Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Lucas 24

Si Jesus ay Muling Nabuhay Mula sa mga Patay

24 Sa unang araw ng sanlinggo, maagang-maaga pa, sila ay pumunta sa libingan. Dala nila ang mga pabango at mga pamahid na inihanda nila at ng ang ilan pang mga babae.

Ngunit nasumpungan nila ang bato na naigulong na mula sa libingan. Nang sila ay pumasok, hindi nila nakita ang katawan ni Jesus. At nangyari na naguluhan sila patungkol dito. At narito, dalawang lalaki na ang kasuotan ay nagniningning ang tumayo sa tabi nila. Sila ay napuno ng takot at iniyuko nila ang kanilang mga ulo sa lupa. Sinabi ng mga lalaki sa kanila: Bakit ninyo hinahanap sa mga patay ang buhay? Wala siya rito, ngunit siya ay bumangon na. Alalahanin ninyo kung papaano niya sinabi sa inyo nang siya ay nasa Galilea pa. Sinabi niya: Kinakailangang ang Anak ng Tao ay ibigay sa mga kamay ng mga makasalanang tao. Kinakailangang maipako siya sa krus at sa ikatlong araw siya ay babangon. At naala-ala nila ang kaniyang mga salita.

Umalis sila mula sa libingan. Isinalaysay nila ang lahat ng mga bagay na ito sa labing-isang alagad at sa iba pa. 10 Ang nagsabi ng mga bagay na ito sa mga apostol ay sina Maria na taga-Magdala at Joana. Kasama rin si Maria na ina ni Santiago at iba pang kasama nila. 11 Ang kanilang mga salita ay naging tila walang kabuluhan sa kanila at hindi nila sila pinaniwalaan. 12 Ngunit si Pedro ay tumayo at tumakbo patungo sa libingan. Pagkayukod niya, nakita niya ang mga telang lino na nakalatag nang hiwalay. Umuwi siyang namamangha sa nangyari.

Sa Daan Patungong Emaus

13 Narito, dalawa sa kanila ay pumunta nang araw ding iyon sa isang nayon na tinatawag na Emaus. May mahigit sa labing-isang kilometro ang layo nito sa Jerusalem.

14 Sila ay nag-uusap sa isa’t isa patungkol sa lahat ng mga bagay na ito na nangyari. 15 Habang sila ay nag-uusap at nagtatalo, nangyari na si Jesus ay lumapit at sumama sa kanila. 16 Ang kanilang mga mata ay pinapanatiling hindi makakilala sa kaniya.

17 Sinabi niya sa kanila: Ano ang pinaguusapan ninyo habang kayo ay naglalakad at malungkot ang inyong mukha?

18 Ang isa na nagngangalang Cleopas ay sumagot. Sinabi niya: Ikaw lang ba ang tanging naninirahang pansamantala sa Jerusalem na hindi nakaalam ng nangyari sa mga araw na ito?

19 Sinabi niya sa kanila: Anong mga bagay?

Sinabi nila sa kaniya:Ang mga bagay na patungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Siya ay isang propeta. Sa harap ng Diyos at lahat ng mga tao siya ay makapangyarihan sa gawa at salita.

20 Siya ay ibinigay ng mga pinunong-saserdote at ng mga pinuno namin upang hatulang mamatay at ipako sakrus. 21 Ngunit umaasa kami na siya ang tutubos sa Israel. Bukod sa mga bagay na ito, ngayon ang ikatlong araw mula nang mangyari ang mga bagay na ito. 22 Higit pa rito, nagtaka kami sa sinabi sa amin ng ilan sa mga kasama naming babae. Pumunta sila nang maaga sa libingan. 23 Sila ay pumunta sa amin nang hindi nila nakita ang katawan ni Jesus. Sinabi rin nila na sila ay nakakita ng isang pangitain ng mga anghel. Ang mga anghel aynagsabi: Siya ay buhay. 24 Ang ilan sa mga kasama namin ay pumunta sa libingan. Nakita nila ang tulad ng sinabi ng mga babae ngunit hindi nila nakita si Jesus.

