Bible in 90 Days
22 Huwag mong gantihan ng masama ang masama;
tutulungan ka ni Yahweh, sa kanya ka magtiwala.
23 Si Yahweh ay napopoot sa panukat na di tama,
siya ay namumuhi sa timbangang may daya.
24 Si Yahweh lamang ang nagtatakda ng ating landasin;
kaya huwag ipagyabang ang iyong lakbayin.
25 Bago mangako sa Diyos ay isiping mabuti,
upang hindi ka magsisi sa bandang huli.
26 Malalaman ng haring matalino ang lahat ng gumagawa ng masama,
at pagdating ng araw sila'y pinaparusahan nang walang awa.
27 Binigyan tayo ni Yahweh ng isipan at ng budhi,
kaya't wala tayong maitatago kahit na sandali.
28 Ang haring tapat at makatarungan
ay magtatagal sa kanyang luklukan.
29 Karangalan ng kabataan ang kanyang kalakasan,
ang putong ng katandaan, buhok na panay uban.
30 Ang hampas na lumalatay ay lumilinis ng kasamaan,
at ang palong nadarama'y humuhugas sa kalooban.
21 Hawak ni Yahweh ang isip ng isang hari
at naibabaling niya ito kung saan igawi.
2 Ang akala ng tao lahat ng kilos niya'y wasto,
ngunit si Yahweh lang ang nakakasaliksik ng puso.
3 Higit na kalugud-lugod kay Yahweh kaysa mga handog
ang mga gawang makatuwiran at makatarungan.
4 Ugaling mapangmata at pusong mapagyabang,
ito ang siyang gabay ng mga makasalanan.
5 Ang mabuting pagbabalak ay pinapakinabangan,
ngunit ang dalus-dalos na paggawa'y walang kahihinatnan.
6 Ang pagkakamal ng salapi dahil sa kadayaan
ay maghahatid sa maagang kamatayan.
7 Ang masama'y ipinapahamak ng sariling karahasan,
pagkat ayaw gawin ang talagang katuwiran.
8 Ang landas ng may sala ay paliku-liko,
ngunit ang lakad ng matuwid ay laging wasto.
9 Masarap(A) pa ang tumira sa bubungan ng bahay
kaysa sa loob ng bahay na ang kasama'y asawang madaldal.
10 Ang isip ng masama'y lagi sa kalikuan,
kahit na kanino'y walang pakundangan.
11 Parusahan mo ang mangungutya at matututo ang mangmang,
pagsabihan mo ang matino, lalong lalawak ang kanyang kaalaman.
12 Alam ng Diyos ang nangyayari sa loob ng bahay ng masama,
at siya'y gumagawa ng paraan upang sila'y mapariwara.
13 Ang hindi pumapansin sa daing ng mahirap,
daraing din balang araw ngunit walang lilingap.
14 Kung ang kapwa mo ay may hinanakit,
regaluhan mo nang palihim, mawawala ang galit.
15 Kapag umiiral ang katarungan, natutuwa ang matuwid,
ngunit nalulungkot ang masama at may likong pag-iisip.
16 Ang lumilihis sa daan ng kaalaman
ay hahantong sa kamatayan.
17 Ang taong maluho at mahilig sa alak ay di yayaman,
bagkus sa hirap siya'y masasadlak.
18 Ang masamang balak sa taong matuwid
ay babalik sa liko ang pag-iisip.
19 Mas mabuti ang mag-isang manirahan sa ilang
kaysa makisama sa asawang madaldal at palaaway.
20 Ang bahay ng matalino'y napupuno ng kayamanan,
ngunit lahat ay winawaldas ng taong mangmang.
21 Ang lumalakad sa daan ng katuwiran at katapatan
ay nagkakamit ng buhay at karangalan.
22 Ang matalinong pinuno ay makakapasok sa lunsod na may mga bantay,
at kanyang maiguguho ang inaasahan nilang muog na matibay.
23 Ang pumipigil sa kanyang dila
ay umiiwas sa masama.
24 Ang taong makasarili ay palalo at mapang-api.
25 Gutom ang papatay sa taong batugan,
pagkat ayaw niyang ikilos ang kanyang mga kamay.
26 Ang taong tamad ay nanghihingi araw-araw,
ngunit ang matuwid ay di nagsasawa ng kabibigay.
27 Ang(B) handog ng masama ay kasuklam-suklam sa Diyos,
lalo't ang layunin nito ay di kalugud-lugod.
28 Ang patotoo ng sinungaling ay di papakinggan,
ngunit ang salita ng tapat ay pahahalagahan.
29 Alam ng matuwid ang kanyang hinaharap,
di tulad ng masama, nagkukunwa, nagpapanggap.
30 Ang kaalaman ng tao, unawa o karunungan
ay di makatutulong kung si Yahweh ay kalaban.
31 Ang kabayo'y naihahanda para sa digmaan,
ngunit tanging si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay.
22 Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan,
kaysa pilak at ginto o anumang kayamanan.
2 Kay Yahweh ay pareho ang mayama't mahirap,
pagkat siya ang may lalang sa kanilang lahat.
3 Kung may dumarating na panganib, ang matalino'y nag-iingat,
ngunit di ito pansin ng mangmang kaya siya'y napapahamak.
4 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh at ang kapakumbabaan
ay nagbubunga ng yaman, buhay at karangalan.
5 Sa landas ng masama ay may tinik at mga patibong,
at ang nagmamahal sa sarili ay umiiwas doon.
6 Ituro(C) sa bata ang daang dapat niyang lakaran,
at hanggang sa paglaki'y di niya ito malilimutan.
7 Ang mahirap ay nasa kapangyarihan ng mayaman,
ang nangangailangan ay alipin ng nagpapahiram.
8 Ang naghahasik ng kasamaan ay mag-aani ng kamalasan,
at hindi magtatagal ang kanyang kasamaan.
9 Ang mahirap ay bahaginan mo ng pagkain,
at tiyak na ikaw ay pagpapalain.
10 Palayasin mo ang mga sulsol at mawawala ang alitan,
at matitigil ang kaguluhan pati pag-aaway.
11 Ang magiliw mangusap at may pusong dalisay,
pati ang hari'y magiging kaibigan.
12 Binabantayan ni Yahweh ang mga nag-iingat ng kaalaman,
ngunit di niya pinagtatagumpay ang salita ng mga mangmang.
