Chronological
Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(A)
9 Sumakay sina Jesus sa bangka at tumawid sa kabila ng lawa. Pagdating nila roon, umuwi si Jesus sa sarili niyang bayan. 2 Doon ay may mga taong nagdala sa kanya ng isang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang loob mo. Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” 3 Nang marinig ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na naroon, sinabi nila sa kanilang sarili, “Nilalapastangan ng taong ito ang Dios.” 4 Pero alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip ng masama? 5 Alin ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? 6 Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na akong Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi ka!” 7 Tumayo nga ang paralitiko at umuwi. 8 Namangha ang mga tao nang makita nila ito, at pinapurihan nila ang Dios na nagbigay sa mga tao ng ganoong kapangyarihan.
Tinawag ni Jesus si Mateo(B)
9 Nang umalis na roon si Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo, na nakaupo sa lugar na pinagbabayaran ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Mateo at sumunod kay Jesus.
10 Habang kumakain si Jesus at ang mga tagasunod niya sa bahay ni Mateo, nagdatingan ang maraming maniningil ng buwis at ang iba pang mga itinuturing na makasalanan at kumaing kasama nila. 11 Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang mga tagasunod ni Jesus, “Bakit ang guro ninyo ay kumakaing kasama ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang mga makasalanan?” 12 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Hindi ang mga walang sakit ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit. 13 Umalis na kayo at pag-isipan nʼyo kung ano ang kahulugan ng sinasabing ito ng Kasulatan: ‘Hindi ang handog ninyo ang hinahangad ko kundi ang maging maawain kayo.’[a] Sapagkat naparito ako hindi upang tawagin ang mga taong matuwid sa kanilang sariling paningin, kundi ang mga makasalanan.”
Ang Tanong tungkol sa Pag-aayuno(C)
14 May ilang mga tagasunod ni Juan na Tagapagbautismo ang pumunta kay Jesus at nagtanong, “Kami at ang mga Pariseo ay madalas mag-ayuno. Bakit hindi nag-aayuno ang mga tagasunod ninyo?” 15 Sumagot si Jesus, “Maaari bang magdalamhati ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno.”
16 Sinabi pa ni Jesus, “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit, dahil kapag nilabhan uurong[b] ang bagong tela at lalo pang lalaki ang punit. 17 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, dahil puputok ang sisidlan at matatapon ang alak, at ang sisidlan ay hindi na mapapakinabangan pa. Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat, at pareho silang magtatagal.”
Ang Anak ng Pinuno at ang Babaeng Dinudugo(D)
18 Habang sinasabi niya ang mga ito, dumating ang isang namumuno ng sambahan ng mga Judio. Lumuhod ito sa kanyang harapan at sinabi, “Kamamatay lang po ng anak kong babae, pero kung pupuntahan nʼyo siya at ipapatong ang inyong kamay sa kanya, mabubuhay siyang muli.” 19 Kaya tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati na rin ang mga tagasunod niya. 20 Habang naglalakad sila, lumapit sa likuran ni Jesus ang isang babae na 12 taon nang dinudugo, at hinipo niya ang laylayan[c] ng damit ni Jesus. 21 Sapagkat sinabi ng babae sa kanyang sarili, “Mahipo ko lang ang damit niya ay gagaling na ako.” 22 Lumingon si Jesus at pagkakita sa babae ay sinabi, “Anak, lakasan mo ang loob mo. Pinagaling[d] ka ng iyong pananampalataya.” At gumaling nga ang babae nang sandaling iyon.
23 Nang dumating na si Jesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta sa libing at ang maraming taong nagkakaingay. 24 Sinabi niya, “Magsilabas kayo! Hindi patay ang bata; natutulog lang siya.” Pinagtawanan nila si Jesus. 25 Nang mapalabas na ang mga tao, pumasok si Jesus at hinawakan sa kamay ang bata, at bumangon ito. 26 Kumalat ang balitang ito sa buong lugar na iyon.
Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Bulag
27 Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, sumunod sa kanya ang dalawang bulag na sumisigaw, “Anak ni David,[e] maawa po kayo sa amin!” 28 Pagdating ni Jesus sa bahay na kanyang tutuluyan, lumapit sa kanya ang mga bulag na lalaki. Tinanong sila ni Jesus, “Naniniwala ba kayo na kaya ko kayong pagalingin?” Sumagot sila, “Opo, Panginoon.” 29 At hinipo ni Jesus ang mga mata nila, at sinabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya.” 30 At nakakita nga ang dalawa. Mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag nila itong sasabihin kaninuman. 31 Pero umalis ang dalawa at ibinalita nila sa buong lugar na iyon ang ginawa sa kanila ni Jesus.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Pipi
32 Habang paalis na sina Jesus, dinala sa kanya ang isang lalaking pipi na sinasaniban ng masamang espiritu. 33 Pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu, at nakapagsalita ang pipi. Namangha ang mga tao at sinabi, “Kailanman ay hindi pa nangyari ang ganito sa buong Israel.” 34 Pero sinabi ng mga Pariseo, “Ang pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu.”
Naawa si Jesus sa mga Tao
35 Nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon, at nangaral siya sa mga sambahan ng mga Judio. Ipinahayag niya ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios, at pinagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman. 36 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, naawa siya sa kanila, dahil napakarami ng kanilang mga problema pero wala man lang tumutulong sa kanila. Para silang mga tupang walang pastol. 37 Kaya sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Marami ang aanihin, pero kakaunti ang tagapag-ani. 38 Kaya idalangin ninyo sa Panginoon, na siyang may-ari ng anihin, na magpadala siya ng mga tagapag-ani.”
Ang Labindalawang Apostol(E)
10 Tinawag ni Jesus ang kanyang 12 tagasunod[f] at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng anumang sakit at karamdaman. 2 Ito ang mga pangalan ng 12 apostol: si Simon (na kung tawagin ay Pedro), na siyang nangunguna sa kanila, si Andres na kanyang kapatid, si Santiago at si Juan na mga anak ni Zebedee, 3 si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeus, si Tadeus, 4 si Simon na makabayan,[g] at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus nang bandang huli.
Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Apostol(F)
5 Sinugo ni Jesus ang 12 tagasunod niya at pinagbilinan, “Huwag kayong pumunta sa mga lugar ng mga hindi Judio o sa alin mang bayan ng mga Samaritano. 6 Sa halip, puntahan ninyo ang mga Israelita na parang mga nawawalang tupa. 7 Ipahayag ninyo sa kanila na malapit na[h] ang paghahari ng Dios. 8 Pagalingin nʼyo ang mga may sakit, buhayin ang mga patay, pagalingin ang mga may malubhang sakit sa balat para maituring silang malinis, at palayasin ang masasamang espiritu. Tinanggap ninyo ang kapangyarihang ito nang walang bayad, kaya ipamahagi rin ninyo nang walang bayad. 9 Huwag kayong magbaon ng pera,[i] 10 o kayaʼy magdala ng bag, damit na pambihis, sandalyas o tungkod. Sapagkat ang manggagawa ay dapat lang na suportahan sa mga pangangailangan niya.
11 “Sa alin mang bayan o nayon na inyong pupuntahan, humanap kayo ng taong malugod kayong tatanggapin sa kanyang bahay,[j] at makituloy kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo. 12 Sa pagpasok ninyo sa tahanang iyon, pagpalain ninyo ang lahat ng nakatira roon. 13 Kung talagang tinatanggap nila kayo, pagpalain ninyo sila. Ngunit kung hindi, huwag nʼyo silang pagpalain. 14 Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila. 15 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin nila kaysa sa mga taga-Sodom at Gomora.”