25 Sinabi ni Jesus sa kanila: Kayo ay mga hindi nakaka­unawa at hindi makapaniwala agad sa lahat ng mga sinabi ng mga propeta. 26 Hindi ba kinakailangang dumanas ang Mesiyas ng mga bagay na ito at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian? 27 Ipinaliwanag niya sa kanila sa lahat ng mga kasulatan ang mga bagay patungkol sa kaniyang sarili. Ipinaliwanag niya ito simula sa aklat ni Moises hanggang sa aklat ng lahat ng mga propeta.

28 Sila ay papalapit na sa kanilang pupuntahan at siya ay waring pupunta pa sa malayo. 29 Siya ay pinilit nila at sinabi: Manatili ka na muna sa amin sapagkat gumagabi na at patapos na ang araw. At siya ay pumasok upang manatiling kasama nila.

30 At nangyari, na sa kaniyang pagdulog sa hapag-kainan na kasama nila, kinuha niya ang tinapay at pinagpala. Pagkaputol niya nito, ibinigay niya ito sakanila. 31 At nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya. At siya ay naglaho mula sa kanila. 32 Sinabi nila sa isa’t isa: Hindi ba nag-aalab ang ating mga puso habang kinakausap niya tayo sa daan? Hindi ba nag-aalab ito habang ipinaliliwanag niya sa atin ang mga kasulatan?

33 At nang oras ding iyon, bumangon sila at bumalik sa Jerusalem. Nasumpungan nilang sama-samang nagkakatipon ang labing-isang alagad at ang kanilang mga kasama. 34 Sinabi nila: Tunay na ang Panginoon ay bumangon at nagpakita kay Simon. 35 Isinalaysay nila ang mga bagay na nangyari sadaan at kung papaano nila siya nakilala sa pagputul-putol ng tinapay.

Nagpakita si Jesus sa mga Alagad

36 Habang sinasabi nila ang mga bagay na ito, tumayo si Jesus sa gitna nila. Sinabi niya sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo.

37 Sa kanilang pagkasindak at pagkatakot, inakala nilangnakakita sila ng isang espiritu. 38 Sinabi niya sa kanila: Bakit kayo naguguluhan? Bakit kayo nagkakaroon ng mga pag-aalinlangan sa inyong mga puso? 39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa. Ang mga ito ay nagpapatunay na ako ito. Hipuin ninyo ako at tingnan. Ang espiritu ay walang laman at buto tulad ng nakikita ninyo sa akin.

40 Pagkatapos niyang magsalita, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at mga paa. 41 Ngunit hindi sila makapaniwala dahil sa galak atpagkamangha. Habang sila ay nasa ganitong kalagayan, sinabi niya sa kanila: Mayroon ba kayong anumang makakain dito? 42 Binigyan nila siya ng bahagi ng inihaw na isda at pulot. 43 Pagkakuha niya, kumain siya sa harapan nila.

44 Sinabi niya sa kanila: Ito ang mga salitang sinabi ko sa inyo nang ako ay kasama pa ninyo. Sinabi ko sa inyo na dapat maganap ang lahat ng mga bagay patungkol sa akin. Ito ay ang mga isinulat sa mga aklat ng kautusan ni Moises, at aklat ng mga propeta at ng mga Awit.

45 Pagkatapos, binuksan niya ang kanilang mga pang-unawa upang maunawaan nila ang mga kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila: Sa ganitong paraan ito ay naisulat at sa ganito ring paraan kinakailangang ang Mesiyas ay maghirap at babangon mula sa mga patay sa ikatlong araw. 47 Sa ganitong paraan ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat maihayag sa lahat ng mga bansa sa kaniyang pangalan, simula sa Jerusalem. 48 Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. 49 Narito, ipadadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama. Ngunit manatili kayo sa lungsod ng Jerusalem hanggang kayo ay mabihisan ng kapangyarihang mula sa itaas.

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit

50 Dinala sila ni Jesus hanggang sa Betania. Doon ay itinaas niya ang kaniyang mga kamay at pinagpala sila.

51 At nang­yari, habang pinagpapala niya sila, na siya ay nahiwalay sa kanila at dinalang paitaas sa langit. 52 Siya ay sinamba nila at bumalik sila sa Jerusalem na may malaking kagalakan. 53 Sa templo, sila ay nagpatuloy na nagpupuri at nagpapala sa Diyos. Siya nawa!

Juan 20-21

Ang Libingang Walang Laman

20 Sa unang araw ng sanlinggo, maagang pumunta sa libingan si Maria na taga-Magdala. Madilim pa noon. Nakita niya na ang bato ay naalis salibingan.

Siya ay tumakbo at pumunta kay Simon Pedro at sa isang alagad na inibig ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan. Hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.

Lumabas nga si Pedro at ang isang alagad na iyon at pumunta sa libingan. Magkasamang tumakbo ang dalawa. Ang nasabing isang alagad ay tumakbo nang mabilis kaysa kay Pedro at naunang dumating sa libingan. Nang siya ay yumuko, nakita niya ang mga kayong lino na nakalapag. Gayunman ay hindi siya pumasok. Kasunod niyang dumating siSimon Pedro at ito ay pumasok sa loob ng libingan. Nakita niyang nakalapag doon ang mga telang lino. Nakita rin niya ang panyong inilagay sa ulo ni Jesus na hindi kasamang nakalapag ng telang lino. Ito ay hiwalay na nakatiklop sa isang dako. Pumasok din naman ang isang alagad na iyon na naunang dumating sa libingan. Nakita niya at siya ay sumampalataya. Ito ay sapagkat hindi pa nila alam noon ang kasulatan, na siya ay dapat bumangon mula sa mga patay.

Nagpakita si Jesus kay Maria na Taga-Magdala

10 Ang mga alagad nga ay muling umalis pauwi sa kani-kanilangtahanan.

11 Ngunit si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan na tumatangis. Sa kaniyang pagtangis, siya ay yumuko at tumingin sa loob ng libingan. 12 Nakita niyang nakaupo ang dalawang anghel na nakaputi. Ang isa ay nasa ulunan at ang isa ay nasa paanan ng pinaglagyan ng katawan ni Jesus.

13 Sinabi nila sa kaniya: Babae, bakit ka tumatangis?

Sinabi niya sa kanila: Kinuha nila ang aking Panginoon at hindi ko alam kung saan nila siya inilagay.

14 Pagkasabi niya ng mga ito, siya ay tumalikod at nakita niya si Jesus na nakatayo. Hindi niya alam na iyon ay si Jesus.

15 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Babae, bakit ka tumatangis? Sino ang hinahanap mo?

Inakala niyang siya ang tagapag-alaga ng halamanan. Kaya sinabi niya sa kaniya: Ginoo, kung kinuha mo siya rito, sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay. Kukunin ko siya.

16 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Maria.

Humarap siya at sinabi sa kaniya: Raboni! Ang ibig sabihin nito ay guro.

17 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Huwag mo akong hawakan sapagkat hindi pa ako nakakaakyat sa aking Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko. Sabihin mo sa kanila na ako ay papaitaas sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.

18 Si Maria na taga-Magdala ay pumunta sa mga alagad. Sinabi niya sa kanila na nakita niya ang Panginoon. At ang mga bagay na ito ay sinabi ni Jesus sa kaniya.

Nagpakita si Jesus sa Kaniyang mga Alagad

19 Kinagabihan ng araw ding iyon, na unang araw ng sanlinggo,nagtipon ang mga alagad. Ipininid nila ang mga pinto dahil sa takot nila sa mga Judio at dumating si Jesus at tumayo sa kanilang kalagitnaan. Sinabi sa kanila: Kapa­yapaan ang sumainyo.

20 Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at kaniyang tagiliran. Kaya nga, nagalak ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon.

21 Sinabi ngang muli ni Jesus sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo. Kung papaano ako isinugo ng Ama, gayundin, isinusugo ko kayo. 22 Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi sa kanila: Tanggapinninyo ang Banal na Espiritu. 23 Ang kaninumang mga kasalanan na inyong pinatatawad ay ipinatatawad iyon sa kanila. Ang kani­numang mga kasalanan na hindi ninyo pinatatawad, ang mga ito ay hindi pinatatawad.

Nagpakita si Jesus kay Tomas

24 Si Tomas na isa sa labindalawang alagad ay tinatawag na Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus.

25 Sinabi nga ng ibang mga alagad sa kaniya: Nakita namin ang Panginoon.

Sinabi niya sa kanila: Malibang makita ko ang tanda ng mga pako sa kaniyang mga kamay at mailagay ko ang aking mga daliri roon, at maipasok ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, kailanman ay hindi ako maniniwala.

26 Makalipas ang walong araw, ang mga alagad ay nasa loob muli ng bahay at kasama nila si Tomas. Kahit na nakapinid ang mga pinto dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila. At sinabi niya: Kapayapaan ang sumainyo. 27 Pagkatapos noon, sinabi niya kay Tomas: Ilagay mo ang iyong daliri rito at tingnan mo ang aking mga kamay. Iabot mo ang iyong kamay rito at ipasok sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, kundi sumampalataya ka.

28 Sumagot si Tomas at sinabi sa kaniya: Aking Panginoon at aking Diyos.

29 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tomas, sumampalataya ka dahil nakita mo ako. Pinagpala sila na hindi nakakita ngunit sumampalataya.

30 Marami pang ibang mga tanda ang ginawa ni Jesus sa harapan ng kaniyang mga alagad. Ang mga ito ay hindi nasusulat sa aklat na ito. 31 Ngunit ang mga ito ay sinulat upang kayo ay sumampalataya na si Jesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos. At ang mga ito ay sinulat upang pagkatapos ninyong sumampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.

Si Jesus at ang Mahimalang Paghuli ng Isda

21 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagpakitang muli si Jesus sa kaniyang mga alagad sa lawa ng Tiberias. Ganito siya nagpakita:

Magkakasama sina Simon Pedro at Tomas na tinatawag na Kambal at si Natanael na taga-Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo at dalawa pang mga alagad. Sinabi ni Simon Pedro sa kanila: Mangingisda ako. Sinabi nila sa kaniya: Sasama rin kami sa iyo. Lumabas sila mula roon at agad-agad na sumakay sa bangka. Wala silang nahuli nang gabing iyon.

Nang magbubukang-liwayway na, si Jesus ay tumayo sa tabing-dagat. Gayunman, hindi nakilala ng mga alagad na iyon ay si Jesus.

Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Mga anak, may pagkain bakayo?

Sumagot sila sa kaniya: Wala.

At sinabi niya sa kanila: Ihagis ninyo ang lambat sa dakong kanan ng bangka at makakasumpong kayo. Inihagis nga nila at hindi na nila kayang hilahin ang kanilang lambat dahil sa dami ng isda.

Kaya ang alagad na iyon na inibig ni Jesus ay nagsabi kay Pedro: Ang Panginoon iyon. Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon iyon, isinuot niya ang kaniyang pang-itaas na damit dahil siya ay nakahubad. At tumalon siya sa lawa. Ang ibang mga alagad ay dumating na sakay ng maliit na bangka. Hinihila nila ang lambat na may mga isda sapagkat hindi gaanong malayo sa pampang kundi may dalawang-daang siko lamang ang layo mula sa lupa. Pagkalunsad nila sa lupa, nakakita sila ng mga nagbabagang uling. May mga isdang nakapatong doon. May mga tinapay rin.

