Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Hari 6-8

Lumutang sa Tubig ang Ulo ng Palakol

Isang araw, pumunta ang grupo ng mga propeta kay Eliseo at sinabi, “Nakikita po ninyo na maliit ang pinagtitipunan natin. Kaya pumunta po tayo sa Ilog ng Jordan kung saan maraming punongkahoy, at doon tayo gumawa ng lugar na pagtitipunan natin.” Sinabi ni Eliseo, “Sige, lumakad na kayo.” Pero sinabi ng isa sa kanila, “Kung maaari po, Guro, sumama na lang kayo sa amin.” Sumagot siya, “O sige, sasama ako.” Kaya sumama siya sa kanila.

Pumunta nga sila sa Ilog ng Jordan at pumutol ng mga punongkahoy. Habang ang isa sa kanila ay pumuputol ng punongkahoy, nahulog ang ulo ng palakol niya sa tubig, kaya sumigaw siya, “Guro, hiniram ko lang po iyon!” Tinanong ni Eliseo, “Saang banda nahulog?” Itinuro niya kung saang banda ito nahulog, pumutol si Eliseo ng sanga at inihagis ito sa tubig. At lumutang ang ulo ng palakol. Sinabi ni Eliseo, “Kunin mo na.” At kinuha nga niya ito.

Pinahinto ni Eliseo ang Paglusob ng mga Arameo

Nang nakikipaglaban ang hari ng Aram sa Israel, nagkaroon sila ng pagpupulong ng kanyang mga opisyal at sinabi niya, “Dito ko itatayo ang kampo ko.”

Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Mag-ingat kayo! Huwag kayong dumaan sa lugar na iyon dahil pupunta roon ang mga Arameo.” 10 Kaya nag-utos ang hari ng Israel na sabihan ang mga nakatira sa lugar na sinasabi ni Eliseo na maging handa sila. Palaging nagbibigay ng babala si Eliseo sa hari.[a]

11 Dahil dito, nagalit ang hari ng Aram. Ipinatawag niya ang mga opisyal niya at sinabi, “Sino sa inyo ang kumakampi sa hari ng Israel?” 12 Nagsalita ang isa sa opisyal niya, “Wala po talaga kahit isa man sa amin, Mahal na Hari. Ang propeta sa Israel na si Eliseo ang nagpapahayag sa hari ng Israel ng lahat ng sinasabi ninyo kahit pa ang sinasabi nʼyo sa loob ng inyong kwarto.” 13 Sinabi ng hari, “Lumakad ka at hanapin siya para makapagpadala ako ng mga tauhan upang hulihin siya.”

Nang sinabi sa hari na si Eliseo ay naroon sa Dotan, 14 nagpadala siya roon ng maraming sundalo na nakasakay sa mga kabayo at karwahe. Gabi na nang nakarating sila sa Dotan at pinaligiran nila ito.

15 Kinabukasan, gumising ng maaga ang katulong ni Eliseo, nakita niya ang mga sundalo na nakasakay sa mga kabayo at karwahe na nakapaligid sa lungsod. Sinabi niya kay Eliseo, “Ano po ang gagawin natin, amo?” 16 Sumagot si Eliseo, “Huwag kang matakot. Mas marami tayong kasama kaysa sa kanila.” 17 Nanalangin si Eliseo, “Panginoon, buksan po ninyo ang mga mata ng katulong ko para makakita siya.” Binuksan ng Panginoon ang mga mata ng katulong, at nakita niya na puno ng mga kabayo at karwaheng apoy ang kaburulan sa paligid ni Eliseo.

18 Habang papunta ang mga kaaway kay Eliseo, nanalangin siya, “Panginoon, bulagin[b] po ninyo ang mga taong ito.” Kaya binulag sila ng Panginoon ayon sa hiling ni Eliseo. 19 Sinabi ni Eliseo sa mga kaaway, “Hindi ito ang tamang daan at hindi ito ang lungsod ng Dotan. Sumunod kayo sa akin, dadalhin ko kayo sa taong hinahanap ninyo.” Kaya dinala sila ni Eliseo sa Samaria.

20 Pagpasok nila sa Samaria nanalangin si Eliseo, “Panginoon, buksan po ninyo ang mga mata nila para makakita sila.” Binuksan nga ng Panginoon ang mga mata ng mga sundalo ng Aram at nakita nila na nasa loob na sila ng Samaria. 21 Pagkakita ng hari ng Israel sa kanila, tinanong niya si Eliseo, “Papatayin ko po ba sila, ama?” 22 Sumagot si Eliseo, “Huwag mo silang patayin. Pinapatay ba natin ang mga bihag sa labanan? Bigyan mo sila ng makakain at maiinom at pabalikin mo sila sa kanilang hari.”[c] 23 Kaya naghanda ang hari ng isang malaking salo-salo para sa kanila at pagkatapos, pinauwi sila sa kanilang hari. At mula noon, hindi na muling lumusob ang mga Arameo sa lupain ng Israel.

Pinaligiran ang Samaria

24 Kinalaunan, tinipon ni Haring Ben Hadad ng Aram ang kanyang buong hukbo, at nilusob ang Samaria. 25 Dahil dito, nagkaroon ng malaking taggutom sa lungsod, hanggang sa nagsitaasan ang mga bilihin. Ang halaga ng ulo ng asno ay 80 pirasong pilak at ang isang gatang na dumi ng kalapati[d] ay limang pirasong pilak.

26 Isang araw, habang dumaraan ang hari ng Israel sa itaas ng pader,[e] may isang babae na sumigaw sa kanya, “Tulungan po ninyo ako, Mahal na Hari!” 27 Sumagot ang hari, “Kung hindi ka tinutulungan ng Panginoon, paano kita matutulungan? Wala akong trigo o katas ng ubas na maibibigay sa iyo.” 28 Pagkatapos nagtanong ang hari, “Ano ba ang problema mo?” Sumagot ang babae, “Sinabi po sa akin ng babaeng ito, ‘Kainin natin ang anak mong lalaki at bukas ang anak ko namang lalaki.’ 29 Kaya niluto po namin ang aking anak at kinain. Nang sumunod na araw sinabi ko sa kanya na ibigay na niya ang kanyang anak para makain namin. Pero itinago niya ito.”

30 Nang marinig ng hari ang sinabi ng babae, pinunit niya ang damit niya sa sobrang kalungkutan. Habang naglalakad siya sa gilid ng pader, nakita siya ng mga tao na nakasuot ng sako na nakasuson sa kanyang damit dahil sa pagluluksa niya. 31 Sinabi niya, “Parusahan sana ako nang matindi ng Panginoon kung hindi ko mapaputol ang ulo ni Eliseo na anak ni Shafat sa araw na ito!”

32 Nakaupo si Eliseo sa bahay niya na nakikipag-usap sa mga tagapamahala ng Israel nang magsugo ang hari ng mensahero para mauna sa kanya doon kay Eliseo. Pero bago dumating ang mensahero ng hari, sinabi ni Eliseo sa mga tagapamahala, “Tingnan ninyo, isang mamamatay-tao ang nagpadala ng tao para pugutan ako. Kapag dumating na ang taong iyon, isara ninyo ang pinto at huwag siyang papapasukin. Ang hari mismo na kanyang amo ay kasunod niya.” 33 Habang nagsasalita si Eliseo, dumating ang mensahero ng hari at sinabi, “Ang Panginoon ang nagpadala ng paghihirap sa atin. Bakit hihintayin ko pa na tumulong siya?”

