Chronological
Nabuhay Muli si Jesus(A)
24 Maagang-maaga pa ng unang araw ng sanlinggo, pumunta na ang mga babae sa libingan dala ang mga pabango na kanilang inihanda. 2 Natagpuan nilang naigulong na ang bato mula sa libingan. 3 Pagpasok nila ay hindi nila nakita ang bangkay ng Panginoong Jesus. 4 Habang sila ay takang-taka dahil dito, biglang lumitaw sa tabi nila ang dalawang lalaking nagniningning ang kasuotan. 5 Sa kanilang takot ay dumapa sila sa lupa. Sinabi ng mga lalaki sa kanila, “Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa piling ng mga patay? 6 Wala siya rito. Siya'y muling binuhay! Natatandaan ba ninyo ang sinabi niya sa inyo nang nasa Galilea pa siya? 7 ‘Ang Anak ng Tao ay kailangang ibigay sa mga kamay ng makasalanan, at ipako sa krus, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.’ ” 8 Kaya't naalala nila ang sinabi ni Jesus. 9 Pagbalik nila mula sa libingan, ibinalita nila ang lahat ng iyon sa labing-isa at sa iba pa nilang kasamahan. 10 Ang nagbalita ng mga ito sa mga apostol ay sina Maria Magdalena, Juana, Maria na ina ni Santiago, at iba pang mga babaing kasama nila. 11 Ngunit inakala ng mga apostol na walang kabuluhan ang mga iyon kaya't hindi nila pinaniwalaan ang mga babae. 12 Ngunit tumakbo si Pedro patungo sa libingan at nang yumukod ay nakita na lamang niya ang mga telang lino. Kaya't umuwi siyang nagtataka sa nangyari.
Ang Paglalakad Patungong Emaus(B)
13 Nang araw ding iyon, dalawa sa mga alagad ang naglalakbay patungo sa nayong kung tawagin ay Emaus na may labindalawang kilometro[a] ang layo sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng mga nangyaring ito. 15 Habang sila ay nag-uusap at nagpapaliwanagan, mismong si Jesus ay lumapit at nakisabay sa kanila. 16 Subalit tila tinakpan ang kanilang mga mata upang siya ay hindi nila makilala. 17 Nagtanong si Jesus sa kanila, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo habang kayo'y naglalakad?” At tumigil silang bakas ang kalungkutan sa mukha. 18 Sumagot ang isa sa kanila, na ang pangalan ay Cleopas, “Ikaw lang ba ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakaaalam sa mga bagay na nangyari doon sa mga araw na ito?” 19 Sinabi niya sa kanila, “Anong mga bagay?” Sumagot sila, “Ang mga tungkol kay Jesus na taga-Nazareth, isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Diyos at ng buong sambayanan. 20 Ibinigay siya ng aming mga punong pari at ng mga pinuno upang hatulan ng kamatayan at ipako sa krus. 21 Subalit umasa sana kaming siya ang tutubos sa Israel. Bukod pa sa lahat ng mga ito, ngayon ang ikatlong araw mula nang nangyari ang mga ito. 22 Binigla pa kami ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga pa lang, nagpunta sila sa libingan, 23 ngunit hindi nila natagpuan doon ang kanyang bangkay, kaya bumalik sila at sinabi sa amin na nagkaroon sila ng isang pangitain ng mga anghel na nagsasabing buháy si Jesus. 24 Pumunta sa libingan ang ilan sa amin at natagpuan nga nila gaya ng sinabi ng mga babae ngunit siya ay hindi nila nakita.” 25 Sinabi niya sa kanila, “Mga hangal! Kay bagal naman ng inyong pang-unawa at hindi pinaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta! 26 Hindi ba't ang Cristo ay kailangang magdusa ng lahat ng ito bago siya pumasok sa kanyang kaluwalhatian?” 27 Ipinaliwanag niya sa kanila ang sinasabi ng lahat ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises at sa lahat ng mga propeta. 28 Nang malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan, lumalakad siya na parang magpapatuloy pa, 29 ngunit siya'y kanilang pinakiusapan ng ganito: “Tumuloy muna kayo sa amin sapagkat gumagabi na at lumulubog na ang araw.” Kaya't pumasok siya upang tumuloy sa kanila. 30 Nang nakaupo siya sa hapag kasalo nila, kumuha siya ng tinapay at ito'y binasbasan. Pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa kanila. 31 Nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, ngunit bigla na lang siyang naglaho sa kanilang paningin. 32 At sinabi nila sa isa't isa, “Hindi ba nag-aalab ang ating mga puso habang kinakausap niya tayo sa daan, habang ipinapaliwanag niya sa atin ang Kasulatan?” 33 Nang oras ding iyon ay bumalik sila sa Jerusalem; natagpuan nila na nagtitipon doon ang labing-isa at ang iba pa nilang kasamahan. 34 Sabi nila, “Totoo ngang nabuhay muli ang Panginoon at nagpakita kay Simon!” 35 Kaya't isinalaysay nila ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang siya'y magpuputul-putol ng tinapay.
Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(C)
36 Habang pinag-uusapan nila ito, tumayo si Jesus sa gitna nila at nagsabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” 37 Subalit kinilabutan sila at natakot at inakala nilang espiritu ang kanilang nakikita. 38 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natatakot at bakit may pag-aalinlangan sa inyong puso? 39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at aking mga paa. Ako ito. Hipuin ninyo ako at masdan; sapagkat ang espiritu ay walang buto at laman, at nakikita ninyong mayroon ako ng mga ito.” 40 At pagkasabi niya nito ay ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. 41 Bagama't hindi pa sila lubusang makapaniwala dahil sa tuwa at pagkamangha, sinabi sa kanila ni Jesus, “Mayroon ba kayo ritong makakain?” 42 Kaya't siya ay binigyan nila ng isang piraso ng inihaw na isda. 43 At pagkatanggap nito, kumain siya sa harapan nila. 44 Sinabi niya sa kanila, “Ito ang sinabi ko sa inyo noong kasama ko pa kayo. Kailangang matupad ang lahat ng naisulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa mga Propeta, at sa mga Awit.” 45 At binuksan niya ang kanilang isipan upang maunawaan nila ang mga kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila, “Ito nga ang nasusulat: magdurusa ang Cristo ngunit babangong muli sa ikatlong araw mula sa kamatayan, 47 at sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng kasalanan ay ipapangaral sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem. 48 Mga saksi kayo sa lahat ng mga ito. 49 Tandaan ninyo; ako mismo ang magpapadala sa inyo ng ipinangako sa inyo ng aking Ama; ngunit manatili kayo sa lungsod hanggang sa mabihisan kayo ng kapangyarihan mula sa kaitaasan.”
Dinalang Paitaas sa Langit si Jesus(D)
50 Isinama ni Jesus sa labas ng lungsod ang mga alagad hanggang sa Betania; itinaas niya ang kanyang mga kamay at binasbasan sila. 51 Habang sila'y binabasbasan, siya'y papalayo sa kanila. At dinala siyang paitaas sa langit. 52 At siya'y sinamba nila, pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem, taglay ang malaking kagalakan. 53 Palagi sila sa templo at doo'y nagpupuri sa Diyos.
