Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Job 6-9

Sinisi ni Job ang mga Kaibigan

Ang sagot ni Job:

“Ang suliranin ko't paghihirap, kung titimbanging lahat,
    magiging mabigat pa kaysa buhangin sa dagat;
    kaya mabibigat kong salita'y huwag ninyong ikagulat.
Ako'y pinana ng Diyos na Makapangyarihan,
    lason ng palaso'y kumalat sa aking katawan,
galit ng Diyos, sa akin ay inihanay.
Walang angal ang asno kung sa damo ay sagana,
    at ang baka ay tahimik kung may dayaming nginunguya.
Ang pagkaing walang asin, may sarap bang idudulot?
    Mayroon bang lasa ang puti ng itlog?
Sa lahat ng iyan ay nawala ang aking gana,
    sapagkat kung kainin ko man, pilit na ring isusuka.

“Ibigay sana ng Diyos ang aking hinihiling,
    sana'y ipagkaloob niya ang aking hangarin.
Higit ko pang nanaisin at aking ikagagalak ang buhay na taglay ko ay bigyan na niya ng wakas.
10 Kapag nangyari ito, ako'y liligaya,
    sa gitna ng pagdurusa, lulundag sa saya.
Alam kong banal ang Diyos,
    kaya di ko sinusuway, kanyang mga utos.
11 Ang lakas ko ay ubos na, di na ako makatagal,
    kung wala rin lang pag-asa ay bakit pa mabubuhay?
12 Ako nama'y hindi bato, at hindi tanso ang katawan ko.
13 Ako'y wala nang lakas upang iligtas ang sarili ko,
    wala na akong matakbuhan upang hingan ng saklolo.

14 “Sa magulong kalagayan, kailangan ko'y kaibigan,
    tumalikod man ako o hindi sa Diyos na Makapangyarihan.
15 Ngunit kayong mga kaibigan ko'y di ko maaasahan,
    para kayong sapang natutuyo kapag walang ulan.
16-17 Kung taglamig, ang ilog ay pawang yelo,
    pagsapit ng tag-araw, nawawalang lahat ito;
    ang ilog ay natutuyo, walang laman kahit ano.
18 Sa paghahanap ng tubig, naliligaw ang mga manlalakbay,
    at sa gitna ng disyerto ay doon na namamatay.
19 Naghanap ang manlalakbay na taga-Tema at ang taga-Seba,
20     ngunit pag-asa nila'y nawala sa tabi ng tuyong sapa.
21 Para kayong mga batis na ang tubig ay natuyo;
    kaya kayo ay nabigla nang makita n'yo ang aking anyo.
22 Sa inyo ba kahit minsan ako ay nagpatulong?
    Kailan ba ako humingi sa inyo ng pansuhol?
23     Ako ba kahit minsa'y napasaklolo sa inyo?
    Hiniling ko bang sa kaaway ay tubusin ninyo ako?

24 “Pagkakamali ko'y sabihin at ako'y turuan,
    ako'y tatahimik upang kayo'y pakinggan.
25 Mga salitang tapat, kay gandang pakinggan,
    ngunit mga sinasabi ninyo'y walang katuturan.
26 Kung ang sinasabi ko ay walang kabuluhan,
    bakit ninyo sinasagot itong aking karaingan?
27 Kahit sa mga ulila kayo'y magpupustahan,
    pati kaibigan ninyo'y inyong pagsusugalan.
28 Tingnan ninyo ako nang harapan, hindi ko kayo pagsisinungalingan,
29 Lumalabis na ang mali ninyong paratang,
    tigilan n'yo na iyan pagkat ako'y nasa katuwiran.
30 Akala ninyo ang sinasabi ko'y hindi tama,
    at hindi ko nakikilala ang mabuti sa masama.

Ipinahayag ni Job ang Kanyang Pagdaramdam

“Ang buhay ng tao'y punung-puno ng pagod,
    tulad ng kawal at manggagawang pilit na pinaglingkod.
    Siya'y tulad ng alipin, na naghahanap ng lilim,
    tulad ng manggagawa, sahod ang ninanasa.
Buhay ko'y wala nang kahulugan sa paglipas ng mga buwan,
    at tuwing sasapit ang gabi ako ay nagdadalamhati.
Ang gabi ay matagal, parang wala nang umaga,
    di mapanatag sa higaan, hanggang umaga'y balisa.
Itong buo kong katawan ay tadtad ng mga sugat,
    inuuod, kumikirot,
    ang nana ay lumalabas.
Mga araw ko'y lumilipas nang walang pag-asa,
    kay bilis umikot parang sa makina.

“Alalahanin ninyong ang buhay ko'y isang hininga lamang,
    hindi na ako muling makakakita nang kabutihan.
Kaunting panahon na lang at ako ay papanaw,
    di na ninyo ako makikita, at di na matatagpuan.
Tulad(A) ng ulap na napapadpad at naglalaho,
    kapag namatay ang tao, di na siya makakabalik sa mundo.
10 Hindi na siya makakauwi kailanman,
    mga kakilala niya, siya'y malilimutan.
11 Kaya ako'y hindi mapipigil na magbuka nitong bibig,
    upang ibulalas ang pait sa loob ng aking dibdib.
12 Bakit ako'y inyong binabantayan?
    Ako ba'y dambuhalang mula sa karagatan?
13 Ako ay nahihiga upang ako'y magpahinga,
    upang kahit sandali sakit ko ay mapawi.
14 Ngunit maging sa pagtulog ako'y iyong tinatakot,
    masasamang panaginip, pangitain at mga bangungot.
15     Kaya, nais ko pang ako ay mabigti,
    kaysa mabuhay sa katawang may pighati.
16 Ako'y hirap na hirap na, ayaw ko nang mabuhay;
iwan mo na ako, buhay ko'y wala rin lang saysay.

17 “Ano(B) ba ang tao upang iyong pahalagahan,
    bakit pinapansin mo ang kanyang mga galaw?
18 Tuwing umaga siya'y iyong sinusuri,
    sinusubok mo siya sa bawat sandali.
19 Kahit saglit, ilayo mo sa akin ang iyong tingin,
    nang ako'y magkapanahon na laway ay lunukin.
20 Kung ako'y nagkasala, ano ba naman iyon sa iyo? Ikaw na tagapagmasid ng mga tao,
    bakit ba ako ang napagbubuntunan mo?
    Ako ba ay isang pabigat sa iyo?
21 Bakit di pa patawarin ang aking kasalanan?
    Bakit di pa kalimutan ang aking pagkukulang,
ako rin lang ay patungo na sa huli kong hantungan?
    Ako'y iyong hahanapin ngunit di matatagpuan.”

Makatarungan ang Diyos

Ito naman ang sagot ni Bildad na Suhita:

“Hanggang kailan ka magsasalita ng ganyan,
    mga salitang parang hangin at walang kabuluhan?
Hindi pinipilipit ng Diyos ang katarungan;
    hindi binabaluktot ng Makapangyarihan ang katuwiran.
Maaaring nagkasala sa Diyos ang iyong mga anak,
    kaya't ibinigay niya sa kanila ang parusang nararapat.
Ngunit kung ikaw ay lalapit at makiusap sa Diyos na Makapangyarihan,
    kung ikaw ay talagang tapat, at malinis ang kalooban,
    tutulungan ka ng Diyos;
    gagantimpalaan at ibabalik niya ang iyong sambahayan.
Maliit na bagay ang mga nawala mong kayamanan,
    kung ihahambing ang sa iyo'y kanyang ibibigay.

“Alamin(C) mo ang mga nagdaang kasaysayan,
    itanong sa matatanda ang kaalamang natuklasan.
Buhay nati'y maikli lang, at kaalaman nati'y kulang;
    parang anino lamang tayong dumaan sa ibabaw ng sanlibutan.
10 Pakaisipin mo ang kanilang mga aral,
    ang kanilang sinasabi ay iyong pakinggan.

11 “Ang halaman sa tubigan ay di mabubuhay,
    kundi sa matubig at malamig na lugar lamang.
12 Ito'y unang nalalanta kapag ito ay natuyuan,
    kahit bagong tubo pa lang at di pa napuputulan.
13 Ganyan ang katulad ng mga taong walang Diyos,
    pag-asa ay mawawala kapag ang Diyos ay nilimot.
14 Ang mga bagay na pinagkakatiwalaan nila'y kasingrupok lamang ng sapot ng gagamba.
15     Kapag ito'y sinandalan, agad itong nalalagot,
    kapag ito'y hinawakan, tiyak itong masisira.

16 “Ang masasamang tao'y parang damong nagsusulputan,
    tulad ng masamang damong kumakalat sa halamanan.
17 Bumabalot sa mga bato ang kanilang mga ugat,
    at sa bawat bato sila'y humahawak.
18 Ngunit kapag sila'y nabunot sa kinatatamnan,
    wala nang nakakaalala sa dati nilang kalagayan.
19 Ganyan ang kasiyahan ng masasamang tao,
    may iba namang lilitaw at kukuha ng kanilang puwesto.

20 “Hindi pababayaan ng Diyos ang mabuting tao,
    ngunit sa masama'y hindi siya sasaklolo.
21 Patatawanin ka niya at pasisigawin sa tuwa,
22     ngunit ang mga kaaway mo'y kanyang ipapahiya,
    at ang tahanan ng masasama ay ganap na mawawala.”

Ang Sagot ni Job

Ito naman ang tugon ni Job:

“Matagal(D) ko nang alam ang mga bagay na iyan,
    ngunit sino bang matuwid sa harap ng Maykapal?
Mayroon bang maaaring makipagtalo sa kanya?
    Sa sanlibo niyang tanong,
    walang makakasagot kahit isa.
Ang Diyos ay matalino at makapangyarihan,
    sinong lumaban na sa kanya at nagtagumpay?
Walang sabi-sabing inuuga niya ang bundok,
    sa tindi ng kanyang galit, ito'y kanyang dinudurog.
Ang buong lupa ay kanyang niyayanig,
    at inuuga niya ang saligan ng daigdig.
Maaari(E) niyang pigilan ang pagsikat ng araw,
    pati ang mga bituin sa kalangitan.
Mag-isa niyang inilatag ang sangkalangitan,
    kanyang tinapakan ang dambuhalang karagatan.
Siya(F) ang gumawa ng mga bituin sa kalawakan, sa ‘Oso,’ sa ‘Orion,’
    sa ‘Pleyades’ at sa mga kumpol ng mga bituin sa katimugan.
10 Makapangyarihan niyang gawa ay hindi maunawaan,
    ang kanyang mga himala ay hindi mabibilang.
11 Siya'y nagdaraan ngunit hindi ko mamasdan, siya'y kumikilos ngunit hindi ko maramdaman.
12 Nakukuha niya ang anumang magustuhan, at sa kanya'y walang makakahadlang,
    walang makakapagtanong, ‘Bakit mo ginawa iyan?’

13 “Ang poot ng Diyos ay hindi maglulubag
    sa mga tumulong sa dambuhalang si Rahab.
14 Paano ko masasagot ang tanong niya sa akin? Maghahanap pa ako ng mga salitang aking bibigkasin.
15 Kahit ako'y walang sala, ang tangi kong magagawa,
    sa harap ng Diyos na hukom ay magmakaawa.
16 Kahit bayaan niyang ako'y magsalita,
    hindi ko rin matiyak kung ako'y papakinggan nga.
17 Malakas na bagyo at mga sugat ang sa aki'y ibinigay,
    kahit wala naman siyang sapat na dahilan.
18 Ang hininga ko ay halos kanya nang lagutin,
    puro kapaitan ang idinulot niya sa akin.
19 Sa lakas niyang taglay hindi siya kayang talunin,
    hindi siya maaaring pilitin at sa hukuman ay dalhin.
20 Ako'y walang kasalanan at tapat na namumuhay,
    ngunit bawat sabihin ko ay laban sa aking katauhan.
21 Wala nga akong sala, ngunit hindi na ito mahalaga,
    wala nang halaga ang aking sarili, pagod na akong mabuhay.
22 Iisa ang pupuntahan ng lahat, ito ang aking nasabi.
    Kapwa wawasakin ng Diyos ang masama at ang mabuti.
23 Kung ang taong matuwid ay biglang namatay,
    tinatawanan ng Diyos ang sinapit ng kawawa.
24 Hinayaan niyang ang daigdig ay pagharian ng masama,
ang paningin ng mga hukom ay tinatakpan niya.
Kung di siya ang may gawa nito, sino pa nga kaya?

25 “Ang aking mga araw ay mabilis lumilipas, walang mabuting nangyayari kaya't nagmamadaling tumatakas.
26 Parang mabilis na bangka ang buhay kong ito,
    kasing bilis ng agila kung dumadagit ng kuneho.
27 Kung kakalimutan ko na lang ang aking pagdurusa,
    at tatawanan ko na lang ang aking problema,
28 nangangamba ako na inyong ipalagay,
    na ang kasawian ko ay bunga ng aking kasalanan.
29 Kung ako'y napatunayan nang nagkasala, anong pagsisikap ang magagawa ko pa?
30     Hindi ako malilinis ng kahit anong sabon, hindi na ako puputi kuskusin man ng apog,
31 matapos mo akong ihagis sa napakaruming balon.
    Ikinahihiya ako maging ng aking sariling damit.
32 Kung ang Diyos ay tao lang, siya'y aking sasagutin,
    kahit umabot sa hukuman ang aming usapin.
33 Ngunit sa aming dalawa'y walang tagapamagitan,
    upang alitan namin ay kanyang mahatulan.
34 Ang pamalo ng Diyos sana'y ilayo na sa akin,
at huwag na sana niya akong takutin.
35 At ihahayag ko ang nais kong sabihin,
    sapagkat ako ang nakakaalam ng sarili kong damdamin.