Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Cronica 23:16-35:15

Ang mga Repormang Isinagawa ng Paring si Joiada(A)

16 Pagkatapos, nakipagkasunduan si Joiada sa mga tao at sa hari na sila'y magiging sambayanan ni Yahweh. 17 Nagkaisa ang lahat na wasakin ang Templo ni Baal kaya't dinurog nila ang mga altar at ang mga rebultong naroon. Pinatay nila sa harap ng mga altar si Matan, ang pari ni Baal. 18 Naglagay si Joiada ng mga tagapagbantay sa Templo, sa ilalim ng pamamahala ng mga pari at ng mga Levita na inilagay ni David sa tungkuling iyon. Sila ang mag-aalay ng mga handog na susunugin ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. Sila rin ang mamamahala sa awitan at sa pagdiriwang ayon sa kaayusang ginawa ni David. 19 Pinabantayan ni Joiada ang lahat ng pintuan ng Templo para hindi makapasok ang sinumang itinuturing na marumi. 20 Pagkatapos, tinawag niya ang mga pinuno ng bawat pangkat na daan-daan, ang mga pangunahing mamamayan, mga pinuno ng bayan at ang lahat ng mamamayan sa lupain. Inihatid nila ang hari mula sa Templo patungo sa palasyo. Dumaan sila sa malaking pintuan at kanilang pinaupo sa trono ang hari. 21 Nagdiwang ang lahat ng tao sa buong lupain. Naging tahimik ang lunsod nang mapatay si Atalia.

Si Haring Joas ng Juda(B)

24 Pitong taóng gulang si Joas nang siya'y maging hari at apatnapung taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Sibias na taga-Beer-seba. Kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh ang lahat ng ginawa niya habang nabubuhay ang paring si Joiada. Ikinuha ni Joiada si Joas ng dalawang asawa at nagkaroon siya sa mga ito ng maraming anak na lalaki at babae.

Hindi nagtagal, ipinasya ni Joas na ipaayos ang mga sira sa Templo ni Yahweh. Kaya ipinatawag niya ang mga pari at ang mga Levita. Iniutos niya sa mga ito: “Libutin ninyo ang mga lunsod ng Juda at pagbayarin ninyo ang mga tao ng buwis para sa taunang pagpapaayos ng Templo ng inyong Diyos. Gawin ninyo ito sa lalong madaling panahon.” Ngunit hindi agad kumilos ang mga Levita. Dahil(C) dito, tinawag ng hari ang pinuno ng mga pari na si Joiada. Sinabi ng hari sa kanya, “Ano ba ang ginagawa mo at hanggang ngayon ay wala pang nalilikom na buwis ang mga Levita mula sa mga taga-Juda at taga-Jerusalem? Ang buwis na iyan ay ipinag-utos sa Israel ni Moises na lingkod ni Yahweh para sa Toldang Tipanan.”

Ang Templo ng Diyos ay pinasok ng mga anak ng masamang babaing si Atalia. Kinuha nila ang lahat ng kayamanan at kasangkapan doon at ginamit pa sa pagsamba kay Baal.

Iniutos ng hari na gumawa ng isang kaban at ilagay ito sa may pasukan ng Templo. At ipinahayag niya sa buong Juda at Jerusalem na dalhin ang kanilang buwis para kay Yahweh gaya nang utos ni Moises noong sila'y nasa ilang. 10 Nagalak ang mga tao at ang kanilang mga pinuno, at naghulog sila ng kani-kanilang buwis sa kaban hanggang sa mapuno ito. 11 Dinadala naman ito ng mga Levita sa mga kagawad ng hari at ang laman nito ay kinukuha ng kalihim ng hari at ng kanang-kamay ng pinakapunong pari. Pagkatapos, ibinabalik uli ang kaban sa may pasukan ng Templo. Ganito ang ginagawa nila araw-araw kaya't nakalikom sila ng malaking halaga.

12 Ang nalilikom nilang salapi ay ipinagkakatiwala naman ng hari at ni Joiada sa mga namamahala sa pagpapagawa ng Templo. Umupa sila ng mga kantero, mga karpintero at mga panday ng bakal at ng tanso upang magkumpuni ng mga sira sa Templo. 13 Nagtrabaho nang mabuti ang mga manggagawa. Ibinalik nila sa dating kalagayan ang Templo ng Diyos at pinatibay pa ito. 14 Ibinalik nila sa hari at kay Joiada ang natirang salapi at ipinagpagawa naman ito ng mga kagamitan sa Templo. Gumawa sila ng kasangkapang gamit sa paglilingkod at handog na susunugin, mga lalagyan ng insenso at iba pang mga sisidlang ginto at pilak. Patuloy silang naghahandog ng mga haing susunugin sa Templo ni Yahweh habang nabubuhay pa si Joiada.

Binago ang mga Patakaran ni Joiada

15 Tumanda si Joiada at umabot sa sandaan at tatlumpung taóng gulang bago siya namatay. 16 Inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David sapagkat naging mabuti siya sa Israel, sa Diyos at sa Templo nito.

17 Pagkamatay ni Joiada, ang mga pinuno ng Juda ay nagbigay-galang sa hari at sila na ang pinapakinggan ng hari. 18 At pinabayaan nila ang Templo ni Yahweh na Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa halip, sumamba sila sa mga Ashera at sa mga diyus-diyosan. Dahil dito, nagalit ang Diyos at pinarusahan ang mga taga-Juda at ang mga taga-Jerusalem. 19 Gayunma'y nagsugo si Yahweh ng mga propeta upang ang mga tao'y magbalik-loob sa kanya. Ngunit hindi sila nakinig sa mga ito. 20 Dahil(D) dito, lumukob ang Espiritu[a] ng Diyos kay Zacarias na anak ng paring si Joiada. Tumayo siya sa harap ng bayan. Sinabi niya, “Ito ang sinabi ng Diyos: ‘Bakit ninyo nilalabag ang mga utos ni Yahweh? Bakit ninyo ipinapahamak ang inyong mga sarili. Sapagkat itinakwil ninyo siya, itinakwil din niya kayo!’” 21 Ngunit nagsabwatan ang mga tao laban sa kanya. At sa utos ng hari, binato nila si Zacarias hanggang sa mamatay. Naganap ito sa bulwagan ng Templo ni Yahweh. 22 Kinalimutan ni Haring Joas ang kagandahang-loob sa kanya ni Joiada na ama ni Zacarias. Bago namatay si Zacarias, ganito ang kanyang sinabi, “Makita sana ni Yahweh ang ginagawa ninyong ito at parusahan niya kayo!”

Ang Wakas ng Paghahari ni Joas

23 Nang patapos na ang taóng iyon, si Joas ay sinalakay ng hukbo ng Siria. Pinasok ng mga ito ang Juda at Jerusalem at pinatay ang mga pinuno ng bayan. Lahat ng sinamsam nila'y ipinadala sa hari sa Damasco. 24 Maliit man ang hukbo ng Siria ay nagtagumpay sila laban sa malaking hukbo ng Juda sapagkat itinakwil nito si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa ganitong paraan pinarusahan si Joas.

25 Iniwan ng hukbong Siria si Joas na may malubhang sugat. Ngunit pagkaalis nila, nagkaisa ang mga lingkod ng hari na ipaghiganti ang pagkamatay ng anak ng paring si Joiada. Kaya pinatay nila si Joas sa kanyang higaan. Siya'y inilibing nila sa Lunsod ni David ngunit hindi sa libingan ng mga hari. 26 Ang mga kasama sa pagpatay sa kanya ay si Sabad na anak ni Simeat na isang Ammonita at si Jehosabad na anak ni Simrit na isang Moabita. 27 Ang mga kasaysayan tungkol sa kanyang mga anak, mga propesiya laban sa kanya at ang kanyang muling pagtatayo sa Templo ay nakasulat sa Paliwanag sa Aklat ng mga Hari. Pumalit sa kanya bilang hari ang anak niyang si Amazias.

Si Haring Amazias ng Juda(E)

25 Dalawampu't limang taon si Amazias nang siya'y maging hari at dalawampu't siyam na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Jehoadan na taga-Jerusalem. Naging kalugud-lugod kay Yahweh ang kanyang mga ginawa, ngunit hindi niya ginawa ang mga ito nang buong puso. Nang matatag na siya sa kanyang paghahari, ipinapatay niya ang mga tauhan niya na pumatay sa kanyang amang hari. Ngunit(F) hindi niya pinatay ang kanilang mga anak alinsunod sa utos ni Yahweh na nasa aklat ni Moises na ganito ang sinasabi, “Hindi dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng mga anak ni ang mga anak dahil sa krimeng nagawa ng mga magulang. Ang mismong may sala lamang ang siyang dapat patayin.”

