Chronological
Si Jesus ang Tanging Daan Patungo sa Ama
14 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong mabagabag. Magtiwala kayo sa Dios at magtiwala rin kayo sa akin. 2 Sa tahanan ng aking Ama ay maraming silid. Pupunta ako roon para ipaghanda kayo ng lugar. Hindi ko ito sasabihin kung hindi ito totoo. 3 Kapag naroon na ako at naipaghanda na kayo ng lugar, babalik ako at isasama kayo upang kung nasaan ako ay naroon din kayo. 4 At alam nʼyo na ang daan papunta sa pupuntahan ko.” 5 Sinabi ni Tomas sa kanya, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano po namin malalaman ang daan?” 6 Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakarating sa Ama kung hindi sa pamamagitan ko. 7 Kung kilala nʼyo ako, kilala nʼyo na rin ang aking Ama. At ngayon nga ay nakilala at nakita nʼyo na siya.”
8 Sinabi ni Felipe sa kanya, “Panginoon, ipakita nʼyo po sa amin ang Ama, at sapat na iyon sa amin.” 9 Sumagot si Jesus, “Felipe, ang tagal na nating magkasama, hindi mo pa rin ba ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa Ama. Paano mo nasabing ipakita ko sa inyo ang Ama? 10 Hindi ka ba naniniwala na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay hindi nanggaling sa akin kundi sa Amang nasa akin. Siya ang gumagawa ng mga bagay na ginagawa ko. 11 Maniwala kayo na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi kong ito, maniwala man lang kayo dahil sa mga ginawa ko. 12 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumasampalataya sa akin ay makakagawa rin ng mga ginagawa ko, at higit pa rito ang magagawa niya dahil pupunta na ako sa Ama. 13 At anuman ang hilingin nʼyo sa aking pangalan ay gagawin ko upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ko na kanyang Anak. 14 Oo, gagawin ko ang anumang hilingin ninyo sa aking pangalan.
Ipinangako ni Jesus ang Banal na Espiritu
15 “Kung mahal nʼyo ako, susundin nʼyo ang aking mga utos. 16 At hihilingin ko sa Ama na bigyan niya kayo ng isang Tagatulong[a] na sasainyo magpakailanman. 17 Siya ang Banal na Espiritu na tagapagturo ng katotohanan. Hindi siya matanggap ng mga taong makamundo dahil hindi siya nakikita o nakikilala ng mga ito. Pero kilala nʼyo siya, dahil kasama nʼyo siya at sasainyo magpakailanman.
18 “Hindi ko kayo iiwan ng walang kasama;[b] babalik ako sa inyo. 19 Kaunting panahon na lang at hindi na ako makikita ng mga tao sa mundo, pero makikita nʼyo ako. At dahil buhay ako, mabubuhay din kayo. 20 Sa araw na iyon, malalaman ninyo na ako nga ay nasa aking Ama, at kayo ay nasa akin, at ako ay nasa inyo.
21 “Ang sinumang tumatanggap at sumusunod sa mga utos ko ang siyang nagmamahal sa akin. At ang nagmamahal sa akin ay mamahalin din ng aking Ama. Mamahalin ko rin siya, at ipapakilala ko ang aking sarili sa kanya.” 22 Tinanong siya ni Judas (hindi si Judas Iscariote), “Panginoon, bakit sa amin lang po kayo magpapakilala at hindi sa lahat?” 23 Sumagot si Jesus, “Ang nagmamahal sa akin ay susunod sa aking salita. Mamahalin siya ng aking Ama at mananahan kami sa kanya. 24 Ngunit ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi sumusunod sa aking mga salita. At ang mga salitang narinig nʼyo ay hindi nanggaling sa akin kundi sa Amang nagsugo sa akin.
25 “Sinasabi ko ang mga bagay na ito habang kasama nʼyo pa ako. 26 Pero kapag nakaalis na ako, ang Tagatulong na walang iba kundi ang Banal na Espiritu ang ipapadala ng Ama bilang kapalit ko. Siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala sa inyo ng lahat ng mga sinabi ko sa inyo.
27 “Huwag kayong mabagabag, at huwag kayong matakot, dahil iniiwan ko sa inyo ang kapayapaan. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. 28 Narinig nʼyo ang sinabi ko na aalis ako pero babalik din sa inyo. Kung mahal nʼyo ako, ikasisiya nʼyo ang pagpunta ko sa Ama, dahil mas dakila ang Ama kaysa sa akin. 29 Sinasabi ko ito ngayon sa inyo bago pa man mangyari upang sumampalataya kayo sa akin[c] kapag nangyari na ito. 30 Hindi na ako magsasalita nang matagal dahil dumarating na si Satanas na siyang naghahari sa mundong ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin. 31 Ngunit upang malaman ng lahat na mahal ko ang aking Ama, ginagawa ko ang iniuutos niya sa akin. Halina kayo, umalis na tayo rito.”
Ang Tunay na Puno ng Ubas
15 Sinabi pa ni Jesus, “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. 2 Pinuputol niya ang aking mga sangang hindi namumunga, at nililinis niya ang bawat sangang namumunga para lalo pang mamunga. 3 Malinis na kayo dahil sa mga salitang sinabi ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at akoʼy mananatili sa inyo. Hindi makakapamunga ang isang sanga malibang nakakabit ito sa puno. Ganoon din naman, hindi kayo makakapamunga kung hindi kayo mananatili sa akin.
5 “Ako ang puno ng ubas, at kayo ang aking mga sanga. Ang taong nananatili sa akin at ako rin sa kanya ay mamumunga nang marami. Sapagkat wala kayong magagawa kung hiwalay kayo sa akin. 6 Ang hindi nananatili sa akin ay tulad ng mga sangang itinatapon at natutuyo, at pagkatapos ay tinitipon at inihahagis sa apoy para sunugin. 7 Kung mananatili kayo sa akin at ang mga salita koʼy mananatili sa inyo, ipagkakaloob ko ang anumang hilingin ninyo. 8 Napaparangalan ang aking Ama kung namumunga kayo nang sagana, at sa ganitong paraan ay naipapakita ninyo na mga tagasunod ko kayo. 9 Mahal ko kayo gaya ng pagmamahal sa akin ng Ama. Manatili kayo sa aking pag-ibig. 10 Kung sinusunod ninyo ang mga utos ko, mananatili ang pag-ibig ko sa inyo. Katulad ko, sinusunod ko ang utos ng aking Ama, kaya nananatili ang kanyang pag-ibig sa akin.
11 “Sinabi ko sa inyo ang bagay na ito para magalak kayo katulad ko at malubos din ang inyong kagalakan. 12 Ito ang aking utos sa inyo: magmahalan kayo katulad ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Wala nang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. 14 Mga kaibigan ko kayo kung sinusunod nʼyo ang aking mga utos. 15 Hindi ko na kayo itinuturing na alipin, dahil hindi alam ng alipin kung ano ang ginagawa ng kanyang amo. Sa halip, itinuturing ko na kayong mga kaibigan, dahil sinasabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin kundi ako ang pumili sa inyo, para humayo kayo at mamunga ng mga bungang mananatili. Sa ganoon, anuman ang hingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo. 17 Ito nga ang utos ko sa inyo: magmahalan kayo.”
Ang Galit ng mga Taong Makamundo sa mga Sumasampalataya kay Jesus
18 Sinabi pa ni Jesus, “Kung napopoot sa inyo ang mga taong makamundo, alalahanin ninyo na ako ang una nilang kinapootan. 19 Kung kabilang kayo sa kanila, mamahalin nila kayo. Pero hindi kayo kabilang sa kanila, kundi pinili ko kayo mula sa kanila. Kaya napopoot sila sa inyo. 20 Tandaan nʼyo ang sinabi ko sa inyo na walang aliping mas higit sa kanyang amo. Kung inusig nila ako, uusigin din nila kayo. At kung sinunod nila ang aking salita, susundin din nila ang inyong salita. 21 Uusigin nila kayo dahil sumasampalataya kayo sa akin at dahil hindi nila kilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako naparito sa mundo at nangaral sa kanila, wala sana silang pananagutan sa kanilang kasalanan. Pero ngayon, wala na silang maidadahilan sa mga kasalanan nila. 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama. 24 Kung hindi ako gumawa sa harap nila ng mga himalang kailanmaʼy hindi nagawa ninuman, wala sana silang pananagutan sa kanilang kasalanan. Ngunit kahit nakita na nila ang mga himalang ginawa ko, napopoot pa rin sila sa akin at sa aking Ama. 25 Sa ginawa nilang ito, natupad ang nakasulat sa kanilang Kautusan: ‘Napopoot sila sa akin nang walang dahilan.’ ”[d]
26 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Ipapadala ko sa inyo ang Banal na Espiritu mula sa Ama. Siya ang Tagatulong nʼyo at tagapagturo ng katotohanan. Pagdating niya, magpapatotoo siya kung sino talaga ako. 27 Kayo rin ay dapat na magpatotoo tungkol sa akin, dahil kasama ko na kayo mula pa noong una.
16 “Sinasabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito para hindi manghina ang inyong pananampalataya pagdating ng pag-uusig. 2 Hindi na kayo tatanggapin ng mga kapwa nʼyo Judio sa mga sambahan nila. Sa katunayan, darating ang panahon na ang sinumang papatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Dios. 3 Gagawin nila ang mga bagay na ito dahil hindi nila kilala ang Ama o ako. 4 Pero sinasabi ko sa inyo ang mga ito para pagdating ng pag-uusig, maaalala nʼyong sinabi ko na ito sa inyo.
Ang Gawain ng Banal na Espiritu
“Hindi ko sinabi sa inyo ang mga bagay na ito noong una, dahil kasama nʼyo pa ako. 5 Pero ngayon ay babalik na ako sa nagsugo sa akin, at wala ni isa man sa inyo ang nagtatanong kung saan ako pupunta. 6 At ngayong sinabi ko na sa inyo, nalulungkot kayo. 7 Pero ang totoo, para sa ikabubuti nʼyo ang pag-alis ko, dahil hindi paparito sa inyo ang Tagatulong kung hindi ako aalis. Pero kapag umalis na ako, ipapadala ko siya sa inyo. 8 Pagdating niya, ipapakita niya sa mga taong makamundo na makasalanan sila at ako namaʼy matuwid. At ipapakita rin niya na hahatulan sila ng Dios. 9 Ipapakita niya sa mga tao na makasalanan sila dahil hindi sila sumampalataya sa akin. 10 Ipapakita niya na ako ay matuwid dahil pupunta ako sa Ama at hindi nʼyo na makikita. 11 Ipapakita rin niya sa kanila na hahatulan sila ng Dios dahil hinatulan na si Satanas na siyang naghahari sa mga taong makamundo.
12 “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, pero hindi nʼyo pa kayang intindihin sa ngayon. 13 Pero pagdating ng Banal na Espiritu na siyang tagapagturo ng katotohanan, tutulungan niya kayo para maintindihan nʼyo ang lahat ng katotohanan. Ang ituturo niya ay hindi galing sa kanya; sasabihin niya kung ano lang ang narinig niya at ipapahayag din niya sa inyo ang tungkol sa mga bagay na darating. 14 Pararangalan niya ako dahil sa akin manggagaling ang lahat ng ipapahayag niya sa inyo. 15 Ang lahat ng nasa Ama ay nasa akin, kaya sinabi kong sa akin manggagaling ang lahat ng ipapahayag niya sa inyo.
Mapapalitan ng Galak ang Kalungkutan
16 “Sandaling panahon na lang at hindi nʼyo na ako makikita, at pagkatapos ng kaunti pang panahon ay makikita nʼyo akong muli.” 17 Nagtanungan ang ilan sa mga tagasunod niya, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Bakit niya sinabing sandaling panahon na lang at hindi na natin siya makikita, at pagkatapos ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya na ang dahilan kung bakit hindi na natin siya makikita ay dahil babalik na siya sa kanyang Ama. 18 Ano kaya ang ibig niyang sabihin sa ‘sandaling panahon’? Hindi natin alam kung ano ang ibig niyang sabihin.” 19 Alam ni Jesus na gusto sana nilang magtanong, kaya sinabi niya sa kanila, “Nagtatanungan ba kayo tungkol sa sinabi ko na sandaling panahon na lang at hindi nʼyo na ako makikita, at pagkatapos ng kaunti pang panahon ay makikita nʼyo akong muli? 20 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, iiyak kayoʼt magdadalamhati sa mangyayari sa akin, pero sasaya ang mga taong makamundo. Malulungkot kayo, pero ang kalungkutan ninyo ay mapapalitan ng kagalakan. 21 Katulad ito ng isang babaeng naghihirap dahil malapit nang manganak. Pero pagkasilang ng sanggol, nakakalimutan na niya ang lahat ng hirap dahil sa kagalakan sapagkat naisilang na niya ang sanggol dito sa mundo. 22 Ganyan din kayo. Nalulungkot kayo ngayon, pero magagalak kayo sa araw na magkita tayong muli. At walang sinumang makakaagaw ng inyong kagalakan.
23 “Sa araw na iyon, hindi nʼyo na kailangang humingi sa akin[e] ng kahit ano. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayon ay wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo at makakatanggap kayo, para malubos ang inyong kagalakan.
Napagtagumpayan ni Jesus ang Kapangyarihan ng Mundo
25 “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito sa pamamagitan ng mga talinghaga, pero darating ang panahon na hindi na ako magsasalita sa inyo nang ganito. Sa halip, tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw ding iyon, kayo na mismo ang hihingi sa Ama sa pamamagitan ng aking pangalan. Hindi na kailangang ako pa ang humingi sa Ama para sa inyo. 27 Sapagkat kayo mismo ay minamahal ng Ama, dahil minamahal nʼyo ako at naniniwala kayo na nagmula ako sa Dios. 28 Galing ako sa Ama at naparito ako sa mundo. Pero ngayon ay aalis na ako at babalik na sa Ama.”
29 Sinabi ng mga tagasunod niya, “Ngayon poʼy nagsasalita na kayo sa amin nang malinaw at hindi sa pamamagitan ng talinghaga. 30 Ngayon alam na namin na alam nʼyo ang lahat ng bagay, dahil kahit hindi namin kayo tinatanong, alam nʼyo kung ano ang itatanong namin. Kaya naniniwala kami na galing kayo sa Dios.” 31 Sumagot si Jesus sa kanila, “Kung ganoon, sumasampalataya na ba kayo ngayon sa akin? 32 Pero darating ang oras, at dumating na nga, na magkakawatak-watak kayo at magkakanya-kanya, at iiwan nʼyo akong nag-iisa. Ngunit kahit iwan nʼyo ako, hindi ako nag-iisa dahil kasama ko ang Ama. 33 Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa akin.[f] Daranas kayo ng paghihirap dito sa mundo,[g] pero magpakatatag kayo dahil nagtagumpay na ako laban sa kapangyarihan ng mundo.”
Nanalangin si Jesus para sa mga Tagasunod Niya
17 Pagkasabi ni Jesus ng mga bagay na ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras. Parangalan mo ako na iyong Anak para maparangalan din kita. 2 Sapagkat binigyan mo ako ng kapangyarihan sa lahat ng tao para mabigyan ko ng buhay na walang hanggan ang lahat ng taong ibinigay mo sa akin. 3 At ito ang kahulugan ng buhay na walang hanggan: ang makilala ka ng mga tao na ikaw lang ang tunay na Dios, at makilala rin nila ako na isinugo mo. 4 Pinarangalan kita rito sa lupa dahil natapos ko na ang ipinagawa mo sa akin. 5 Kaya ngayon, Ama, parangalan mo ako sa piling mo. Ipagkaloob mo sa akin ang karangalang taglay ko sa piling mo bago pa man nilikha ang mundo.
6 “Ipinakilala kita sa mga taong pinili mo mula sa mga tao sa mundo at ibinigay sa akin. Sila ay sa iyo at ibinigay mo sila sa akin, at sinunod nila ang iyong salita. 7 Ngayon alam na nila na ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay nanggaling sa iyo. 8 Sapagkat itinuro ko sa kanila ang mga itinuro mo sa akin, at tinanggap naman nila. Sigurado silang nagmula ako sa iyo, at naniniwala silang isinugo mo ako.
9 “Idinadalangin ko sila. Hindi ako nananalangin para sa mga taong makamundo kundi para sa mga taong ibinigay mo sa akin, dahil sila ay sa iyo. 10 Ang lahat ng akin ay sa iyo, at ang lahat ng iyo ay sa akin, at napaparangalan ako sa pamamagitan nila. 11 At ngayon, babalik na ako sa iyo at hindi na ako mananatili rito sa mundo, pero sila ay mananatili pa sa mundo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay mo sa akin, upang silaʼy maging isa katulad natin. 12 Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay mo sa akin. Iningatan ko sila at walang napahamak sa kanila maliban sa taong itinakdang mapahamak para matupad ang Kasulatan. 13 Ngayon ay babalik na ako sa iyo. Sinasabi ko ang mga bagay na ito habang nandito pa ako sa mundo para lubos silang magalak tulad ko. 14 Itinuro ko na sa kanila ang salita mo. Napopoot sa kanila ang mga taong makamundo, dahil hindi na sila makamundo, tulad ko na hindi makamundo. 15 Hindi ko idinadalangin na kunin mo na sila sa mundo, kundi ingatan mo sila laban kay Satanas.[h] 16 Hindi sila makamundo, tulad ko na hindi makamundo. 17 Ibukod mo sila upang maging iyo sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ay katotohanan. 18 Isinugo mo ako rito sa mundo, kaya isinusugo ko rin sila sa mundo upang mangaral. 19 Alang-alang sa kanila, itinatalaga ko ang aking sarili sa iyo, upang sila man ay maitalaga sa iyo sa pamamagitan ng katotohanan.
20 “Ang panalangin koʼy hindi lang para sa kanila na sumasampalataya sa akin, kundi pati na rin sa mga sasampalataya pa sa akin sa pamamagitan ng pangangaral nila. 21 Idinadalangin ko sa iyo, Ama, na silang lahat ay maging isa gaya natin. Kung paanong ikaw ay nasa akin at akoʼy nasa iyo, nawaʼy sila man ay sumaatin, para maniwala ang mga tao sa mundo na ikaw ang nagsugo sa akin. 22 Binigyan ko sila ng karangalan tulad ng ibinigay mo sa akin, upang silaʼy maging isa katulad natin. 23 Nasa kanila ako at ikaw ay nasa akin, para silaʼy lubos na maging isa. Sa ganoon ay malalaman ng mga tao sa mundo na isinugo mo ako, at malalaman din nilang minamahal mo ang mga mananampalataya tulad ng pagmamahal mo sa akin.
24 “Ama, gusto ko sanang makasama sa pupuntahan ko ang mga taong ibinigay mo sa akin, para makita rin nila ang kapangyarihang ibinigay mo sa akin, dahil minahal mo na ako bago pa man nilikha ang mundo. 25 Amang Makatarungan,[i] kahit hindi ka nakikilala ng mga taong makamundo, nakikilala naman kita, at alam ng mga mananampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin. 26 Ipinakilala kita sa kanila, at patuloy kitang ipapakilala upang ang pagmamahal mo sa akin ay mapasakanila at ako man ay mapasakanila.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®