Chronological
Ang Pagkapari ni Melquizedek
7 Ang (A) Melquizedek na ito, hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos, ay sumalubong kay Abraham sa pagbabalik niya galing sa paglipol sa mga hari, at siya’y binasbasan nito. 2 Sa kanya ibinigay ni Abraham ang ikasampung bahagi ng lahat. Una sa lahat, si Melquizedek ay hari ng katuwiran; ito ang kahulugan ng kanyang pangalan. At dahil hari siya ng Salem, siya ay hari din ng kapayapaan. 3 Walang binanggit na ama o ina o talaan ng kanyang angkan o maging tungkol sa kanyang kapanganakan o kamatayan. Tulad ng Anak ng Diyos, siya ay nanatiling pari magpakailanman.
4 Masdan ninyo kung gaano kadakila ang taong ito! Maging si Abraham na patriyarka ay nagkaloob sa kanya ng ikasampung bahagi ng kanyang mga nasamsam mula sa labanan. 5 Ang (B) mga pari mula sa angkan ni Levi ay itinatakda ng Kautusan na tumanggap ang ikasampung bahagi mula sa taong-bayan, na kanilang mga kapatid, kahit ang mga ito ay mula rin kay Abraham. 6 Ngunit si Melquizedek, bagamat hindi mula sa lahi ni Levi, ay tumanggap ng ikasampung bahagi mula kay Abraham. At binasbasan ni Melquizedek si Abraham na siyang pinangakuan ng Diyos. 7 Walang alinlangan na ang mas mababa ay tumatanggap ng basbas mula sa mas nakakataas. 8 Sa isang banda, ang mga pari na tumatanggap ng ikasampung bahagi ay namamatay; sa kabila naman, ang tumanggap ay pinatutunayang nanatiling buháy. 9 Maaari pang sabihin na maging si Levi na tumatanggap ng mga ikasampung bahagi ay nagbayad ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham, 10 sapagkat nang siya’y salubungin ni Melquizedek, si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong Abraham.
11 Ngayon, kung ang pagiging sakdal ay makakamit sa pamamagitan ng pagkapari ng mga Levita, yamang tinanggap ng bayan ang Kautusan sa pamamagitan ng mga paring Levita—bakit kinailangan pa na may lumitaw na isang pari ayon sa pagkapari ni Melquizedek at hindi ayon sa pagkapari ni Aaron? 12 Sapagkat kapag may pagbabago sa pagkapari, kailangan ding may pagbabago sa Kautusan. 13 Sapagkat ang tinutukoy ng mga bagay na ito ay kabilang sa ibang angkan, at mula sa angkang iyon ay wala pang sinuman na naglingkod sa dambana. 14 Maliwanag na ang ating Panginoon ay nagmula sa Juda, at walang sinabing anuman si Moises tungkol sa mga pari kaugnay ng liping iyon. 15 Lalo pa itong naging maliwanag nang lumitaw ang isang pari na kagaya ni Melquizedek, 16 siya ay naging pari, hindi dahil sa itinatakda ng batas ukol sa lahing pinagmulan, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na hindi mapupuksa. 17 Sapagkat (C) pinapatotohanan,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
18 Sa isang dako'y pinawalang bisa ang naunang alituntunin sapagkat ito ay mahina at walang pakinabang, 19 yamang hindi nagawa ng Kautusan na maging sakdal ang sinuman. Sa kabilang dako nama'y ipinakilala ang higit na mabuting pag-asa, at sa pamamagitan nito ay lumalapit tayo sa Diyos.
20 At ang pagiging pari ni Jesus ay may kasamang panunumpa, hindi kagaya ng mga nauna na naging pari na walang kasamang panunumpa. 21 Subalit (D) siya ay naging pari na mayroong panunumpa nang sabihin ng Diyos sa kanya,
“Nanumpa ang Panginoon
at hindi siya magbabago ng kanyang isip,
‘Ikaw ay pari magpakailanman.’ ”
22 Dahil dito, si Jesus ang naging katiyakan ng mas mabuting tipan. 23 Bukod dito, kailangan noon ang maraming pari sapagkat hinahadlangan ng kamatayan ang pagpapatuloy nila sa tungkulin. 24 Subalit dahil nananatili si Jesus magpakailanman, ang kanyang pagkapari ay walang katapusan. 25 Dahil dito, sa lahat ng panahon ay kaya niyang iligtas ang lahat[a] ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, yamang lagi siyang nabubuhay upang mamagitan para sa kanila.
