Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Mateo 1

Ang aklat ng lahi ni Jesucristo, na anak ni David, na anak ni Abraham.

Naging anak ni Abraham si Isaac; at naging anak ni Isaac si Jacob; at naging anak ni Jacob si Juda at ang kaniyang mga kapatid;

At naging anak ni Juda kay Tamar si Fares at si Zara; at naging anak ni Fares si Esrom; at naging anak ni Esrom si Aram;

At naging anak ni Aram si Aminadab; at naging anak ni Aminadab si Naason; at naging anak ni Naason si Salmon;

At naging anak ni Salmon kay Rahab si Booz; at naging anak ni Booz kay Rut si Obed; at naging anak ni Obed si Jesse.

At naging anak ni Jesse ang haring si David; at naging anak ni David si Salomon, doon sa naging asawa ni Urias;

At naging anak ni Salomon si Reboam; at naging anak ni Reboam si Abias; at naging anak ni Abias si Asa;

At naging anak ni Asa si Josafat; at naging anak ni Josafat si Joram; at naging anak ni Joram si Ozias;

At naging anak ni Ozias si Joatam; at naging anak ni Joatam si Acaz; at naging anak ni Acaz si Ezequias;

10 At naging anak ni Ezequias si Manases; at naging anak ni Manases si Amon; at naging anak ni Amon si Josias;

11 At naging anak ni Josias si Jeconias at ang kaniyang mga kapatid, nang panahon ng pagkadalang-bihag sa Babilonia.

12 At pagkatapos nang pagkadalangbihag sa Babilonia, ay naging anak ni Jeconias si Salatiel; at naging anak ni Salatiel si Zorobabel;

13 At naging anak ni Zorobabel si Abiud; at naging anak ni Abiud si Eliaquim; at naging anak ni Eliaquim si Azor;

14 At naging anak ni Azor si Sadoc; at naging anak ni Sadoc si Aquim; at naging anak ni Aquim si Eliud;

15 At naging anak ni Eliud si Eleazar; at naging anak ni Eleazar si Matan; at naging anak ni Matan si Jacob;

16 At naging anak ni Jacob si Jose asawa ni Maria, na siyang nanganak kay Jesus, na siyang tinatawag na Cristo.

17 Sa makatuwid ang lahat ng mga salit-saling lahi buhat kay Abraham hanggang kay David ay labingapat na salit-saling lahi; at buhat kay David hanggang sa pagdalang-bihag sa Babilonia ay labingapat na sali't-saling lahi; at buhat sa pagkadalang-bihag sa Babilonia hanggang kay Cristo ay labingapat na sali't-saling lahi.

18 Ang pagkapanganak nga kay Jesucristo ay ganito: Nang si Maria na kaniyang ina ay magaasawa kay Jose, bago sila magsama ay nasumpungang siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

19 At si Jose na kaniyang asawa, palibhasa'y lalaking matuwid, at ayaw na ihayag sa madla ang kaniyang kapurihan, ay nagpasiyang hiwalayan siya ng lihim.

20 Datapuwa't samantalang pinagiisip niya ito, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya sa panaginip, na nagsasabi: Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka't ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo.

21 At siya'y manganganak ng isang lalake; at ang pangalang itatawag mo sa kaniya'y JESUS; sapagka't ililigtas niya ang kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan.

22 At nangyari nga ang lahat ng ito, upang maganap ang sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,

23 Narito, ang dalaga'y magdadalang-tao at manganganak ng isang lalake, At ang pangalang itatawag nila sa kaniya ay Emmanuel; na kung liliwanagin, ay sumasa atin ang Dios.

24 At nagbangon si Jose sa kaniyang pagkakatulog, at ginawa niya ang ayon sa ipinagutos sa kaniya ng anghel ng Panginoon, at tinanggap ang kaniyang asawa;

25 At hindi nakilala siya hanggang sa maipanganak ang isang lalake: at tinawag niya ang kaniyang pangalang JESUS.

Lucas 2:1-38

Nangyari nga nang mga araw na yaon na lumabas ang isang utos mula kay Augusto Cesar, na magpatala ang buong sanglibutan.

Ito ang unang talaang-mamamayan na ginawa nang si Quirinio ay gobernador sa Siria.

At nagsisiparoon ang lahat upang sila'y mangatala, bawa't isa sa kaniyang sariling bayan.

At si Jose naman ay umahon mula sa Galilea, mula sa bayan ng Nazaret, hanggang sa Judea, sa bayan ni David, na kung tawagi'y Bet-lehem, sapagka't siya'y sa angkan at sa lahi ni David;

Upang patala siya pati ni Maria, na magaasawa sa kaniya, na kasalukuyang kagampan.

At nangyari, samantalang sila'y nangaroroon, at naganap ang mga kaarawang dapat siyang manganak.

At kaniyang ipinanganak ang panganay niyang anak na lalake; at ito'y binalot niya ng mga lampin, at inihiga sa isang pasabsaban, sapagka't wala nang lugar para sa kanila sa tuluyan.

At may mga pastor ng tupa sa lupain ding yaon na nangasa parang, na pinagpupuyatan sa gabi ang kanilang kawan.

At tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila: at sila'y totoong nangatakot.

10 At sinabi sa kanila ng anghel, Huwag kayong mangatakot; sapagka't narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan:

11 Sapagka't ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon.

12 At ito ang sa inyo'y magiging pinakatanda: Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban.

13 At biglang nakisama sa anghel ang isang karamihang hukbo ng langit, na nangagpupuri sa Dios, at nangagsasabi:

14 Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, At sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.

15 At nangyari nang lisanin sila ng mga anghel at nangapasa langit, ang mga pastor ay nangagsangusapan. Magsiparoon nga tayo ngayon hanggang sa Bet-lehem, at tingnan natin itong nangyari, na ipinagbigay alam sa atin ng Panginoon.

16 At sila'y dalidaling nagsiparoon at nasumpungan kapuwa si Maria at si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa pasabsaban.

17 At nang makita nila yaon, ay inihayag nila ang mga sinabi sa kanila tungkol sa sanggol na ito.

18 At lahat ng nangakarinig nito ay nangagtaka sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga pastor.

19 Datapuwa't iningatan ni Maria ang lahat ng mga pananalitang ito, na pinagbulaybulay sa kaniyang puso.

20 At nangagbalik ang mga pastor, na niluluwalhati at pinupuri ang Dios dahil sa lahat ng mga bagay na kanilang nangarinig at nangakita, ayon sa sinabi sa kanila.

21 At nang makaraan ang walong araw upang tuliin siya, ay tinawag na JESUS ang kaniyang pangalan, na siyang itinawag ng anghel bago siya ipinaglihi sa tiyan.

22 At nang maganap na ang mga araw na kanilang paglilinis alinsunod sa kautusan ni Moises, ay kanilang dinala siya sa Jerusalem, upang iharap siya sa Panginoon

23 (Ayon sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon, Ang bawa't lalaking nagbubukas ng bahay-bata ay tatawaging banal sa Panginoon),

24 At upang maghandog ng hain alinsunod sa sinasabi sa kautusan ng Panginoon, Dalawang batobato, o dalawang inakay ng kalapati.

25 At narito, may isang lalake sa Jerusalem, na nagngangalang Simeon; at ang lalaking ito'y matuwid at masipag sa kabanalan, na nag-aantay ng kaaliwan ng Israel: at sumasa kaniya ang Espiritu Santo.

26 At ipinahayag sa kaniya ng Espiritu Santo, na di niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita muna niya ang Cristo ng Panginoon.

27 At siya'y napasa templo sa Espiritu: at nang ipasok sa templo ang sanggol na si Jesus ng kaniyang mga magulang, upang sa kaniya'y magawa nila ang nauukol alinsunod sa kaugalian ng kautusan,

28 Ay tinanggap nga niya siya sa kaniyang mga bisig, at pinuri ang Dios, at nagsabi,

29 Ngayo'y papanawin mo, Panginoon, ang iyong alipin, Ayon sa iyong salita, sa kapayapaan,

30 Sapagka't nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,

31 Na iyong inihanda sa unahan ng mukha ng lahat ng mga tao;

32 Isang ilaw upang ipahayag sa mga Gentil, At ang kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.

33 At ang kaniyang ama at ang kaniyang ina ay nagsisipanggilalas sa mga bagay na sinasabi tungkol sa kaniya;

34 At sila'y pinagpala ni Simeon, at sinabi sa kaniyang inang si Maria, Narito, ito ay itinalaga sa ikararapa at sa ikatitindig ng marami sa Israel; at pinakatandang tudlaan ng pagsalangsang:

35 Oo at paglalampasanan ng isang tabak ang iyong sariling kaluluwa; upang mangahayag ang mga pagiisip ng maraming puso.

36 At naroroon din naman si Ana, na isang propetisa, anak na babae ni Fanuel, sa angkan ni Aser, (siya'y lubhang matanda na, at may pitong taong nakisama sa kaniyang asawa mula sa kaniyang kadalagahan,

37 At siya'y bao nang walongpu't apat na taon), na hindi humihiwalay sa templo, at sumasamba sa gabi at araw sa pamamagitan ng mga pagaayuno at mga pagdaing.

38 At pagdating niya sa oras ding yaon, siya'y nagpasalamat sa Dios, at nagsalita ng tungkol sa sanggol sa lahat ng nagsisipaghintay ng katubusan sa Jerusalem.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain