Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Lucas 17:11-18:14

Pinagaling ang Sampung Ketongin

11 Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. 12 Habang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Tumigil ang mga ito sa may kalayuan 13 at sumigaw, “Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!”

14 Pagkakita(A) sa kanila ay sinabi ni Jesus, “Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari.”

Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis. 15 Nang mapuna ng isa na siya'y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. 16 Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito'y isang Samaritano.

17 “Hindi ba't sampu ang pinagaling?”

tanong ni Jesus. “Nasaan ang siyam? 18 Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” 19 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka na at umuwi. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

Ang Pagdating ng Kaharian ng Diyos(B)

20 Minsan, si Jesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos. Sumagot siya, “Walang makikitang palatandaan ng pagdating ng kaharian ng Diyos, 21 at wala ring magsasabing ‘Narito na!’ o ‘Naroon!’ Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo.”

22 At sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang panahon na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita. 23 May magsasabi sa inyo, ‘Naroon!’ o, ‘Narito!’ Huwag kayong pupunta at huwag kayong maniniwala sa kanila. 24 Sapagkat [pagsapit ng takdang araw,][a] ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan. 25 Ngunit kailangan munang magdanas siya ng maraming hirap at itakwil ng salinlahing ito. 26 Ang(C) pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa kapanahunan ni Noe. 27 Ang(D)(E) mga tao noo'y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko. Dumating ang baha at namatay silang lahat. 28 Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot. Ang mga tao'y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay. 29 Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. 30 Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao.

31 “Sa(F) araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag nang bumabâ pa upang kunin ang kanyang mga kasangkapan sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa. 32 Alalahanin(G) ninyo ang asawa ni Lot. 33 Ang(H) sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makakapagligtas nito. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, may dalawang taong nasa isang higaan; kukunin ang isa at iiwan ang isa. 35 May dalawang babaing magkasamang nagtatrabaho sa gilingan; kukunin ang isa at iiwan ang isa. [36 May dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa.]”[b]

37 “Saan po ito mangyayari, Panginoon?” tanong ng kanyang mga alagad.

Sumagot siya, “Kung nasaan ang bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.”

Ang Biyuda at ang Hukom

18 Isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. Sinabi niya, “Sa isang lungsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao. Sa lungsod ding iyon ay may isang biyuda. Lagi siyang pumupunta sa hukom at sinasabi, ‘Bigyan po ninyo ako ng katarungan sa aking usapin.’ Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng mahabang panahon, ngunit nang magtagal ay sinabi ng hukom sa sarili, ‘Kahit ako'y walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao, ibibigay ko na ang katarungang hinihingi ng biyudang ito, sapagkat lagi niya akong ginagambala at baka mainis pa ako sa kapupunta niya rito.’” At nagpatuloy ang Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sabi ng masamang hukom na iyon. Ngayon,(I) ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya'y paghihintayin niya nang matagal? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang ibibigay sa kanila ang katarungan. Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao, may daratnan pa kaya siyang mga taong may pananampalataya?”

Ang Talinghaga ng Pariseo at ng Maniningil ng Buwis

Sinabi rin niya ang talinghagang ito sa mga taong matuwid ang tingin sa sarili at hinahamak naman ang iba. 10 “May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.’ 13 Samantala, ang maniningil ng buwis nama'y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ 14 Sinasabi(J) ko sa inyo, ang lalaking ito'y umuwing matuwid sa harapan ng Diyos, at hindi ang Pariseo. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.