Chronological
Idinaing ni Job ang Kanyang Kalagayan
10 “Ako'y nagsasawa na sa buhay kong ito,
sasabihin ko nang lahat, mapapait kong reklamo.
2 Aking Diyos, huwag n'yo muna akong hatulan,
sabihin ninyo sa akin ang inyong paratang.
3 Tama ba namang iyong pagmalupitan,
parusahan at itakwil ang likha ng iyong kamay?
At ang gawain ba ng masamang tao ang iyong magugustuhan?
4 Ang iyo bang nakikita'y tulad din ng nakikita namin?
5 Ang iyo bang buhay ay maikling tulad ng sa amin?
6 Kung gayo'y bakit mo ako hinahanapan
ng pagkakasala at kamalian?
7 Alam(A) mo namang wala akong kasalanan,
at walang makakapagligtas sa akin mula sa iyong mga kamay.
8 “Ang mga kamay mo ang sa aki'y lumikha,
ngayo'y kamay mo rin ang sa aki'y sumisira.
9 Di ba't mula sa lupa ay ginawa mo ako,
ngayon ba'y pupulbusin at ibabalik dito?
10 Niloob(B) mong ako'y manggaling sa aking ama,
inaruga, pinalaki sa tiyan ng aking ina.
11 Nilagyan mo ng buto at litid ang aking katawan,
saka binalutan ng balat at kalamnan.
12 Ako'y binigyan mo ng buhay at wagas na pagmamahal,
at ang pagkalinga mo ang sa aki'y bumuhay.
13 Ngunit ngayo'y alam ko na, ang iyong balak,
matagal nang panahong gusto akong ipahamak.
14 Kapag ako'y nagkasala, ito'y iyong tinatandaan,
upang ipagkait mo sa akin ang kapatawaran.
15 Kapag ako'y nagkasala, may katapat itong parusa,
kapag gumawa ako ng mabuti, wala namang gantimpala.
Punung-puno ng kahihiyan, itong aking abang buhay.
16 Kung ako'y magtagumpay,
parang leon mong tutugisin,
gumagamit ka pa ng himala upang ako'y kalabanin.
17 Palagi kang may testigo laban sa akin,
ang galit mo sa aki'y tumitindi bawat oras,
palagi kang may naiisip na panibagong bitag.
18 “Bakit mo hinayaang ako ay isilang pa?
Namatay na sana ako bago pa mayroong sa aki'y nakakita.
19 Bago ako isinilang ako sana'y namatay na,
sa libingan sana nagtuloy mula sa tiyan ng aking ina.
20 Maikli na ang aking buhay kaya't ako'y tigilan mo na
upang sa aking natitirang araw makadama ng kaunting ginhawa.
21 Ako'y malapit nang pumanaw, at hindi na magbabalik;
ang pupuntahan ko'y madilim at mapanglaw na daigdig.
22 Isang lupain ng anino at kaguluhan,
na ang pinakailaw ay ang kadiliman.”
Ang Sagot ni Zofar kay Job
11 Sumagot naman si Zofar na isang Naamita,
2 “Palalampasin na lang ba ang napakarami mong sinabi?
Tama ba ang isang tao kapag ito ay maraming salita?
3 Akala mo ba'y di masasagot ang mga sinabi mo,
at sa iyong pangungutya, kami'y di na makapagsasalita?
4 Ipinipilit mong tama ang iyong paniniwala,
at sa harap ng Diyos ika'y malinis na lubos.
5 Magsalita sana ang Diyos upang ika'y masagot.
6 Upang masabi sa iyo ang mga lihim ng karunungan,
sapagkat napakalalim ng kanyang kaalaman,
parusa nga niya sa iyo'y mas maliit kaysa iyong kasalanan.
7 “Masusukat mo ba ang kapangyarihan ng Diyos?
Kanyang kadakilaan, iyo bang maaabot?
8 Higit itong mataas kaysa kalangitan,
at mas malalim kaysa daigdig ng mga patay.
9 Malawak pa iyon kaysa sanlibutan,
higit na malaki kaysa karagatan.