26 Nararapat lang, kung gayon, na magkaroon tayo ng ganoong Kataas-taasang Pari na banal, walang sala, walang dungis, inihiwalay sa mga makasalanan, at naging mas mataas kaysa mga langit. 27 Hindi (E) katulad ng ibang mga Kataas-taasang Pari, hindi niya kailangang maghandog ng alay araw-araw, una'y para sa kanyang sariling mga kasalanan, at para na rin sa mga kasalanan ng bayan. Nang ihandog niya ang kanyang sarili, ang kanyang handog ay minsan lamang, at ang bisa'y magpakailanman. 28 Sapagkat ang hinihirang ng Kautusan bilang mga Kataas-taasang Pari ay mga taong may kahinaan; ngunit ang salita ng panunumpa sa pagkapari na dumating pagkatapos ng Kautusan ay humirang sa Anak, na ginawang sakdal magpakailanman.
Ang Tagapamagitan ng mas Mabuting Tipan
8 Ito (F) ang buod ng aming sinasabi: Tayo ay mayroong gayong Kataas-taasang Pari na nakaupo sa kanan ng trono ng Kamahalan sa kalangitan. 2 Bilang pari, siya'y tagapaglingkod sa Dakong Banal, sa tunay na tabernakulong itinayo ng Panginoon at hindi ng tao. 3 Dahil itinalaga ang bawat Kataas-taasang Pari upang maghandog ng mga kaloob at ng mga alay, kailangan din na ang ating Kataas-taasang Pari ay magkaroon ng ihahandog. 4 Ngayon, kung siya'y nasa lupa, hindi siya maaaring maging pari, yamang mayroong mga paring naghahandog ng mga kaloob ayon sa Kautusan. 5 Ang (G) paglilingkod nila ay anyo at anino lamang ng mga bagay na makalangit; tulad din noon nang bigyan ng tagubilin si Moises nang malapit na niyang itayo ang tabernakulo, “Tiyakin mo na gagawin mo ang lahat ayon sa huwarang ipinakita sa iyo sa bundok.” 6 Subalit ang paglilingkod na tinanggap ni Cristo ay higit na marangal, yamang siya'y tagapamagitan para sa isang higit na mabuting tipan, na nakabatay sa higit na mabubuting pangako.
7 Sapagkat kung walang kakulangan ang unang tipan na iyon, hindi na sana nangailangan pang humanap ng ikalawa. 8 Nakita (H) ng Diyos ang kakulangan sa kanila, kaya't sinabi niya,
“Tiyak ang pagdating ng mga araw, sabi ng Panginoon,
na makikipagtipan ako ng panibago sa sambahayan ni Israel
at sa sambahayan ni Juda,
9 isang tipang hindi katulad ng aking ginawa sa kanilang mga ninuno,
nang araw na akayin ko sila palabas sa lupain ng Ehipto;
sapagkat sila'y hindi nanatiling tapat sa aking tipan,
kaya't ako'y hindi na nagmalasakit sa kanila, sabi ng Panginoon.
10 Ganito ang tipang aking gagawin sa sambahayan ni Israel
pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon:
Itatanim ko ang aking mga tuntunin sa kanilang pag-iisip,
at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga puso.
Ako'y magiging Diyos nila,
at sila'y magiging bayan ko.
11 At hindi na ituturo ng sinuman sa kanyang kababayan,
o sasabihin ng bawat isa sa kanyang kapatid,
‘Kilalanin mo ang Panginoon,’
sapagkat kikilalanin nila akong lahat,
mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila.
12 Kahahabagan ko sila sa kanilang mga kasamaan,
at hindi ko na aalalahanin ang kanilang mga kasalanan.”
13 Nang sabihin ng Diyos ang tungkol sa “bagong tipan,” pinawalang bisa niya ang una, at malapit nang mawala ang pinawalang bisa at naluluma.
Ang Panlupa at ang Panlangit na mga Santuwaryo
9 Ngayon, maging ang unang tipan ay mayroong mga alituntunin sa pagsamba at banal na dako para sa pagsamba dito sa lupa. 2 Itinayo (I) ang tabernakulo na may dalawang bahagi. Sa unang bahagi ay naroroon ang ilawan, ang hapag, at ang mga tinapay na handog; tinatawag ito na Dakong Banal. 3 Sa (J) kabila ng ikalawang tabing ay ang silid na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. 4 Nasa (K) silid na ito ang gintong dambana ng insenso at ang Kaban ng Tipan na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kaban ang sisidlang-ginto na may lamang manna, ang namulaklak na tungkod ni Aaron, at ang mga tapyas ng bato na kinasusulatan ng tipan. 5 Naroon sa (L) ibabaw ng kaban ang mga maluwalhating kerubin. Ang mga pakpak nila ay lumililim sa luklukan ng habag. Hindi na natin mapag-uusapan ang mga ito ng isa-isa. 6 Pagkatapos (M) maihanda ang lahat tulad nito, ang mga pari ay patuloy na pumapasok sa unang silid upang gampanan ang kanilang banal na tungkulin. 7 Ngunit (N) ang Kataas-taasang Pari lamang ang pumapasok sa ikalawang silid, at ito'y minsan lamang sa isang taon. Hindi niya kinaliligtaang magdala ng dugo bilang handog para sa kanyang kasalanan at sa mga kasalanang di-sinasadyang nagawa ng taong-bayan. 8 Sa pamamagitan nito, itinuturo ng Banal na Espiritu na ang daan patungo sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa naihahayag, habang nakatayo pa ang unang tabernakulo. 9 Sumasagisag ito sa kasalukuyang panahon, na nagpapakita na ang mga kaloob at ang mga alay na ihinahandog ay hindi makapaglilinis sa budhi ng sumasamba. 10 Ang mga ito ay tungkol lamang sa mga pagkain at mga inumin at iba't ibang uri ng seremonya ng paglilinis,[b] mga alituntunin tungkol sa katawan na ipinatutupad hanggang dumating ang panahon ng pagbabago ng lahat ng bagay.
11 Ngunit nang dumating si Cristo bilang Kataas-taasang Pari ng mabubuting bagay na dumating na, pumasok siya sa mas dakila at mas sakdal na tabernakulo na hindi gawa ng mga kamay ng tao, samakatuwid ay hindi bahagi ng sangnilikhang ito. 12 Minsan lamang siya pumasok sa Dakong Kabanal-banalan, at ang bisa nito'y magpakailanman. Sa kanyang pagpasok, hindi dugo ng mga kambing at ng mga toro ang kanyang ihinandog, kundi ang kanyang sariling dugo, at dahil dito ay nakamit natin ang walang hangang katubusan. 13 Sapagkat (O) kung nakapaglilinis ng pagkatao ang dugo ng mga kambing at ng mga toro, kasama ang abo ng dumalagang baka, kung ang mga ito ay iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi upang sila’y gawing malinis, 14 higit ang nagagawa ng dugo ni Cristo! Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay walang dungis na ihinandog niya ang kanyang sarili sa Diyos, upang linisin ang ating mga budhi mula sa mga gawang patay upang tayo'y maglingkod sa Diyos na buháy.
15 At dahil dito, si Cristo ang tagapamagitan ng isang bagong tipan. Dahil sa kanyang kamatayan na tumutubos sa mga tao mula sa mga paglabag na nagawa nila noong sila'y nasa ilalim pa ng unang tipan, ang mga tinawag ay tatanggap ng ipinangakong pamanang walang hanggan. 16 Kapag mayroong kasulatan ng tipan, kailangang patunayan na patay na ang gumawa nito. 17 Nagkakabisa lamang ang tipan kapag ang gumawa nito ay namatay na.Wala itong bisa habang buháy pa ang tao na gumawa nito. 18 Maging ang unang tipan ay hindi pinagtibay nang walang dugo. 19 Sapagkat (P) pagkatapos sabihin ni Moises sa buong bayan ang lahat ng sinasabi ng Kautusan na dapat nilang gawin, kumuha siya ng dugo ng baka at ng mga kambing, na may tubig at gamit ang mapulang balahibo at isopo ay winisikan niya ang aklat at ang buong bayan. 20 Kasabay nito ay kanyang sinabi, “Ito ang dugo ng tipan na ipinag-utos ng Diyos sa inyo.” 21 Sa gayon ding paraan, winisikan (Q) din ni Moises ng dugo ang tabernakulo at ang lahat ng mga kasangkapang ginagamit sa pagsamba. 22 Sa (R) katunayan, itinatakda ng Kautusan na halos lahat ng bagay ay dapat linisin sa pamamagitan ng dugo, at kung walang pagdanak ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan.
Ang Alay na Nag-aalis ng Kasalanan
23 Kaya't kailangan na ang mga larawan ng mga bagay na panlangit ay linisin sa pamamagitan ng ganitong mga alay. Ngunit ang mga bagay sa kalangitan ay dapat linisin sa pamamagitan ng mga handog na mas mabuti kaysa mga ito. 24 Sapagkat si Cristo ay mismong sa langit pumasok at hindi sa santuwaryong gawa ng mga kamay ng tao, na larawan lamang ng mga tunay na bagay. Ngayo'y nasa harap siya ng Diyos upang dumulog para sa atin. 25 Naroon siya hindi upang ihandog ng maraming ulit ang kanyang sarili, hindi tulad ng Kataas-taasang Pari ng mga Judio na pumapasok sa Dakong Kabanal-banalan taun-taon at may dalang dugo na hindi naman sa kanya. 26 Sapagkat kung ihahandog niya ang kanyang sarili taun-taon, kailangan siyang paulit-ulit na maghirap mula pa nang lalangin ang sanlibutan. Subalit ngayon, minsanan siyang nagpakita sa pagtatapos ng panahon upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang sarili. 27 Itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom. 28 Gayundin (S) naman, minsanang ihinandog si Cristo upang pasanin ang kasalanan ng marami. Magpapakita siya sa ikalawang pagkakataon, hindi na upang pasanin ang kasalanan, kundi upang iligtas ang mga sabik na naghihintay sa kanya.
10 Ang Kautusan ay nagtataglay ng anino lamang ng mabubuting bagay na darating at hindi ng totoong anyo ng mga iyon. Kaya, kailanman ay hindi kaya ng kautusan na gawing ganap ang mga lumalapit sa pamamagitan ng mga alay na laging ihinahandog taun-taon. 2 Kung hindi gayon, sana ay tinigil na ang paghahandog ng mga iyon, kung ang mga sumasamba na nalinis nang minsan ay wala nang kamalayan sa kanilang kasalanan. 3 Ngunit ang mga handog na iyon ay taun-taong nagsisilbing paalala ng mga kasalanan. 4 Sapagkat hindi kayang pawiin ng dugo ng mga toro at ng mga kambing ang mga kasalanan.
5 Kaya't (T) nang dumating si Cristo sa sanlibutan, sinabi niya,
“Alay at handog, hindi mo kinalugdan,
ngunit ipinaghanda mo ako ng isang katawan;
6 sa mga handog para sa kasalanan, sa mga handog na sinusunog,
sa mga ito ay hindi ka nalugod.
7 Kaya't sinabi ko, ‘Masdan mo, O Diyos, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban,
gaya ng sinasaad tungkol sa akin, sa balumbon ng Kasulatan.’
8 Nang sabihin niya na, “Alay at handog, hindi mo kinalugdan; sa mga handog para sa kasalanan, sa mga handog na sinusunog,” na ihinahandog ayon sa Kautusan, 9 idinagdag din niya, “Masdan mo, O Diyos, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban.” Inalis ng Diyos ang unang pag-aalay upang bigyang-daan ang pangalawa, ang pag-aalay ni Cristo.[c] 10 At dahil sa pagsunod ni Jesu-Cristo sa kalooban ng Diyos, tayo'y ginawang banal dahil sa pag-aalay ng katawan ni Cristo, pag-aalay na minsanan at ang bisa ay magpakailanman.
11 Araw-araw (U) na ginagampanan ng pari ang paglilingkod, paulit-ulit na nag-aalay ng ganoon ding mga handog na hindi naman kailanman nakapapawi ng mga kasalanan. 12 Ngunit (V) minsan lamang naghandog si Cristo ng iisang alay na panghabang-panahon para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Pagkatapos nito'y umupo siya sa kanan ng Diyos. 13 Mula nang panahon na iyon ay naghihintay siya hanggang ang kanyang mga kaaway ay maipailalim sa kanyang mga paa. 14 Sapagkat sa pamamagitan ng isang alay ay kanyang ginawang sakdal magpakailanman ang mga ginagawang banal.
15 Ang Banal na Espiritu ay nagpapatotoo rin sa atin tungkol dito. Una ay sinabi niya,
16 “Ito (W) ang pakikipagtipan na gagawin ko sa kanila,
pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon;
ilalagay ko ang aking mga tuntunin sa kanilang mga puso,
itatanim ko ang mga iyon sa kanilang pag-iisip,”
17 pagkatapos ay sinabi (X) rin niya,
“Ang kanilang mga kasalanan at mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa.”
18 Dahil mayroon nang kapatawaran sa mga kasalanan, hindi na kailangang mag-alay pa para sa mga ito.
Mga Paalala at Babala
19 Kaya, mga kapatid, mayroon na tayong lakas ng loob na pumasok sa Dakong Kabanal-banalan sa pamamagitan ng dugo ni Jesus. 20 Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daan sa gitna ng tabing; samakatuwid ay sa pamamagitan ng kanyang katawan. 21 At dahil tayo ay may isang Kataas-taasang Pari sa bahay ng Diyos, 22 lumapit tayo (Y) sa Diyos na may tapat na puso at lubos na pananampalataya. Lumapit tayo na may pusong winisikan upang maging malinis mula sa maruming budhi at may katawang hinugasan ng dalisay na tubig. 23 Matatag nating panghawakan ang pag-asa na ating ipinapahayag, yamang siya na nangako ay tapat. 24 At isipin natin kung paano natin hihimukin ang isa't isa sa pag-ibig at sa paggawa ng mabuti. 25 Huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng iba, sa halip ay palakasin ang loob ng isa't isa, lalung-lalo na habang nakikita ninyo na papalapit na ang Araw.
26 Sapagkat kung sinasadya nating magkasala matapos na lubos nating malaman ang katotohanan, wala nang maaari pang ialay para sa mga kasalanan. 27 Sa halip, (Z) ang natitira na lamang ay ang paghihintay sa isang kakila-kilabot na paghuhukom, at isang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway. 28 Ang (AA) sumuway sa Kautusan ni Moises, batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay walang awang pinapatay. 29 Sa (AB) tingin ninyo, hindi ba higit na parusa ang nararapat sa taong yumurak sa Anak ng Diyos at lumapastangan sa dugo ng tipan na nagpabanal sa taong iyon, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya? 30 Sapagkat (AC) kilala natin siya na nagsabi nito, “Akin ang paghihiganti, ako ang maniningil.” Sinabi rin, “Huhukuman ng Panginoon ang kanyang bayan.” 31 Kakila-kilabot na bagay ang mahulog mula sa mga kamay ng buháy na Diyos.
32 Alalahanin ninyo ang nagdaang mga araw. Matapos kayong maliwanagan, matibay kayong nanindigan sa gitna ng mga pagtitiis at pakikipaglaban. 33 May mga panahong hayagan kayong inaalipusta at inusig; at may mga panahon ding naging kasama kayo ng mga taong pinaranas ng gayon. 34 Sapagkat kinahabagan ninyo ang mga bilanggo, at tinanggap ninyo nang buong galak ang pagkamkam ng inyong mga ari-arian, palibhasa'y alam ninyo na mayroon kayong kayamanang higit na mabuti at magpakailanman. 35 Kaya't huwag ninyong sayangin ang inyong pagtitiwala sa Diyos, sapagkat nagdudulot ito ng dakilang gantimpala. 36 Sapagkat kailangan ninyong magpakatatag, upang pagkatapos ninyong gampanan ang kalooban ng Diyos ay tatanggapin ninyo ang kanyang ipinangako.
37 Sapagkat (AD) “kaunting panahon na lamang,
Siya na dumarating ay darating at hindi maaantala.
38 Ngunit ang aking lingkod na matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya.
Kung siya'y tumalikod,
hindi malulugod sa kanya ang aking kaluluwa.
39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak; sa halip, kabilang tayo sa mga sumasampalataya at naliligtas.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.