Chronological
1 Mula(A) kay Pablo na isang apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, kasama ang kapatid nating si Timoteo—
Para sa iglesya ng Diyos sa Corinto at sa mga hinirang ng Diyos, na nasa buong Acaya.
2 Sumainyo nawa ang pagpapala at ang kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Pasasalamat ni Pablo
3 Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kahabagan at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan. 4 Inaaliw niya kami sa aming mga kapighatian upang sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya ay maaliw naman namin sa mga nahahapis. 5 Sapagkat kung gaano karami ang aming paghihirap dahil sa aming pakikipag-isa kay Cristo, gayundin naman karami ang aming kaaliwan kay Cristo. 6 Kung naghihirap man kami, ito'y para sa ikaaaliw at ikaliligtas ninyo. Kapag naaaliw kami, kayo ma'y naaaliw rin at lumalakas upang inyong matiis ang mga kapighatiang dinaranas ninyo tulad namin. 7 Kaya't matibay ang aming pag-asa para sa inyo, sapagkat alam naming kung paanong kahati kayo sa aming kahirapan, magiging kahati rin kayo sa aming kaaliwan.
8 Mga(B) kapatid, nais naming malaman ninyo ang mga kapighatiang dinanas namin sa Asia. Napakabigat ng aming dinanas, anupa't akala namin ay mamamatay na kami. 9 Para kaming hinatulan ng kamatayan. Subalit nangyari iyon upang huwag kaming manalig sa aming sarili, kundi sa Diyos na muling bumubuhay sa mga patay. 10 Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy na ililigtas. Kami'y umaasa rin na patuloy niya kaming ililigtas 11 sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa gayon, marami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa pagpapala niya sa amin bilang tugon sa panalangin ng marami.
Nagbago ng Balak si Pablo
12 Ito ang aming ipinagmamalaki at pinapatunayan naman ng aming budhi: tapat[a] at walang pagkukunwari ang aming pakikisama sa lahat, lalo na sa inyo. Subalit nagawa namin ito sa kagandahang-loob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao. 13 Ang isinulat namin sa inyo ay iyon lamang kaya ninyong basahin at unawain. Gayon pa man, hindi pa rin ninyo kami lubos na maunawaan. 14 Ngunit umaasa akong mauunawaan din ninyo kami, upang sa araw ng ating Panginoong Jesus ay maipagmalaki ninyo kami kung paanong maipagmamalaki namin kayo.
15 Dahil sa natitiyak ko ito, binalak kong pumunta muna diyan upang dalawang ulit kayong pagpalain. 16 Binalak(C) kong dalawin muna kayo diyan bago pumunta sa Macedonia, at dumaan muli sa pagbabalik ko galing doon upang matulungan ninyo ako sa pagpunta ko sa Judea. 17 Ako ba'y nagdadalawang-isip nang balakin ko ito? Ako ba'y nagpaplanong tulad ng mga taga-sanlibutan, na nagsasabi ng “Oo” at pagkatapos ay hindi naman pala? 18 Kung paanong ang Diyos ay tapat, gayundin ang aming salita sa inyo ay “Oo” kung “Oo” at “Hindi” kung “Hindi”. 19 Ang(D) Anak ng Diyos, na si Jesu-Cristo, na ipinangaral namin nina Silvano at Timoteo, ay hindi “Oo” at “Hindi” dahil lagi siyang “Oo,” 20 sapagkat kay Cristo, ang lahat ng pangako ng Diyos ay palaging “Oo”. Dahil dito, nakakasagot tayo ng “Amen” sa pamamagitan niya para sa ikaluluwalhati ng Diyos. 21 Ang Diyos ang nagpapatibay sa amin at sa inyo sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo, at siya rin ang humirang sa amin. 22 Nilagyan niya kami ng kanyang tatak at pinagkalooban ng kanyang Espiritu bilang patunay na tutuparin niya ang kanyang mga ipinangako.
23 Saksi ko ang Diyos, alam niya ang laman ng aking puso. Hindi muna ako pumunta riyan sa Corinto sapagkat kayo rin ang inaalala ko. 24 Hindi sa nais naming pangunahan kayo sapagkat alam naming sinisikap ninyong maging matatag sa pananampalataya. Nais lamang naming tumulong upang maging maligaya kayo.
2 Sapagkat[b] ipinasya kong huwag na munang pumunta riyan upang hindi kayo muling madulutan ng kalungkutan. 2 Dahil kung dudulutan ko kayo ng kalungkutan, sino pa ang aaliw sa akin? Hindi ba't kayo rin? 3 Kaya sumulat muna ako sa inyo noon upang sa pagpunta ko riyan ay hindi ako mabigyan ng lungkot ng mga taong dapat sana ay magpasaya sa akin. Sapagkat natitiyak kong ang aking kagalakan ay kagalakan din ninyong lahat. 4 Ang puso ko'y puno ng kalungkutan at pag-aalala nang sulatan ko kayo, at maraming luha ang tumulo habang sinusulat ko iyon. Sumulat ako sa inyo hindi upang kayo'y dulutan ng kalungkutan kundi upang ipadama kung gaano kalaki ang aking pagmamahal sa inyo.
Patawarin ang Nagkasala
5 Kung may nagdulot ng kalungkutan kaninuman, hindi ito sa akin idinulot; hindi sa pinalalaki ko ang bagay na ito, pero ang totoo, kayong lahat ang dinulutan niya ng kalungkutan. 6 Sapat na ang parusang iginawad sa kanya ng nakararami sa inyo. 7 Dapat na ninyo siyang patawarin at aliwin upang hindi naman siya tuluyang masiraan ng loob dahil sa matinding lungkot. 8 Kaya nakikiusap akong ipadama ninyo sa kanya na siya'y mahal pa rin ninyo.
9 Ang isa pang dahilan ng pagsulat ko sa inyo noon ay upang subukin kayo at alamin kung sinusunod ninyo ang lahat ng ipinangaral ko sa inyo. 10 Ang sinumang pinatawad ninyo ay pinatawad ko na rin. Ang pinatawad ko, kung mayroon man akong dapat patawarin, ay pinatawad ko na sa harapan ni Cristo alang-alang sa inyo, 11 upang hindi tayo malamangan ni Satanas, sapagkat hindi lingid sa atin ang kanyang mga pamamaraan.
Hindi Mapanatag si Pablo sa Troas
12 Nang(E) dumating ako sa Troas upang mangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, nagbukas ang Panginoon ng pintuan upang maisagawa iyon. 13 Ngunit hindi rin ako mapanatag sapagkat hindi ko natagpuan doon si Tito na ating kapatid. Kaya ako'y nagpaalam sa mga tagaroon at nagtuloy sa Macedonia.
Nagtagumpay Dahil kay Cristo
14 Ngunit salamat sa Diyos at lagi niya kaming isinasama sa parada ng tagumpay ni Cristo, dahil sa aming pakikipag-isa sa kanya. At sa pamamagitan namin ay pinalalaganap ng Diyos sa lahat ng dako ang mabangong halimuyak ng pagkakilala sa kanya. 15 Para kaming mabangong samyo ng insensong inihahandog ni Cristo sa Diyos at nalalanghap naman ng mga naliligtas at ng mga napapahamak. 16 Sa mga napapahamak, ito'y parang alingasaw na nakamamatay, ngunit sa mga naliligtas, ito'y halimuyak na nagdudulot ng buhay. Sino ang may sapat na kakayahang gumawa ng mga bagay na ito? 17 Hindi kami katulad ng marami na kinakalakal ang salita ng Diyos. Sa halip, bilang sugo ng Diyos, sa kanyang harapan at sa aming pakikipag-isa kay Cristo ay buong katapatan kaming nangangaral.
Mga Lingkod ng Bagong Tipan
3 Akala ba ninyo'y pinupuri na naman namin ang aming sarili? Kami ba'y tulad ng iba na nangangailangan pa ng rekomendasyon para sa inyo o mula sa inyo? 2 Kayo mismo ang aming sulat ng rekomendasyon. Nakasulat kayo sa aming puso upang makilala at mabasa ng lahat. 3 Ipinapakita ninyo na kayo ay sulat ni Cristo na ipinadala niya sa pamamagitan namin, hindi nakasulat sa tinta, kundi isinulat ng Espiritu ng Diyos na buháy, at hindi sa mga tapyas na bato kundi nakaukit sa puso ng mga tao.
4 Nasasabi namin ito dahil kami ay may pagtitiwala sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo. 5 Kung sa aming sarili lamang ay wala kaming kakayahang gawin ito; subalit ang aming kakayahan ay kaloob ng Diyos. 6 Binigyan(F) niya kami ng kakayahang maging lingkod ng bagong tipan, isang kasunduang hindi ayon sa kautusang nakasulat kundi ayon sa Espiritu. Sapagkat ang kautusang nakasulat ay nagdudulot ng kamatayan, ngunit ang Espiritu'y nagbibigay-buhay.
7 Nang(G) ibigay ang Kautusang nakaukit sa mga tapyas ng bato, nahayag ang kaluwalhatian ng Diyos, kaya nga hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises kahit na ang liwanag na iyon sa mukha niya ay pansamantala lamang. Kung ang paglilingkod na batay sa Kautusang nakaukit sa bato, at nagdadala ng kamatayan, ay dumating na may kalakip na gayong kaluwalhatian, 8 gaano pa kaya ang kaluwalhatian ng paglilingkod ayon sa Espiritu? 9 Kung may kaluwalhatian ang paglilingkod na nagdudulot ng hatol na kamatayan, lalo pang maluwalhati ang paglilingkod na nagdudulot ng pagpapawalang-sala. 10 Dahil dito, masasabi nating ang dating kaluwalhatian ay wala na, sapagkat napalitan na ito ng higit na maluwalhati. 11 Kung may kaluwalhatian ang lumilipas, lalong higit ang kaluwalhatian ng nananatili magpakailanman.
12 Dahil sa pag-asa naming iyan, malakas ang aming loob. 13 Hindi(H) kami tulad ni Moises na nagtalukbong ng mukha para hindi makita ng mga Israelita ang paglipas ng kaluwalhatiang iyon. 14 Ngunit naging matigas ang kanilang ulo kaya't hanggang ngayo'y nananatili ang talukbong na iyon habang binabasa nila ang lumang tipan. Maaalis lamang ang talukbong na iyon sa pakikipag-isa kay Cristo. 15 Hanggang ngayon, may talukbong pa ang kanilang isip tuwing binabasa nila ang mga aklat ni Moises. 16 Ngunit(I) kapag lumapit ang tao sa Panginoon, naaalis ang talukbong. 17 Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu, at kung nasaan ang Espiritu ng Panginoon ay mayroong kalayaan. 18 At ngayong naalis na ang talukbong, nagniningning sa ating mga mukha ang kaluwalhatian ng Panginoon. At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo'y maging kalarawan niya.
Kayamanang Espirituwal sa Sisidlang Yari sa Putik
4 Dahil sa habag ng Diyos, ibinigay niya sa amin ang paglilingkod na ito kaya't hindi humihina ang aming loob. 2 Tinalikuran namin ang lahat ng lihim at kahiya-hiyang gawain. Hindi kami nanloloko ng mga tao, at hindi namin pinipilipit ang salita ng Diyos. Sa halip, hayagan naming ipinapangaral ang katotohanan. Kaya't maaari kaming suriin ninuman sa harapan ng Diyos.
3 Kung may talukbong pa ang Magandang Balitang ipinapahayag namin, ito'y may talukbong lamang sa mga napapahamak. 4 Hindi sila sumasampalataya sapagkat ang kanilang isip ay binulag ng diyos ng kasamaan sa daigdig na ito, upang hindi nila makita ang liwanag ng Magandang Balita tungkol sa kaluwalhatian ni Cristo na siyang larawan ng Diyos. 5 Hindi namin ipinapangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon. At kami ay lingkod ninyo alang-alang kay Jesus. 6 Sapagkat(J) ang Diyos na nag-utos na magkaroon ng liwanag sa gitna ng kadiliman ay siya ring nagbigay liwanag sa aming isip upang makilala namin ang kaluwalhatian ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Cristo.
7 Ngunit kaming pinagkalooban ng kayamanang espirituwal na ito ay tulad sa mga palayok na gawa sa putik, upang ipakilala na ang dakilang kapangyarihang ito ay sa Diyos, at hindi sa amin. 8 Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin, ngunit hindi kami nalulupig. Kung minsa'y nababagabag, ngunit hindi kami nawawalan ng pag-asa. 9 Inuusig kami, ngunit hindi pinababayaan. Napapatumba kami, ngunit hindi lubusang nailulugmok. 10 Lagi naming taglay sa aming katawan ang kamatayan ni Jesus, upang sa pamamagitan ng aming katawan ay mahayag ang kanyang buhay. 11 Habang kami'y nabubuhay, lagi kaming nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Jesus upang sa aming katawang may kamatayan ay mahayag ang kanyang buhay. 12 Kaya't habang nagwawagi sa amin ang kamatayan, nagwawagi naman sa inyo ang buhay.
13 Sinasabi(K) ng kasulatan, “Nagsalita ako sapagkat ako'y sumampalataya.” Sa ganoon ding diwa ng pananampalataya, nagsasalita kami dahil kami'y sumasampalataya. 14 Sapagkat alam naming ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin kasama si Jesus, at magdadala sa atin sa kanyang piling. 15 Ang lahat ng pagtitiis ko ay para sa kapakanan ninyo upang sa pagdami ng mga nakakatanggap ng kagandahang-loob ng Diyos, lalo pang dumami ang magpapasalamat sa ikaluluwalhati niya.
Nabubuhay sa Pananampalataya
16 Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob. Kahit na humihina ang aming katawang-lupa, patuloy namang pinalalakas ang aming espiritu araw-araw. 17 Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad. 18 Kaya't ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.