Chronological
Si Haring Jehoas ng Juda(A)
12 Nang ikapitong taon ni Jehu, nagsimulang maghari si Jehoas at siya'y naghari sa loob ng apatnapung taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Sibia na taga-Beer-seba.
2 Gumawa si Jehoas ng matuwid sa mga mata ng Panginoon sa lahat ng kanyang araw, sapagkat tinuruan siya ni Jehoiada na pari.
3 Gayunma'y ang mga mataas na dako ay hindi inalis; ang mga tao ay patuloy na naghandog at nagsunog ng insenso sa mga mataas na dako.
4 Sinabi(B) ni Jehoas sa mga pari, “Ang lahat ng salaping inihandog bilang mga banal na bagay na ipinasok sa bahay ng Panginoon, ang salaping umiiral, na salaping inihalaga sa mga pagkatao na hiniling sa bawat isa, at ang salapi na iniudyok ng puso ng tao na kanyang dalhin sa bahay ng Panginoon,
5 ay kukunin ng mga pari para sa kanila, bawat isa sa kanyang kakilala; at kanilang aayusin ang mga sira ng bahay saanman matuklasang may anumang sira.”
6 Ngunit nang ikadalawampu't tatlong taon ni Haring Jehoas, ang mga pari ay hindi nag-ayos ng mga sira sa bahay.
7 Kaya't tinawag ni Haring Jehoas si Jehoiada na pari at ang iba pang mga pari at sinabi sa kanila, “Bakit hindi ninyo inaayos ang mga sira ng bahay? Ngayon ay huwag na kayong tumanggap ng salapi sa inyong mga kakilala, kundi ibigay ninyo para sa mga sira ng bahay.”
8 Kaya't pinagkasunduan ng mga pari na hindi na sila kukuha pa ng salapi mula sa taong-bayan, at hindi na nila aayusin ang mga sira ng bahay.
9 At si Jehoiada na pari ay kumuha ng isang kaban, at binutasan ang takip niyon, at inilagay sa tabi ng dambana sa gawing kanan ng pagpasok sa bahay ng Panginoon. Isinilid doon ng mga pari na nagtatanod sa pintuan ang lahat ng salapi na dinala sa bahay ng Panginoon.
10 Tuwing makikita nila na marami ng salapi sa kaban, ang kalihim ng hari at ang pinakapunong pari ay umaakyat, at kanilang binibilang at isinisilid sa mga supot ang mga salapi na natagpuan sa bahay ng Panginoon.
11 Pagkatapos ay ibinibigay nila ang salaping tinimbang sa mga kamay ng mga manggagawa na nangangasiwa sa bahay ng Panginoon; at ito ay kanilang ibinayad sa mga karpintero at sa mga manggagawa na gumawa sa bahay ng Panginoon,
12 at sa mga mason at nagtatabas ng bato, gayundin upang ibili ng mga kahoy at mga batong tinibag para sa pag-aayos ng mga sira sa bahay ng Panginoon, at para sa lahat ng magugugol sa bahay sa pag-aayos nito.
13 Ngunit walang ginawa para sa bahay ng Panginoon na mga palangganang pilak, mga pamutol ng mitsa, mga mangkok, mga trumpeta, o anumang kasangkapang ginto, o kasangkapang pilak, mula sa salapi na ipinasok sa bahay ng Panginoon,
14 sapagkat iyon ay kanilang ibinigay sa mga gumawa ng gawain at sa pamamagitan niyon ay inayos nila ang bahay ng Panginoon.
15 Hindi(C) sila humingi ng pagsusulit mula sa mga lalaki na sa kanilang mga kamay ay ibinigay ang salapi upang ibayad sa mga manggagawa, sapagkat sila'y nagsigawang may katapatan.
16 Ang(D) salapi mula sa handog para sa budhing nagkasala, at ang salapi mula sa handog pangkasalanan ay hindi ipinasok sa bahay ng Panginoon; ang mga iyon ay nauukol sa mga pari.
17 Nang panahong iyon, si Hazael na hari ng Siria ay umahon at nilabanan ang Gat, at nasakop iyon at iniharap ni Hazael ang kanyang mukha upang umahon sa Jerusalem upang ito ay labanan,
18 at kinuha ni Jehoas na hari ng Juda ang lahat ng bagay na itinalaga ni Jehoshafat, at ni Jehoram, at ni Ahazias, na kanyang mga ninuno, na mga hari sa Juda, at ang kanyang mga itinalagang bagay, at ang lahat ng ginto na natagpuan sa mga kabang-yaman ng bahay ng Panginoon at sa bahay ng hari, at ipinadala kay Hazael na hari ng Siria. Pagkatapos si Hazael ay umalis sa Jerusalem.
19 Ang iba sa mga gawa ni Joas, at ang lahat niyang ginawa, di ba ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Juda?
20 At ang kanyang mga lingkod ay nagsitindig at nagsabwatan, at pinatay nila si Joas sa bahay ng Milo, sa daang palusong sa Silah.
21 Si Josakar na anak ni Shimeat at si Jozabad na anak ni Somer, na kanyang mga lingkod, ang sumunggab sa kanya, kaya't siya'y namatay. At kanilang inilibing siya na kasama ng kanyang mga magulang sa lunsod ni David; at si Amasias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Jehoahaz ng Israel
13 Nang ikadalawampu't tatlong taon ni Joas na anak ni Ahazias na hari ng Juda, si Jehoahaz na anak ni Jehu ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria; at siya'y naghari sa loob ng labimpitong taon.
2 Gumawa siya ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at sumunod sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel; hindi niya iniwan ang mga iyon.
3 Ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, kaya't paulit-ulit niyang ibinigay sila sa kamay nina Hazael na hari ng Siria at ni Ben-hadad na anak ni Hazael.
4 Ngunit si Jehoahaz ay nanalangin sa harap ng Panginoon, at pinakinggan siya ng Panginoon, sapagkat nakita niya ang pagmamalupit sa Israel, kung paanong pinagmalupitan sila ng hari ng Siria.
5 Kaya't binigyan ng Panginoon ang Israel ng isang tagapagligtas, at sila'y nakatakas mula sa kamay ng mga taga-Siria; at ang mamamayan ng Israel ay nanirahan sa kanilang mga tolda gaya ng dati.
6 Gayunma'y hindi nila tinalikuran ang mga kasalanan ng sambahayan ni Jeroboam, na dahil dito'y ibinunsod niya ang Israel sa pagkakasala, kundi lumakad sila sa mga ito; ang Ashera ay nanatili rin sa Samaria.
7 Kaya't walang naiwan kay Jehoahaz na hukbo na higit pa sa limampung mangangabayo at sampung karwahe at sampung libong taong lakad; sapagkat pinuksa ang mga iyon ng hari ng Siria na gaya ng alabok sa giikan.
8 Ang iba sa mga gawa ni Jehoahaz, at ang lahat niyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[b] ng mga Hari ng Israel?
9 Kaya't si Jehoahaz ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing nila siya sa Samaria. Si Joas na kanyang anak ang nagharing kapalit niya.
Si Haring Jehoas ng Israel
10 Nang ikatatlumpu't pitong taon ni Joas na hari ng Juda, si Jehoas na anak ni Jehoahaz ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon.
11 Siya'y gumawa rin ng masama sa paningin ng Panginoon. Siya'y hindi humiwalay sa lahat ng kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y ibinunsod niya sa pagkakasala ang Israel, kundi lumakad siya sa mga iyon.
12 Ang iba sa mga gawa ni Joas, at ang lahat niyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan na kanyang ipinakipaglaban kay Amasias na hari ng Juda, hindi ba't ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga Hari ng Israel?
13 At si Joas ay namatay na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Jeroboam ay naupo sa kanyang trono. Si Joas ay inilibing sa Samaria na kasama ng mga hari ng Israel.
Namatay si Eliseo
14 Nang(E) si Eliseo ay nagkasakit ng karamdaman na kanyang ikinamatay, si Joas na hari ng Israel ay pumunta sa kanya at umiyak sa harapan niya, “Ama ko, ama ko! Ang mga karwahe ng Israel at ang kanyang mga mangangabayo!”
15 Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Kumuha ka ng pana at mga palaso.” At siya'y kumuha ng pana at mga palaso.
16 At sinabi niya sa hari ng Israel, “Ilagay mo ang iyong kamay sa pana”; at inilagay niya ang kanyang kamay. At inilagay ni Eliseo ang kanyang mga kamay sa mga kamay ng hari.
17 At kanyang sinabi, “Buksan mo ang bintana sa dakong silangan”; at binuksan niya ito. Nang magkagayo'y sinabi ni Eliseo, “Panain mo;” at siya'y pumana. At kanyang sinabi, “Ang palaso ng pagtatagumpay ng Panginoon, ang palaso ng pagtatagumpay laban sa Siria! Sapagkat lalabanan mo ang mga taga-Siria sa Afec, hanggang sa sila'y iyong malipol.”
