Beginning
9 Hinipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta, at nakita ko ang isang bituing nahulog sa lupa mula sa langit. Ibinigay sa bituin ang susi ng hukay ng walang hangganang kalaliman. 2 Binuksan (A) niya ang hukay ng kalaliman, at mula roon lumabas ang usok na parang usok ng isang malaking pugon. Nagdilim ang araw at ang himpapawid dahil sa usok ng hukay. 3 At (B) mula sa usok ay lumabas sa lupa ang mga balang, at binigyan sila ng kapangyarihan gaya ng sa mga alakdan ng lupa. 4 Sinabihan (C) sila na huwag pinsalain ang damo ng lupa o anumang luntiang halaman o punongkahoy, kundi ang mga tao lang na walang tatak ng Diyos sa kanilang mga noo. 5 Sila'y pinayagang pahirapan ang mga taong ito sa loob ng limang buwan, ngunit hindi sila pinayagang patayin ang mga ito. Ang pagpapahirap nila ay tulad ng pagpapahirap ng isang alakdan kapag kumagat ito sa tao. 6 Sa (D) mga araw na iyon, nanaisin ng mga tao ang mamatay, subalit hinding-hindi ito mangyayari sa kanila. Maghahangad silang mamatay, ngunit lalayuan sila ng kamatayan.
7 (E) Tulad ng mga kabayong inihanda para sa labanan ang anyo ng mga balang. May tila mga koronang ginto sa kanilang mga ulo; ang mukha naman nila ay parang sa mga tao. 8 (F) Ang buhok nila ay tulad ng sa mga babae, at ang kanilang ngipin ay tulad ng sa leon. 9 (G) May mga kaliskis sila na parang baluting bakal, at ang ingay ng kanilang pakpak ay parang ingay ng napakaraming karwahe ng mga kabayong sumusugod sa labanan. 10 May mga buntot at panusok sila na tulad ng sa mga alakdan. Nasa mga buntot nila ang kapangyarihang puminsala sa mga tao nang limang buwan. 11 Mayroon silang hari, ang anghel ng walang hanggang kalaliman. Ang kanyang pangalan ay Abadon sa Hebreo, at Apolyon naman sa Griyego.
12 Lumipas na ang unang masaklap na pangyayari. Ngunit dalawa pang lagim ang darating.
13 Hinipan (H) ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta, at narinig ko ang isang tinig mula sa apat na sungay ng gintong dambana na nasa harap ng Diyos, 14 na nagsasabi sa ikaanim na anghel na may hawak ng trumpeta, “Pakawalan mo ang apat na anghel na nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates.” 15 Kaya pinakawalan ang apat na anghel, na inihanda para sa takdang oras, araw, buwan, at taon, upang patayin ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan. 16 Dalawandaang milyon ang bilang ng mga hukbong nakasakay sa kabayo. Narinig ko ang kanilang bilang. 17 Sa (I) aking pangitain ay nakakita ako ng mga kabayo: na ang mga nakasakay ay may mga baluting kulay apoy, jacinto, at asupre. Ang ulo ng mga kabayo ay tulad ng sa mga leon, at mula sa kanilang mga bibig ay may lumalabas na apoy, usok, at asupre. 18 Mula sa tatlong salot na ito, ikatlong bahagi ng sangkatauhan ang napatay sa pamamagitan ng apoy, usok, at asupreng lumalabas mula sa bibig nila. 19 Sapagkat ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa kanilang mga bibig at mga buntot. Ang mga buntot nila ay parang mga ahas; may mga ulo ito, at sa pamamagitan ng mga ito'y nakapamiminsala sila.
20 Ang (J) natirang sangkatauhan na hindi napatay ng mga salot na ito ay hindi nagsisi sa mga likha ng kanilang mga kamay, at hindi rin tumigil sa pagsamba sa demonyo at sa mga diyus-diyosang yari sa ginto, pilak, tanso, bato, at kahoy, na hindi naman nakakakita, nakaririnig ni nakakalakad. 21 At hindi rin sila nagsisi sa kanilang pagpaslang, o pangungulam, pakikiapid, ni sa kanilang pagnanakaw.
