Beginning
32 “Makinig kayo, mga langit, at ako'y magsasalita,
at pakinggan ng lupa ang mga salita ng aking bibig.
2 Ang aking aral ay papatak na parang ulan;
ang aking salita ay bababa na parang hamog;
gaya ng ambon sa malambot na damo,
at gaya ng mahinang ambon sa pananim.
3 Sapagkat aking ihahayag ang pangalan ng Panginoon;
dakilain ninyo ang ating Diyos!
4 “Siya ang Bato, ang kanyang gawa ay sakdal;
sapagkat lahat ng kanyang daan ay katarungan.
Isang Diyos na tapat at walang kasamaan,
siya ay matuwid at banal.
5 Sila'y nagpakasama,
sila'y hindi kanyang mga anak, dahilan sa kanilang kapintasan;
isang lahing liko at tampalasan.
6 Ganyan ba ninyo gagantihan ang Panginoon,
O hangal at di-matalinong bayan?
Hindi ba siya ang iyong ama na lumalang sa iyo?
Kanyang nilalang ka, at itinatag ka.
7 Alalahanin mo ang mga naunang araw,
isipin mo ang mga taon ng maraming salinlahi;
itanong mo sa iyong ama at kanyang ibabalita sa iyo;
sa iyong matatanda, at kanilang sasabihin sa iyo.
8 Nang(A) ibigay ng Kataas-taasan sa mga bansa ang kanilang pamana,
nang kanyang ihiwalay ang mga anak ng tao,
kanyang inilagay ang mga hangganan ng mga bayan,
ayon sa bilang ng mga anak ni Israel.
9 Sapagkat ang bahagi ng Panginoon ay ang kanyang bayan;
si Jacob ang bahaging pamana niya.
10 “Kanyang natagpuan siya sa isang ilang na lupain,
at sa kapanglawan ng isang umuungal na ilang;
kanyang pinaligiran siya, kanyang nilingap siya,
kanyang iningatan siyang parang sarili niyang mga mata.
11 Gaya ng agila na ginagalaw ang kanyang pugad,
na pumapagaspas sa kanyang mga inakay,
kanyang ibinubuka ang kanyang mga pakpak, na kinukuha sila,
kanyang dinadala sa ibabaw ng kanyang mga pakpak:
12 tanging ang Panginoon ang pumapatnubay sa kanya,
at walang ibang diyos na kasama siya.
13 Kanyang pinasakay siya sa matataas na dako ng lupa,
at siya'y kumain ng bunga ng bukirin,
at kanyang pinainom ng pulot na mula sa bato,
at ng langis na mula sa batong kiskisan.
14 Ng mantika mula sa baka, at gatas mula sa tupa,
na may taba ng mga kordero,
at ng mga tupang lalaki sa Basan, at mga kambing,
ng pinakamabuti sa mga trigo;
at sa katas ng ubas ay uminom ka ng alak.
15 “Ngunit tumaba si Jeshurun at nanipa;
ikaw ay tumataba, ikaw ay lumalapad, ikaw ay naging makinis.
Nang magkagayo'y tinalikuran niya ang Diyos na lumalang sa kanya,
at hinamak ang Bato ng kanyang kaligtasan.
16 Siya'y kinilos nila sa paninibugho sa ibang mga diyos,
sa pamamagitan ng mga karumaldumal, kanilang ibinunsod siya sa pagkagalit.
17 Sila'y(B) naghandog sa mga demonyo na hindi Diyos,
sa mga diyos na hindi nila nakilala,
sa mga bagong diyos na kalilitaw pa lamang,
na hindi kinatakutan ng inyong mga ninuno.
18 Hindi mo pinansin ang Batong nanganak sa iyo,
at kinalimutan mo ang Diyos na lumalang sa iyo.
19 “At nakita ito ng Panginoon, at kinapootan sila,
dahil sa panggagalit ng kanyang mga anak na lalaki at babae.
