Beginning
Ang Pakikidigma Laban sa mga Midianita
31 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Ipaghiganti mo muna ang sambayanang Israel sa mga Midianita. Pagkatapos, pamamahingahin na kita sa piling ng iyong mga yumaong ninuno.”
3 Kaya sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Humanda kayo sa pakikipagdigma laban sa mga Midianita upang maigawad ang parusa ni Yahweh sa kanila. 4 Bawat lipi ng Israel ay magpadala ng sanlibong kawal.”
5 Nagpadala nga ng tig-iisanlibong kawal ang bawat lipi kaya't nakatipon sila ng 12,000 kalalakihang handang makipagdigma. 6 Pinapunta sila ni Moises sa labanan sa pamumuno ni Finehas na anak ng paring si Eleazar. Dala niya ang mga kagamitan sa santuwaryo at ang mga trumpeta para magbigay-hudyat. 7 Tulad ng utos ni Yahweh kay Moises, nilusob nila ang mga Midianita at pinatay ang lahat ng lalaki 8 kasama ang limang hari ng Midian na sina Evi, Requem, Zur, Hur at Reba, pati si Balaam na anak ni Beor.
9 Binihag nila ang mga babae at ang mga bata, at sinamsam ang kanilang mga baka, mga kawan at lahat ng ari-arian. 10 Sinunog nila ang mga lunsod at lahat ng mga toldang tinitirhan roon, 11 subalit sinamsam nila ang lahat ng maaaring samsamin, maging tao o hayop man. 12 Lahat ng kanilang nasamsam ay iniuwi nila sa kanilang kampo na nasa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, at tapat ng Jerico. Dinala nila ang mga ito kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa sambayanang Israel.
Ang Pagkamatay ng mga Bihag na Babae at Paglilinis ng mga Samsam
13 Ang mga kawal ay sinalubong ni Moises, ng paring si Eleazar, at ng mga pinuno ng Israel sa labas ng kampo. 14 Nagalit si Moises sa mga punong kawal, mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa. 15 Sinabi niya, “Bakit hindi ninyo pinatay ang mga babae? 16 Nakalimutan(A) (B) na ba ninyo ang ginawa ng mga babaing ito? Sila ang humikayat sa mga Israelita na magtaksil kay Yahweh at sumamba kay Baal noong sila'y nasa Peor! Sila ang dahilan kaya nagkaroon ng salot sa sambayanan ni Yahweh. 17 Patayin ninyo ang mga batang lalaki at lahat ng babaing nasipingan na. 18 Itira ninyo ang mga dalaga, at iuwi ninyo. 19 Ngunit huwag muna kayong papasok ng kampo. Pitong araw muna kayo sa labas ng kampo. Lahat ng nakapatay at nakahawak ng patay, pati ang inyong mga bihag ay maglilinis sa ikatlo at ikapitong araw ayon sa Kautusan. 20 Linisin din ninyo ang inyong mga kasuotan, mga kagamitang yari sa balat, telang lana at kahoy.”
21 Sinabi ni Eleazar sa mga kawal na nanggaling sa labanan, “Ito ang mga patakarang ibinigay ni Yahweh kay Moises: 22-23 ang mga ginto, pilak, tanso, bakal, lata at lahat ng hindi masusunog ay pararaanin sa apoy para luminis. Pagkatapos, huhugasan ito ayon sa Kautusan. Lahat ng maaaring masunog ay lilinisin sa pamamagitan ng tubig ayon sa Kautusan. 24 Sa ikapitong araw, lalabhan ninyo ang inyong mga damit. Pagkatapos, magiging malinis na kayo ayon sa Kautusan at maaari nang pumasok sa kampo.”
Ang Paghahati sa mga Samsam
25 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 26 “Tawagin mo ang paring si Eleazar at ang matatandang pinuno ng bayan at bilangin ninyo ang mga nasamsam. 27 Pagkatapos, hatiin ninyo; ang isang bahagi ay para sa mga kawal, at ang isa'y para sa taong-bayan. 28 Kunin mo ang isa sa bawat limandaang hayop o taong makakaparte ng mga kawal. 29 Ibigay mo ito sa paring si Eleazar bilang handog kay Yahweh. 30 Sa kaparte naman ng bayan, kunin mo ang isa sa bawat limampung tao o hayop, at ibigay mo naman sa mga Levita na nangangalaga sa tabernakulo.” 31 Ginawa nga nina Moises at Eleazar ang ipinag-utos ni Yahweh.
32-35 Ang nasamsam ng mga kawal na Israelita mula sa Midian ay 675,000 tupa, 72,000 baka, 61,000 asno, at 32,000 dalagang birhen. 36-40 Ang kalahati nito'y nauwi sa mga kawal: 337,500 tupa ang napunta sa kanila at ang handog nila kay Yahweh ay 675; ang mga baka naman ay 36,000 at 72 nito ang inihandog nila kay Yahweh; ang mga asno naman ay 30,500 at 61 ang inihandog nila kay Yahweh; ang mga babaing nakaparte nila ay 16,000 at ang 32 nito ay inihandog nila kay Yahweh. 41 At tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises, lahat ng handog kay Yahweh ay ibinigay niya kay Eleazar.
42-46 Ang kalahati ng samsam na kaparte ng taong-bayan ay 337,500 tupa, 36,000 baka, 30,500 asno, at 16,000 babae. 47 Mula sa kaparteng ito ng bayan, kinuha ni Moises ang isa sa bawat limampung hayop o tao at ibinigay sa mga Levita na siyang nangangalaga sa tabernakulo; ito'y ayon sa utos ni Yahweh kay Moises.
48 Pagkatapos, lumapit kay Moises ang mga pinunong kasama sa labanan. 49 Sinabi nila, “Binilang po namin ang aming mga kasamahan at isa man po'y walang namatay. 50 Dala po namin ang mga gintong alahas na aming nasamsam tulad ng pulseras, singsing, hikaw at kuwintas, upang ihandog kay Yahweh bilang kabayaran sa aming buhay.” 51 Tinanggap nina Moises at Eleazar ang lahat ng alahas na yari sa ginto. 52 Nang bilangin nila ang mga ito ay umabot sa 16,750 pirasong ginto. 53 (Hindi ibinigay ng mga pangkaraniwang kawal ang kanilang nasamsam.) 54 Ang mga gintong alahas na tinanggap nina Moises at Eleazar mula sa mga pinuno ay dinala nila sa Toldang Tipanan upang magpaalala sa Israel kung ano ang ginawa ni Yahweh.
Ang mga Lipi sa Silangan ng Jordan(C)
32 Napakarami ng hayop ng mga lipi nina Ruben at Gad. Nang makita nila na mainam ang pastulan sa Jazer at sa Gilead, 2 pumunta sila kay Moises, kay Eleazar at sa mga pinuno ng Israel. Sinabi nila, 3 “Ang Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon, Eleale, Sebma, Nebo at Beon, 4 mga lupaing nilupig ni Yahweh para sa Israel ay mainam na pastulan ng mga hayop. Kaming mga lingkod ninyo ay may mga bakahan. 5 Kung inyong mamarapatin, ito na po lamang ang ibigay ninyo sa amin. Huwag na po ninyo kaming patawirin sa kabila ng Jordan.”
6 Ngunit ganito ang sagot ni Moises sa lipi ni Ruben at ni Gad, “Hahayaan ba ninyong makipaglaban ang inyong mga kapatid samantalang kayo'y nagpapasarap dito? 7 Gusto ba ninyong panghinaan ng loob ang mga Israelita sa pagpunta sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh? 8 Ganyan din ang ginawa ng inyong mga magulang nang sila'y suguin ko upang tiktikan ang Kades-barnea. 9 Nang makaahon sila sa may kapatagan ng Escol at makita ang lupain, sinira nila ang loob ng mga Israelita. 10 Dahil(D) doon, nagalit sa kanila si Yahweh. Kaya't isinumpa niya 11 na dahil sa hindi nila pagsunod sa kanya nang buong puso, isa man sa mga nanggaling sa Egipto na may gulang na dalawampung taon pataas ay hindi makakapasok sa lupain na kanyang ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob. 12 Wala ngang nakarating doon liban kay Caleb na anak ni Jefune na mula sa angkan ng Cenizeo at kay Josue na anak ni Nun, sapagkat sila lamang ang buong pusong sumunod kay Yahweh. 13 Nagalit nga sa kanila si Yahweh, kaya sila'y ginawa niyang mga lagalag sa ilang sa loob ng apatnapung taon, hanggang mamatay na lahat ang mga gumawa ng masama sa kanyang paningin. 14 At ngayon, kayo naman ang pumalit sa inyong mga makasalanang magulang. Gusto ba ninyong tularan ang ginawa nila at lalo pang magalit si Yahweh sa Israel? 15 Kapag tumalikod kayo sa kanya, pababayaan niya sa ilang ang Israel. At kayo ang magiging dahilan ng pagkalipol ng bayang ito.”
16 Lumapit sila kay Moises at sinabi: “Igagawa lang muna namin ng kulungan ang aming mga hayop, at ng tirahan ang aming mga pamilya. 17 Kailangang bago namin sila iwan ay matiyak naming ligtas sila sa mga tagarito. Pagkatapos, makikipaglaban kaming kasama ng mga Israelita hanggang makarating sila sa lupaing titirhan nila. 18 Hindi kami uuwi hanggang hindi nila nakakamtan ang lupaing dapat mapunta sa kanila. 19 At hindi na kami makikihati sa lupang masasakop nila sa kabila ng Jordan sapagkat nakakuha na kami ng parte rito sa silangan ng Jordan.”
20 Sumagot si Moises, “Kung talagang gagawin ninyo iyan, ngayon mismo sa harapan ni Yahweh ay humanda na kayo sa pakikipaglaban. 21 Ang lahat ninyong mandirigma ay tatawid sa Jordan at sa pamumuno ni Yahweh ay sasalakayin nila ang mga kaaway hanggang malipol silang lahat ni Yahweh 22 at masakop ang buong lupain. Kapag nagampanan na ninyo ang inyong tungkulin sa kanya at sa buong Israel, makakauwi na kayo. Pagkatapos, tunay ngang ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lupaing ito na nasa silangan ng Jordan. 23 Ngunit kung hindi ninyo gagawin ang inyong sinabi, magkakasala kayo laban kay Yahweh. At ito ang tandaan ninyo: tiyak na pagbabayaran ninyo ang inyong kasalanan. 24 Sige, igawa na ninyo ng tirahan ang inyong mga pamilya at ng kulungan ang inyong mga tupa. Subalit huwag na huwag ninyong kalilimutan ang inyong pangako.”
25 Sinabi ng mga anak nina Gad at Ruben kay Moises, “Gagawin po namin ang ipinag-uutos ninyo sa amin. 26 Ang aming mga anak, asawa at mga hayop ay iiwan namin dito sa Gilead. 27 At kaming mga lingkod ninyo, lahat kaming maaaring makipaglaban ay tatawid ng Jordan sa pamumuno ni Yahweh at makikipaglaban gaya ng inyong ipinag-uutos.”
28 Kaya't(E) ipinagbilin ni Moises kay Eleazar, kay Josue, at sa mga pinuno ng mga angkan at mga lipi ng Israel, 29 “Kapag ang mga anak nina Gad at Ruben na handang makipaglaban sa ilalim ng pamumuno ni Yahweh ay tumawid ng Jordan at tumulong sa inyo sa pagsakop sa lupaing titirhan ninyo, ibigay ninyo sa kanila ang lupain ng Gilead. 30 Ngunit kapag hindi sila tumawid ng Jordan at hindi nakipaglabang kasama ninyo, sa Canaan din sila maninirahang kasama ninyo.”
31 Sinabi ng mga anak nina Gad at Ruben, “Gagawin po namin ang ipinag-uutos ni Yahweh. 32 Sa pamumuno niya'y tatawid kami ng Jordan at makikipaglaban upang manatiling sa amin ang lupaing nasa silangan ng Jordan.”
33 At ibinigay nga ni Moises sa mga lipi ni Gad, Ruben at sa kalahati ng lipi ni Manases ang mga kaharian ni Haring Sihon ng mga Amoreo, at Haring Og ng Bashan. 34 Itinayong muli ng lipi ni Gad ang Dibon, Atarot, Aroer, 35 Atarot-sofan, Jazer, Jogbeha, 36 Beth-nimra at Beth-haran. Ang mga lunsod na ito'y pinaligiran nila ng pader at nilagyan ng mga kulungan ng kanilang mga hayop. 37 Itinayo naman ng lipi ni Ruben ang Hesbon, Eleale, Kiryataim, 38 Nebo,(F) Baal-meon (ang mga ito'y pinalitan nila ng pangalan) at Sibma. Binigyan nila ng bagong pangalan ang mga lunsod na muli nilang itinayo.
39 Ang Gilead ay sinakop naman ng mga anak ni Maquir, buhat sa lipi ni Manases; itinaboy nila ang mga Amoreo rito. 40 Ang lugar na iyo'y ibinigay ni Moises sa kanila at doon sila nanirahan. 41 Ang mga nayon sa paligid ng Ham ay sinakop ni Jair na anak din ni Manases; tinawag niya itong “Mga Nayon ni Jair.” 42 Ang Kenat at ang sakop nito ay sinakop naman ni Noba na anak din ni Manases. Tinawag niya itong Noba, ayon sa kanyang pangalan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.