Ang Anghel at ang Maliit na Balumbon
10 Pagkatapos ay nakita ko ang isa pang makapangyarihang anghel na bumababa mula sa langit. Siya'y nababalutan ng ulap at may bahaghari sa kanyang ulo; ang mukha niya ay tulad ng araw, at ang kanyang mga binti ay parang mga haliging apoy. 2 May hawak siyang maliit na balumbong nakabukas. Itinapak niya sa dagat ang kanyang kanang paa, at sa lupa ang kaliwa. 3 Sumigaw siya nang napakalakas, tulad ng isang leong umaatungal. Pagsigaw niya, dumagundong ang pitong kulog. 4 Pagkatapos ng dagundong, susulat na sana ako, ngunit narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Takpan mo ng tatak ang mga sinabi ng pitong kulog, at huwag mong isulat ang mga ito.” 5 At (K) itinaas ng anghel na nakita kong nakatayo sa dagat at sa lupa ang kanyang kanang kamay sa langit. 6 Sumumpa siya sa kanya na nabubuhay magpakailanman, sa kanya na lumikha ng langit at ng lahat ng naroroon, ng lupa at lahat ng naroroon, at ng dagat at lahat ng naroroon: “Hindi na patatagalin pa, 7 ngunit sa mga araw na hihipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, magaganap ang hiwaga ng Diyos ayon sa inihayag niya sa kanyang mga lingkod na propeta.”
8 At (L) nagsalitang muli ang tinig na narinig ko mula sa langit, “Humayo ka, kunin mo ang bukas na balumbon sa kamay ng anghel na nakatayo sa dagat at sa lupa.” 9 Kaya pumunta ako sa anghel at hiningi ko sa kanya ang munting balumbon. Sinabi niya sa akin, “Kunin mo, at kainin mo; mapait ito sa tiyan, subalit sintamis naman ng pulot sa iyong bibig.” 10 Inabot ko ang maliit na balumbon mula sa kamay ng anghel at kinain ito. Kasintamis ito ng pulot, subalit nang makain ko'y pumait ang tiyan ko.
11 At sinabi nila sa akin, “Kailangang magpahayag kang muli ng propesiya tungkol sa maraming bansa, mga lahi, mga wika, at mga hari.”
Ang Dalawang Saksi
11 Pagkatapos (M) nito may nagbigay sa akin ng isang panukat na parang tungkod na nagsasabi, “Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos, at ang dambana, pati ang mga sumasamba doon. 2 Ngunit (N) huwag mong sukatin ang patyo sa labas ng templo; hayaan mo na iyon, sapagkat ipinaubaya iyon sa mga bansa. Kanilang tatapak-tapakan ang mga banal na lungsod sa loob ng apatnapu't dalawang taon. 3 Bibigyan ko ng kapangyarihang magpahayag ng propesiya sa loob ng 1,260 araw ang aking dalawang saksi na nakasuot ng damit panluksa.”
4 Ang (O) mga saksing ito'y ang dalawang puno ng olibo at dalawang ilawang nakatayo sa harap ng Panginoon ng lupa. 5 Kung may magtangkang saktan sila, lalabas sa kanilang bibig ang apoy na lalamon sa kanilang mga kaaway. Sinumang magtatangkang saktan sila ay papatayin sa ganitong paraan. 6 Sila'y (P) may kapangyarihang isara ang langit upang huwag umulan sa mga araw na nagpapahayag sila ng propesiya. At mayroon din silang kapangyarihang gawing dugo ang tubig at bigyan ng anumang uri ng salot ang lupa, anumang oras nila ito naisin.
7 Nang matapos (Q) na nila ang kanilang patotoo, makikipagdigmaan sa kanila ang hayop na umahon mula sa walang hangganang kalaliman, dadaigin at papatayin sila nito. 8 (R) Ang kanilang mga bangkay ay ikakalat sa lansangan ng malaking lungsod, na sa pananalitang espirituwal ay Sodoma at Ehipto, kung saan ang kanilang Panginoon ay ipinako sa krus. 9 Sa loob ng tatlo't kalahating araw ay pagmamasdan ng mga taong mula sa mga bayan, mga lipi, mga wika, at mga bansa ang mga bangkay at hindi nila pahihintulutang mailibing ang mga ito. 10 Ang mga naninirahan sa lupa ay magagalak sa sinapit ng dalawang saksi. Magdiriwang sila at magpapalitan ng mga handog, sapagkat pinahirapan ng dalawang propetang ito ang mga naninirahan sa lupa.
11 At pagkatapos (S) ng tatlo't kalahating araw, pumasok sa kanila ang hininga ng buhay na mula sa Diyos. Nagtayuan sila, at nangibabaw sa mga nakakita ang matinding takot. 12 At pagkatapos (T) narinig nila ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi, “Umakyat kayo rito!” Kaya sa ibabaw ng isang ulap ay umakyat sila sa langit, habang minamasdan sila ng kanilang mga kaaway. 13 Nang (U) oras ding iyon ay lumindol nang malakas, at nagiba ang ikasampung bahagi ng lungsod. Pitong libong tao ang namatay sa lindol, at ang iba nama'y natakot at nagbigay-papuri sa Diyos ng kalangitan.
14 Naganap na ang ikalawang malagim na pangyayari. Ang ikatlo'y malapit nang maganap.
Ang Ikapitong Trumpeta
15 Pagkatapos, hinipan (V) ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, at sa langit ay narinig ang malalakas na tinig na nagsasabi,
“Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon
at ng kanyang Cristo,
at maghahari siya magpakailanman.”
16 At ang dalawampu't apat na matatanda na nakaupo sa kanilang trono sa harapan ng Diyos ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos. 17 Wika nila,
“Salamat po, Panginoon naming Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
na siyang ngayon, at noon,
sapagkat tinaglay mo ang iyong dakilang kapangyarihan
at nagsimula nang maghari.
18 Nagalit (W) ang mga bansa,
ngunit dumating ang iyong poot
at ang panahon upang hatulan ang mga patay,
at upang gantimpalaan ang iyong mga lingkod na mga propeta at mga banal
at lahat silang natatakot sa iyong pangalan,
maging mga hamak o mga dakila,
at upang puksain silang mga pumipinsala sa mundo.”
19 Pagkatapos ay (X) nabuksan ang templo ng Diyos sa langit, at nahayag ang kaban ng tipan. Gumuhit ang mga kidlat, nagkaingay, dumagundong ang mga kulog, lumindol, at umulan ng mga tipak ng yelo.
Ang Babae at ang Dragon
12 May isang kapansin-pansin na tanda na lumitaw sa langit: isang babaing nakadamit ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kanyang mga paa, at sa kanyang ulo ay isang koronang may labindalawang bituin. 2 Kagampan siya at sumisigaw sa hirap at sakit dala ng pagluluwal. 3 May isa (Y) pang tandang lumitaw sa langit: isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay, at sa mga ulo niya'y may pitong korona. 4 Kinaladkad (Z) ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin ng langit at itinapon ang mga ito sa lupa. Pagkatapos ay tumayo ang dragon sa harap ng babaing malapit nang manganak, upang pagkapanganak ay lamunin ng dragon ang anak nito. 5 At ang (AA) babai'y nagsilang ng isang batang lalaki na mamamahala sa lahat ng mga bansa gamit ang isang pamalong bakal. Ngunit inagaw ang kanyang anak at dinala sa Diyos at sa kanyang trono. 6 Tumakas ang babae patungo sa ilang, at doon ay ipinaghanda siya ng Diyos ng isang lugar upang maalagaan siya sa loob ng isang libo dalawandaan at animnapung araw.
7 At (AB) nagkaroon ng digmaan sa langit; si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon. Nakipaglaban ang dragon at ang kanyang mga anghel, 8 ngunit natalo sila, at wala na ring lugar para sa kanila sa langit. 9 At itinapon (AC) ang malaking dragon, ang matandang ahas, na tinatawag na Diyablo at Satanas, ang nandaraya sa buong daigdig. Itinapon siya sa lupa, kasama ang kanyang mga anghel.
10 At (AD) pagkatapos ay isang malakas na tinig sa langit ang aking narinig:
“Dumating na ang pagliligtas, ang kapangyarihan,
ang kaharian ng ating Diyos,
at ang pamumuno ng kanyang Cristo,
sapagkat naitapon na ang nang-uusig sa ating mga kapatid,
siya na nagpaparatang sa kanila sa harap ng ating Diyos araw at gabi.
11 Nagtagumpay sila laban sa kanya sa pamamagitan ng dugo ng Kordero
at sa pamamagitan ng salita ng kanilang patotoo;
at hindi nila pinahalagahan ang kanilang buhay sa harap man ng kamatayan.
12 Kaya nga magalak kayo, kalangitan
at pati na ang mga sa inyo'y naninirahan!
Ngunit kaylagim ng sasapitin ninyo, lupa at dagat,
sapagkat sa inyo bumaba ang Diyablong may matinding galit,
sapagkat alam niyang kaunti na lamang ang kanyang panahon!”
13 Nang mapagtanto ng dragon na siya'y itinapon na sa lupa, tinugis niya ang babaing nagsilang ng batang lalaki. 14 Ngunit (AE) binigyan ang babae ng dalawang pakpak ng malaking agila, upang makalipad siya palayo sa ahas patungong ilang, upang doon ay maalagaan siya sa loob ng isang panahon, at mga panahon at kalahati ng isang panahon. 15 At binugahan ng ahas ng tubig mula sa kanyang bibig ang babae; ito'y tulad ng isang ilog, upang tangayin nito ang babae. 16 Ngunit tinulungan ng lupa ang babae; nagbuka ng bibig ang lupa at nilunok ang ilog na ibinuga ng dragon. 17 Kaya sa tindi ng galit ng dragon sa babae, umalis iyon upang makipaglaban sa iba pang mga anak nito, sa mga sumusunod sa mga utos ng Diyos at naninindigan sa patotoo ni Jesus. 18 Pagkatapos ay tumayo ang dragon sa dalampasigan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.