Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Job 32-34

Ang Pagsasalita ni Elihu

32 Kaya't ang tatlong lalaking ito ay huminto na sa pagsagot kay Job, sapagkat siya'y matuwid sa kanyang sariling paningin.

Nang magkagayo'y nagalit si Elihu, na anak ni Barakel na Buzita, mula sa angkan ni Ram. Nagalit siya kay Job sapagkat binigyang-katuwiran niya ang sarili sa halip na ang Diyos.

Galit din siya sa tatlong kaibigan ni Job, sapagkat sila'y hindi nakatagpo ng sagot, bagaman ipinahayag nilang mali si Job.

Si Elihu nga ay naghintay upang magsalita kay Job, sapagkat sila'y matanda kaysa kanya.

At nagalit si Elihu nang makita niya na walang kasagutan sa bibig ng tatlong lalaking ito.

Si Elihu na anak ni Barakel na Buzita ay sumagot at nagsabi:

“Ako'y bata pa,
    at matatanda na kayo,
kaya't ako'y nahihiya at natakot
    na ipahayag sa inyo ang aking kuru-kuro.
Aking sinabi, ‘Hayaang magsalita ang mga araw,
    at ang maraming mga taon ay magturo ng karunungan.’
Ngunit ang espiritu na nasa tao,
    ang hininga ng Makapangyarihan sa lahat ang nagbibigay sa kanya ng unawa.
Hindi ang dakila ang siyang matalino,
    ni ang matanda man ang siyang nakakaunawa ng wasto.
10 Kaya't aking sinasabi, ‘Pakinggan ninyo ako;
    hayaan ninyong ipahayag ko rin ang aking kuru-kuro.’

11 “Narito, aking hinintay ang inyong mga salita,
    pinakinggan ko ang inyong matatalinong pananalita,
    samantalang kayo'y naghahagilap ng masasabi.
12 Ang aking pansin sa inyo'y aking ibinigay,
    at narito, kay Job ay walang nakapagpabulaan,
    o sa inyo'y may nakasagot sa kanyang mga tinuran.
13 Mag-ingat nga kayo, baka sabihin ninyo, ‘Kami ay nakatagpo ng karunungan;
    madadaig siya ng Diyos, hindi ng tao.’
14 Hindi niya itinukoy sa akin ang kanyang mga salita,
    at hindi ko siya sasagutin ng inyong mga pananalita.

15 “Sila'y nalito, sila'y hindi na sumagot pa;
    sila'y walang masabi pang salita.
16 At ako ba'y maghihintay, sapagkat sila'y hindi nagsasalita,
    sapagkat sila'y nakatigil doon, at hindi na sumasagot?
17 Ibibigay ko rin naman ang sagot ko,
    ipahahayag ko rin ang aking kuru-kuro.
18 Sapagkat sa mga salita ako'y punung-puno,
    ako'y pinipilit ng espiritung nasa loob ko.
19 Narito, ang aking puso ay parang alak na walang pasingawan,
    parang mga bagong sisidlang-balat na malapit nang sumambulat.
20 Ako'y dapat magsalita, upang ako'y maginhawahan;
    dapat kong buksan ang aking mga labi at magbigay kasagutan.
21 Sa kaninumang tao'y wala akong kakampihan,
    o gagamit ng papuring pakunwari sa kaninuman.
22 Sapagkat hindi ako marunong sumambit ng mga pakunwaring salita;
    kung hindi ay madali akong wawakasan ng sa akin ay Lumikha.

Pinagsabihan ni Elihu si Job

33 “Gayunman, Job, pagsasalita ko'y iyong dinggin,
    at makinig ka sa lahat ng aking mga sasabihin.
Narito, ang bibig ko'y aking ibinubuka,
    ang dila sa aking bibig ay nagsasalita.
Ipinahahayag ng aking mga salita ang katuwiran ng aking puso;
    at ang nalalaman ng aking mga labi, ang mga ito'y nagsasalitang may pagtatapat.
Ang espiritu ng Diyos ang sa aki'y maylalang,
    at ang hininga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa akin ng buhay.
Sagutin mo ako, kung iyong makakaya;
    ayusin mo ang iyong mga salita sa harapan ko; manindigan ka.
Tingnan mo, sa harapan ng Diyos ako'y kagaya mo,
    ako ma'y nilalang mula sa luwad na kapiraso.
Hindi mo kailangang katakutan ako,
    ang aking pamimilit ay hindi magiging mabigat sa iyo.

“Tunay na ikaw ay nagsalita sa aking pandinig,
    at ang tunog ng iyong mga salita ay aking narinig.
Iyong sinasabi, ‘Ako'y malinis at walang pagsuway;
    ako'y dalisay, at sa akin ay walang kasamaan.
10 Tingnan mo, naghahanap siya laban sa akin ng kadahilanan,
    ibinibilang niya ako na kanyang kaaway;
11 ang(A) aking mga paa'y kanyang tinatanikalaan,
    lahat ng aking mga landas ay kanyang binabantayan.’

12 “Ngunit sa bagay na ito'y hindi ka wasto. Sasagutin kita.
    Ang Diyos ay dakila kaysa tao.
13 Bakit ka nakikipagtalo laban sa kanya,
    na sinasabi, ‘Hindi niya sasagutin ang alinman sa aking mga salita’?
14 Sapagkat ang Diyos ay nagsasalita sa isang paraan,
    at sa dalawa, bagaman sa tao'y hindi ito nauunawaan.
15 Sa(B) isang panaginip, sa isang pangitain sa gabi,
    kapag ang mahimbing na pagkakaidlip ay dumating sa mga tao,
    habang sila'y natutulog sa kanilang mga higaan,
16 kung magkagayo'y ang mga tainga ng mga tao'y binubuksan niya,
    at sa mga babala'y tinatakot sila,
17 upang sa kanyang gawa siya'y maibaling,
    at ang kapalaluan sa tao ay putulin;
18 pinipigil niya ang kanyang kaluluwa mula sa hukay,
    at ang kanyang buhay sa pagkamatay sa tabak.
19 “Pinarurusahan din ng sakit sa kanyang higaan ang tao,
    at ng patuloy na paglalaban sa kanyang mga buto;
20 anupa't kinaiinisan ng kanyang buhay ang tinapay,
    at ng kanyang kaluluwa ang pagkaing malinamnam.
21 Ang kanyang laman ay natutunaw na anupa't hindi makita;
    at ang kanyang mga buto na hindi dating nakikita ay nakalitaw na.
22 Ang kanyang kaluluwa ay papalapit sa hukay,
    at ang kanyang buhay sa mga nagdadala ng kamatayan.
23 Kung mayroong isang anghel para sa kanya,
    isang tagapamagitan, sa isang libo ay isa,
    upang ipahayag sa tao kung ano ang matuwid sa kanya;
24 at siya'y mapagpala sa taong iyon, at nagsasabi,
    ‘Sa pagbaba sa hukay ay iligtas mo siya,
    pantubos ay natagpuan ko na;
25 hayaang maging sariwa sa kabataan ang kanyang laman;
    siya'y pabalikin sa mga araw ng kanyang lakas ng kabataan.
26 At ang tao'y nananalangin sa Diyos, at siya'y kanyang tinatanggap,
    siya'y lumalapit sa kanyang harapan na mayroong galak,
at gagantihin ng Diyos[a] dahil sa kanyang katuwiran,
27     siya'y umaawit sa harapan ng mga tao, at nagsasaysay,
‘Ako'y nagkasala, at binaluktot ang matuwid,
    at iyo'y hindi iginanti sa akin.
28 Kanyang tinubos ang kaluluwa ko mula sa pagbaba sa hukay,
    at makakakita ng liwanag ang aking buhay.’

29 “Narito, gawa ng Diyos ang lahat ng mga bagay na ito,
    makalawa, makaikatlo sa isang tao,
30 upang ibalik ang kanyang kaluluwa mula sa hukay,
    upang kanyang makita ang liwanag ng buhay.
31 Makinig kang mabuti, O Job, ako'y iyong dinggin;
    tumahimik ka, at ako'y may sasabihin.
32 Kung ikaw ay mayroong sasabihin, bigyan mo ako ng kasagutan,
    ikaw ay magsalita, sapagkat ibig kong ikaw ay bigyang-katuwiran.
33 Kung hindi, ako'y iyong pakinggan,
    tumahimik ka, at tuturuan kita ng karunungan.”

Ipinagtanggol ni Elihu ang Diyos

34 At sumagot si Elihu, at sinabi,

“Pakinggan ninyo ang aking mga salita, kayong mga matatalino;
    kayong mga nakakaalam, pakinggan ninyo ako;
sapagkat ang tainga ang sumusubok sa mga salita,
    gaya ng ngalangala na sa pagkain ay lumalasa.
Piliin natin kung ano ang matuwid;
    ating alamin sa ating mga sarili kung ano ang mabuti.
Sapagkat sinabi ni Job, ‘Ako'y walang kasalanan,
    at inalis ng Diyos ang aking karapatan;
itinuring akong sinungaling sa kabila ng aking katuwiran,
    at ang sugat ko'y walang lunas bagaman ako'y walang pagsuway.’
Sinong tao ang katulad ni Job,
    na ang panunuya ay tila tubig na iniinom,
na nakikisama sa mga gumagawa ng masama,
    at lumalakad na kasama ng taong masasama?
Sapagkat kanyang sinabi, ‘Ang tao'y walang mapapakinabang,
    kung ang Diyos ay kanyang kalugdan.’

10 “Kaya't dinggin ninyo ako, kayong mga lalaking may unawa,
    malayo nawa sa Diyos na siya'y gumawa ng masama,
    at sa Makapangyarihan sa lahat, na ang kamalian ay kanyang magawa.
11 Sapagkat(C) sisingilin niya ang tao ayon sa kanyang gawa,
    at kanyang igagawad sa bawat tao ang ayon sa mga lakad niya.
12 Sa katotohanan, ang Diyos ay hindi gagawa ng kasamaan,
    at hindi babaluktutin ng Makapangyarihan sa lahat ang katarungan.
13 Sinong nagbigay sa kanya ng pamamahala sa lupa?
    O sinong naglagay ng buong sanlibutan sa kanya?
14 Kung ibabalik niya ang kanyang diwa sa sarili niya,
    at titipunin sa kanyang sarili ang kanyang hininga;
15 lahat ng laman ay magkakasamang mamamatay,
    at babalik sa alabok ang sangkatauhan.

16 “Kung mayroon kang pang-unawa ay dinggin mo ito;
    ang aking sinasabi ay pakinggan mo.
17 Mamamahala ba ang namumuhi sa katarungan?
    Parurusahan mo ba ang ganap at makapangyarihan,
18 na nagsasabi sa isang hari: ‘Walang kuwentang tao,’
    at sa mga maharlika: ‘Masamang tao;’
19 na hindi nagpapakita ng pagtatangi sa mga pinuno,
    ni pinapahalagahan man nang higit kaysa mahirap ang mayaman,
    sapagkat silang lahat ay gawa ng kanyang mga kamay?
20 Sa isang sandali sila'y namamatay;
    sa hatinggabi ang taong-bayan ay inuuga at pumapanaw,
    at ang makapangyarihan ay inaalis, ngunit hindi ng kamay ng tao.

21 “Sapagkat ang kanyang mga mata ay nasa lakad ng tao,
    at nakikita niya ang lahat ng mga hakbang nito.
22 Walang dilim ni malalim na kadiliman,
    na mapagtataguan ng mga gumagawa ng kasamaan.
23 Sapagkat hindi pa siya nagtalaga para sa tao ng panahon,
    upang siya'y humarap sa Diyos sa paghuhukom.
24 Kanyang dinudurog ang malakas kahit walang pagsisiyasat,
    at naglalagay ng iba na kanilang kahalili.
25 Kaya't palibhasa'y alam niya ang kanilang mga gawa,
    kanyang dinadaig sila sa gabi, at sila'y napupuksa.
26 Kanyang hinahampas sila dahil sa kanilang kasamaan
    sa paningin ng mga tao,
27 sapagkat sila'y lumihis sa pagsunod sa kanya,
    at hindi pinahalagahan ang anuman sa mga lakad niya,
28 anupa't pinarating nila ang daing ng dukha sa kanya,
    at ang daing ng napipighati ay narinig niya—
29 sino ngang makakahatol kapag tahimik siya?
    Kapag ikinukubli niya ang kanyang mukha, sinong makakatingin sa kanya?
    Maging ito'y isang tao o isang bansa?—
30 upang huwag maghari ang taong walang diyos,
    upang ang bayan ay hindi niya malinlang.

31 “Sapagkat sa Diyos ay may nakapagsabi na ba,
    ‘Ako'y nagpasan na ng parusa; hindi na ako magkakasala pa;
32 ituro mo sa akin yaong hindi ko nakikita,
    kung ako'y nakagawa ng kasamaan, hindi ko na ito gagawin pa?’
33 Gagantihin ka ba niya nang nababagay sa iyo,
    sapagkat ito ay iyong tinanggihan?
Sapagkat ikaw ang marapat pumili at hindi ako;
    kaya't ipahayag mo kung ano ang iyong nalalaman.
34 Sasabihin sa akin ng mga taong may kaunawaan,
    at ang mga pantas na nakikinig sa akin ay magsasaysay:
35 ‘Si Job ay nagsasalita nang walang kaalaman,
    ang kanyang mga salita ay walang karunungan.’
36 Si Job nawa'y litisin hanggang sa katapusan,
    sapagkat siya'y sumasagot na gaya ng mga taong tampalasan.
37 Sapagkat dinaragdagan niya ng paghihimagsik ang kanyang kasalanan,
    ipinapalakpak niya ang kanyang mga kamay sa ating kalagitnaan,
    at ang mga salita niya laban sa Diyos ay kanyang lalong dinaragdagan.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001