Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mangangaral 5-8

Huwag Pabigla-bigla sa Pangako

Mag-ingat ka sa pagpasok sa bahay ng Diyos. Ang pagsunod ay mabuti kaysa handog ng isang mangmang sapagkat hindi alam ng mangmang kung ano ang mabuti't masama. Huwag kang pabigla-bigla sa pananalangin. Isipin mo munang mabuti ang ipapangako mo sa kanya sapagkat nasa langit siya at ikaw ay nasa lupa. Mag-ingat ka sa pagsasalita. Ang panaginip ay bunga ng maraming alalahanin. Habang dumarami ang iyong sinasabi, lalong nanganganib na makapagsabi ka ng kamangmangan. Kung(A) mangangako ka sa Diyos, tuparin ito agad; hindi siya nalulugod sa taong mangmang. Kaya tuparin mo ang iyong pangako sa kanya. Mabuti pang huwag ka nang mangako kaysa mangangako at hindi mo tutuparin. Huwag mong pabayaang magkasala ka dahil sa iyong pananalita, mangangako ka at pagkatapos ay babawiin mo. Sa ganyan galit na galit ang Diyos. Kung magkagayon, hindi ka niya pagpapalain sa anumang iyong ginagawa. Kaya, gaano man kadalas ang iyong panaginip, gaano man karami ang walang kabuluhan[a] mong salita at gawa, magkaroon ka ng takot sa Diyos.

Ang Buhay ay Walang Kabuluhan

Huwag kang magtataka kung makita mong ang mahihirap ay inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Alalahanin mong ganoon din ang ginagawa ng nakatataas sa kanila at bawat pinuno ay may nakasasakop ding mas mataas na pinuno. Sa isang lupaing puno ng kasaganaan, ang hari ang may pinakamainam na kalagayan.

10 Ang gahaman sa salapi ay walang kasiyahan at ang sakim sa kayamanan ay hindi masisiyahan sa kaunting pakinabang. Ngunit ito man ay walang kabuluhan.[b] 11 Habang lumalaki ang kayamanan, dumarami ang pangangailangan at ang tanging kasiyahan ng may-ari ay ang isiping siya ay mayaman. 12 Mahimbing ang tulog ng isang manggagawa, marami man o kaunti ang kanyang pagkain. Ngunit ang mayaman ay hindi man lamang dalawin ng antok.

13 Ito ang isang nakakalungkot na pangyayari na nakita ko sa mundong ito: ang tao'y nag-iimpok para sa kinabukasan. 14 Ngunit nauubos din sa masamang paraan kaya wala rin siyang maiiwan sa kanyang sambahayan. 15 Kung(B) paanong tayo'y walang dala nang isilang dito sa daigdig, wala rin tayong madadala pagpanaw natin. Wala tayong madadalang anuman sa ating pinagpaguran. 16 Narito pa ang isang mahirap isipin: kung ano ang ayos nang tayo'y dumating, gayon din ang ayos sa ating pag-alis. Nagpapakapagod tayo ngunit wala ring napapala. 17 Bukod dito, ang buhay natin ay laging may alinlangan; puno ng pagkabalisa, hinagpis, galit at karamdaman.

18 Ito ang isang mabuting bagay na aking nakita: nararapat lamang na kumain, uminom, at pakinabangan ng isang tao ang bunga ng kanyang pinagpaguran sa mundong ito, sa maikling panahong ibinigay sa kanya ng Diyos; ito ang ating bahagi. 19 Ganoon din ang dapat gawin ng lahat ng niloob ng Diyos na yumaman: tanggapin ang kanilang bahagi at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran sapagkat ito ay kaloob ng Diyos. 20 Sa gayon, hindi siya malulungkot kahit na maikli ang buhay niya sa daigdig sapagkat puno naman ito ng kasiyahan.

Walang Kabuluhan ang Kayamanan

Narito ang isang kawalan ng katarungan na nagaganap sa mundo: Isang tao na binigyan ng Diyos ng malaking kayamanan, maraming ari-arian, at karangalan. Sa kasawiang-palad, hindi niloob ng Diyos na tamasahin niya ang kasiyahang dulot ng mga bagay na ito; bagkus ay iba ang nakinabang. Ito man ay walang kabuluhan[c] at nagdudulot lamang ng sama ng loob. Mabuti pang di hamak ang sanggol na ipinanganak na patay kaysa isang taong nagkaanak ng 100 at nabuhay nang matagal ngunit hindi naranasan ang maging masaya at hindi pinarangalan nang siya ay ilibing. Wala ring kabuluhang[d] matatamo ang isang sanggol kahit siya ipanganak sapagkat mamamatay din siya at malilimutan. Hindi nito nakita ang araw ni natikman ang mabuhay, ngunit mayroon naman siyang ganap na kapayapaan. Kaya mabuti pa siya nang hindi hamak kaysa isang taong nabuhay nang 2,000 taon ngunit di nakaranas ng kasiyahan. Hindi ba't iisa lang ang uuwian ng lahat?

Nagpapakapagod ang tao para sa kanyang tiyan ngunit kailanma'y di siya nagkaroon ng kasiyahan. Ano ang kahigtan ng matalino sa mangmang? Ano ang mapapala ng isang mahirap kahit malaman niya ang pasikut-sikot ng buhay? Mabuti pa ay masiyahan sa anumang kalagayan kaysa mangarap nang di naman makakamtan. Ito man ay walang kabuluhan,[e] tulad ng paghahabol sa hangin.

10 Lahat ng nangyayari sa daigdig ay alam na noong una pa, at ang tao'y di makapananaig laban sa kapangyarihang higit sa kanya. 11 Habang humahaba ang pagtatalo, lalo lang nawawalan ng kabuluhan; kaya paano masasabing nakahihigit ang isang tao sa kapwa? 12 Sino ang nakaaalam kung ano ang mabuti sa taong nabubuhay sa maikling panahon at pagkatapos ay mawawalang tulad ng anino? Sino ang makakapagsabi kung ano ang mangyayari pagkamatay niya?

Patungkol sa Buhay

Ang(C) mabuting pangalan ay mas mahalaga kaysa mamahaling pabango;
    at ang araw ng kamatayan ay higit na mabuti kaysa araw ng kapanganakan.
Mas mabuting pumunta sa bahay ng namatayan
    kaysa bahay na may handaan,
pagkat dapat alalahanin ng buháy na siya man ay nakatakda ring mamatay.
Ang kalungkutan ay mas mabuti kaysa katuwaan,
    pagkat maaaring malungkot ang mukha ngunit masaya ang kalooban.
Mangmang ang isang taong nag-iisip ng kasayahan,
    ngunit matalino ang isang taong naghahanda para sa kanyang kamatayan.
Mas mabuting makarinig ng saway ng matalino
    kaysa isang mangmang ang pupuri sa iyo.
Ang halakhak ng mangmang
    ay tulad ng siklab ng apoy,
    walang kabuluhan.[f]
Ang matalinong nandadaya ay para na ring mangmang.
    Ang suhol ay sumisira sa dangal ng tao.
Ang wakas ng isang bagay ay mas mainam kaysa pasimula.
    Ang pagtitiyaga ay mabuti kaysa kapalaluan.
Pag-aralan(D) mong magpigil sa sarili;
    mangmang lamang ang nagtatanim ng galit.
10 Huwag mong itatanong kung bakit mabuti noong araw kaysa ngayon,
    pagkat iya'y tanong na walang katuturan.
11 Ang taong nagtataglay ng karunungan ay higit na mainam kaysa minamanang kayamanan.
12 Ang tulong na magagawa ng karunungan sa tao ay tulad ng magagawa ng salapi.
    Ang tao'y maililigtas ng kanyang karunungan, at ito ang kabutihan ng kaalaman.

13 Pag-isipan mong mabuti ang ginawa ng Diyos. Sino ang makapagtutuwid sa binaluktot niya? 14 Magalak ka kung mainam ang takbo ng lahat ng bagay. Sa panahon ng kahirapan ay isipin mong parehong ipinadadala ng Diyos ang kaligayahan at kahirapan. Sino ang nakakaalam kung ano ang mangyayari bukas?

15 Sa loob ng maikling panahon ng aking pamumuhay, nakita ko ang lahat ng bagay. Nakita kong ang tao'y namamatay kahit siya mabuti, at may masamang nabubuhay nang matagal. 16 Huwag kayong magpapakabuti o magpapakatalino nang labis. Bakit mo pahihirapan ang iyong sarili? 17 Ngunit huwag ka rin namang magpapakasama ni magpapakamangmang at baka mamatay ka nang wala sa panahon. 18 Huwag kang magpapakalabis ng kabutihan o kasamaan. Sa anumang kalagayan mo, magtatagumpay ka kung may takot ka sa Diyos.

19 Higit ang magagawa ng karunungan ng isang tao, kaysa magagawa ng sampung hari sa isang lunsod.

20 Walang taong nabuhay sa daigdig na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.

21 Huwag mong pakinggan ang lahat ng sasabihin sa iyo ng tao at baka kalaunan ay mismong alila mo ang humamak sa iyo; 22 sapagkat alam mo sa iyong sarili kung gaano na karami ang iyong hinamak.

23 Sa lahat ng bagay ay sinubok ko ang karunungan sa pag-aakalang ako'y matalino ngunit napatunayan kong hindi pala. 24 Hindi natin matatarok ang kahulugan ng buhay. Napakahiwaga nito para natin maunawaan. 25 Gayunpama'y nagpatuloy ako sa pagdidili-dili. Nagsuri akong mabuti at mataman kong siniyasat ang dahilan ng lahat ng bagay. Nalaman kong kamangmangan ang magpakasama at walang kabuluhan[g] ang magpakamangmang. 26 Natuklasan ko ang isang bagay na mas mapait kaysa kamatayan: ito'y walang iba kundi ang babae. Ang kanyang pag-ibig ay tulad ng bitag, at ang kanyang mga bisig ay tulad ng tanikala. Ang taong matuwid ay nakakaiwas rito ngunit naaalipin ang mga masama. 27 Sinabi ng Mangangaral, “Pinag-ugnay-ugnay ko ang lahat ng bagay at ito ang aking natuklasan. 28 Pagkatapos ng mataman ngunit bigong pagsisiyasat, natuklasan kong sa 1,000 lalaki, isa lamang ang matalino, at sa 1,000 babae, walang matalino kahit isa. 29 Ito lamang ang natitiyak ko: ang tao'y nilikha ng Diyos sa kabutihan, ngunit ang tao'y nag-iisip ng kung anu-anong bagay.”

Sino ang ipapantay sa taong matalino na nakakasaliksik sa lahat ng bagay? Ang karunungan ay nagpapasaya sa mukha ng tao; pati ang matigas na anyo ng mukha ay nawawala.

Sundin ang Hari

Sundin mo ang utos ng hari, at huwag padalus-dalos sa pagbibitaw ng pangako sa Diyos. Lumayo ka sa harap ng hari at huwag mong ipagpipilitan ang anumang labag sa kalooban niya sapagkat maaari niyang gawin ang lahat ng magustuhan niya. Ang utos ng hari ay di mababali at walang makakatutol sa anumang gawin niya. Ang masunurin ay di mapapahamak at alam ng matalino kung ano ang dapat gawin, kung kailan, at kung paano dapat isagawa. May kanya-kanyang panahon at paraan para sa lahat ng bagay ngunit di natin ito lubusang nalalaman. Walang makakapagsabi kung ano ang maaaring mangyari at kung paano ito magaganap. Kung paanong di mapipigil ng tao ang hangin, gayon din hindi niya mapipigil ang pagdating ng kamatayan. Sa panahon ng digmaan, walang mapagtataguan; hindi tayo makakatakas. Lahat ng ito'y nakita ko habang pinagmamasdan ang mga pangyayari sa buong mundo, ang iba'y may kapangyarihan, at ang iba naman ay api-apihan.

10 May nakita akong masasamang taong inilibing ngunit pag-uwi ng mga nakipaglibing ang masamang yaon ay pinupuri sa lugar na ginawan niya ng kasamaan. Ito man ay walang kabuluhan.[h] 11 Ang hatol sa kasamaan ay di agad iginagawad kaya naman ang tao'y nawiwili sa paggawa ng masama. 12 Kung sabagay, daan-daan man ang kasamaang gawin ng masama ay wala ring mawawala sa taong nabubuhay nang matuwid pagkat siya'y may takot sa Diyos. 13 Ngunit ang kasamaan ng masama ay di makakabuti sa kanya; mamumuhay silang parang anino at maaga silang mamamatay sapagkat hindi sila natatakot sa Diyos.

14 Narito pa ang isang bagay sa ibabaw ng lupa na walang kabuluhan:[i] ang kaparusahang para sana sa masama ay sa mabuti nangyayari at ang dapat namang mangyari sa mabuti ay sa masama nangyayari. Sa palagay ko, ito man ay walang kabuluhan. 15 Kaya para sa akin, ang tao'y dapat magpakasaya sa buhay. Walang pinakamabuti kundi kumain, uminom at magsaya. Ito ay magagawa niya habang siya'y nabubuhay at nagpapakapagod sa mundong ito.

16 Habang iniisip ko ang mga pangyayari sa daigdig, lalo akong naniniwalang kahit mag-isip nang mag-isip ang tao araw-gabi, 17 hindi niya mauunawaan ang mga gawa ng Diyos. Kahit ano pa ang kanyang pagpaguran sa mundong ito, hindi niya ito mauunawaan. Maaaring ipalagay ng matalino na alam niya ang bagay na ito ngunit ang totoo'y wala siyang nalalaman.