10 Kung dakpin ka ng Diyos at iharap sa hukuman,
mayroon bang sa kanya'y makakahadlang?
11 Kilala ng Diyos ang taong walang kabuluhan,
kitang-kita niya ang kanilang kasamaan.
12 Ang hangal ay maaaring tumalino
kung ang mailap na asno ay ipinanganak nang maamo.
13 “Ang iyong puso, Job, sa Diyos mo isuko at sa kanya iabot ang mga kamay mo.
14 Alisin mo ang kasalanan sa iyong mga kamay, linisin mo sa kasamaan ang iyong tahanan.
15 At taas noo kang haharap sa sanlibutan, matatag ang loob, walang kinatatakutan.
16 Mga pagdurusa mo ay malilimutan,
para lamang itong bahang nagdaan.
17 Magliliwanag ang iyong buhay, higit pa sa sikat ng araw,
ang buhay mong nagdilim ay magbubukang-liwayway.
18 Papanatag ang buhay mo at mapupuno ng pag-asa;
iingatan ka ng Diyos, at bibigyan ng pahinga.
19 Wala kang kaaway na katatakutan;
maraming lalapit sa iyo upang humingi ng tulong.
20 Ngunit ang masama, kabiguan ang madarama,
walang kaligtasan kahit saan sila magpunta,
at kamatayan lamang ang kanilang pag-asa.”
Inilahad ni Job ang Kapangyarihan at ang Kaalaman ng Diyos
12 Ang sagot ni Job:
2 “Walang duda na ikaw ang tinig ng bayan;
kapag ika'y namatay, karunungan ay kasama mong papanaw.
3 Kung may pang-unawa ka, ako'y mayroon din,
di mo masasabing higit ka kaysa akin,
lahat ng sinabi mo'y nalalaman ko rin.
4 Pinagtatawanan ako ngayon ng aking mga kaibigan,
kahit ako ay matuwid at walang kasalanan,
minsan din nama'y sinagot ng Diyos ang aking kahilingan.
5 Maginhawa ka ngayon, ngunit ako'y iyong kinukutya,
hinahampas mo ang isang taong babagsak na sa hina.
6 Ang mga tulisan at masasamang tao'y panatag ang buhay,
kahit ang dinidiyos nila ay ang lakas nilang taglay.
7 “Sa mga hayop at mga ibon ika'y may matututunan, magtanong ka sa kanila, at ikaw ay tuturuan.
8 Kausapin mo ang lupa at ikaw ay tuturuan, magpapahayag sa iyo ang mga isda sa karagatan.
9 Silang lahat ay nakakaalam na ang Diyos ang sa kanila'y lumalang.
10 Ang Diyos ang nagpapagalaw sa lahat ng bagay,
ang buhay ng bawat isa ay nasa kanyang mga kamay.
11 Nalalasahan ng dila ang mga pagkain,
naririnig ng tainga ang salitang dumarating.
12 “Ang matatanda ay may taglay na karunungan,
pinalawak ang unawa sa haba ng karanasan.
13 Ngunit likas sa Diyos ang kaalaman at kapangyarihan,
taglay niya'y karunungan at katalinuhan.
14 Walang makakapagtayo muli ng kanyang giniba,
sinumang ikulong niya'y walang makakapagpalaya.
15 Nagkakaroon ng tagtuyot kapag pinigilan niya ang ulan,
dumarating ang baha kapag tubig ay kanyang pinakawalan.
16 “Makapangyarihan siya at laging nagtatagumpay,
ang mandaraya at dinadaya ay nasa kanyang mga kamay.
17 Inaalis niya sa mga pinuno ang taglay nilang dunong,
ginagawa niyang hangal ang mga hukom.
18 Inaalis niya sa mga hari ang pamamahala, at sila'y ginagapos niya ng mga tanikala.
19 Maging mga pari'y kanyang hinihiya, mga nasa kapangyarihan kanyang ibinababâ.
20 Mga pinagkakatiwalaang tao'y kanyang pinatatahimik,
talino ng matatanda'y kanya ring inaalis.
