Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
2 Paralipomeno 13-17

13 Nang ikalabing walong taon ng haring Jeroboam ay nagpasimula si Abias na maghari sa Juda.

Tatlong taong naghari siya sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Michaia na anak ni Uriel na taga Gabaa. At nagkaroon ng digmaan si Abias at si Jeroboam.

At si Abias ay nagpisan sa pakikipagbaka ng isang hukbo na matatapang na lalaking mangdidigma, na apat na raang libo, na mga piling lalake: at humanay si Jeroboam sa pakikipagbaka laban sa kaniya na may walong daang libo, na piling mga lalake, na mga makapangyarihang lalaking may tapang.

At si Abias ay tumayo sa bundok ng Semaraim, na nasa lupaing maburol ng Ephraim, at nagsabi, Dinggin ninyo ako, Oh Jeroboam at buong Israel;

Hindi ba ninyo nalalaman na ibinigay ng Panginoon, ng Dios ng Israel, ang kaharian sa Israel kay David magpakailan man, sa kaniya at sa kaniyang mga anak, sa pamamagitan ng tipan na asin?

Gayon ma'y si Jeroboam na anak ni Nabat, na lingkod ni Salomon na anak ni David, ay tumindig, at nanghimagsik laban sa kaniyang panginoon.

At napisan sa kaniya ay mga walang kabuluhang lalake, na mga hamak na tao, na nangagpakatibay laban kay Roboam na anak ni Salomon, nang si Roboam ay bata at malumanay na puso, at hindi makapanaig sa kanila.

At ngayo'y inyong inaakalang daigin ang kaharian ng Panginoon sa kamay ng mga anak ni David; at kayo'y isang malaking karamihan, at mayroon kayong mga gintong guya, na ginawang mga dios sa inyo ni Jeroboam.

Hindi ba ninyo pinalayas ang mga saserdote ng Panginoon, na mga anak ni Aaron, at ang mga Levita, at kayo'y naghalal ng mga saserdote na ayon sa kaugalian ng mga bayan ng mga ibang lupain? na anopa't sinomang naparoroon upang tumalaga sa pamamagitan ng isang guyang baka, at pitong lalaking tupa, yao'y maaaring saserdote sa mga yaon na hindi mga dios.

10 Nguni't tungkol sa amin, ang Panginoon ay ang aming Dios, at hindi namin pinabayaan siya; at mayroon kaming mga saserdote na nagsisipangasiwa sa Panginoon, ang mga anak ni Aaron, at ang mga Levita sa kanilang gawain:

11 At sila'y nagsisipagsunog sa Panginoon tuwing umaga at tuwing hapon ng mga handog na susunugin at ng mainam na kamangyan: ang tinapay na handog naman ay inihanay nila sa dulang na dalisay; at ang kandelerong ginto na may mga ilawan, upang magsipagningas tuwing hapon: sapagka't aming iningatan ang bilin ng Panginoon naming Dios; nguni't pinabayaan ninyo siya.

12 At, narito, ang Dios ay nangungulo sa amin, at ang kaniyang mga saserdote ay mga may pakakak na panghudyat, upang mangagpatunog ng hudyat laban sa iyo. Oh mga anak ni Israel, huwag kayong mangakipaglaban sa Panginoon, sa Dios ng inyong mga magulang; sapagka't kayo'y hindi magsisiginhawa.

13 Nguni't pinaligid sa likuran nila ni Jeroboam ang isang kawal na bakay: na anopa't sila'y nangasa harap ng Juda, at ang bakay ay nasa likuran nila.

14 At nang ang Juda ay lumingon, narito, ang pagbabaka'y nasa harap at likuran nila: at sila'y nagsidaing sa Panginoon, at ang mga saserdote ay nangagpatunog ng mga pakakak.

15 Nang magkagayo'y nagsihiyaw ang mga lalake ng Juda: at habang nagsisihiyaw ang mga anak ng Juda, nangyari, na sinaktan ng Dios si Jeroboam at ang buong Israel sa harap ni Abias at ng Juda.