13 Ang tamad ay ayaw lumabas ng bahay,
ang idinadahila'y may leon sa daan.
14 Ang salita ng mapang-apid ay isang patibong
at ang mga hindi nagtitiwala kay Yahweh ang nahuhulog doon.
15 Likas sa mga bata ang pagiging pilyo,
ngunit sa pamamagitan ng palo, sila'y matututo.
16 Ang nagreregalo sa mayaman o umaapi sa mahirap para magpayaman
ay mauuwi rin sa karalitaan.
Tatlumpung mga Kawikaan
17 Pakinggan mo at pag-aralang mabuti ang aking mga ituturo. 18 Ito'y magdudulot sa iyo ng kaligayahan kung isasaulo mo. 19 Sinasabi ko ito sa iyo sapagkat nais kong si Yahweh ang iyong panaligan. 20 Tatlumpu ang kawikaang ito. Bawat isa ay magandang panuntunan at magdudulot ng kaalaman. 21 Ituturo nito sa iyo kung ano ang katotohanan. Sa gayon, may maisasagot ka kung may magtanong sa iyo.
-1-
22 Huwag mong samantalahin ang kahinaan ng mahihirap, ni pagmalabisan ang dukha sa harap ng hukuman. 23 Sapagkat ipagtatanggol sila ni Yahweh, at aagawan niya ang nang-agaw sa mga iyon.
-2-
24 Huwag kang makipagkaibigan sa taong bugnutin, ni makisama sa taong magagalitin, 25 baka mahawa sa kanila at sa bitag ay masilo.
-3-
26 Huwag kang mangangako para sa utang ng iba, ni gumarantiya para sa kanya. 27 Kapag hindi ka nakabayad, hindi ba't kukunin pati ang higaan mo?
-4-
28 Huwag mong babaguhin ang mga hangganang itinayo, ito'y inilagay doon ng ating mga ninuno.
-5-
29 Alam ba ninyo kung sino ang pinaglilingkuran ng mga mahusay magtrabaho? Sila'y naglilingkod sa mga hari, hindi sa mga alipin.
-6-
23 Kung ikaw ay kasalo ng may mataas na katungkulan, huwag mong kalilimutan kung sino ang iyong kaharap. 2 Kung ikaw man ay matakaw, pigilan mo ang iyong sarili. 3 Huwag mong nasain ang pagkain ng hari, baka iyon ay pain lang sa iyo.
-7-
4 Huwag mong pagurin ang sarili sa pagpapayaman; pag-aralan mong umiwas doon. 5 Sapagkat madaling mawala ang kayamanan, ito'y simbilis ng agila sa paglipad sa kalawakan.
-8-
6 Huwag kang makikikain sa taong kuripot, ni nanasain man ang masasarap niyang pagkain. 7 Sapagkat iyon ay maninikit sa iyong lalamunan. Aanyayahan ka nga niyang kumain at uminom, ngunit hindi bukal sa kalooban. 8 Isusuka mo rin ang lahat ng iyong kinain at masasayang lang ang maganda mong sasabihin.
-9-
9 Ingatan mo ang iyong dila sa harap ng mga mangmang, hindi nila mauunawaan kahit gaano kaganda ang sabihin mo.
-10-
10 Huwag mong babaguhin ang hangganang matagal nang nakalagay, ni sasakupin ang lupa ng mga ulila. 11 Sapagkat ang Tagapagtanggol nila ay makapangyarihan, at siya ang iyong makakalaban.
-11-
12 Huwag kang hihiwalay sa mabubuting aral, at pakinggan mong mabuti ang salita ng karunungan.
-12-
13 Disiplinahin mo ang bata. Ang wastong pagpalo ay hindi niya ikamamatay. 14 Inililigtas mo pa siya mula sa daigdig ng mga patay.
-13-
15 Anak, matutuwa ako kung magiging matalino ka. 16 Makadarama ako ng pagmamalaki kung ang mga salita mo ay may karunungan.
-14-
17 Huwag kang maiinggit sa mga makasalanan, sa halip, si Yahweh ay laging igalang at sundin. 18 Kung magkagayon ay gaganda ang iyong kinabukasan.
-15-
19 Anak, maging matalino ka at pag-isipan mong mabuti ang iyong buhay. 20 Huwag kang makikisama sa mga lasenggo at sa masiba sa pagkain. 21 Pagkat sila'y masasadlak sa kahirapan, at darating ang panahong magdadamit ng basahan.
-16-
22 Pakinggan mo ang iyong ama na pinagkakautangan mo ng buhay, at huwag hahamakin ang iyong ina kapag siya'y matanda na.
23 Hanapin mo ang katotohanan, karunungan at unawa. Pahalagahan mo ang mga ito at huwag pababayaang mawala.
24 Ang ama ng taong matuwid ay puno ng kagalakan. Ipinagmamalaki ng ama ang anak na matalino.
25 Sikapin mong ikaw ay maging karapat-dapat ipagmalaki ng iyong mga magulang at madudulutan mo ng kaligayahan ang iyong ina.
-17-
26 Anak, makinig kang mabuti sa akin at tularan mo ang aking pamumuhay. 27 Ang masasamang babae at di-tapat na asawa ay mapanganib na patibong, tiyak na mamamatay ang mahulog doon. 28 Siya'y laging nakaabang tulad ng magnanakaw, at sinumang maakit niya ay natututong magtaksil.
-18-
29 Sino ang may kalungkutan at may malaking panghihinayang? Sino ang may kaaway at kabalisahan? Sino ang nasusugatan nang di nalalaman? At sino ang may matang pinamumulahan? 30 Sino pa kundi ang sugapa sa alak, at ang nagpapakalango sa masarap na inumin. 31 Huwag mong tutunggain ang matapang na alak kahit ito'y katakam-takam, 32 sapagkat kinaumagahan ay daig mo pa ang tinuklaw ng ahas na makamandag. 33 Kung anu-ano ang iyong sasabihin, at hindi ka makapag-isip nang mabuti. 34 Ang makakatulad mo'y nasa gitna ng dagat at hinahampas ng malalaking alon. Pasuray-suray kang maglalakad 35 at sasabihin mo, “Ano sa akin kung ako'y mahandusay? Mabulagta man ako, ayos lang iyan! Pagbangon ko, iinom muli ako.”
