Chronological
Ang Talinghaga Patungkol sa Malaking Piging
22 Muling sumagot si Jesus sa pamamagitan ng mga talinghaga.
2 Sinabi niya: Ang paghahari ng langit ay katulad sa isang hari na nagbigay ng isang piging para sa kasal ng kaniyang anak na lalaki. 3 Isinugo niya ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ngunit ayaw nilang dumalo.
4 Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin na sinasabi:Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naghanda ako ng hapunan. Kinatay na ang aking mga baka at ang lahat ng mga bagay ay nakahanda na. Halina kayo sa piging.
5 Ngunit hindi nila ito binigyang pansin at sila ay umalis. Ang isa ay pumunta sa kaniyang bukid, at ang isa ay sa kaniyang kalakal. 6 Ang iba ay sinunggaban ang kaniyang mga alipin, kanilang nilait ang mga ito at pinatay. 7 Nang marinig ito ng hari, siya ay nagalit. Sinugo niya ang kaniyang hukbo at pinuksa ang mga mamamatay taong iyon. Sinunog niya ang kanilang lungsod.
8 Pagkatapos, sinabi niya sa kaniyang mga alipin: Nakahanda na ang piging ngunit ang mga inanyayahan ay hindi karapat-dapat. 9 Pumunta nga kayo sa mga lansangan at sinuman ang inyong matagpuan ay anyayahan ninyo sa piging. 10 Lumabas nga ang mga alipin sa mga lansangan at dinala ang lahat ng kanilang mga natagpuan. Dinala nila kapwa ang masama at mabuti. Ang piging ay napuno ng mga panauhin.
11 Ngunit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, may nakita siya roong isang lalaking hindi nakasuot ng damit na pampiging. 12 Sinabi niya sa kaniya: Kaibigan, papaano ka nakapasok dito nang hindi nakasuot ng damit na pampiging?Ngunit wala siyang masabi.
13 Sinabi ng hari sa mga tagapaglingkod: Igapos ninyo ang kaniyang mga paa at mga kamay. Dalhin ninyo siya at itapon sa kadiliman sa labas.Doon ay magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.
14 Ito ay sapagkat marami ang tinawag ngunit kakaunti ang pinili.
Ang Pagbabayad ng Buwis-pandayuhan kay Cesar
15 Umalis ang mga Fariseo at nagplano sila kung paano mahuhuli si Jesus sa kaniyang pananalita.
16 Sinugo nila kay Jesus ang kanilang mga alagad kasama ang mga tauhan ni Herodes. Sinabi nila: Guro, alam naming ikaw ay totoo at itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. Hindi ka nagtatangi sa kaninuman sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng tao. 17 Sabihin mo nga sa amin: Ano ang iyong palagay? Naaayon ba sa kautusan na magbigay kay Cesar ng buwis-pandayuhan o hindi?
18 Ngunit alam ni Jesus ang kanilang kasamaan. Kaniyang sinabi: Bakit ninyo ako sinusubukan, kayong mga mapagpakunwari? 19 Ipakita ninyo sa akin ang perang ginagamit na buwis-pandayuhan. Dinala nila sa kaniya ang isang denaryo. 20 Sinabi niya sa kanila: Kaninong anyo ang narito at patungkol kanino ang nakasulat dito?
21 Sinabi nila sa kaniya: Kay Cesar.
Sinabi niya sa kanila:Ibigay nga ninyo kay Cesar ang mga bagay na nauukol kay Cesar. Ibigay ninyo sa Diyos ang mga bagay na nauukol sa Diyos.
22 Sila ay namangha nang marinig nila ito. Iniwan nila si Jesus at sila ay umalis.
Ang Muling Pagkabuhay at ang Pag-aasawa
23 Nang araw na iyon, pumunta sa kaniya ang mga Saduseo na nagsasabing walang pagkabuhay na mag-uli. Tinanong nila siya.
24 Kanilang sinabi: Guro, sinabi ni Moises: Kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak, pakakasalan ng kaniyang nakakabatang kapatid na lalaki ang asawang babae. Ito ay upang siya ay magka-anak para sa kaniyang kapatid na lalaki. 25 Ngayon, sa amin ay mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay namatay na may asawa at walang anak. Naiwan niya ang asawang babae sa kaniyang nakakabatang kapatid na lalaki. 26 Ganoon din ang nangyari sa pangalawa, at sa pangatlo hanggang sa pangpito. 27 Sa kahuli-hulihan ay namatay rin ang babae. 28 Kaya nga, sa muling pagkabuhay, kanino siya magiging asawa sa pitong magkakapatid na lalaki? Ito ay sapagkat naging asawa siya ng lahat.
29 Sumagot si Jesus sa kanila: Kayo ay naliligaw at hindi ninyo nalalaman ang kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. 30 Ito ay sapagkat sa muling pagkabuhay, wala nang mag-aasawa ni ibibigay sa pag-aasawa. Sila ay katulad ng mga anghel ng Diyos sa langit. 31 Patungkol sa pagkabuhay sa mga patay, hindi ba ninyo nabasa yaong sinabi sa inyo ng Diyos? 32 Sinasabi: Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob. Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay.
