Chronological
Binasbasan ni Jacob sina Efraim at Manases
48 Pagkatapos ng mga bagay na ito, sinabi kay Jose, “Ang iyong ama ay may sakit.” Kaya't isinama niya ang kanyang dalawang anak, sina Manases at Efraim.
2 Nang sabihin kay Jacob, “Narito, pinuntahan ka ng anak mong si Jose;” siya[a] ay nagpalakas at umupo sa higaan.
3 Sinabi(A) ni Jacob kay Jose, “Ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay nagpakita sa akin sa Luz sa lupain ng Canaan, at binasbasan ako,
4 at sinabi sa akin, ‘Palalaguin at pararamihin kita, at gagawin kitang isang kapisanan ng mga bayan; at ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong binhi pagkamatay mo, bilang isang pag-aari magpakailanman.’
5 Kaya't akin na ngayon ang dalawa mong anak na ipinanganak sa iyo sa lupain ng Ehipto bago ako pumarito sa iyo: sina Efraim at Manases, gaya nina Ruben at Simeon.
6 Ang iyong mga anak na ipinanganak pagkaraan nila ay magiging iyo; sila'y tatawagin sa kanilang mana ayon sa pangalan ng kanilang mga kapatid.
7 Sapagkat(B) nang ako'y dumating mula sa Padan, si Raquel ay namatay sa lupain ng Canaan sa daan, nang malapit nang makarating sa Efrata; at inilibing ko siya roon sa daan ng Efrata” (na siya ring Bethlehem).
8 Nang nakita ni Israel ang mga anak ni Jose, ay sinabi niya, “Sinu-sino ang mga ito?”
9 Sinabi ni Jose sa kanyang ama, “Sila'y aking mga anak, na ibinigay ng Diyos sa akin dito.” Kanyang sinabi, “Dalhin mo sila sa akin, at sila'y aking babasbasan.”
10 Ang mga mata nga ni Israel ay malabo na dahil sa katandaan, at hindi na siya makakita. Kanyang hinagkan sila, at niyakap.
11 Sinabi ni Israel kay Jose, “Hindi ko akalaing makikita ko pa ang iyong mukha, at ngayon ay ipinakita rin sa akin ng Diyos ang iyong binhi.”
12 Sila'y inalis ni Jose mula sa kanyang mga tuhod, at iniyuko ang kanyang mukha sa lupa.
13 Kapwa sila dinala ni Jose, si Efraim sa kanyang kanang kamay patungo sa kaliwang panig ni Israel, at si Manases sa kanyang kaliwang kamay patungo sa kanang panig ni Israel, at kanyang inilapit sila sa kanya.
14 Iniunat ni Israel ang kanyang kanang kamay at ipinatong sa ulo ni Efraim, na siyang bunso, at ang kanyang kaliwang kamay sa ulo ni Manases, na pinagkrus ang kanyang mga kamay; sapagkat si Manases ang panganay.
15 Kanyang binasbasan si Jose, at sinabi, “Ang Diyos na sa harapan niya ay lumakad ang aking mga ninuno na sina Abraham at Isaac, ang Diyos na naging pastol ko simula nang ako'y ipanganak hanggang sa araw na ito,
16 ang anghel na tumubos sa akin sa bawat kasamaan, nawa'y pagpalain niya ang mga batang ito; at tawagin nawa sila sa aking pangalan, at sa pangalan ng aking mga magulang na sina Abraham at Isaac, at nawa'y dumami sila sa ibabaw ng lupa.”
17 Nang makita ni Jose na ipinatong ng kanyang ama ang kanyang kanang kamay sa ulo ni Efraim, ito ay naging masama sa kanyang paningin. Kaya't hinawakan niya ang kamay ng kanyang ama upang ilipat mula sa ulo ni Efraim tungo sa ulo ni Manases.
18 At sinabi ni Jose sa kanyang ama, “Hindi ganyan, ama ko. Yamang ang isang ito ang panganay, ipatong mo ang iyong kanang kamay sa kanyang ulo.”
19 Subalit tumanggi ang kanyang ama, “Nalalaman ko, anak ko, nalalaman ko. Siya man ay magiging isang bayan, at siya man ay magiging dakila. Subalit ang kanyang kapatid na mas bata ay magiging higit na dakila kaysa kanya, at ang kanyang binhi ay magiging napakaraming mga bansa.”
20 Kaya't(C) kanyang binasbasan sila nang araw na iyon, na sinasabi, “Sa pamamagitan mo ang Israel ay magpapala, na magsasabi, ‘Gawin ka nawa ng Diyos na gaya ni Efraim at gaya ni Manases.’”
21 At sinabi ni Israel kay Jose, “Ako'y malapit nang mamatay, ngunit ang Diyos ay lagi ninyong kasama, at ibabalik kayong muli sa lupain ng inyong mga ninuno.
22 Bukod dito'y binigyan kita ng isang libis ng bundok na higit kaysa iyong mga kapatid, na kinuha ko sa pamamagitan ng aking tabak at busog sa kamay ng mga Amoreo.”
Mga Huling Salita ni Jacob
49 Pagkatapos ay tinawag ni Jacob ang kanyang mga anak, at sinabi, “Magtipun-tipon kayo at sasabihin ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa mga araw na darating.
2 Magtipun-tipon kayo at makinig, kayong mga anak ni Jacob;
at inyong pakinggan si Israel na inyong ama.
3 Ruben, ikaw ang aking panganay,
ang aking kalakasan, ang siyang pasimula ng aking kapangyarihan,
ang pinakamataas sa karangalan at kalakasan, at siyang kasakdalan ng kapangyarihan.
4 Kagaya ng kumukulong tubig, ikaw ay hindi mangingibabaw;
sapagkat, sumampa ka sa higaan ng iyong ama:
pagkatapos ay dinumihan mo ito—sumampa sa aking tulugan.
5 Si Simeon at si Levi ay magkapatid;
ang kanilang mga sandata ay mga kasangkapan ng karahasan.
6 Huwag nawang pumasok ang aking kaluluwa sa kanilang payo;
huwag isama ang aking espiritu sa kanilang kapisanan;
Sapagkat sa kanilang galit ay pumatay sila ng tao,
at sa kanilang sariling kalooban ay nilumpo nila ang baka.
7 Sumpain ang kanilang galit, sapagkat ito ay mabangis;
at ang kanilang poot, sapagkat ito ay malupit.
Hahatiin ko sila sa Jacob,
at ikakalat ko sila sa Israel.
8 Juda, pupurihin ka ng iyong mga kapatid;
ang iyong kamay ay malagay sa leeg ng iyong mga kaaway;
ang mga anak ng iyong ama nawa ay yumukod sa harapan mo.
9 Si(D) Juda'y isang anak ng leon.
Aking anak, ikaw ay umahon mula sa pagkahuli,
siya'y yumuko, siya'y lumugmok na parang leon;
at gaya ng isang babaing leon, sinong makakagising sa kanya?
10 Ang setro ay hindi mahihiwalay kay Juda,
ni ang tungkod ng pagkapuno sa pagitan ng kanyang mga paa,
hanggang sa ang Shilo ay dumating;[b]
at ang pagtalima ng mga bayan sa kanya.
11 Itinali ang kanyang batang asno sa puno ng ubas,
at ang guya ng kanyang asno sa piling puno ng ubas;
nilabhan niya ang kanyang suot sa alak,
at ang kanyang damit sa dugo ng ubas.
12 Ang kanyang mga mata ay namumula sa alak,
at ang kanyang mga ngipin ay namumuti sa gatas.
13 Si Zebulon ay tatahan sa dalampasigan,
at siya'y magiging kanlungan ng mga sasakyang-dagat;
at ang kanyang hangganan ay magiging hanggang Sidon.
14 Si Isacar ay isang malakas na asno,
na nahihiga sa gitna ng mga kawan ng mga tupa;
15 at nakakita siya ng dakong pagpapahingahan, na ito ay mabuti,
at ang lupain ay maganda;
at kanyang iniyuko ang kanyang balikat upang pasanin,
at naging aliping sapilitang pinagagawa.
16 Si Dan ay hahatol sa kanyang bayan,
bilang isa sa mga lipi ni Israel.
17 Si Dan ay magiging ahas sa daan,
isang ulupong sa landas,
na nangangagat ng mga sakong ng kabayo,
kaya't nahuhulog sa likuran ang sakay niyon.
18 Aking hinintay ang iyong pagliligtas, O Panginoon.
19 Si Gad ay sasalakayin ng isang pulutong ng mandarambong,
ngunit siya ang sasalakay sa kanilang mga sakong.
20 Mula kay Aser, ang kanyang tinapay ay tataba,
at siya ay magbibigay ng pagkaing-hari.
21 Si Neftali ay isang babaing usa na pinakawalan,
na nagbibigay ng isang magandang pananalita.
22 Si Jose ay isang mabungang supling,
isang mabungang supling sa tabi ng bukal;
ang kanyang mga sanga'y gumagapang sa ibabaw ng pader.
23 Ginigipit siya ng mga bihasa sa pana,
at namamana, at naghihintay na tambangan siya.
24 Ngunit ang kanyang busog ay nananatili sa kalakasan,
at ang mga kamay ng kanyang bisig ay pinalakas
ng mga kamay ng Makapangyarihan ni Jacob
(sa pangalan ng Pastol, ang Bato ng Israel),
25 sa pamamagitan ng Diyos ng iyong ama, na tutulong sa inyo,
ng Makapangyarihan sa lahat na magpapala sa inyo,
pagpapala ng langit mula sa itaas,
mga pagpapala ng mga kalaliman na nalalagay sa ibaba,
mga pagpapala ng mga dibdib at ng bahay-bata.
26 Ang mga pagpapala ng iyong ama
ay higit na malakas kaysa pagpapala ng walang hanggang kabundukan,
sa kasaganaan ng mga burol na walang hanggan;
nawa ang mga iyon ay mapasaulo ni Jose,
at para sa kilay niya na ibinukod mula sa mga kapatid.
27 Si Benjamin ay isang lobong mabangis;
sa umaga'y nilalamon niya ang nasila,
at sa gabi ay paghahatian niya ang samsam.”
28 Ang lahat ng ito ang labindalawang lipi ng Israel. At ito ang sinalita ng kanilang ama sa kanila, at sila'y binasbasan niya, ang bawat isa ayon sa basbas sa kanya.
Ang Pagkamatay at Paglilibing kay Jacob
29 Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila, “Ako'y malapit nang makasama sa aking bayan. Ilibing ninyo ako sa tabi ng aking mga magulang, sa yungib na nasa parang ni Efron na Heteo,
30 sa(E) yungib na nasa parang ng Macpela, na nasa tapat ng Mamre, sa lupain ng Canaan, ang parang na binili ni Abraham kay Efron na Heteo, upang maging libingan.
31 Doon(F) nila inilibing si Abraham at si Sara na kanyang asawa; at doon nila inilibing si Isaac at si Rebecca na kanyang asawa; at doon ko inilibing si Lea,
32 sa parang at sa yungib na nandoon na binili mula sa mga anak ni Het.”
33 Pagkatapos(G) na si Jacob ay makapagbilin sa kanyang mga anak, itinikom niya ang kanyang mga paa sa higaan, siya'y nalagutan ng hininga at naging kasama ng kanyang bayan.
50 Yumakap si Jose sa kanyang ama, umiyak sa harapan niya, at hinalikan niya.
2 Iniutos ni Jose sa kanyang mga manggagamot na naglilingkod sa kanya na embalsamuhin ang kanyang ama, at inembalsamo ng mga manggagamot si Israel.
3 Gumugol sila ng apatnapung araw na siyang kailangan upang matupad ang pag-iimbalsamo. At ang mga Ehipcio ay tumangis para sa kanya ng pitumpung araw.
4 Nang makaraan na ang mga araw ng kanyang pagtangis, si Jose ay nagsalita sa sambahayan ng Faraon, “Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa inyong paningin ay sabihin ninyo sa pandinig ni Faraon:
5 Pinanumpa(H) ako ng aking ama, na sinasabi, ‘Ako'y malapit nang mamatay; ililibing mo ako doon sa libingan na aking hinukay para sa akin sa lupain ng Canaan.’ Kaya't ngayon ay nakikiusap ako na pahintulutan ninyo akong umalis, at ilibing ko ang aking ama, at muli akong babalik.”
6 Sinabi ng Faraon, “Umalis ka, at ilibing mo ang iyong ama, ayon sa kanyang ipinasumpa sa iyo.”
7 Kaya't umalis si Jose upang ilibing ang kanyang ama. Kasama niyang umalis ang lahat ng lingkod ng Faraon, ang mga matatandang pinuno[c] sa kanyang sambahayan, ang lahat ng matatandang pinuno sa lupain ng Ehipto;
8 ang buong sambahayan ni Jose, ang kanyang mga kapatid, at ang sambahayan ng kanyang ama. Tanging ang kanilang mga anak lamang, mga kawan, at bakahan, ang iniwan nila sa lupain ng Goshen.
9 Umahong kasama niya ang mga karwahe at mga nangangabayo. Iyon ay isang napakalaking pangkat.
10 Sila'y nakarating hanggang sa giikan sa Atad na nasa kabilang ibayo ng Jordan; at doo'y tumangis sila nang malakas at napakatindi. Kanyang ipinagluksa ang kanyang ama sa loob ng pitong araw.
11 Nang makita ng mga Cananeo na nakatira sa lupaing iyon ang pagtangis sa giikan sa Atad, ay kanilang sinabi, “Ito'y isang napakalaking panaghoy para sa Ehipcio,” kaya't ang pangalang itinawag dito ay Abel-mizraim,[d] ito ay nasa kabilang ibayo ng Jordan.
12 Ginawa sa kanya ng kanyang mga anak ang ayon sa iniutos sa kanila.
13 Dinala(I) siya ng kanyang mga anak sa lupain ng Canaan, at inilibing siya sa yungib ng Macpela sa parang na binili ni Abraham upang maging libingan, mula kay Efron na Heteo, sa tapat ng Mamre.
14 Pagkatapos niyang mailibing ang kanyang ama, bumalik si Jose sa Ehipto, kasama ang kanyang mga kapatid at ang lahat ng umalis na kasama niya sa paglilibing sa kanyang ama.
Ang Kabutihang Loob ni Jose sa Kanyang mga Kapatid
15 Nang makita ng mga kapatid ni Jose na ang kanilang ama'y patay na, ay kanilang sinabi, “Baka si Jose ay may galit sa atin, at tayo'y tiyak na gantihan sa lahat ng kasamaang ginawa natin sa kanya.”
16 Kaya't ipinasabi nila kay Jose, “Iniutos ng iyong ama bago namatay, na sinasabi,
17 ‘Ganito ang inyong sasabihin kay Jose: Hinihiling ko na ipatawad mo ang pagkakasala ng iyong mga kapatid, at ang kanilang pagkakamali sapagkat sila'y gumawa ng kasamaan sa iyo.’ Hinihiling namin na ipatawad mo ang pagkakasala ng mga lingkod ng Diyos ng iyong ama.” Si Jose ay umiyak nang sila ay magsalita sa kanya.
18 Ang kanyang mga kapatid ay lumapit at nagpatirapa sa harapan niya at kanilang sinabi, “Narito, kami ay iyong mga alipin.”
19 Subalit sinabi ni Jose sa kanila, “Huwag kayong matakot. Sapagkat ako ba ay nasa lugar ng Diyos?
20 Kayo, kayo'y nagnasa ng masama laban sa akin, ngunit inilagay ng Diyos para sa kabutihan, upang mangyari ang gaya sa araw na ito, upang mapanatiling buháy ang napakaraming tao.
21 Kaya't huwag kayo ngayong matakot; pakakainin ko kayo at ang inyong mga anak.” Kanya silang inaliw at nagsalitang may kabaitan sa kanila.
Ang Kamatayan ni Jose
22 Si Jose ay nanirahan sa Ehipto, siya at ang sambahayan ng kanyang ama; at si Jose ay nabuhay ng isandaan at sampung taon.
23 Nakita ni Jose ang mga anak ni Efraim hanggang sa ikatlong salinlahi; gayundin ang mga anak ni Makir na anak ni Manases ay ipinanganak sa mga tuhod ni Jose.
24 At sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Ako'y malapit nang mamatay; ngunit kayo'y tiyak na dadalawin ng Diyos, at dadalhin kayo mula sa lupaing ito hanggang sa lupain na kanyang ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob.”
25 Pagkatapos(J) ay pinanumpa ni Jose ang mga anak ni Israel, na sinasabi, “Kapag dinalaw kayo ng Diyos, dadalhin ninyo ang aking mga buto mula rito.”
26 Kaya't namatay si Jose sa gulang na isandaan at sampung taon; at kanilang inembalsamo siya, at siya'y inilagay sa isang kabaong sa Ehipto.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001