Sinabi ni Eliseo, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon: Bukas, sa ganito ring oras, magiging mura ang bilihin sa pamilihan[f] ng Samaria. Isang pirasong pilak na lang ang halaga ng isang takal na harina at ganoon din ang halaga ng dalawang takal ng sebada.” Sinabi ng opisyal na katiwala ng hari, “Kahit na magpaulan pa ang Panginoon hindi magiging ganoon kadami ang ani.” Sumagot si Eliseo, “Makikita mo na mangyayari iyon, pero hindi ka makakakain ng kahit ano.”

Huminto ang mga Arameo sa Paglusob

May apat na tao na may malubhang sakit sa balat[g] na nakaupo sa pintuan ng lungsod. Sinabi nila sa isaʼt isa, “Bakit kailangan nating umupo rito hanggang sa mamatay? Kung papasok tayo sa lungsod, mamamatay tayo sa gutom at kung mauupo lang tayo rito, mamamatay din tayo. Kaya pumunta na lang tayo sa kampo ng mga Arameo at sumuko. Nasa kanila na kung bubuhayin nila tayo o papatayin.”

Kaya kinagabihan, pumunta sila sa kampo ng mga Arameo. Pero pagdating nila roon, walang tao. Ipinarinig ng Panginoon sa mga sundalo ng Aram ang ingay ng mga karwahe, kabayo at mga sundalo, kaya nasabi nila sa isaʼt isa, “Baka inupahan ng hari ng Israel ang hari ng Heteo at ang hari ng Egipto para lusubin tayo.” Kaya tumakas sila nang gabing iyon at iniwanan nila ang mga tolda, kabayo at mga asno nila. Iniwan din nila ang kampo nila at iniligtas ang mga sarili nila.

Nang dumating sa kampo ang mga taong may malubhang sakit sa balat, isa-isa nilang pinasok ang mga tolda, kumain sila at uminom. Kinuha nila ang mga pilak, ginto at damit, at itinago ang mga ito. Sa bandang huli, sinabi nila sa isaʼt isa, “Hindi ito tama. Magandang balita ang nangyari sa araw na ito, kaya hindi natin dapat ilihim. Kung ipagpapabukas pa natin ang pagsasabi nito, tiyak na parurusahan tayo. Pumunta tayo ngayon sa palasyo ng hari at ibalita ang nangyari.”

10 Kaya bumalik sila sa lungsod ng Samaria at tinawag ang mga guwardya ng pintuan ng lungsod at sinabi, “Pumunta kami sa kampo ng mga Arameo at walang tao roon, maliban sa mga nakataling kabayo at asno. At naroon pa ang mga kagamitan sa tolda.”

11 Kaya isinigaw ng mga tagapagbantay ang balitang ito sa mga tao hanggang sa nakarating ito sa palasyo. 12 Bumangon ang hari nang madaling-araw at sinabi sa mga opisyal niya, “Sasabihin ko sa inyo kung ano ang plano ng mga Arameo. Alam nilang nagugutom tayo, kaya iniwan nila ang kampo nila at nagtago sa bukid. Iniisip nila: ‘Kapag umalis ang mga Israelita sa lungsod, huhulihin natin sila ng buhay, pagkatapos papasukin natin ang lungsod nila.’ 13 Sumagot ang isa sa mga opisyal niya, ‘Mas mabuti po na magpadala tayo ng mga tao para alamin ang nangyari. Hayaan nating gamitin nila ang limang natirang kabayo. Kung may mangyayari po sa kanila, hindi ito malaking kawalan kaysa manatili sila rito at mamatay rin na kasama natin.’ ”

14 Kaya naghanda sila ng dalawang karwahe na may mga kabayo at nagpadala ang hari ng mga tao para alamin kung ano talaga ang nangyari sa mga sundalo ng Aram. 15 Nakaabot sila hanggang sa Ilog ng Jordan, at nakita nila sa daan ang mga damit at mga kagamitan na itinapon ng mga Arameo sa pagmamadaling makatakas. Bumalik ang mga inutusan at ibinalita ito sa hari. 16 Pagkatapos, lumabas ang mga tao sa bayan at kinuha nila ang mga mahahalagang bagay na naiwan sa kampo ng mga Arameo. Nangyari ang sinabi ng Panginoon na magiging isang pirasong pilak lang ang halaga ng isang takal ng harina at ganoon din ang halaga ng dalawang takal na sebada.

17 Pinili ng hari ang pinagkakatiwalaan niyang opisyal para magbantay sa pintuan ng lungsod. Nang magtakbuhan ang mga tao, natumba ang opisyal at natapak-tapakan siya ng mga tao roon sa pintuan, at namatay siya ayon sa sinabi ni Eliseo na lingkod ng Dios nang pumunta ang hari sa kanya. 18 Nangyari rin ang sinabi ng lingkod ng Dios sa hari, “Bukas, sa ganito ring oras, magiging mura ang bilihin sa pamilihan ng Samaria. Isang pirasong pilak na lang ang halaga ng isang takal ng harina at ganoon din ang halaga ng dalawang takal ng sebada.” 19 Sumagot noon ang opisyal ng hari, “Kahit na magpaulan pa ang Panginoon hindi magiging ganoon kadami ang ani.” Sumagot si Eliseo, “Makikita mo na mangyayari iyon, pero hindi ka makakakain nito.” 20 Iyon nga ang nangyari sa opisyal, dahil natapak-tapakan siya ng mga tao na nagsiksikan sa pintuan ng lungsod hanggang sa mamatay siya.

Bumalik ang Babae na Taga-Shunem

Kinausap ni Eliseo ang ina ng batang lalaki na kanyang binuhay, “Dalhin mo ang iyong pamilya at manirahan kayo sa ibang lugar dahil nagpadala ang Panginoon ng taggutom sa Israel na tatagal ng pitong taon.” Kaya sinunod ng babae ang sinabi sa kanya ng lingkod ng Dios. Umalis siya at ang pamilya niya, at nanirahan sa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong taon.

Pagkatapos ng pitong taon, bumalik siya sa Israel at pumunta sa hari para magmakaawa na ibalik sa kanya ang bahay at lupa niya. Habang pumapasok siya, nakikipag-usap ang hari kay Gehazi na katulong ni Eliseo. Sinabi ng hari, “Sabihin mo sa akin ang lahat ng kamangha-manghang bagay na ginawa ni Eliseo.” Habang ikinukwento ni Gehazi sa hari kung paano binuhay ni Eliseo ang isang batang namatay, lumapit sa hari ang ina ng bata at nagmakaawa na maibalik ang bahay at lupa niya. Sinabi ni Gehazi, “Mahal na Hari, ito po ang babae at ang anak niyang binuhay ni Eliseo.” Tinanong ng hari ang babae kung totoo ba ang tungkol doon at sinabi ng babae na totoo iyon. Kaya nagpatawag ang hari ng isang opisyal para tulungan ang babae. Sinabi niya sa opisyal, “Tulungan mo siyang maibalik ang lahat ng nawala sa kanya, kasama ang lahat ng perang dapat kinita niya na galing sa bukid niya mula nang siyaʼy umalis hanggang ngayon.”

Pinatay ni Hazael si Ben Hadad

Pumunta si Eliseo sa Damascus, kung saan naroon ang may sakit na si Ben Hadad na hari ng Aram.[h] Nang mabalitaan ng hari na dumating ang lingkod ng Dios, sinabi niya kay Hazael, “Magdala ka ng regalo at salubungin mo ang lingkod ng Dios. Sabihin mo sa kanya na tanungin ang Panginoon kung gagaling pa ako sa aking sakit.”