33 Nang marinig ito ng napakaraming tao, sila ay nanggilalas sa kaniyang turo.
Ang Pinakamahalagang Utos
34 Ngunit nang marinig ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo, sila ay nagtipun-tipon.
35 Ang isa sa kanila na dalubhasa sa kutusan ay nagtanong kay Jesus, na sinusubukan siya. 36 Sinabi niya: Guro, alin ang pinakadakilang utos sa Kautusan?
37 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo. 38 Ito ang una at dakilang utos. 39 Ang pangalawa ay katulad din nito: Ibigin mo ang iyongkapwa tulad ng iyong sarili. 40 Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang lahat ng bagay na nasa mga Kautusan at sa mga Propeta.
Kaninong Anak ang Mesiyas
41 Tinanong ni Jesus ang mga Fariseo habang sila ay nagkakatipun-tipon.
42 Kaniyang sinabi: Ano ang inyong palagay patungkol sa Cristo? Kanino siyang anak?
Sinabi nila sa kaniya:Kay David.
43 Sinabi niya sa kanila: Bakit nga tinawag siya ni David sa Espiritu na Panginoon? 44 Sinasabi:
Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Maupo ka sa gawing kanan ko hanggangsa mailagay ko ang iyong mga kaaway na tungtungan ng iyong mga paa.
45 Yamang tinawag nga siya ni David na Panginoon, paano siya naging anak nito? 46 Walang isa mang makasagot sa kaniya. At mula sa araw na iyon, ni isa ay wala nang naglakas-loob na tanungin siya.
Ang Talinghaga Patungkol sa Magsasaka
12 Nagsimula si Jesus na magsabi sa kanila ng mga talinghaga: Isang lalaki ang nagtanim ng ubasan. Nilagyan niya ng bakod ang paligid niyon at naghukay ng dako para sa pisaan ng ubas at nagtayo ng isang bantayan. Pinaupahan niya iyon sa mga magsasaka at siya ay naglakbay sa isang malayong dako.
2 Sa panahon ng anihan siya ay nagsugo ng isang alipin sa mga magsasaka. Ito ay upang matanggap niya ang bunga ng ubasan mula sa mga magsasaka. 3 Subalit sinunggaban nila ang alipin, hinagupit at pinauwing walang dala. 4 Muli siyang nagsugo sa kanila ng ibang alipin. Subalit binato ito, hinampas sa ulo at pagkatapos alipustain ay pinauwi siya. 5 Muli siyang nagsugo ng ibang alipin ngunit ito ay pinatay nila. Nagsugo pa rin siya ng iba pang mga alipin. Ngunit ang ilan ay hinagupit at ang ilan ay pinatay.
6 Mayroon siyang isang anak na lalaki na kaniyang minamahal. Isinugo rin nga niya ito sa kanila sa huling pagkakataon na sinasabi: Igagalang nila ang aking anak.
7 Nag-usap-usap ang mga magsasaka: Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at nang mapasaatin ang mana. 8 Pagkatapos nila siyang sunggaban, pinatay nila siya at itinapon sa labas ng ubasan.
9 Ano nga ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at lilipulin ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba. 10 Hindi ba ninyo nabasa ang sinabi ng kasulatan:
Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong-panulok.
11 Ito ay mula sa Panginoon, at ito ay kamangha-mangha sa ating mga mata. Hindi ba ninyo ito nabasa?
12 Humahanap sila ng paraan upang hulihin si Jesus dahil batid nila na ang talinghagang kaniyang sinabi ay tila laban sa kanila. Ngunit dahil takot sila sa mga tao, umalis sila at iniwan si Jesus.
Pagbabayad ng Buwis-pandayuhan kay Cesar
13 Isinugo nila kay Jesus ang ilan sa mga Fariseo at ilan sa mga Herodiano upang hulihin siya sa kaniyang salita.
14 Lumapit sila kay Jesus at sinabi: Guro, alam naming ang sinasabi mo ay totoo. Alam din namin na hindi ka nagtatangi ng sinuman sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng mga tao. Sa halip ay itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. Naaayon ba sa kautusan na magbigay kami kay Cesar ng buwis-pandayuhan o hindi? 15 Dapat ba tayong magbigay nito o hindi?
Ngunit alam ni Jesus ang kanilang pagpapaimbabaw. Sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo ako sinusubok? Dalhan ninyo ako ng isang denaryo upang makita ko.
16 At dinalhan nila siya nito. Sinabi niya sa kanila: Kaninong anyo ang narito at patungkol kanino ang nakasulat dito?
Sinabi nila: Kay Cesar.
17 Sinabi sa kanila ni Jesus: Ibigay nga ninyo kay Cesar ang mga bagay na nauukol kay Cesar. Ibigay ninyo sa Diyos ang mga bagay na nauukol sa Diyos.
At namangha sila sa kaniya.
Ang Muling Pagkabuhay at Pag-aasawa
18 Pumunta sa kaniya ang mga Saduseo na nagtuturo na walang muling pagkabuhay. Tinanong nila siya.
19 Sinabi nila: Guro, si Moises ay sumulat sa amin nang ganito: Kung ang sinumang kapatid na lalaki na may asawa at namatay na walang anak, dapat kunin ng kapatid niyang lalaki ang asawa nito, upang magkaanak para sa kaniyang kapatid na namatay. 20 Mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay nag-asawa at namatay ng walang anak. 21 Kinuha siya ng pangalawa upang maging asawa at ang lalaki ay namatay na wala ring anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo. 22 Ang babae ay naging asawa ng pitong magkakapatid at namatay ang mga ito na walang anak. Sa kahuli-hulihan, namatay din ang babae. 23 Kaya nga, sa muling pagkabuhay, kapag sila ay ibabangon, sino kaya sa kanila ang magiging asawa niya? Ang dahilan nito ay naging asawa siya ng pito.
24 Sumagot si Jesus na sinabi sa kanila: Kaya nga, hindi ba naliligaw kayo dahil hindi ninyo alam ang kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos? 25 Ito ay sapgkat kapag bumangon sila mula sa mga patay, hindi na sila mag-aasawa ni magpapakasal. Sila ay magiging katulad ng mga anghel sa langit. 26 Ngunit patungkol sa patay na bumangon: Isinulat ni Moises sa kaniyang aklat sa salaysay patungkol sa palumpong. Nagsalita ang Diyos sa kaniya: Ako ay Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob, hindi ba ninyo nabasa ito? 27 Hindi siya Diyos ng mga patay kundi Diyos ng mga buhay, kaya nga, lubha kayong naligaw.
Ang Pinakamahalagang Utos
28 Ang isang guro ng kautusan na nakarinig ng kanilang pagtatalo ay dumating. Nabatid niya na mahusay ang pagsagot ni Jesus sa kanila. Tinanong niya si Jesus: Alin ba ang pangunahin sa lahat ng mga utos?
29 Sumagot si Jesus sa kaniya: Ang pangunahin sa lahat ng mga utos ay ito: Pakinggan mo Israel. Ang Panginoon mong Diyos ay iisang Panginoon. 30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo. Ito ang unang utos. 31 Ang ikalawang utos ay tulad nito ay: Ibigin mo ang iyong kapwa tulad sa iyong sarili. Walang ibang utos na higit na dakila pa sa mga ito.
32 Sinabi sa kaniya ng guro ng kautusan: Guro, mahusay ang pagkakasabi mo. Naayon sa katotohanan ang sinabi mo na iisa ang Diyos at wala nang iba maliban sa kaniya. 33 Tama ka nang sabihin mo: Ibigin siya nang buong puso, at nang buong pang-unawa, at nang buong kaluluwa at nang buong lakas. At ibigin mo ang iyong kapwa katulad sa iyong sarili. Ito ay higit na mahalaga kaysa lahat ng mga handog na susunugin at mga hain.
34 Nang makita ni Jesus na sumagot siyang may katalinuhan, sinabi niya ang mga ito sa kaniya: Hindi ka malayo sa paghahari ng Diyos. Mula noon ay wala nang naglakas-loob na magtanong sa kaniya.
Kaninong Anak ang Mesiyas?
35 Sumagot si Jesus habang nagtuturo sa templo na nagsasabi: Paano nasabi ng mga guro ng kautusan na ang Mesiyas ay anak ni David?
36 Si David mismo ang siyang nagsabi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu:
Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Umupo ka sa may kanang kamay ko hanggang mailagay ko ang iyong mga kaaway bilang patungan para sa iyong paa.
37 Kaya nga, si David mismo ay tumawag sa kaniya na Panginoon. Papaano siya magiging anak ni David?
Ang napakaraming tao ay nakinig sa kaniya na may kagalakan.
Mag-ingat Kayo sa mga Mapagpaimbabaw
38 Sa kaniyang pagtuturo sinabi niya sa kanila: Mag-ingat kayo sa mga guro ng kautusan na gustong laging makalakad na may mahabang kasuotan. Nais din nila ang pagbati sa kanila sa mga pamilihang dako.
39 Nais din nila ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at ang mga pangunahing dako sa mga hapunan. 40 Sila ang mga lumalamon sa mga bahay ng mga balo. Sila ay nagkukunwaring nananalangin ng mahaba. Ang mga ito ay tatanggap ng higit na mabigat na kahatulan.
Ang Handog ng Babaeng Balo
41 Umupo si Jesus sa tapat ng kaban ng yaman. Nakita niya kung papaano naghuhulog ng salapi sa kaban ng yaman ang napakaraming tao. Maraming mayayaman ang naghulog ng maraming salapi sa kaban ng yaman.
42 Lumapit ang isang dukhang babaeng balo at naghulog ng dalawang sentimos na maliit lang ang halaga.
43 Tinanong ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang dukhang babaeng balong ito ang naghulog ng higit na malaking halaga kaysa sa kanilang lahat na naghulog ng salapi sa kaban ng yaman. 44 Ito ay sapagkat silang lahat ay naghulog ng mga labis nila. Ngunit siya, sa kabila ng kaniyang karukhaan, ay inihulog ang lahat ng kaniyang kabuhayan.
Copyright © 1998 by Bibles International