Chronological
Nagkita sina Saul at Samuel
9 Sa lipi ni Benjamin ay may isang mayamang lalaki. Siya'y si Kish na anak ni Abiel at apo ni Zeror, mula sa sambahayan ni Becorat at sa angkan ni Afia. 2 Si Kish ang ama ni Saul na siya namang pinakamakisig at pinakamatangkad na lalaki sa buong Israel.
3 Minsan, nawala ang mga asno ni Kish. Kaya, inutusan niya si Saul na magsama ng isang katulong at hanapin ang mga asno. 4 Naghanap sila sa buong kaburulan ng Efraim at sa lupain ng Salisa ngunit wala silang nakita ni isa man. Nagtuloy sila sa Saalim ngunit wala rin doon. Nagtuloy sila sa Benjamin at wala rin silang natagpuan doon. 5 Nakarating sila sa Zuf ngunit wala pa rin silang nakita, kaya't nagyaya nang umuwi si Saul. Sinabi niya sa kanyang kasamang lingkod, “Umuwi na tayo at baka tayo naman ang inaalala ng aking ama.”
6 Sumagot ang kanyang kasama, “Sandali lang. Sa lunsod na ito ay may isang lingkod ng Diyos. Iginagalang siya ng mga tao sapagkat nagkakatotoo ang anumang sabihin niya. Pumunta tayo sa kanya, baka sakaling maituro niya sa atin ang ating hinahanap.”
7 Sinabi ni Saul, “Anong maibibigay natin kung pupunta tayo sa kanya? Ubos na ang baon nating pagkain.”
8 Sumagot ang katulong, “Mayroon pa akong tatlong gramong pilak. Ibibigay ko na ito sa kanya para ituro sa atin ang ating hinahanap.”
9 Noong panahong iyon, ugali ng mga Israelita na lumapit sa isang manghuhula kung may isasangguni sa Diyos. Manghuhula ang dati nilang tawag sa propeta.
10 Sinabi ni Saul, “Sige, tayo na. Pumunta tayo sa sinasabi mong lingkod ng Diyos.” At nagpunta nga sila sa lunsod na kinaroroonan ng nabanggit na lingkod ng Diyos. 11 Sa daan, nakasalubong sila ng mga dalagang sasalok ng tubig. “Narito kaya ang manghuhula?” tanong ni Saul sa mga dalaga.
12 Sumagot ang mga dalaga, “Opo. Kararaan lang niya papunta sa altar sa burol sapagkat maghahandog doon ang mga tao. Lumakad na kayo at pagpasok ninyo ng lunsod 13 ay makikita ninyo siya. Magmadali kayo upang maabutan ninyo siya bago makaakyat sa altar para kumain. Hindi kakain ang mga taong naroon hangga't hindi siya dumarating sapagkat kailangan munang basbasan ang mga handog. Pagkabasbas, saka kakain ang mga panauhin.”
14 At nagtuloy nga sila sa lunsod. Papasok na sila nang makita nila si Samuel na papunta naman sa altar na paghahandugan.
15 Isang araw bago dumating doon si Saul, nagpakita kay Samuel si Yahweh at sinabi, 16 “Bukas nang ganitong oras, may darating sa iyong isang lalaking taga-Benjamin. Pahiran mo siya ng langis bilang pinuno ng aking bayang Israel. Siya ang magtatanggol sa mga Israelita laban sa mga Filisteo. Naaawa na ako sa nakikita kong paghihirap ng aking bayan at narinig ko ang kanilang karaingan.”
17 Nang dumating si Saul, sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Iyan ang lalaking sinasabi ko sa iyo na maghahari sa Israel.”
18 Lumapit si Saul kay Samuel at nagtanong, “Saan po ba nakatira ang manghuhula?”
19 Sumagot si Samuel, “Ako ang manghuhula. Sumama ka sa akin sa altar sa burol at magsasalo tayo sa pagkain. Bukas ka na ng umaga umuwi pagkatapos kong sabihin sa iyo ang gusto mong malaman. 20 Huwag mo nang alalahanin ang mga asnong hinahanap mo sapagkat nakita na ang mga iyon. Sino ba ang pinakamimithi ng Israel kundi ikaw at ang sambahayan ng iyong ama?”
21 Sumagot si Saul, “Ako po'y mula sa lipi ni Benjamin, ang pinakamaliit na lipi sa Israel at ang aming angkan ang pinakamahirap sa aming lipi. Bakit po ninyo sinasabi sa akin iyan?”
22 Si Saul at ang kanyang katulong ay isinama ni Samuel sa handaan at pinaupo sa upuang pandangal. May tatlumpu ang naroong panauhin. 23 Sinabi ni Samuel sa tagapagluto, “Ihain mo rito ang bahaging ipinatabi ko sa iyo.” 24 Inilabas ng tagapagluto ang pigi at hita ng handog, at inihain kay Saul.
Sinabi ni Samuel, “Narito ang bahaging ibinukod para sa iyo. Kainin mo sapagkat iyan ay inilaan sa iyo sa pagkakataong ito.”
Nang araw na iyon, kumain nga si Saul kasalo ni Samuel. 25 Pagbalik nila sa lunsod, may nakahanda nang higaan sa ibabaw[a] ng bahay para kay Saul. Doon siya natulog nang gabing iyon.
Binuhusan ng Langis si Saul
26 Kinabukasan ng madaling araw, nilapitan siya ni Samuel at ginising, “Bangon na at nang makalakad na kayo.” Bumangon nga si Saul at silang dalawa ni Samuel ay lumabas sa lansangan.
27 Nang palabas na sila ng lunsod, sinabi ni Samuel, “Paunahin mo na ang katulong mo at mag-usap tayo sandali. Sasabihin ko sa iyo ang ipinapasabi ng Diyos.”
10 Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at binuhusan ang ulo ni Saul. Pagkatapos, hinagkan niya ito at sinabi, “Binuhusan kita ng langis ni Yahweh upang maging hari ng Israel. Pamumunuan mo ang kanyang bayan at ililigtas laban sa lahat niyang kaaway. Ito ang magiging palatandaan na ikaw nga ang hinirang ni Yahweh upang mamahala sa kanyang bayan: 2 Paghihiwalay natin ngayon, may masasalubong kang dalawang tao sa tabi ng libingan ni Raquel, sa Selsa na sakop ng Benjamin. Sasabihin nila sa iyo na nakita na ang mga asnong hinahanap mo, at ikaw naman ngayon ang inaalala at ipinagtatanong ng iyong ama. 3 Sa dako pa roon, may masasalubong kang tatlong lalaki sa may malalaking puno sa Tabor. Papunta sila sa Bethel sa altar ng Diyos; ang isa'y may dalang tatlong tupang maliit, ang isa'y tatlong malalaking tinapay at ang isa'y sisidlang balat na puno ng alak. 4 Babatiin ka nila at ibibigay sa iyo ang dalawa sa dala nilang tinapay. Kapag inalok ka, tanggapin mo. 5 Pagdating mo sa Burol ng Diyos, sa may kampo ng mga Filisteo, makakasalubong mo naman ang isang pangkat ng mga propeta na pinangungunahan ng mga manunugtog ng alpa, tamburin, plauta at lira. Sila'y galing sa altar sa burol, at nagpapahayag ng propesiya. 6 Sa oras na iyon, lulukuban ka ng Espiritu[b] ni Yahweh. Ikaw ay sasama sa kanila at gagawin mo rin ang ginagawa nila. Magbabago ang iyong pagkatao. 7 Kapag naganap na ang mga palatandaang ito, gawin mo ang dapat mong gawin sapagkat sasamahan ka ng Diyos. 8 Pagkatapos noon, mauuna ka sa akin sa Gilgal at pupuntahan kita roon para ipaghain ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Hihintayin mo ako roon nang pitong araw, at sasabihin ko sa iyo ang dapat mong gawin.”
9 Nang maghiwalay sila ni Samuel, si Saul ay binigyan ng Diyos ng bagong katauhan. At nang araw ring iyon, naganap ang lahat ng sinabi sa kanya ni Samuel. 10 Pagdating nila sa Gibea, nakasalubong nga nila ang isang pangkat ng mga propeta. Lumukob kay Saul ang Espiritu[c] ni Yahweh at siya'y nagpahayag din tulad sa ginagawa ng mga propeta. 11 Nang makita siya ng mga nakakakilala sa kanya, itinanong ng mga ito, “Ano bang nangyari kay Saul na anak ni Kish? Propeta na rin ba si Saul?”
12 Isang(A) tagaroon ang sumagot, “Bakit naman hindi? Baka siya pa nga ang kanilang pinuno.”[d] At dahil dito, nagsimula ang kasabihang, “Propeta na rin ba si Saul?” 13 Pagkatapos ng pangyayaring iyon, si Saul ay nagpunta sa altar sa burol.
14 Pagdating doon, si Saul at ang kasama niyang lingkod ay tinanong ng kanyang tiyo, “Saan ba kayo nagpunta?”
Sumagot siya, “Hinanap po namin ang mga asno. Nang hindi ko makita, nagtuloy kami kay Samuel.”
15 Sinabi ng kanyang tiyo, “Ano ang sinabi sa iyo ni Samuel?”
16 Sumagot si Saul, “Sinabi niyang nakita na raw ang mga asnong hinahanap namin.” Ngunit hindi niya binanggit ang tungkol sa pagkahirang sa kanya bilang hari ng Israel.
Si Saul ay Tinanghal Bilang Hari
17 Ang mga Israelita ay tinawag ni Samuel sa isang banal na pagpupulong sa Mizpa. 18 Sinabi niya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Inilabas ko kayo sa Egipto. Iniligtas ko kayo sa mga Egipcio at sa mga kahariang nagpapahirap sa inyo. 19 Ngunit itinakwil ninyo ako, ang Diyos na humango sa inyo sa kahirapan at nagligtas sa inyo sa maraming kagipitan. Itinakwil ninyo ako nang humingi kayo ng haring mamamahala sa inyo. Kaya nga, lumapit kayo kay Yahweh, sama-sama ang magkakalipi at magkakasambahay.’”
20 Nang matipon ni Samuel ang buong Israel sa harap ng altar ni Yahweh, nagpalabunutan sila at nakuha ang lipi ni Benjamin. 21 Pinalapit naman niya ang mga angkan sa lipi ni Benjamin at nabunot ang pamilya ni Matri. Sa kahuli-hulihan, pinalapit niya ang lahat ng anak ni Matri at ang nabunot ay si Saul na anak ni Kish. Ngunit wala roon si Saul. 22 Dahil dito, itinanong nila kay Yahweh, “Pupunta po kaya siya rito?”
Sumagot si Yahweh, “Naroon siya sa bunton ng mga dala-dalahan at nagtatago.”
23 Siya'y patakbo nilang pinuntahan at dinala sa mga tao. Nang mapagitna siya sa karamihan, si Saul ang pinakamatangkad. 24 Sinabi ni Samuel sa mga tao, “Ito ang pinili ni Yahweh. Wala siyang katulad sa buong bayan.”
Sabay-sabay silang sumigaw, “Mabuhay ang hari!”
25 Inisa-isa ni Samuel sa mga taong-bayan ang mga karapatan at pananagutan ng isang hari. Pagkatapos, isinulat niya ang mga ito at inilagay sa harap ng altar ni Yahweh. Pagkatapos, pinauwi na niya ang mga Israelita. 26 Pati si Saul ay umuwi na sa Gibea, kasama ang ilang matatapang na Israelita, mga lalaking ang puso'y hinipo ng Diyos. 27 Ngunit may ilang tao roon na pakutyang nagtanong, “Paano tayo maililigtas niyan?” Nilait nila si Saul at hindi sila nagbigay ng handog sa kanya. Ngunit tumahimik lamang si Saul.
Tinalo ni Saul ang mga Ammonita
11 Ang Jabes-gilead ay kinubkob ni Nahas na hari ng mga Ammonita. Nang mapaligiran niya ang lunsod, nagpadala ng sugo sa kanya ang mga tagaroon. Sinabi ng mga sugo, “Kung magkakasundo tayo, pasasakop kami sa inyo.”
2 Sumagot si Nahas, “Makikipagkasundo ako sa inyo kung ipadudukit ninyo sa akin ang kanang mata ng bawat isa sa inyo. Sa gayon, mapapahiya ang buong Israel.”
3 Sinabi ng mga pinuno ng Jabes, “Bigyan po ninyo kami ng pitong araw para maibalita sa buong Israel ang aming kalagayan. Kung wala pong tutulong sa amin, susuko na kami sa inyo.”
4 Umabot sa Gibea ang mga sugo. Nang marinig ang balita, nag-iyakan nang malakas ang buong bayan. 5 Si Saul ay papauwi noon mula sa bukid, kasama ang kanyang mga baka. Nang makita niyang nag-iiyakan ang mga tao, nagtanong siya, “Ano bang nangyayari? Bakit nag-iiyakan ang mga tao?” At sinabi nila sa kanya ang balita ng mga taga-Jabes.
6 Pagkarinig nito, nilukuban siya ng Espiritu[e] ng Diyos at nagsiklab ang kanyang galit. 7 Kumuha siya ng dalawang baka at pinagpira-piraso ang mga iyon. Pagkatapos, ibinigay iyon sa mga sugo at iniutos na ipakita sa buong Israel lakip ang ganitong bilin: “Ganito ang gagawin sa mga baka ng sinumang hindi sasama kay Saul at kay Samuel sa pakikidigma.”
Ang mga Israelita'y nakadama ng matinding takot kay Yahweh kaya silang lahat ay nagkaisang sumama sa labanan. 8 Tinipon ni Saul sa Bezek ang mga tao; umabot sa 300,000 ang galing sa Israel at 30,000 naman ang galing sa Juda. 9 Sinabi nila sa mga sugo, “Ito ang sabihin ninyo sa mga taga-Jabes-gilead: ‘Bukas ng tanghali, darating ang magliligtas sa inyo.’” Nang marinig ito ng mga taga-Jabes, natuwa sila.
10 At sinabi nila sa mga Ammonita, “Bukas, susuko na kami sa inyo at gawin na ninyo sa amin ang gusto ninyo.”
11 Kinabukasan, hinati ni Saul sa tatlong pangkat ang kanyang mga mandirigma. Nang mag-uumaga na, pinasok nila ang kampo ng mga Ammonita at pinagpapatay nila ang mga ito bago tumanghali. Ang mga natirang buháy ay nagkanya-kanya ng pagtakas.
12 Pagkatapos nito, itinanong ng mga tao kay Samuel, “Nasaan ang mga nagsasabing hindi si Saul ang dapat maghari sa amin? Dalhin ninyo sila rito at papatayin namin!”
13 Ngunit sinabi ni Saul, “Huwag! Isa man sa ati'y walang mamamatay sapagkat sa araw na ito'y iniligtas ni Yahweh ang buong Israel.” 14 At sinabi ni Samuel sa mga tao, “Magpunta tayo sa Gilgal at doo'y muli nating ipahayag na hari natin si Saul.” 15 Lahat ay sama-samang nagpunta sa Gilgal at kinilala si Saul bilang hari. Pagkatapos, naghandog sila kay Yahweh ng mga haing pangkapayapaan, at nagdiwang silang lahat.
Ang Talumpati ni Samuel
12 Sinabi ni Samuel sa sambayanang Israel, “Ngayon, nasunod ko na ang gusto ninyo, nabigyan ko na kayo ng hari. 2 Narito na siya upang mamuno sa inyo. Ako nama'y matanda na at ang aking mga anak ay kasa-kasama ninyo. Mula sa aking kabataan hanggang ngayon ay ako ang namuno sa inyo. 3 Kung(B) mayroon kayong anumang reklamo laban sa akin, sabihin ninyo sa harapan ni Yahweh at sa hinirang niyang hari. Mayroon ba akong kinuha sa inyo kahit isang baka o asno? Mayroon ba akong dinaya o inapi? Nasuhulan ba ako ng sinuman para ipikit ko ang aking mga mata sa kamalian? Sabihin ninyo ngayon at pananagutan ko kung mayroon.”
4 “Hindi mo kami dinaya o inapi. Wala kang kinuhang anuman sa amin,” sagot nila.
5 Sinabi ni Samuel, “Kung gayon, si Yahweh ang saksi ko. Saksi ko rin ang kanyang hinirang na ako'y walang ginawang masama sa inyo.”
Sumagot sila, “Iyan ay alam ni Yahweh.”