20 At kanyang sinabi, ‘Aking ikukubli ang aking mukha sa kanila,
aking titingnan kung ano ang kanilang magiging wakas;
sapagkat sila'y isang napakasamang lahi,
mga anak na walang katapatan.
21 Kinilos(C) nila ako sa paninibugho doon sa hindi diyos;
ginalit nila ako sa kanilang mga diyus-diyosan.
Kaya't paninibughuin ko sila sa mga hindi bayan;
aking gagalitin sila sa pamamagitan ng isang hangal na bansa.
22 Sapagkat may apoy na nag-aalab sa aking galit,
at nagniningas hanggang sa Sheol,
at lalamunin ang lupa pati ang tubo nito,
at pag-aapuyin ang saligan ng mga bundok.
23 “‘Aking dadaganan sila ng mga kasamaan;
aking uubusin ang aking pana sa kanila.
24 Sila'y mapupugnaw sa gutom,
at lalamunin ng maningas na init,
at ng nakalalasong salot;
at ang mga ngipin ng mga hayop ay isusugo ko sa kanila,
pati ng kamandag ng gumagapang sa alabok.
25 Sa labas ay namimighati ang tabak,
at sa mga silid ay malaking takot;
kapwa mawawasak ang binata at dalaga,
ang sanggol pati ng lalaking may uban.
26 Aking sinabi, “Ikakalat ko sila sa malayo,
aking aalisin ang alaala nila sa mga tao,”
27 kung hindi ko kinatatakutan ang panghahamon ng kaaway;
baka ang kanilang mga kalaban ay humatol ng mali,
baka kanilang sabihin, “Ang aming kamay ay matagumpay,
at hindi ginawa ng Panginoon ang lahat ng ito.”’
28 “Sapagkat sila'y bansang salat sa payo,
at walang kaalaman sa kanila.
29 O kung sila'y mga pantas, kanilang mauunawaan ito,
at malalaman nila ang kanilang wakas!
30 Paano hahabulin ng isa ang isanlibo,
at patatakbuhin ng dalawa ang sampung libo,
malibang ipinagbili sila ng kanilang Bato,
at ibinigay na sila ng Panginoon?
31 Sapagkat ang kanilang bato ay hindi gaya ng ating Bato,
kahit ang ating mga kaaway man ang maging mga hukom.
32 Sapagkat ang kanilang puno ng ubas ay mula sa ubasan sa Sodoma,
at mula sa mga parang ng Gomorra.
Ang kanilang ubas ay ubas ng apdo,
ang kanilang mga buwig ay mapait,
33 ang kanilang alak ay kamandag ng mga dragon,
at mabagsik na kamandag ng mga ahas.
34 “Hindi ba ito'y nakalaan sa akin,
na natatatakan sa aking mga kabang-yaman?
35 Ang(D) paghihiganti ay akin, at ang gantimpala,
sa panahon na madudulas ang kanilang mga paa;
sapagkat ang araw ng kanilang kapahamakan ay malapit na,
at ang mga bagay na darating sa kanila ay nagmamadali.
36 Sapagkat(E) hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan,
at mahahabag sa kanyang mga lingkod.
Kapag nakita niyang ang kanilang kapangyarihan ay wala na,
at wala ng nalalabi, bihag man o malaya.
37 At kanyang sasabihin, ‘Saan naroon ang kanilang mga diyos,
ang bato na kanilang pinagkanlungan?
38 Sino ang kumain ng taba ng kanilang mga handog,
at uminom ng alak ng kanilang handog na inumin?
Pabangunin sila at tulungan ka,
at sila'y maging inyong pag-iingat!
39 “‘Tingnan ninyo ngayon, ako, samakatuwid ay Ako nga,
at walang diyos liban sa akin;
ako'y pumapatay at ako'y bumubuhay;
ako'y sumusugat at ako'y nagpapagaling;
at walang makakaligtas sa aking kamay.
40 Sapagkat aking itinataas ang aking kamay sa langit,
at sumusumpa, ‘Buháy ako magpakailanman.
41 Kung ihahasa ko ang aking makintab na tabak,
at ang aking kamay ay humawak sa hatol,
ako'y maghihiganti sa aking mga kaaway,
at aking gagantihan ang mga napopoot sa akin.
42 At aking lalasingin ng dugo ang aking palaso,
at ang aking tabak ay sasakmal ng laman;
ng dugo ng patay at ng mga bihag,
mula sa ulong may mahabang buhok ng mga pinuno ng kaaway.’
43 “Magalak(F) kayo, O mga bansa, kasama ng kanyang bayan;
sapagkat ipaghihiganti niya ang dugo ng kanyang mga lingkod,
at maghihiganti sa kanyang mga kalaban,
at patatawarin ang kanyang lupain, ang kanyang bayan.”
44 At si Moises ay pumaroon at sinabi ang lahat ng mga salita ng awit na ito sa pandinig ng bayan, siya at si Josue[a] na anak ni Nun.
Huling Tagubilin ni Moises
45 Pagkatapos sabihin ni Moises ang lahat ng mga salitang ito sa buong Israel,
46 ay kanyang sinabi sa kanila, “Ilagay ninyo sa puso ang lahat ng mga salita na aking pinapatotohanan sa inyo sa araw na ito, na inyong iuutos sa inyong mga anak upang gawin ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.
47 Sapagkat ito'y hindi hamak na bagay sa inyo; sapagkat ito'y inyong buhay, at sa pamamagitan ng bagay na ito ay inyong pahahabain ang inyong mga araw sa lupain na inyong itinawid sa Jordan upang angkinin.”
Pinasampa si Moises sa Bundok ng Nebo
48 Ang(G) Panginoon ay nagsalita kay Moises nang araw ding iyon,
49 “Umakyat ka sa bundok na ito ng Abarim, sa bundok ng Nebo na nasa lupain ng Moab, na nasa tapat ng Jerico. Tanawin mo ang lupain ng Canaan, na aking ibinibigay sa mga anak ni Israel bilang pag-aari.
50 Mamamatay ka sa bundok na iyong inakyat at isasama ka sa iyong angkan, gaya ni Aaron na iyong kapatid na namatay sa bundok ng Hor at isinama sa kanyang angkan.
51 Sapagkat kayo'y sumuway sa akin sa gitna ng mga anak ni Israel sa tubig ng Meriba ng Kadesh, sa ilang ng Zin; sapagkat hindi ninyo ako itinuring na banal sa gitna ng mga anak ni Israel.
52 Gayunma'y makikita mo ang lupain sa harapan mo, ngunit hindi ka makakapasok sa lupain na aking ibinibigay sa mga anak ni Israel.”
Binasbasan ni Moises ang mga Lipi ni Israel
33 Ito ang basbas na iginawad ni Moises, ang tao ng Diyos, sa mga anak ni Israel bago siya namatay.
2 At kanyang sinabi,
“Ang Panginoo'y nanggaling sa Sinai,
at lumitaw sa Seir patungo sa kanila;
siya'y lumiwanag mula sa bundok ng Paran,
at siya'y may kasamang laksa-laksang mga banal:
sa kanyang kanang kamay ay ang kanyang sariling hukbo.
3 Oo, iniibig niya ang bayan:
lahat ng kanyang mga banal ay nasa iyong kamay;
sila'y sumunod sa iyong mga yapak,
na tumatanggap ng tagubilin mula sa iyo.
4 Si Moises ay nag-atas sa atin ng isang kautusan,
isang pamana para sa kapulungan ni Jacob.
5 Nagkaroon ng hari sa Jeshurun,
nang magkatipon ang mga pinuno ng bayan,
pati ang lahat ng mga lipi ni Israel.
6 “Mabuhay nawa ang Ruben, at huwag mamatay;
kahit kaunti man ang kanyang mga tao.”
