Beginning
Mga Tuntunin tungkol sa Kabanalan at Katarungan
19 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin(A) mo sa buong sambayanan ng Israel, ‘Magpakabanal kayo, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal. 3 Igalang(B) ninyo ang inyong ama at ina. Ipangilin ninyo ang Araw ng Pamamahinga. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
4 “Huwag(C) kayong maglilingkod sa mga diyus-diyosan ni gagawa ng mga imahen upang sambahin. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.’
5 “Kung maghahandog kayo sa akin ng handog pangkapayapaan, gawin ninyo iyon ayon sa mga tuntuning ibinigay ko upang maging kalugud-lugod sa akin. 6 Dapat ninyong kainin iyon sa mismong araw na iyo'y inihandog o sa kinabukasan. Kung may matira ay sunugin ninyo. 7 Kung iyon ay kakainin sa ikatlong araw hindi magiging karapat-dapat ang inyong handog. 8 Magkakasala at dapat parusahan ang kakain niyon sapagkat iyon ay paglapastangan sa isang bagay na banal; dapat siyang itiwalag sa sambayanan.
9 “Kung(D) mag-aani kayo sa inyong bukirin, itira ninyo ang nasa gilid, at huwag na ninyong balikan ang inyong naanihan. 10 Huwag ninyong pipitasing lahat ang bunga ng ubasan ni pupulutin man ang mga nalaglag, bayaan na ninyo iyon para sa mahihirap at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
11 “Huwag(E) kayong magnanakaw, mandaraya, o magsisinungaling. 12 Huwag(F) kayong manunumpa sa aking pangalan kung ito ay walang katotohanan. Iyon ay paglapastangan sa pangalan ng inyong Diyos. Ako si Yahweh.
13 “Huwag(G) ninyong dadayain o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapabukas ang pagpapasweldo sa inyong mga manggagawa. 14 Huwag(H) ninyong mumurahin ang mga bingi at lalagyan ng katitisuran ang daraanan ng mga bulag. Matakot kayo sa Diyos. Ako si Yahweh.
15 “Huwag(I) kayong hahatol nang hindi makatarungan. Huwag ninyong kikilingan ang mahihirap o kaya'y katatakutan ang mayayaman. Humatol kayo batay sa katuwiran. 16 Huwag kayong magkakalat ng anumang nakakasira ng puri ng inyong kapwa, ni sasaksi laban sa inyong kapwa upang ipahamak lamang siya. Ako si Yahweh.
17 “Huwag(J) kayong magtatanim ng galit sa iyong kapwa. Sa halip, makipagkasundo ka sa kanya. Sa gayon, hindi ka magkakasala dahil sa kanya. 18 Huwag(K) kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kababayan. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Ako si Yahweh.
19 “Sundin(L) ninyo ang aking mga tuntunin. Huwag ninyong palalahian ang hayop na inyong alaga sa hayop na di nito kauri. Huwag din kayong maghahasik ng dalawang uri ng binhi sa isang bukid. Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa dalawang uri ng sinulid.
20 “Kung ang isang lalaki'y sumiping sa kanyang aliping babae na nakatakdang pakasal sa iba ngunit di pa natutubos o napapalaya, dapat itong siyasatin. Hindi sila dapat patayin, sapagkat di pa napapalaya ang aliping babae, 21 ngunit ang lalaki'y magdadala ng isang tupang lalaki bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan. Dadalhin niya ito sa pintuan ng Toldang Tipanan 22 at ihahandog ng pari. Sa gayon, siya'y patatawarin.
23 “Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, tatlong taon kayong hindi kakain ng bunga ng mga punong tanim ninyo roon. 24 Sa ikaapat na taon, ang mga bunga nito'y ihahandog ninyo sa akin bilang pasasalamat. 25 Sa ikalimang taon, makakain na ninyo ang mga bunga nito, at ang mga ito'y mamumunga nang sagana. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
26 “Huwag(M) kayong kakain ng anumang karneng may dugo. Huwag kayong manghuhula o mangkukulam. 27 Huwag(N) kayong pagugupit nang pabilog at huwag magpapaahit o magpapaputol ng balbas. 28 Huwag kayong maghihiwa sa katawan dahil sa isang namatay ni maglalagay ng tatú. Ako si Yahweh.
29 “Huwag(O) ninyong itutulak ang inyong mga anak na babae sa pagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo sapagkat iyon ang magiging dahilan ng paglaganap ng kahalayan sa buong lupain. 30 Igalang(P) ninyo ang Araw ng Pamamahinga at ang aking santuwaryo. Ako si Yahweh.
31 “Huwag(Q) kayong sasangguni sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay o sa mga manghuhula. Kayo'y ituturing na marumi kapag sumangguni kayo sa kanila. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
32 “Tatayo kayo kapag may kaharap na matanda. Igalang ninyo sila at matakot kayo sa Diyos. Ako si Yahweh.
33 “Huwag(R) ninyong aapihin ang mga dayuhang kasama ninyo. 34 Ibigin ninyo sila at ituring na kapatid. Alalahanin ninyong naging mga dayuhan din kayo sa Egipto. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.
35 “Huwag(S) kayong mandaraya sa pagsukat, pagtitimbang o pagbilang ng anuman. 36 Ang inyong timbangan, kiluhan, sukatan ng harina, at sukatan ng langis ay kailangang walang daya. Ako ang nag-alis sa inyo sa Egipto. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. 37 Sundin ninyo ang lahat kong tuntunin at kautusan. Ako si Yahweh.”
Mga Parusa sa Lalabag sa Tuntunin
20 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na ang sinuman sa Israel, katutubo o dayuhan, na mag-aalay ng kanyang anak bilang handog kay Molec ay babatuhin hanggang sa mamatay. 3 Kasusuklaman ko siya at ititiwalag sa sambayanan ng Israel. Dahil sa kanyang ginawa, dinungisan niya ang banal kong tahanan at nilapastangan ang aking banal na pangalan. 4 Kapag ipinagwalang-bahala ng mga taong-bayan ang ganoong kasamaan at hindi nila pinatay ang gumawa niyon, 5 kasusuklaman ko ang taong iyon at ang kanyang sambahayan. Ititiwalag ko rin sa sambayanan ang mga sumasamba kay Molec.
6 “Ang sinumang sumasangguni sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay na o sa mga manghuhula ay kasusuklaman ko at ititiwalag sa sambayanan. 7 Ilaan ninyo sa akin ang inyong sarili at magpakabanal kayo sapagkat akong si Yahweh ang inyong Diyos. 8 Ingatan ninyo at sundin ang aking mga tuntunin. Ako si Yahweh. Inilalaan ko kayo para sa akin.
9 “Ang(T) sinumang magmura sa kanyang ama at ina ay dapat patayin. Mananagot ang sinumang lumait sa kanyang ama at ina.
10 “Ang(U) lalaking mangangalunya sa asawa ng iba ay dapat patayin, gayundin ang babae. 11 Inilalagay(V) sa kahihiyan ng isang lalaki ang kanyang sariling ama kung siya'y nakikipagtalik sa ibang asawa nito; siya at ang babae'y dapat patayin. 12 Ang(W) lalaking nakikipagtalik sa kanyang manugang ay nagkasala, at pareho silang dapat patayin. 13 Ang(X) lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki ay gumagawa ng karumal-dumal na gawain at pareho silang dapat patayin. 14 Ang(Y) lalaking makipag-asawa sa isang babae at sa ina nito ay karumal-dumal; silang tatlo ay dapat sunugin upang mawala ang gayong kasamaan. 15 Ang(Z) lalaking nakipagtalik sa hayop ay dapat patayin, gayundin ang hayop. 16 Ang babaing nakipagtalik sa hayop ay dapat patayin, gayundin ang hayop.
17 “Ang(AA) lalaking nag-asawa sa kanyang kapatid, maging ito'y kapatid sa ama o ina, at sila'y nagsama ay gumawa ng isang kahihiyan. Dapat silang itiwalag sa sambayanan. Nilagay niya ang kanyang kapatid sa kahihiyan, kaya dapat siyang parusahan. 18 Kapag(AB) nakipagtalik ang isang lalaki sa babaing may regla, nilabag nila ang tuntunin tungkol sa karumihan. Kapwa sila ititiwalag sa sambayanan.
19 “Kapag(AC) nakipagtalik ang isang lalaki sa kapatid ng kanyang ama o ina, sila'y nagkasala at dapat parusahan. 20 Kapag ang isang lalaki'y nakipagtalik sa asawa ng kanyang tiyo, dinungisan niya ang dangal nito. Ang lalaking iyon at ang babae ay nagkasala at dapat parusahan; mamamatay silang walang anak. 21 Kapag(AD) kinasama ng isang lalaki ang kanyang hipag, dinungisan niya ang dangal ng kanyang kapatid. Mamamatay silang walang anak.
22 “Sundin ninyo ang lahat ng utos at tuntunin ko upang hindi kayo mapalayas sa lupaing pagdadalhan ko sa inyo. 23 Huwag ninyong tularan ang gawain ng bansang pupuntahan ninyo sapagkat iyon ang dahilan kaya ko sila itinakwil. 24 Ngunit kayo'y pinangakuan ko na ibibigay ko sa inyo ang kanilang lupain, isang lupain na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. Pinili ko kayo sa mga bansa. 25 Kaya, dapat ninyong makilala ang marumi at malinis na mga hayop at ibon. Huwag ninyong dudungisan ang inyong mga sarili sa pagkain ng mga hayop at ibong ipinagbabawal ko sa inyo. 26 Magpakabanal kayo sapagkat akong si Yahweh ay banal. Kayo'y pinili ko sa gitna ng mga bansa upang maging akin.
27 “Sinumang kumakausap sa mga espiritu ng mga patay na o mga manghuhula, maging lalaki o babae, ay babatuhin hanggang sa mamatay. Sila na rin ang may kagagawan sa sarili nilang kamatayan.”
Pag-iingat sa Kabanalan ng Pari
21 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga pari, sa mga anak ni Aaron, na ang sinuman sa kanila'y huwag lalapit sa patay, 2 liban na lang kung ang patay ay kanyang ama, ina, anak, kapatid na lalaki 3 o kapatid na dalaga na kasama niya sa bahay. 4 Dapat niyang pag-ingatan na siya'y huwag marumihan sa pamamagitan ng bangkay ng kanyang mga kamag-anak sa asawa upang hindi malapastangan ang kanyang pagiging pari.
5 “Huwag(AE) silang magpapakalbo, magpuputol ng balbas, o maghihiwa sa sarili upang ipakita lamang na sila'y nagluluksa. 6 Ingatan nilang malinis ang kanilang sarili sa harapan ng Diyos at huwag nilang lalapastanganin ang pangalan ng Diyos. Sila ang naghahain ng handog sa akin, kaya dapat silang maging banal. 7 Huwag silang mag-aasawa ng babaing nagbebenta ng aliw sa mga sagradong lugar, o kaya'y babaing hiniwalayan at pinalayas ng kanilang asawa, sapagkat nakalaan sa Diyos ang mga pari. 8 Ituring ninyong banal ang pari sapagkat siya ang naghahandog ng pagkain sa akin; dapat siyang maging banal sapagkat akong si Yahweh ay banal kaya't ginawa ko kayong banal. 9 Kung ang babaing anak ng pari ay mamuhay nang may kahalayan, nilapastangan niya ang kanyang ama, kaya dapat siyang sunugin.
10 “Kung ang nahirang na pinakapunong pari, na binuhusan ng langis sa ulo at itinalagang magsuot ng sagradong kasuotan, ay mamatayan ng kamag-anak, huwag niyang guguluhin ang kanyang buhok ni pupunitin ang kanyang damit bilang tanda ng pagluluksa. 11 Hindi siya maaaring lumapit sa patay kahit ito'y kanyang ama o ina. 12 Dapat siyang manatili sa santuwaryo ng kanyang Diyos. Kapag umalis siya roon upang tingnan ang bangkay, nilapastangan na niya ang santuwaryo ng Diyos dahil nakalaan na siya sa Diyos. Ako si Yahweh. 13 Isang birhen ang dapat mapangasawa ng pinakapunong pari. 14 Hindi siya dapat mag-aasawa ng balo, hiwalay sa asawa, dalagang nadungisan na ang puri o babaing nagbebenta ng aliw. Ang dapat niyang mapangasawa'y isang kalahi at wala pang nakakasiping, 15 upang huwag magkaroon ng kapintasan sa harapan ng bayan ang magiging mga anak niya. Ako si Yahweh; inilaan ko siya para sa akin.”
16 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 17 “Sabihin mo rin kay Aaron na ang sinuman sa lahi niya na may kapintasan o kapansanan ay hindi kailanman nararapat mag-alay ng handog sa akin. 18 Hindi maaaring lumapit sa altar ang sinumang bulag, pilay, may sira ang mukha, at may kapansanan sa katawan, 19 may bali sa paa o kamay, 20 may depekto sa mata, may sakit sa balat, kuba, unano, o isang kapon. 21 Sinumang may kapintasan sa lahi ni Aaron ay hindi maaaring maghandog kay Yahweh. Hindi nga siya maaaring maghain ng pagkaing handog dahil sa kanyang kapintasan. 22 Maaari siyang kumain ng anumang handog sa Diyos, maging ito'y ganap na sagradong handog o sagradong handog, 23 ngunit hindi siya maaaring lumapit sa altar dahil sa kanyang kapintasan. Kapag lumapit siya sa altar, iyon ay paglapastangan sa aking santuwaryo. Ako si Yahweh, ginawa kong banal ang mga iyon.”
24 Gayon nga ang sinabi ni Moises kay Aaron, sa mga anak nito at sa buong Israel.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.