Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mateo 26:57 - Marcos 9:13

Si Jesus sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio(A)

57 Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kanya sa bahay ni Caifas, ang pinakapunong pari; doon nagkakatipon ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga pinuno ng bayan. 58 Sumunod si Pedro, ngunit hindi gaanong lumalapit. Pagdating sa tahanan ng pinakapunong pari, pumasok siya sa bakuran at naupo sa patyo kasama ng mga bantay. Nais niyang makita kung ano ang mangyayari.

59 Samantala, ang mga punong pari at ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio ay naghahanap ng maling paratang laban kay Jesus upang siya'y maipapatay, 60 ngunit wala silang nakita kahit na maraming humarap na sinungaling na saksi laban sa kanya. Sa wakas, may dalawang humarap 61 at(B) nagsabi, “Sinabi ng taong ito na kaya daw niyang gibain ang Templo ng Diyos at muli itong itayo sa loob ng tatlong araw.”

62 Tumayo ang pinakapunong pari at sinabi kay Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang na ito laban sa iyo?” 63 Ngunit hindi umimik si Jesus. Kaya't sinabi sa kanya ng pinakapunong pari, “Iniuutos ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.”

64 Sumagot(C) si Jesus, “Kayo na ang nagsabi. At sinasabi ko sa inyo, di na magtatagal at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos at dumarating na nasa alapaap!”

65 Pagkarinig(D) nito, pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang damit at sinabi, “Nilapastangan niya ang Diyos! Hindi na natin kailangan ng mga saksi. Narinig ninyo ngayon ang kanyang paglapastangan! 66 Ano ang pasya ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay!”

67 Dinuraan(E) nila si Jesus sa mukha at pinagsusuntok. Pinagsasampal naman siya ng iba, 68 at kinutya, “Hoy, Cristo, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!”

Ikinaila ni Pedro si Jesus(F)

69 Samantala, si Pedro ay nakaupo noon sa patyo. Nilapitan siya ng isang utusang babae at sinabi sa kanya, “Kasamahan ka rin ni Jesus na taga-Galilea, hindi ba?”

70 Ngunit nagkaila si Pedro sa harap ng lahat. “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo,” sagot niya.

71 Pumunta siya sa may pintuan at nakita siya ng isa pang utusang babae. Sinabi nito sa mga naroon, “Ang taong ito'y kasamahan ni Jesus na taga-Nazaret.”

72 Muling nagkaila si Pedro, “Isinusumpa ko, hindi ko kakilala ang taong iyon!”

73 Makalipas ang ilang sandali, lumapit kay Pedro ang mga naroon. Sabi nila, “Isa ka nga sa mga tauhan niya. Nahahalata ka sa punto ng iyong pagsasalita.”

74 Sumagot si Pedro, “Parusahan nawa ako ng Diyos kung nagsisinungaling ako! Hindi ko kilala ang taong iyan.” Pagkasabing-pagkasabi nito, tumilaok ang manok. 75 Naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.” Lumabas siya at tumangis nang buong kapaitan.

Dinala si Jesus kay Pilato(G)

27 Kinaumagahan, nagpulong ang mga punong pari at mga pinuno ng bayan[a] kung paano nilang maipapapatay si Jesus. Siya'y kanilang iginapos at dinala kay Pilato na gobernador.

Ang Pagkamatay ni Judas(H)

Nang(I) malaman ng taksil na si Judas na si Jesus ay nahatulang mamatay, nagsisi siya at isinauli sa mga punong pari at mga pinuno ng bayan ang tatlumpung pirasong pilak. Sinabi niya, “Nagkasala ako! Ipinagkanulo ko ang dugo ng taong walang kasalanan.”

“Ano ang pakialam namin sa iyo? Bahala ka sa buhay mo!” sagot nila.

Inihagis ni Judas sa loob ng Templo ang tatlumpung pirasong pilak, at pagkaalis doon, siya'y nagbigti.

Pinulot ng mga punong pari ang mga pirasong pilak. Sinabi nila, “Labag sa Kautusan na ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng Templo sapagkat bayad ito sa buhay ng isang tao.” Nagkaisa sila na ang salaping iyon ay ibili ng bukid ng isang magpapalayok, upang gawing libingan ng mga dayuhan. Mula noon hanggang ngayon, ang bukid na iyon ay tinatawag na “Bukid ng Dugo.”

Sa(J) gayon, natupad ang sinabi ni propeta Jeremias: “Kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halagang katumbas niya ayon sa mga Israelita, 10 at ginamit ito upang bilhin ang bukid ng isang magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.”

Si Jesus sa Harap ni Pilato(K)

11 Iniharap si Jesus sa gobernador at siya'y tinanong nito, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?”

Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang may sabi.” 12 Ngunit nang paratangan siya ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan, hindi siya umimik.

13 Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba naririnig ang marami nilang paratang laban sa iyo?” 14 Ngunit hindi pa rin siya umimik kaya't labis na nagtaka ang gobernador.

Hinatulang Mamatay si Jesus(L)

15 Nakaugalian na ng gobernador na tuwing Paskwa ay magpalaya ng isang bilanggo na hinihiling ng taong-bayan. 16 Noon ay may isang kilalang bilanggo na kilala sa kasamaan na ang pangalan ay [Jesus] Barabbas.[b] 17 Nang magkatipon ang mga tao ay tinanong sila ni Pilato, “Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Jesus Barabbas, o si Jesus na tinatawag na ‘Cristo’?” 18 Alam ni Pilato na naiinggit lamang sila kaya nila isinakdal si Jesus.

19 Bukod dito, nang si Pilato ay nakaupo sa hukuman, nagpasabi ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa usapin ng taong iyan. Wala siyang kasalanan. Labis akong nahirapan dahil sa aking panaginip kagabi tungkol sa kanya.”

20 Ang mga tao nama'y hinikayat ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan[c] na hilingin kay Pilato na si Barabbas ang palayain at si Jesus ay ipapatay. 21 Muli silang tinanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko?”

“Si Barabbas!” sigaw ng mga tao.

22 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Jesus, na tinatawag na Cristo?”

At sumagot ang lahat, “Ipako siya sa krus!”

23 “Bakit? Ano ang nagawa niyang masama?” tanong ni Pilato.

Ngunit lalo pang lumakas ang kanilang sigawan, “Ipako siya sa krus!”

24 Nang(M) makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pa'y magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa dugo[d] ng taong ito. Ito'y pananagutan ninyo!” sabi niya.

25 Sumagot naman ang mga tao, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang dugo[e] niya.”

26 Pinalaya nga ni Pilato si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus. Pagkatapos, ibinigay siya sa kanila upang ipako sa krus.

Hinamak ng mga Kawal si Jesus(N)

27 Si Jesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa palasyo nito,

at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. 28 Siya'y hinubaran nila at sinuotan ng isang balabal na matingkad na pula. 29 Kumuha sila ng matitinik na baging, ginawa itong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pinahawak sa kanyang kanang kamay ang isang tangkay ng tambo. Siya'y niluhud-luhuran nila at kinutya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30 Siya'y pinagduduraan pa nila. Kinuha nila ang tambo at ito'y inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos kutyain, hinubad nila ang balabal at muling sinuotan ng sarili niyang damit. Pagkatapos, inilabas siya upang ipako sa krus.

Ipinako sa Krus si Jesus(O)

32 Paglabas ng lungsod, nakita ng mga sundalo si Simon na taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 33 Dumating sila sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang kahulugan ay “Pook ng Bungo.” 34 Binigyan(P) nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman niya iyon ay hindi niya ininom.

35 Nang(Q) maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian ng mga kawal ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan, 36 naupo sila at siya'y binantayan. 37 Inilagay nila sa kanyang ulunan ang paratang laban sa kanya na may nakasulat na ganito, “Ito'y si Jesus na Hari ng mga Judio.” 38 At may dalawang magnanakaw na ipinako rin sa krus, isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa.

39 Kinukutya(R) siya ng mga nagdaraan. Pailing-iling nilang 40 sinasabi,(S) “Di ba't ikaw ang gigiba ng Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumabâ ka sa krus!”

41 Kinutya rin siya ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan.[f] Sinabi nila, 42 “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya mailigtas ang sarili! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumabâ lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya! 43 Nananalig(T) siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Tingnan natin kung ililigtas siya ng Diyos!”

44 Nilait din siya ng mga magnanakaw na ipinakong kasama niya.

Ang Pagkamatay ni Jesus(U)

45 Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. 46 Nang(V) mag-aalas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eli, Eli, lema sabachthani?” na ang ibig sabihi'y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

47 Ito'y narinig ng ilan sa mga nakatayo roon kaya't sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” 48 May(W) isang tumakbo kaagad at kumuha ng espongha, binasâ ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus.

49 Sinabi naman ng iba, “Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!”

50 Muling sumigaw si Jesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga.

51 Biglang(X) nahati ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa at nabiyak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan at muling nabuhay ang maraming banal na namatay. 53 Lumabas sila ng libingan, at pagkatapos na muling mabuhay si Jesus, sila'y pumasok sa banal na lungsod at doo'y marami ang nakakita sa kanila.

54 Nasindak ang opisyal at ang mga kawal na nagbabantay kay Jesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. Sabi nila, “Tunay na siya'y Anak ng Diyos!”

55 Naroon(Y) din ang maraming mga babaing nakatanaw mula sa malayo. Sila'y sumunod kay Jesus mula pa sa Galilea, at naglingkod sa kanya. 56 Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at ni Jose, at ang asawa ni Zebedeo.

Ang Paglilibing kay Jesus(Z)

57 Pagsapit ng dilim, dumating si Jose, isang mayamang taga-Arimatea na tagasunod din ni Jesus. 58 Hiningi niya kay Pilato ang bangkay ni Jesus, kaya't iniutos ni Pilato na ibigay ito kay Jose. 59 Nang makuha na ang bangkay, binalutan niya ito ng malinis na tela ng lino. 60 Inilagay niya ito sa kanyang bagong libingan na ipinauka niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan ang isang malaking batong panakip, at saka umalis. 61 Naroon sina Maria Magdalena at ang isa pang Maria na nakaupo sa tapat ng libingan.

Ang mga Bantay sa Libingan

62 Kinabukasan, pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, sama-samang nagpunta kay Pilato ang mga punong pari at ang mga Pariseo. 63 Sinabi(AA) nila, “Naalala po namin na sinabi ng mapagpanggap na iyon noong siya'y nabubuhay pa, na siya'y muling mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw. 64 Kaya pabantayan po sana ninyong mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw. Baka pumunta doon ang kanyang mga alagad at kunin ang bangkay at pagkatapos ay ipamalitang siya'y muling nabuhay. Ang pandarayang ito ay magiging masahol pa kaysa una.”

65 Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kumuha kayo ng mga kawal at pabantayan ninyong mabuti ang libingan.”

66 Kaya pumunta nga sila roon at tiniyak na hindi mabubuksan ang libingan, nilagyan ng tatak ang batong panakip sa libingan, at pinabantayan ito sa kawal.

Muling Nabuhay si Jesus(AB)

28 Makaraan ang Araw ng Pamamahinga, sa pagbubukang-liwayway nang unang araw ng linggo, pumunta si Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa libingan ni Jesus upang tingnan ito. Biglang lumindol nang malakas sapagkat bumabâ mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon. Iginulong nito ang batong nakatakip sa libingan at umupo sa ibabaw niyon. Ang kanyang mukha ay nakakasilaw na parang kidlat at puting-puti ang kanyang damit. Nanginig sa takot ang mga bantay nang makita ang anghel, at sila'y nabuwal na parang mga patay.

Ngunit sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito sapagkat siya'y muling nabuhay gaya ng kanyang sinabi. Halikayo't tingnan ninyo ang hinimlayan niya. Magmadali kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay! Mauuna na siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Iyan ang balitang hatid ko sa inyo.”

At dali-dali nga silang umalis sa libingan na may magkahalong takot at galak, at patakbong pumunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari.

Ngunit sinalubong sila ni Jesus at binati. Lumapit sila sa kanya, hinawakan ang kanyang mga paa at sinamba siya. 10 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong matakot. Humayo kayo't sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon.”

Ang Ulat ng mga Bantay

11 Pagkaalis ng mga babae, pumunta sa lungsod ang ilan sa mga kawal na nagbabantay sa libingan at isinalaysay sa mga punong pari ang buong pangyayari. 12 Nakipagpulong naman ang mga punong pari sa mga pinuno ng bayan at nagkasundo silang suhulan nang malaki ang mga kawal. 13 At ang mga ito ay inutusan nilang ganito ang ipamalita, “Habang natutulog kami kagabi, dumating ang mga alagad ni Jesus at ninakaw ang kanyang bangkay.”

14 Sinabi pa nila, “Huwag kayong mag-alala kung makarating man ito sa gobernador. Kami ang bahala sa inyo.”

15 Tinanggap ng mga bantay ang suhol, at ganoon nga ang kanilang ginawa. Kaya magpahanggang ngayon ito pa rin ang ipinamamalita sa mga Judio.

Isinugo ni Jesus ang Kanyang mga Alagad(AC)

16 Pumunta(AD) ang labing-isang alagad sa Galilea, sa bundok na sinabi sa kanila ni Jesus. 17 Nang makita nila si Jesus, siya'y sinamba nila, subalit may ilan sa kanilang nag-alinlangan. 18 Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Kaya't(AE) humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. 20 Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.”

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(AF)

Ito ang simula ng Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo, [ang Anak ng Diyos].[g] Tulad(AG) ng nakasulat sa aklat ni propeta Isaias,

“Narito ang sugo ko na aking ipadadalang mauuna sa iyo;
    ihahanda niya ang iyong daraanan.
Ito(AH) ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
    ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
    gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’”

At dumating nga sa ilang si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral,[h] “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at pabautismo kayo, upang kayo'y patawarin ng Diyos.” Halos lahat ng taga-Judea at taga-Jerusalem ay pumunta kay Juan. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.

Ang(AI) damit ni Juan ay yari sa balahibo ng kamelyo, at balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. Ito ang ipinapahayag niya sa mga tao, “Ang darating na kasunod ko ay higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalas man lamang ng tali ng kanyang sandalyas.[i] Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Espiritu Santo.”

Ang Pagbautismo kay Jesus(AJ)

Nang panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret sa Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Ilog Jordan. 10 Pagkaahung-pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang kalangitan at bumababa sa kanya ang Espiritu na tulad ng isang kalapati. 11 Narinig(AK) niya ang isang tinig na mula sa langit at nagsasabing, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Ang Pagtukso kay Jesus(AL)

12 Pagkatapos, dinala agad ng Espiritu si Jesus sa ilang. 13 Nanatili siya roon nang apatnapung araw, at doo'y tinukso siya ni Satanas.[j] Doon ay may mababangis na hayop ngunit si Jesus ay pinaglingkuran ng mga anghel.

Ang Simula ng Pangangaral sa Galilea(AM)

14 Nang ibinilanggo si Juan, nagpunta si Jesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. 15 Sinabi(AN) niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos![k] Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan ninyo ang Magandang Balita!”

Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda(AO)

16 Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila'y kapwa mga mangingisda. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mangingisda ng mga tao.” 18 Pagkasabi niya nito'y agad iniwan ng magkapatid ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

19 Nagpatuloy siya sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang magkapatid na Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa kanilang bangka at nag-aayos ng mga lambat. 20 Tinawag din sila agad ni Jesus at sila ay sumunod din sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama na kasama ang kanilang mga upahang manggagawa.

Pinagaling ang Sinasapian ng Masamang Espiritu(AP)

21 Nagpunta sina Jesus sa Capernaum, at nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. 22 Namangha(AQ) ang mga tao sapagkat nagtuturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.

23 Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ito'y sumigaw, 24 “Ano ang pakay mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita! Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”

25 Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!”

26 Pinangisay ng masamang espiritu ang lalaki at sumisigaw itong lumabas sa kanya. 27 Ang lahat ay namangha kaya't sila'y nagtanungan sa isa't isa, “Paanong nangyari iyon? Ito ay isang kakaibang katuruan! Makapangyarihan niyang nauutusan ang masasamang espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya.”

28 Dahil dito, mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.

Ang Pagpapagaling sa Maraming Tao(AR)

29 Mula sa sinagoga ay nagtungo agad si Jesus at ang kanyang mga alagad, kasama sina Santiago at Juan, sa bahay nina Simon at Andres. 30 Noon ay nakahiga dahil nilalagnat ang biyenan ni Simon at ito'y agad nilang sinabi kay Jesus. 31 Kaya't nilapitan ni Jesus ang babae, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Noon di'y gumaling ito at naghanda ng pagkain para sa kanila.

32 Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, dinala kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasapian ng demonyo. 33 Halos lahat ng mga tagaroon ay nagkatipon sa harap ng bahay. 34 Pinagaling ni Jesus ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Pinalayas din niya ang mga demonyo, at hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito sapagkat alam nila kung sino siya.

Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea(AS)

35 Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagpunta sa isang lugar na walang tao at doon ay nanalangin siya. 36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito, at 37 nang matagpuan siya ay sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng mga tao.”

38 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kailangang pumunta rin tayo sa mga karatig-bayan upang makapangaral ako roon. Ito ang dahilan ng pagparito ko.”[l]

39 Nilibot(AT) nga ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(AU)

40 Isang taong may ketong[m] ang lumapit kay Jesus. [Lumuhod ito][n] at nagmakaawa, “Kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.”

41 Nahabag si Jesus sa ketongin kaya't hinawakan niya ito at sinabi, “Oo, nais ko! Gumaling ka!” 42 Noon di'y nawala ang ketong ng lalaki at siya'y naging malinis. 43 Matapos mapagbilinan, agad siyang pinaalis ni Jesus 44 at(AV) pinagsabihan ng ganito: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay magpunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog para sa Diyos ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw ay magaling at malinis na.”

45 Ngunit pagkaalis ng lalaki ay kanyang ipinamalita ang nangyari sa kanya. Dahil dito, hindi na nakapasok pa ng bayan si Jesus. Nanatili na lamang siya sa mga hindi mataong lugar, subalit pinupuntahan pa rin siya ng mga tao mula sa iba't ibang dako.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(AW)

Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Jesus sa Capernaum at kumalat ang balitang siya'y nasa bahay. Nagkatipon doon ang napakaraming tao, kaya't halos wala nang mapwestuhan kahit sa labas ng pintuan. Habang nangangaral si Jesus, may dumating na apat na taong may dalang isang paralitiko. Hindi nila mailapit ang paralitiko kay Jesus dahil sa dami ng tao, kaya't binakbak nila ang bubong sa tapat niya at ibinabâ ang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus kung gaano kalaki ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo.”

May nakaupo roong ilang tagapagturo ng Kautusan na nag-isip nang ganito: “Bakit siya nagsasalita nang ganoon? Nilalapastangan niya ang Diyos! Hindi ba't ang Diyos lamang ang makakapagpatawad ng kasalanan?”

Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya agad, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinapatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing, ‘Tumayo ka, bitbitin mo ang iyong higaan at lumakad ka’? 10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan…” sinabi niya sa paralitiko, 11 “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!”

12 Tumayo nga ang paralitiko habang nakatingin ang lahat. Kaagad niyang binuhat ang kanyang higaan at umalis, kaya ang lahat ng naroroon ay namangha. Sila ay nagpuri sa Diyos at sinabi nila, “Kailanma'y hindi pa kami nakakita ng ganito!”

Ang Pagtawag kay Levi(AX)

13 Muling pumunta si Jesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea. Sinundan siya roon ng napakaraming tao at sila'y kanyang tinuruan. 14 Habang naglalakad si Jesus ay nakita niyang nakaupo sa tanggapan ng buwis si Levi na anak ni Alfeo. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Levi at sumunod nga sa kanya.

15 Nang si Jesus at ang kanyang mga alagad ay kumakain sa bahay ni Levi, kasalo nilang kumakain ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanang sumunod sa kanya. 16 Nang makita ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na kabilang sa pangkat ng mga Pariseo,[o] tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit siya kumakaing kasama ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?”

17 Narinig ito ni Jesus kaya't siya ang sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.”

Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(AY)

18 Minsan, nag-aayuno ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at ang mga Pariseo. May lumapit kay Jesus at nagtanong, “Bakit po hindi nag-aayuno ang inyong mga alagad, samantalang ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at ang mga Pariseo ay nag-aayuno?”

19 Sumagot si Jesus, “Dapat bang mag-ayuno ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Hindi! Hangga't kasama nila ito, hindi nila gagawin iyon. 20 Ngunit darating ang araw na kukunin mula sa kanila ang lalaking ikinasal, at saka sila mag-aayuno.

21 “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang damit sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak ang tinagpian at lalong lalaki ang punit. 22 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat sapagkat papuputukin lamang ng alak ang sisidlang-balat, at kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. [Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa bagong sisidlang-balat!]”[p]

Katanungan tungkol sa Araw ng Pamamahinga(AZ)

23 Isang(BA)(BB) Araw ng Pamamahinga, naparaan si Jesus at ang kanyang mga alagad sa triguhan. Habang sila'y naglalakad, ang mga alagad ay pumipitas ng trigo. 24 Sinabi ng mga Pariseo kay Jesus, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!”

25-26 Sinagot(BC) naman sila ni Jesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong panahong si Abiatar ang pinakapunong pari? Nang si David at ang kanyang mga kasama'y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog sa Diyos. Binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan. Ayon sa Kautusan, ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon.”

27 Sinabi rin ni Jesus, “Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. 28 Ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Araw ng Pamamahinga.”

Pinagaling ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(BD)

Muling pumasok si Jesus sa sinagoga. Naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado ang isang kamay. Pinagmasdan ng ilang taong naroroon kung pagagalingin ni Jesus ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya. Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito!” Pagkatapos, tinanong naman niya ang mga tao, “Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?”

Ngunit hindi sila sumagot. Tiningnan ni Jesus ang mga taong nakapaligid sa kanya. Nagalit siya at nalungkot dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. Pagkatapos, sinabi niya sa maysakit, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling. Umalis ang mga Pariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes upang maipapatay si Jesus.

Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa

Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at sila'y nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya roon ng napakaraming taong buhat sa Galilea, sa Judea, sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Sumunod sila kay Jesus dahil nabalitaan nila ang lahat ng ginagawa niya. Dahil(BE) napakarami ng mga tao, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maghanda ng isang bangkang masasakyan niya upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. 10 Sapagkat marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit upang mahawakan man lamang siya. 11 Bawat taong sinasapian ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” 12 Ngunit mahigpit na inutusan ni Jesus ang masasamang espiritu na huwag ipagsabi kung sino siya.

Ang Pagpili ni Jesus sa Labindalawang Apostol(BF)

13 Pagkatapos nito, umakyat si Jesus sa bundok at tinawag ang mga taong pinili niya, at lumapit sila sa kanya. 14 Pumili siya ng labindalawa [na tinawag niyang mga apostol].[q] Hinirang niya ang mga ito upang makasama niya at isugo upang mangaral. 15 Sila ay binigyan din niya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. 16 [Ito ang labindalawang hinirang niya:][r] si Simon, na pinangalanan niyang Pedro; 17 ang magkapatid na sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo (sila'y tinawag niyang Boanerges, na ang kahulugan ay “mga anak ng kulog”); 18 sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Makabayan, 19 at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo kay Jesus.

Si Jesus at si Beelzebul(BG)

20 Pag-uwi ni Jesus, muling nagkatipon doon ang napakaraming tao kaya't hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong kumain pa. 21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kamag-anak, pumunta sila roon upang kunin siya dahil maraming nagsasabi na siya'y nasisiraan ng bait.

22 Sinasabi(BH) naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasapian siya ni Beelzebul. Nakapagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo!”

23 Dahil dito, pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila ang ilang talinghaga. Sabi niya, “Paanong mapapalayas ni Satanas ang kanyang sarili? 24 Kapag naglaban-laban ang mga mamamayan ng isang kaharian, mawawasak ang kahariang iyon. 25 Kapag naglaban-laban ang mga kaanib ng isang sambahayan, magkakawatak-watak ang sambahayang iyon. 26 Gayundin naman, kapag kinalaban ni Satanas ang kanyang sarili at nagkabaha-bahagi ang kanyang mga kampon, hindi siya magtatagal at iyon na ang kanyang magiging wakas.

27 “Hindi maaaring pasukin at pagnakawan ang bahay ng isang taong malakas, malibang gapusin muna siya. Kapag siya'y nakagapos na, saka pa lamang mapagnanakawan ang kanyang bahay. 28 Tandaan ninyo ito: maaaring patawarin ang tao sa lahat ng kanyang kasalanan at paglapastangan, 29 ngunit(BI) ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran, sapagkat siya ay nagkasala ng walang hanggang kasalanan.” 30 Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinasabi ng mga tao na siya'y sinasapian ng masamang espiritu.

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(BJ)

31 Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Tumayo sila sa labas ng bahay at ipinatawag siya. 32 Nang oras na iyon ay maraming taong nakaupo sa palibot ni Jesus. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po at naghihintay ang inyong ina at mga kapatid na lalaki [at mga kapatid na babae].[s]

33 “Sino ang aking ina at mga kapatid?” tanong naman ni Jesus. 34 Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid! 35 Sapagkat ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ang aking mga kapatid at aking ina.”

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(BK)

Muling(BL) nagturo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. At dahil nagkatipon sa paligid niya ang napakaraming tao, siya'y sumakay at umupo sa isang bangkang nasa tubig. Nanatili naman ang mga tao sa dalampasigan, at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ganito ang sinabi niya: “Makinig kayo! May isang magsasakang lumabas upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May mga binhi namang nalaglag sa batuhan. Bagama't kaunti lamang ang lupa roon, agad sumibol ang mga binhing iyon. Ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa'y hindi ito masyadong nag-ugat. May mga binhi namang nalaglag sa may damuhang matinik; nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo, kaya't hindi nakapamunga ang mga binhi. At may mga binhi namang nalaglag sa matabang lupa. Ang mga ito ay tumubo, lumago, at namunga nang marami, may tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisandaan.” Sinabi pa ni Jesus, “Makinig ang may pandinig.”

Ang Layunin ng Talinghaga(BM)

10 Nang nag-iisa na si Jesus, ang ilan sa mga nakikinig ay lumapit sa kanya kasama ang Labindalawa. Hiniling nilang ipaliwanag niya ang talinghaga. 11 Sinabi niya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba na nasa labas, ang lahat ng bagay ay itinuturo sa pamamagitan ng talinghaga. 12 Nang(BN) sa gayon,

‘Tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakakita,
at makinig man sila nang makinig ay hindi makakaunawa.
Kung hindi sila ganito, nagbalik-loob na sana sila sa Diyos
    at napatawad sila.’”

Paliwanag sa Talinghaga tungkol sa Manghahasik(BO)

13 Pagkatapos, tinanong sila ni Jesus, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang iba pang mga talinghaga? 14 Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhing inihahasik ay ang Salita ng Diyos 15 at ang mga binhi namang nalaglag sa daan ay ang mga taong nakikinig sa Salita ng Diyos. Pagkarinig nila'y dumarating si Satanas at inaalis ang salitang inihasik sa kanila.[t]

16 “Ang katulad ng mga binhing nalaglag sa batuhan ay ang mga taong nakikinig ng Salita ng Diyos at agad na tinatanggap ito nang may galak. 17 Subalit hindi ito tumitimo sa kanila kaya't hindi sila nagtatagal. Pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita ng Diyos, agad silang sumusuko.

18 “Ito naman ang katulad ng mga binhing nalaglag sa may matitinik na halaman. Sila ang mga taong nakikinig ng Salita ng Diyos 19 ngunit dahil sa alalahanin sa buhay na ito, pagkasilaw sa salapi, o kaya'y pagkahumaling sa ibang mga bagay, ang Salita ay nawawalan ng puwang sa kanilang puso kaya't hindi ito nakakapamunga.

20 “Ito naman ang katulad ng mga binhing nalaglag sa matabang lupa. Sila ang mga taong nakikinig at tumatanggap sa Salita ng Diyos at namumunga nang masagana; may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu at may tig-iisandaan.”

Walang Lihim na Hindi Mabubunyag(BP)

21 Nagpatuloy(BQ) si Jesus ng pagsasalita. Sinabi niya, “Sinisindihan ba ang ilawan upang itago sa ilalim ng takalan,[u] o kaya'y sa ilalim ng higaan? Hindi ba't kapag nasindihan na ay inilalagay ito sa talagang patungan ng ilaw? 22 Walang(BR) natatagong di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag. 23 Makinig ang may pandinig!”

24 Idinugtong(BS) pa niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong naririnig.[v] Ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at higit pa roon. 25 Sapagkat(BT) ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.”

Ang Talinghaga ng Binhing Tumutubo

26 Sinabi pa ni Jesus, “Ang kaharian ng Diyos ay maitutulad sa isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid. 27 Natutulog siya kung gabi at bumabangon kung araw. Samantala, ang binhi ay tumutubo at lumalago ngunit hindi alam ng naghasik kung paano. 28 Ang lupa ang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim; usbong muna ang lumilitaw, saka ang tangkay; pagkatapos, nahihitik ito sa butil. 29 Kapag(BU) hinog na ang mga butil, agad itong ginagapas ng taong naghasik sapagkat panahon na para ito'y anihin.”

Ang Talinghaga ng Butil ng Mustasa(BV)

30 “Saan pa natin maihahambing ang kaharian ng Diyos? Anong talinghaga ang gagamitin natin upang mailarawan ito?” tanong ni Jesus. 31 “Ang katulad nito ay butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. 32 Ngunit kapag itinanim, ito'y lumalago at nagiging pinakamalaki sa lahat ng tanim; ito'y nagkakasanga nang mayabong, kaya't ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim nito.”

Ang Paggamit ng mga Talinghaga

33 Ipinangaral ni Jesus sa mga tao ang mensahe sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad ng mga ito, hanggang sa makakaya pa nilang makinig. 34 Tuwing nangangaral siya sa kanila ay gumagamit siya ng talinghaga, ngunit ipinapaliwanag niya ang mga ito sa kanyang mga alagad kapag sila-sila na lamang.

Pinatigil ni Jesus ang Bagyo(BW)

35 Kinagabiha'y sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” 36 Kaya't iniwan nila ang mga tao at sumakay sila sa bangkang sinasakyan ni Jesus upang tumawid ng lawa. May iba pang mga bangkang nakisabay sa kanila. 37 Habang naglalayag, inabot sila ng malakas na bagyo kaya't ang bangkang sinasakyan nila'y hinampas ng malalaking alon at ito'y halos mapuno na ng tubig. 38 Si Jesus ay natutulog noon sa may hulihan ng bangka, nakahilig sa isang unan. Ginising siya ng mga alagad at sinabi, “Guro, balewala ba sa inyo kung mapahamak kami?”

39 Bumangon si Jesus at sinaway ang hangin, “Tigil!” at sinabi sa lawa, “Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang lawa.

40 Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Hanggang ngayon ba'y wala pa rin kayong pananampalataya?”

41 Natakot sila nang labis at namangha. Sabi nila sa isa't isa, “Anong klaseng tao ito? Pati hangin at lawa ay sumusunod sa kanya!”

Ang Pagpapagaling sa Gerasenong Sinasapian ng Masasamang Espiritu(BX)

Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay dumating sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Geraseno.[w] Pagkababa ni Jesus sa bangka, siya'y sinalubong ng isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ang lalaking ito'y nakatira sa mga libingan. Hindi na siya maigapos, kahit tanikala pa ang gamitin. Bagama't madalas siyang gapusin ng tanikala sa kamay at paa, nilalagot lamang niya ang mga ito. Wala nang nakakapigil sa kanya. Araw-gabi'y nagsisisigaw siya sa mga libingan at sa kabundukan, at sinusugatan din niya ng matalas na bato ang kanyang sarili.

Malayo pa'y natanaw na nito si Jesus. Patakbo itong lumapit at lumuhod sa harapan niya. Sumigaw siya nang malakas, “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano'ng pakay mo sa akin? Ipangako mo sa ngalan ng Diyos na hindi mo ako pahihirapan!” Sinabi niya ito sapagkat iniutos ni Jesus, “Masamang espiritu, lumabas ka sa taong ito!”

Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?”

“Batalyon,[x] sapagkat marami kami,” tugon niya. 10 At nakiusap siya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lugar na iyon.

11 Samantala, sa libis ng bundok ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain. 12 Nagmakaawa kay Jesus ang masasamang espiritu, “Papasukin mo na lamang kami sa mga baboy.” 13 Pinahintulutan niya sila kaya't lumabas nga sa lalaki ang masasamang espiritu at pumasok sa mga baboy. Ang kawan na may dalawang libo ay nagtakbuhan sa gilid ng matarik na bangin hanggang sa nahulog ang mga ito sa lawa at nalunod.

14 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan ng baboy at ibinalita sa bayan at sa karatig-pook ang mga pangyayari. Kaya't ang mga tao ay nagpuntahan doon upang alamin ang nangyari. 15 Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang lalaking dating sinasapian ng mga demonyo; nakaupo ito, nakadamit at matino na ang isip, at sila'y natakot. 16 Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa dating sinasapian ng demonyo at sa mga baboy.

17 Dahil dito, nakiusap ang mga tao kay Jesus na umalis siya sa kanilang lupain.

18 Nang pasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap ang dating sinasapian ng mga demonyo na siya'y isama niya, 19 ngunit hindi pumayag si Jesus. Sa halip ay sinabi niya sa lalaki, “Umuwi ka na at sabihin mo sa iyong mga kamag-anak ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paano siya nahabag sa iyo.”

20 Umalis ang lalaki at ipinamalita sa buong Decapolis ang ginawa sa kanya ni Jesus. At namangha ang lahat ng nakarinig noon.

Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Dinudugo(BY)

21 Si Jesus ay sumakay sa bangka[y] at bumalik sa kabilang ibayo. Nasa baybayin pa lamang siya ng lawa ay dinumog na siya ng napakaraming tao. 22 Naroon din ang isang tagapamahala ng sinagoga na ang pangalan ay Jairo. Pagkakita kay Jesus, siya'y lumuhod sa paanan nito 23 at nagmakaawa, “Nag-aagaw-buhay po ang anak kong dalagita. Maawa po kayo, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya ay gumaling at mabuhay!”

24 Sumama naman si Jesus. Ngunit sumunod din sa kanya ang napakaraming tao, kaya't halos maipit na siya.

25 Kasama rin doon ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. 26 Hirap(BZ) na hirap na siya sa sakit na iyon, at marami nang doktor ang sumuri sa kanya. Naubos na ang kanyang ari-arian sa pagpapagamot ngunit hindi pa rin siya gumagaling. Sa halip, lalo pang lumala ang kanyang karamdaman. 27 Nabalitaan niya ang tungkol kay Jesus kaya't nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Jesus, at hinipo ang damit nito, 28 sapagkat iniisip niyang: “mahipo ko lang ang kanyang damit, gagaling na ako.” 29 Agad ngang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya.

30 Naramdaman agad ni Jesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya't bumaling siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humipo sa aking damit?”

31 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong napakaraming nagsisiksikan sa paligid ninyo, bakit pa ninyo itinatanong kung sino ang humipo sa damit ninyo?”

32 Subalit lumingun-lingon si Jesus upang tingnan kung sino ang humipo sa damit niya. 33 Palibhasa'y alam ng babae ang nangyari, siya'y nanginginig sa takot na lumapit kay Jesus, nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan. 34 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na at ipanatag mo ang iyong kalooban. Ikaw ay magaling na.”

35 Habang nagsasalita pa si Jesus, may ilang taong dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang inyong anak. Huwag na po ninyong abalahin ang Guro,” sabi nila.

36 Ngunit nang marinig ito ni Jesus,[z] sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang.”

37 At hindi pinayagan ni Jesus na sumama sa kanya ang mga tao maliban kina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. 38 Nang dumating sila sa bahay ni Jairo, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao, may mga nag-iiyakan at nananaghoy. 39 Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata. Siya'y natutulog lamang.”

40 Dahil sa sinabi niya, pinagtawanan siya ng mga tao. Subalit pinalabas niya ang lahat maliban sa tatlong alagad at sa mga magulang ng bata, at pumasok sila sa kinaroroonan ng bata. 41 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi, “Talitha koum,” na ang ibig sabihi'y “Ineng, bumangon ka!”

42 Noon di'y bumangon ang bata at lumakad, at labis na namangha ang lahat. Ang batang ito'y labindalawang taong gulang na. 43 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus na huwag nilang sasabihin kaninuman ang nangyari. Pagkatapos, iniutos niyang bigyan ng makakain ang bata.

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(CA)

Umalis doon si Jesus at umuwi siya sa sariling bayan kasama ang kanyang mga alagad. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagturo sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kanya at sa kanilang pagkamangha'y nagtanungan sila, “Saan niya natutunan ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakakagawa ng mga himala? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria,[aa] at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” Kaya hindi sila naniwala sa kanya.

Dahil(CB) dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang ng lahat, maliban ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at ng kanyang pamilya.” Hindi siya nakagawa ng himala roon, maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. Namangha siya dahil ayaw nilang maniwala sa kanya.

Isinugo ni Jesus ang Labindalawa(CC)

Nilibot ni Jesus ang mga nayon sa paligid at tinuruan niya ang mga tagaroon. Tinawag niya ang Labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa. Sila ay binigyan niya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at(CD) pinagbilinang, “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Huwag kayong magdala ng pagkain, ng balutan o ng pera. Magsuot kayo ng sandalyas ngunit huwag kayong magdala ng bihisan.”

10 Sinabi rin niya sa kanila, “Kapag kayo ay pinatuloy sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa inyong pag-alis sa bayang iyon. 11 Kung(CE) ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.”

12 Humayo nga ang Labindalawa at nangaral na ang mga tao ay dapat magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas(CF) nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito.

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(CG)

14 Nakarating(CH) kay Haring Herodes[ab] ang balita tungkol kay Jesus, sapagkat nakikilala na siya ng maraming tao. May mga nag-aakala na si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay kaya si Jesus ay nakakagawa ng mga himala. 15 Ngunit mayroon ding nagsasabi na siya si propeta Elias. At may iba pang nagsasabing, “Siya'y isang propeta, katulad ng mga propeta noong unang panahon.”

16 Nang ito'y marinig ni Herodes, sinabi niya, “Siya ay si Juan na aking pinapugutan ng ulo. Muli siyang nabuhay.” 17 Si(CI) Herodes mismo ang nagpahuli at nagpabilanggo kay Juan dahil sa kagustuhan ni Herodias. (Ang babaing ito ay pinakasalan at kinakasama ni Herodes bagama't ito'y asawa ng kapatid niyang si Felipe.) 18 Sapagkat laging sinasabi ni Juan kay Herodes, “Labag sa batas na kasamahin mo ang asawa ng inyong kapatid!” 19 At dahil dito, si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at ibig niya itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawâ 20 sapagkat alam niyang natatakot si Herodes kay Juan. Itinuturing ng hari na si Juan ay taong matuwid at banal, at sinisikap niyang huwag itong mapahamak. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan kahit labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.[ac]

21 Subalit nagkaroon din ng pagkakataon si Herodias na ipapatay si Juan nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Si Herodes ay nagpahanda ng malaking salu-salo at inanyayahan niya ang kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias[ad] at nagsayaw, labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo ang anumang nais mo at ibibigay ko sa iyo.” 23 Naipangako rin niya sa dalaga na ibibigay niya kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihingin.

24 Kaya't lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano po ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo,” sagot ng ina.

25 Mabilis na nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi niya, “Ang nais ko'y ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang pinggan.”

26 Labis na nalungkot ang hari, subalit dahil sa kanyang sumpang narinig ng mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. 27 Kaagad niyang iniutos sa isang kawal na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod nga ang kawal at pinugutan niya ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan. 28 Inilagay niya ang ulo sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina.

29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.

Ang Pagpapakain sa Limanlibo(CJ)

30 Bumalik kay Jesus ang mga apostol at iniulat nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. 31 Subalit napakaraming taong dumarating at umaalis, at hindi na nila makuhang kumain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Magpunta tayo sa hindi mataong lugar upang makapagpahinga kayo nang kaunti.” 32 Umalis nga silang sakay ng isang bangka, at nagpunta sa isang liblib na lugar.

33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakaalam kung saan sila pupunta. Kaya't ang mga tao mula sa lahat ng bayan ay patakbong pumunta sa lugar na iyon at naunahan pa nila sina Jesus. 34 Pagbaba(CK) ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay. 35 Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi, “Liblib ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. 36 Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain.”

37 Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Bigyan ninyo sila ng makakain.”

Sumagot ang mga alagad, “Nais po ba ninyong bumili kami ng pagkain sa halagang dalawandaang salaping pilak?”[ae]

38 “Ilan ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo,” utos niya.

Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, “Lima po, at dalawang isda.”

39 Iniutos ni Jesus sa mga alagad na paupuin nang pangkat-pangkat ang mga tao sa damuhan. 40 Kaya't naupo ang mga tao nang tig-iisang daan at tiglilimampu bawat grupo. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda at ipinamahagi rin nila. 42 Ang lahat ay nakakain at nabusog, 43 at nang tipunin ng mga alagad ang lumabis na tinapay at isda, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing. 44 May limanlibong lalaki ang kumain [ng tinapay].[af]

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(CL)

45 Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang kanyang mga alagad. Sila ay pinauna niya sa Bethsaida, sa kabilang ibayo ng lawa, habang pinapauwi naman niya ang mga tao. 46 Matapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin.

47 Pagsapit ng gabi, nasa laot na ang bangka, habang si Jesus ay nag-iisa sa pampang. 48 Nakita niyang nahihirapan sa pagsagwan ang kanyang mga alagad dahil pasalungat sila sa ihip ng hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malalampasan na niya ang mga alagad,[ag] 49 nakita ng mga ito na siya ay lumalakad sa ibabaw ng tubig. Akala nila siya ay isang multo kaya sila ay nagsisigaw. 50 Takot na takot silang lahat, ngunit agad na sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!” 51 Sumakay siya sa bangka at pumayapa ang hangin. Sila'y lubhang namangha 52 sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang tungkol sa pagpapakain ng tinapay; hindi pa ito abot ng kanilang isip.

Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(CM)

53 Tumawid sila sa ibayo at pagdating sa Genesaret ay dumaong sila sa pampang. 54 Pagbabang-pagbaba nila, nakilala agad siya ng mga tao. 55 Kaya't nagmadaling nagpuntahan ang mga tao sa mga karatig-pook. Saanman nila mabalitaang naroon si Jesus, dinadala nila ang mga maysakit na nakaratay sa higaan. 56 At saan man siya pumunta, sa nayon, sa lungsod, o sa kabukiran, agad na inilalapit sa kanya ang mga may karamdaman at ipinapakiusap sa kanya na mahawakan man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng makahawak dito ay gumagaling.

Mga Nakaugaliang Katuruan(CN)

Lumapit kay Jesus ang mga Pariseo kasama ang ilang tagapagturo ng Kautusan na galing pa sa Jerusalem. Nakita nila ang ilan sa mga alagad niya na kumakain nang marumi ang mga kamay dahil hindi nahugasan ayon sa kaugalian ng mga Judio.

(Sapagkat ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga't hindi muna sila nakapaghuhugas ng kamay ayon sa kaugaliang minana nila mula sa kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan.[ah] Marami pa silang sinusunod na katuruang minana, tulad ng paghuhugas ng mga tasa, pitsel, sisidlang tanso, [at mga higaan].[ai]) Kaya tinanong si Jesus ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi man lamang naghuhugas ng kamay ayon sa kaugalian.”

Sinagot(CO) sila ni Jesus, “Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo, nang kanyang isulat,

‘Ang paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang,
    sapagkat ito'y sa bibig at hindi sa puso bumubukal.
Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba,
    sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’

Binabaliwala ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo'y mga tradisyon ng tao.”

Sinabi pa ni Jesus, “Ang gagaling ninyo! Para lamang masunod ang inyong mga tradisyon, pinapawalang-bisa ninyo ang utos ng Diyos! 10 Halimbawa,(CP) iniutos ni Moises na ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’, at ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ 11 Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Naihandog ko na sa Diyos[aj] ang mga tulong ko sa inyo’; 12 ang taong iyon ay hindi na ninyo pinapatulong sa kanilang mga magulang. 13 Sa gayong paraan, pinapawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga itinuturo ninyo. At marami pa kayong ginagawang katulad nito.”

Ang Nagpaparumi sa Tao(CQ)

14 Muling pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat at unawain ang aking sasabihin! 15 Hindi nagiging marumi ang isang tao dahil sa pagkaing pumapasok sa kanyang bibig, kundi dahil sa lumalabas dito. [16 Makinig ang may pandinig!]”[ak]

17 Iniwan ni Jesus ang mga tao, at nang makapasok na siya sa bahay, siya'y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga. 18 “Pati ba naman kayo ay hindi pa rin makaunawa?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi nagiging marumi ang isang tao dahil sa pagkaing ipinapasok niya sa kanyang bibig, 19 sapagkat hindi naman iyon pumapasok sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.” (Sa ganitong paraan ay ipinahayag ni Jesus na ang lahat ng pagkain ay maaaring kainin.)

20 At sinabi rin niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos. 21 Sapagkat sa loob, sa puso ng tao, nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay, 22 mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan. 23 Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay nanggagaling sa puso at dahil sa mga ito ay nagiging marumi ang tao.”

Pinagaling ang Anak ng Babaing Taga-Tiro(CR)

24 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lugar na malapit sa Tiro [at ng Sidon].[al] Tumuloy siya sa isang bahay doon at ayaw niyang malaman ninuman na naroon siya. Subalit hindi ganoon ang nangyari. 25 Ang pagdating niya'y nabalitaan ng isang babae na may anak na babaing sinasapian ng masamang espiritu. Pumunta agad kay Jesus ang ina at nagpatirapa sa kanyang harapan. 26 Ang babaing ito'y isang Hentil na taga-Sirofenicia. Nakiusap ito kay Jesus na palayasin ang demonyong sumapi sa kanyang anak. 27 Ngunit sinabi ni Jesus, “Kailangang ang mga anak muna ang pakainin. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga aso.”

28 Tugon ng babae, “Tunay nga po, Panginoon, ngunit maging ang mga asong nasa ilalim ng mesa ay kumakain ng mga nalalaglag mula sa kinakain ng mga anak.”

29 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.”

30 Umuwi ang babae at naratnan niya sa higaan ang bata. Iniwan na nga ito ng demonyo.

Ang Pagpapagaling sa Taong Bingi at Pipi

31 Umalis si Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan sa Sidon at nagtuloy sa Lawa ng Galilea. Tinahak niya ang lupain ng Decapolis. 32 Dinala ng mga tao sa kanya ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita, at nakiusap sila sa kanya na ipatong niya rito ang kanyang kamay. 33 Inilayo muna ni Jesus sa karamihan ang lalaki, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, dumura si Jesus at ipinahid ito sa dila ng pipi. 34 Tumingala si Jesus sa langit, nagbuntong-hininga at sinabi sa lalaki, “Effata,” na ang ibig sabihi'y, “Mabuksan!”

35 Noon di'y nakarinig ang lalaki at nakapagsalita na nang maayos. 36 Sinabi ni Jesus sa mga tao na huwag ipamalita ito, ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nila itong ipinamamalita. 37 Buong paghangang sinasabi nila, “Napakahusay ng lahat ng kanyang ginagawa! Binibigyan niya ng pandinig ang mga bingi at pinapagsalita ang mga pipi!”

Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(CS)

Nang mga araw na iyon, muling nagkatipon ang napakaraming tao. Wala nang makain ang mga ito kaya't tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Naaawa ako sa mga taong ito sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. Kung pauuwiin ko sila nang gutom, mahihilo sila sa daan; malayo pa naman ang pinanggalingan ng ilan sa kanila.”

“Ito po ay isang liblib na lugar. Saan po tayo kukuha ng pagkain para sa ganito karaming tao?” tanong ng mga alagad.

“Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Jesus.

“Pito po,” sagot nila.

Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao at kinuha ang pitong tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos, hinati-hati ang mga tinapay at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Ganoon nga ang ginawa ng mga alagad. Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Muli siyang nagpasalamat sa Diyos at pagkatapos ay iniutos niyang ipamahagi din iyon sa mga tao. Kumain ang lahat at nabusog. Nang tipunin nila ang lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing. May apat na libong tao ang kumain. Matapos pauwiin ang mga tao, 10 sumakay si Jesus sa bangka, kasama ang kanyang mga alagad, at nagtungo sila sa lupain ng Dalmanuta.

Humingi ng Palatandaan ang mga Pariseo(CT)

11 May(CU) dumating na mga Pariseo at nakipagtalo kay Jesus. Nais nilang subukin siya kaya't hiniling nilang magpakita siya ng isang himala mula sa langit. 12 Napabuntong-hininga(CV) si Jesus at sinabi sa kanila, “Bakit naghahanap ng himala ang mga tao sa panahong ito? Pakatandaan ninyo: hindi sila bibigyan ng hinihingi nilang himala.” 13 At sila'y iniwan niya. Muli siyang sumakay sa bangka at tumawid sa ibayo.

Ang Pampaalsang Ginagamit ng mga Pariseo at ni Herodes(CW)

14 Nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay; iisa lang ang kanilang tinapay sa bangka. 15 Sinabi(CX) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at ni Herodes.” 16 Sabi nila sa isa't isa, “Wala kasi tayong dalang tinapay kaya sinabi niya iyon.”

17 Dahil alam ni Jesus ang kanilang pinag-uusapan, sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo pinag-uusapang kayo'y walang dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaintindi? Hindi pa ba ito abot ng inyong isip? 18 Wala(CY) ba kayong mata? Bakit hindi kayo makakita? Wala ba kayong tainga? Bakit hindi kayo makarinig? Hindi ba ninyo naaalala 19 nang paghati-hatiin ko ang limang tinapay para sa limanlibong tao? Ilang kaing ang napuno ninyo ng lumabis na pagkain?”

“Labindalawa po,” tugon nila.

20 “At nang paghati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa apat na libong tao, ilang kaing ang napuno ninyo?” tanong niya.

“Pito po,” muli nilang sagot.

21 “At hindi pa rin ba ninyo nauunawaan ito?” tanong niya.

Pinagaling ang Isang Lalaking Bulag

22 Pagdating nila sa Bethsaida, dinala ng ilang tao kay Jesus ang isang bulag at pinakiusapan nilang hipuin niya ang taong ito. 23 Inakay niya ang bulag at dinala ito sa labas ng bayan. Matapos duraan at takpan ang mga mata nito ng kanyang kamay, tinanong ni Jesus, “May nakikita ka ba?”

24 Tumingin ang lalaki at sumagot, “Nakakakita po ako ng mga tao, ngunit para silang mga punongkahoy na naglalakad.”

25 Muling inilagay ni Jesus ang kanyang mga kamay sa mga mata ng bulag. Sa pagkakataong ito, tuminging mabuti ang bulag. Nanumbalik ang kanyang paningin at nakakita na siya nang malinaw. 26 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maaari ka nang umuwi. Huwag ka nang bumalik sa bayan.”

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(CZ)

27 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa mga nayon ng Cesarea na sakop ng Filipos. Habang sila'y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin?”

28 Sumagot(DA) sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo daw po si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba, si Elias daw kayo; may nagsasabi ring isa raw kayo sa mga propeta.”

29 “Ngunit(DB) kayo naman, ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” tanong niya.

Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo.”

30 “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila.

Unang Pagpapahayag tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(DC)

31 Mula noon, itinuro ni Jesus sa mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdanas ng matinding hirap. Siya'y itatakwil ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y ipapapatay ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” 32 Malinaw na sinabi niya ito sa kanila at dahil dito'y dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan. 33 Ngunit tumalikod si Jesus, tumingin sa mga alagad, at sinabi kay Pedro, “Umalis ka sa harap ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi sa tao.”

34 Pinalapit(DD) ni Jesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay dapat itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 35 Ang(DE) sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? 37 Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay? 38 Kapag ikinahiya ninyo ako at ang aking mga salita sa harap ng mga taksil at makasalanang mga tao sa panahong ito, ikakahiya rin kayo ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”

Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Tandaan ninyo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang dumarating nang may kapangyarihan ang kaharian ng Diyos.”

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(DF)

Pagkaraan(DG) ng anim na araw, umakyat si Jesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama roon maliban kina Pedro, Santiago at Juan. Habang sila'y naroroon, nakita ng tatlo na nagbago ang anyo ni Jesus. Nagningning sa kaputian ang kanyang kasuotan; walang sinuman sa mundo ang makapagpapaputi nang gayon. At nakita rin nila roon si Elias at si Moises na nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabuti po na nandito kami. Magtatayo po kami ng tatlong tolda, isa para sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Dahil sa kanilang matinding takot, hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya.

Nililiman(DH) sila ng makapal na ulap at mula rito'y may isang tinig na nagsabi, “Ito ang pinakamamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Biglang tumingin sa paligid ang mga alagad, ngunit wala silang ibang nakita maliban kay Jesus.

Nang sila'y bumababa na mula sa bundok, mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag sasabihin kaninuman ang kanilang nakita hangga't hindi pa muling nabubuhay ang Anak ng Tao. 10 Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila'y nagtanungan sa isa't isa kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay. 11 At(DI) tinanong nila si Jesus, “Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?”

12 Tumugon(DJ) siya, “Darating nga muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Ngunit bakit sinasabi din sa Kasulatan na ang Anak ng Tao'y hahamakin at magtitiis ng maraming hirap? 13 Subalit sinasabi ko sa inyo, dumating na nga si Elias at ginawa sa kanya ng mga tao ang nais nila, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.