang guya. 14 At sumayaw si David nang buong sigla sa presensya ng Panginoon na nakasuot ng espesyal na damit[h] na gawa sa telang linen. 15 Habang dinadala ni David at ng mga Israelita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, nagsisigawan sila at umiihip ng trumpeta.

16 Nang papasok na ng lungsod ang Kahon ng Panginoon, dumungaw sa bintana si Mical na anak ni Saul. Nakita niyang nagtatatalon at nagsasasayaw si Haring David sa presensya ng Panginoon, at ikinahiya niya ang ginawa nito. 17 Inilagay nila ang Kahon ng Panginoon sa loob ng toldang ipinatayo ni David para rito. Pagkatapos, nag-alay siya sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[i] 18 Pagkatapos niyang maghandog, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ng Panginoong Makapangyarihan. 19 Binigyan niya ng tinapay, karne[j] at pasas ang bawat isang Israelita, lalaki man o babae. Pagkatapos, umuwi sila sa kani-kanilang mga bahay.

20 Nang umuwi si David para basbasan ang sambahayan niya, sinalubong siya ni Mical na anak ni Saul at kinutya, “Napakadakila ng araw na ito para sa kagalang-galang na hari ng Israel! Sumasayaw kang halos hubad na, sa harap ng mga babaeng alipin ng mga opisyal mo, hindi ka man lang nahiya!” 21 Sinabi ni David kay Mical, “Ginawa ko iyon sa presensya ng Panginoon na pumili sa akin kapalit ng iyong ama o ng kahit sino pa sa angkan niya. Pinili niya akong mamahala sa mga mamamayan niyang Israelita kaya ipagpapatuloy ko ang pagsasaya sa presensya ng Panginoon. 22 At kahit na nakakahiya pa ang gagawin ko para sa pagdiriwang ng Panginoon, gagawin ko pa rin ito. Kahiya-hiya ako sa paningin mo[k] pero marangal ako sa paningin ng mga babaeng alipin na sinasabi mo.”

23 Dahil dito, hindi nagkaanak si Mical hanggang sa mamatay siya.

1 Cronica 13-16

Ang Pagkuha ng Kahon ng Kasunduan(A)

13 Nakipag-usap si David sa kanyang mga opisyal at sa mga kumander ng libu-libo at daan-daang sundalo. Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng Israelitang naroon, “Kung gusto ninyo at kung kalooban ng Panginoon na ating Dios, magpapadala tayo ng mensahe sa lahat ng kababayan natin sa buong Israel, pati na sa mga pari at mga Levita na kasama nila sa mga bayan at pastulan. Papuntahin natin sila rito para makiisa sa atin. Ito na ang panahon para kunin natin ang Kahon ng ating Dios, dahil hindi natin ito pinahalagahan nang si Saul pa ang hari.” Pumayag ang buong kapulungan dahil nakita nilang iyon ang tamang gawin.

Kaya tinipon ni David ang lahat ng mga Israelita, mula sa Ilog ng Shihor sa Egipto hanggang sa Lebo Hamat,[a] para kunin ang Kahon ng Dios[b] sa Kiriat Jearim. Pumunta si David at lahat ng kasama niyang mga Israelita sa Baala na nasa Juda (na siya ring Kiriat Jearim) para kunin ang Kahon ng Panginoong Dios, kung saan siya nananahan.[c] Nananahan ang Panginoon sa gitna ng mga kerubin na nasa ibabaw ng Kahon. Kinuha nila ang Kahon ng Dios sa bahay ni Abinadab at ikinarga sa bagong kariton. Sina Uza at Ahio ang umaalalay sa kariton. Buong lakas na nagdiwang si David at lahat ng mga Israelita sa presensya ng Dios. Umawit sila at tumugtog ng mga alpa, lira, tamburin, pompyang at trumpeta.

Nang dumating sila sa giikan ni Kidon,[d] hinawakan ni Uza ang Kahon, dahil nadulas ang mga baka. 10 Nagalit nang matindi ang Panginoon kay Uza dahil hinawakan niya ang Kahon. Kaya namatay siya roon sa presensya ng Dios. 11 Nagalit si David dahil biglang pinarusahan ng Panginoon si Uza. Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez Uza.[e] 12 Nang araw na iyon, natakot si David sa Dios at sinabi niya, “Paano madadala sa lungsod ko ang Kahon ng Dios?” 13 Kaya nagpasya siyang huwag na lang dalhin ang Kahon sa kanyang lungsod.[f] Sa halip, iniwan niya ito sa bahay ni Obed Edom na taga-Gat. 14 Nanatili ito sa bahay ni Obed Edom sa loob ng tatlong buwan, at pinagpala ng Panginoon ang pamilya ni Obed Edom at ang lahat ng ari-arian niya.

Ang Pamilya ni David(B)

14 Samantala, nagsugo ng mga mensahero si Haring Hiram ng Tyre kay David kasama ng mga karpintero at kantero. Nagpadala rin siya ng mga trosong sedro para maipagpatayo ng palasyo si David. At dito nalaman ni David na ang Panginoon ang nagluklok sa kanya bilang hari at nagpalago ng kaharian niya para sa mga mamamayan niyang Israelita.

Doon sa Jerusalem, marami pang naging asawa si David, at nadagdagan pa ang mga anak niya. Ito ang mga anak niya na isinilang doon: Shamua,[g] Shobab, Natan, Solomon, Ibhar, Elishua, Elpelet, Noga, Nefeg, Jafia, Elishama, Beeliada,[h] at Elifelet.

Tinalo ni David ang mga Filisteo(C)

Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ang piniling hari sa buong Israel, tinipon nila ang lahat ng sundalo nila para hulihin siya. Pero nabalitaan iyon ni David, at sinalubong niya sila. Nang lusubin ng mga Filisteo ang Lambak ng Refaim, 10 nagtanong si David sa Dios, “Sasalakayin po ba namin ang mga Filisteo? Matatalo po ba namin sila?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, lumakad kayo, dahil matatalo ninyo sila.” 11 Kaya pumunta si David at ang mga tauhan niya sa Baal Perazim, at tinalo nila roon ang mga Filisteo. Sinabi ni David, “Nilipol ng Dios ang mga kalaban ko na parang dinaanan ng rumaragasang baha, at ginamit niya ako para lipulin sila.” Kaya tinawag na Baal Perazim[i] ang lugar na iyon.

12 Naiwan ng mga Filisteo ang mga dios-diosan nila roon, at nag-utos si David na sunugin ang mga ito.

13 Muling nilusob ng mga Filisteo ang Lambak ng Refaim. 14 Kaya muling nagtanong si David sa Dios, at sumagot ang Dios sa kanya, “Huwag nʼyo agad silang salakayin, palibutan nʼyo muna, at saka nʼyo sila salakayin malapit sa puno ng balsamo. 15 Kapag narinig ninyo na parang may nagmamartsang mga sundalo sa itaas ng puno ng balsamo, sumalakay kayo agad dahil iyon ang palatandaan na pinangungunahan ko kayo sa pagsalakay sa mga Filisteo.” 16 Kaya sinunod ni David ang iniutos sa kanya ng Dios, at pinatay nila ang mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang sa Gezer.

17 Kaya naging tanyag si David kahit saan, at ginawa ng Panginoon na katakutan siya ng lahat ng bansa.

Ang Paghahanda sa Pagkuha ng Kahon ng Kasunduan

15 Nagpatayo si David ng mga gusali sa kanyang lungsod[j] para sa sarili niya. Nagpagawa rin siya ng tolda para sa Kahon ng Dios, at inilagay niya ito nang maayos sa lugar na kanyang inihanda para rito. Pagkatapos, sinabi ni David, “Walang ibang tagabuhat ng Kahon ng Dios maliban sa mga Levita, dahil sila ang pinili ng Panginoon na magbuhat ng Kahon ng Panginoon at maglingkod sa presensya niya magpakailanman.” Tinipon ni David ang lahat ng mga Israelita sa Jerusalem na magdadala ng Kahon ng Panginoon sa lugar na inihanda niya para rito. Ipinatawag din niya ang mga pari[k] at mga Levita, na ang mga bilang ay ito:

Mula sa mga angkan ni Kohat, 120, at pinamumunuan sila ni Uriel.

Mula sa mga angkan ni Merari, 220, at pinamumunuan sila ni Asaya.

Mula sa mga angkan ni Gershon,[l] 130, at pinamumunuan sila ni Joel.

Mula sa angkan ni Elizafan, 200, at pinamumunuan sila ni Shemaya.

Mula sa mga angkan ni Hebron, 80, at pinamumunuan sila ni Eliel.

10 Mula sa mga angkan ni Uziel, 112, at pinamumunuan sila ni Aminadab.

11 Pagkatapos, ipinatawag ni David ang mga paring sina Zadok at Abiatar at ang mga Levitang sina Uriel, Asaya, Joel, Shemaya, Eliel at Aminadab. 12 Sinabi niya sa kanila, “Kayo ang mga pinuno ng mga pamilyang Levita. Linisin nʼyo ang inyong mga sarili[m] at ganoon din ang mga kapwa nʼyo Levita, para madala ninyo ang Kahon ng Panginoon, ang Dios ng Israel, sa lugar na inihanda ko para rito. 13 Dahil noong una hindi kayo ang nagdala ng Kahon ng Kasunduan. Pinarusahan tayo ng Panginoon na ating Dios dahil hindi tayo nagtanong sa kanya kung paano ito dadalhin sa tamang paraan.”

14 Kaya nilinis ng mga pari at mga Levita ang kanilang sarili para madala nila ang Kahon ng Panginoon, ang Dios ng Israel. 15 Pinagtulungang pasanin ng mga Levita ang Kahon ng Dios sa pamamagitan ng tukod, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

16 Inutusan ni David ang mga pinuno ng mga Levita na pumili ng mang-aawit mula sa kapwa nila Levita, sa pag-awit ng masasayang awitin na tinugtugan ng mga lira, alpa at pompyang. 17 Kaya pinili ng mga Levita si Heman na anak ni Joel, si Asaf na anak ni Berekia, at si Etan na anak ni Kusaya na mula sa angkan ni Merari. 18 Ang piniling tutulong sa kanila ay ang mga kamag-anak nilang sina Zacarias, Jaaziel, Shemiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaya, Maaseya, Matitia, Elifelehu, Mikneya, at ang mga guwardya ng pintuan ng Tolda na sina Obed Edom at Jeyel. 19 Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga tansong pompyang ay sina Heman, Asaf at Etan. 20 Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga lira sa mataas na tono ay sina Zacarias, Aziel, Shemiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maaseya at Benaya. 21 Ang pinagkatiwalaang tumugtog ng mga alpa sa mababang tono ay sina Matitia, Elifelehu, Mikneya, Obed Edom, Jeyel at Azazia. 22 Ang pinagkatiwalaang manguna sa pag-awit ay ang pinuno ng mga Levita na si Kenania, dahil mahusay siyang umawit. 23 Ang pinagkatiwalaang magbantay ng Kahon ng Kasunduan ay sina Berekia at Elkana. 24 Ang pinagkatiwalaang magpatunog ng trumpeta sa harapan ng Kahon ng Dios ay ang mga pari na sina Shebania, Joshafat, Netanel, Amasai, Zacarias, Benaya at Eliezer. Sina Obed Edom at Jehia ay mga tagapagbantay din sa Kahon ng Kasunduan.

Dinala ang Kahon ng Kasunduan sa Jerusalem(D)

25 Kaya masayang pumunta si David, ang mga tagapamahala ng Israel, at ang mga pinuno ng libu-libong sundalo sa bahay ni Obed Edom para kunin ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. 26 At dahil tinulungan ng Dios ang mga Levita nang dalhin nila ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, naghandog sila ng pitong batang toro at pitong tupa. 27 Nagsuot si David ng damit na gawa sa telang linen pati ang lahat ng Levitang bumubuhat ng Kahon ng Kasunduan, ang mga mang-aawit, at si Kenania na siyang pinagkatiwalaang manguna sa pag-awit. Nagsuot din si David ng espesyal na damit[n] na gawa sa telang linen. 28 At dinala ng lahat ng mga Israelita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon nang may kagalakan. Pinatunog nila ang mga tambuli, trumpeta at pompyang; at pinatugtog ang mga lira at mga alpa.

29 Nang papasok na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa Lungsod ni David, dumungaw sa bintana si Mical na anak ni Saul. At nang makita niya si Haring David na sumasayaw sa tuwa, kinamuhian niya siya.

16 Inilagay nila ang Kahon ng Dios sa loob ng toldang itinayo ni David para rito. Pagkatapos, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[o] Pagkatapos nilang maghandog nina David, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ng Panginoon. Binigyan niya ng tinapay, karne,[p] at pasas ang bawat isang Israelita, lalaki man o babae.

Pumili si David ng mga Levita na maglilingkod sa harap ng Kahon ng Panginoon para manalangin, magpasalamat at magpuri sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Si Asaf ang nanguna sa kanila at siya ang nagpapatunog ng mga pompyang. Sumunod sa kanya ay sina Zacarias, Jeyel, Shemiramot, Jehiel, Matitia, Eliab, Benaya, Obed Edom at Jeyel. Sila ang mga tagatugtog ng lira at alpa. Ang mga pari na sina Benaya at Jahaziel ang palaging nagpapatunog ng mga trumpeta sa harapan ng Kahon ng Kasunduan ng Dios.

Ang Awit ng Pasasalamat ni David(E)

Nang araw na iyon, sa unang pagkakataon ay ibinigay ni David kay Asaf at sa mga kapwa niya Levita ang awit na ito ng pasasalamat sa Panginoon:

Pasalamatan nʼyo ang Panginoon. Sambahin nʼyo siya!
    Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
    ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
10 Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
    Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
11 Magtiwala kayo sa Panginoon,
    at sa kanyang kalakasan.
    Palagi kayong dumulog sa kanya.

12-13 Kayong mga pinili ng Dios na mga lahi ni Jacob na lingkod ng Dios, alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang mga paghatol.
14 Siya ang Panginoon na ating Dios,
    at siya ang namamahala sa buong mundo.
15 Hindi niya kinakalimutan ang kanyang kasunduan at pangako sa libu-libong henerasyon.
16 Ang kasunduang ito ay ginawa niya kay Abraham,
    at ipinangako niya kay Isaac.
17 Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,[q]
    at magpapatuloy ito magpakailanman.
18 Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,
    “Ibibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan,
    ipamamana ko ito sa inyo at sa inyong mga angkan.”[r]

19 Noon iilan pa lang ang mga mamamayan ng Dios,
    at mga dayuhan pa lang sila sa lupain ng Canaan.
20 Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa at mga kaharian.
21 Ngunit hindi pinahintulutan ng Dios na apihin sila.
    Para maproteksyunan sila, sinaway niya ang mga hari na kumakalaban sa kanila.
22 Sinabi niya,
    “Huwag ninyong galawin ang hinirang kong mga lingkod,
    huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.”

23 Kayong mga tao sa buong mundo, umawit kayo sa Panginoon.
    Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagliligtas niya sa atin.
24 Ipahayag ninyo sa lahat ng tao sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at kahanga-hangang mga gawa.
25 Dahil dakila ang Panginoon at karapat-dapat papurihan.
    Dapat siyang katakutan ng higit kaysa sa lahat ng mga dios,
26 dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay ginawa lang nila para sambahin,
    ngunit ang Panginoon ang lumikha ng langit.
27 Nasa kanya ang kaluwalhatian at karangalan;
    ang kalakasan at kagalakan ay nasa kanyang tahanan.

28 Purihin ninyo ang Panginoon,
    kayong lahat ng tao sa mundo.
    Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan.
29 Ibigay ninyo sa Panginoon ang mga papuring nararapat sa kanya.
    Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa kanyang presensya.
    Sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kanyang kabanalan.
30 Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan.
    Matatag niyang itinayo ang mundo at hindi ito mauuga.
31 Magalak ang buong kalangitan at mundo;
    ipahayag sa mga bansa, “Naghahari ang Panginoon.”
32 Magalak din ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila.
33 At ang mga puno sa gubat ay aawit sa tuwa sa presensya ng Panginoon.
    Dahil darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo.
34 Magpasalamat kayo sa Panginoon dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
35 Manalangin kayo, “Iligtas nʼyo kami, O Dios na aming Tagapagligtas;
    palayain nʼyo po kami sa mga bansa at muli kaming tipunin sa aming lupain,
    upang makapagpasalamat at makapagbigay kami ng papuri sa inyong kabanalan.”[s]
36 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.

At ang lahat ay magsabing, “Amen!” Purihin ninyo ang Panginoon!

37 Ipinagkatiwala ni David kay Asaf at sa kapwa nito Levita ang palaging paglilingkod sa harap ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, ayon sa kailangang gawin sa bawat araw. 38 Kabilang sa grupong ito ay si Obed Edom na anak ni Jedutun, si Hosa, at ang 68 pang Levita, na mga guwardya ng Tolda.

39 Ipinagkatiwala ni David sa pari na si Zadok at sa kanyang mga kapwa pari ang Tolda ng Panginoon doon sa mataas na lugar sa Gibeon. 40 Sila ang palaging nag-aalay ng mga handog na sinusunog sa altar, araw at gabi, ayon sa lahat ng nakasulat sa Kautusan ng Panginoon na ibinigay niya sa Israel. 41 Kasama rin nila sina Heman, Jedutun, at ang iba pang mga pinili sa pag-awit ng pagpapasalamat sa Panginoon dahil sa pag-ibig niyang walang hanggan. 42 Tungkulin nina Heman at Jedutun ang pagpapatunog ng mga trumpeta, pompyang at ng iba pang mga instrumento na ginagamit sa pag-awit ng mga awitin para sa Panginoon. Ang mga anak ni Jedutun ang pinagkatiwalaan na magbantay sa pintuan.

43 Pagkatapos, umuwi ang lahat sa mga bahay nila, at si David ay umuwi rin para basbasan ang kanyang pamilya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®