16 At ang mga anak ni Israel ay nagsitakas sa harap ng Juda: at ibinigay ng Dios sila sa kanilang kamay.

17 At pinatay sila ni Abias at ng kaniyang bayan ng malaking pagpatay: sa gayo'y nangabuwal na patay sa Israel ay limang daang libo na piling mga lalake.

18 Ganito nangasakop ang mga anak ni Israel nang panahong yaon, at ang mga anak ni Juda ay nagsipanaig, sapagka't sila'y nagsitiwala sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang.

19 At hinabol ni Abias si Jeroboam, at inagawan siya ng mga bayan, ang Beth-el pati ng mga nayon niyaon, at ang Jesana pati ng mga nayon niyaon at ang Ephron pati ng mga nayon niyaon.

20 Na hindi man nagsauling lakas si Jeroboam uli sa mga kaarawan ni Abias: at sinaktan siya ng Panginoon at siya'y namatay.

21 Nguni't si Abias ay naging makapangyarihan, at nagasawa ng labing apat, at nagkaanak ng dalawang pu't dalawang lalake, at labing anim na babae.

22 At ang iba sa mga gawa ni Abias, at ang kaniyang mga lakad, at ang kaniyang mga sabi ay nangakasulat sa kasaysayan ni Iddo na propeta.

14 Sa gayo'y natulog si Abias na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa bayan ni David, at si Asa na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya. Nang kaniyang mga kaarawan ay tahimik ang lupain na sangpung taon.

At gumawa si Asa ng mabuti at matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon niyang Dios:

Sapagka't kaniyang inalis ang mga dambana ng iba, at ang mga mataas na dako, at pinagputolputol ang mga haligi, at ibinagsak ang mga Asera,

At iniutos sa Juda na hanapin ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, at tuparin ang kautusan at ang utos.

Kaniya rin namang inalis sa lahat na bayan ng Juda ang mga mataas na dako at ang mga larawang araw: at ang kaharian ay tahimik sa harap niya.

At siya'y nagtayo ng mga bayang nakukutaan sa Juda: sapagka't ang lupain ay tahimik, at siya'y hindi nagkaroon ng pakikipagdigma sa mga taong yaon; sapagka't binigyan siya ng Panginoon ng kapahingahan.

Sapagka't sinabi niya sa Juda, Itayo natin ang mga bayang ito, at gawan sa palibot ng mga kuta, at ng mga moog, ng mga pintuang-bayan, at ng mga halang; ang lupain ay nasa harap pa natin, sapagka't ating hinahanap ang Panginoon nating Dios; ating hinanap siya, at binigyan niya tayo ng kapahingahan sa lahat ng dako. Sa gayo'y kanilang itinayo at nagsiginhawa.

At si Asa ay may isang hukbo na may dalang mga kalasag at mga sibat, na mula sa Juda, na tatlong daang libo; at mula sa Benjamin, na nagdadala ng mga kalasag at nagpapahilagpos ng mga busog na dalawang daan at walong pung libo: lahat ng mga ito ay mga makapangyarihang lalake na matatapang.

At lumabas laban sa kanila si Zera na taga Etiopia na may hukbo na isang angaw, at tatlong daang karo; at siya'y naparoon sa Maresa.

10 Nang magkagayo'y lumabas si Asa na sumalubong sa kaniya, at sila'y nagsihanay ng pakikipagbaka sa libis ng Sephata sa Maresa.

11 At si Asa ay dumaing sa Panginoon niyang Dios, at kaniyang sinabi, Panginoon, walang iba liban sa iyo na makatutulong, sa pagitan ng makapangyarihan at niya na walang lakas: tulungan mo kami, Oh Panginoon naming Dios: sapagka't kami ay nagsisitiwala sa iyo, at sa iyong pangalan ay kami nagsisiparito laban sa karamihang ito. Oh Panginoon, ikaw ay aming Dios; huwag mong panaigin ang tao laban sa iyo.

12 Sa gayo'y sinaktan ng Panginoon ang mga taga Etiopia sa harap ni Asa, at sa harap ng Juda; at ang mga taga Etiopia ay nagsitakas.

13 At si Asa at ang bayan na kasama niya ay nagsihabol sa kanila hanggang sa Gerar: at nangabuwal sa mga taga Etiopia ang totoong marami, na anopa't sila'y hindi makabawi, sapagka't sila'y nalansag sa harap ng Panginoon, at sa harap ng kaniyang hukbo; at sila'y nagsipagdala ng totoong maraming samsam.

14 At kanilang sinaktan ang lahat na bayan sa palibot ng Gerar; sapagka't sila'y naratnan ng takot sa Panginoon; at kanilang sinamsaman ang lahat na bayan; sapagka't maraming nasamsam sa kanila.

15 Kanila rin namang sinaktan ang mga toldang silungan ng mga hayop, at nagsipagdala ng mga tupa na sagana, at mga kamelyo, at nagsibalik sa Jerusalem.

15 At ang espiritu ng Dios ay suma kay Azarias na anak ni Obed:

At siya'y lumabas na sinalubong si Asa, at sinabi niya sa kaniya, Dinggin ninyo ako, Asa, at buong Juda at Benjamin: ang Panginoon ay sumasa inyo samantalang kayo'y sumasa kaniya: at kung inyong hanapin siya, siya'y masusumpungan ninyo; nguni't kung pabayaan ninyo siya, kaniyang pababayaan kayo.

Ngayon nga ang Israel ay malaon nang walang Dios na tunay at walang tagapagturong saserdote, at walang kautusan:

Nguni't nang sa kanilang kapanglawan ay nagsipagbalik sila sa Panginoon, sa Dios ng Israel, at hinanap nila siya, siya'y nasumpungan nila.

At nang mga panahong yaon ay walang kapayapaan sa kaniya na lumabas, o sa kaniya na pumasok, kundi malaking ligalig ang nangasa lahat ng mga nananahan sa mga lupain.

At sila'y nagkapangkatpangkat, bansa laban sa bansa, at bayan laban sa bayan: sapagka't niligalig sila ng Dios ng buong kapighatian.

Nguni't mangagpakalakas kayo, at huwag manglata ang inyong mga kamay; sapagka't ang inyong mga gawa ay gagantihin.

At nang marinig ni Asa ang mga salitang ito, at ang hula ni Obed na propeta, siya'y lumakas, at inalis ang mga karumaldumal sa buong lupain ng Juda at ng Benjamin, at sa mga bayan na kaniyang sinakop sa lupaing maburol ng Ephraim; at kaniyang binago ang dambana ng Panginoon, na nasa harap ng portiko ng Panginoon.

At kaniyang pinisan ang buong Juda at Benjamin, at silang mga nakikipamayan na kasama nila mula sa Ephraim at Manases, at mula sa Simeon; sapagka't sila'y nagsihilig sa kaniya na mula sa Israel na sagana, nang kanilang makita na ang Panginoon niyang Dios ay sumasa kaniya.

10 Sa gayo'y nangagpipisan sila sa Jerusalem sa ikatlong buwan, sa ikalabing limang taon ng paghahari ni Asa.

11 At sila'y nagsipaghain sa Panginoon sa araw na yaon, sa samsam na kanilang dinala, na pitong daang baka at pitong libong tupa.

12 At sila'y pumasok sa tipan upang hanapin ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, ng kanilang buong puso, at ng kanilang buong kaluluwa.

13 At sinomang hindi humanap sa Panginoon, sa Dios ng Israel, ay papatayin, maging maliit o malaki, maging lalake o babae.

14 At sila'y nagsisumpa sa Panginoon ng malakas na tinig, at may mga hiyawan, at may mga pakakak, at may mga patunog.

15 At ang buong Juda ay nagalak sa sumpa: sapagka't sila'y nagsisumpa ng kanilang buong puso, at hinanap siya ng buo nilang nasa; at siya'y nasumpungan sa kanila: at binigyan sila ng Panginoon ng kapahingahan sa palibot.

16 At si Maacha naman na ina ni Asa na hari, ay inalis niya sa pagkareina, sapagka't siya'y gumawa ng nakasusuklam na larawan na pinaka Asera; at pinutol ni Asa ang kaniyang larawan, at ginawang alabok, at sinunog sa batis ng Cedron.

17 Nguni't ang mga mataas na dako ay hindi inalis sa Israel: gayon ma'y ang puso ni Asa ay sakdal sa lahat ng kaniyang mga kaarawan.

18 At kaniyang ipinasok sa bahay ng Dios ang mga bagay na itinalaga ng kaniyang ama, at yaon mang kaniyang itinalaga, na pilak, at ginto, at mga sisidlan.

19 At nawalan na ng digma sa ikatatlong pu't limang taon ng paghahari ni Asa.

16 Nang ikatatlong pu't anim na taon ng paghahari ni Asa, si Baasa na hari sa Israel ay umahon laban sa Juda, at itinayo ang Rama, upang huwag niyang matiis na sinoma'y lumabas o pumaroon kay Asa na hari sa Juda.

Nang magkagayo'y kumuha si Asa ng pilak, at ginto sa mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari, at nagsugo kay Ben-adad, na hari sa Siria, na tumatahan sa Damasco, na ipinasasabi,

May pagkakasundo ako at ikaw, na gaya ng aking ama at ng iyong ama: narito, ako'y nagpapadala sa iyo ng pilak at ginto; yumaon ka, sirain mo ang iyong pakikipagkasundo kay Baasa na hari sa Israel, upang siya'y lumayas sa akin.

At dininig ni Ben-adad ang haring Asa, at sinugo niya ang mga pinunong kawal ng kaniyang mga hukbo laban sa mga bayan ng Israel, at kanilang sinaktan ang Ion, at ang Dan, at ang Abel-maim, at ang lahat na bayang kamaligan ng Nephtali.

At nangyari, nang mabalitaan ni Baasa, na iniwan niya ang pagtatayo ng Rama, at ipinatigil ang kaniyang gawa.

Nang magkagayo'y ipinagsama ni Asa na hari ang buong Juda; at kanilang dinala ang mga bato ng Rama, at ang kahoy niyaon, na ipinagtayo ni Baasa; at itinayo niya sa pamamagitan niyaon ang Gibaa at Mizpa.

At nang panahong yaon ay naparoon kay Asa na hari sa Juda si Hanani na tagakita, at nagsabi sa kaniya, Sapagka't ikaw ay nagtiwala sa hari sa Siria, at hindi ka nagtiwala sa Panginoon mong Dios, kaya't ang hukbo ng hari sa Siria ay nagtanan sa iyong kamay.

Hindi ba ang mga taga Etiopia at ang mga Lubim ay makapal na hukbo, na may mga karo at mangangabayo na totoong marami? gayon ma'y sapagka't ikaw ay nagtiwala sa Panginoon, ibinigay sila sa iyong kamay.

Sapagka't ang mga mata ng Panginoon ay nagsisiyasat sa palibot ng buong lupa, upang pakilala na matibay sa ikagagaling ng mga yaon na ang puso ay sakdal sa kaniya. Ikaw ay gumawang may kamangmangan; sapagka't mula ngayo'y magkakaroon ka ng mga pakikipagdigma.

10 Nang magkagayo'y nagalit si Asa sa tagakita, at inilagay niya siya sa bilangguan: sapagka't siya'y nagalit sa kaniya dahil sa bagay na ito. At pinighati ni Asa ang iba sa bayan nang panahon ding yaon.

11 At, narito, ang mga gawa ni Asa, na una at huli, narito, nangakasulat sa aklat ng mga hari sa Juda at Israel.

12 At nang ikatatlong pu't siyam na taon ng kaniyang paghahari, si Asa ay nagkasakit sa kaniyang mga paa; ang kaniyang sakit ay totoong malubha: gayon ma'y sa kaniyang sakit ay hindi niya hinanap ang Panginoon, kundi ang mga manggagamot.

13 At si Asa ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at namatay sa ikaapat na pu't isang taon ng kaniyang paghahari.

14 At inilibing nila siya sa kaniyang sariling mga libingan, na kaniyang ipinahukay para sa kaniya sa bayan ni David, at inihiga siya sa higaan na pinunu ng mga masarap na amoy at sarisaring espesia na inihanda ng manggagawa ng mga pabango; at ipinagsunog nila niyaon ng di kawasa.

17 At si Josaphat na kaniyang anak ay naghari, na kahalili niya, at nagpakalakas laban sa Israel.

At siya'y naglagay ng mga kawal sa lahat ng bayang nakukutaan ng Juda, at naglagay ng mga pulutong sa lupain ng Juda, at sa mga bayan ng Ephraim, na sinakop ni Asa sa kaniyang ama.

At ang Panginoon ay sumasa kay Josaphat, sapagka't siya'y lumakad ng mga unang lakad ng kaniyang magulang na si David, at hindi hinanap ang mga Baal;

Kundi hinanap ang Dios ng kaniyang ama, at lumakad sa kaniyang mga utos, at hindi ayon sa mga gawa ng Israel.

Kaya't itinatag ng Panginoon ang kaharian sa kaniyang kamay; at ang buong Juda ay nagdala kay Josaphat ng mga kaloob; at siya'y nagkaroon ng mga kayamanan at dangal na sagana.

At ang kaniyang puso ay nataas sa mga daan ng Panginoon: at bukod dito'y inalis niya ang mga mataas na dako at ang mga Asera sa Juda.

Nang ikatlong taon naman ng kaniyang paghahari ay kaniyang sinugo ang kaniyang mga prinsipe, sa makatuwid bagay si Ben-hail, at si Obdias, at si Zacharias, at si Nathaniel, at si Micheas, upang mangagturo sa mga bayan ng Juda.

At kasama nila ang mga Levita, na si Semeias, at si Nethanias, at si Zebadias, at si Asael, at si Semiramoth, at si Jonathan, at si Adonias, at si Tobias, at si Tob-adonias, na mga Levita; at kasama nila si Elisama, at si Joram na mga saserdote.

At sila'y nangagturo sa Juda, na may aklat ng kautusan ng Panginoon; at sila'y nagsiyaon sa palibot ng lahat na bayan ng Juda, at nangagturo sa gitna ng bayan.

10 At ang takot sa Panginoon ay nahulog sa lahat ng kaharian ng mga lupain na nangasa palibot ng Juda, na anopa't sila'y hindi nangakipagdigma laban kay Josaphat.

11 At ang ilan sa mga Filisteo ay nangagdala ng mga kaloob kay Josaphat, at pilak na pinakabuwis; ang mga taga Arabia man ay nangagdala rin sa kaniya ng mga kawan, na pitong libo at pitong daang lalaking tupa, at pitong libo at pitong daang kambing na lalake.

12 At si Josaphat ay dumakilang mainam; at siya'y nagtayo sa Juda ng mga kastilyo at mga bayang kamaligan.

13 At siya'y nagkaroon ng maraming mga gawain sa mga bayan ng Juda; at ng mga lalaking mangdidigma, na mga makapangyarihang lalaking matatapang, sa Jerusalem.

14 At ito ang bilang nila ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang: sa Juda, ang mga pinunong kawal ng lilibuhin; si Adna na pinunong kawal, at ang kasama niya na mga makapangyarihang lalaking matatapang ay tatlong daang libo:

15 At sumusunod sa kaniya ay si Johanan na pinunong kawal, at kasama niya'y dalawang daan at walong pung libo;

16 At sumusunod sa kaniya ay si Amasias na anak ni Zichri, na humandog na kusa sa Panginoon; at kasama niya ay dalawang daang libo na mga makapangyarihang lalaking matatapang:

17 At sa Benjamin; si Eliada na makapangyarihang lalaking matapang, at kasama niya ay dalawang daang libong may sakbat na busog at kalasag:

18 At sumusunod sa kaniya ay si Jozabad, at kasama niya ay isang daan at walong pung libo na handa sa pakikipagdigma.

19 Ang mga ito ang nangaglingkod sa hari bukod doon sa inilagay ng hari sa mga bayang nakukutaan sa buong Juda.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain