Beginning
Ang Paghahari ni Joash sa Juda(A)
12 Naging hari si Joash ng Juda nang ikapitong taon ng paghahari ni Jehu sa Israel. Sa Jerusalem siya nakatira, at naghari siya sa loob ng 40 taon. Ang ina niya ay si Zibia na taga-Beersheba. 2 Sa buong buhay niya, matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon dahil tinuruan siya ng paring si Jehoyada. 3 Pero hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar,[a] kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng mga insenso.
4 Sinabi ni Joash sa mga pari, “Kolektahin ninyo ang lahat ng pera na dinala sa templo ng Panginoon bilang handog: ang perang kinolekta sa buwis ng sensus, ang perang ibinayad para sa panata, at ang perang handog na kusang-loob na ibinigay. 5 Gamitin ninyo ang lahat ng ito sa pagpapaayos ng templo.”
6 Pero hanggang sa ika-23 taong paghahari ni Joash, hindi pa rin naipapaayos ng mga pari ang templo. 7 Kaya ipinatawag ni Haring Joash si Jehoyada at ang iba pang mga pari at tinanong, “Bakit hindi pa ninyo naipapaayos ang templo? Simula ngayon, huwag na ninyong gagastusin ang mga pera para sa sarili ninyong pangangailangan. Dapat gastusin ito sa pagpapaayos ng templo.” 8 Pumayag ang mga pari na hindi na sila ang mangongolekta ng pera sa mga tao at hindi na rin sila ang magpapaayos ng templo.
9 Kumuha si Jehoyada ng kahon at binutasan ang takip nito. Pagkatapos, inilagay niya ito sa tabi ng altar, sa gawing kanan papasok sa templo ng Panginoon. Kung mayroong magbibigay ng pera sa templo, ang mga paring nagbabantay sa pintuan ang maglalagay nito sa kahon. 10 Kapag puno na ang kahon, binibilang ng kalihim ng hari at ng punong pari ang pera at inilalagay nila ito sa mga lalagyan. 11-12 Pagkatapos, ibibigay nila ang pera sa mga tao na namamahala sa pagpapaayos ng templo. Ito ang ibinabayad nila sa mga nagtatrabaho sa templo ng Panginoon – ang mga karpintero, mga mason, at iba pang mga manggagawa. Ito rin ang ginagamit nilang pambili ng kahoy at mga hinating bato para sa pagpapaayos ng templo ng Panginoon. Binabayaran din nila ang iba pang mga gastusin sa pagpapaayos nito.
13 Hindi ginamit ang perang dinala sa templo sa paggawa ng mga pilak na planggana, mga panggupit ng mitsa ng mga ilaw, mga mangkok, mga trumpeta o kahit anong gamit na ginto o pilak para sa templo ng Panginoon. 14 Ibinayad ang pera sa mga manggagawa ng templo at sa mga materyales. 15 Hindi na sila hinihingan ng listahan kung paano ginastos ang pera, dahil tapat at mapagkakatiwalaan sila. 16 Ang perang ibinigay kasama ng mga handog na pambayad ng kasalanan at ng mga handog sa paglilinis ay hindi dinadala sa templo ng Panginoon, dahil para ito sa mga pari.
17 Nang panahong iyon, si Haring Hazael ng Aram ay lumusob sa Gat at nasakop ito. Pagkatapos, binalak din niyang lusubin ang Jerusalem. 18 Tinipon ni Haring Joash ang mga inihandog niya pati ang lahat ng bagay na inihandog para sa Panginoon ng mga ninuno niya na sina Jehoshafat, Jehoram at Ahazia na mga hari ng Juda. Ipinadala ni Joash ang lahat ng ito kay Hazael pati na ang lahat ng ginto na naroon sa bodega ng templo ng Panginoon at ang mga nasa palasyo. Kaya hindi na lumusob si Hazael sa Jerusalem.
19 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Joash at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. 20 Nang bandang huli, nagplano ang mga opisyal niya laban sa kanya at pinatay siya sa Bet Millo sa daang papunta sa Silla. 21 Ang kanyang mga opisyal na pumatay sa kanya ay sina Josacar[b] na anak ni Shimeat at Jehozabad na anak ni Shomer. Inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Amazia ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Jehoahaz sa Israel
13 Naging hari ng Israel ang anak ni Jehu na si Jehoahaz nang ika-23 taon ng paghahari ng anak ni Ahazia na si Joash sa Juda. Sa Samaria siya nakatira, at naghari siya roon sa loob ng 17 taon. 2 Masasama ang ginawa ni Jehoahaz sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito. 3 Kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa Israel. Hinayaan niyang masakop ito ni Haring Hazael ng Aram at ng anak nitong si Ben Hadad nang matagal na panahon.