Mga Pag-uusig na Darating(G)
16 “Tandaan ninyo, tulad kayo ng mga tupang sinugo ko sa mga lobo, kaya maging matalino kayo gaya ng mga ahas, at kasing-amo ng mga kalapati. 17 Mag-ingat kayo sa mga tao, dahil dadakpin nila kayo at dadalhin sa hukuman, at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sambahan. 18 Iimbestigahan kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Magiging pagkakataon ninyo iyon para magpatotoo sa kanila at sa mga hindi Judio ng tungkol sa akin. 19 At kapag dinala kayo sa hukuman, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo o kung paano kayo sasagot, dahil ibibigay ng Dios sa inyo sa sandaling iyon ang sasabihin ninyo. 20 Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama. Siya ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.”
21 “Sa panahong iyon, may mga taong ipagkakanulo ang kanilang kapatid para patayin. Ganoon din ang mga ama sa kanilang mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga magulang. 22 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas 23 Kapag inuusig kayo sa isang bayan, pumunta kayo sa ibang bayan. Dahil ang totoo, hindi pa man ninyo nalilibot ang lahat ng bayan ng Israel, ako na Anak ng Tao ay babalik na.
24 “Walang mag-aaral na mas higit sa kanyang guro, at walang aliping mas higit sa kanyang amo. 25 Sapat na sa isang mag-aaral na maging katulad ng kanyang guro, at sa alipin na maging katulad ng kanyang amo. Kung akong pinuno ninyo ay tinatawag nilang Satanas,[k] gaano pa kaya kasama ang itatawag nila sa inyong mga tagasunod ko?”
Ang Dapat Katakutan(H)
26 “Kaya huwag kayong matakot sa mga tao. Sapagkat walang natatagong hindi malalantad, at walang lihim na hindi mabubunyag. 27 Ang mga bagay na sa inyo ko lang sinasabi ay sabihin ninyo sa lahat,[l] at ang mga ibinubulong ko sa inyo ay ipamalita ninyo sa mga tao. 28 Huwag kayong matakot sa mga gustong pumatay sa inyo. Ang katawan lang ninyo ang kaya nilang patayin, pero hindi ang inyong kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa Dios, na siyang may kakayahang puksain ang katawan at kaluluwa ninyo sa impyerno. 29 Hindi baʼt napakamura ng halaga ng dalawang maya? Pero wala ni isa man sa kanila ang nahuhulog sa lupa nang hindi ayon sa kagustuhan ng inyong Ama. 30 Mas lalo na kayo, maging ang bilang ng inyong mga buhok ay alam niya. 31 Kaya huwag kayong matakot, dahil mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.”
Ang Pagkilala kay Cristo(I)
32 “Ang sinumang kumikilala sa akin bilang Panginoon sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko rin sa harap ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit ang hindi kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Amang nasa langit.”
Ang Pagkakahati-hati ng Sambahayan Dahil kay Cristo(J)
34 “Huwag ninyong isipin na naparito ako sa lupa upang magkaroon nang maayos na relasyon ang mga tao. Naparito ako upang magkaroon sila ng hidwaan.[m] 35 Dahil sa akin, kokontrahin ng anak na lalaki ang kanyang ama, at kokontrahin ng anak na babae ang kanyang ina. Ganoon din ang gagawin ng manugang na babae sa kanyang biyenang babae. 36 Ang magiging kaaway ng isang tao ay ang sarili niyang sambahayan.[n]
37 “Ang nagmamahal sa kanyang mga magulang ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang nagmamahal sa kanyang anak ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang sinumang ayaw sumunod sa akin dahil natatakot siyang mamatay para sa akin[o] ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”
Mga Gantimpala(K)
40 “Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa kanyang pagkapropeta ay makakatanggap ng gantimpalang naaayon para sa isang propeta. At ang tumatanggap sa matuwid na tao dahil sa kanyang pagkamatuwid ay makakatanggap ng gantimpalang naaayon para sa matuwid na tao. 42 At ang sinumang magbibigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa pinakahamak kong tagasunod ay tiyak na makakatanggap ng gantimpala.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®