Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Mateo 13

13 Nang araw na yaon ay lumabas si Jesus sa bahay, at naupo sa tabi ng dagat.

At nakisama sa kaniya ang lubhang maraming tao, ano pa't lumulan siya sa isang daong, at naupo; at ang buong karamihan ay nangakatayo sa baybayin.

At pinagsalitaan niya sila ng maraming mga bagay sa mga talinghaga, na sinasabi, Narito, ang manghahasik ay yumaon upang maghasik.

At sa paghahasik niya, ay nangahulog ang ilang binhi sa tabi ng daan, at dumating ang mga ibon at kinain nila;

At ang mga iba'y nangahulog sa mga batuhan, na doo'y walang sapat na lupa: at pagdaka'y sumibol, sapagka't hindi malalim ang lupa:

At pagsikat ng araw ay nangainitan; at dahil sa walang ugat, ay nangatuyo.

At ang mga iba'y nangahulog sa mga dawagan, at nagsilaki ang mga dawag, at ininis ang mga yaon.

At ang mga iba'y nangahulog sa mabuting lupa, at nangagbunga, ang ila'y tigisang daan, at ang ila'y tigaanim na pu, at ang ila'y tigtatatlongpu.

At ang may mga pakinig, ay makinig.

10 At nagsilapit ang mga alagad, at sinabi nila sa kaniya, Bakit mo sila pinagsasalitaan sa mga talinghaga?

11 At sumagot siya at sinabi sa kanila, Sa inyo'y ipinagkaloob ang mangakaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng langit, datapuwa't hindi ipinagkaloob sa kanila.

12 Sapagka't sinomang mayroon ay bibigyan, at siya'y magkakaroon ng sagana: nguni't sinomang wala, pati ng nasa kaniya ay aalisin sa kaniya.

13 Kaya't sila'y pinagsasalitaan ko sa mga talinghaga; sapagka't nagsisitingin ay hindi sila nangakakakita, at nangakikinig ay hindi sila nangakakarinig, ni hindi sila nangakakaunawa.

14 At natutupad sa kanila ang hula ni Isaias, na sinasabi, Sa pakikinig ay inyong maririnig, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mapaguunawa; At sa pagtingin ay inyong makikita, at sa anomang paraa'y hindi ninyo mamamalas:

15 Sapagka't kumapal ang puso ng bayang ito, At mahirap na mangakarinig ang kanilang mga tainga, At kanilang ipinikit ang kanilang mga mata; Baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, At mangakarinig ng kanilang mga tainga, At mangakaunawa ng kanilang puso, At muling mangagbalik loob, At sila'y aking pagalingin.

16 Datapuwa't mapapalad ang inyong mga mata, sapagka't nangakakakita; at ang iyong mga tainga, sapagka't nangakakarinig.

17 Sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, na hinangad na makita ng maraming propeta at ng mga taong matuwid ang inyong nakikita, at hindi nila nakita; at marinig ang inyong naririnig, at hindi nila narinig.

18 Pakinggan nga ninyo ang talinghaga tungkol sa manghahasik.

19 Kung ang sinoman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at ito'y hindi niya napaguunawa, ay pinaroroonan ng masama, at inaagaw ang nahasik sa kaniyang puso. Ito yaong nahasik sa tabi ng daan.

20 At ang nahasik sa mga batuhan, ay yaong nakikinig ng salita, at pagdaka'y tinatanggap ito ng buong galak;

21 Gayon ma'y wala siyang ugat sa kaniyang sarili, kundi sangdaling tumatagal; at pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa salita, ay pagdaka'y natitisod siya.

22 At ang nahasik sa mga dawagan, ay yaong dumirinig ng salita; nguni't ang pagsusumakit na ukol sa sanglibutan, at ang daya ng mga kayamanan, ay siyang umiinis sa salita, at yao'y nagiging walang bunga.

23 At ang nahasik sa mabuting lupa, ay siyang dumirinig, at nakauunawa ng salita; na siyang katotohanang nagbubunga, ang ila'y tigisang daan, ang ila'y tigaanim na pu, at ang ila'y tigtatatlongpu.

24 Sinaysay niya sa kanila ang ibang talinghaga, na sinasabi, Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kaniyang bukid:

25 Datapuwa't samantalang nangatutulog ang mga tao, ay dumating ang kaniyang kaaway at naghasik naman ng mga pangsirang damo sa pagitan ng trigo, at umalis.

26 Datapuwa't nang sumibol ang usbong at mamunga, ay lumitaw nga rin ang mga pangsirang damo.

27 At ang mga alipin ng puno ng sangbahayan ay nagsiparoon at nangagsabi sa kaniya, Ginoo, hindi baga naghasik ka ng mabuting binhi sa iyong bukid? saan kaya nangagmula ang mga pangsirang damo?

28 At sinabi niya sa kanila, Isang kaaway ang gumawa nito. At sinabi sa kaniya ng mga alipin, Ibig mo baga na kami nga'y magsiparoon at ang mga yao'y pagtipunin?

29 Datapuwa't sinabi niya, Huwag; baka sa pagtitipon ninyo ng mga pangsirang damo, ay inyong mabunot pati ng trigo.

30 Pabayaan ninyong magsitubo kapuwa hanggang sa panahon ng pagaani: at sa panahon ng pagaani ay sasabihin ko sa mga mangaani, Tipunin muna ninyo ang mga pangsirang damo, at inyong pagbibigkisin upang sunugin; datapuwa't tipunin ninyo ang trigo sa aking bangan.

31 Sinaysay niya sa kanila ang ibang talinghaga, na sinasabi, Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mostasa, na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kaniyang bukid:

32 Na siya ngang lalong maliit sa lahat ng mga binhi; datapuwa't nang tumubo, ay lalong malaki kay sa mga gulay, at nagiging punong kahoy, ano pa't nagsisiparoon ang mga ibon sa langit at sumisilong sa kaniyang mga sanga.

33 Sinalita niya sa kanila ang ibang talinghaga: Ang kaharian ng langit ay tulad sa lebadura, na kinuha ng isang babae, at itinago sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito'y nalebadurahang lahat.

34 Lahat ng mga bagay na ito'y sinabi ni Jesus sa mga karamihan sa mga talinghaga; at kung hindi sa talinghaga ay hindi niya sila kinakausap:

35 Upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, Bubukhin ko ang aking bibig sa mga talinghaga; Sasaysayin ko ang mga natatagong bagay buhat nang itatag ang sanglibutan.

36 Nang magkagayon ay iniwan niya ang mga karamihan, at pumasok sa bahay: at sa kaniya'y nagsilapit ang kaniyang mga alagad, na nagsisipagsabi, Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga tungkol sa mga pangsirang damo sa bukid.

37 At siya'y sumagot at nagsabi, Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng tao;

38 At ang bukid ay ang sanglibutan; at ang mabuting binhi, ay ito ang mga anak ng kaharian: at ang mga pangsirang damo ay ang mga anak ng masama;

39 At ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diablo: at ang pagaani ay ang katapusan ng sanglibutan; at ang mga mangaani ay ang mga anghel.

40 Kung paano ang pagtipon sa mga pangsirang damo at pagsunog sa apoy; gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan.

41 Susuguin ng Anak ng tao ang kaniyang mga anghel, at kanilang titipunin sa labas ng kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na nangakapagpapatisod, at ang nagsisigawa ng katampalasanan,

42 At sila'y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.

43 Kung magkagayo'y mangagliliwanag ang mga matuwid na katulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang may mga pakinig, ay makinig.

44 Tulad ang kaharian ng langit sa natatagong kayamanan sa bukid; na nasumpungan ng isang tao, at inilihim; at sa kaniyang kagalaka'y yumaon at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik, at binili ang bukid na yaon.

45 Gayon din naman, ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong nangangalakal na humahanap ng magagandang perlas:

46 At pagkasumpong ng isang mahalagang perlas, ay yumaon siya at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik, at binili yaon.

47 Tulad din naman ang kaharian ng langit sa isang lambat, na inihulog sa dagat, na nakahuli ng sarisaring isda:

48 Na, nang mapuno, ay hinila nila sa pampang; at sila'y nagsiupo, at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, datapuwa't itinapon ang masasama.

49 Gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan: lalabas ang mga anghel, at ihihiwalay ang masasama sa matutuwid,

50 At sila'y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.

51 Napagunawa baga ninyo ang lahat ng mga bagay na ito? Sinabi nila sa kaniya, Oo.

52 At sinabi niya sa kanila, Kaya't ang bawa't eskriba na ginagawang alagad sa kaharian ng langit ay tulad sa isang taong puno ng sangbahayan, na naglalabas sa kaniyang kayamanan ng mga bagay na bago at luma.

53 At nangyari, na nang matapos ni Jesus ang mga talinghagang ito, ay umalis siya doon.

54 At pagdating sa kaniyang sariling lupain, ay kaniyang tinuruan sila sa kanilang sinagoga, ano pa't sila'y nangagtaka, at nangagsabi, Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan, at ng ganitong mga makapangyarihang gawa?

55 Hindi baga ito ang anak ng anluwagi? hindi baga tinatawag na Maria ang kaniyang ina? at Santiago, at Jose, at Simon, at Judas ang kaniyang mga kapatid?

56 At ang kaniyang mga kapatid na babae, hindi baga silang lahat ay nanga sa atin? Saan nga kumuha ang taong ito ng lahat ng ganitong mga bagay?

57 At siya'y kinatisuran nila. Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Walang propeta na di may kapurihan, liban sa kaniyang sariling lupain, at sa kaniyang sariling bahay.

58 At siya'y hindi gumawa roon ng maraming makapangyarihang gawa dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.

Lucas 8

At nangyari pagkatapos ng kaunting panahon, na siya'y naglalakad sa mga bayan at mga nayon, na ipinangangaral at dinadala ang mabubuting balita ng kaharian ng Dios, at kasama niya ang labingdalawa,

At ang ilang babae na pinagaling sa masasamang espiritu at sa mga sakit, si Maria, na tinatawag na Magdalena, na sa kaniya'y pitong demonio ang nagsilabas,

At si Juana na asawa ni Chuza, katiwala ni Herodes, at si Susana, at iba pang marami na ipinaglilingkod sa kanila ang kanilang tinatangkilik.

At nang magkatipon ang malaking karamihang tao, at ang mga mula sa bawa't bayan na nagsadya sa kaniya, ay nagsalita siya sa pamamagitan ng isang talinghaga:

Ang manghahasik ay yumaon upang maghasik ng kaniyang binhi: at sa kaniyang paghahasik ang ilan ay nangahulog sa tabi ng daan; at napagyapakan, at ito'y kinain ng mga ibon sa langit.

At ang iba'y nahulog sa batuhan; at pagsibol, ay natuyo, sapagka't walang halumigmig.

At ang iba'y nahulog sa mga dawagan; at tumubong kasama ang mga dawag, at yao'y ininis.

At ang iba'y nahulog sa mabuting lupa, at tumubo at nagbunga ng tigiisang daan. Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, siya ay sumigaw, Ang may mga pakinig na ipakikinig, ay makinig.

At tinanong siya ng kaniyang mga alagad, kung ano kaya ang talinghagang ito.

10 At sinabi niya, Sa inyo'y ipinagkaloob ang mangakaalam ng mga hiwaga ng kaharian ng Dios: datapuwa't sa mga iba'y sa mga talinghaga; upang kung magsitingin ay huwag silang mangakakita, at mangakarinig ay huwag silang mangakaunawa.

11 Ito ang talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Dios.

12 At ang mga sa tabi ng daan, ay ang nangakinig; kung magkagayo'y dumarating ang diablo, at inaalis ang salita sa kanilang puso, upang huwag silang magsisampalataya at mangaligtas.

13 At ang mga sa batuhan, ay yaong mga pagkarinig, ay tinatanggap na may galak ang salita; at ang mga ito'y walang ugat, na sila sa sangdaling panaho'y nagsisisampalataya, at sa panahon ng tukso ay nagsisihiwalay.

14 At ang nahulog sa dawagan, ay ito ang nangakinig, at samantalang sila'y nagsisiyaon sa kanilang lakad ay iniinis sila ng mga pagsusumakit at mga kayamanan at mga kalayawan sa buhay na ito, at hindi nangagbubunga ng kasakdalan.

15 At ang sa mabuting lupa ay ang mga pusong timtiman at mabuti, na iniingatan ang salita pagkarinig, at nangagbubunga may pagtitiis.

16 At walang taong pagkapaningas niya ng ilawan ay tinatakpan ng isang banga, o inilalagay kaya ito sa ilalim ng isang higaan; kundi inilalagay ito sa talagang lalagyan, upang makita ng nagsisipasok ang ilaw.

17 Sapagka't walang bagay na natatago, na di mahahayag; o walang lihim, na di makikilala at mapapasa liwanag.

18 Ingatan ninyo kung paano ang inyong pakikinig: sapagka't sino mang mayroon ay bibigyan; at ang sinomang wala, pati ng inaakala niyang nasa kaniya ay aalisin.

19 At nagsiparoon sa kaniya ang kaniyang ina at mga kapatid, at sila'y hindi mangakalapit sa kaniya dahil sa karamihan ng tao.

20 At may nagsabi sa kaniya, Nangakatayo sa labas ang iyong ina at iyong mga kapatid, na ibig nilang makita ka.

21 Datapuwa't siya'y sumagot, at sinabi sa kanila, Ang aking ina at ang aking mga kapatid ay itong nangakikinig ng salita ng Dios, at ginagawa.

22 Nangyari nga sa mga araw na yaon, na siya'y lumulan sa isang daong, siya at ang kaniyang mga alagad; at sinabi niya sa kanila, Magsitawid tayo sa kabilang ibayo ng dagatdagatan: at sila'y nagsitulak.

23 Datapuwa't samantalang sila'y nangaglalayag, siya'y nakatulog: at bumugso ang isang unos ng hangin sa dagatdagatan; at sila'y nangatitigib ng tubig, at nangasa kapanganiban.

24 At sila'y nangagsilapit sa kaniya at siya'y ginising, na nangagsasabi, Guro, guro, tayo'y mangamamatay. At siya'y gumising, at sinaway ang hangin at ang galit ng tubig: at nangagsitigil, at humusay ang panahon.

25 At sinabi niya sa kanila, Saan naroon ang inyong pananampalataya? At palibhasa'y nangatakot sila'y nagsisipanggilalas, na sinasabi ng isa sa iba, Sino nga ito, na siya'y naguutos maging sa hangin at sa tubig, at siya'y tinatalima nila?

26 At sila'y nagsidating sa lupain ng mga Gadareno, na nasa tapat ng Galilea.

27 At pagkalunsad niya sa lupa, siya'y sinalubong ng isang lalaking galing sa bayan, na may mga demonio; at malaong panahon na hindi siya nagdaramit, at hindi tumatahan sa bahay, kundi sa mga libingan.

28 At nang makita niya si Jesus, siya'y sumigaw, at nagpatirapa sa harap niya, at sinabi ng malakas na tinig, Ano ang pakialam ko sa iyo, Jesus, ikaw na Anak ng Dios na Kataastaasan? Ipinamamanhik ko sa iyo, na huwag mo akong pahirapan.

29 Sapagka't ipinagutos niya sa karumaldumal na espiritu na lumabas sa tao. Sapagka't madalas siyang inaalihan: at siya'y binabantayan at gapos ng mga tanikala at mga damal; at pagka pinapatid ang gapos ay siya'y itinataboy ng demonio sa mga ilang.

30 At tinanong siya ni Jesus, Ano ang pangalan mo? At sinabi niya, Pulutong; sapagka't maraming demonio ang nagsipasok sa kaniya.

31 At ipinamamanhik nila sa kaniya na huwag silang paparoonin sa kalalimlaliman.

32 Doon nga'y may isang kawan ng maraming baboy na nagsisipanginain sa bundok: at ipinamanhik nila sa kaniya na pabayaang sila'y magsipasok sa mga yaon. At sila'y pinahintulutan niya.

33 At nagsilabas ang mga demonio sa tao, at nagsipasok sa mga baboy: at ang kawan ay napadaluhong sa bangin hanggang sa dagatdagatan, at nangalunod.

