Chronological
Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak
1 Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. 2 Ngunit(A) sa mga huling araw na ito, siya'y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sanlibutan, at siya ang piniling tagapagmana ng lahat ng bagay. 3 Nakikita(B) sa Anak ang kaluwalhatian ng Diyos. Kung ano ang Diyos ay gayundin ang Anak. Siya ang nag-iingat sa sansinukob sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya'y umupo sa kanan ng Makapangyarihan doon sa langit.
Mas Dakila ang Anak kaysa sa mga Anghel
4 Ang Anak ay ginawang higit na dakila kaysa mga anghel, tulad ng pangalan na ibinigay sa kanya ng Diyos ay higit na dakila. 5 Sapagkat(C) kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,
“Ikaw ang aking Anak,
mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.”
Ni hindi rin niya sinabi sa kaninumang anghel,
“Ako'y magiging kanyang Ama,
at siya'y magiging aking Anak.”
6 At(D) nang isusugo na ng Diyos ang kanyang panganay na Anak sa sanlibutan ay sinabi niya,
“Dapat siyang sambahin ng lahat ng mga
anghel ng Diyos.”
7 Tungkol(E) naman sa mga anghel ay sinabi niya,
“Ginawa niyang hangin ang kanyang mga anghel,
at ningas ng apoy ang kanyang mga lingkod.”
8 Ngunit(F) tungkol sa Anak ay sinabi niya,
“Ang iyong trono, O Diyos,[a] ay magpakailan pa man,
ikaw ay maghaharing may katarungan.
9 Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi;
kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;
higit sa sinumang hari, kagalakang natatangi.”
10 Sinabi(G) pa rin niya,
“Panginoon, nang pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan,
at ang mga kamay mo ang siyang gumawa ng kalangitan.
11 Maliban sa iyo, lahat ay lilipas,
at tulad ng damit, lahat ay kukupas,
12 at ililigpit mong gaya ng isang balabal,
at tulad ng damit, sila'y papalitan.
Ngunit mananatili ka at hindi magbabago,
walang katapusan ang mga taon mo.”
13 Kailanma'y(H) hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,
“Maupo ka sa kanan ko,
hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”
14 Ano(I) ang mga anghel, kung ganoon? Sila'y mga espiritung naglilingkod sa Diyos at mga isinugo upang tumulong sa mga magkakamit ng kaligtasan.
Ang Dakilang Kaligtasan
2 Kaya nga, dapat lalo nating panghawakang mabuti ang mga narinig natin upang hindi tayo maligaw. 2 Ang mensaheng ipinahayag sa pamamagitan
ng mga anghel ay napatunayang totoo, at sinumang lumabag o hindi sumunod dito ay tumanggap ng kaukulang parusa. 3 Gayundin naman, paano tayo makakaiwas sa parusa kung hindi natin pahahalagahan ang napakadakilang kaligtasang ito? Ang Panginoon ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at ang mga nakarinig sa kanya ang nagpatunay sa atin na ito'y totoo. 4 Pinatunayan din ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga kahanga-hangang tanda at ng iba't ibang himala, at sa pamamagitan ng mga kaloob ng Espiritu Santo na ipinamahagi niya ayon sa kanyang sariling kalooban.
Ang Nagsagawa ng Pagliligtas sa Atin
5 Hindi sa mga anghel ipinamahala ng Diyos ang daigdig na kanyang lilikhain—ang daigdig na aming tinutukoy. 6 Sa(J) halip ay ganito ang sinasabi ayon sa isang bahagi ng Kasulatan:
“Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan,
o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
7 Sandaling panahong siya'y ginawa mong mas mababa kaysa mga anghel,
pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati, [ginawa mo siyang tagapamahala ng lahat ng iyong nilikha][b]
8 at ipinasakop mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”
Nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao,[c] walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. 9 Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho'y ginawang mas mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian dahil sa pagdurusa niya sa kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, niloob niyang si Jesus ay makaranas ng kamatayan para sa lahat. 10 Sa pamamagitan ng kanyang pagdurusa, siya'y ginawang ganap ng Diyos at nang sa gayon ay makapagdala siya ng maraming anak patungo sa kaluwalhatian. Ito'y dapat lamang gawin ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, sapagkat si Jesus ang tagapanguna ng kanilang kaligtasan.
11 Si Jesus ang nagpapabanal sa mga tao. Ang kanyang Ama at ang Ama ng mga taong ito ay iisa, kaya't hindi niya ikinahihiyang tawagin silang mga kapatid. 12 Sinabi(K) niya sa Diyos,
“Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan,
sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.”
13 Sinabi(L) rin niya,
“Ako'y mananalig sa Diyos.”
At dugtong pa niya,
“Narito ako, at ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos.”
14 Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. 15 Sa pamamagitan din ng kanyang kamatayan ay pinalaya niya ang lahat ng tao na buong buhay nila'y inalipin ng takot sa kamatayan. 16 Hindi(M) ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, sa halip ay ang mga anak ni Abraham. 17 Kaya't kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Upang siya'y maging isang Pinakapunong Pari na mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao. 18 At ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay tinukso at nagdusa.
Higit si Jesus kay Moises
3 Mga hinirang na kapatid at kasama sa pagkatawag ng Diyos, alalahanin ninyo si Jesus, ang Sugo ng Diyos at ang Pinakapunong Pari ng ating pananampalataya. 2 Tapat(N) siya sa Diyos na pumili sa kanya, tulad ni Moises na naging tapat sa [buong][d] sambahayan ng Diyos. 3 Kung ang nagtayo ng bahay ay mas marangal kaysa sa bahay, gayundin naman, lalong marangal si Jesus kaysa kay Moises. 4 Bawat bahay ay may tagapagtayo, ngunit ang Diyos lamang ang nagtayo ng lahat ng bagay. 5 Si Moises ay naging tapat bilang isang lingkod sa buong sambahayan ng Diyos, upang magpatotoo sa mga bagay na ihahayag sa mga darating na panahon. 6 Subalit si Cristo ay tapat bilang Anak na namumuno sa sambahayan ng Diyos. At tayo ang kanyang sambahayan, kung matibay ang ating pag-asa at hindi natin ito ikinahihiya.
Kapahingahan para sa Sambahayan ng Diyos
7 Kaya't(O) tulad ng sinabi ng Espiritu Santo,
“Kapag ngayon ang tinig ng Diyos ay narinig ninyo,
8 huwag patigasin ang inyong mga puso,
tulad noong maghimagsik ang inyong mga ninuno, doon sa ilang nang subukin nila ako.
9 Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong mga magulang,
bagama't nakita nila ang mga ginawa ko sa loob ng apatnapung taon.
10 Kaya't napoot ako sa kanila at sinabi ko,
‘Lagi silang lumalayo sa akin,
ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin.’
11 At sa galit ko,
‘Ako ay sumumpang hindi nila kakamtin ang kapahingahan sa aking ipinangakong lupain.’”
12 Mga kapatid, ingatan ninyong huwag magkaroon ang sinuman sa inyo ng pusong masama at walang pananampalataya, na siyang maglalayo sa inyo sa Diyos na buháy. 13 Sa halip, magpaalalahanan kayo araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang “Ngayon” upang walang sinumang madaya sa inyo ng kasalanan at sa gayo'y maging matigas ang puso. 14 Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Cristo sa gawain, kung mananatiling matatag hanggang sa wakas ang ating pananalig na ating ipinakita noong tayo'y unang sumampalataya.
15 Ito(P) nga ang sinasabi sa kasulatan,
“Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
tulad noong kayo'y maghimagsik sa Diyos.”
16 Sino(Q) ang naghimagsik laban sa Diyos kahit na narinig nila ang kanyang tinig? Hindi ba't ang lahat ng inilabas ni Moises mula sa Egipto? 17 At kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba't sa mga nagkasala at patay na nabuwal sa ilang? 18 At sino ang tinutukoy niya nang kanyang sabihin, “Hinding-hindi sila makakapagpahinga sa piling ko”? Hindi ba't ang mga taong ayaw sumunod? 19 Maliwanag kung ganoon na hindi sila nakapasok sa lupang pangako dahil sa kawalan ng pananampalataya.
4 Kaya nga habang nananatili ang pangako ng Diyos, na tayo'y makakapasok sa kapahingahang sinabi niya, mag-ingat kayo at baka mayroon sa inyong hindi makatanggap ng pangakong ito. 2 Sapagkat tulad nila'y napakinggan din natin ang Magandang Balita, ngunit hindi nila pinakinabangan ang balitang kanilang narinig dahil hindi nila ito tinanggap nang may pananampalataya. 3 Tayong(R) mga sumampalataya ay tumatanggap ng kapahingahang ipinangako. Ito'y ayon sa kanyang sinabi,
“Sa galit ko'y aking isinumpa,
‘Hindi sila makakapasok sa lupain ng kapahingahang aking ipinangako.’”
Sinabi niya ito kahit tapos na niya ang kanyang mga gagawin mula nang likhain ang sanlibutan. 4 Sapagkat(S) sinasabi sa isang bahagi ng kasulatan ang ganito tungkol sa ikapitong araw, “At sa ikapitong araw, nagpahinga ang Diyos sa kanyang paglikha.” 5 At(T) muli pang sinabi, “Hindi sila makakapasok sa lupain ng kapahingahang aking ipinangako.” 6 Ang mga unang nakarinig ng Magandang Balita ay hindi nakapasok sa lupain ng kapahingahan dahil hindi sila sumampalataya. Ngunit may mga inaanyayahan pa ring pumasok sa lupaing iyon ng kapahingahan. 7 Kaya't(U) muling nagtakda ang Diyos ng isa pang araw na tinawag niyang “Ngayon”. Pagkalipas ng mahabang panahon, sinabi sa pamamagitan ni David sa kasulatang nabanggit,
“Ngayon, kapag narinig ninyo ang tinig ng Diyos,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso.”
8 Kung(V) ang mga tao noon ay nabigyan ni Josue ng lubos na kapahingahan, hindi na sana ipinangako pa ng Diyos ang tungkol sa isa pang araw ng kapahingahan. 9 Kung paanong nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw, mayroon ding kapahingahang nakalaan sa mga taong sumasampalataya sa Diyos, 10 sapagkat(W) ang sinumang makapasok sa lupain ng kapahingahang ipinangako ng Diyos ay magpapahinga rin sa kanyang pagpapagal, tulad ng Diyos na nagpahinga sa kanyang paglikha. 11 Kaya't sikapin nating makamtan ang kapahingahang iyon at huwag mabigong tulad ng mga hindi sumasampalataya.
12 Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng puso. 13 Walang(X) nilalang na makakapagtago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo magsusulit ng ating mga sarili.
Si Jesus ang Pinakapunong Pari
14 Kaya nga, magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, dahil mayroon tayong Dakilang Pinakapunong Pari na pumasok na sa kalangitan, doon mismo sa harap ng Diyos. Siya'y walang iba kundi si Jesus na Anak ng Diyos. 15 Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala. 16 Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at pagpapala na tutulong sa atin sa panahon ng ating pangangailangan.
5 Ang bawat pinakapunong pari ay pinili mula sa mga tao at inilagay sa ganoong tungkulin upang maglingkod sa Diyos para sa mga tao. Siya ang nag-aalay ng mga kaloob at mga handog para mapatawad ang mga kasalanan. 2 Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya'y mahina ring tulad nila. 3 At(Y) dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya'y mag-alay ng handog, hindi lamang para sa kasalanan ng iba, kundi para rin sa kanyang mga kasalanan. 4 Ang(Z) karangalan ng pagiging pinakapunong pari ay hindi maaaring makuha ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang pumipili sa kanya, tulad ng pagkapili kay Aaron.
5 Gayundin(AA) naman, hindi itinaas ni Cristo ang kanyang sarili upang maging Pinakapunong Pari. Siya'y pinili ng Diyos na nagsabi sa kanya,
“Ikaw ang aking Anak,
mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.”
6 Sinabi(AB) rin niya sa ibang bahagi ng kasulatan,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”
7 Noong(AC) si Jesus ay namumuhay pa rito sa lupa, siya'y nanalangin at lumuluhang nakiusap sa Diyos na makakapagligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya ng Diyos dahil lubusan siyang nagpakumbaba. 8 Kahit na siya'y Anak ng Diyos, natutunan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. 9 At nang siya'y maging ganap, siya ang naging sanhi upang magkamit ng walang hanggang kaligtasan ang lahat ng mga masunurin sa kanya. 10 Ginawa siya ng Diyos na Pinakapunong Pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec.
Babala Laban sa Pagtalikod
11 Marami pa kaming masasabi tungkol sa bagay na ito, ngunit mahirap ipaliwanag sa inyo sapagkat napakabagal ninyong umunawa. 12 Dapat(AD) sana'y mga tagapagturo na kayo, subalit hanggang ngayo'y kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin ng Salita ng Diyos. Dapat sana'y kumakain na kayo ng matigas na pagkain ngunit hanggang ngayon, gatas pa lamang ang inyong kaya. 13 Ang sanggol pa ay nabubuhay sa gatas at wala pang karanasan tungkol sa mabuti at masama. 14 Ang matigas na pagkain ay para sa may sapat na gulang at dahil sa pagsasanay ay marunong nang kumilala ng pagkakaiba ng mabuti at masama.
6 Kaya't iwan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo at magpatuloy tayo sa mga aral na para sa mga may sapat na gulang na. Tigilan na natin ang muling paglalagay ng pundasyon tungkol sa pagtalikod sa mga gawang walang kabuluhan at tungkol sa pananampalataya sa Diyos, 2 tungkol sa mga iba't ibang seremonya ng paglilinis at pagpapatong ng mga kamay, at tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay at sa hatol na walang hanggan. 3 Magpatuloy nga tayo; at iyan ang gagawin natin kung loloobin ng Diyos.
4 Sapagkat paano pang panunumbalikin upang magsisi ang mga tumalikod na sa kanilang pananampalataya? Dati'y naliwanagan na sila, nakalasap ng makalangit na kaloob at naging kabilang sa mga tumanggap ng Espiritu Santo. 5 Nakalasap na rin sila ng kabutihan ng Salita ng Diyos, at nakadama ng kapangyarihan ng Diyos na lubusang mahahayag sa panahong darating. 6 Kapag sila'y tumalikod pagkatapos malasap ang lahat ng ito, hindi na sila maaaring panumbalikin upang magsisi sapagkat muli nilang ipinapako sa krus at inilalantad sa kahihiyan ang Anak ng Diyos.
7 Sapagkat pinagpapala ng Diyos ang lupang pagkatapos tumanggap ng masaganang ulan ay sinisibulan ng halamang pinapakinabangan ng mga magsasaka. 8 Subalit(AE) kung mga damo at halamang matitinik ang tumutubo doon, walang kabuluhan ang lupang iyon at nanganganib pang sumpain ng Diyos at tupukin sa apoy.
9 Mga minamahal, kahit ganito ang sinasabi namin, natitiyak namin na nasa mas mabuti kayong kalagayan patungkol sa inyong kaligtasan. 10 Makatarungan ang Diyos; hindi niya malilimutan ang inyong ginawa at ang pagmamahal na inyong ipinakita at hanggang ngayo'y ipinapakita sa pamamagitan ng paglilingkod ninyo sa mga hinirang ng Diyos. 11 Ang nais namin ay patuloy na magsumikap hanggang wakas ang bawat isa sa inyo upang makamtan ninyo ang inyong inaasahan. 12 Kaya't huwag kayong maging tamad. Tularan ninyo ang mga taong dahil sa kanilang pagtitiis at pananalig sa Diyos ay tumatanggap ng mga ipinangako niya.
Tiyak ang Pangako ng Diyos
13 Nang mangako kay Abraham ang Diyos, siya'y nanumpa sa kanyang sariling pangalan, yamang wala nang hihigit pa sa kanya na maaari niyang panumpaan. 14 Sinabi(AF) niya, “Ipinapangako ko na lubos kitang pagpapalain at pararamihin ko ang iyong lahi.” 15 Matiyagang naghintay si Abraham at natanggap niya ang ipinangako sa kanya. 16 Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng isang nakakahigit sa kanila, at sa pamamagitan ng panunumpa ay pinapagtibay ang usapan. 17 Gayundin naman, pinagtibay ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakita sa kanyang mga pinangakuan na hindi mababago ang kanyang layunin. 18 Hindi nagbabago at hindi nagsisinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. Kaya't tayong nakatagpo ng kanyang kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya. 19 Ang(AG) pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan. 20 Si(AH) Jesus ay naunang pumasok doon alang-alang sa atin, at naging Pinakapunong Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.