18 Siya'y nagpatuloy, “Kunin mo ang mga palaso;” at kinuha niya ang mga iyon. At sinabi niya sa hari ng Israel, “Ipana mo ang mga iyon sa lupa;” at siya'y pumana nang tatlong ulit, at tumigil.
19 Ang tao ng Diyos ay nagalit sa kanya, at nagsabi, “Pumana ka sana nang lima o anim na ulit; nang sa gayon ay napabagsak mo sana ang Siria hanggang sa iyong malipol. Ngunit ngayo'y papanain mo ang Siria nang tatlong ulit lamang.”
20 Namatay si Eliseo at kanilang inilibing siya. Noon ang mga pulutong ng mga Moabita ay laging sumasalakay sa lupain sa panahon ng tagsibol.
21 At habang inililibing ang isang lalaki, kanilang natanaw ang isang sumasalakay na pulutong. At ang lalaki ay naihagis sa libingan ni Eliseo; at nang sumagi ang tao sa mga buto ni Eliseo, siya'y muling nabuhay at tumayo sa kanyang mga paa.
22 Pinahirapan naman ni Hazael na hari ng Siria ang Israel sa lahat ng mga araw ni Jehoahaz.
23 Ngunit ang Panginoo'y naging mapagpala sa kanila at nahabag sa kanila, at siya'y bumaling sa kanila, dahil sa kanyang tipan kina Abraham, Isaac, at Jacob; at ayaw niya silang lipulin, ni palayasin man sa kanyang harapan hanggang sa ngayon.
24 Nang namatay si Hazael na hari ng Siria, si Ben-hadad na kanyang anak ay naging hari kapalit niya.
25 At binawi ni Jehoas na anak ni Jehoahaz sa kamay ni Ben-hadad na anak ni Hazael ang mga lunsod na kanyang kinuha sa pakikidigma mula sa kamay ni Jehoahaz, na kanyang ama. Tatlong ulit siyang tinalo ni Joas at nabawi ang mga lunsod ng Israel.
Si Haring Joas ng Juda(A)
24 Si Joas ay pitong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng apatnapung taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Sibia na taga-Beer-seba.
2 At gumawa si Joas ng matuwid sa paningin ng Panginoon sa lahat ng mga araw ng paring si Jehoiada.
3 Si Jehoiada ay kumuha para sa kanya ng dalawang asawang babae, at siya'y nagkaroon ng mga anak na lalaki at mga babae.
4 Pagkatapos nito, ipinasiya ni Joas na kumpunihin ang bahay ng Panginoon.
5 At kanyang tinipon ang mga pari at ang mga Levita, at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa mga lunsod ng Juda, at lumikom kayo mula sa buong Israel ng salapi upang kumpunihin ang bahay ng inyong Diyos taun-taon, at sikapin ninyo na mapabilis ang bagay na ito.” Subalit hindi ito minadali ng mga Levita.
6 Kaya't(B) ipinatawag ng hari si Jehoiada na pinuno, at sinabi sa kanya, “Bakit hindi mo inatasan ang mga Levita na dalhin mula sa Juda at Jerusalem ang buwis na iniatang ni Moises, na lingkod ng Panginoon, sa kapulungan ng Israel para sa tolda ng patotoo?”
7 Sapagkat pinasok ng mga anak ni Atalia, ang masamang babaing iyon, ang bahay ng Diyos, at ginamit din nila ang lahat ng mga itinalagang bagay sa bahay ng Panginoon para sa mga Baal.
8 Kaya't nag-utos ang hari, at sila'y gumawa ng isang kaban, at inilagay ito sa labas ng pintuan ng bahay ng Panginoon.
9 Isang pahayag ang ginawa sa buong Juda at Jerusalem na dalhin para sa Panginoon ang buwis na iniatang ni Moises, na tao ng Diyos sa Israel sa ilang.
10 Lahat ng mga pinuno at ang buong bayan ay nagalak at dinala ang kanilang buwis at inihulog ito sa kaban, hanggang sa sila'y makatapos.
11 Tuwing dadalhin ng mga Levita ang kaban sa mga pinuno ng hari, kapag kanilang nakita na maraming salapi sa loob nito, ang kalihim ng hari at ang pinuno ng punong pari ay darating at aalisan ng laman ang kaban at kukunin at ibabalik ito sa kanyang kinaroroonan. Ganito ang kanilang ginagawa araw-araw, at nakalikom sila ng maraming salapi.
12 Ito ay ibinigay ng hari at ni Jehoiada sa nangangasiwa ng gawain sa bahay ng Panginoon. Sila'y umupa ng mga kantero at mga karpintero upang kumpunihin ang bahay ng Panginoon, gayundin ng mga manggagawa sa bakal at tanso upang kumpunihin ang bahay ng Panginoon.
13 Kaya't nagtrabaho ang mga kasali sa paggawa at ang pagkukumpuni ay nagpatuloy sa kanilang mga kamay, at kanilang ibinalik ang bahay ng Diyos sa kanyang nararapat na kalagayan at pinatibay ito.
14 Nang kanilang matapos, kanilang dinala ang nalabing salapi sa harapan ng hari at ni Jehoiada, at sa pamamagitan nito ay gumawa ng mga sisidlan para sa bahay ng Panginoon, maging para sa paglilingkod at para sa mga handog na sinusunog, ng mga sandok para sa kamanyang, at mga sisidlang ginto at pilak. At sila'y patuloy na nag-alay ng mga handog na sinusunog sa bahay ng Panginoon sa lahat ng mga araw ni Jehoiada.
Binago ang mga Patakaran ni Jehoiada
15 Ngunit si Jehoiada ay tumanda at napuspos ng mga araw at siya'y namatay. Siya'y isandaan at tatlumpung taon nang siya'y mamatay.
16 Kanilang inilibing siya sa lunsod ni David kasama ng mga hari, sapagkat siya'y gumawa ng mabuti sa Israel, sa Diyos at sa kanyang sambahayan.
17 Pagkamatay ni Jehoiada, dumating ang mga pinuno ng Juda at nagbigay-galang sa hari, at nakinig sa kanila ang hari.
18 Kanilang pinabayaan ang bahay ng Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, at naglingkod sa mga sagradong poste[a] at sa mga diyus-diyosan. At ang poot ay dumating sa Juda at Jerusalem dahil sa pagkakasala nilang ito.
19 Gayunma'y nagsugo siya ng mga propeta sa kanila upang ibalik sila sa Panginoon; ang mga ito'y sumaksi laban sa kanila ngunit ayaw nilang makinig.
20 At(C) nilukuban ng Espiritu ng Diyos si Zacarias na anak ng paring si Jehoiada; at siya'y tumayo sa itaas ng bayan, at sinabi sa kanila, “Ganito ang sabi ng Diyos, ‘Bakit kayo'y lumalabag sa mga utos ng Panginoon, kaya't kayo'y hindi maaaring umunlad? Sapagkat inyong pinabayaan ang Panginoon, pinabayaan din niya kayo.’”
21 Ngunit sila'y nagsabwatan laban sa kanya, at sa utos ng hari ay pinagbabato siya sa bulwagan ng bahay ng Panginoon.
22 Sa ganito ay hindi naalala ng haring si Joas ang kagandahang-loob na ipinakita sa kanya ni Jehoiada na ama ni Zacarias,[b] sa halip ay pinatay ang kanyang anak. Nang siya'y naghihingalo, kanyang sinabi, “Nawa'y tumingin at maghiganti ang Panginoon!”
Ang Katapusan ng Paghahari ni Joas
23 Sa pagtatapos ng taon, ang hukbo ng mga taga-Siria ay dumating laban kay Joas. Sila'y dumating sa Juda at Jerusalem at nilipol ang lahat ng mga pinuno ng bayan na kasama nila, at ipinadala ang lahat ng kanilang samsam sa hari ng Damasco.
24 Bagaman ang hukbo ng mga taga-Siria ay dumating na may iilang tauhan, ibinigay ng Panginoon ang isang napakalaking hukbo sa kanilang kamay, sapagkat kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa gayo'y ginawaran nila ng hatol si Joas.
25 Nang sila'y umalis, na iniwan siyang lubhang sugatan, ang kanyang mga lingkod ay nagsabwatan laban sa kanya dahil sa dugo ng mga anak[c] ni Jehoiada na pari, at pinatay siya sa kanyang higaan. Gayon siya namatay at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David, ngunit siya'y hindi nila inilibing sa mga libingan ng mga hari.
26 Ang mga nagsabwatan laban sa kanya ay si Zabad na anak ni Shimeat na babaing Ammonita, at si Jehozabad na anak ni Simrit na babaing Moabita.
27 Ang tungkol sa kanyang mga anak, at ang maraming mga pahayag laban sa kanya, at ang muling pagtatayo ng bahay ng Diyos ay nakasulat sa Kasaysayan ng Aklat ng mga Hari. At si Amasias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001