Beginning
1 May isang lalake sa lupain ng Uz, na ang pangalan ay Job; at ang lalaking yaon ay sakdal at matuwid, at natatakot sa Dios, at humihiwalay sa kasamaan.
2 At may ipinanganak sa kaniya na pitong anak na lalake at tatlong anak na babae.
3 Ang kaniyang pag-aari naman ay pitong libong tupa, at tatlong libong kamelyo, at limang daang magkatuwang na baka, at limang daang asnong babae, at isang totoong malaking sangbahayan; na anopa't ang lalaking ito ay siyang pinaka dakila sa lahat na mga anak ng silanganan.
4 At ang kaniyang mga anak ay nagsiyaon at nagsipagdaos ng kapistahan sa bahay ng bawa't isa sa kanikaniyang kaarawan; at sila'y nangagsugo, at ipinatawag ang kanilang tatlong kapatid na babae upang magsikain at magsiinom na kasalo nila.
5 At nangyari, nang makaraan ang mga kaarawan ng kanilang pagpipista, na si Job ay nagsugo, at pinapagbanal sila, at bumangong maaga sa kinaumagahan, at naghandog ng mga handog na susunugin ayon sa bilang nilang lahat: sapagka't sinabi ni Job, Marahil ang aking mga anak ay nangagkasala, at itinakuwil ang Dios sa kanilang mga puso. Ganito ang ginawa ni Job na palagi.
6 Isang araw nga nang ang mga anak ng Dios ay magsiparoon na magsiharap sa Panginoon, na si Satanas ay naparoon din naman na kasama nila.
7 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Saan ka nanggaling? Nang magkagayo'y sumagot si Satanas sa Panginoon, at nagsabi, Sa pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.
8 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Iyo bang pinansin ang aking lingkod na si Job? sapagka't walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalake, na natatakot sa Dios at humihiwalay sa kasamaan.
9 Nang magkagayo'y sumagot si Satanas sa Panginoon, at nagsabi, Natatakot ba ng walang kabuluhan si Job sa Dios?
10 Hindi mo ba kinulong siya, at ang kaniyang sangbahayan, at ang lahat niyang tinatangkilik, sa bawa't dako? iyong pinagpala ang gawa ng kaniyang mga kamay, at ang kaniyang pag-aari ay dumami sa lupain.
11 Nguni't pagbuhatan mo siya ng iyong kamay ngayon, at galawin mo ang lahat niyang tinatangkilik, at itatakuwil ka niya ng mukhaan,
12 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Narito, lahat niyang tinatangkilik ay nangasa iyong kapangyarihan; siya lamang ang huwag mong pagbuhatan ng iyong kamay. Sa gayo'y lumabas si Satanas na mula sa harapan ng Panginoon.
13 At nangyari isang araw, nang ang kaniyang mga anak na lalake at babae ay nagsisikain at nagsisiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay.
14 Na dumating ang isang sugo kay Job, at nagsabi, Ang mga baka ay nagsisipagararo, at ang mga asno ay nagsisisabsab sa siping nila:
15 At dinaluhong ng mga Sabeo, at pinagdadala; oo, kanilang pinatay ng talim ng tabak ang mga bataan; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo.
16 Samantalang siya'y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang apoy ng Dios ay nalaglag mula sa langit, at sinunog ang mga tupa, at ang mga bataan, at pinagsupok; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo.
17 Samantalang siya'y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang mga Caldeo ay nagtatlong pulutong, at dumaluhong sa mga kamelyo, at pinagdadala, oo, at pinatay ng talim ng tabak ang mga bataan; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo.
18 Samantalang siya'y nagsasalita pa, ay dumating naman ang iba, at nagsabi, Ang iyong mga anak na lalake at babae ay nagsisikain at nagsisiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay:
19 At, narito, dumating ang malakas na hangin na mula sa ilang, at hinampas ang apat na sulok ng bahay, at lumagpak sa mga binata, at sila'y nangamatay; at ako lamang ang nakatanang magisa upang magsaysay sa iyo.
20 Nang magkagayo'y bumangon si Job, at hinapak ang kaniyang balabal, at inahitan ang kaniyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba;
21 At sinabi niya, Hubad akong lumabas sa bahay-bata ng aking ina, at hubad na babalik ako roon: ang Panginoon ang nagbigay, at ang Panginoon ang nagalis; purihin ang pangalan ng Panginoon.
22 Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job, ni inari mang mangmang ang Dios.
2 Nangyari uli na sa araw nang pagparoon ng mga anak ng Dios upang magsiharap sa Panginoon, na nakiparoon din si Satanas, upang humarap sa Panginoon.
2 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Saan ka nanggaling? At si Satanas ay sumagot sa Panginoon, at nagsabi, Sa pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.
3 At sinabi ng Panginoon kay Satanas, Iyo bang pinansin ang aking lingkod na si Job? sapagka't walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalake, na natatakot sa Dios, at humihiwalay sa kasamaan: at siya'y namamalagi sa kaniyang pagtatapat, bagaman ako'y kinilos mo laban sa kaniya, upang ilugmok siya ng walang kadahilanan.
4 At si Satanas ay sumagot sa Panginoon, at nagsabi, Balat kung balat, oo, lahat na tinatangkilik ng tao ay ibibigay dahil sa kaniyang buhay.
5 Nguni't pagbuhatan mo ngayon ng iyong kamay, at galawin mo ang kaniyang buto at ang kaniyang laman, at kaniyang itatakuwil ka ng mukhaan.
6 At ang Panginoon ay nagsabi kay Satanas, Narito, siya'y nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kaniyang buhay.
7 Sa gayo'y umalis si Satanas mula sa harapan ng Panginoon, at pinasibulan si Job ng mga masamang bukol na mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa kaniyang puyo.
8 At kumuha siya ng isang bibinga ng palyok upang ipangkayod ng langib; at siya'y naupo sa mga abo.
9 Nang magkagayo'y sinabi ng kaniyang asawa sa kaniya, Namamalagi ka pa ba sa iyong pagtatapat? itakuwil mo ang Dios, at mamatay ka.
10 Nguni't sinabi niya sa kaniya, Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng hangal na babae. Ano? tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Dios, at hindi tayo tatanggap ng masama? Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job ng kaniyang mga labi.
11 Nang mabalitaan nga ng tatlong kaibigan ni Job ang lahat na kasamaang ito na sumapit sa kaniya sila'y naparoon bawa't isa na mula sa kanikaniyang sariling pook, si Eliphaz na Temanita, at si Bildad na Suhita, at si Sophar na Naamathita: at sila'y nangagkaiisang loob na magsiparoon upang makidamay sa kaniya at aliwin siya.
12 At nang kanilang itanaw ang kanilang mga mata mula sa malayo, at hindi siya makilala, kanilang inilakas ang kanilang tinig, at nagsiiyak at hinapak ng bawa't isa sa kanila ang kanikaniyang balabal, at nagbuhos ng alabok sa kanilang mga ulo sa dakong langit.
13 Sa gayo'y nangakiumpok sila sa kaniya sa ibabaw ng lupa na pitong araw at pitong gabi, at walang nagsalita sa kaniya: sapagka't kanilang nakita na ang kaniyang paghihirap ay totoong malaki.
3 Pagkatapos nito'y ibinuka ni Job ang kaniyang bibig at sinumpa ang kaniyang kaarawan.
2 At si Job ay sumagot, at nagsabi,
3 Maparam nawa ang kaarawan ng kapanganakan sa akin, at ang gabi na nagsabi, may lalaking ipinaglihi.
4 Magdilim nawa ang kaarawang yaon; huwag nawang pansinin ng Dios mula sa itaas, ni silangan man ng liwanag.
5 Ang dilim at ang salimuot na kadiliman ang siyang mangagari niyaon; pag-ulapan nawa yaon; Pangilabutin nawa yaon ng lahat na nagpapadilim sa araw.
6 Suma gabing yaon nawa ang pagsasalimuot ng kadiliman: huwag nawang kagalakan sa mga araw ng sangtaon; huwag nawang mapasok sa bilang ng mga buwan.
7 Narito, mapagisa ang gabing yaon; huwag nawang datnan yaon ng masayang tinig.
8 Sumpain nawa yaong nanganunumpa sa araw, ng nangamimihasang gumalaw sa buwaya.
9 Mangagdilim nawa ang mga bituin ng pagtatakip-silim niyaon: maghintay nawa ng liwanag, nguni't huwag magkaroon: ni huwag mamalas ang mga bukang liwayway ng umaga:
10 Sapagka't hindi tinakpan ang mga pinto ng bahay-bata ng aking ina, o ikinubli man ang kabagabagan sa aking mga mata.
11 Bakit hindi pa ako namatay mula sa bahay-bata? Bakit di pa napatid ang aking hininga nang ipanganak ako ng aking ina?
12 Bakit tinanggap ako ng mga tuhod? O bakit ng mga suso, na aking sususuhin?
13 Sapagka't ngayon ay nahihiga sana ako at natatahimik; ako sana'y nakakatulog; na napapahinga ako:
14 Na kasama ng mga hari at ng mga kasangguni sa lupa, na nagsisigawa ng mga dakong ilang sa ganang kanila;
15 O ng mga pangulo na nangagkaroon ng ginto, na pumuno sa kanilang bahay ng pilak:
16 O gaya sana ng nalagas na nakatago, na hindi nabuhay; gaya sana ng sanggol na kailan man ay hindi nakakita ng liwanag.
17 Doo'y naglilikat ang masama sa pagbagabag; at doo'y nagpapahinga ang pagod.
18 Doo'y ang mga bihag ay nangagpapahingang magkakasama; hindi nila naririnig ang tinig ng nagpapaatag.
19 Ang mababa at ang mataas ay nangaroon; at ang alipin ay laya sa kaniyang panginoon.
20 Bakit binibigyan ng liwanag ang nasa karalitaan, at ng buhay ang kaluluwang nasa kahirapan;
21 Na naghihintay ng kamatayan, nguni't hindi dumarating; at hinahangad ng higit kaysa mga kayamanang nakatago;
22 Na nagagalak ng di kawasa, at nangasasayahan, pagka nasumpungan ang libingan?
23 Bakit binibigyan ng liwanag ang tao na kinalilingiran ng lakad, at ang kinulong ng Dios?
24 Sapagka't nagbubuntong hininga ako bago ako kumain, at ang aking mga angal ay bumubugsong parang tubig.
25 Sapagka't ang bagay na aking kinatatakutan ay dumarating sa akin, at ang aking pinangingilabutan ay dumarating sa akin.
26 Hindi ako tiwasay, ni ako man ay tahimik, ni ako man ay napapahinga; kundi kabagabagan ang dumarating.
4 Nang magkagayo'y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi,
2 Kung tikman ng isa na makipagusap sa iyo, ikababalisa mo ba? Nguni't sinong makapipigil ng pagsasalita?
3 Narito, ikaw ay nagturo sa marami, at iyong pinalakas ang mahinang mga kamay.
4 Ang iyong mga salita ay nagsialalay sa nangabubuwal, at iyong pinalakas ang mahinang mga tuhod.
5 Nguni't ngayo'y dinaratnan ka ng kasamaan, at ikaw ay nanglulupaypay; ginagalaw ka, at ikaw ay nababagabag.
6 Hindi ba ang iyong takot sa Dios ay ang iyong tiwala, at ang iyong pagasa ay ang pagtatapat ng iyong mga lakad?
7 Iyong alalahanin, isinasamo ko sa iyo, kung sino ang namatay, na walang malay? O saan nangahiwalay ang mga matuwid?
8 Ayon sa aking pagkakita yaong nagsisipagararo ng kasamaan, at nangaghahasik ng kabagabagan ay gayon din ang inaani.
9 Sa hinga ng Dios sila'y nangamamatay, at sa bugso ng kaniyang galit sila'y nangalilipol.
10 Ang ungal ng leon, at ang tinig ng mabangis na leon, at ang mga ngipin ng mga batang leon, ay nangabali.
11 Ang matandang leon ay namamatay dahil sa kawalan ng huli, at ang mga batang leong babae ay nagsisipangalat.
12 Ngayo'y nadalang lihim sa akin ang isang bagay, at ang aking pakinig ay nakakaulinig ng bulong niyaon.
13 Sa mga pagiisip na mula sa mga pangitain sa gabi, pagka ang mahimbing na tulog ay nahuhulog sa mga tao,
14 Takot ay dumating sa akin, at panginginig, na nagpapanginig ng lahat ng aking mga buto.
15 Nang magkagayo'y dumaan ang isang espiritu sa aking mukha. Ang balahibo ng aking balat ay nanindig.
16 Tumayong nakatigil, nguni't hindi ko mawari ang anyo niyaon; isang anyo ang nasa harap ng aking mga mata: tahimik, at ako'y nakarinig ng tinig, na nagsasabi,
17 Magiging ganap pa ba ang taong may kamatayan kay sa Dios? Lilinis pa ba kaya ang tao kay sa Maylalang sa kaniya?
18 Narito, siya'y hindi naglalagak ng tiwala sa kaniyang mga lingkod; at inaari niyang mga mangmang ang kaniyang mga anghel:
19 Gaano pa kaya sila na nagsisitahan sa mga bahay na putik, na ang patibayan ay nasa alabok, na napipisang gaya ng paroparo!
20 Sa pagitan ng umaga at hapon, ay nangagigiba; nangapaparam magpakailan man na walang pumupuna.
21 Hindi ba nalalagot ang tali ng kanilang tolda sa loob nila? Sila'y nangamamatay at walang karunungan.
Public Domain