Chronological
Talaan ng mga Ninuno ni Jesu-Cristo(A)
1 Ito ang talaan ng mga ninuno ni Jesu-Cristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham.
2-11 Mula kay Abraham hanggang kay Haring David, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: Abraham, Isaac, Jacob na ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid; Juda na ama ni Fares at Zara kay Tamar; Fares, Esrom, Aram, Aminadab, Naason, Salmon, Boaz na anak ni Salmon kay Rahab; Obed na anak ni Boaz kay Ruth; at Jesse na ama ni Haring David.
6b-11 Mula(B) naman kay Haring David hanggang sa naging bihag ang mga taga-Juda sa Babilonia, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: David, Solomon na anak ni Haring David sa asawa ni Urias, Rehoboam, Abias, Asa, Jehoshafat, Joram, Ozias, Jotam, Acaz, Ezequias, Manases, Ammon, Josias, Jeconias at ang mga kapatid nito.
12-16 At pagkatapos na sila'y maging bihag sa Babilonia hanggang sa ipanganak si Jesus, ang mga ninuno niya ay sina: Jeconias, Salatiel, Zerubabel, Abiud, Eliakim, Azor, Sadoc, Aquim, Eliud, Eleazar, Matan, Jacob, at si Jose na asawa ni Maria. Si Maria ang ina ni Jesus—ang tinatawag na Cristo.
17 Samakatuwid, may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia at labing-apat din mula sa pagkabihag sa Babilonia hanggang kay Cristo.
Isinilang si Jesu-Cristo(C)
18 Ito(D) ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nagdadalang-tao na si Maria sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. 19 Subalit dahil isang matuwid na tao si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayan[a] si Maria nang palihim.
20 Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. 21 Magsisilang(E) siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,
23 “Maglilihi(F) ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki,
at tatawagin itong Emmanuel”
(ang kahulugan nito'y “Kasama natin ang Diyos”).
24 Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon at pinakasalan niya si Maria. 25 Ngunit(G) hindi niya sinipingan si Maria hanggang magsilang ito ng isang anak na lalaki. At Jesus nga ang ipinangalan ni Jose sa sanggol.
Ang Pagsilang ni Jesus(A)
2 Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magkaroon ng sensus sa lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. 2 Ang unang sensus na ito ay ginawa noong si Cirenio ang gobernador ng Siria. 3 Kaya't umuwi ang mga tao sa sarili nilang bayan upang magpatala.
4 Mula sa Nazaret, isang lungsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan ni David. 5 Kasama rin niyang umuwi upang magpatala si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay nagdadalang-tao. 6 Habang sila'y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. 7 Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.
Ang mga Pastol at ang mga Anghel
8 Doon ay may mga pastol na nasa parang at nagbabantay ng kanilang mga tupa nang gabing iyon. 9 At tumayo(B) sa harapan nila ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa kapaligiran nila ang kaluwalhatian ng Panginoon. Ganoon na lamang ang kanilang pagkatakot. 10 Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Isinilang sa inyo ngayon sa bayan ni David ang Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. 12 Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.”
13 Biglang lumitaw kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at umaawit,
14 “Papuri sa Diyos sa kaitaasan,
at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”
15 Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap-usap, “Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon.” 16 Nagmamadali silang pumunta roon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at naroon ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Nang makita ng mga pastol ang sanggol, isinalaysay nila ang sinabi ng anghel tungkol dito. 18 Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. 19 Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan.
20 Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel.
Pinangalanan si Jesus
21 Pagsapit(C) ng ikawalong araw, tinuli ang bata at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang sinabi ng anghel bago pa siya ipaglihi.
Dinala si Jesus sa Templo
22 Nang(D) sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala nila ang sanggol upang iharap sa Panginoon, 23 sapagkat(E) ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon.” 24 Nag-alay din sila ng handog ayon sa nakasaad sa Kautusan ng Panginoon: magkapares na ibong batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.
25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. 27 Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa itinatakda ng Kautusan, 28 kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,
29 “Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa
ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.
30 Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas,
31 na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.
32 Ito(F) po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil
at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel.”
33 Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. 34 Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, 35 kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso.”
36 Naroon(G) din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa lipi ni Asher. Siya'y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, 37 at ngayo'y walumpu't apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa Templo at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. 38 Nang oras na iyon, lumapit siya kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.