7 At ito ang sinabi niya tungkol sa Juda:
“Dinggin mo, Panginoon, ang tinig ng Juda,
at dalhin mo siya sa kanyang bayan:
sa pamamagitan ng iyong mga kamay ay ipaglaban siya,
at maging katulong laban sa kanyang mga kaaway.”
8 At(H) tungkol kay Levi ay kanyang sinabi,
“Ang iyong Tumim at ang iyong Urim ay para sa inyong mga banal,
na iyong sinubok sa Massah,
nakipagtunggali ka sa kanya sa mga tubig ng Meriba;
9 na siyang nagsabi tungkol sa kanyang ama at ina,
‘Hindi ko siya nakita;’
ni hindi niya kinilala ang kanyang mga kapatid,
ni kinilala niya ang kanyang sariling mga anak.
Sapagkat kanilang sinunod ang iyong salita,
at ginaganap ang iyong tipan.
10 Ituturo nila ang iyong batas kay Jacob,
at ang iyong mga kautusan sa Israel;
sila'y maglalagay ng insenso sa harapan mo,
at ng buong handog na sinusunog sa ibabaw ng iyong dambana.
11 Basbasan mo, Panginoon, ang kanyang kalakasan,
at tanggapin mo ang gawa ng kanyang mga kamay;
baliin mo ang mga balakang ng mga naghihimagsik laban sa kanya,
at ang mga napopoot sa kanya, upang sila'y huwag nang muling bumangon.”
12 Tungkol kay Benjamin ay kanyang sinabi,
“Ang minamahal ng Panginoon ay maninirahang ligtas sa siping niya;
na kinakanlungan siya buong araw,
oo, siya'y maninirahan sa pagitan ng kanyang mga balikat.”
13 At tungkol kay Jose ay kanyang sinabi,
“Pagpalain nawa ng Panginoon ang kanyang lupain,
sa pinakamabuti mula sa langit, sa hamog,
at sa kalaliman na nasa ilalim,
14 at sa pinakamabuti sa mga bunga ng araw,
at sa mga pinakamabuting bunga ng mga buwan,
15 at sa pinakamagandang bunga ng matandang bundok,
at sa mga pinakamabuti sa mga burol na walang hanggan,
16 at sa pinakamabuti sa lupa at sa lahat ng naroroon;
at ang kanyang mabuting kalooban na naninirahan sa mababang punungkahoy:
dumating nawa ito sa ulo ni Jose,
at sa tuktok ng ulo niya na itinalaga sa kanyang mga kapatid.
17 Gaya ng panganay ng kanyang baka, kaluwalhatian ay sa kanya,
at ang mga sungay ng mabangis na toro ay kanyang mga sungay;
sa pamamagitan ng mga iyon ay itutulak niya ang mga bayan
hanggang sa mga hangganan ng lupa,
at sila ang sampung libu-libo ni Efraim,
at sila ang libu-libo ni Manases.”
18 At tungkol kay Zebulon ay kanyang sinabi,
“Magalak ka, Zebulon, sa iyong paglabas;
at ikaw, Isacar, sa iyong mga tolda.
19 Kanilang tatawagin ang mga bayan sa bundok;
maghahandog sila ng mga matuwid na alay;
sapagkat kanilang sisipsipin ang mga kasaganaan ng mga dagat,
at ang natatagong kayamanan sa buhanginan.”
20 At tungkol kay Gad, ay kanyang sinabi,
“Pagpalain ang nagpalaki kay Gad:
siya'y mabubuhay na parang isang leon,
at lalapain ang bisig at ang bao ng ulo.
21 Kanyang pinili ang pinakamabuti sa lupain para sa kanya,
sapagkat doon nakatago ang bahagi ng isang pinuno,
at siya'y dumating sa mga pinuno ng bayan,
kanyang isinagawa ang katuwiran ng Panginoon,
at ang kanyang mga batas sa Israel.”
22 At tungkol kay Dan ay kanyang sinabi,
“Si Dan ay anak ng leon,
na lumukso mula sa Basan.”