4 Nanalangin si Jehoahaz sa Panginoon at pinakinggan siya ng Panginoon, sapagkat nakita ng Panginoon ang sobrang kalupitan ng hari ng Aram sa Israel. 5 Binigyan sila ng Panginoon ng tao na magliligtas sa kanila mula sa mga taga-Aram. Kaya muling namuhay ng may kapayapaan ang mga Israelita tulad ng dati. 6 Pero hindi sila tumigil sa paggawa ng mga kasalanang ginawa ng pamilya ni Jeroboam, na naging dahilan ng pagkakasala nila. Nanatiling nakatayo ang posteng simbolo ng diosang si Ashera sa Samaria.
7 Walang natira sa mga sundalo ni Jehoahaz maliban sa 50 mangangabayo, 10 karwahe at 10,000 sundalo, dahil ang iba ay pinatay ng hari ng Aram, na parang alikabok na tinatapak-tapakan.
8 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoahaz, at ang lahat ng kanyang ginawa at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 9 Nang mamatay si Jehoahaz, inilibing siya sa Samaria, sa libingan ng kanyang mga angkan. At ang anak niyang si Jehoash ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Jehoash sa Israel
10 Naging hari ng Israel ang anak ni Jehoahaz na si Jehoash nang ika-37 taon ng paghahari ni Joash sa Juda. Sa Samaria siya nakatira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. 11 Masama ang mga ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.
12 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoash at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pakikipaglaban kay Haring Amazia ng Juda ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 13 Nang mamatay si Jehoash, inilibing siya sa libingan ng mga hari ng Israel sa Samaria. Ang anak niyang si Jeroboam II ang pumalit sa kanya bilang hari.
Namatay si Eliseo
14 Nang magkasakit si Eliseo at malapit nang mamatay, pumunta sa kanya si Haring Jehoash noong buhay pa ito at umiyak. Sinabi ni Jehoash, “Ama ko! Ama ko! Ang mga karwahe at mangangabayo ng Israel!”[c] 15 Sinabi ni Eliseo, “Kumuha ka ng pana at mga palaso.” Ginawa nga ito ni Jehoash. 16 Sinabi ni Eliseo, “Hawakan mo ang pana.” Habang hawak ito ni Jehoash, ipinatong ni Eliseo ang kamay niya kay Jehoash 17 at sinabi, “Buksan mo ang bintana sa bandang silangan.” Binuksan nga niya ito. Pagkatapos, sinabi ni Eliseo, “Pumana ka.” Pumana nga siya. Sinabi ni Eliseo, “Ang palasong iyon ay palatandaan na pagtatagumpayin ka ng Panginoon laban sa Aram. Tatalunin mo ang mga Arameo sa Apek hanggang sa malipol sila.”
18 Muling sinabi ni Eliseo kay Jehoash na kumuha siya ng mga palaso. Nang makakuha siya, sinabi ni Eliseo, “Panain mo ang lupa.” Pinana nga niya ang lupa ng tatlong beses at huminto siya. 19 Nagalit ang lingkod ng Dios sa kanya at sinabi, “Pinana mo dapat ng lima o anim na beses para tuluyan mong mawasak ang lahat ng Arameo. Pero ngayon, tatlong beses mo lang sila matatalo.”
20 Kinalaunan, namatay si Eliseo at inilibing.
Tuwing tagsibol, may grupo ng mga tulisang Moabita na lumulusob sa Israel. 21 Minsan, may mga Israelita na naglilibing ng patay pero nang makita nila ang grupo ng mga Moabita na lumulusob, naihagis nila ang bangkay sa pinaglibingan kay Eliseo at sila ay tumakas. Nang sumagi ang bangkay sa mga buto ni Eliseo, nabuhay ang patay at tumayo.
22 Pinahirapan ni Haring Hazael ng Aram ang Israel sa buong panahon ng paghahari ni Jehoahaz. 23 Pero kinahabagan at inalala sila ng Panginoon dahil sa pangako niya kina Abraham, Isaac, at Jacob. Hanggang ngayon, hindi niya ito winawasak o itinatakwil.
24 Namatay si Haring Hazael ng Aram, at ang anak niyang si Ben Hadad ang pumalit sa kanya bilang hari. 25 Natalo ni Jehoash si Ben Hadad ng tatlong beses. Nabawi niya ang mga bayang kinuha ng ama ni Ben Hadad na si Hazael mula sa ama niyang si Jehoahaz nang maglaban ang mga ito.
Ang Paghahari ni Amazia sa Juda(B)
14 Naging hari ng Juda ang anak ni Joash na si Amazia nang ikalawang taon ng paghahari ng anak ni Jehoahaz na si Jehoash sa Israel. 2 Si Amazia ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Jehoadin na taga-Jerusalem. 3 Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, pero hindi kapantay ng ginawa ni David na ninuno niya. Sinunod niya ang ama niyang si Joash. 4 Hindi rin niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng insenso roon.
