Chronological
9 Nang ikaapat na taon ni Haring Hezekias, na siyang ikapitong taon ni Hosheas na anak ni Ela na hari ng Israel, si Shalmaneser na hari ng Asiria ay umahon laban sa Samaria at kinubkob niya iyon,
10 at sa katapusan ng tatlong taon ay kanilang sinakop iyon. Nang ikaanim na taon ni Hezekias, na siyang ikasiyam na taon ni Hosheas na hari ng Israel, ang Samaria ay sinakop.
11 Dinala ng hari ng Asiria ang mga Israelita sa Asiria, at inilagay sila sa Hala, at sa Habor, ang ilog ng Gozan, at sa mga lunsod ng mga Medo,
12 sapagkat hindi nila sinunod ang tinig ng Panginoon nilang Diyos, kundi kanilang nilabag ang kanyang tipan, maging ang lahat ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon. Hindi sila nakinig ni sumunod.
Pinagbantaan ng Taga-Asiria ang Jerusalem(A)
13 Nang ikalabing-apat na taon ni Haring Hezekias, si Senakerib na hari ng Asiria ay umahon laban sa lahat ng bayang nakukutaan ng Juda at sinakop ang mga iyon.
14 Si Hezekias na hari ng Juda ay nagsugo sa hari ng Asiria sa Lakish, na nagsasabi, “Ako'y nagkamali; iwan mo ako. Anumang ipataw mo sa akin ay aking papasanin.” At pinatawan ng hari ng Asiria si Hezekias na hari ng Juda ng tatlongdaang talentong pilak at tatlumpung talentong ginto.
15 Ibinigay ni Hezekias sa kanya ang lahat ng pilak na natagpuan sa bahay ng Panginoon, at sa kabang-yaman ng bahay ng hari.
16 Nang panahong yaon ay inalis ni Hezekias ang ginto mula sa mga pintuan ng templo ng Panginoon at mula sa mga haligi na binalutan ni Hezekias na hari ng Juda at ibinigay ito sa hari ng Asiria.
17 Isinugo ng hari ng Asiria ang Tartan, ang Rabsaris, at ang Rabsake na may malaking hukbo mula sa Lakish patungo kay Haring Hezekias sa Jerusalem. At sila'y umahon at nakarating sa Jerusalem. Nang sila'y makarating, sila'y pumasok at tumayo sa tabi ng daluyan ng tubig ng mataas na tipunan ng tubig na nasa lansangan patungo sa Parang na Bilaran.
18 Nang matawag na nila ang hari, lumabas sa kanila si Eliakim na anak ni Hilkias, na siyang katiwala ng bahay, at si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf na tagapagtala.
19 At sinabi ng Rabsake sa kanila, “Sabihin ninyo kay Hezekias, ‘Ganito ang sabi ng dakilang hari, ang hari ng Asiria: Sa ano ninyo ibinabatay ang pagtitiwala ninyong ito?
20 Iyong sinasabi (ngunit mga salitang walang kabuluhan lamang) may payo at kalakasan sa pakikidigma. Ngayon, kanino ka nagtitiwala, na ikaw ay maghimagsik laban sa akin?
21 Narito ngayon, ikaw ay umaasa sa Ehipto, sa baling tungkod na iyon na tutusok sa kamay ng sinumang taong sasandal doon. Gayon si Faraon na hari ng Ehipto sa lahat ng umaasa sa kanya.
22 Ngunit kung inyong sasabihin sa akin, “Kami ay umaasa sa Panginoon naming Diyos,” hindi ba siya yaong inalisan ni Hezekias ng matataas na dako at ng mga dambana, na sinasabi sa Juda at Jerusalem, “Kayo'y sasamba sa dambanang ito sa Jerusalem?”
23 Halika ngayon, makipagpustahan ka sa aking panginoong hari ng Asiria. Bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung makakaya mong lagyan ng mga mangangabayo ang mga iyon.
24 Paano mo maitataboy ang isang punong-kawal mula sa pinakamahina sa mga lingkod ng aking panginoon, samantalang umaasa ka sa Ehipto para sa mga karwahe at mga mangangabayo?
25 Bukod dito, ako ba'y umahon na hindi ko kasama ang Panginoon laban sa lugar na ito upang ito'y wasakin? Sinabi ng Panginoon sa akin, Umahon ka laban sa lupaing ito, at wasakin mo ito.’”
26 Nang magkagayo'y sinabi ni Eliakim na anak ni Hilkias, at nina Sebna at Joah sa Rabsake, “Hinihiling ko sa iyo, magsalita ka sa iyong mga lingkod sa wikang Aramaico sapagkat naiintindihan namin iyon. Huwag kang magsalita sa amin sa wikang Juda, sa mga pandinig ng taong-bayan na nasa pader.”
27 Ngunit sinabi ng Rabsake sa kanila, “Sinugo ba ako ng aking panginoon upang sabihin ang mga salitang ito sa iyong panginoon at sa inyo, at hindi sa mga lalaking nakaupo sa pader na nakatadhanang kasama ninyo na kumain ng kanilang sariling dumi at uminom ng kanilang sariling ihi?”
28 Pagkatapos ay tumayo ang Rabsake at sumigaw ng malakas sa wikang Juda, “Pakinggan ninyo ang salita ng dakilang hari, ang hari ng Asiria!”
29 Ganito ang sabi ng hari, “Huwag kayong padaya kay Hezekias, sapagkat kayo'y hindi niya maililigtas sa aking kamay.
30 Huwag ninyong hayaang pagtiwalain kayo ni Hezekias sa Panginoon sa pagsasabing, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon, at ang lunsod na ito ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asiria.’
31 Huwag kayong makinig kay Hezekias, sapagkat ganito ang sabi ng hari ng Asiria, ‘Makipagpayapaan kayo sa akin at lumabas kayo sa akin; at ang bawat isa sa inyo ay kakain mula sa kanyang sariling puno ng ubas, at ang bawat isa mula sa kanyang sariling puno ng igos, at ang bawat isa sa inyo ay iinom ng tubig sa kanyang sariling balon;
32 hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, isang lupain ng trigo at ng alak, isang lupain ng tinapay at ng mga ubasan, isang lupain ng langis na olibo at ng pulot, upang kayo'y mabuhay at hindi mamatay. At huwag kayong makinig kay Hezekias kapag kayo'y ililigaw niya sa pagsasabing, Ililigtas tayo ng Panginoon.
33 Mayroon na bang sinuman sa mga diyos ng mga bansa na nakapagligtas ng lupain niya sa kamay ng hari ng Asiria?
34 Nasaan ang mga diyos ng Hamat at Arpad? Nasaan ang mga diyos ng Sefarvaim, Hena at Iva? Nailigtas ba nila ang Samaria sa aking kamay?
35 Sino sa lahat ng mga diyos ng mga lupain ang nakapagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na anupa't ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?’”
36 Ngunit ang bayan ay tahimik, at hindi siya sinagot ng kahit isang salita, sapagkat ang utos ng hari ay, “Huwag ninyo siyang sagutin.”
37 Nang magkagayon, si Eliakim na anak ni Hilkias, na katiwala ng sambahayan, si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf, ang tagapagtala, ay pumunta kay Hezekias na punit ang kanilang suot at sinabi sa kanya ang mga salita ng Rabsake.
Hiningi ng Hari ang Payo ni Isaias(B)
19 Nang ito'y marinig ni Haring Hezekias, pinunit niya ang kanyang mga suot, nagbalot ng damit-sako, at pumasok sa bahay ng Panginoon.
2 Kanyang sinugo kay propeta Isaias na anak ni Amos sina Eliakim na katiwala sa bahay, si Sebna na kalihim, at ang matatanda sa mga pari na may mga balot na damit-sako.
3 Sinabi nila sa kanya, “Ganito ang sabi ni Hezekias, Ang araw na ito ay araw ng kabagabagan, ng pagsaway at ng kahihiyan. Ang mga bata ay dumating na sa kapanganakan, at walang lakas upang sila'y mailuwal.
4 Marahil ay narinig ng Panginoon mong Diyos ang lahat ng mga salita ng Rabsake, na siyang sinugo ng kanyang panginoong hari ng Asiria upang tuyain ang buháy na Diyos, at sawayin ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Diyos. Kaya't itaas mo ang iyong panalangin para sa nalalabing naiwan.”
5 At ang mga lingkod ni Haring Hezekias ay dumating kay Isaias,
6 at sinabi ni Isaias sa kanila, “Sabihin ninyo sa inyong panginoon, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang matakot dahil sa mga salitang narinig mo, na ipinanlait sa akin ng mga lingkod ng hari ng Asiria.
7 Ako'y maglalagay ng isang espiritu sa kanya, at siya'y makakarinig ng bali-balita at babalik sa kanyang sariling lupain; at aking ipabubuwal siya sa pamamagitan ng tabak sa kanyang sariling lupain.’”
Muling Nagbanta ang Taga-Asiria(C)
8 Bumalik ang Rabsake at natagpuan ang hari ng Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagkat nabalitaan niya na nilisan ng hari ang Lakish.
9 Nang marinig ng hari ang tungkol kay Tirhaca na hari ng Etiopia, “Tingnan mo, siya'y lumabas upang lumaban sa iyo,” siya'y muling nagpadala ng mga sugo kay Hezekias, na sinasabi,
10 “Ganito ang inyong sasabihin kay Hezekias na hari ng Juda, ‘Huwag kang padadaya sa Diyos na iyong inaasahan sa pamamagitan ng pangangako na ang Jerusalem ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asiria.
11 Nabalitaan mo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa lahat ng lupain, na ganap nilang winawasak. At ikaw kaya ay maililigtas?
12 Nailigtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa, ang mga bansang winasak ng aking mga ninuno—ang Gozan, Haran, Resef, at ang mga mamamayan ng Eden na nasa Telasar?
13 Nasaan ang hari ng Hamat, ang hari ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ang hari ng Hena, o ang hari ng Iva?’”
14 Tinanggap ni Hezekias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa ito. Pagkatapos ay pumanhik si Hezekias sa bahay ng Panginoon at iniladlad ito sa harapan ng Panginoon.
15 At(D) si Hezekias ay nanalangin sa harap ng Panginoon at nagsabi, “O Panginoong Diyos ng Israel na nakaupo sa itaas ng mga kerubin, ikaw ang Diyos, ikaw lamang sa lahat ng mga kaharian sa lupa; ikaw ang lumikha ng langit at lupa.
16 Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at iyong pakinggan at imulat mo ang iyong mga mata, O Panginoon. Tumingin ka at pakinggan mo ang mga salita ni Senakerib, na kanyang isinugo upang kutyain ang buháy na Diyos.
17 Sa katotohanan, Panginoon, winasak ng mga hari ng Asiria ang mga bansa at ang kanilang mga lupain,
18 at inihagis ang kanilang mga diyos sa apoy, sapagkat sila'y hindi mga diyos, kundi gawa ng mga kamay ng mga tao, mga kahoy at bato; kaya't sila'y winasak.
19 Ngayon nga, O Panginoon naming Diyos, iligtas mo kami sa kanyang mga kamay, isinasamo ko sa iyo, upang makilala ng lahat ng mga kaharian sa lupa na ikaw, Panginoon, ang tanging Diyos.”
20 Pagkatapos ay nagsugo si Isaias na anak ni Amos kay Hezekias, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng Israel, Sapagkat ikaw ay nanalangin sa akin tungkol kay Senakerib na hari ng Asiria, ikaw ay aking pinakinggan.
Ang Mensahe ni Isaias sa Hari(E)
21 Ito ang salita na sinabi ng Panginoon tungkol sa kanya:
“Hinahamak ka niya, kinukutya ka niya—
ikaw na anak na babaing birhen ng Zion;
iniiling niya ang kanyang ulo sa likuran mo—
ikaw na anak na babae ng Jerusalem.
22 “Sino ang iyong hinamak at kinutya?
Laban kanino mo itinaas ang iyong tinig
at may kapalaluang itinaas ang iyong mga mata?
Laban sa Banal ng Israel!
23 Sa pamamagitan ng iyong mga sugo ay kinutya mo ang Panginoon,
at iyong sinabi, ‘Sa pamamagitan ng marami kong mga karwahe
ako'y nakaahon sa kaitaasan ng mga bundok,
hanggang sa kasuluksulukan ng Lebanon.
Ibinuwal ko ang kanyang pinakamataas na sedro,
ang kanyang mga piling puno ng cipres;
pinasok ko ang kanyang pinakamalayong tuluyan,
at ang kanyang pinakamasukal na gubat.
24 Ako'y humukay ng balon
at uminom ng ibang tubig
at pinatuyo ng talampakan ng aking paa
ang lahat ng ilog sa Ehipto.’
25 “Hindi mo ba narinig
na iyon ay matagal ko nang naipasiya?
Binalak ko nang nakaraang mga araw
ang ngayon ay aking pinapangyayari,
na mga lunsod na may kuta ay gagawin mong mga bunton ng guho,
26 samantalang ang kanilang mga mamamayan ay naubusan ng lakas,
lupaypay at nalilito,
at naging gaya ng mga halaman sa bukid,
at gaya ng luntiang gulayin,
gaya ng damo sa mga bubungan,
na lanta na bago ito lumago?
27 “Ngunit nalalaman ko ang iyong pag-upo
at ang iyong paglabas at pagpasok,
at ang iyong pagkagalit laban sa akin.
28 Sapagkat ikaw ay nagalit laban sa akin
at ang iyong pagmamataas ay nakarating sa aking mga tainga,
ilalagay ko ang aking kawit sa iyong ilong,
at ang aking busal sa iyong bibig,
at ibabalik kita sa daang
pinanggalingan mo.
29 “At ito ang magiging tanda para sa iyo: sa taong ito ikaw ay kakain ng tumutubo sa kanyang sarili, at sa ikalawang taon ay ang tumubo roon; at sa ikatlong taon ay maghahasik kayo, at aani, at magtatanim ng ubasan, at kakainin ninyo ang kanilang bunga.
30 Ang naiwang ligtas sa sambahayan ni Juda ay muling mag-uugat pailalim at magbubunga pataas;
31 sapagkat mula sa Jerusalem ay lalabas ang isang nalabi, at sa bundok ng Zion ay isang pangkat ng naiwan. Ang sigasig ng Panginoon ang gagawa nito.
32 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria. Siya'y hindi papasok sa lunsod na ito, o papana man ng palaso doon, o darating sa unahan na may kalasag, o maglalagay man ng bunton laban doon.
33 Sa daang kanyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya papasok sa lunsod na ito, sabi ng Panginoon.
34 Sapagkat ipagtatanggol ko ang lunsod na ito upang iligtas ito, alang-alang sa akin at sa aking lingkod na si David.”
35 Nang gabing iyon ang anghel ng Panginoon ay lumabas at pumatay ng isandaan at walumpu't limang libo sa kampo ng mga taga-Asiria. At nang ang mga tao'y maagang bumangon kinaumagahan, narito, silang lahat ay mga bangkay.
36 Pagkatapos ay umalis si Senakerib na hari ng Asiria, at umuwi at nanirahan sa Ninive.
37 Habang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroc na kanyang diyos, pinatay siya ng tabak ng kanyang mga anak na sina Adramalec at Sharezer; at sila'y tumakas patungo sa lupain ng Ararat. Si Esar-hadon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Ang Diyos ay Kasama Natin
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora, ayon sa Alamot.
46 Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan,
isang handang saklolo sa kabagabagan.
2 Kaya't hindi tayo matatakot bagaman mabago ang lupa,
bagaman ang mga bundok ay madulas sa puso ng dagat.
3 bagaman ang tubig nito ay bumula at humugong,
bagaman ang mga bundok ay mauga dahil sa unos niyon. (Selah)
4 May isang ilog na ang mga agos ay nagpapasaya sa lunsod ng Diyos,
ang banal na tahanan ng Kataas-taasan.
5 Ang Diyos ay nasa gitna niya; siya'y hindi makikilos;
tutulungan siyang maaga ng Diyos.
6 Ang mga bansa ay nagkagulo, ang mga kaharian ay nagpasuray-suray,
binigkas niya ang kanyang tinig, ang lupa ay natunaw.
7 Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin,
ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)
8 Pumarito kayo, inyong masdan ang sa Panginoong gawa,
kung paanong gumawa siya ng pagwasak sa lupa.
9 Kanyang pinahinto ang mga digmaan hanggang sa mga dulo ng lupa;
kanyang pinuputol ang sibat at binabali ang pana,
kanyang sinusunog ng apoy ang mga karwahe![a]
10 “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.
Ako'y mamumuno sa mga bansa,
ako'y mamumuno sa lupa.”
11 Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin;
ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Patotoo ni Asaf. Isang Awit.
80 O(A) Pastol ng Israel, iyong pakinggan,
ikaw na pumapatnubay kay Jose na parang kawan;
ikaw na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin, ikaw ay magliwanag
2 sa harapan ng Efraim, ng Benjamin at ng Manases!
Pakilusin mo ang iyong kapangyarihan,
at pumarito ka upang kami'y iligtas.
3 Panunumbalikin mo kami, O Diyos;
paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!
4 O Panginoong Diyos ng mga hukbo,
hanggang kailan ka magagalit sa dalangin ng bayan mo?
5 Iyong pinakain sila ng tinapay ng mga luha,
at binigyan mo sila ng maiinom na mga luhang sagana.
6 Ginawa mo kaming kaalitan sa aming mga kalapit-bansa,
at ang mga kaaway namin ay nagtatawanang sama-sama.
7 Panunumbalikin mo kami, O Diyos ng mga hukbo;
paliwanagin mo ang iyong mukha upang kami ay maligtas!
8 Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Ehipto;
iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo ito.
9 Inihanda mo ang lupa para doon,
ito'y nag-ugat nang malalim at pinuno ang lupain.
10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyon,
ang malalaking sedro at ang mga sanga nito,
11 ang kanyang mga sanga hanggang sa dagat ay umabot,
at ang kanyang mga supling hanggang sa Ilog.
12 Bakit mo ibinagsak ang mga pader niya,
anupa't lahat ng dumaraan ay pumipitas ng kanyang bunga?
13 Sinisira ito ng baboy-damo na mula sa kagubatan,
at nanginginain doon ang lahat ng gumagalaw sa parang.
14 Bumalik kang muli, O Diyos ng mga hukbo, isinasamo namin sa iyo.
Tumungo ka mula sa langit, at masdan mo;
pahalagahan mo ang puno ng ubas na ito,
15 ang punong itinanim ng kanang kamay mo,
at sa anak na iyong pinalaki para sa iyong sarili.
16 Sinunog nila iyon sa apoy, iyon ay kanilang pinutol;
sa saway ng iyong mukha sila'y nalipol!
17 Ipatong nawa ang iyong kamay sa tao ng kanang kamay mo,
sa anak ng tao na iyong pinalakas para sa sarili mo.
18 Sa gayo'y hindi kami tatalikod sa iyo;
bigyan mo kami ng buhay, at tatawag kami sa pangalan mo.
19 Panunumbalikin mo kami, O Panginoong Diyos ng mga hukbo;
paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!
135 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang pangalan ng Panginoon,
magpuri kayo, mga lingkod ng Panginoon,
2 kayong nagsisitayo sa bahay ng Panginoon,
sa mga bulwagan ng bahay ng ating Diyos!
3 Purihin ang Panginoon, sapagkat ang Panginoon ay mabuti;
umawit sa kanyang pangalan, sapagkat ito'y kaibig-ibig.
4 Sapagkat pinili ng Panginoon si Jacob para sa kanyang sarili,
ang Israel bilang kanyang sariling pag-aari.
5 Sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay dakila,
at ang ating Panginoon ay higit sa lahat ng mga diyos.
6 Ginagawa ng Panginoon anumang kanyang kinalulugdan,
sa langit at sa lupa,
sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman.
7 Siya ang nagpapataas ng mga ulap sa mga dulo ng daigdig,
na gumagawa ng mga kidlat para sa ulan
at inilalabas ang hangin mula sa kanyang mga kamalig.
8 Siya ang pumatay sa mga panganay sa Ehipto,
sa hayop at sa tao;
9 siya, O Ehipto, sa iyong kalagitnaan,
ay nagsugo ng mga tanda at mga kababalaghan
laban kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod;
10 na siyang sa maraming bansa ay gumapi,
at pumatay sa mga makapangyarihang hari,
11 kay Sihon na hari ng mga Amorita,
at kay Og na hari sa Basan,
at sa lahat ng mga kaharian ng Canaan,
12 at ibinigay bilang pamana ang kanilang lupain,
isang pamana sa kanyang bayang Israel.
13 Ang iyong pangalan, O Panginoon, ay magpakailanman,
ang iyong alaala, O Panginoon, ay sa lahat ng salinlahi.
14 Sapagkat hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan,
at mga lingkod niya'y kanyang kahahabagan.
15 Ang(A) mga diyus-diyosan ng mga bansa ay pilak at ginto,
na gawa ng mga kamay ng mga tao.
16 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi sila nagsasalita;
mayroon silang mga mata, ngunit hindi sila nakakakita;
17 sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
ni mayroon mang hininga sa kanilang mga bibig.
18 Maging kagaya sila
ng mga gumawa sa kanila—
oo, ang bawat nagtitiwala sa kanila!
19 O sambahayan ni Israel, purihin ninyo ang Panginoon!
O sambahayan ni Aaron, purihin ninyo ang Panginoon!
20 O sambahayan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
Kayong natatakot sa Panginoon, purihin ninyo ang Panginoon!
21 Purihin ang Panginoon mula sa Zion,
siya na tumatahan sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001