Digmaan Laban sa Edom(G)

Pagkatapos, tinipon ni Amazias ang mga lalaki sa Juda at pinagpangkat-pangkat ayon sa kani-kanilang angkan. Ginawa rin niya ito sa lipi ni Benjamin. Bumuo siya ng mga pangkat na libu-libo at ng mga daan-daan. Nilagyan niya ang mga ito ng kanya-kanyang pinuno. Pagkatapos, ibinukod niya ang mga kabataang may dalawampung taon ang gulang pataas at nakatipon siya ng tatlong daang libo. Lahat ng ito'y handang makipagdigma at sanay humawak ng panangga at sibat. Kumuha pa siya sa Israel ng 100,000 matatapang na kawal at inupahan niya ang mga ito ng 3,500 kilong pilak. Ngunit may isang lingkod ng Diyos na nagpayo sa kanya ng ganito: “Mahal na hari, huwag po ninyong isasama ang hukbo ng Israel sa inyong pagsalakay sapagkat hindi na po pinapatnubayan ni Yahweh ang mga Efraimitang iyon! Maaaring iniisip ninyo na palalakasin nila kayo sa digmaan. Ngunit ang Diyos ang nagbibigay ng tagumpay o pagkatalo. Ipapatalo niya kayo sa inyong mga kaaway.”

Sinabi ni Amazias sa propeta, “Ngunit paano naman ang mga pilak na naibayad ko na sa kanila?”

Sumagot ang propeta ng Diyos, “Higit pa riyan ang maibibigay sa inyo ni Yahweh.”

10 Pinauwi na nga ni Amazias ang mga kawal na mula sa Efraim. Dahil dito, lubha silang nagdamdam at umuwing galit na galit sa mga taga-Juda.

11 Lumakas ang loob ni Amazias at sumalakay sila sa Libis ng Asin at may sampung libong mga kawal ng Edom ang kanilang napatay. 12 Ang sampung libo pa na kanilang nabihag ay dinala nila sa itaas ng bangin at inihulog mula roon kaya namatay ang mga itong bali-bali ang mga buto. 13 Ang mga kawal naman ng Israel na pinauwi ni Amazias ay sumalakay sa Juda mula sa Samaria hanggang Beth-horon. Pinagpapatay nila ang tatlong libong mamamayan doon at nag-uwi pa ng maraming samsam.

14 Pagkatapos nilang malupig ang mga Edomita, kinuha ni Amazias ang mga diyus-diyosan ng mga ito at dinala sa Jerusalem. Kinilala niyang diyos ang mga iyon, sinamba at hinandugan. 15 Ikinagalit ito ni Yahweh, kaya sinugo niya ang isang propeta at sinabi kay Amazias, “Bakit ka sumamba sa mga diyos ng ibang bansa na hindi nakapagligtas sa kanilang sariling bayan mula sa iyong kapangyarihan?”

16 Nagsasalita pa ito'y sinabi na sa kanya ng hari, “Kailan pa kita ginawang tagapayo ko? Tumigil ka kung ayaw mong mamatay.”

Bago tumahimik ang propeta sinabi muna niya ito: “Alam kong pupuksain ka ng Diyos dahil sa ginawa mong ito at dahil hindi ka nakinig sa aking payo.”

Dinigma ang Israel(H)

17 Si Amazias na hari ng Juda ay nakipagpulong sa kanyang mga tagapayo. Pagkatapos, nagpadala siya ng mensahe kay Joas na hari ng Israel, na anak ni Joahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya ito ng labanan. 18 Ito naman ang sagot ni Joas na hari ng Israel: “Ang dawag sa Lebanon ay nagpadala ng sugo sa sedar ng Lebanon upang sabihin, ‘Ang anak mong dalaga'y ipakasal mo sa aking anak.’ Ngunit may dumaang mabangis na hayop mula sa Lebanon at tinapakan ang dawag. 19 Sinasabi mong natalo mo ang Edom at ipinagmalaki mo iyon! Mabuti pa'y tumigil ka na sa bahay mo! Bakit lumilikha ka ng gulo na ikapapahamak mo at ng iyong bayan?”

20 Ngunit hindi ito pinansin ni Amazias sapagkat kalooban ng Diyos na mahulog sa kamay ni Joas ang Juda, bilang parusa sa pagsamba ni Amazias sa mga diyus-diyosan ng Edom. 21 Nagharap sa labanan si Haring Joas ng Israel at si Haring Amazias ng Juda, sa Beth-semes na sakop ng Juda. 22 Natalo ng Israel ang Juda at ang mga kawal nito'y tumakas pauwi. 23 Ngunit nabihag ni Haring Joas si Haring Amazias at dinala ito sa Jerusalem. Winasak ni Joas ang pader ng lunsod mula sa Pintuang Efraim hanggang sa Pintuan sa Sulok, mga 180 metro ang haba. 24 Sinamsam niya ang lahat ng ginto at pilak at mga kagamitan sa Templo ng Diyos na nasa pag-iingat ng mga anak ni Obed-Edom. Sinamsam din niya ang mga kayamanan sa palasyo at nagdala pa siya sa Samaria ng mga bihag.

25 Labinlimang taon pang nabuhay si Haring Amazias ng Juda mula nang mamatay si Haring Joas ng Israel. 26 Ang iba pang mga ginawa ni Amazias mula sa pasimula hanggang sa wakas ng kanyang paghahari ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel. 27 Mula nang sumuway siya kay Yahweh, nagkaroon ng sabwatan sa Jerusalem laban sa kanya kaya't tumakas siya patungong Laquis, ngunit sinundan siya roon at pinatay. 28 Ang kanyang bangkay ay isinakay sa kabayo at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno sa Lunsod ni David.

Si Haring Uzias ng Juda(I)

26 Ginawang hari ng buong Juda si Uzias sa gulang na labing-anim bilang kahalili ng namatay niyang amang si Amazias. Sa panahon ng kanyang paghahari, nabawi niya ang lunsod ng Elat at muli itong itinatag para sa Juda.

Labing-anim na taóng gulang si Uzias nang maging hari at limampu't dalawang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya'y si Jecolias na taga-Jerusalem. Si Uzias ay naging kalugud-lugod kay Yahweh tulad ni Amazias. Habang nabubuhay si Zacarias, na nagturo sa kanya na matakot sa Diyos, naglingkod siya nang tapat kay Yahweh, at pinagpapala siya ng Diyos.

Sinalakay ni Uzias ang mga Filisteo at winasak ang mga kuta sa Gat, Jabne at Asdod. Nagtayo siya ng mga lunsod sa nasasakupan ng Asdod at ng mga Filisteo. Tinulungan siya ng Diyos laban sa mga Filisteo at mga Arabo na naninirahan sa Gurbaal at laban sa mga Meunita. Nagbabayad sa kanya ng buwis ang mga Ammonita at nakilala siya hanggang sa Egipto dahil sa kanyang kapangyarihan. Nagtayo rin siya ng mga kuta sa Jerusalem: isa sa may Pintuan sa Sulok, isa sa Pintuan sa Libis at isa sa Panulukan ng Zion at ng Ofel. 10 Nagpagawa rin siya ng mga toreng bantayan sa ilang at nagpahukay ng maraming mga balon para sa kanyang mga kawan sa mga paanan ng burol at sa kapatagan. Palibhasa'y mahilig siya sa pagbubukid, kumuha siya ng mga magsasaka sa kanyang bukirin at mga tagapag-alaga ng ubasan sa kapatagan at kaburulan.

11 Si Uzias ay mayroon ding hukbo ng mga kawal na handa sa labanan. Nasa ilalim ito ng pamamahala ni Hananias. Nahahati ito sa maraming pangkat ayon sa listahang ginawa ni Jeiel na kalihim at ng tagapagtalang si Maasias. 12 May 2,600 pinuno ng sambahayan ang namamahala sa kanyang hukbo. 13 Binubuo ito ng may 300,750, magigiting na mandirigma na laging handang lumaban at magtanggol sa hari. 14 Silang lahat ay binigyan ni Uzias ng iba't ibang sandata tulad ng panangga, sibat, helmet, pana at tirador. 15 Sa mga tore at mga panulukan ng Jerusalem, naglagay siya ng mga kasangkapang ginawa ng mahuhusay na panday upang ipanghagis ng sibat at ng malalaking bato. Naging tanyag si Uzias at naging makapangyarihan dahil sa tulong na nagmumula sa Diyos.

Pinarusahan si Uzias Dahil sa Kapalaluan

16 Subalit nang maging makapangyarihan si Uzias, naging palalo siya na siyang dahilan ng kanyang pagbagsak. Nilapastangan niya ang Diyos niyang si Yahweh nang pumasok siya sa Templo upang maghandog sa altar na sunugan ng insenso. 17 Sinundan siya ng paring si Azarias, kasama ang walumpung matatapang na pari ni Yahweh. 18 Nang(J) makita siya ay sinabi nila, “Haring Uzias, wala po kayong karapatang magsunog ng insenso para kay Yahweh. Tanging ang mga paring mula sa angkan ni Aaron lamang ang inatasan ng Diyos sa katungkulang ito. Lumabas na kayo rito sa banal na dako. Nagkakasala kayo sa ginagawa ninyong iyan. Hindi sinasang-ayunan ng Panginoong Yahweh ang ginagawa ninyo.”

19 Nagalit si Haring Uzias sa mga pari. Siya ay nakatayo noon sa tabi ng altar na sunugan ng insenso. Ngunit nang sandaling iyon ay nagkaroon siya ng sakit sa balat na parang ketong sa noo. 20 Nang makita ni Azarias at ng mga pari ang nangyari kay Uzias, pinalabas nila ito agad. Hindi naman ito tumutol sapagkat naramdaman niyang siya'y pinarusahan na ni Yahweh.

21 Hindi na gumaling ang sakit sa balat ni Haring Uzias hanggang sa siya'y mamatay. Ibinukod siya ng tahanan, inalisan ng lahat ng katungkulan at pinagbawalang pumasok sa Templo ni Yahweh. Ang anak niyang si Jotam ang namahala sa palasyo at sa buong lupain.

22 Ang iba pang mga ginawa ni Uzias mula sa simula hanggang katapusan ay itinala ni Isaias na anak ni Amoz. 23 Nang(K) ito'y mamatay, inilibing lamang siya sa puntod na malapit sa libingan ng mga hari, sapagkat siya'y nagkaroon ng sakit sa balat na parang ketong. Ang anak niyang si Jotam ang humalili sa kanya bilang hari.

Si Haring Jotam ng Juda(L)

27 Si Jotam ay dalawampu't limang taóng gulang nang maging hari at labing-anim na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Jerusa na anak ni Zadok. Tulad ng kanyang amang si Uzias, ang mga ginawa niya'y naging kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh ngunit hindi niya ito tinularan sa pagpasok sa Templo upang magsunog ng insenso roon. Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin sa pagkakasala ang sambayanan. Ipinagawa ni Jotam ang Hilagang Pintuan ng Templo at pinatibay ang pader ng Jerusalem sa gawing Ofel. Nagtayo siya ng mga lunsod sa kaburulan ng Juda. Gumawa rin siya ng mga kuta at bantayan sa kakahuyan. Nakipaglaban siya at nagtagumpay sa hari ng mga Ammonita. Nang taóng iyon ay nagbayad sa kanya ang mga Ammonita ng 3,500 kilong pilak, trigo na nakalagay sa 10,000 malalaking sisidlan[b] at sebada na nakalagay sa 10,000 malalaking sisidlan. Gayundin ang ibinayad sa kanya nang ikalawa at ikatlong taon. Dahil sa kanyang pananatiling tapat sa Diyos niyang si Yahweh, lumaki ang kapangyarihan ni Jotam. Ang ibang mga ginawa ni Jotam sa panahon ng kanyang paghahari, pati ang lahat niyang pakikipaglaban at ginawa sa panahon ng kapayapaan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel at Juda. Dalawampu't limang taóng gulang siya nang maging hari at labing-anim na taon siyang naghari sa Jerusalem. Namatay siya at inilibing sa Lunsod ni David. Ang anak niyang si Ahaz ang humalili sa kanya bilang hari.

Si Haring Ahaz ng Juda(M)

28 Dalawampung taóng gulang naman si Ahaz nang magsimulang maghari at naghari siya ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Hindi siya tumulad sa mga ginawa ng kanyang ninunong si David at dahil dito'y hindi siya naging kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh. Sa halip, ang sinundan niya'y ang mga halimbawa ng mga hari ng Israel. Nagpagawa siya ng mga metal na rebulto ni Baal. Nagsunog siya ng insenso at nag-alay ng mga handog na susunugin sa Libis ng Ben Hinom. Inihandog din niya ang kanyang mga anak na lalaki at sinunog doon tulad ng mga karumal-dumal na kaugalian ng mga bansang pinalayas ni Yahweh nang dumating ang Israel sa lupain. Naghandog siya at nagsunog ng insenso sa mga dambanang pagano, sa mga burol at sa bawat lilim ng mga punongkahoy.

Digmaan Laban sa Siria at Israel(N)

Dahil(O) dito, ipinatalo siya ni Yahweh na kanyang Diyos sa hari ng Siria. Maraming mamamayan ng Juda ang binihag nito at dinala sa Damasco. Nilusob din siya ng hari ng Israel at halos naubos ang kanyang hukbo. Sa loob lamang ng isang araw ay may 120,000 kawal ng Juda ang napatay ng mga Israelita sa pamumuno ni Haring Peka na anak ni Remalias. Nangyari sa kanila iyon sapagkat itinakwil nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Pati ang prinsipeng si Maasias, si Azrikam na tagapamahala ng palasyo at si Elkana na kanang kamay ng hari ay napatay ni Zicri, isang mandirigmang taga-Efraim. Bagama't kamag-anak ng mga taga-Israel ang mga taga-Juda, 200,000 kababaihan at mga batang babae at lalaki ng Juda ang binihag nila at dinala sa Samaria. Marami rin silang sinamsam na kayamanan.

Si Propeta Oded

Si Oded, isang propeta ni Yahweh, ay nasa Samaria noon. Sinalubong niya ang bumabalik na hukbo at kanyang sinabi, “Nagtagumpay kayo laban sa Juda sapagkat galit sa kanila si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Ngunit pinuksa ninyo sila dahil sa abot hanggang langit na ang galit ninyo sa kanila. 10 Gusto pa ninyo ngayong alipinin ang mga lalaki at babaing taga-Juda at Jerusalem. Hindi ba ninyo alam na kayo'y nagkakasala rin sa Diyos ninyong si Yahweh? 11 Makinig kayo sa akin. Mga kamag-anak ninyo ang mga bihag ninyong ito. Pauwiin na ninyo sila, kung hindi'y paparusahan kayo ni Yahweh dahil galit siya sa inyo.”

12 Nang sandaling iyon, may dumating ding ilang pinuno ng Efraim: sina Azarias na anak ni Johanan, Berequias na anak ni Mesillemot, Jehizkias na anak ni Sallum at Amasa na anak naman ni Hadlai. 13 Tumutol din sila sa ginawa ng Israel at nagsabi, “Huwag ninyong ipapasok sa ating bansa ang mga bihag na iyan. Lalo tayong magkakasala at ito'y pananagutan natin sa harapan ni Yahweh. Marami na tayong kasalanan at lalong magagalit ang Diyos sa Israel.” 14 Kaya't iniwan ng mga kawal ang mga bihag at ang mga nasamsam sa pangangalaga ng mga pinuno at ng mga taong-bayan. 15 Kumilos naman agad ang mga nabanggit na lalaki upang tulungan ang mga bihag. Ang mga bihag na wala na halos damit ay kanilang binihisan mula sa mga kasuotang nasamsam. Binigyan din nila ang mga ito ng mga sapin sa paa. Pinakain nila't pinainom ang mga bihag at ginamot ang mga sugatan. Ang mahihina nama'y isinakay nila sa mga asno at inihatid sa kanilang mga kasamahang nasa Jerico, ang lunsod ng mga palma. Pagkatapos ay bumalik na ang mga pinuno sa Samaria.

Si Ahaz ay Humingi ng Saklolo sa Asiria(P)

16 Nang panahong iyo'y humingi ng tulong si Haring Ahaz sa hari ng Asiria. 17 Ginawa niya ito sapagkat sumalakay na naman ang mga taga-Edom at natalo ang Juda. Marami na namang nabihag sa kanila. 18 Sinalakay din ng mga Filisteo ang mga bayan sa mga paanan ng mga burol sa kanluran at ang mga bayan sa katimugan ng Juda. Nakuha rin nila ang Beth-semes, Aijalon, Gederot, Soco, Timna at Gimzo pati ang mga nayong sakop ng mga lugar na ito, at sila ang tumira doon. 19 Pinarusahan ni Yahweh ang Juda dahil sa kasamaang ginawa dito ni Ahaz na hari ng Juda at dahil sa kataksilan nito sa kanya. 20 Sa halip na tumulong, kinalaban at ginulo pa ni Tiglat-pileser na hari ng Asiria si Ahaz. 21 Kaya't kinuha ni Haring Ahaz ang mga kayamanan sa Templo at sa palasyo ng hari, sa bahay ng mga opisyal, at ibinigay sa hari ng Asiria. Ngunit hindi rin nakatulong sa kanya ang ginawa niyang ito.

Ang mga Kasalanan ni Ahaz

22 Lalong nagkasala laban kay Yahweh si Haring Ahaz sa panahon ng kanyang kagipitan. 23 Naghandog siya sa mga diyus-diyosan sa Damasco, ang bansang tumalo sa kanya. Sinabi ni Ahaz, “Ang mga diyos ng mga hari sa Siria ang tumulong sa kanila, kaya doon ako maghahandog upang ako'y tulungan din.” Ito ang nagpabagsak sa kanya at sa bayang Israel. 24 Ang lahat ng kagamitan sa Templo ay sinira ni Ahaz. Ipinasara niya ang Templo at nagpatayo ng mga altar sa lahat ng sulok ng Jerusalem. 25 Gumawa siya sa bawat lunsod ng Juda ng mga burol na sunugan ng insenso para sa mga diyos ng ibang bansa. Dahil dito'y lalong nagalit sa kanya si Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.

26 Ang lahat ng nangyari sa pamamahala ni Ahaz at ang kanyang mga ginawa mula sa pasimula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda at Israel. 27 Namatay(Q) siya at inilibing sa Jerusalem ngunit hindi isinama sa libingan ng mga hari ng Juda. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Ezequias.

Si Haring Ezequias ng Juda(R)

29 Si Ezequias ay dalawampu't limang taóng gulang nang maging hari at dalawampu't siyam na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Abija na anak ni Zacarias. Katulad ng kanyang ninunong si David, gumawa siya ng kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh.

Ipinalinis ang Templo

Sa unang buwan ng unang taon ng paghahari ni Ezequias, pinabuksan niya ang mga pintuan ng Templo at ipinaayos ito. Tinipon niya ang mga pari at mga Levita sa bulwagan sa gawing silangan ng Templo. Sinabi niya: “Makinig kayo, mga Levita. Italaga ninyo ngayon ang inyong sarili at ang Templo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Alisin ninyo ang mga karumal-dumal na bagay sa dakong banal. Nagkasala ang ating mga magulang. Hindi sila naging tapat kay Yahweh na ating Diyos. Kanilang tinalikuran siya at ang kanyang Templo. Isinara nila ang mga pintuan sa portiko. Hindi nila sinindihan ang mga ilawan at hindi na nagsunog ng insenso. Hindi na rin sila nagdala ng handog na susunugin sa dakong banal ng Diyos ng Israel. Kaya nagalit si Yahweh sa Juda at sa Jerusalem at ginawa niyang kahiya-hiya at kakila-kilabot ang kanilang sinapit gaya ng inyong nakikita. Kaya naman napatay sa digmaan ang ating mga magulang at nabihag ng mga kaaway ang ating mga anak at mga asawa. 10 Napagpasyahan kong manumpa tayo kay Yahweh, ang Diyos ng Israel, upang mapawi ang galit niya sa atin. 11 Mga anak, huwag na kayong mag-aksaya ng panahon. Kayo ang pinili ni Yahweh na mag-alay ng handog at magsunog ng insenso at manguna sa pagsamba sa kanya.”

12 Inihanda ng mga Levita ang kanilang sarili. Sa angkan ni Kohat: si Mahat na anak ni Amasai at si Joel na anak ni Azarias. Sa angkan ni Merari: si Kish na anak ni Abdi at si Azarias na anak ni Jehalelel. Sa angkan ni Gershon: si Joah na anak ni Zimma at si Eden na anak naman ni Joah. 13 Sa angkan naman ni Elizafan: si Simri na anak ni Jeiel. Sa angkan ni Asaf: sina Zacarias at Matanias. 14 Sa angkan ni Heman: sina Jehiel at Simei. Sa angkan ni Jeduthun: sina Semaias at Uziel.

15 Tinipon ng mga ito ang kanilang mga kapwa Levita at nilinis ang kanilang sarili ayon sa Kautusan. Gaya ng utos sa kanila ng hari, pumasok sila at nilinis ang Templo ayon sa Kautusan ni Yahweh. 16 Pumasok naman sa loob ng Templo ang mga pari at inilabas ang maruruming bagay sa bulwagan ng Templo ni Yahweh. Kinuha naman ito ng mga Levita at dinala sa Libis ng Kidron. 17 Sinimulan nila ang gawain ng paglilinis noong unang araw ng unang buwan at ikawalong araw nang umabot sila sa portiko. Walong araw pa nilang nilinis ang Templo ni Yahweh at natapos nila ito sa ikalabing-anim na araw ng buwan ding iyon.

Muling Itinalaga ang Templo

18 Pagkatapos, pumunta ang mga Levita kay Haring Ezequias at sinabi dito, “Nalinis na po namin ang Templo ni Yahweh, ang altar na pinagsusunugan ng mga handog at ang lahat ng kagamitan doon, pati ang hapag ng mga tinapay na handog at ang mga kagamitan doon. 19 Ang mga kasangkapan namang inalis ni Haring Ahaz nang tumalikod siya sa Diyos ay ibinalik namin at muling inilaan para sa Diyos. Nakalagay na po ang lahat ng ito sa harap ng altar ni Yahweh.”

20 Maagang bumangon si Haring Ezequias at tinipon niya ang mga pinuno ng lunsod. Magkakasama silang pumunta sa Templo ni Yahweh. 21 May dala silang pitong toro, pitong lalaking tupa, pitong kordero at pitong lalaking kambing na handog pangkasalanan para sa kaharian, sa Templo at sa Juda. Iniutos ng hari sa mga paring mula sa angkan ni Aaron na ihandog ang mga ito sa altar ni Yahweh. 22 Kaya't pinatay ng mga pari ang mga toro at ang dugo nito'y iwinisik nila sa altar. Gayundin ang ginawa sa mga lalaking tupa at kordero. 23 Ngunit ang mga lalaking kambing na handog pangkasalanan ay dinala sa harapan ng hari at ng kapulungan. Ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga hayop na ito. 24 Pagkatapos, pinatay ng mga pari ang mga kambing at ang dugo ng mga ito'y dinala nila sa altar at inihandog bilang pambayad sa kasalanan ng buong Israel, sapagkat iniutos ng hari na ialay para sa buong Israel ang handog na susunugin at ang handog pangkasalanan.

25 Naglagay din siya ng manunugtog sa Templo ni Yahweh: mga Levitang tutugtog ng mga pompiyang, lira at alpa. Ito ang utos ni David, ni Gad na propeta ng hari at ni propeta Natan, ayon sa utos ni Yahweh na ibinigay sa pamamagitan ng kanyang mga propeta. 26 Nakatayo doon ang mga Levita na may hawak na mga panugtog na ginamit ni David at ang mga pari naman ang may hawak ng mga trumpeta. 27 Iniutos ni Ezequias na ialay sa altar ang handog na susunugin. Kasabay ng paghahandog, inawit ang papuri kay Yahweh sa saliw ng trumpeta at mga instrumento ni David. 28 Ang buong kapulungan ay sumamba, umawit ang mga mang-aawit at hinipan ang mga trumpeta hanggang sa matapos ang pagsusunog ng mga handog. 29 Pagkatapos, ang hari naman at ang kanyang mga kasama ang nagpatirapa at sumamba sa Diyos. 30 Iniutos ni Haring Ezequias at ng mga pinunong kasama niya sa mga Levita na awitin para kay Yahweh ang mga awit at papuring likha ni Haring David at ng propeta niyang si Asaf. Buong galak silang umawit ng papuri, nagpatirapa at sumamba sa Diyos.

31 Sinabi ni Ezequias sa mga tao, “Nalinis na ninyo ngayon ang inyong mga sarili para kay Yahweh. Lumapit na kayo at dalhin sa Templo ang inyong mga handog ng pasasalamat kay Yahweh.” Nagdala nga ang buong kapulungan ng mga handog ng pasasalamat at ang iba nama'y kusang-loob na nagdala ng mga handog na susunugin. 32 Ang mga handog na susunugin para kay Yahweh ay umabot sa pitumpung toro, sandaang lalaking tupa at dalawandaang kordero. 33 Ang inialay na mga handog ay umabot sa 600 toro at 3,000 tupa. 34 Ngunit iilan lamang ang mga pari at hindi nila kayang gawin lahat ang pag-aalay sa mga handog na susunugin. Kaya tinulungan sila ng mga Levita. Dahil dito, nagkaroon ng pagkakataong makapaglinis ng sarili ang ibang pari. Sapagkat naging mas masigasig sa paglilinis ng sarili ang mga Levita kaysa mga pari. 35 Bukod sa mga handog na susunugin, marami rin ang taba ng mga handog na pagkaing butil at inumin. Sa ganitong paraan, naibalik ang dating pagsamba sa Templo ni Yahweh. 36 Tuwang-tuwa si Haring Ezequias at ang buong bayan sa ginawa ng Diyos para sa kanila sapagkat hindi nila akalaing ito'y matatapos agad.

Ang Paghahanda para sa Paskwa

30 Inanyayahan ni Ezequias ang buong Israel at Juda upang idaos sa Jerusalem ang Paskwa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Pinadalhan din niya ng sulat ang mga taga-Efraim at Manases. Pinag-usapan(S) ng hari, ng mga pinuno at ng buong kapulungan na idaos ang Paskwa sa ikalawang buwan. Hindi ito naidaos sa takdang panahon sapagkat maraming pari ang hindi pa nakakapaglinis ng sarili ayon sa Kautusan at kaunti lamang ang taong natipon noon sa Jerusalem. Nagkaisa ang hari at ang buong kapulungan sa ganoong panukala. Kaya't ibinalita nila sa buong Israel mula Beer-seba hanggang Dan na kailangang dumalo ang lahat sa Jerusalem upang idaos ang paskwa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Ayon sa ulat, ito ang pagtitipong dinaluhan ng pinakamaraming tao. Ganito ang nakasaad sa paanyaya na ipinadala ng hari at ng mga pinuno: “Mga taga-Israel, magbalik-loob kayo kay Yahweh, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Israel upang kalingain niyang muli ang mga nakaligtas sa inyo na di nabihag ng mga hari ng Asiria. Huwag ninyong tularan ang ugali ng inyong mga ninuno at mga kababayan na nagtaksil sa Panginoong Yahweh. Kaya matindi ang parusa sa kanila ng Diyos tulad ng inyong nakikita ngayon. Huwag maging matigas ang ulo ninyo katulad nila. Sa halip, maging masunurin kayo kay Yahweh. Dumulog kayo sa kanyang Templo na inilaan niya para sa kanyang sarili magpakailanman. Paglingkuran ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh upang mapawi ang galit niya sa inyo. Kung manunumbalik kayo sa kanya, ang inyong mga kababayan at kamag-anak na dinalang-bihag sa ibang bansa ay kahahabagan ng mga bumihag sa kanila at pababalikin sila sa lupaing ito. Mahabagin at mapagpala ang Diyos ninyong si Yahweh at tatanggapin niya kayo kung kayo'y manunumbalik sa kanya.”

10 Pinuntahan ng mga sugo ang lahat ng lunsod sa lupain ng Efraim at Manases hanggang sa Zebulun ngunit pinagtawanan lamang sila ng mga ito. 11 Mayroon din namang ilan mula sa Asher, Manases at Zebulun na nagpakumbaba at pumunta sa Jerusalem. 12 Ngunit niloob ng Diyos na dumalong lahat ang mga taga-Juda at magkaisa silang sumunod sa utos ng hari at ng mga pinuno nila ayon sa salita ni Yahweh.

Ang Pagdiriwang ng Paskwa

13 Napakaraming pumunta sa Jerusalem noong ikalawang buwan upang ipagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 14 Inalis nila ang mga altar sa Jerusalem na pinagsunugan ng mga handog at ng insenso at itinapon ang mga ito sa Libis ng Kidron. 15 Pinatay nila ang mga korderong pampaskwa noong ikalabing apat na araw ng ikalawang buwan. Napahiya ang mga pari at Levita kaya naglinis sila ng sarili at nagdala ng mga handog na susunugin sa Templo ni Yahweh. 16 Muli nilang ginampanan ang dati nilang tungkulin ayon sa Kautusan ni Moises na lingkod ng Diyos. Iwinisik ng mga pari sa altar ang dugong ibinigay sa kanila ng mga Levita. 17 Marami sa kapulungan ang hindi pa nakakapaglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan kaya nagpatay ang mga Levita ng mga korderong pampaskwa upang maging banal ang mga ito para kay Yahweh. 18 Kahit marami ang hindi pa nakakapaglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan, kumain na rin sila ng korderong pampaskwa. Karamihan sa mga ito ay buhat sa Efraim, Manases, Isacar at Zebulun. Gayunman, nanalangin ng ganito si Ezequias para sa kanila: 19 “O Yahweh, Diyos ng aming mga ninuno, patawarin po ninyo ang lahat nang sumasamba sa inyo nang buong puso kahit hindi sila nakapaglinis ng sarili ayon sa kautusan.” 20 Pinakinggan ni Yahweh si Ezequias at pinatawad ang mga tao. 21 Pitong araw nilang ipinagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Buong lakas na umawit ng papuri araw-araw ang mga pari at ang mga Levita kay Yahweh. 22 Pinuri ni Haring Ezequias ang mga Levita dahil sa maayos nilang pangangasiwa ng pagsamba kay Yahweh. Pitong araw na ipinagdiwang ng bayan ang kapistahang iyon. Nag-alay sila ng mga handog pangkapayapaan, kumain ng mga handog at nagpuri kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.

23 Nagkaisa ang kapulungan na ipagpatuloy ng pitong araw pa ang pista. Kaya, pitong araw pa silang nagsaya. 24 Nagkaloob si Haring Ezequias ng sanlibong toro at pitong libong tupa para sa pagtitipong iyon. Ang mga pinuno naman ay nagkaloob ng sanlibong toro at sanlibong tupa para sa mga tao. Dahil dito, maraming mga pari ang naglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan. 25 Masayang-masaya ang lahat, ang mga mamamayan ng Juda, ang mga pari at ang mga Levita. Gayundin ang lahat ng dumalo buhat sa Israel at ang mga dayuhang nakikipanirahan sa Israel at sa Juda. 26 Noon lamang nagkaroon ng ganoong pagdiriwang sa Jerusalem mula noong panahon ni Solomon na anak ni Haring David ng Israel. 27 Tumayo ang mga pari at ang mga Levita at binasbasan ang mga tao. Ang panalangin nila'y nakaabot sa tahanan ng Diyos sa langit.

31 Pagkatapos ng pagdiriwang na ito, ang lahat ng Israelitang dumalo ay pumunta sa mga lunsod ng Juda, at pinutol nila ang mga haliging sinasamba at dinurog ang mga imahen ng diyus-diyosang si Ashera. Winasak din nila ang mga sambahan at dambana ng mga pagano. Ginawa rin nila ito sa buong Juda, Benjamin, Efraim at Manases. Pagkatapos ay umuwi na sila sa kanilang mga tahanan.

Pinagpangkat-pangkat muli ni Ezequias ang mga pari at Levita at binigyan ng kanya-kanyang gawain: may para sa handog na susunugin, at may para sa handog na pagkain. Ang iba'y tutulong sa pagdaraos ng pagsamba. Ang iba'y taga-awit ng pagpupuri at pasasalamat at ang iba nama'y mangangasiwa sa mga pintuan ng Templo ni Yahweh. Lahat(T) ng handog na susunugin sa umaga at sa gabi, at sa mga Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at mga takdang panahon ay kaloob ng hari, ayon sa itinakda ng Kautusan. Iniutos(U) ni Ezequias sa mga taga-Jerusalem na ibigay sa mga pari at Levita ang para sa mga ito upang ang buong panahon nila ay maiukol sa kanilang tungkulin ayon sa Kautusan ni Yahweh. Pagkatanggap ng utos, ang mga Israelita ay nagbigay ng kanilang mga kaloob mula sa pangunahin nilang ani ng trigo, alak, langis at pulot at iba pang bunga ng kanilang bukid. Nagbigay din sila ng ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang kinita. Ang mga taga-Juda at mga Israelitang naninirahan sa mga lunsod ng Juda ay nagbigay rin ng ikasampung bahagi ng kanilang mga baka, tupa at lahat ng mga inani sa kanilang lupain. Nagdala rin sila ng napakaraming mga handog na inialay nila kay Yahweh na kanilang Diyos. Nagsimula ang pagdating ng mga kaloob noong ikatlong buwan at nagpatuloy hanggang sa ikapito. Nang makita ni Ezequias at ng kanyang mga pinuno ang dami ng mga kaloob, pinuri nila si Yahweh at pinasalamatan ang buong bayan. Tinanong ni Ezequias ang mga pari at mga Levita tungkol sa napakaraming handog. 10 Ganito ang sagot ni Azarias, ang pinakapunong pari mula sa angkan ni Zadok: “Mula nang magdala ng handog sa Templo ni Yahweh ang mga tao, saganang-sagana kami sa pagkain at marami pang natitira. Nangyari ito dahil sa pagpapala ni Yahweh.”

