Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Gawa 1-3

Mahal kong Teofilo,

Sa(A) aking unang aklat ay isinalaysay ko ang lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus buhat sa pasimula hanggang sa araw na siya'y umakyat sa langit. Bago siya umakyat, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay nag-iwan siya ng mga bilin sa kanyang mga apostol na kanyang hinirang. Sa loob ng apatnapung araw pagkatapos ng kanyang pagkamatay, nagpakita siya sa kanila at sa pamamagitan ng maraming katibayan ay pinatunayan niyang siya'y buháy. Nagturo siya sa kanila tungkol sa paghahari ng Diyos. Samantalang(B) siya'y kasama pa nila, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag muna kayong aalis sa Jerusalem. Sa halip, hintayin ninyo roon ang ipinangako ng Ama na sinabi ko na sa inyo. Si(C) Juan ay nagbautismo sa tubig, ngunit di magtatagal at babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.”

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit

Nang magkatipon si Jesus at ang mga alagad, nagtanong sila kay Jesus, “Panginoon, itatatag na po ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?”

Sumagot si Jesus, “Ang mga panahon at pagkakataon ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon. Subalit(D) tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.”

Pagkasabi(E) nito, si Jesus ay iniakyat sa langit habang ang mga alagad ay nakatingin sa kanya, at natakpan siya ng ulap.

10 Habang sila'y nakatitig sa langit at siya'y iniaakyat, may dalawang lalaking nakaputi na lumitaw sa tabi nila. 11 Sabi nila, “Kayong mga taga-Galilea, bakit kayo nakatayo rito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik gaya ng nakita ninyong pag-akyat niya.”

Ang Kapalit ni Judas

12 Nagbalik sa Jerusalem ang mga apostol buhat sa Bundok ng mga Olibo, na halos isang kilometro ang layo sa lungsod. 13 Pagdating(F) sa bahay na kanilang tinutuluyan, umakyat sila sa silid sa itaas. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. 14 Lagi silang nagsasama-sama upang manalangin kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, gayundin ang mga kapatid ni Jesus.

15 Makalipas ang ilang araw, nang nagkakatipon ang may isandaan at dalawampung mga kapatid, tumayo sa harap nila si Pedro at nagsalita, 16 “Mga kapatid, kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ipinahayag ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. 17 Si Judas ay kabilang sa amin at naging kasama namin sa paglilingkod.”

18 Ang(G) kabayaran sa kanyang pagtataksil ay ibinili niya ng lupa. Doon siya nahulog nang patiwarik at sumabog ang kanyang tiyan at lumabas ang kanyang bituka. 19 Nabalita iyon sa buong Jerusalem, kaya nga't ang lupang iyon ay tinawag na Akeldama sa kanilang wika, na ang kahulugan ay Bukid ng Dugo.

20 Sinabi(H) pa ni Pedro,

“Nasusulat sa Aklat ng mga Awit,
‘Ang tirahan niya'y tuluyang layuan,
    at huwag nang tirhan ninuman.’

Nasusulat din,

‘Gampanan ng iba ang kanyang
    tungkulin.’

21-22 “Kaya't(I) dapat pumili ng isang makakasama namin bilang saksi sa muling pagkabuhay ni Jesus. Kailangang siya'y isa sa mga kasa-kasama namin sa buong panahong kasama kami ng Panginoong Jesus, mula nang bautismuhan ni Juan si Jesus hanggang sa siya ay iniakyat sa langit.”

23 Kaya't iminungkahi nila ang dalawang lalaki, si Matias at si Jose na tinatawag na Barsabas, na kilala rin sa pangalang Justo. 24 Pagkatapos, sila'y nanalangin, “Panginoon, alam ninyo kung ano ang nasa puso ng lahat ng tao. Ipakita po ninyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang inyong pinili 25 upang maglingkod bilang apostol kapalit ni Judas na tumalikod sa kanyang tungkulin nang siya'y pumunta sa lugar na nararapat sa kanya.”

26 Nagpalabunutan sila at si Matias ang napili. Kaya't siya ay idinagdag sa labing-isang apostol.

Ang Pagdating ng Espiritu Santo

Nagkakatipon(J) silang lahat sa isang lugar nang sumapit ang araw ng Pentecostes. Walang anu-ano'y may ingay na nagmula sa langit, na tulad ng ugong ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang parang mga dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.

May mga debotong Judio noon sa Jerusalem na nagmula sa bawat bansa sa buong mundo. Nang marinig nila ang ugong, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa wika ng mga nakikinig. Sa pagkamangha at pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba taga-Galilea silang lahat? Bakit sila nakapagsasalita sa ating wika? Tayo'y mga taga-Partia, Media, Elam, Mesopotamia, Judea at Capadocia, Ponto at Asia[a]. 10 Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Pamfilia, Egipto at sa mga lupain ng Libya na malapit sa bayan ng Cirene, at mga nagmula sa Roma, mga Judio at mga Hentil na nahikayat sa pananampalatayang Judio. 11 May mga taga-Creta at Arabia rin. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos?” 12 Hindi nila lubusang maunawaan ang nangyari, kaya't nagtanungan sila, “Ano ang kahulugan nito?”

13 Ngunit may ilang nagsabi nang pakutya, “Lasing lang ang mga iyan!”

Nangaral si Pedro

14 Kaya't tumayo si Pedro, kasama ng labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga taga-Judea, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. 15 Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng palagay ninyo. Alas nuwebe pa lamang ng umaga ngayon. 16 Ang nakikita ninyo'y katuparan ng ipinahayag ni Propeta Joel,

17 ‘Ito(K) ang gagawin ko sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos,
‘Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao;
    ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki at babae ang aking mensahe.
Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain,
    at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip.
18 Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu,
    sa aking mga alipin, maging lalaki at maging babae,
    at ipahahayag nila ang aking mensahe.
19 Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit
    at mga himala sa lupa;
    dugo, apoy at makapal na usok.
20 Ang araw ay magdidilim,
    ang buwan ay pupulang parang dugo,
    bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ng Panginoon.
21 At sinumang tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’

22 “Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap sa kalagitnaan ninyo. 23 Ang Jesus na ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama. 24 Subalit(L) siya'y muling binuhay ng Diyos at pinalaya mula sa kapangyarihan ng kamatayan, sapagkat hindi maaaring siya'y bihagin nito, 25 gaya(M) ng sinabi ni David tungkol sa kanya,

‘Nakita ko ang Panginoon na lagi kong kasama,
    hindi ako matitinag sapagkat kapiling ko siya.
26 Dahil dito, natuwa ang puso ko at
    ang mga salita ko'y napuno ng galak,
    at ang katawan ko'y mananatiling may pag-asa.
27 Sapagkat ang kaluluwa ko'y di mo pababayaan sa daigdig ng mga patay,[b]
At hindi mo hahayaang makaranas ng pagkabulok ang iyong Banal na Lingkod.
28 Itinuro mo sa akin ang mga landas patungo sa buhay,
    dahil ikaw ang kasama ko, ako'y mapupuno ng kagalakan.’

29 “Mga kapatid, may katiyakang sinasabi ko sa inyo na ang ninuno nating si David ay namatay at inilibing, at naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon. 30 Siya'y(N) propeta at alam niya ang pangako sa kanya ng Diyos, na magiging haring tulad niya ang isang magmumula sa kanyang angkan. 31 Noon pa man ay nakita na ni David ang muling pagkabuhay ng Cristo at ipinahayag niya ito nang kanyang sabihing, ‘hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay,[c] at hindi nakaranas ng pagkabulok ang kanyang katawan.’ 32 Ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos at saksi kaming lahat sa pangyayaring iyon. 33 Pinaupo siya sa kanan ng Diyos at tinanggap niya mula sa Ama ang ipinangakong Espiritu Santo. Ito ang kanyang ibinuhos sa amin, tulad ng inyong nakikita at naririnig. 34 Hindi(O) si David ang umakyat sa langit, kundi sinabi lamang niya,

‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
    “Maupo ka sa kanan ko,
35 hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’

36 “Kaya't dapat malaman ng buong Israel na itong si Jesus na ipinako ninyo sa krus ay siyang ginawa ng Diyos na Panginoon at Cristo!”

37 Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig ito, kaya't tinanong nila si Pedro at ang ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?”

38 Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. 39 Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, sa bawat taong tatawagin ng ating Panginoong Diyos.”

40 Marami pang inilahad si Pedro upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa parusang sasapitin ng masamang lahing ito.”

41 Kaya't ang mga naniwala sa ipinangaral niya ay nagpabautismo, at nadagdagan ang mga alagad ng may tatlong libong katao nang araw na iyon. 42 Inilaan nila ang kanilang mga sarili upang matuto sa turo ng mga apostol, magsama-sama bilang magkakapatid, magsalu-salo sa pagkain ng tinapay, at manalangin.

Ang Pamumuhay ng mga Sumasampalataya

43 Dahil sa maraming himala at kababalaghang ginagawa sa pamamagitan ng mga apostol [sa Jerusalem],[d] naghari sa lahat ang takot. 44 Nagsama-sama(P) ang lahat ng sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay itinuring na para sa lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan. 46 Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa Templo at nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, na masaya at may malinis na kalooban. 47 Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas.

Pinagaling ang Isang Lumpo

Minsan, nagpunta sina Pedro at Juan sa Templo; alas tres ng hapon noon, ang oras ng pananalangin. Sa pintuan ng Templo na tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking lumpo mula pa nang ito'y isilang. Dinadala ito sa Templo araw-araw upang mamalimos sa mga taong pumapasok doon. Nang makita nito sina Pedro at Juan na papasók sa Templo, siya'y humingi ng limos. Tinitigan siya ng dalawa, at sinabi ni Pedro sa kanya, “Tingnan mo kami!” Tumingin nga siya sa kanila sa pag-asang siya'y lilimusan. Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, ngunit kung ano ang mayroon ako ay siya kong ibibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad.” Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinayo. Noon di'y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki; palukso itong tumayo at nagsimulang lumakad. Pumasok siya sa Templo kasama nila, naglalakad, lumulundag at nagpupuri sa Diyos. Nakita ng lahat na siya'y naglalakad at nagpupuri sa Diyos. 10 Nang makilala nilang siya ang pulubing dati'y nakaupong namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo, namangha sila at nagtaka sa nangyari sa kanya.

Nangaral si Pedro sa Portiko ni Solomon

11 Habang nakahawak siya kina Pedro at Juan sa lugar na tinatawag na Portiko ni Solomon, patakbong lumapit sa kanila ang mga taong takang-taka sa nangyari. 12 Nangmakita ni Pedro ang mga tao, sinabi niya, “Mga Israelita, bakit kayo nagtataka sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinititigan? Akala ba ninyo'y napalakad namin siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan? 13 Niluwalhati (Q) ng Diyos ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob ang kanyang Lingkod na si Jesus na isinakdal ninyo at itinakwil sa harap ni Pilato, gayong ipinasya na nito na palayain siya. 14 Itinakwil(R) ninyo ang Banal at Matuwid, at hiniling na palayain ang isang mamamatay-tao. 15 Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa pangyayaring ito. 16 Ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa kanyang pangalan. Ang pananalig kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong nakikita.

17 “Mga kapatid, alam kong hindi ninyo nauunawaan ang inyong ginawa, gayundin ng inyong mga pinuno. 18 Sa ganitong paraan ay natupad ang matagal nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang kanyang Cristo ay kailangang magdusa. 19 Kaya nga, magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang patawarin ang inyong mga kasalanan, 20 at nang sa gayon ay sumapit ang panahon ng pagpapanibagong lakas mula sa Panginoon. Susuguin niya si Jesus, ang Cristong hinirang mula pa noong una para sa inyo. 21 Siya'y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang pagbabago ng lahat ng bagay, ayon sa ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula pa noong una. 22 Sapagkat(S) sinabi ni Moises, ‘Mula sa inyo, ang Panginoon ninyong Diyos[e] ay pipili para sa inyo ng isang propetang katulad ko. Sundin ninyo ang lahat ng kanyang sasabihin sa inyo. 23 Ang(T) sinumang hindi sumunod sa propetang iyon ay ihihiwalay sa bayan ng Diyos at lilipulin.’ 24 Ang lahat ng mga propeta, kasama si Samuel at ang mga kasunod niya, ay nagpahayag din tungkol sa panahong ito. 25 Ang(U) mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ay para sa inyo, at kasama kayo sa kasunduan na ginawa ng Diyos at ng inyong mga ninuno[f] nang kanyang sabihin kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng angkan sa daigdig sa pamamagitan ng iyong lahi.’ 26 Kaya't matapos buhayin ng Diyos ang kanyang Lingkod, sa inyo siya unang isinugo upang pagpalain kayo at tulungang tumalikod sa inyong masamang pamumuhay.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.