23 At tungkol kay Neftali ay kanyang sinabi,
“O Neftali, na busog ng mabuting kalooban,
at puspos ng pagpapala ng Panginoon;
angkinin mo ang kanluran at ang timog.”
24 At tungkol kay Aser ay kanyang sinabi,
“Pagpalain si Aser nang higit sa ibang mga anak;
itangi nawa siya ng kanyang mga kapatid,
at ilubog ang kanyang paa sa langis.
25 Ang iyong mga halang ay magiging bakal at tanso;
kung paano ang iyong mga araw ay gayon nawa ang iyong lakas.
26 “Walang gaya ng Diyos, O Jeshurun,
na sumasakay sa langit dahil sa pagtulong sa iyo,
at sa himpapawid dahil sa kanyang karangalan.
27 Ang walang hanggang Diyos ay isang kanlungan,
at sa ibaba'y ang walang hanggang mga bisig.
At kanyang palalayasin ang kaaway sa harapan mo,
at sinabi, ‘Puksain.’
28 Kaya't ang Israel ay ligtas na namumuhay,
ang bukal ni Jacob sa lupain ng trigo at alak,
oo, ang kanyang mga langit ay magbababa ng hamog.
29 Mapalad ka, O Israel! Sino ang gaya mo,
bayang iniligtas ng Panginoon,
ang kalasag na iyong tulong,
ang tabak ng iyong tagumpay!
At ang iyong mga kaaway ay manginginig sa harapan mo,
at ikaw ay tutuntong sa kanilang mga matataas na dako.”
Ang Kamatayan ni Moises
34 Pagkatapos ay umakyat si Moises sa bundok ng Nebo mula sa mga kapatagan ng Moab, sa taluktok ng Pisga, na nasa tapat ng Jerico. At ipinakita sa kanya ng Panginoon ang buong lupain ng Gilead hanggang sa Dan,
2 ang buong Neftali, ang lupain ng Efraim at ng Manases, at ang buong lupain ng Juda hanggang sa dagat sa kanluran,
3 ang Negeb at ang kapatagan ng libis ng Jerico na lunsod ng mga puno ng palma hanggang sa Zoar.
4 At(I) sinabi ng Panginoon sa kanya, “Ito ang lupain na aking ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob, na sinasabi, ‘Aking ibibigay sa iyong binhi;’ aking ipinakita sa iyo, ngunit hindi ka daraan doon.”
5 Kaya't si Moises na lingkod ng Panginoon ay namatay sa lupain ng Moab ayon sa salita ng Panginoon.
6 Kanyang inilibing siya sa libis sa lupain ng Moab na nasa tapat ng Bet-peor; ngunit walang sinumang tao ang nakakaalam ng libingan niya hanggang sa araw na ito.
7 Si Moises ay isandaan at dalawampung taong gulang nang siya'y mamatay. Ang kanyang mata'y hindi lumabo, ni ang kanyang likas na lakas ay humina.
8 At ipinagluksa ng mga anak ni Israel si Moises nang tatlumpung araw sa mga kapatagan ng Moab, at natapos ang mga araw ng pagtangis at pagluluksa para kay Moises.
9 Si Josue na anak ni Nun ay puspos ng espiritu ng karunungan, sapagkat ipinatong ni Moises ang kanyang mga kamay sa kanya. Pinakinggan siya ng mga anak ni Israel, at ginawa nila ang gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
10 At(J) wala pang bumangong propeta sa Israel na gaya ni Moises, na kilala ng Panginoon nang mukhaan.
11 Walang tulad niya dahil sa lahat ng mga tanda at mga kababalaghang iniutos ng Panginoon na gawin niya sa lupain ng Ehipto, kay Faraon, at sa lahat ng kanyang mga lingkod, at sa kanyang buong lupain,
12 at dahil sa makapangyarihang kamay at sa dakila at kakilakilabot na ginawa ni Moises sa paningin ng buong Israel.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001