11 Iniutos ni Ezequias na gumawa ng mga bodega sa Templo, 12 upang doon ilagay ang mga kaloob at mga ikasampung bahagi. Si Conanias na isang Levita ang ginawa nilang katiwala sa lahat ng ito, at katulong niya ang kanyang kapatid na si Simei. 13 Ang iba pang mga katulong nila ay sina Jehiel, Azazias, Nahat, Asael, Jerimot, Josabad, Eliel, Ismaquias, Mahat at Benaias. Pinili sila ni Haring Ezequias at ni Azarias, ang namamahala sa Templo ni Yahweh. 14 Si Korah na anak ni Imna at isang Levita ang bantay sa pintuan sa gawing silangan, ang pinamahala sa pagtanggap at pamamahagi ng mga kusang-loob na handog. Siya ang nagbibigay sa mga pari ng bahagi ng handog ng pasasalamat na para kay Yahweh at ng bahagi ng handog para sa kasalanan na kakainin ng mga pari sa banal na lugar. 15 Ang katulong naman niya sa mga lunsod ng mga pari ay sina Eden, Minyamin, Jeshua, Semaya, Amarias at Secanias. Sila ang namamahagi sa mga kapatid, matanda o bata, ayon sa kanya-kanyang pangkat. 16 Bawat isa'y tumatanggap ng nauukol sa sarili—lahat ng lalaki mula sa gulang na tatlong taon pataas na may pang-araw-araw na tungkulin sa Templo. 17 Ang mga pari ay pangkat-pangkat na inilagay sa kanya-kanyang tungkulin ayon sa kanilang angkan at ang mga Levita namang mula sa dalawampung taon pataas ay ayon sa kanilang tungkulin. 18 Itinalang kasama ng mga pari ang kanilang pamilya sapagkat kailangang maging handa sila anumang oras sa pagtupad ng kanilang tungkulin. 19 Ang mga pari na naninirahan sa mga lunsod na ibinigay sa angkan ni Aaron, o sa mga bukiring nasa lunsod ng mga ito ay nilagyan din ng mga tagapamahagi ng pagkain para sa lahat ng lalaki sa mga pamilya ng mga pari at sa lahat ng nakatala sa angkan ng mga Levita.

20 Sa buong Juda, ginawa ni Haring Ezequias ang mabuti at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos niyang si Yahweh. 21 Naging matagumpay siya, sapagkat ang lahat ng ginawa niya para sa Templo at sa kanyang pagtupad sa Kautusan, ay ginawa niya nang buong puso at katapatan sa kanyang Diyos.

Ang Babala ng mga Taga-Asiria Laban sa Jerusalem(V)

32 Matapos isagawa ni Ezequias ang lahat ng ito at ipakita ang kanyang katapatan sa Diyos, ang Juda ay sinalakay ni Senaquerib, hari ng Asiria. Pinalibutan ng kanyang mga kawal ang mga may pader na lunsod at humandang pasukin ang mga ito. Nang makita ni Ezequias ang balak na paglusob na ito sa Jerusalem, sumangguni siya sa kanyang mga pinuno. Nagkaisa silang harangin ang pag-agos ng bukal ng tubig sa labas ng lunsod. Tumawag sila ng maraming tao at hinarangan nga nila ang lahat ng bukal at ilog upang ang mga ito'y hindi pakinabangan ng mga taga-Asiria. Ipinaayos ni Ezequias ang mga wasak na pader at pinalagyan niya ito ng mga toreng-bantayan. Nagpatayo siya ng isa pang muog sa labas nito at pinatatag ang Millo sa Lunsod ni David. Pagkatapos, nagpagawa siya ng maraming mga sandata at kalasag. Ang mga kalalakihan sa lunsod ay ipinailalim niya sa mga opisyal ng hukbo. Tinipon niya ang mga ito sa may pintuan ng lunsod at pinagbilinan ng ganito: “Maging matapang kayo. Lakasan ninyo ang inyong loob. Huwag kayong matakot sa mga taga-Asiria. Mas malakas ang kapangyarihang nasa panig natin kaysa nasa panig nila. Nasa tao ang kanyang lakas samantalang nasa panig natin ang ating Diyos na si Yahweh. Tutulungan niya tayo at ipaglalaban.” Sa sinabing ito ni Haring Ezequias, nabuhayan ng loob ang mga tao.

Nasa Laquis noon si Haring Senaquerib ng Asiria kasama ang kanyang hukbo at pinapaligiran nila ang lunsod na iyon. Nagpadala siya ng mga sugo kay Ezequias at sa mga taga-Jerusalem. 10 Ganito ang sabi niya: “Napapalibutan na namin kayo diyan sa Jerusalem. Ano sa palagay ninyo ang makakapagligtas sa inyo? 11 Sumuko na kayo para hindi kayo mamatay sa gutom at uhaw. Nililinlang lamang kayo ni Ezequias! Paano kayo maililigtas ng Diyos ninyong si Yahweh sa kamay ng hari ng Asiria? 12 Hindi ba't si Ezequias ang nagpagiba ng mga altar at sagradong burol at nag-utos sa inyo na sa isang altar lamang kayo sasamba at maghahandog? 13 Alam ninyo ang ginawa ko at ng aking mga ninuno sa mga mamamayan ng ibang lupain. Nailigtas ba sila ng kanilang mga diyos? 14 Wala ni isa sa dinidiyos ng mga bansang winasak ng aking mga ninuno ang nakapagligtas sa kanila! Hindi rin kayo maililigtas ng inyong Diyos! 15 Huwag kayong magpaloko diyan kay Ezequias. Huwag kayong maniwala sa kanya. Walang diyos ng alinmang bansa o kaharian ang nakapagligtas sa kanilang bayan sa kamay ko at sa aking mga ninuno. Hindi rin kayo maililigtas ng inyong Diyos!”

16 Ang mga sugo ni Senaquerib ay marami pang sinabi laban sa Panginoong Yahweh at kay Ezequias na kanyang lingkod. 17 May sulat pa ang hari na lumalait kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Ganito ang sinasabi: “Hindi maipagtatanggol ng Diyos ni Ezequias ang kanyang bayan laban sa akin, tulad ng mga diyos ng mga bansang walang nagawa sa akin.” 18 Ipinagsigawan nila ito sa wikang Hebreo upang matakot at panghinaan ng loob ang mga taga-Jerusalem na nasa may pader ng lunsod. Sa ganitong paraan ay magiging madali ang pagsakop nila sa lunsod. 19 Sinasabi nila na ang Diyos ng Jerusalem ay tulad lamang ng mga diyus-diyosan ng ibang bansa na gawa lamang ng kamay ng tao.

20 Dahil dito, nanalangin at humingi ng saklolo sa Diyos sina Haring Ezequias at si propeta Isaias na anak ni Amoz. 21 Nagsugo si Yahweh ng isang anghel at pinatay nito ang mga pinuno at mga kawal ng Asiria. Kaya ang hari ng Asiria ay umuwing hiyang-hiya. Nang pumasok siya sa templo ng kanyang diyos, pinatay siya sa saksak ng sarili niyang mga anak.

22 Sa ganoong paraan iniligtas ni Yahweh sina Ezequias at ang mga taga-Jerusalem sa kamay ni Haring Senaquerib ng Asiria at ng lahat ng mga kaaway. Binigyan ni Yahweh ng kapayapaan ang buong bansa. 23 Maraming nagpuntahan sa Jerusalem. Naghandog sila kay Yahweh at nagkaloob ng mahahalagang bagay kay Haring Ezequias. Mula noo'y pinarangalan siya ng lahat ng bansa.

Ang Pagkakasakit ni Ezequias at ang Kanyang Kapalaluan(W)

24 Di nagtagal ay nagkasakit nang malubha si Ezequias. Nanalangin siya kay Yahweh at binigyan siya nito ng isang palatandaan na siya'y gagaling. 25 Ngunit hindi niya kinilalang utang na loob ang ginawa ni Yahweh para sa kanya. Sa halip ay naging palalo siya kaya naman pinarusahan siya ng Diyos, pati ang Juda at Jerusalem. 26 Ngunit sa bandang huli ay nagpakumbaba siya at ang mga taga-Jerusalem. Dahil dito, hindi pinarusahan ni Yahweh ang sambayanan habang nabubuhay pa si Ezequias.

Ang Kayamanan at ang Kadakilaan ni Ezequias(X)

27 Napakarami ng kayamanang naipon ni Ezequias. Kaya nagpagawa siya ng sariling imbakan ng pilak, ginto, mahahalagang bato, pabango, mga kalasag at mahahalagang kasangkapan. 28 Nagpagawa rin siya ng mga bodega ng trigo, alak at langis at mga kulungan ng baka at tupa. 29 Dumami ang kawan ng kanyang mga hayop. Pinayaman siya ng Diyos. 30 Hinarangan niya ang batis ng Gihon sa gawing itaas ng lunsod at pinalihis sa gawing kanluran patungo sa Lunsod ni David. Masasabing si Ezequias ay nagtagumpay sa lahat ng kanyang ginawa, 31 maging sa pakikitungo sa mga sugo ng hari ng Babilonia na dumating sa kanya upang magsiyasat sa mga pambihirang pangyayari sa lupain. Hinayaan siya ng Diyos na gawin ang gusto niya upang subukin ang kanyang pagkatao.

Ang Buod ng Kasaysayan ni Ezequias(Y)

32 Ang iba pang mga pangyayari sa paghahari ni Ezequias at ang kanyang mabubuting ginawa ay nakasulat sa Ang Pangitain ni Propeta Isaias na Anak ni Amoz at saKasaysayan ng mga Hari ng Juda at Israel. 33 Namatay si Ezequias at inilibing sa pinakamataas na libingan ng mga anak ni David. Sa pagkamatay niya'y pinarangalan siya ng buong Juda at Jerusalem. Ang anak niyang si Manases ang humalili sa kanya bilang hari.

Si Haring Manases ng Juda(Z)

33 Si Manases ay labindalawang taóng gulang nang maging hari ng Juda. Limampu't limang taon siyang naghari sa Jerusalem. Hindi(AA) kinalugdan ni Yahweh ang ginawa niya sapagkat tinularan niya ang kasamaan ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa lupaing iyon nang sakupin iyon ng bayang Israel. Muli niyang itinayo ang mga sambahan ng mga pagano na winasak ng kanyang amang si Ezequias. Nagtayo rin siya ng mga dambana para kay Baal, gumawa ng mga imahen ng diyosang si Ashera at sumamba sa mga bituin. Nagtayo(AB) siya ng mga altar ng mga pagano sa Templo, sa lugar na sinabi ni Yahweh kung saan siya'y sasambahin magpakailanman. Pati ang dalawang bulwagan ng Templo ay nilagyan niya ng mga altar para sa mga bituin. Ang mga anak niyang lalaki ay sinunog niya sa Libis ng Ben Hinom bilang handog sa mga diyus-diyosan. Naging mahilig siya sa mga panghuhula, pangkukulam at salamangka. Nagpupunta rin siya sa mga sumasangguni sa espiritu ng namatay na at sa mga manghuhula. Dahil sa mga kasamaang ito, nagalit sa kanya si Yahweh. Pati(AC) ang inukit niyang larawan ng isang diyus-diyosan ay dinala niya sa Templo. Tungkol sa templong iyon ay sinabi ng Diyos kay David at sa anak nitong si Solomon: “Ang Templong ito sa Jerusalem ay pinili ko sa mga lipi ng Israel upang dito ako sambahin magpakailanman. Kung susundin nilang mabuti ang mga utos at tuntuning ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ni Moises, hindi ko na sila aalisin sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.” Ngunit iniligaw ni Manases ang mga taga-Juda at Jerusalem. Inakay niya ang mga ito sa mga kasamaang masahol pa sa kasamaan ng mga bansang nilipol ni Yahweh nang sakupin iyon ng bayang Israel.

Ang Pagsisisi ni Manases

10 Binigyang-babala ni Yahweh si Manases at ang buong bayan, ngunit ayaw nilang makinig. 11 Kaya ipinasalakay sila ni Yahweh sa hukbo ng hari ng Asiria. Nahuli nila si Manases, ikinadena at dinalang-bihag sa Babilonia. 12 Sa oras ng kagipitan ay nagpakumbaba siya, nanalangin sa Diyos niyang si Yahweh, at humingi rito ng saklolo. 13 Pinakinggan ng Diyos ang kanyang panalangin kaya't pinabalik siya sa Jerusalem at muling naghari doon. Noon kinilala ni Manases na si Yahweh ay Diyos.

14 Pagkatapos nito, nagpatayo siya ng karagdagang pader sa labas ng Lunsod ni David sa gawing kanluran ng Batis ng Gihon patungo sa libis hanggang sa may Pintuan ng Isda. Pinaligiran din niya ng mataas na pader ang Ofel. Naglagay din siya ng mga pinunong-kawal sa mga may pader na lunsod ng Juda. 15 Inalis niya sa Templo ang mga diyus-diyosan ng mga bansa at ang imahen ni Ashera. Ipinaalis din niya ang mga altar na ipinagawa niya sa bundok na kinatatayuan ng Templo sa Jerusalem at ipinatapon sa labas ng lunsod. 16 Ipinatayo niyang muli ang altar ni Yahweh at naghandog siya ng handog na pagkaing butil at pasasalamat. Iniutos niya sa mga mamamayan ng Juda na maglingkod kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 17 Nagpatuloy ang mga tao sa kanilang paghahandog sa mga dambana sa burol ngunit iyo'y ginagawa nila para kay Yahweh na kanilang Diyos.

Ang Buod ng Kasaysayan ni Manases(AD)

18 Ang iba pang ginawa ni Manases, ang panalangin niya sa kanyang Diyos at ang mga pahayag ng mga propetang nagsalita sa kanya sa pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 19 Ang kanyang panalangin at ang kasagutan ng Diyos dito, gayundin ang mga kasalanang ginawa niya ay nakasulat naman sa Kasaysayan ng mga Propeta. Naroon din ang tungkol sa mga ipinatayo niyang mga sambahan ng mga pagano, ang mga ipinagawa niyang larawan ni Ashera at ang mga ginawa niyang diyus-diyosan bago siya nagbalik-loob sa Diyos. 20 Namatay si Manases at inilibing sa kanyang palasyo. Humalili sa kanya bilang hari ang kanyang anak na si Ammon.

Si Haring Ammon ng Juda(AE)

21 Si Ammon ay dalawampu't dalawang taóng gulang nang maging hari at dalawang taon siyang naghari sa Jerusalem. 22 Tulad ng kanyang amang si Manases, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sumamba siya at naglingkod sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanyang ama. 23 Ngunit hindi tulad ng kanyang ama, hindi siya nagpakumbaba kay Yahweh. Mas malaki ang kanyang naging kasalanan kaysa sa kanyang ama. 24 Nagsabwatan ang kanyang mga tauhan at pinatay siya ng mga ito sa loob ng palasyo. 25 Nagalit naman ang mga taong-bayan at ang mga tauhang iyo'y pinatay din nila. Pagkatapos, ginawa nilang hari si Josias na anak ni Ammon.

Si Haring Josias ng Juda(AF)

34 Si(AG) Josias ay walong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Tatlumpu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Tulad ng ninuno niyang si David, naging kalugud-lugod kay Yahweh ang mga ginawa niya. Namuhay siya nang matuwid. Nang ikawalong taon ng kanyang pamamahala, kahit bata pa, ay naglingkod na siya nang tapat sa Diyos ni David na kanyang ninuno. Kaya noong ikalabindalawang taon, sinimulan niyang alisin sa Juda at Jerusalem ang mga sambahan ng mga pagano, ang mga larawan ng diyosang si Ashera at ang lahat ng diyus-diyosang kahoy o tanso. Ipinasibak(AH) niya sa kanyang harapan ang larawan ng mga Baal. Giniba niya ang mga altar ng insenso. Winasak niya ang mga imahen ni Ashera at ang mga diyus-diyosang kahoy at ginto. Ipinadurog niya ito nang pinung-pino at ipinasabog sa libingan ng mga sumamba sa kanila. Ipinasunog(AI) niya ang mga kalansay ng mga paring pagano sa ibabaw ng kanilang mga dambana. Sa ganoong paraan, nilinis ni Josias ang Jerusalem at ang buong Juda. Ganoon din ang ginawa niya sa mga lunsod ng Manases, Efraim at Simeon at sa mga nawasak na nayon sa paligid ng Neftali. Matapos niyang gawin ang lahat ng ito sa buong Israel, bumalik na siya sa Jerusalem.

Natagpuan ang Aklat ng Kautusan(AJ)

Inalis ni Josias ang lahat ng karumal-dumal sa buong lupain at sa Templo ng Diyos. Kaya't noong ikalabing walong taon ng kanyang paghahari, sinugo niya si Safan na anak ni Azalias, ang pinuno ng lunsod na si Maasias at ang kalihim niyang si Joas na anak ni Joahaz, upang ipaayos muli ang Templo ni Yahweh. Ibinigay nila kay Hilkias na pinakapunong pari ang pilak na nalikom sa Templo. Ito ang mga nalikom mula sa mga taga-Manases, Efraim, Benjamin, Juda at iba pang mga Israelita at mga taga-Jerusalem. Tinipon ito ng mga Levitang naglilingkod sa Templo. 10 Ibinigay nila ang salaping ito sa namamahala ng gawain sa Templo ni Yahweh para sa pagpapaayos nito. 11 Ang iba nama'y ibinili ng mga bato at kahoy na gagamitin sa pag-aayos ng bubong ng Templo na nasira dahil sa kapabayaan ng mga naunang hari ng Juda. 12 Naging tapat ang mga taong katulong sa gawain. Pinamahalaan sila nina Jahat at Obadias, mga Levita buhat sa angkan nina Merari, Zacarias at Mesulam sa sambahayan ni Kohat. Mga Levita rin na pawang bihasang manunugtog 13 ang nangasiwa sa mga manggagawang naghahakot ng mga gagamitin at sa iba pang gawain. Ang ibang Levita ay ginawang kalihim, karaniwang kawani o kaya'y mga bantay.

14 Nang ilabas nila ang salaping natipon sa Templo, natagpuan ng paring si Hilkias ang Aklat ng Kautusang ibinigay ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises. 15 Kaya tinawag niya si Safan, ang kalihim ng hari at sinabi, “Natagpuan ko sa Templo ang Aklat ng Kautusan.” Ibinigay ni Hilkias kay Safan ang aklat 16 at dinala naman nito sa hari nang siya'y mag-ulat tungkol sa pagpapaayos ng Templo. Sabi niya, “Maayos po ang takbo ng lahat ng gawaing ipinagkatiwala ninyo sa inyong mga lingkod. 17 Tinunaw na po nila ang pilak na nakuha sa Templo at ibinigay sa namamahala ng trabaho.” 18 Sinabi rin ng kalihim ang tungkol sa aklat na ibinigay sa kanya ng paring si Hilkias at binasa niya ito nang malakas sa hari.

19 Nang marinig ng hari ang nilalaman ng aklat, pinunit nito ang kanyang kasuotan. 20 Iniutos niya agad kay Hilkias, kay Ahikam na anak ni Safan, kay Abdon na anak ni Mica, kay Safan, na kalihim, at kay Asaias, ang lingkod ng hari, na sumangguni kay Yahweh. Ang sabi niya, 21 “Sumangguni kayo kay Yahweh para sa akin at para sa nalalabing sambayanan ng Juda at Israel. Alamin ninyo ang mga itinuturo ng aklat na ito. Galit si Yahweh sa atin dahil sinuway ng ating mga ninuno ang salita ni Yahweh at hindi nila sinunod ang mga utos na nakasulat sa aklat na ito.”

22 Ang lahat ng inutusan, sa pangunguna ni Hilkias ay sama-samang sumangguni kay Hulda na isang babaing propeta at asawa ni Sallum. Si Sallum ay anak ni Tokat at apo naman ni Hasra na tagapag-ingat ng mga kasuotan. Siya'y pinuntahan nila sa kanyang tirahan sa bagong bahagi ng Jerusalem at sinabi rito ang nangyari. 23 Sinabi ni Hulda: “Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa nagsugo sa inyo 24 na padadalhan ko ng malaking sakuna ang lugar na ito at padaranasin ng matinding hirap. Mangyayari ang lahat ng sumpang sinasabi sa aklat na binasa sa harapan ng hari ng Juda. 25 Matutupad iyon sapagkat ako'y kanilang itinakwil at sa ibang mga diyos sila naghandog at sumamba. Ginalit nila ako dahil sa mga diyus-diyosang ginawa nila. Kaya't hindi mapapawi ang galit na ibubuhos ko sa bayang ito.’ 26 Ito ang sabihin ninyo sa hari ng Juda. Sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Nakita kong buong puso kang nagsisi at nagpakumbaba nang marinig mo ang kanyang salita laban sa lugar na ito at sa mamamayan dito. 27 Dahil nagpakumbaba ka, sinira mo ang iyong kasuotan at nakita kong tumangis ka nang marinig mo ang nakahanda kong parusa sa Jerusalem at sa mga naninirahan dito, pinakinggan ko ang iyong panalangin. 28 Kaya, hindi mo na maaabutan ang parusang igagawad ko sa lugar na ito. Isasama kita sa iyong mga ninuno at mamamatay kang mapayapa.’” Ito ang kasagutang dinala nila sa hari.

Ang Pangako ni Josias at ng mga Mamamayan kay Yahweh

29 Dahil dito'y ipinatawag ng hari ang mga matatandang pinuno ng sambayanan sa Juda at Jerusalem. 30 Kaya't sama-sama silang pumunta sa Templo kasama ang mga pari, Levita at lahat ng mamamayan sa Juda at Jerusalem. Tumayo ang hari sa harap ng madla at binasa ang buong Aklat ng Tipan na natagpuan sa Templo. 31 Nakatayo noon ang hari malapit sa isang haligi ng Templo. Nanumpa siya kay Yahweh na susundin nila nang buong puso at kaluluwa ang Kautusan at ang mga itinatakda ng kasunduang nakasulat sa aklat na iyon. 32 Pagkatapos, pinanumpa rin niya ang lahat ng taga-Jerusalem pati ang taga-Benjamin na sumunod sa kasunduang ginawa ng Diyos ng kanilang mga ninuno. 33 Inalis ni Josias sa buong nasasakupan ng bayang Israel ang lahat ng mga diyus-diyosang kasuklam-suklam sa Diyos at habang siya'y nabubuhay, inatasan niya ang bawat mamamayan na maglingkod kay Yahweh, ang Diyos na sinamba ng kanilang mga ninuno.

Ang Pagdiriwang ng Paskwa sa Panahon ni Haring Josias(AK)

35 Iniutos ni Josias na ang Paskwa ni Yahweh ay ipagdiwang sa Jerusalem noong ikalabing apat na araw ng unang buwan. Kaya't pinatay nila ang mga korderong pampaskwa. Ibinalik niya ang mga pari sa kani-kanilang tungkulin at pinagbilinang pagbutihin ang paglilingkod sa loob ng Templo ni Yahweh. Sinabi naman niya sa mga Levita, na mga tagapagturo sa mga Israelita at matatapat kay Yahweh: “Dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan sa Templong ipinagawa ni Solomon na anak ni David. Hindi na ninyo ito papasanin ngayon. Panahon na upang paglingkuran ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at ang bayang Israel. Ayusin(AL) ninyo ang inyong mga pangkat na manunungkulan ayon sa kani-kanilang sambahayan batay sa mga tagubilin ni Haring David at ng anak niyang si Solomon. Pagbukud-bukurin ninyo sa bulwagan ng Templo ang inyong mga kababayang hindi Levita ayon din sa sambahayan. Bawat pangkat ay pasasamahan ninyo ng isang pangkat ng mga Levita. Patayin ninyo ang korderong pampaskwa, linisin ninyo ang inyong mga sarili ayon sa Kautusan at ihanda ang mga handog upang magampanan ng inyong mga kababayan ang ayon sa mga bilin ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.”

Nagbigay si Josias ng 30,000 kordero at mga batang kambing bilang handog na susunugin bukod pa sa 3,000 torong panghandog para pagsalu-saluhan. Ang mga pinuno sa ilalim niya ay buong puso ring nagkaloob ng handog para sa bayan, sa mga pari at sa mga Levita. Ang mga punong-katiwala naman sa Templo na sina Hilkias, Zacarias at Jehiel ay nagbigay ng dalawang libo at animnaraang tupa para sa mga pari at tatlong daang toro bilang handog pampaskwa. Ang mga pinuno naman ng mga Levita na sina Conanias, Semaya, Nathanael, Hosabias, Jehiel at Jozabad ay nagbigay ng limanlibong kordero at batang kambing para sa mga Levita at limandaang toro bilang handog na pampaskwa.

10 Matapos ihanda ang lahat, tumayo na sa kanya-kanyang puwesto ang mga pari. Ang mga Levita nama'y kasama ng kani-kanilang pangkat ayon sa utos ng hari. 11 Pinatay nila ang mga korderong pampaskwa at ang dugo nito ay ibinuhos ng mga pari sa ibabaw ng altar samantalang binabalatan naman ng mga Levita ang mga hayop. 12 Pagkatapos, kinuha nila ang taba nito at ipinamahagi sa mga tao ayon sa kani-kanilang sambahayan upang ihandog kay Yahweh ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises. Ganoon din ang ginawa nila sa mga toro. 13 Nilitson(AM) nila ang korderong pampaskwa ayon sa tuntunin. Ang iba namang karneng handog ay inilaga sa mga palayok, kaldero at kawa at ipinamigay sa mga tao. 14 Pagkatapos nito, naghanda ang mga Levita ng pagkain para sa kanila at sa mga paring mula sa angkan ni Aaron. Sila rin ang naghanda ng pagkain ng mga pari sapagkat hanggang sa gabi ang mga ito'y abalang-abala sa pag-aalay ng mga handog na susunugin at ng mga taba. 15 Nanatili(AN) sa kanilang mga puwesto ang mga mang-aawit, ang mga anak ni Asaf ayon sa tuntuning itinakda ni Haring David at ng mga lingkod niyang sina Asaf, Heman at Jeduthun na propeta ng hari. Hindi na rin kailangang umalis ang mga bantay sa pinto sapagkat lahat sila'y dinadalhan ng pagkain ng mga Levita.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.