Kaya pumunta si Hazael kay Eliseo na may dalang 40 kamelyo na kinargahan ng pinakamagandang produkto ng Damascus bilang regalo. Pagdating niya kay Eliseo, sinabi niya, “Inutusan po ako ng lingkod[i] ninyong si Haring Ben Hadad ng Aram, para tanungin kayo kung gagaling pa siya sa sakit niya.” 10 Sumagot si Eliseo, “Sabihin mo sa kanya na siguradong gagaling siya, pero sinabi sa akin ng Panginoon na tiyak na mamamatay siya.” 11 Tinitigan niyang mabuti si Hazael hanggang sa nahiya ito. Pagkatapos, umiyak si Eliseo. 12 Tinanong siya ni Hazael, “Ginoo, bakit po kayo umiiyak?” Sumagot siya, “Dahil nalalaman ko ang masamang gagawin mo sa mga Israelita. Susunugin mo ang matatatag na lungsod, papatayin mo ang mga binata nila sa pamamagitan ng espada, ihahampas mo ang maliliit nilang anak at hahatiin mo ang tiyan ng mga buntis.” 13 Sumagot si Hazael, “Paano magagawa ng isang aliping katulad ko ang mga bagay na yan. Gayong akoʼy isang hamak na tagasunod lang?[j]” Sumagot si Eliseo, “Ipinakita sa akin ng Panginoon na magiging hari ka ng Aram.”

14 Umalis si Hazael at bumalik sa amo niya na si Haring Ben Hadad. Tinanong siya ni Ben Hadad, “Ano ang sinabi ni Eliseo sa iyo?” Sumagot si Hazael, “Sinabi niya po sa akin na tiyak na gagaling kayo.” 15 Pero nang sumunod na araw, kumuha si Hazael ng makapal na tela, isinawsaw ito sa tubig at itinakip sa mukha ng hari hanggang sa mamatay ito. Kaya si Hazael ang pumalit bilang hari ng Aram.

Ang Paghahari ni Jehoram sa Juda(A)

16 Naging hari ng Juda ang anak ni Jehoshafat na si Jehoram nang ikalimang taon ng paghahari ni Joram sa Israel. Si Joram ay anak ni Ahab. 17 Si Jehoram ay 32 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng walong taon. 18 Sumunod siya sa pamumuhay ng mga hari ng Israel, tulad ng ginawa ng pamilya ni Ahab, dahil naging asawa niya ang anak nito. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. 19 Pero dahil kay David, hindi winasak ng Panginoon ang Juda dahil nangako ang Panginoon na hindi mawawalan si David ng angkan na maghahari magpakailanman.[k]

20 Nang panahon ng paghahari ni Jehoram, nagrebelde ang Edom sa Juda at pumili sila ng sarili nilang hari. 21 Kaya pumunta si Jehoram sa Zair dala ang lahat ng kanyang karwahe. Pinalibutan sila ng mga Edomita. Ngunit kinagabihan, sinalakay nila ang mga Edomita, nakalusot sila at nakatakas. Pagkatapos, nagsiuwi ang mga sundalo niya sa tolda nila. 22 Hanggang ngayon, nagrerebelde pa rin ang Edom sa Juda. Sa panahon ding iyon, nagrebelde rin ang Libna.

23 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoram, at ang lahat na ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 24 Nang mamatay si Jehoram, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Ahazia ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Ahazia sa Juda(B)

25 Naging hari ng Juda ang anak ni Jehoram na si Ahazia nang ika-12 taon ng paghahari ni Joram sa Israel. Si Joram ay anak ni Ahab. 26 Si Ahazia ay 22 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng isang taon. Ang ina niya ay si Atalia na apo ni Haring Omri ng Israel. 27 Sumunod siya sa pamumuhay ng pamilya ni Ahab. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon gaya ng ginawa ng pamilya ni Ahab dahil ginawa niyang asawa ang isa sa kapamilya nito. 28-29 Sumama si Ahazia sa anak ni Ahab na si Joram sa pakikipaglaban kay Haring Hazael ng Aram. Nakipaglaban sila sa Ramot Gilead at nasugatan si Joram. Umuwi si Haring Joram sa lungsod ng Jezreel para magpagaling ng sugat niya. Habang naroon siya, dinalaw siya ni Haring Ahazia ng Juda.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®