Chronological
Ang Pagkamatay ni Saul
1 Nang magbalik si David buhat sa matagumpay na pakikidigma laban sa mga Amalekita, tumigil siya ng dalawang araw sa Ziklag. 2 Nang sumunod na araw, dumating buhat sa labanan ang isang lalaking punit ang kasuotan at puno ng alikabok ang ulo. Lumapit ito kay David at nagpatirapa bilang pagbibigay-galang. 3 “Saan ka galing?” tanong ni David.
“Tumakas po ako sa kampo ng Israel,” sagot ng lalaki.
4 “Bakit? Ano bang nangyari?” tanong ni David.
“Umatras po sa labanan ang hukbo at maraming mga kawal ang napatay. Napatay rin po ang mag-amang Saul at Jonatan,” sagot ng lalaki.
5 “Paano mo nalamang napatay sina Saul at si Jonatan?” tanong ni David.
6 Isinalaysay(A) ng lalaki ang pangyayari. “Nagkataon pong ako'y nasa Bundok ng Gilboa. Nakita ko pong hinahabol si Haring Saul ng mga kaaway sakay ng mga karwahe at kabayo. Noon po'y nakasandal siya sa kanyang sibat. 7 Nang ako'y kanyang makita, tinanong niya kung sino ako. 8 Sinabi ko pong ako'y isang Amalekita. 9 Pinalapit po ako at ang sabi, ‘Hirap na hirap na ako sa kalagayang ito. Mabuti pa'y patayin mo na ako.’ 10 Lumapit naman po ako at pinatay ko nga siya, sapagkat alam kong hindi na rin siya mabubuhay pa dahil sa kanyang tama. Pagkatapos, kinuha ko ang kanyang korona at ang pulseras sa kanyang braso. Heto po't dala ko para sa inyo, panginoon.”
11 Nang marinig ito, pinunit ni David ang kanyang kasuotan; gayundin ang ginawa ng mga kasamahan niya. 12 Tumangis sila, nag-ayuno at nagluksa hanggang gabi, sapagkat si Saul, ang anak nitong si Jonatan, at ang iba pang lingkod ni Yahweh sa bansang Israel ay nasawi sa labanan. 13 Muling tinanong ni David ang lalaki, “Tagasaan ka nga ba?”
“Ako po'y anak ng isang dayuhang Amalekita,” sagot naman nito.
14 Sinabi ni David, “Hindi ka man lamang natakot na patayin ang haring pinili ni Yahweh?” 15 Kaya't inutusan ni David ang isa niyang kabataang tauhan, “Patayin ang taong ito.” Iyon nga ang kanyang ginawa. 16 At sa harap ng bangkay ay sinabi ni David, “Ikaw ang dapat sisihin sa iyong pagkamatay sapagkat hinatulan mo ang iyong sarili nang sabihin mong pinatay mo ang haring pinili ni Yahweh.”
Dinamdam ni David ang Pagkamatay ng Mag-ama
17 Dahil dito, kumanta si David ng isang awit ng pagluluksa bilang alaala kina Saul at sa anak nitong si Jonatan. (18 Iniutos(B) niyang ituro ito sa lahat ng mamamayan ng Juda. Nakasulat ito sa Aklat ni Jaser.)
19 “Karangalan ng Israel sa burol ay niyurakan,
nang mabuwal ang magigiting mong kawal!
20 Dapat itong ilihim, hindi dapat ipaalam,
lalo sa Gat, at Ashkelon, sa liwasan at lansangan;
kung ito ay mababatid, tiyak na magdiriwang,
ang mga Filisteong mga Hentil ang magulang.
21 “Ang lupain ng Gilboa, ang iyong mga bundok, hindi na dapat ulanin, ni bigyan kahit hamog,
mga bukid mo'y hindi na makapaghandog.
Pagkat sandata ni Saul ay sa iyo nadungisan,
na dati-rating makintab, ngayo'y balot ng kalawang.
22 “Ang pana ni Jonatan noo'y hindi nabibigo.
Ang kay Saul na sandata ay hindi naigugupo.
23 “Si Saul at si Jonatan ay ulirang mag-ama,
sa buhay at kamatayan ay palaging magkasama.
Bilis nila'y higit pa sa agila, higit pa kaysa leon ang lakas na taglay nila.
24 “Mga kababaihan ng Israel, kayo'y magsitangis,
sa pagpanaw ni Saul na sa inyo'y nagparamit
ng magandang kasuotang may hiyas na nakakabit.
25 “Ang magigiting na kawal ay nabuwal sa labanan,
ganyan napansin sa burol, nang bumagsak si Jonatan.
26 “Sa pagpanaw mo, kapatid kong Jonatan, ngayon ako'y nagluluksa,
pagkat ikaw ay mahal ko at sa iyo'y humahanga.
Ang pag-ibig na ukol mo sa akin ay pambihira,
mahigit pa sa pag-ibig ng babaing minumutya.
27 “Ang magigiting na kawal sa labana'y nabuwal,
ang kanilang mga sandata ay wala na ngayong kabuluhan.”
Si David ay Naging Hari ng Juda
2 Pagkaraan ng lahat ng ito, sumangguni si David kay Yahweh. “Pupunta po ba ako sa isa sa mga lunsod ng Juda?” tanong niya.
“Lumakad ka,” sagot sa kanya ni Yahweh.
“Saan pong lunsod?” tanong ni David.
“Sa Hebron,” sagot ni Yahweh. 2 Kaya't(C) lumakad si David kasama ang dalawa niyang asawa, sina Ahinoam na Jezreelita, at si Abigail, ang biyuda ni Nabal na taga-Carmel. 3 Isinama rin ni David ang kanyang mga tauhan pati ang kani-kanilang pamilya. 4 Dumating(D) sa Hebron ang mga taga-Juda at binuhusan nila ng langis si David bilang hari ng Juda.
Nang sabihin nila kay David, “Ang mga taga-Jabes-gilead ang naglibing kay Saul,” 5 nagpadala siya ng mga tauhan sa mga taong iyon dala ang pagbating, “Nawa'y pagpalain kayo ni Yahweh sa kagandahang-loob at kabutihang ginawa ninyo sa panginoon ninyong si Saul, nang siya'y inyong ilibing. 6 Kamtan nawa ninyo ang pag-ibig at katapatan ni Yahweh, at ako nama'y handang gumanti sa inyong kabutihang ginawa. 7 Maging matatag at matapang kayo. Patay na ang inyong haring si Saul at ginawa na akong hari ng mga taga-Juda.”
Ginawang Hari ng Israel si Isboset
8 Samantala, si Isboset[a] na anak ni Saul ay kinuha ni Abner na anak ni Ner, pinuno ng hukbo ni Saul. Siya'y dinala sa Mahanaim, sa kabilang ibayo ng Jordan. 9 Doo'y ginawang hari ni Abner si Isboset upang mamuno sa Gilead, sa mga Asureo, sa Jezreel, sa Efraim, sa Benjamin at sa buong Israel. 10 Si Isboset na anak ni Saul ay apatnapung taon noon at dalawang taóng naghari sa Israel, ngunit si David ang kinilalang hari ng lipi ni Juda. 11 Naghari si David roon sa loob ng pito't kalahating taon habang siya'y nanirahan sa Hebron.
12 Ang hukbo ni Isboset sa pangunguna ni Abner ay lumabas sa Mahanaim upang pasukin ang Gibeon. 13 Ang hukbo naman ni David sa pangunguna ni Joab, na anak ni Zeruias, ay lumabas din mula sa Hebron. Nagtagpo ang dalawang pangkat sa may ipunan ng tubig sa Gibeon at magkatapat na humanay.
14 Sinabi ni Abner kay Joab, “Palabasin mo ang magagaling ninyong tauhan at isa-isang makipagtagisan ng lakas sa mga tauhan namin.”
“Mangyayari ang gusto mo,” sagot ni Joab. 15 Labindalawa sa panig ni David ang isa-isang lumabas at tinapatan naman ng labindalawang Benjaminita sa panig ni Isboset. 16 Bawat isa'y kumuha ng katapat, naghawakan sa ulo at nagsaksakan sa tagiliran. Sama-sama silang nagkamatayan, kaya ang lugar na iyon sa Gibeon ay tinawag na Parang ng Patalim. 17 Pagkatapos nito'y nagkaroon ng mahigpit na labanan sina Abner kasama ang mga taga-Israel laban sa mga tauhan ni David. Nang araw na iyon, natalo ang hukbo ng Israel na pinangungunahan ni Abner.
18 Naroon ang tatlong anak ni Zeruias: sina Joab, Abisai at Asahel. Si Asahel ay simbilis ng usa kung tumakbo. 19 Tuluy-tuloy na hinabol niya si Abner. 20 Lumingon ito at siya'y tinanong, “Ikaw ba si Asahel?”
“Oo, ako nga,” sagot niya.
21 Sinabi sa kanya ni Abner, “Tigilan mo na ako. Iba na ang habulin mo at samsaman ng kanyang dala.” Ngunit hindi ito pinansin ni Asahel. 22 Muling nagsalita si Abner, “Huwag mo na akong habulin, Asahel. At baka mapatay pa kita. Kapag napatay kita, anong mukhang ihaharap ko sa kapatid mong si Joab?” 23 Ngunit hindi pa rin siya pinansin nito kaya't patalikod niyang isinaksak ang kanyang sibat at tumagos sa likod ni Asahel, at ito'y namatay. Ang lahat ng nakakita sa bangkay ni Asahel ay napapahinto.
24 Gayunman, patuloy ring tinugis si Abner ng magkapatid na Joab at Abisai. Nang palubog na ang araw, narating nila ang burol ng Amma, tapat ng Giah, sa daang patungo sa pastulan ng Gibeon. 25 Ang mga Benjaminita'y pumanig kay Abner; nagbuo sila ng isang pangkat at humanay sa ibabaw ng burol na iyon. 26 Sumigaw si Abner kay Joab, “Itigil na natin ang patayang ito! Wala itong magandang ibubunga. Patigilin mo na ang iyong mga tauhan sa paghabol sa kanilang mga kamag-anak.”
27 Sumagot si Joab, “Saksi ko ang Diyos na buháy. Kung hindi ka nagsalita, hindi ka nila titigilan hanggang umaga.” 28 Kaya't hinipan ni Joab ang trumpeta at ang lahat niyang tauhan ay huminto sa pagtugis sa hukbo ng Israel. At huminto na ang kanilang labanan.
29 Pagkatapos, si Abner at ang kanyang mga tauha'y magdamag at hanggang tanghaling naglakad sa Araba. Tumawid sila ng Jordan hanggang sa makarating sa Mahanaim. 30 Nagbalik naman si Joab at hindi na itinuloy ang paghabol kay Abner. Nang tipunin ang kanyang hukbo, nalaman niyang kulang ng labingsiyam ang kanyang mga tauhan, bukod pa kay Asahel. 31 Sa panig naman ng mga Benjaminita na pinangunahan ni Abner ay 360 ang napatay. 32 Inilibing nila si Asahel sa libingan ng kanyang ama sa Bethlehem. Magdamag na naglakad ang mga tauhan ni Joab at mag-uumaga na nang dumating sila sa Hebron.
3 Tumagal ang digmaan sa pagitan ng mga tauhan nina David at ng angkan ni Saul. Lumakas nang lumakas ang pangkat ni David samantalang patuloy namang humina ang angkan ni Saul.
Mga Anak ni David sa Hebron
2 Samantalang nasa Hebron, ito ang mga naging anak na lalaki ni David: ang panganay ay si Amnon na anak niya kay Ahinoam. 3 Si Quileab ang sumunod na anak naman niya kay Abigail, ang balo ni Nabal. Ang ikatlo'y si Absalom na anak kay Maaca na anak ni Talmai na hari sa Gesur. 4 Si Adonias ang ikaapat, anak niya kay Haggit; ang ikalima'y si Sefatias, anak niya kay Abital; 5 at ang ikaanim ay si Itream, anak niya kay Egla. Ang mga ito ang naging anak ni David sa Hebron.
Ang Kasunduan nina Abner at David
6 Habang naglalaban ang mga pangkat nina Saul at David, si Abner ang kinilalang pinuno ng mga tauhan ni Saul.
7 Minsa'y pinagsabihan ni Isboset si Abner, “Bakit mo sinipingan si Rizpa, ang anak ni Aya, ang asawang-lingkod ng aking ama?”
8 Nagalit si Abner sa sinabing ito ni Isboset at sumagot siya, “Anong palagay mo sa akin, isang taksil? Isang lihim na tauhan ng Juda? Hanggang sa araw na ito'y tapat ako sa sambahayan ng iyong amang si Saul, sa kanyang mga kapatid at mga kaibigan. Maging ikaw ay hindi ko ipinagkanulo kay David; bakit pagbibintangan mo ako sa babaing ito? 9 Saksi ko ang Diyos; tulungan sana niya ako upang maisakatuparan ang pangako ni Yahweh kay David 10 na(E) maalis ang kaharian mula sa sambahayan ni Saul, at maitatag ang paghahari ni David sa Juda, mula sa Dan hanggang Beer-seba.” 11 Hindi nakasagot si Isboset dahil sa takot kay Abner.
12 Nagpadala si Abner ng mga sugo kay David sa Hebron at ito ang ipinasabi, “Kanino nga ba ang lupaing ito? Makipagkasundo ka sa akin at tutulungan kitang mapasaiyo ang buong Israel.”
13 “Mabuti!” tugon ni David. “Papayag ako sa isang kondisyon: Hindi ka muna makikipagkita sa akin hangga't hindi mo nadadala rito si Mical na anak ni Saul.” 14 Samantala,(F) nagpadala rin si David ng mga sugo kay Isboset at ito naman ang ipinasabi, “Dalhin mo sa akin si Mical, ang napangasawa ko bilang kapalit ng sandaang balat ng pinagtulian ng mga Filisteo.” 15 Kaya't pinahiwalay ni Isboset si Mical sa asawa nito, kay Paltiel na anak ni Lais. 16 Sumama si Paltiel hanggang Bahurim, at habang daa'y umiiyak. Ngunit ang lalaki'y pinabalik ni Abner at hindi ito nakatutol.
17 Nilapitan ni Abner ang pinuno ng Israel at sinabi, “Matagal nang hinahangad ninyong maging hari si David. 18 Dumating na ang panahon upang matupad iyan. Ganito ang sinabi ni Yahweh tungkol sa kanya: ‘Sa pamamagitan ni David, ililigtas ko ang bansang Israel mula sa kamay ng mga Filisteo at iba pa nilang mga kaaway.’” 19 Kinausap din ni Abner ang lipi ni Benjamin. Pagkatapos, nagpunta siya sa Hebron at sinabi kay David ang pinagkasunduan ng mga Israelita at ng lipi ni Benjamin.
20 Nang tanggapin ni David si Abner, may kasama itong dalawampung tauhan. Hinandugan niya ito ng isang salu-salo. 21 Sinabi ni Abner kay David, “Ngayo'y lalakad na ako upang ihandog nang buong-buo ang Israel sa inyong kamahalan. Magpapasakop sila sa inyo at maghari kayo sa kanila ayon sa inyong kagustuhan.” At mapayapang pinalakad ni David si Abner.
Pinatay ni Joab si Abner
22 Pagkaalis ni Abner, dumating naman mula sa pagsalakay ang mga kawal ni David sa pangunguna ni Joab. Napakarami nilang samsam na dala. 23 Nalaman agad ni Joab na si Abner ay nakipagkita sa hari at pinayagan nitong umalis nang payapa. 24 Pinuntahan agad ni Joab ang hari at sinabi, “Bakit po ninyo ginawa ito? Naparito na nga si Abner ay pinakawalan pa ninyo? Ngayo'y wala na siya! 25 Hindi ba ninyo kilala si Abner? Naparito siya upang pagtaksilan kayo, gusto lamang niyang tiktikan ang inyong mga ginagawa.”
26 Pagkatalikod sa hari, ipinahabol agad ni Joab si Abner. Inabutan nila ito sa may balon ng tubig sa Sira. Hindi alam ni David ang mga nangyayaring iyon. 27 Nang maibalik na sa Hebron si Abner, tinawag ito ni Joab sa may pintuan ng lunsod at kunwari'y mag-uusap lang sila nang sarilinan. Dito niya isinagawa ang paghihiganti sa pagkamatay ng kapatid niyang si Asahel. Sinaksak niya sa tiyan si Abner at ito'y namatay. 28 Nang mabalitaan ito ni David, sinabi niya, “Ako at ang aking kaharian ay walang sagutin sa harap ni Yahweh sa pagkamatay ni Abner. 29 Dapat itong panagutan ni Joab at ng kanyang sambahayan. Ang kanyang sambahayan sana'y huwag mawalan ng mga baldado, may sakit na tulo, sakit sa balat na parang ketong, mapapatay sa labanan o mamamatay sa gutom!” 30 Ngunit sa ganoong paraan ginantihan ng magkapatid na Joab at Abisai si Abner dahil sa pagpatay nito kay Asahel sa labanan sa Gibeon.
31 Iniutos ni David kay Joab at sa lahat ng kasama nito na punitin ang kanilang mga damit at magsuot ng panluksa bilang pagdadalamhati sa pagkamatay ni Abner. Pati ang Haring David ay nakipaglibing din 32 nang si Abner ay ilibing sa Hebron. Umiyak nang malakas ang hari at ang mga taong-bayan. 33 Ganito ang awit-pagluluksa ng hari:
“O Abner, dapat ka bang mamatay gaya ng isang tulisan?[b]
34 Ikaw naman ay malaya't walang gapos ang mga kamay.
Mga paa mo nama'y hindi natatanikalaan,
ngunit ikaw ay namatay sa kamay ng mga tampalasan.”
Pagkarinig nito'y muling tumangis ang mga tao.
35 Hinimok nila si David na kumain kahit bahagya, ngunit sinabi nito: “Isinusumpa kong hindi ako kakain kahit ano hangga't hindi lumulubog ang araw.” 36 Ang mga tao'y sumang-ayon sa nakita nilang ginawa ni David sapagkat ito'y nakalugod sa kanila, tulad ng iba pang ginawa ng hari. 37 Noon nalaman ng buong Israel na walang kinalaman ang hari sa pagkamatay ni Abner. 38 Sinabi ng hari sa kanyang mga alipin, “Hindi ba ninyo nalalamang isang dakilang pinuno ang nawala ngayon sa Israel? 39 Kahit na ako'y hari, nanliliit ako at kinikilabutan sa kasamaang ginawa ng mga anak ni Zeruias. Hindi ito maaatim ng aking kalooban. Parusahan nawa sila ni Yahweh!”
Pinatay si Isboset
4 Nang malaman ni Isboset na si Abner ay pinatay sa Hebron, pinagharian siya ng takot, pati ang buong Israel. 2 Noo'y may dalawa siyang pinuno sa pagsalakay, sina Baana at Recab. Sila'y mga anak ni Rimon na taga-Beerot at mula sa lipi ni Benjamin. Ang Beerot ay dating sakop ng Benjamin, 3 ngunit ang mga tagaroon ay tumakas at nagpunta sa Gitaim at doon na nanirahan.
4 Isa(G) pa sa mga apo ni Saul ay si Mefiboset na anak ni Jonatan. Limang taon siya noon nang mapatay sa Jezreel sina Saul at Jonatan. Nang dumating ang malagim na balita, dinampot siya ng tagapag-alaga upang itakas. Ngunit sa pagmamadali ay nabitawan siya at iyon ang dahilan ng kanyang pagkalumpo.
5 Isang tanghali, sina Recab at Baana ay pumasok sa tahanan ni Isboset samantalang ito'y namamahinga. 6 Hindi sila namalayang pumasok sapagkat ang babaing bantay-pinto ay nakatulog dahil sa pagod sa paglilinis ng trigo.[c] 7 Kaya't tuluy-tuloy sila sa silid ni Isboset at pinatay nila habang ito'y natutulog. Pinutol nila ang kanyang ulo saka sila tumakas. Magdamag silang naglakbay sa lupain ng Araba patungo sa Hebron. 8 Dinala nila ang ulo ni Isboset kay David at ang sabi rito, “Narito ang ulo ng anak ni Saul, ang nagtangka sa iyong buhay. Ipinaghiganti ngayon ni Yahweh ang inyong kadakilaan!”
9 Sumagot na may sumpa si David sa magkapatid na Recab at Baana, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[d] at tumulong sa akin sa lahat kong kagipitan. 10 Hinuli(H) ko at pinatay sa Ziklag ang taong nagbalita sa aking patay si Saul sa pag-aakalang matutuwa ako sa balitang iyon. 11 Gaano pa kaya ang aking gagawin sa mga taong pumatay sa walang malay na natutulog sa sariling tahanan! Hindi kaya dapat kayong lipulin sa daigdig na ito dahil sa ginawa ninyong iyan?” 12 Kaya't iniutos ni David na sila'y patayin at ganoon nga ang ginawa ng mga kawal. Pinutol nila ang mga kamay at paa ng magkapatid at ibinitin sa may lawa sa Hebron. Ang ulo naman ni Isboset ay dinala sa Hebron at isinama sa libingan ni Abner.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.