Chronological
Ang Pagkasugo kina Bernabe at Saulo
13 May mga propeta at mga guro sa iglesya sa Antioquia. Kabilang dito sina Bernabe, Simeon na tinatawag ding Maitim, Lucio na taga-Cirene, Manaen na kababata ni Herodes[a] na pinuno ng Galilea at Saulo. 2 Habang sila'y nag-aayuno at sumasamba sa Panginoon, sinabi sa kanila ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo. Sila'y pinili ko para sa tanging gawaing inilaan ko sa kanila.” 3 Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa dalawa ang kanilang mga kamay at sila'y pinahayo na.
Ang Pangangaral sa Cyprus
4 Dahil isinugo ng Espiritu Santo, sina Bernabe at Saulo ay nagpunta sa Seleucia at buhat doo'y sumakay sila sa isang barkong papunta sa Cyprus. 5 Nang dumating sila sa Salamina, ipinahayag nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio roon. Katulong nila si Juan[b] sa kanilang gawain.
6 Nilibot nila ang buong pulo hanggang sa Pafos. Natagpuan nila roon ang isang salamangkerong Judio na isang huwad na propeta; Bar-Jesus ang kanyang pangalan. 7 Kaibigan ito ni gobernador Sergio Paulo, isang lalaking matalino. Ipinatawag ng gobernador sina Bernabe at Saulo sapagkat nais niyang marinig ang salita ng Diyos. 8 Ngunit sinalungat sila ng salamangkerong si Elimas (ito ang pangalan ni Bar-Jesus sa wikang Griego) upang hadlangan ang gobernador sa pananampalataya. 9 Si Saulo, na tinatawag ring Pablo, na puspos ng Espiritu Santo ay tumitig kay Elimas 10 at nagsabi, “Ikaw na anak ng diyablo! Kaaway ka ng lahat ng mabuti! Punô ka ng pandaraya at kasamaan! Hindi ka ba titigil sa pagbaluktot sa matuwid na landas ng Panginoon? 11 Ngayon, paparusahan ka niya! Mabubulag ka at pansamantalang hindi ka makakakita ng liwanag.”
Noon di'y naramdaman ni Elimas na parang tinakpan ng maitim na ulap ang kanyang mga mata, at siya'y naghanap ng taong aakay sa kanya. 12 Sumampalataya ang gobernador nang makita ang nangyari, at humanga siya sa katuruan tungkol sa Panginoon.
Sa Antioquia sa Pisidia
13 Mula sa Pafos, naglayag sina Pablo hanggang sa Perga sa Pamfilia; humiwalay naman sa kanila si Juan[c] at nagbalik sa Jerusalem. 14 Mula sa Perga, nagpatuloy sila hanggang Antioquia sa Pisidia. Nang Araw ng Pamamahinga, pumasok sila sa sinagoga at naupo.
15 Matapos basahin ang ilang bahagi ng mga aklat ng Kautusan at ng mga Propeta, nagpasabi sa kanila ang mga tagapamahala ng sinagoga, “Mga kapatid, kung mayroon kayong mensaheng makapagpapalakas ng loob ng mga tao, maaari kayong magsalita.”
16 Kaya't tumayo si Pablo at sinenyasan silang tumahimik,
“Mga Israelita, at kayong lahat na may takot sa Diyos, makinig kayo! 17 Ang(A) Diyos ng ating bansang Israel ang pumili sa ating mga ninuno. Sila'y ginawa niyang isang malaking bansa habang naninirahan pa sila sa lupain ng Egipto, at sila'y inilabas niya doon sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan. 18 Sa(B) loob ng apatnapung taon, sila ay pinagtiisan[d] niya sa ilang. 19 Nilipol(C) niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan at ibinigay sa mga Israelita ang lupain bilang pamana. 20 Naganap ang lahat ng ito sa(D) loob ng halos apatnaraan at limampung taon.
“Pagkatapos, sila'y binigyan niya ng mga hukom, hanggang sa panahon ng propetang si Samuel. 21 Nang(E) humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Diyos si Saul na anak ni Cis, isang lalaking mula sa lipi ni Benjamin. Naghari si Saul sa loob ng apatnapung taon. 22 At(F) nang siya'y alisin ng Diyos, si David naman ang pinili ng Diyos upang maghari sa kanila. Sinabi ng Diyos tungkol sa kanya, ‘Si David, na anak ni Jesse, ay isang lalaking aking kinalulugdan, na handang sumunod sa lahat ng nais ko.’
23 “Sa angkan ng lalaking ito nagmula si Jesus, ang Tagapagligtas na ipinangako ng Diyos sa Israel. 24 Bago(G) siya dumating, nangaral si Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisihan at talikuran ang kanilang mga kasalanan, at magpabautismo. 25 Nang(H) matatapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Cristo. Ngunit siya'y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit magkalag man lamang ng kanyang sandalyas.’
26 “Mga kapatid kong mula sa lahi ni Abraham, at mga taong may takot sa Diyos, tayo ang pinadalhan ng balitang ito tungkol sa kaligtasan. 27 Hindi nakilala ng mga taga-Jerusalem at ng kanilang mga pinuno na si Jesus ang Tagapagligtas. Hindi rin nila naunawaan ang mga pahayag ng mga propeta, na binabasa nila tuwing Araw ng Pamamahinga. Ngunit sila na rin ang nagsakatuparan ng pahayag na iyon nang si Jesus ay hatulan nila ng kamatayan. 28 Kahit(I) na wala silang sapat na dahilan upang siya'y ipapatay, hiniling pa rin nila kay Pilato na siya'y hatulan ng kamatayan. 29 At(J) nang matupad na nila ang lahat ng nasusulat tungkol sa kanya, siya ay ibinabâ nila sa krus[e] at inilibing.
30 “Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos, 31 at(K) sa loob ng maraming araw, siya ay nagpakita sa mga sumama sa kanya sa Jerusalem mula sa Galilea. Ngayon, sila ang mga saksi niya sa mga Israelita. 32 Ngayon ay dala namin sa inyo ang Magandang Balita, na ang pangako ng Diyos sa ating mga ninuno 33 ay(L) tinupad niya sa atin na kanilang mga anak, sa pamamagitan ng muling pagbuhay kay Jesus. Gaya ng nakasulat sa ikalawang Awit,
‘Ikaw ang aking Anak,
sa araw na ito ako'y naging iyong Ama.’
34 Tungkol(M) naman sa kanyang muling pagkabuhay at di pagkabulok ng kanyang katawan ay sinabi ng Diyos,
‘Ipagkakaloob ko sa inyo ang mga banal at maaasahang pagpapala
gaya ng ipinangako ko kay David.’
35 At(N) sinabi rin niya sa iba pang bahagi,
‘Hindi mo hahayaang makaranas ng pagkabulok ang iyong Banal.’
36 Nang maisagawa na ni David ang kalooban ng Diyos para sa kanyang kapanahunan, siya'y namatay at inilibing sa piling ng kanyang mga ninuno, at siya'y dumanas ng pagkabulok. 37 Subalit ang muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkabulok. 38 Dapat ninyong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinangangaral sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan. 39 At ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay pinalalaya na sa lahat ng pagkakasala na mula sa mga ito ay hindi kayo kayang palayain ng Kautusan ni Moises. 40 Kaya't mag-ingat kayo upang hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta,
41 ‘Tingnan(O) ninyo, kayong mga nangungutya!
Manggilalas kayo at mamatay!
Sapagkat isasagawa ko sa inyong kapanahunan
ang isang bagay na hindi ninyo paniniwalaan,
kahit na may magpaliwanag pa nito sa inyo!’”
42 Nang sina Pablo at Bernabe ay palabas na sa sinagoga, inanyayahan sila ng mga tao na magsalita muli tungkol sa mga bagay na ito sa susunod na Araw ng Pamamahinga. 43 Pagkatapos ng pulong, sumunod kina Pablo at Bernabe ang maraming Judio at mga relihiyosong Hentil na nahikayat sa Judaismo. Nagsalita sa kanila ang mga apostol at pinangaralan silang magpatuloy sa pamumuhay nang nararapat ayon sa kagandahang-loob ng Diyos.
44 Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon upang makinig sa salita ng Panginoon.[f] 45 Inggit na inggit naman ang mga Judio nang makita nila ang napakaraming tao, kaya't nilait nila at sinalungat si Pablo. 46 Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna sana dapat ipahayag ang salita ng Diyos. Ngunit dahil itinatakwil ninyo ito, hinahatulan ninyo ang inyong sarili na kayo'y hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kaya't sa mga Hentil na lang kami pupunta. 47 Ganito(P) ang iniutos sa amin ng Panginoon,
‘Inilagay kitang liwanag sa mga Hentil
upang magdala ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’”
48 Nang marinig ng mga Hentil ang mga salitang iyon, sila'y nagalak at nagpuri sa salita ng Panginoon, at sumampalataya ang lahat ng hinirang para sa buhay na walang hanggan.
49 Kaya't lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon. 50 Ngunit ang mga pinuno ng lungsod at ang mga debotong babae na kilala sa lipunan ay sinulsulan ng mga Judio upang usigin sina Pablo at Bernabe at palayasin sa lupaing iyon. 51 Kaya't(Q) ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa mga tagaroon, at sila'y nagpunta sa Iconio. 52 Ang mga alagad naman sa Antioquia ay napuspos ng kagalakan at ng Espiritu Santo.
Sa Iconio
14 Gayundin ang nangyari sa Iconio; sina Pablo at Bernabe ay pumasok sa sinagoga ng mga Judio. Napakahusay ng kanilang pangangaral kaya't maraming Judio at Griego ang sumampalataya. 2 Gayunman, may ilang Judiong ayaw sumampalataya. Sinulsulan pa nila ang mga Hentil at nilason ang isip ng mga ito laban sa mga kapatid. 3 Nanatili roon nang matagal sina Pablo at Bernabe, at buong tapang silang nangaral tungkol sa Panginoon. Pinatunayan ng Panginoon na totoo ang pangangaral nila tungkol sa kanyang kagandahang-loob sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kapangyarihang gumawa ng mga himala. 4 Kaya't nahati ang mga tao sa lungsod; may pumanig sa mga Judio at may pumanig din sa mga apostol.
5 Binalak ng ilang mga Hentil at mga Judio, kasama ng kanilang mga pinuno, na saktan at pagbabatuhin ang mga apostol. 6 Subalit nang malaman iyon ng dalawa, sila'y tumakas papuntang Listra at Derbe na mga lungsod ng Licaonia, at sa mga karatig na lupain, 7 at doon sila nangaral ng Magandang Balita.
Sa Listra
8 Sa Listra ay may isang lalaking hindi nakakalakad dahil lumpo na ito mula pa nang ito'y isilang. 9 Siya'y nakaupong nakikinig sa pangangaral ni Pablo. Nang makita ni Pablo na ang lumpo ay may pananampalatayang siya'y mapapagaling, tinitigan niya ang lumpo 10 at malakas na sinabi, “Tumayo ka nang tuwid!” Lumukso ang lalaki at nagsimulang lumakad.
11 Nang makita ng mga taong-bayan ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Licaonia, “Nanaog sa atin ang mga diyos sa anyong tao!” 12 Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at si Pablo nama'y Hermes, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita. 13 Nasa bungad ng lungsod ang templo ni Zeus. Ang pari ni Zeus ay nagdala ng mga toro at mga kuwintas na bulaklak sa may pintuan ng lungsod. Nais ng pari at ng mga tao na maghandog sa mga apostol.
14 Nang malaman ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at patakbong pumagitna sa mga tao. Sumigaw sila, 15 “Mga(R) ginoo, huwag ninyong gawin iyan! Mga tao rin kaming tulad ninyo! Ipinapangaral namin sa inyo ang Magandang Balita upang talikuran ninyo ang mga walang kabuluhang bagay na iyan, at manumbalik kayo sa Diyos na buháy na lumikha ng langit, lupa, dagat, at lahat ng naroroon. 16 Sa mga panahong nakalipas, hinayaan niyang gawin ng lahat ng bansa anuman ang kani-kanilang maibigan. 17 Gayunman, nagbigay siya ng sapat na katibayan upang makilala ninyo siya sa pamamagitan ng kabutihang ginagawa niya sa inyo. Binibigyan niya kayo ng ulan mula sa langit at ng masaganang ani sa takdang panahon. Binubusog niya kayo ng pagkain at pinupuno ng kagalakan ang inyong mga puso.” 18 Sa kabila ng mga pananalitang ito, nahirapan pa rin sina Bernabe at Pablo na pigilan ang mga tao na sila'y alayan ng mga handog.
19 Ngunit may mga Judiong dumating doon mula sa Antioquia at Iconio. Sinulsulan nila ang mga taga-Listra laban kay Pablo, kaya't siya'y pinagbabato nila. Pagkatapos, siya ay kinaladkad nila sa labas ng bayan, sa pag-aakalang siya'y patay na, 20 subalit nang dumating ang mga alagad at palibutan siya, tumayo si Pablo at pumasok sa lungsod. Kinabukasan, nagpunta sila ni Bernabe sa Derbe.
Ang Pagbabalik sa Antioquia
21 Ang Magandang Balita ay ipinangaral nina Pablo at Bernabe sa Derbe, at marami silang nahikayat na maging alagad. Pagkatapos, nagbalik sila sa Listra, Iconio, at Antioquia ng Pisidia. 22 Pinalakas nila ang loob ng mga alagad at pinayuhang manatiling tapat sa pananampalataya. “Daranas muna tayo ng maraming kapighatian upang makapasok sa kaharian ng Diyos,” sabi nila sa mga alagad. 23 Sa bawat iglesya ay nagtalaga sila ng mga matatandang mamumuno, at matapos manalangin at mag-ayuno, ang mga ito'y itinagubilin nila sa Panginoon na kanilang pinagtitiwalaan.
24 Tinahak nila ang Pisidia at nakarating sila sa Pamfilia. 25 Ipinangaral nila sa Perga ang salita ng Diyos at pagkatapos ay tumuloy sila sa Atalia. 26 Mula roon, naglayag silang pabalik sa Antioquia. Dito sila ipinagkatiwala sa pagkalinga ng Diyos para sa gawaing kanilang natapos na.
27 Pagdating sa Antioquia tinipon nila ang mga kaanib sa iglesya at isinalaysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong nagbukas siya ng pagkakataon sa mga Hentil upang ang mga ito'y sumampalataya rin. 28 At matagal silang nanatili roon kasama ng mga alagad.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.