-19-
24 Huwag mong kainggitan ang mga makasalanan ni sa kanila'y makipagkaibigan. 2 Ang nasa isip nila'y laging kaguluhan, at ang dila nila'y puno ng kasinungalingan.
-20-
3 Sa pamamagitan ng karunungan, naitatayo ang isang bahay, at ito'y naitatatag dahil sa kaunawaan. 4 Ang loob ng tahanan ay napupuno ng lahat ng magagandang bagay dahil sa karunungan.
-21-
5 Ang karunungan ay higit na mabuti kaysa kalakasan. At ang kaalaman ay kapangyarihan. 6 Ang digmaa'y naipagtatagumpay dahil sa mahusay na pagpaplano sapagkat ang tagumpay ay bunga ng mabuting payo.
-22-
7 Ang malalim na kasabihan ay di mauunawaan ng mangmang. Wala itong masasabi sa mahahalagang usapan.
-23-
8 Ang mahilig sa paggawa ng masama ay tinatawag na puno ng kasamaan. 9 Anumang pakana ng masama ay kasalanan, at kinamumuhian ng tao ang nanunuya sa kapwa.
-24-
10 Kung hindi ka makatagal sa panahon ng kahirapan ay nangangahulugan ngang ikaw ay mahina.
-25-
11 Tulungan mo at iligtas ang hinatulang mamatay nang walang katarungan. 12 Kapag sinabi mong, “Wala akong pakialam sa taong iyan,” ito'y hindi maikakaila sa Diyos na nakakaalam ng laman ng iyong puso. Alam ito ng Diyos na nakatunghay sa iyo. Pagbabayarin niya ang tao ayon sa ginawa nito.
-26-
13 Anak, uminom ka ng pulot-pukyutan at ito'y makakabuti sa iyo. Kung ang pulot-pukyutan ay masarap sa panlasa, 14 ang karunungan naman ay mabuti sa kaluluwa. Kaya, hanapin mo ang kaalaman at magkakaroon ka ng magandang kinabukasan.
-27-
15 Ang tahanan ng matuwid ay huwag mong pag-isipang pagnakawan, ni gagawan ng dahas ang kanyang tinitirhan, 16 sapagkat siya'y makatatayong muli mabuwal man ng pitong ulit. Ngunit ang masama ay dagling nababagsak sa panahon ng kahirapan.
-28-
17 Huwag mong ikagalak ang pagbagsak ng iyong kaaway ni ang kanyang kapahamakan. 18 Kapag ginawa mo iyon, magagalit sa iyo si Yahweh at sila'y hindi na niya paparusahan.
-29-
19 Huwag kang maiinggit sa mga gumagawa ng masama ni tutulad sa kanilang mga gawa. 20 Ang masama ay walang kinabukasan, walang inaasahan sa hinaharap.
-30-
21 Anak, igalang at sundin mo si Yahweh, gayon din ang hari. Huwag mong susuwayin ang sinuman sa kanila 22 sapagkat bigla na lang kayong mapapahamak. Hindi ka ba natatakot sa pinsalang magagawa nila sa iyo?
Mga Karagdagang Kawikaan
23 Narito pa ang ilang mahahalagang kawikaan:
Hindi dapat magtangi sa pagpapairal ng katarungan. 24 Ang hukom na nagpapawalang-sala sa may kasalanan ay itinatakwil ng tao at isinusumpa ng bayan. 25 Ang nagpaparusa sa masama ay mapapabuti at pagpapalain.
26 Ang tapat na kasagutan ay tanda ng mabuting pagkakaibigan.
27 Ihanda mo muna ang iyong bukid para mayroon kang tiyak na pagkakakitaan bago ka magtayo ng bahay at magtatag ng tahanan.
28 Huwag kang sasaksi laban sa iyong kapwa nang walang sapat na dahilan, ni magsasabi ng kasinungalingan laban sa kanya. 29 Huwag mong sasabihin, “Gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin upang ako'y makaganti!”
30 Napadaan ako sa bukid at ubasan ng isang tamad at mangmang. 31 Ito'y puno ng matinik na damo, at gumuho na ang bakod nito. 32 Ang nakita ko'y pinag-isipan kong mabuti at may nakuha akong magandang aral: 33 Kaunting(D) tulog, bahagyang idlip, sandaling pahinga at paghalukipkip, 34 samantalang namamahinga ka ang kahirapa'y darating na parang armadong magnanakaw upang kunin ang lahat ng iyong kailangan.
Mga Karagdagang Kawikaan ni Solomon
25 Narito pa ang mga kawikaan ni Solomon; tinipon at kinopya ng mga tauhan ni Hezekias na hari ng Juda.
2 Kaluwalhatian ng Diyos na balutin ng hiwaga ang lahat ng bagay, at karangalan naman ng hari na ito'y saliksikin.
3 Isipan ng hari'y mahirap malaman, ito'y sintaas ng langit, sinlalim ng karagatan.
4 Kapag ang pilak ay dalisay, may magagawa na ang panday. 5 Kapag ang masamang tagapayo'y naalis sa paligid ng hari, ang katarungan ang mamamalagi.
6 Huwag(E) kang magmamataas sa harap ng hari, ni ihanay ang sarili sa mga taong pili. 7 Pagkat mas mabuting sabihin sa iyong, “Halika rito,” kaysa hamakin ka sa harap ng marami.
8 Ang nakita mo'y huwag agad dalhin sa hukuman, baka sa bandang huli'y lumabas ka pang may kasalanan.
9 Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, ilihim at lutasin agad at baka lumala. 10 Baka ito ay malantad sa kaalaman ng madla at kayo'y malagay sa kahiya-hiya.
11 Kapag angkop sa panahon ang salitang binigkas, para itong ginto sa lalagyang pilak.
12 Ang magandang payo sa marunong makinig ay higit na di hamak sa ginto o mamahaling alahas.
13 Ang sugong tapat ay kasiyahan ng nagsugo sa kanya, tulad ng malamig na tubig sa panahon ng tag-araw.
14 Ang taong puro pangako lamang ay parang ulap at hanging walang dalang ulan.
15 Sa malumanay na pakiusap pusong bato'y nababagbag, sa pagtitiyaga pati hari ay nahihikayat.
16 Huwag kakain ng labis na pulot-pukyutan at baka ito'y isuka mo lang. 17 Huwag mong dadalasan ang dalaw sa kapwa, baka siya mabagot at sa iyo'y magsawa.
18 Ang taong sumasaksi laban sa kapwa nang walang katotohanan ay tulad ng tabak, pambambo o palasong pumapatay.
19 Ang taksil na pinagtiwalaan sa panahon ng pangangailangan ay tulad ng ngiping umuuga at mga paang pilay.
20 Hapdi ang dulot ng awit sa pusong may sugat, parang asing ikinuskos sa gasgas na balat, parang paghuhubad ng damit sa panahon ng taglamig.
21 Kapag(F) nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo at painumin kung siya'y nauuhaw. 22 Sa gayo'y mailalagay mo siya sa kahihiyan at tatanggap ka pa ng gantimpala mula kay Yahweh.
23 Kung paanong ang hanging timog ay nagdadala ng ulan, nagdadala naman ng galit ang paninira ng karangalan.
24 Masarap pa ang tumira sa bubungan ng bahay kaysa loob ng bahay na ang kasama'y asawang madaldal.
25 Kung paano ang malamig na tubig sa labing nauuhaw, gayon ang mabuting balita buhat sa malayong bayan.
26 Bukal na nilabo o balong nadumihan ang katulad ng matuwid na sa masama ay nakipagkaibigan.
27 Kung paanong masama ang labis na pulot-pukyutan, gayon din ang pagkagahaman sa karangalan.
28 Ang taong walang pagpipigil ay tulad ng lunsod na walang tanggulan, madaling masakop ng mga kaaway.
26 Ang papuri'y di angkop sa taong mangmang, parang ulan ng yelo sa tag-araw o panahon ng anihan.
2 Ang sumpang di nararapat ay hindi tatalab, tulad lang ito ng ibong di dumadapo at lilipad-lipad.
3 Ang latigo'y para sa kabayo, ang bokado'y para sa asno, ang pamalo naman ay sa mangmang na tao.
4 Huwag mong papatulan ang isang mangmang at baka lumabas na higit ka pang mangmang.
5 Sagutin mo ang mangmang ayon sa kanyang kahangalan, upang hindi niya isipin na siya'y may katuwiran.
6 Ang magpadala ng balita sa mangmang ay napakadelikado, para mo na ring tinaga ang mga paa mo.
7 Kung ang paang pilay ay walang kabuluhan, ganoon din ang kawikaan sa bibig ng mangmang.
8 Ang isang papuring sa mangmang iniukol ay parang batong nakatali sa balat ng tirador.
9 Ang isang kawikaan sa bibig ng mangmang, ay tulad ng tinik sa kamay ng lasing.
10 Tulad ng isang namamana ng kahit na sino ang isang taong umupa ng mangmang o lasenggo.
11 Ang(G) taong nananatili sa kanyang kahangalan ay tulad ng aso, ang sariling suka ay binabalikan nito.
12 Nakakita na ba kayo ng taong nag-aakalang siya ang pinakamatalino? Mas may pag-asa pa ang mangmang kaysa taong ito.
13 Ano ang idinadahilan ng taong batugan? “May leon sa daan, may leon sa lansangan.”
14 Kung paano lumalapat ang pinto sa hamba, ang batugan naman ay sa kanyang kama.
15 Ang kamay ng tamad ay nadidikit sa pinggan, ni hindi mailapit sa bibig dahil sa katamaran.
16 Ang palagay ng tamad, siya ay mas marunong kaysa pitong taong wasto kung tumugon.
17 Ang nakikisali sa gulo ng may gulo ay tulad ng taong dumadakma sa tainga ng aso.
18-19 Ang taong nandaraya saka sasabihing nagbibiro lang ay tulad ng baliw na naglalaro ng sandatang nakamamatay.
20 Namamatay ang apoy kung ubos na ang kahoy; nahihinto ang away kapag walang nanunulsol.
21 Kung ang baga'y nagdidikit dahil sa pag-ihip, at nagliliyab ang apoy kung maraming gatong, patuloy ang labu-labo kung maraming mapanggulo.
22 Ang tsismis ay tulad ng masarap na pagkain; masarap pakinggan, masarap namnamin.
23 Ang matamis ngunit pakunwaring salita ay parang pintura ng mumurahing banga.
24 Ang tunay na damdamin ng mapagkunwari ay maitatago sa salitang mainam. 25 Matamis pakinggan ngunit huwag paniwalaan sapagkat iyon ay bunga ng kanyang pagkasuklam. 26 Maaaring ang galit niya'y maitago sa magandang paraan ngunit nalalantad din sa mata ng lahat.
27 Ang(H) nag-uumang ng bitag ay siya ring mahuhuli roon. Ang nagpapagulong ng bato ang siyang tatamaan niyon.
28 Ang taong sinungaling ay galit sa kapwa. Ang madayang salita ay nagpapahamak sa iba.
27 Huwag(I) ipagyayabang ang araw ng bukas, pagkat di mo alam kung anong magaganap.
2 Hayaan mong iba ang sa iyo'y pumuri at ang sariling bangko'y huwag mong buhatin.
3 Ang bato ay mabigat, ang buhangin ay may timbang, ngunit mas mabigat ang kaguluhang dulot ng kamangmangan.
4 Ang galit ay mabagsik, ang poot ay mabangis, ngunit ang pagseselos ay may ibayong lupit.
5 Hindi hamak na mabuti ang harapang paninita, kaysa naman sa pag-ibig, ngunit ito'y lihim pala.
6 May pakinabang sa hampas ng tapat na kaibigan kaysa halik ng isang kaaway.
7 Ang taong busog ay tatanggi kahit sa pulot-pukyutan, ngunit sa taong gutom, matamis kahit ang ampalaya.
8 Ang taong lumayas sa kanyang tahanan, tulad ng ibong sa pugad ay lumisan.
9 Ang langis at pabango'y pampasigla ng pakiramdam ngunit ang kabalisaha'y pampahina ng kalooban.
10 Huwag mong pababayaan ang iyong kaibigan, ni ang kaibigan ng iyong magulang. Kung ikaw ay nagigipit, huwag sa kapatid lalapit. Higit na mabuti ang kapitbahay na malapit, kaysa isang malayong kapatid.
11 Magpakatalino ka, anak, upang ako'y masiyahan at sa gayo'y di ako mapahiya sa nangungutya man.
12 Alam ng matalino kung may panganib at siya'y nag-iingat, ngunit di ito pansin ng mangmang kaya siya'y napapahamak.
13 Kunin mo ang kasuotan ng sinumang nananagot para sa iba, at siya ang pagdusahin mo dahil sa pag-ako sa di niya kilala.
14 Ang pahiyaw na pagbati bilang panggising sa kaibigan ay para nang sumpang binibitiwan.
15 Nakakayamot ang asawang masalita tulad ng ulan na ayaw tumila. 16 Mahirap siyang patigilin, para kang dumadakot ng langis o pumipigil sa hangin.
17 Bakal ang nagpapatalim sa kapwa bakal at isip ang nagpapatalas sa kapwa isipan.
18 Ang nag-aalaga sa punong igos ay makakakain ng bunga niyon; ang aliping may malasakit ay pararangalan naman ng kanyang panginoon.
19 Kung paanong ang mukha ay nalalarawan sa tubig, sa kilos naman nahahalata ang iniisip.
20 Ang nasa ng tao'y walang katapusan, tulad ng libingan, laging naghihintay.
21 Dinadalisay sa apoy ang ginto at pilak, ngunit ugali ng tao ay makikilala sa gawa araw-araw.
22 Bayuhin mang parang bigas ang isang taong mangmang, hindi rin maaalis ang kanyang kamangmangan.
23 Ang iyong mga hayop ay iyong bantayan, alagaang mabuti ang iyong kawan. 24 Di mamamalagi ang yaman, ganoon din ang mga nasa kapangyarihan. 25 Putulin muna ang dayami, saka gapasin ang damo sa parang habang hinihintay ang susunod na anihan. 26 Sa mga tupa kinukuha ang ginagawang kasuotan, at ang pinagbentahan mo ng iyong kambing ay maaaring ipambili ng bukid. 27 Ang gatas ng inahing kambing ay sa ibang kailangan, sa pagkain ng pamilya mo't mga katulong sa bahay.
Ang Matuwid at ang Masama
28 Tumatakbo ang masama kahit walang humahabol,
ngunit panatag ang matuwid, ang katulad ay leon.
2 Kung ang bayan ay magkasala, maraming gustong mamahala,
ngunit kung matalino ang namumuno, malakas at matatag ang bansa.
3 Ang pinunong sa mahihirap ay sumisiil
ay tulad ng ulang sumisira sa pananim.
4 Ang masama ay pinupuri ng masuwayin sa batas,
ngunit kalaban nila ang mga taong sa tuntunin ay tumutupad.
5 Hindi alam ng masama kung ano ang katarungan,
ngunit ang mga sumasamba kay Yahweh, lubos itong maiintindihan.
6 Mabuti na ang mahirap na namumuhay sa katuwiran,
kaysa taong mayaman ngunit makasalanan.
7 Ang anak na matalino ay sumusunod sa aral,
ngunit ang nakikipagbarkada sa masasama ay kahihiyan ng magulang.
8 Ang kayamanang natamo sa pamamagitan ng patubuan
ay mauuwi sa maawain at matulungin sa nangangailangan.
9 Ang panalangin ng taong hindi sumusunod sa kautusan ay kasuklam-suklam.
10 Ang tumutukso sa mabuti upang magpakasama
ay mabubulid sa sariling pakana,
ngunit ang taong may tapat na pamumuhay ay magmamana ng maraming kabutihan.
11 Ang palagay ng mayaman ay marunong siya,
ngunit ang mahirap na may unawa ay mabuti pa sa kanya.
12 Kapag matuwid ang nasa kapangyarihan, ang lahat ay nagdiriwang,
ngunit kung ang pumalit ay masama, lahat ay nasa taguan.
13 Ang nagkukubli ng kanyang sala ay hindi mapapabuti,
ngunit kahahabagan ng Diyos ang nagbabalik-loob at nagsisisi.
14 Mapalad ang taong sumusunod sa ating Diyos,
ngunit ang matigas ang ulo ay mapapahamak.
15 Ang masamang hari ay tila leong mabagsik
at nakakatakot na parang osong mabangis.
16 Ang haring walang pang-unawa ay tiyak na malupit;
ang pamamahala ng tapat na hari ay lalawig.
17 Ang pumatay sa kapwa ay humuhukay ng sariling libingan,
at ang taong ito'y di dapat tulungan.
18 Ang taong tapat ay ligtas sa kapahamakan,
ngunit ang masama ay biglang mabubuwal.
19 Sagana sa pagkain ang magsasakang masipag,
ngunit naghihirap ang taong tamad.
20 Ang taong tapat ay mananagana sa pagpapala,
ngunit paparusahan ang yumaman sa pandaraya.
21 Ang paghatol nang may kinikilingan ay hindi mainam,
ngunit dahil sa suhol may hukom na gumagawa ng ganitong kasamaan.
22 Ang kuripot ay nagmamadaling yumaman
ni hindi iniisip na kahirapan ay daratal.
23 Ang tapat sa pagsaway sa bandang huli'y pasasalamatan
kaysa sa taong panay ang pagpuri kahit hindi nararapat.
24 Ang anak na ninakawan ang kanyang magulang at sasabihing ito'y hindi kasalanan,
ay masahol pa sa karaniwang magnanakaw.
25 Ang taong gahaman ay lumilikha ng kaguluhan,
ngunit ang nagtitiwala kay Yahweh, uunlad ang kabuhayan.
26 Ang nagtitiwala sa sariling kakayahan ay mangmang,
ngunit ang sumusunod sa magandang payo ay malayo sa kapahamakan.
27 Ang tumutulong sa mahirap ay di magkukulang,
ngunit susumpain ang nagbubulag-bulagan.
28 Kapag masama ang pinuno, ang lahat ay nagkukubli,
ngunit kapag sila ay wala na, ang mabubuti'y dumadami.
29 Ang taong ayaw magbago ay hindi maliligtas;
ang hindi makinig ng payo ay mapapahamak.
2 Kapag matuwid ang namamahala, bayan ay nagsasaya,
ngunit tumatangis ang bayan kung ang pinuno ay masama.
3 Ang nagpapahalaga sa karunungan ay nagbibigay galak sa magulang,
ngunit ang nakikisama sa patutot ay nagwawaldas ng kayamanan.
4 Ang kaharian ay matatag kung ang hari'y makatarungan,
ngunit ito'y mawawasak kung sa salapi siya'y gahaman.
5 Ang kunwang pumupuri sa kanyang kapwa,
nag-uumang ng bitag na sa sarili inihahanda.
6 Ang masama ay nahuhuli sa sariling kasalanan,
ngunit ang matuwid ay panatag, may awit ng kagalakan.
7 Kinikilala ng matuwid ang karapatan ng mahirap,
ngunit ito'y balewala sa mga taong swapang.
8 Ang buong bayan ay ginugulo ng palalo,
ngunit ang galit ay pinapawi ng taong matino.
9 Kapag inihabla ng may unawa ang isang taong mangmang,
ito'y hahalakhak lang at lilikha ng kaguluhan.
10 Ang mamamatay-tao ay namumuhi sa taong tapat,
ngunit ang matuwid, sa kanila'y nag-iingat.
11 Kung magalit ang mangmang ay walang pakundangan,
ngunit ang matalino'y nagpipigil na ang galit niya'y mahalata.
12 Kapag nakinig ang hari sa kasinungalingan,
lahat ng lingkod niya'y mabubuyo sa kasamaan.
13 Magkapareho sa iisang bagay ang mahirap at maniniil:
Si Yahweh ang may bigay ng kanilang paningin.
14 Kung ang pagtingin ng hari ay pantay-pantay,
magiging matatag magpakailanman ang kanyang kaharian.
15 Disiplina at pangaral, hatid ay karunungan;
ngunit ang batang suwail, sa magulang ay kahihiyan.
16 Kapag masama ang namamahala, naglipana ang karahasan,
ngunit masasaksihan ng matuwid ang kanilang kapahamakan.
17 Ang anak mo'y busugin sa pangaral,
at pagdating ng araw, siya'y iyong karangalan.
18 Ang bansang walang patnubay ng Diyos ay puno ng kaguluhan,
ngunit mapalad ang taong sumusunod sa Kautusan.
19 Ang(J) utusan ay di matututo kung ito lang ay pagsasabihan,
pagkat di niya susundin kahit ito ay maunawaan.
20 Mabuti nang di hamak ang hangal
kaysa taong ang sinasabi'y hindi na pinag-iisipan.
21 Kapag ang utusan ay iyong pinalayaw,
siya na ang mag-uutos pagdating ng araw.
22 Ang taong magagalitin ay laging napapasok sa gulo;
laging nakikipag-away dahil sa init ng ulo.
23 Ang magbabagsak sa tao'y ang kanyang kapalaluan,
ngunit ang mapagpakumbaba ay magtatamo ng karangalan.
24 Ang makipagsabwatan sa magnanakaw ay mahirap na kalagayan:
Kapag nagsabi ng totoo, ipabibilanggo ng hukuman,
ngunit paparusahan naman ng Diyos kapag ang sinabi'y kasinungalingan.
25 Huwag mong ikabahala ang sinasabi ng iba,
magtiwala ka kay Yahweh at mapapanatag ka.
26 Marami ang lumalapit sa hari upang humingi ng tulong,
ngunit kay Yahweh lamang makakamtan ang katarungan.
27 Ang masama ay kinasusuklaman ng mga matuwid;
ang masasama nama'y sa matuwid nagagalit.
Ang mga Kawikaan ni Agur
30 Mga kawikaan ni Agur na anak ni Jakeh ng Massa. Ito ang sinabi niya kina Itiel at Ucal:
“Ang Diyos ay malayo sa akin, wala akong magagawa.
2 Ako ay mangmang, alangang maging tao.
Wala akong karunungan, hindi ako matalino.
3 Di ako nakapag-aral, kaya ako ay mangmang,
walang karunungan, walang alam sa Maykapal.
4 Sino ang dalubhasa tungkol sa kalangitan?
Sino ang nakapigil ng hangin sa kanyang palad?
Sino ang nakapagbalot ng tubig sa isang damit?
Sino ang naglagay ng mga hangganan sa daigdig?
Sino siya? Sino ang kanyang anak?
5 “Ang lahat ng salita ng Diyos ay mapananaligan at siya ang kanlungan ng mga nananalig sa kanya. 6 Huwag mong daragdagan ang kanyang salita sapagkat pagsasabihan ka niya bilang isang sinungaling.”
Karagdagang Kawikaan
7 Diyos ko, may hihilingin akong dalawang bagay bago ako mamatay: 8 Huwag akong hayaang maging sinungaling. Huwag mo akong payamanin o paghirapin. Sapat na pagkain lamang ang ibigay mo sa akin. 9 Baka kung managana ako ay masabi kong hindi na kita kailangan. Baka naman kung maghirap ako'y matutong magnakaw, at pangalan mo'y malapastangan.
10 Ang alipin ay huwag mong sisiraan sa kanyang amo,
baka isumpa ka niya't pagbayarin sa ginawa mo.
11 May mga taong naninira sa kanilang ama,
masama ang sinasabi tungkol sa kanilang ina.
12 May mga taong nagmamalinis sa sarili,
ngunit ang totoo'y walang kasindumi.
13 May mga taong masyadong palalo, ang akala nila'y kung sino na sila.
14 May mga tao namang masyadong masakim,
pati mahihirap, kanilang sinisiil.
15 Ang linta ay may dalawang anak, “Bigyan mo ako, bigyan mo ako,” ang lagi nilang hiling.
May apat na bagay na kailanma'y di masiyahan:
16 Ang libingan,
ang babaing walang anak,
ang lupang tuyo na laging nais matigmak,
at ang apoy na naglalagablab.
17 Ang anak na kumukutya sa kanyang ama at laging sumusuway sa salita ng ina, tutukain ng uwak ang kanilang mata at kakainin ng buwitre ang kanilang bangkay.
18 May apat na bagay na di ko maunawaan:
19 Ang(K) paglipad ng agila sa kalangitan,
ang paggapang ng ahas sa ibabaw ng batuhan,
ang paglalayag ng barko sa karagatan,
at ang babae't lalaking nagmamahalan.
20 Ganito naman ang ginagawa ng asawang nagtataksil: makikipagtalik, pagkatapos ay magbibihis saka sasabihing wala siyang ginagawang masama.
21 May apat na bagay na yayanig sa daigdig:
22 Ang aliping naging hari,
ang isang mangmang na sagana sa pagkain,
23 ang babaing masungit na nagkaasawa,
at ang isang aliping babaing pumalit sa kanyang amo.
24 Sa daigdig ay may apat na maliliit na hayop ngunit may pambihirang kaisipan.
25 Ang mga langgam: sila ay mahina subalit nag-iipon
ng pagkain kung tag-araw.
26 Ang mga kuneho: mahihina rin sila subalit nakagagawa
ng kanilang tirahan sa batuhan.
27 Ang mga balang: bagama't walang haring sumusubaybay
ay lumalakad nang maayos at buong inam.
28 Ang mga butiki:[a] maaaring hawakan sa iyong palad dahil sa kaliitan,
subalit nasa palasyo ng hari at doon naninirahan.
29 May apat na bagay na kasiya-siyang pagmasdan sa kanilang paglakad:
30 Ang leon, pinakamatapang na hayop at kahit kanino ay di natatakot.
31 Ang tandang na magilas, ang kambing na mabulas,
at ang hari sa harap ng bayan.
32 Kung sa kahangalan mo'y naging palalo ka at nagbalak ng masama, mag-isip-isip ka. 33 Batihin mo ang gatas at may mantekilya ka; suntukin mo ang ilong ng iyong kapwa at dudugo nang sagana; guluhin mo ang iba at mapapaaway ka.
Mga Kawikaan ng Ina ni Haring Lemuel
31 Ito ang mga payo ni Haring Lemuel ng Massa, mga kawikaang itinuro ng kanyang ina.
2 “Mayroon akong sasabihin sa iyo anak, na tugon sa aking dalangin. 3 Huwag mong uubusin sa babae ang lakas mo at salapi, at baka mapahamak kang tulad ng ibang hari. 4 Lemuel, di dapat sa hari ang uminom ng alak o matapang na inumin. 5 Kadalasan kapag lasing na sila'y nalilimutan na nila ang matuwid at napapabayaan ang karapatan ng mga taong naghihirap. 6 Ang alak ay ibigay mo na lamang sa nawawalan ng pag-asa at sa mga taong dumaranas ng matinding kahirapan. 7 Hayaan silang uminom upang hirap ay malimutan, at kasawia'y di na matandaan.
8 “Ipagtanggol mo ang mga di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan. 9 Ipahayag mo nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran, at igawad ang katarungan sa api at mahirap.”
Ang Huwarang Maybahay
10 Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.
11 Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya.
12 Pinaglilingkuran niya ang asawa habang sila'y nabubuhay, pawang kabutihan ang ginagawa at di kasamaan.
13 Wala siyang tigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang telang lino at lana.
14 Tulad ng isang barkong puno ng kalakal, siya ay nag-uuwi ng pagkain mula sa malayong lugar.
15 Bago pa sumikat ang araw ay inihahanda na ang pagkain ng buo niyang sambahayan, pati na ang gawain ng mga katulong sa bahay.
16 Mataman niyang tinitingnan ang bukid bago siya magbayad, ang kanyang naiimpok ay ipinagpapatanim ng ubas.
17 Gayunma'y naiingatan ang kamay at katawan upang matupad ang lahat ng kanyang tungkulin araw-araw.
18 Sa kanya'y mahalaga ang bawat ginagawa, hanggang hatinggabi'y makikitang nagtitiyaga.
19 Siya'y gumagawa ng mga sinulid, at humahabi ng sariling damit.
20 Matulungin siya sa mahirap, at sa nangangailanga'y bukás ang palad.
21 Hindi siya nag-aalala dumating man ang tagginaw, pagkat ang sambahayan niya'y may makapal na kasuotan.
22 Gumagawa siya ng makakapal na sapin sa higaan at damit na pinong lino ang sinusuot niya.
23 Ang kanyang asawa'y kilala sa lipunan at nahahanay sa mga pangunahing mamamayan.
24 Gumagawa pa rin siya ng iba pang kasuotan at ipinagbibili sa mga mangangalakal.
25 Marangal at kapita-pitagan ang kanyang kaanyuan at wala siyang pangamba sa bukas na daratal.
26 Ang mga salita niya ay puspos ng karunungan at ang turo niya ay pawang katapatan.
27 Sinusubaybayan niyang mabuti ang kanyang sambahayan at hindi tumitigil sa paggawa araw-araw.
28 Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak:
29 “Maraming babae na mabuting asawa, ngunit sa kanila'y nakahihigit ka.”
30 Mandaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda, ngunit ang babaing gumagalang at sumusunod kay Yahweh ay pararangalan.
31 Ibigay sa kanya ang lahat ng parangal, karapat-dapat siya sa papuri ng bayan.
Walang Kabuluhan ang Lahat
1 Ito ang mga katuruan ng Mangangaral, ang anak ni David na hari ng Israel.
2 “Napakawalang kabuluhan![b] Napakawalang kabuluhan;[c] lahat ay walang kabuluhan,”[d] sabi ng Mangangaral. 3 Nagpapakapagod ka nang husto sa pagtatrabaho sa mundong ito.
Ngunit para saan ba ang mga pagpapagod na ito? 4 Patuloy(L) ang pagpapalit-palit ng mga lahi ngunit hindi nagbabago ang daigdig. 5 Ang araw ay patuloy sa pagsikat at patuloy sa paglubog; pabalik-balik lang sa pinanggalingan. 6 Ang hangin ay umiihip patungong timog, papuntang hilaga, buong araw na paikut-ikot. 7 Lahat ng tubig ay umuuwi sa dagat ngunit hindi ito napupuno. Ang tubig ay bumabalik sa batis na pinagmulan upang muling umagos patungong karagatan. 8 Ang lahat ng bagay ay nakababagot, hindi makayanang ipaliwanag. Walang sawa ang paningin ng tao; walang tigil ang kanyang pakinig. 9 Ang naganap noon ay nangyayari rin ngayon. Ang mga nagawa noon ay nagagawa rin ngayon; walang bagong pangyayari sa mundong ito. 10 Ang sabi ng iba, “Halikayo! Ito'y bago.” Ngunit naganap na iyon noong di pa tayo tao. 11 Hindi na maalala ang mga nauna. At ang nangyayari ngayon ay malilimutan din sa hinaharap.
Ang Karanasan ng Mangangaral
12 Ako, ang Mangangaral, ay naging hari ng Israel. 13 Siniyasat ko at pinag-aralang mabuti ang lahat ng bagay sa buong mundo. At nakita kong ang tao'y itinalaga ng Diyos sa matinding paghihirap. 14 Nakita kong ang lahat ng gawa ng tao sa mundong ito ay walang kabuluhan;[e] ito'y tulad lang ng paghahabol sa hangin. 15 Hindi na maitutuwid ang baluktot at hindi na maibibilang ang wala.
16 Sinabi(M) ko sa aking sarili, “Ang karunungan ko'y higit sa sinundan kong mga hari ng Jerusalem. Alam ko kung ano ang tunay na karunungan at kaalaman.” 17 Pinag-aralan kong mabuti ang pagkakaiba ng karunungan at ng kamangmangan, ng katalinuhan at ng kabaliwan. Ngunit napatunayan kong ito rin ay tulad lang ng paghahabol sa hangin. 18 Habang lumalawak ang karunungan ay dumarami ang alalahanin, at habang dumarami ang nalalaman ay lalong tumitindi ang kapighatian.
Kamangmangan ang Maging Makasarili
2 Sinabi ko sa aking sarili, “Halika, subukan mo kung ano ang kahulugan ng kaligayahan; magpakasaya ka!” Subalit ito man ay walang kabuluhan.[f] 2 Ang halakhak ay ipinalagay kong kahangalan at ang kaligayahan ay walang kabuluhan.[g] 3 Sa pagnanasa kong makamit ang karunungan, ipinasya kong magpakalasing sa alak. Sa loob-loob ko'y ito na ang pinakamainam na dapat gawin ng tao sa maikling panahong ilalagi niya sa mundong ito. 4 Nakagawa(N) ako ng mga dakilang bagay. Nakapagpatayo ako ng malalaking bahay at ginawa kong ubasan ang paligid nito. 5 Gumawa ako para sa aking sarili ng mga hardin at liwasan. Tinamnan ko ito ng lahat ng uri ng punongkahoy na mapapakinabangan ang bunga. 6 Humukay ako ng mga balon na pagkukunan ng pandilig sa mga pananim na ito. 7 Bumili(O) ako ng mga aliping babae at lalaki. Ang mga alipin ko'y nagkaanak na sa aking tahanan. Ang kawan ko'y ubod ng dami, walang kasindami kung ihahalintulad sa kawan ng mga haring nauna sa akin. 8 Nakaipon(P) ako ng napakaraming pilak at ginto mula sa mga lupaing nasasakupan ko. Marami akong mang-aawit na babae't lalaki. Marami akong asawa at pawang magaganda. Wala nang hahanapin pa ang isang lalaki, lalo na kung tungkol din lang sa babae.
9 Higit(Q) akong dinakila kaysa sinumang haring nauna sa akin. Taglay ko pa rin ang aking karunungan. 10 Wala akong ginustong hindi ko nakuha. Ginagawa ko ang lahat ng aking magustuhan. Nalulugod ako sa aking mga ginagawa at iyon ang pinakagantimpala ng aking mga pinagpaguran. 11 Pagkatapos, inisip kong mabuti ang mga ginawa ko at ang pagod na aking pinuhunan. Nakita kong ang lahat ay pawang walang kabuluhan;[h] tulad lang ito ng paghahabol sa hangin.
12 Naisip kong ang wakas ng isang hari ay tulad lamang ng sa mga nauna sa kanya. Tinimbang kong mabuti ang karunungan, ang kabaliwan at kamangmangan. 13 Napatunayan kong mas mabuti ang karunungan kaysa kamangmangan, tulad ng kabutihan ng liwanag kaysa kadiliman. 14 Nalalaman ng marunong ang kanyang patutunguhan ngunit hindi alam ng mangmang ang kanyang hangganan. Ngunit nabatid ko ring iisa ang hantungan ng lahat. 15 Sinabi ko sa aking sarili, “Ang sinapit ng mangmang ay siya mo ring sasapitin. Ano nga ba ang napala mo sa labis na pagpapakarunong?” At naisip kong ito man ay wala ring kabuluhan.[i] 16 Pagkat kung paanong ang mangmang ay nalilimutan pagdating ng araw, gayon din ang lahat ay mamamatay, maging ang marunong man, o ang mangmang. 17 Kaya't kinamuhian ko ang buhay sapagkat pawang kahirapan lamang ang idinulot nito sa akin. Lahat nga ay walang kabuluhan,[j] at tulad lang ito ng paghahabol sa hangin.
18 Wala na ring halaga sa akin ang lahat ng pinagpaguran ko sa mundong ito sapagkat ito'y maiiwan lamang sa susunod sa akin. 19 At sino ang nakakatiyak kung siya'y marunong o mangmang? Gayunman, siya pa rin ang magmamana sa lahat ng mga pinagpaguran ko at ginamitan ng karunungan sa mundong ito. Ito ma'y walang kabuluhan.[k] 20 Kaya nga, nanghihinayang ako pagkat ako ay nagpakapagod nang husto sa mundong ito. 21 Lahat ng pinagpaguran ng tao'y pinamuhunan niya ng karunungan, kaalaman at kakayahan ngunit pagdating ng araw ay iba ang magpapakasaya sa mga pinagpaguran niya. Ito ay walang kabuluhan,[l] at ito'y hindi tama. 22 Nagpapakapagod at nagpapakahirap nang husto sa mundong ito ang isang tao, ngunit para saan ba ang pagpapagod na ito? 23 Anumang(R) gawin ng tao'y nagdudulot sa kanya ng balisa at hinanakit. May mga gabi pang hindi siya makatulog sa pag-iisip. Ito man ay walang kabuluhan.[m]
24 Ang(S) mabuti pa sa tao'y kumain at uminom, at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran. Alam kong ang lahat ng ito ay kaloob ng Diyos. 25 Kung wala ang Diyos, sino pa ba ang makakakain o makakaranas ng kasiyahan? 26 Ang(T) karunungan, kaalaman, at kaligayahan ay ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng kinalulugdan niya. Ang makasalana'y pinagtatrabaho niya at pinag-iimpok upang ibigay lamang ito sa gusto niyang pagbigyan. Ito man ay walang kabuluhan,[n] tulad lang ng paghahabol sa hangin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.