5 Nang matatag na ang paghahari ni Amazia, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari. 6 Pero hindi niya ipinapatay ang mga anak nila, dahil ayon sa nasusulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises, sinabi ng Panginoon, “Huwag papatayin ang mga magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, at ang mga anak ay hindi rin dapat patayin dahil sa kasalanan ng kanilang mga magulang. Ang taong nagkasala lamang ang dapat managot sa kanyang mga kasalanan.”
7 Si Amazia ang nakapatay ng 10,000 taga-Edom sa Lambak ng Asin. Nasakop niya ang Sela at pinalitan niya ang pangalan nito ng Jokteel, at hanggang sa kasalukuyan ito pa rin ang tawag sa lugar.
8 Isang araw, nagsugo si Amazia ng mga mensahero kay Haring Jehoash ng Israel, na anak ni Jehoahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya si Jehoash at sinabi, “Makipaglaban ka sa akin.” 9 Pero sinagot siya ni Haring Jehoash sa pamamagitan ng kwentong ito: “Doon sa Lebanon ay may halamang may tinik na nagpadala ng mensahe sa puno ng sedro: ‘Ipakasal mo ang anak mong babae sa anak kong lalaki.’ Pero may dumaang hayop mula sa gubat at tinapak-tapakan ang halamang may tinik. 10 Amazia, totoong natalo mo ang Edom at ipinagyayabang mo ito. Magdiwang ka at huwag ka na lang makipaglaban sa amin. Manatili ka na lang sa iyong lugar. Bakit gusto mo ng gulo na magdadala lang ng kapahamakan sa iyo at sa Juda?”
11 Pero hindi nakinig si Amazia, kaya nilusob siya ni Haring Jehoash at ng mga sundalo nito. Naglaban sila sa Bet Shemesh na sakop ng Juda. 12 Natalo ng Israel ang Juda, at ang bawat sundalo ng Juda ay tumakas pauwi sa kanilang bahay. 13 Nadakip ni Haring Jehoash si Haring Amazia roon sa Bet Shemesh, at dinala niya siya sa Jerusalem. Pagkatapos, giniba ni Jehoash ang mga pader ng Jerusalem mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Sulok na Pintuan, na mga 600 talampakan ang haba. 14 Kinuha niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitan na nakita niya sa templo ng Panginoon at kabang-yaman ng palasyo. Nagdala rin siya ng mga bihag pagbalik niya sa Samaria.
15 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoash, at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pakikipaglaban kay Haring Amazia ng Juda ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 16 Nang mamatay si Jehoash, inilibing siya sa libingan ng mga hari ng Israel sa Samaria. At ang anak niyang si Jeroboam II ang pumalit sa kanya bilang hari.
17 Nabuhay pa si Haring Amazia ng Juda ng 15 taon matapos mamatay si Haring Jehoash ng Israel. 18 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Amazia ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
19 May mga taga-Jerusalem na nagplanong patayin si Amazia. Kaya tumakas siya papunta sa bayan ng Lakish, pero nagpadala sila ng tao para sundan siya roon at patayin. 20 Ikinarga sa kabayo ang bangkay niya pabalik sa Jerusalem at inilibing sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. 21 Ipinalit ng mga taga-Juda si Azaria na anak ni Amazia bilang hari. Si Azaria[d] ay 16 na taong gulang nang maging hari. 22 Muli niyang itinayo ang Elat at naging bahagi ulit ito ng Juda nang mamatay ang ama niyang si Amazia.
Ang Paghahari ni Jeroboam II sa Israel
23 Nagsimulang maghari sa buong Israel ang anak ni Joash na si Jeroboam II nang ika-15 taon ng paghahari ni Amazia sa Juda. Sa Samaria siya nakatira, at naghari siya roon sa loob ng 41 taon. 24 Masama ang mga ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. 25 Nabawi niya ang mga teritoryo ng Israel sa pagitan ng Lebo Hamat hanggang sa Dagat na Patay[e] tulad ng ipinangako ng Panginoon, ang Dios ng Israel, sa pamamagitan ng anak ni Amitai na si Propeta Jonas na taga-Gat Hefer. 26 Niloob ng Panginoon na mangyari ito dahil nakita niya ang paghihirap ng mga Israelita, alipin man o hindi, at walang sinumang makakatulong sa kanila. 27 Dahil sinabi ng Panginoon na hindi niya aalisin ang Israel sa mundo, kaya iniligtas niya ang mga Israelita sa pamamagitan ni Jeroboam II na anak ni Joash.
28 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jeroboam II, at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pagbawi niya sa Damascus at Hamat na sakop noon ng Juda,[f] ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 29 Nang mamatay si Jeroboam II, inilibing siya sa libingan ng mga hari ng Israel, at ang anak niyang si Zacarias ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®