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus
20 Umaga ng unang araw ng sanlinggo, habang madilim pa, nagpunta si Maria Magdalena sa libingan at nakita niyang naalis na ang batong pantakip sa libingan. 2 Kaya't siya'y tumakbo at pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na minamahal ni Jesus at sinabi sa kanila, “Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan at hindi namin alam kung saan siya inilagay.” 3 Kaya't umalis si Pedro at ang alagad na iyon at nagpunta sila sa libingan. 4 Kapwa tumakbo ang dalawa, subalit naunahan ng alagad na iyon si Pedro kaya una siyang nakarating sa libingan. 5 Yumuko siya upang sumilip sa loob at nakita niya ang mga telang pangbalot na nakalatag doon, ngunit hindi siya pumasok. 6 Dumating na kasunod niya si Simon Pedro at pumasok ito sa libingan. Nakita ni Pedro na nakalatag doon ang mga telang panlibing, 7 at ang ibinalot sa ulo ni Jesus na hindi nakalagay kasama ng mga telang panlibing, kundi nakabalumbong mag-isa sa isang lugar. 8 Pagkatapos, ang alagad na unang nakarating sa libingan ay pumasok din, at nakita niya, at siya'y naniwala; 9 sapagkat hanggang sa panahong iyon, hindi pa nila nauunawaan ang sinasabi ng Kasulatan, na kailangan munang muling mabuhay si Jesus mula sa kamatayan. 10 Pagkatapos, umuwi na ang mga alagad.
Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena
11 Ngunit si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan at umiiyak. Habang umiiyak, yumuko siya upang sumilip sa loob ng libingan. 12 Nakakita siya ng dalawang anghel na nakaputi, nakaupo sa pinaglagyan ng katawan ni Jesus, ang isa sa ulunan at ang isa naman ay sa paanan. 13 Sinabi nila sa kanya, “Babae, bakit ka umiiyak?” Sumagot si Maria, “Kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” 14 Matapos niyang sabihin ito, lumingon siya at nakita niya si Jesus na nakatayo roon, subalit hindi niya alam na ito ay si Jesus. 15 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Napagkamalan niyang hardinero si Jesus at sinabi niya rito, “Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kanya, sabihin mo kung saan mo siya inilagay, at kukunin ko siya.” 16 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Maria!” Humarap si Maria at sinabi sa wikang Hebreo, “Rabboni!” na ang ibig sabihin ay Guro. 17 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.’ ” 18 Umalis si Maria Magdalena at ibinalita sa mga alagad, “Nakita ko ang Panginoon!”, at sinabi rin niya sa kanila ang bilin ni Jesus.
Nagpakita si Jesus sa mga Alagad(A)
19 Kinagabihan ng araw na iyon, unang araw ng linggo, habang ang mga pinto ng bahay na pinagtitipunan ng mga alagad ay nakasara dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad nang makita ang Panginoon. 21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, sinusugo ko rin kayo.” 22 Nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya at kanyang sinabi, “Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu. 23 (B)Kung pinatatawad ninyo ang mga kasalanan ninuman, pinatatawad na sila sa mga ito; kung hindi ninyo pinatatawad ang mga kasalanan ninuman, hindi nga pinatatawad ang mga ito.”
24 Ngunit si Tomas na tinatawag na Kambal, isa sa labindalawa, ay hindi nila kasama nang dumating si Jesus. 25 Kaya sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita na namin ang Panginoon.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Malibang makita ko ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at maisuot ang daliri ko sa butas ng mga pako, at ang kamay ko sa kanyang tagiliran, hindi ako maniniwala.”
26 Pagkalipas ng walong araw, muling nasa loob ng bahay ang mga alagad, at kasama na nila si Tomas. Kahit na nakasara ang mga pinto, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” 27 Pagkatapos ay sinabi niya kay Tomas, “Isuot mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. Iabot mo rito iyong kamay at ipasok mo sa aking tagiliran. Huwag kang mag-alinlangan, sa halip, maniwala ka.” 28 Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” 29 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Naniwala ka ba dahil nakita mo ako? Mapapalad ang mga hindi nakakita subalit sumasampalataya.”
Ang Layunin ng Aklat na Ito
30 Marami pang ibang himala na ginawa si Jesus sa harap ng kanyang mga alagad na hindi naisulat sa aklat na ito. 31 Subalit ang mga ito ay isinulat upang kayo ay sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa inyong pagsampalataya, kayo ay magkaroon ng buhay sa pamamagitan ng kanyang pangalan.[a]
Ang Pagpapakita ni Jesus sa Pitong Alagad
21 Pagkatapos ng mga ito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad sa Lawa ng Tiberias. Sa gayong paraan nagpakita siya. 2 Naroon sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Nathanael ng Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kanyang mga alagad. 3 (C)Sinabi ni Simon Pedro sa kanila, “Mangingisda ako.” “Sasamahan ka namin,” sabi nila. Umalis sila at sumakay ng bangka. Subalit nang gabing iyon, wala silang nahuli.
4 Pagsapit ng bukang-liwayway, tumayo si Jesus sa tabing lawa; ngunit hindi alam ng mga alagad na siya ay si Jesus. 5 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mga anak, may nahuli ba kayong isda?” Sumagot sila, “Wala.” 6 (D)Sinabi niya sa kanila, “Ihagis ninyo ang lambat sa gawing kanan, at makahuhuli kayo.” Kaya ihinagis nga nila ito, at halos hindi na nila mahila ang lambat dahil sa dami ng huli. 7 Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, “Siya ang Panginoon!” Nang marinig ni Pedro na iyon ay ang Panginoon, nagdamit siya, dahil siya'y hubad, at tumalon siya sa lawa. 8 Ngunit ang ibang mga alagad ay dumating sakay ng bangka, hila-hila ang lambat na punung-puno ng isda, dahil hindi naman sila kalayuan sa lupa, na halos siyamnapung metro ang layo.
9 Nang makarating sila sa pampang, nakakita sila ng uling na nagbabaga, may isda sa ibabaw nito, at mayroon ding tinapay. 10 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Magdala kayo ng isda na bagong huli ninyo.” 11 Kaya pumunta si Simon Pedro sa bangka at hinila papuntang pampang ang lambat na puno ng isda: isandaan at limampu't tatlong lahat. Kahit napakarami ng mga ito, hindi nasira ang lambat. 12 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Halikayo at mag-agahan.” Sinuman sa kanila ay hindi nagtangkang magtanong kung sino siya sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. 13 Lumakad si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila, at ganoon din ang ginawa niya sa isda. 14 Ito ang ikatlong pagkakataon na nagpakita si Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa kamatayan.
15 Matapos mag-agahan, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit sa mga ito?” Sinabi niya kay Jesus, “Opo, Panginoon; alam mong minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga tupa.” 16 Muling nagtanong si Jesus sa ikalawang pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Sinabi ni Pedro sa kanya, “Opo, Panginoon; alam mong minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” 17 Muling nagtanong si Jesus sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro dahil tatlong ulit na siyang tinanong ni Jesus, “Minamahal mo ba ako?” At sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; alam mong minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga tupa. 18 Pakinggan mo ang sinasabi ko sa iyo: noong bata ka pa, binibihisan mo ang iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay, at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo nais pumunta.” 19 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay sa paraang maluluwalhati niya ang Diyos. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”
Si Jesus at ang Minamahal na Alagad
20 (E)Lumingon si Pedro at nakita niyang sumusunod sa kanila ang alagad na minamahal ni Jesus. Siya ang nakaupo sa tabi ni Jesus noong hapunan at nagsabing, “Panginoon, sino po ang magkakanulo sa iyo?” 21 Nang makita siya ni Pedro, sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, paano naman siya?” 22 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa pagdating ko, ano ito sa iyo? Sumunod ka sa akin!” 23 Kaya kumalat ang balita sa kapatiran na ang alagad na ito ay hindi mamamatay. Bagama't hindi sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa pagdating ko, ano ito sa iyo?”
24 Ito ang alagad na nagpapatunay sa mga bagay na ito at isinulat niya ang mga ito, at alam natin na tunay ang kanyang patotoo. 25 Marami pang ibang ginawa si Jesus at kung ang lahat ng ito ay isusulat, sa palagay ko'y hindi magkakasya sa mundong ito ang mga aklat na maisusulat.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.