34 At nang makita ng nagsisipagalaga ng mga yaon ang nangyari, ay nagsitakas, at isinaysay sa bayan at sa bukid.

35 At sila'y nagsilabas upang makita ang nangyari; at nagsilapit sila kay Jesus, at kanilang naratnan sa paanan ni Jesus ang taong nilabasan ng mga demonio, na nakaupo, may pananamit, at matino ang kaniyang bait: at sila'y nangatakot.

36 At sa kanila'y isinaysay ng nangakakita kung paanong pinagaling ang inaalihan ng mga demonio.

37 At ipinamanhik sa kaniya ng lahat ng mga tao sa palibotlibot ng lupain ng mga Gadareno na siya'y umalis sa kanila, sapagka't sila'y napipigilan ng malaking takot: at siya'y lumulan sa daong, at nagbalik.

38 Datapuwa't namanhik sa kaniya ang taong nilabasan ng mga demonio, na siya'y ipagsama niya: datapuwa't siya'y pinaalis niya, na sinasabi,

39 Umuwi ka sa iyong bahay, at ipahayag mo kung gaano kadakilang mga bagay ang ginawa ng Dios sa iyo. At siya'y yumaon ng kaniyang lakad, na ibinabalita sa buong bayan, kung gaanong kadakilang mga bagay ang sa kaniya'y ginawa ni Jesus.

40 At sa pagbalik ni Jesus, ay sinalubong siyang may galak ng karamihan; sapagka't hinihintay siya nilang lahat.

41 At narito, lumapit ang isang lalaking nagngangalang Jairo, at siya'y isang pinuno sa sinagoga: at siya'y nagpatirapa sa paanan ni Jesus, at ipinamamanhik sa kaniya, na pumasok sa kaniyang bahay;

42 Sapagka't siya'y may isang bugtong na anak na babae, na may labingdalawang taong gulang, at siya'y naghihingalo. Datapuwa't samantalang siya'y lumalakad ay sinisiksik siya ng karamihan.

43 At isang babae na may labingdalawang taon nang inaagasan, na ginugol sa mga manggagamot ang lahat niyang pagkabuhay, at sinoma'y walang makapagpagaling sa kaniya,

44 Ay lumapit sa kaniyang likuran, at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit at pagdaka'y naampat ang kaniyang agas.

45 At sinabi ni Jesus, Sino ang humipo sa akin? At nang tumatanggi ang lahat, ay sinabi ni Pedro, at ng mga kasamahan niya, Guro, iniimpit ka at sinisiksik ka ng karamihan.

46 Datapuwa't sinabi ni Jesus, May humipo sa akin, sapagka't naramdaman ko na may umalis na bisa sa akin.

47 At nang makita ng babae na siya'y hindi nalingid, ay lumapit siya na nangangatal, at nagpatirapa sa harapan niya na isinasaysay sa harapan ng buong bayan ang dahil kung bakit siya'y hinipo niya, at kung paanong gumaling siya kapagdaka.

48 At sinabi niya sa kaniya, Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.

49 Samantalang nagsasalita pa siya ay dumating ang isa na mula sa bahay ng pinuno sa sinagoga, na nagsasabi, Patay na ang anak mong babae; huwag mong bagabagin ang Guro.

50 Datapuwa't nang marinig ito ni Jesus ay sumagot sa kaniya, Huwag kang matakot: manampalataya ka lamang, at siya'y gagaling.

51 At nang dumating siya sa bahay, ay hindi niya ipinahintulot na pumasok na kasama niya ang sinomang tao, maliban na kay Pedro, at kay Juan, at kay Santiago, at ang ama ng dalaga at ang ina nito.

52 At tumatangis ang lahat, at pinananambitanan ang dalaga: datapuwa't sinabi niya, Huwag kayong magsitangis; sapagka't siya'y hindi patay, kundi natutulog.

53 At tinawanan nila siya na nililibak, na napagaalamang siya'y patay na.

54 Datapuwa't tinangnan niya sa kamay, at tinawag, na sinasabi, Dalaga, magbangon ka.

55 At nagbalik ang kaniyang espiritu, at siya'y nagbangon pagdaka: at kaniyang ipinagutos na siya'y bigyan ng pagkain.

56 At nangagtaka ang kaniyang mga magulang: datapuwa't ipinagbilin niya sa kanila na huwag sabihin kanino man ang kaniyang ginawa.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain