Chronological
Inilarawan ni Job ang Kanyang Kasawian
6 Pagkatapos ay sumagot si Job at sinabi,
2 “O tinimbang sana ang aking pagkayamot,
at lahat ng aking mga sakuna ay inilagay sana sa mga timbangan.
3 Sapagkat kung gayon iyon ay magiging mas mabigat pa kaysa buhangin sa dagat;
kaya't ang aking mga salita ay naging padalus-dalos.
4 Sapagkat ang mga palaso ng Makapangyarihan sa lahat ay nasa akin,
iniinom ng aking espiritu ang kanilang lason;
ang mga kilabot ng Diyos ay nakahanay laban sa akin.
5 Umuungal ba ang mailap na asno kapag mayroon siyang damo?
O inuungalan ba ng baka ang kanyang pagkain?
6 Ang wala bang lasa ay makakain nang walang asin?
O mayroon bang lasa ang puti ng isang itlog?
7 Wala akong ganang hawakan ang mga iyon;
ang mga iyon ay parang nakakapandiring pagkain sa akin.
8 “Makamit ko nawa ang aking kahilingan;
at ipagkaloob nawa ng Diyos ang aking minimithi;
9 na kalugdan nawa ng Diyos na durugin ako;
na ibitaw niya ang kanyang kamay, at putulin ako!
10 Ito nga ang magiging kaaliwan ko;
magsasaya pa ako sa walang tigil na sakit;
sapagkat hindi ko itinakuwil ang mga salita ng Banal.
11 Ano ang aking lakas, upang ako'y maghintay?
At ano ang aking wakas upang ako'y magtiis?
12 Ang lakas ko ba ay lakas ng mga bato,
o ang laman ko ba ay tanso?
13 Sa totoo ay walang tulong sa akin,
at anumang mapagkukunan ay inilayo sa akin.
Ang Daya at Lupit ng Kanyang mga Kaibigan
14 “Siyang nagkakait ng kagandahang-loob sa kanyang kaibigan
ay nagtatakuwil ng takot sa Makapangyarihan sa lahat.
15 Ang aking mga kapatid ay mapandayang tulad sa batis,
na parang daluyan ng mga batis na lumilipas,
16 na madilim dahil sa yelo,
malabo dahil sa natutunaw na niyebe.
17 Sa panahon ng init, sila'y nawawala;
kapag mainit, sila'y nawawala sa kanilang kinalalagyan.
18 Ang mga pangkat ng manlalakbay ay lumilihis sa kanilang daan;
umaakyat sila sa pagkapahamak at namamatay.
19 Tumitingin ang mga pulutong ng manlalakbay mula sa Tema,
umaasa ang mga manlalakbay mula sa Sheba.
20 Sila'y nabigo, sapagkat sila'y nagtiwala;
sila'y pumaroon at sila'y nalito.
21 Naging ganyan kayo ngayon sa akin,
nakikita ninyo ang aking kasawian at kayo'y natatakot.
22 Sinabi ko ba: ‘Bigyan ninyo ako ng kaloob?’
O, ‘Mula sa inyong yaman ay handugan ninyo ako ng suhol?’
23 O, ‘Iligtas ninyo ako mula sa kamay ng kaaway?’
O, ‘Tubusin ninyo ako mula sa kamay ng mga manlulupig?’
24 “Turuan ninyo ako, at ako'y tatahimik;
ipaunawa ninyo sa akin kung paano ako nagkamali.
25 Napakatindi ng mga tapat na salita!
Ngunit ang inyong saway, ano bang sinasaway?
26 Sa akala ba ninyo ay masasaway ninyo ang mga salita,
gayong ang mga salita ng taong sawi ay hangin?
27 Magpapalabunutan nga kayo para sa ulila,
at magtatawaran para sa inyong kaibigan.
28 “Subalit ngayon, tumingin kayo sa akin na may kaluguran,
sapagkat hindi ako magsisinungaling sa inyong harapan.
29 Bumalik kayo, isinasamo ko sa inyo, huwag magkaroon ng kamalian.
Oo, kayo'y magsibalik, nakataya rito ang aking katuwiran.
30 May masama ba sa aking dila?
Hindi ba nakakabatid ng kasawian ang aking panlasa?
Nagreklamo si Job sa Diyos
7 “Wala bang mahirap na paglilingkod ang tao sa ibabaw ng lupa?
At hindi ba ang kanyang mga araw ay gaya ng mga araw ng isang taong upahan?
2 Gaya ng alipin na naghahangad ng lilim,
at gaya ng upahang manggagawa na sa kanyang sahod ay tumitingin,
3 gayon ako pinaglaanan ng mga buwan na walang kabuluhan,
at itinakda sa akin ang mga gabi ng kalungkutan.
4 Kapag ako'y nahihiga, aking sinasabi, ‘Kailan ako babangon?’
Ngunit mahaba ang gabi,
at ako'y pabali-baligtad hanggang sa pagbubukang-liwayway.
5 Ang aking laman ay nadaramtan ng mga uod at ng libag;
tumitigas ang aking balat, pagkatapos ay namumutok.
6 Ang aking mga araw ay matulin kaysa panghabi ng manghahabi,
at nagwawakas na walang pag-asa.
7 “Alalahanin mo na ang aking buhay ay isang hininga;
hindi na muling makakakita ng mabuti ang aking mata.
8 Ang mata niyang nakatingin sa akin ay hindi na ako muling makikita;
habang ang iyong mga mata ay nakatuon sa akin, ako ay maglalaho.
9 Kung paanong ang ulap ay napapawi at nawawala,
gayon hindi na aahon pa ang taong sa Sheol ay bumababa.
10 Hindi na siya babalik pa sa kanyang bahay,
ni hindi na siya makikilala ng kanyang lugar.
11 “Kaya't hindi ko pipigilan ang aking bibig;
ako'y magsasalita sa kadalamhatian ng aking espiritu;
ako'y dadaing sa kapaitan ng aking kaluluwa.
12 Ako ba'y dagat, o dambuhala sa dagat,
upang maglagay ka ng bantay sa akin?
13 Kapag sinasabi ko, ‘Aaliwin ako ng aking tulugan,
pagagaanin ng aking higaan ang aking pagdaramdam.’
14 Kung magkagayo'y tinatakot mo ako ng mga panaginip,
at sinisindak ako ng mga pangitain,
15 anupa't pinipili ng aking kaluluwa ang pagkabigti
at ang kamatayan kaysa aking mga buto.
16 Kinasusuklaman ko ang aking buhay; ayaw kong mabuhay magpakailanman.
Hayaan mo akong mag-isa, sapagkat ang aking mga araw ay parang isang hininga.
17 Ano(A) ang tao, na itinuturing mong dakila,
at iyong itinutuon ang iyong isip sa kanya,
18 at iyong dinadalaw siya tuwing umaga,
at sinusubok siya sa tuwi-tuwina?
19 Gaano katagal mo akong hindi titingnan
ni babayaan akong nag-iisa hanggang sa malunok ko ang aking laway?
20 Kung ako'y nagkasala, ano ang aking magagawa sa iyo, O ikaw na bantay sa mga tao?
Bakit ginawa mo akong iyong tudlaan?
Bakit ako'y naging iyong pasan?
21 At bakit hindi mo ipinatatawad ang aking pagsalangsang,
at inaalis ang aking kasamaan?
Sapagkat ngayo'y mahihiga ako sa alabok;
ako'y hahanapin mo ngunit ako'y hindi matatagpuan.”
Ang Unang Pagsasalita ni Bildad
8 Pagkatapos ay sumagot si Bildad na Suhita, at sinabi,
2 “Hanggang kailan mo sasabihin ang mga bagay na ito,
at ang mga salita ng iyong bibig na gaya ng malakas na hangin?
3 Binabaluktot ba ng Diyos ang katarungan?
O nililiko ba ng Makapangyarihan sa lahat ang matuwid?
4 Kung ang iyong mga anak ay nagkasala laban sa kanya,
sa kapangyarihan ng kanilang pagsalangsang ay kanyang ibinigay sila.
5 Kung hahanapin mo ang Diyos,
at dadaing ka sa Makapangyarihan sa lahat;
6 kung ikaw ay dalisay at matuwid;
tiyak na gigising siya dahil sa iyo,
at ibabalik ka sa iyong matuwid na tirahan.
7 At bagaman maliit ang iyong pasimula,
ang iyong huling wakas ay magiging napakadakila.
8 “Sapagkat magsiyasat ka sa mga nagdaang panahon, hinihiling ko sa iyo,
at isaalang-alang mo ang natuklasan ng mga ninuno;
9 sapagkat tayo'y sa kahapon lamang, at walang nalalaman,
sapagkat ang ating mga araw sa lupa ay isang anino.
10 Hindi ka ba nila tuturuan, at sasabihin sa iyo,
at bibigkas ng mga salita mula sa kanilang pang-unawa?
11 “Lalago ba ang yantok kung walang latian?
Tutubo ba ang tambo kung walang tubig?
12 Habang namumukadkad pa at hindi pa pinuputol,
una silang nalalanta kaysa alinmang halaman.
13 Gayon ang mga landas ng lahat ng lumilimot sa Diyos;
ang pag-asa ng masamang tao ay maglalaho.
14 Ang kanyang pagtitiwala ay masisira,
at sapot ng gagamba ang kanyang tiwala.
15 Siya'y sasandal sa kanyang bahay, ngunit ito'y hindi tatayo;
siya'y hahawak dito, ngunit hindi ito magtatagal.
16 Siya'y nananariwa sa harap ng araw,
at ang kanyang mga suwi ay sumisibol sa kanyang halamanan.
17 Ang kanyang mga ugat ay kumapit sa palibot ng bunton,
kanyang minamasdan ang dako ng mga bato.
18 Kung siya'y nawasak sa kanyang kinalalagyan,
kung magkagayo'y ikakaila siya nito, na sinasabi: ‘Hindi kita kailanman nakita.’
19 Tingnan mo, ito ang kagalakan ng landas niya;
at mula sa lupa ay sisibol ang iba.
20 “Tingnan mo, hindi itatakuwil ng Diyos ang taong walang kapintasan,
ni aalalayan man ang kamay ng mga gumagawa ng kasamaan.
21 Kanya namang pupunuin ng pagtawa ang iyong bibig,
at ang iyong mga labi ng pagsigaw.
22 Silang napopoot sa iyo ay mabibihisan ng kahihiyan,
at ang tolda ng masama ay mapaparam.”
Ang Ikatlong Pagsasalita ni Job
9 Pagkatapos ay sumagot si Job, at sinabi,
2 “Sa(B) katotohanan ay alam kong gayon nga:
Ngunit paano magiging matuwid ang isang tao sa harapan ng Diyos?
3 Kung naisin ng isang tao na sa kanya ay makipagtalo,
siya'y hindi makakasagot sa kanya ni minsan sa isang libo.
4 Siya ay pantas sa puso, at malakas sa kapangyarihan:
Sinong nagmatigas laban sa kanya at nagtagumpay?
5 Na siyang naglilipat ng mga bundok, at hindi nila nababatid,
nang kanyang itaob sila sa kanyang pagkagalit;
6 na siyang umuuga ng lupa mula sa kanyang kinaroroonan,
at ang mga haligi nito ay nanginginig;
7 na siyang nag-uutos sa araw at ito'y hindi sumisikat,
na siyang nagtatakip sa mga bituin;
8 na nag-iisang nagladlad ng kalangitan,
at ang mga alon ng dagat ay tinapakan;
9 na(C) siyang gumawa sa Oso at Orion,
at sa Pleyades, at sa mga silid ng timog;
10 na gumagawa ng mga dakilang bagay na di maunawaan,
at mga kamanghamanghang bagay na di mabilang.
11 Siya'y dumaraan sa tabi ko, at hindi ko siya nakikita.
Siya'y nagpapatuloy ngunit hindi ko siya namamalayan.
12 Siya'y nang-aagaw, sinong makakahadlang sa kanya?
Sinong magsasabi sa kanya, ‘Anong ginagawa mo?’
13 “Hindi iuurong ng Diyos ang kanyang galit;
ang mga katulong ng Rahab[a] ay nakayukod sa ilalim niya.
14 Paano ko ngang masasagot siya,
at mapipili ang aking mga salita laban sa kanya?
15 Bagaman ako'y walang sala, hindi ako makakasagot sa kanya;
kailangang ako'y magmakaawa sa aking hukom.
16 Kung siya'y ipatawag ko at siya'y sumagot sa akin;
gayunma'y hindi ako maniniwala na kanyang dininig ang aking tinig.
17 Sapagkat ako'y dinudurog niya sa pamamagitan ng isang bagyo,
at pinararami ang aking mga sugat nang walang kadahilanan.
18 Hindi niya ako tutulutang makahinga,
sa halip ay pinupuno niya ako ng kapaitan.
19 Kung ito'y tagisan ng lakas, siya ang malakas!
At kung tungkol sa katarungan, sino ang magpapatawag sa kanya?
20 Bagaman ako'y walang sala, hahatulan ako ng sarili kong bibig;
bagaman ako'y walang dungis, patutunayan niya akong masama.
21 Ako'y walang dungis, hindi ko pinapansin ang sarili ko,
kinasusuklaman ko ang buhay ko.
22 Ang lahat ay iisa; kaya't aking sinasabi,
kapwa niya pinupuksa ang masama at ang mabuti.
23 Kapag ang sakuna ay nagdadala ng biglang kamatayan,
tinutuya niya ang kapahamakang dumating sa walang kasalanan.
24 Ang lupa ay ibinigay sa kamay ng masama,
kanyang tinatakpan ang mga mukha ng mga hukom nito;
kung hindi siya iyon, kung gayo'y sino?
25 “Ang mga araw ko ay mas matulin kaysa isang mananakbo,
sila'y tumatakbong palayo, wala silang nakikitang mabuti.
26 Sila'y dumaraang parang matutuling bangkang tambo,
parang agilang dumadagit sa biktima.
27 Kung aking sabihin, ‘Kalilimutan ko ang aking daing,
papawiin ko ang aking malungkot na mukha, at magpapakasaya ako.’
28 Ako'y natatakot sa lahat kong paghihirap,
sapagkat alam kong hindi mo ako ituturing na walang sala.
29 Ako'y mahahatulan;
bakit pa ako magpapakapagod nang walang kabuluhan?
30 Kung ako'y maligo sa niyebe,
at hugasan ko ang aking mga kamay sa lihiya,
31 gayunma'y itutulak mo ako sa hukay,
at kamumuhian ako ng mga sarili kong kasuotan.
32 Sapagkat siya'y hindi tao, na gaya ko, na masasagot ko siya,
na kami'y magkasamang haharap sa paglilitis.
33 Walang hukom sa pagitan namin,
na magpapatong ng kanyang kamay sa aming dalawa.
34 Ilayo nawa niya sa akin ang kanyang tungkod,
at huwag nawa akong sindakin ng kanyang bagsik.
35 Saka ako magsasalita nang walang takot tungkol sa kanya,
sapagkat hindi ako gayon sa aking sarili.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001