10 Sinabi ni Jesus sa kanila: Dalhin ninyo rito ang mga isda na ngayon lang ninyo nahuli.

11 Umahon si Simon Pedro. Hinila niya ang lambat sa dalampasigan. Ang lambat ay puno ng mga malalaking isda. Isang daan at limampu’t tatlo ang kanilang bilang. Kahit na ganoon karami ang isda, hindi napunit ang lambat. 12 Sinabi ni Jesus sa kanila: Halikayo at mag-agahan. Walang sinuman sa mga alagad ang naglakas ng loob na magtanong kung sino siya dahil alam nila na siya ang Panginoon. 13 Kaya nga, lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang ginawa niya sa isda. 14 Ito na ang ikatlong ulit na nagpakita si Jesus sa kaniyang mga alagad mula nang siya ay ibinangon mula sa mga patay.

Si Pedro ay Muling Pinatatag ni Jesus

15 Pagkatapos nilang mag-agahan, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: Simon, anak ni Jonas, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?

Sinabi niya sa kaniya: Opo, Panginoon. Alam mong may paggiliw ako sa iyo.

Sinabi ni Jesus sa kaniya: Pakainin mo ang aking mga batang tupa.

16 Sinabi niyang muli sa kaniya sa ikalawang pagka­kataon: Simon, anak ni Jonas, iniibig mo ba ako?

Sinabi ni Pedro sa kaniya: Opo, Panginoon. Alam mong may paggiliw ako sa iyo.

Sinabi ni Jesus sa kaniya: Alagaan mo ang aking mga tupa.

17 Sinabi ni Jesus sa kaniya sa ikatlong pagkakataon: Simon, anak ni Jonas, may paggiliw ka ba sa akin?

Nagdalamhati si Pedro sapagkat sa ikatlong pagkakataon ay sinabi ni Jesus sa kaniya: May paggiliw ka ba sa akin? Sinabi ni Pedro sa kaniya: Panginoon, alam mo ang lahat ng mga bagay. Alam mo na may paggiliw ako sa iyo.

Sinabi ni Jesus sa kaniya: Pakanin mo ang aking mga tupa.

18 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo: Noong ikaw ay bata pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili. Lumalakad ka kung saan mo ibig. Kapag matanda ka na, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo. At dadalhin ka sa hindi mo ibig. 19 Sinabi niya ito upang ipahayag kung paano siya mamamatay at maluwalhati niya ang Diyos. Pagkasabi niya nito, sinabi niya sa kaniya: Sumunod ka sa akin.

20 Ngunit lumingon si Pedro at nakita niya na sumusunod ang alagad na inibig ni Jesus. Siya rin ang nakahilig sa dibdib ni Jesus nang sila ay naghapunan na nagsabi: Panginoon, sino siya na magkakanulo sa iyo? 21 Nang makita siya ni Pedro, sinabi niya kay Jesus: Panginoon, ano naman ang gagawin ng isang ito?

22 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kung iibigin kong manatili siya hanggang sa pagbalik ko, ano ito sa iyo? Sumunod ka sa akin. 23 Kaya nga, ang pananalitang ito ay kumalat sa mga kapa­tiran, na ang alagad na iyon ay hindi mamamatay. Gayunman, hindi sinabi ni Jesus sa kaniya: Hindi siya mamamatay. Ang sinabi niya: Kung iibigin ko na siya ay manatili hanggang sa aking pagbabalik, ano ito sa iyo?

24 Ito ang alagad na nagpapatotoo sa mga bagay na ito at sumulat sa mga bagay na ito. Alam namin na ang kaniyang patotoo ay totoo.

25 Marami pa ring ibang mga bagay na ginawa si Jesus. Kung isusulat ng isa-isa ang mga ito, ipinapalagay kong maging ang sanlibutan ay hindi makakakaya ng mga aklat na masusulat. Siya nawa!

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International