6 Sinabi(C) ni Samuel, “Siya nga ang saksi,[f] si Yahweh na pumili kina Moises at Aaron, at siya rin ang nagligtas sa inyong mga ninuno mula sa kamay ng mga Egipcio. 7 Kaya nga, tumayo kayong lahat sa harapan niya at iisa-isahin ko ang mga kabutihan niyang ginawa sa inyo at sa inyong mga ninuno. 8 Nang(D) si Jacob at ang buo niyang sambahayan ay manirahan sa Egipto, sila'y inalipin ng mga Egipcio.[g] Humingi ng tulong kay Yahweh ang inyong mga magulang at ibinigay sa kanila sina Moises at Aaron. Sa pangunguna ng mga ito, sila'y inilabas niya sa Egipto at dinala sa lupaing ito. 9 Ngunit(E) si Yahweh ay tinalikuran ng sambayanan. Kaya't sila'y ipinalupig niya kay Sisera, ang pinuno ng hukbo ni Jabin na hari ng Hazor, gayundin sa mga Filisteo at sa mga Moabita. 10 Pagkatapos(F) ay dumaing sila kay Yahweh at kanilang sinabi, ‘Nagkasala kami sapagkat tinalikuran ka namin. Naglingkod kami kay Baal at kay Astarot. Iligtas mo kami ngayon sa aming mga kaaway at maglilingkod kami sa iyo.’ 11 At(G) ipinadala sa kanila ni Yahweh sina Gideon,[h] Barak,[i] Jefte, at Samuel; iniligtas nila kayo at pinangalagaan laban sa inyong mga kaaway kaya't mapayapa kayong nakapamuhay. 12 Ngunit(H) nang kayo'y sasalakayin ni Nahas na hari ng mga Ammonita, ipinagpilitan ninyong, “Basta, gusto naming isang hari ang mamuno sa amin,” bagama't alam ninyong si Yahweh na inyong Diyos ang inyong hari.
13 “Narito ngayon ang haring hiningi ninyo, ibinigay na sa inyo ni Yahweh. 14 Kung mamumuhay kayong may takot kay Yahweh, kung maglilingkod kayo sa kanya at susundin ang kanyang kalooban, kung hindi kayo susuway sa kanyang mga utos, at kung kayo at ang inyong hari ay susunod kay Yahweh na inyong Diyos, magiging maayos ang inyong pamumuhay. 15 Ngunit kapag hindi kayo sumunod sa kanya, sa halip ay lumabag sa kanyang utos, paparusahan niya kayo. 16 Ngayon, tingnan ninyo ang kababalaghang gagawin ni Yahweh. 17 Ngayon ay anihan ng trigo. Idadalangin ko sa kanya na kumulog at umulan para makita ninyo kung gaano kalaki ang pagkakasalang ginawa ninyo kay Yahweh nang humingi kayo ng hari.”
18 Nanalangin nga si Samuel. Noon di'y kumulog at umulan. Silang lahat ay napuno ng matinding takot kay Yahweh, at kay Samuel. 19 Sinabi nila kay Samuel, “Ipanalangin mo kay Yahweh na huwag kaming mamatay dahil sa paghingi namin ng hari. Malaking kasalanan ang idinagdag namin sa marami na naming pagkakasala.”
20 “Huwag kayong matakot,” sabi ni Samuel. “Kahit malaki ang pagkakasala ninyo kay Yahweh, huwag kayong lalayo sa kanya. Ang kailangan ay paglingkuran ninyo siya nang buong puso. Huwag ninyo siyang tatalikuran. 21 Lumayo kayo sa mga diyus-diyosan. Hindi kayo maililigtas ni matutulungan ng mga iyan sapagkat hindi sila tunay na Diyos. 22 Hindi kayo pababayaan ni Yahweh, sapagkat iyon ang kanyang pangako. Kayo'y pinili niya bilang kanyang bayan. 23 Ipapanalangin ko kayo at tuturuan ng dapat ninyong gawin. 24 Subalit matakot kayo kay Yahweh. Manatili kayong tapat sa kanya, paglingkuran ninyo siya nang buong puso at lagi ninyong alalahanin ang mga kabutihang ginawa niya sa inyo. 25 Ngunit kung mananatili kayo sa inyong kasamaan, malilipol kayong lahat, pati ang inyong hari.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.