Beginning
17 Ang aking espiritu ay nanlulumo, ang aking mga araw ay natatapos,
ang libingan ay nakahanda para sa akin.
2 Tunay na may mga manunuya sa aking paligid,
at ang aking mata ay nakatuon sa kanilang panggagalit.
3 “Ibigay mo ngayon ang iyong sarili sa sangla;
sinong mananagot para sa akin?
4 Yamang iyong sinarhan ang kanilang isipan sa pag-unawa,
kaya't hindi mo sila hahayaang magtagumpay.
5 Ang nagsasabi laban sa kanyang mga kaibigan na kunin ang bahagi ng kanilang ari-arian,
ang mga mata nga ng kanyang mga anak ay manlalabo.
6 “Ngunit ginawa rin niya akong katatawanan ng bayan,
at ako yaong sa mukha ay kanilang niluluraan.
7 Ang aking mata naman ay nanlabo dahil sa kalungkutan,
at ang lahat ng mga bahagi ko ay parang isang anino.
8 Mga matuwid na tao ay matitigilan dito,
at ang walang sala ay babangon laban sa masama.
9 Gayunma'y magpapatuloy ang matuwid sa kanyang lakad,
at ang may malinis na mga kamay ay lalakas nang lalakas.
10 Ngunit tungkol sa inyong lahat, pumarito kayo ngayong muli,
at hindi ako makakatagpo ng isang taong pantas sa gitna ninyo.
11 Ang aking mga araw ay lumipas, ang aking mga plano ay nasira,
ang mga naisin ng aking puso.
12 Kanilang ginawang araw ang gabi,
‘Ang liwanag,’ wika nila, ‘ay malapit sa kadiliman.’
13 Kung aking hanapin ang Sheol na parang aking bahay;
kung aking ilatag ang aking higaan sa kadiliman,
14 kung sabihin ko sa hukay, ‘Ikaw ay aking ama,’
at sa uod, ‘Aking kapatid na babae,’ o ‘Aking ina,’
15 nasaan nga ang aking pag-asa?
Sinong makakakita ng aking pag-asa?
16 Lulusong ba ang mga ito sa mga rehas ng Sheol,
magkasama ba kaming bababa sa alabok?”
Inilarawan ni Bildad ang Wakas ng Masama
18 Nang magkagayo'y sumagot si Bildad na Suhita, at sinabi,
2 “Hanggang kailan ka maghahagilap ng mga salita?
Inyong isaalang-alang, pagkatapos kami ay magsasalita.
3 Bakit kami ibinibilang na parang mga hayop?
Bakit kami hangal sa iyong paningin?
4 Ikaw na sumisira sa iyong sarili sa iyong galit,
pababayaan ba ang lupa dahil sa iyo?
O aalisin ba ang bato mula sa kinaroroonan nito?
5 “Oo,(A) ang ilaw ng masama ay pinapatay,
at ang liyab ng kanyang apoy ay hindi nagliliwanag.
6 Ang ilaw ay madilim sa kanyang tolda,
at ang kanyang ilawan sa itaas niya ay pinatay.
7 Ang kanyang malalakas na hakbang ay pinaigsi,
at ang kanyang sariling pakana ang nagpabagsak sa kanya.
8 Sapagkat siya'y inihagis sa lambat ng kanyang sariling mga paa,
at siya'y lumalakad sa silo.
9 Isang bitag ang humuli sa kanyang mga sakong,
isang silo ang humuli sa kanya.
10 Ang lubid ay ikinubli para sa kanya sa lupa,
isang patibong na para sa kanya sa daan.
11 Mga nakakatakot ang tumakot sa kanya sa bawat panig,
at hinahabol siya sa kanyang mga sakong.
12 Nanlalata sa gutom ang kanyang kalakasan,
at handa para sa kanyang pagbagsak ang kapahamakan!
13 Dahil sa karamdaman ay nauubos ang kanyang balat,
lalamunin ng panganay ng kamatayan ang kanyang mga sangkap.
14 Siya'y niluray sa tolda na kanyang pinagtitiwalaan,
at siya'y dinala sa hari ng mga kilabot.
15 Sa kanyang tolda ay nakatira ang di niya kaanu-ano,
ang asupre ay ikinalat sa kanyang tahanan.
16 Ang kanyang mga ugat sa ilalim ay natutuyo,
at sa ibabaw ay nalalanta ang kanyang sanga.
17 Ang kanyang alaala ay naglalaho sa lupa,
at siya'y walang pangalan sa lansangan.
18 Siya'y itatapon mula sa liwanag tungo sa kadiliman,
at itataboy sa labas ng sanlibutan.
19 Siya'y walang anak, ni apo man sa kanyang bayan,
at walang nalabi sa dati niyang tinitirhan.
20 Silang mula sa kanluran ay mangingilabot sa kanyang araw,
at ang lagim ay babalot sa mga nasa silangan.
21 Tunay na ganyan ang tahanan ng mga makasalanan,
sa mga hindi nakakakilala sa Diyos ay ganyan ang kalagayan.”
Naniniwala si Job na Siya'y Pawawalang-sala ng Diyos
19 At sumagot si Job, at sinabi,
2 “Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan,
at pipira-pirasuhin ako ng mga salita?
3 Makasampung ulit ninyo akong pinulaan,
hindi ba kayo nahihiyang gawan ako ng masama?
4 At kung totoo man na nagkamali ako,
ay nananatili sa aking sarili ang pagkakamali ko.
5 Kung tunay na itinataas ninyo ang inyong sarili laban sa akin,
at gawin ang aking kakutyaan bilang katuwiran laban sa akin,
6 alamin ninyo ngayon na inilagay ako ng Diyos sa pagkakamali,
at isinara ang kanyang lambat sa paligid ko.
7 Narito, ako'y sumisigaw, ‘Karahasan!’ ngunit hindi ako pinapakinggan,
ako'y humihiyaw ngunit walang katarungan.
8 Kanyang pinaderan ang aking daan kaya't hindi ako makaraan,
siya'y naglagay ng kadiliman sa aking mga daan.
9 Hinubaran niya ako ng aking kaluwalhatian,
at inalis ang korona sa aking ulo.
10 Kanyang inilugmok ako sa bawat dako, at ako'y pumanaw,
at ang aking pag-asa ay binunot niyang parang punungkahoy.
11 Kanya rin namang pinapagningas ang kanyang poot laban sa akin,
at ibinilang niya ako na kanyang kaaway.
12 Ang kanyang mga hukbo ay dumarating na magkakasama,
at naglagay ng mga pangkubkob laban sa akin,
at nagkampo sa palibot ng aking tolda.
13 “Inilayo niya ang aking mga kapatid sa akin,
at ang aking mga kakilala ay lubusang napalayo sa akin.
14 Ang aking mga kamag-anak at malapit na mga kaibigan, ay nagsilayo sa akin.
15 Kinalimutan ako ng mga panauhin sa aking bahay,
itinuring akong isang dayuhan ng aking mga lingkod na kababaihan,
sa kanilang paningin ako'y isang taga-ibang bayan.
16 Ako'y tumatawag sa aking lingkod, at hindi ako sinasagot,
dapat ko siyang pakiusapan ng aking bibig.
17 Kakaiba ang aking hininga para sa aking asawa,
at nakakainis sa mga anak ng sarili kong ina.
18 Pati mga bata ay humahamak sa akin;
kapag ako'y tumayo, sila'y nagsasalita laban sa akin.
19 Lahat ng malapit kong mga kaibigan ay napopoot sa akin,
at ang aking minamahal ay bumaling laban sa akin.
20 Ang aking buto ay dumidikit sa aking balat at sa aking laman,
at ako'y nakatakas nang bahagya lamang.
21 Mahabag kayo sa akin, mahabag kayo sa akin, O kayong mga kaibigan ko;
sapagkat hinampas ako ng kamay ng Diyos!
22 Bakit ninyo ako tinutugis na gaya ng Diyos?
At hindi pa kayo nasisiyahan sa aking laman?
23 “O masulat nawa ngayon ang mga salita ko!
O malimbag nawa sa isang aklat ang mga ito!
24 Sa pamamagitan nawa ng panulat na tingga at bakal,
maukit nawa ang mga ito sa bato magpakailanman!
25 Sapagkat nalalaman ko na ang aking Manunubos ay nabubuhay,
at sa wakas siya'y tatayo sa lupa;
26 at pagkatapos na masira nang ganito ang aking balat,
gayunma'y makikita ko ang Diyos sa aking laman,
27 na aking makikita sa aking tabi,
at mamamasdan ng aking mga mata, at hindi ng iba.
Ang aking puso ay nanghihina sa loob ko!
28 Kung inyong sabihin, ‘Paanong aming tutugisin siya?’
at, ‘Ang ugat ng pangyayari ay nasumpungan sa kanya;’
29 matakot kayo sa tabak,
sapagkat ang poot ang nagdadala ng mga parusa ng tabak,
upang inyong malaman na may paghuhukom.”
Inilarawan ni Zofar ang Bahagi ng Masama
20 Nang magkagayo'y sumagot si Zofar na Naamatita, at sinabi,
2 “Kaya't sinasagot ako ng aking mga pag-iisip,
dahil sa pagmamadali na taglay ko.
3 Aking naririnig ang saway na humihiya sa akin,
at mula sa espiritu ng aking pagkaunawa ay sumasagot sa akin.
4 Hindi mo ba nalalaman ito nang una,
mula nang ang tao'y ilagay sa lupa,
5 na ang pagbubunyi ng masama ay maikli,
at ang kagalakan ng masasama ay sandali lamang?
6 Bagaman ang kanyang kataasan ay pumapailanglang hanggang sa langit,
at ang kanyang ulo ay umaabot hanggang sa mga ulap;
7 gayunman ay matutunaw siya magpakailanman, na gaya ng kanyang sariling dumi;
silang nakakita sa kanya ay magsasabi, ‘Nasaan siya?’
8 Siya'y lilipad na papalayong gaya ng panaginip, at hindi masusumpungan.
Siya'y hahabulin na parang pangitain sa gabi.
9 Ang mata na nakakita sa kanya ay hindi na siya makikita pa;
ni mamamalas pa man siya sa kanyang lugar.
10 Hahanapin ng kanyang mga anak ang lingap ng dukha,
at ang kanyang mga kamay ay magsasauli ng kanyang kayamanan.
11 Ang kanyang mga buto ay punô ng lakas ng kabataan,
ngunit ito'y hihiga na kasama niya sa alabok.
12 “Bagaman ang kasamaan ay masarap sa kanyang bibig,
bagaman kanyang itago sa ilalim ng kanyang dila;
13 bagaman ayaw niyang pakawalan,
kundi iniingatan pa sa kanyang bibig;
14 gayunma'y ang kanyang pagkain ay nabago na sa kanyang tiyan,
siyang kamandag ng mga ahas sa loob niya.
15 Siya'y sumakmal ng mga kayamanan, at kanyang isinusuka uli;
aalisin ng Diyos ang mga iyon sa kanyang tiyan.
16 Kanyang sisipsipin ang kamandag ng mga ahas;
papatayin siya ng dila ng ulupong.
17 Hindi niya titingnan ang mga ilog,
ang umaagos na mga bukal ng pulot at mantekilya.
18 Kanyang isasauli ang bunga na kanyang pinagpagalan,
at hindi niya lulunukin,
mula sa pakinabang ng kanyang pangangalakal,
hindi siya magtatamo ng kasiyahan.
19 Sapagkat kanyang dinurog at pinabayaan ang dukha;
kanyang kinamkam ang isang bahay na hindi niya itinayo.
20 “Sapagkat hindi nakakilala ng katahimikan ang kanyang kasakiman,
hindi siya makapag-iimpok ng anuman sa kanyang kinaluluguran.
21 Walang naiwan pagkatapos niyang kumain;
kaya't ang kanyang kasaganaan ay hindi mananatili.
22 Sa lubos niyang kasaganaan ay mapipighati sila,
lahat ng lakas ng kahirapan ay darating sa kanya.
23 Upang ganap na mapuno ang kanyang tiyan,
ihuhulog ng Diyos ang kanyang mabangis na poot sa kanya,
at pauulanin sa kanya bilang pagkain niya.
24 Kanyang tatakasan ang bakal na sandata,
isang panang tanso ang tatama sa kanya.
25 Ito ay binunot, at lumabas sa kanyang katawan,
oo, ang makintab na talim ay lumalabas mula sa apdo niya;
ang panghihilakbot ang dumating sa kanya.
26 Lubos na kadiliman ang nakahanda para sa kanyang kayamanan;
ang tutupok sa kanya ay apoy na hindi hinipan,
tutupukin niyon ang sa kanyang tolda ay naiwan.
27 Ihahayag ng mga langit ang kanyang kasamaan,
at ang lupa ay babangon na sa kanya ay laban.
28 Ang bunga ng kanyang bahay ay kukunin,
sa araw ng poot ng Diyos ay kakaladkarin.
29 Ito ang bahagi ng masamang tao mula sa Diyos,
at ang manang itinakda sa kanya ng Diyos.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001