21 Mga pinuno'y inilalagay niya sa kahihiyan,
mga namamahala'y inaalisan niya ng kalakasan.
22 Pinakamalalim na hiwaga'y kanyang inihahayag,
maitim na kadilima'y pinapalitan niya ng liwanag.
23 Mga bansa'y pinapalakas niya't pinapalawak,
ngunit kanya ring ginagapi at tuloy winawasak.
24 Karunungan ng mga hari'y ginagawang kahangalan,
sa pagpapasya'y nalilito, di alam ang pupuntahan.
25 Sa dilim sila'y nangangapa, sa paglakad ay naliligaw, animo'y mga lasing, sa daan ay sumusuray.
Iginiit ni Job na Wala Siyang Kasalanan
13 “Lahat ng sinabi mo ay narinig ko na rin,
2 Ang alam mo'y alam ko rin,
hindi ka higit sa akin.
3 Hindi kayo ang kausap ko kundi ang Diyos na Makapangyarihan,
sa kanya ko idudulog itong aking kalagayan.
4 Ngunit kayo'y mga sinungaling,
tulad ninyo'y manggagamot, na walang kayang pagalingin.
5 Tumahimik na lamang sana kayo, baka akalain pa ng iba na kayo'y matalino.
6 Pakinggan ninyo ngayon ang aking sasabihin, at ang aking panig ay inyong unawain.
7 Bakit ba kayo'y nagsasalita ng di katotohanan?
Makatutulong ba sa Diyos ang inyong kasinungalingan?
8 Kayo ba ang tatayo at siya ay ipaglalaban?
Kayo ba ang magtatanggol sa kanyang kalagayan?
9 Kung siyasatin kayo ng Diyos, ano kaya ang makikita,
siya ba'y inyong madadayang tulad ng iba?
10 Tiyak na siya'y magagalit, kayo ay pagsasabihan,
kahit pa lihim na mayroon kayong kinikilingan.
11 Sasakmalin kayo ng takot pagkat siya'y makapangyarihan.
12 Mga kasabihan ninyo'y walang silbi tulad ng abo,
singhina ng putik ang mga katuwiran ninyo.
13 “Tumahimik na lang kayo at ako'y pasalitain,
hayaang mangyari ang mangyayari sa akin.
14 Nakahanda akong itaya ang buhay kong angkin.
15 Hindi ako natatakot kung ako man ay patayin,
maiharap lamang sa kanya itong aking usapin.
16 Maaaring iligtas ako ng aking katapangan,
sapagkat wala namang masamang tao na makakaharap sa Maykapal.
17 Pakinggan mong mabuti itong aking sasabihin, itong paliwanag ko ay iyong unawain.
18 Nakahanda akong ilahad ang aking panig,
sapagkat alam ko namang ako ay nasa katuwiran.
19 “O Diyos, lalapit ka ba upang ako'y usigin?
Kung gayon, handa akong manahimik at mamatay.
20 Mayroon akong dalawang kahilingan,
at ako'y di magtatago kung iyong papayagan.
21 Itigil mo na itong pagpaparusa sa akin, at sa takot ay huwag mo akong patayin.
22 “Magsalita ka, at aking tutugunin,
o kaya'y sagutin mo ang aking sasabihin.
23 Saan ba ako nagkamali, ano ba ang aking kasalanan?
Pagkakasala ko'y maaari ko bang malaman?
24 “Bakit ako'y iyong pinagtataguan?
Bakit itinuturing mo akong isang kaaway?
25 Para akong isang dahon, huwag mo na akong takutin,
ang katulad ko'y ipa, na tinatangay ng hangin.
26 Kay pait naman ng iyong mga paratang,
kasalanan ko noong ako'y bata iyo pang ibinibilang.
27 Itong(C) aking mga paa'y nilagyan pa ng gapos,
tinitingnan, sinusuri ang aking bawat kilos.
28 Kaya't ako'y parang kahoy na nabubulok,
parang damit na nasisira, unti-unting nauubos.
by