Beginning
Ang Kadakilaan ng Panginoon
11 “Kaya't ibigin mo ang Panginoon mong Diyos, at lagi mong sundin ang kanyang bilin, mga tuntunin, mga batas, at mga utos.
2 At isaalang-alang ninyo sa araw na ito, sapagkat hindi ako nagsasalita sa inyong mga anak (na hindi nakakakilala, at hindi nakakita ng parusa ng Panginoon ninyong Diyos), ng kanyang kadakilaan, ng kanyang makapangyarihang kamay at ng kanyang unat na bisig,
3 ng(A) kanyang mga tanda, ng kanyang mga ginawa sa gitna ng Ehipto kay Faraon na hari ng Ehipto, at sa kanyang buong lupain;
4 at(B) ang kanyang ginawa sa hukbo ng Ehipto, sa kanilang mga kabayo, at sa kanilang mga karwahe; kung paanong tinakpan niya sila ng tubig ng Dagat na Pula nang kanilang habulin kayo, at kung paanong pinuksa sila ng Panginoon hanggang sa araw na ito.
5 At kung ano ang kanyang ginawa sa inyo sa ilang hanggang sa dumating kayo sa dakong ito;
6 at(C) kung ano ang kanyang ginawa kay Datan at kay Abiram, na mga anak ni Eliab, na anak ni Ruben; kung paanong ibinuka ng lupa ang kanyang bibig at nilamon sila, ang kanilang mga sambahayan, ang kanilang mga tolda, at bawat bagay na may buhay na sumunod sa kanila sa gitna ng buong Israel;
7 sapagkat nakita ng inyong mga mata ang lahat ng dakilang gawa na ginawa ng Panginoon.
8 “Kaya't sundin ninyo ang lahat ng utos na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, upang kayo'y lumakas, makapasok at angkinin ang lupain na inyong tatawirin;
9 at upang kayo'y mabuhay nang matagal sa lupain na ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno na ibibigay sa kanila at sa kanilang binhi, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.
10 Sapagkat ang lupain na iyong pupuntahan upang angkinin ay hindi gaya ng lupain ng Ehipto na inyong pinanggalingan, na doo'y nagtatanim ka ng iyong binhi, at iyong dinidilig ng iyong paa, na parang taniman ng mga gulay;
11 kundi ang lupain na inyong patutunguhan upang angkinin ay lupaing maburol at malibis, at umiinom ng tubig ng ulan sa langit,
12 lupaing inaalagaan ng Panginoon mong Diyos. Ang pansin ng Panginoon mong Diyos ay laging naroon, mula sa pasimula ng taon hanggang sa katapusan ng taon.
13 “Kung(D) inyong susundin ang mga utos na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, na ibigin ang Panginoon ninyong Diyos at siya'y paglingkuran ng iyong buong puso at kaluluwa,
14 ay ibibigay ko ang ulan ng inyong lupain sa kanyang kapanahunan, ang una at huling ulan upang iyong matipon ang iyong trigo, alak, at langis.
15 Aking bibigyan ng damo ang inyong mga bukid para sa iyong mga hayop, at ikaw ay kakain at mabubusog.
16 Mag-ingat kayo, baka ang inyong puso ay madaya, at kayo'y maligaw, at maglingkod sa ibang mga diyos, at sumamba sa kanila.
17 Kapag gayon, ang galit ng Panginoon ay magniningas laban sa inyo, at kanyang sasarhan ang langit, upang hindi magkaroon ng ulan, at ang lupa'y hindi magbibigay ng kanyang bunga; at kayo'y mabilis na mapupuksa sa mabuting lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon.
18 “Kaya't(E) inyong ilalagak ang mga salita kong ito sa inyong puso at sa inyong kaluluwa at inyong itatali na pinakatanda sa inyong kamay at magiging pinakatali sa inyong noo.
19 Ituturo ninyo ang mga iyon sa inyong mga anak, na inyong sasabihin sa kanila kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, kapag ikaw ay lumalakad sa daan, kapag ikaw ay nahihiga, at kapag ikaw ay bumabangon.
20 At isusulat mo ang mga iyon sa mga hamba ng pinto ng iyong bahay, at sa iyong mga pintuang-daan:
21 upang dumami ang inyong mga araw at ang mga araw ng inyong mga anak, sa lupain na ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno na ibibigay sa kanila, gaya ng mga araw ng langit sa ibabaw ng lupa.
22 Sapagkat kung inyong masikap na susundin ang lahat ng utos na ito na aking ipinag-uutos sa inyo upang gawin, na ibigin ang Panginoon ninyong Diyos, na lumakad sa lahat ng kanyang daan, at manatili sa kanya,
23 ay palalayasin ng Panginoon ang lahat ng mga bansang ito sa harapan ninyo, at inyong aagawan ang mga bansang higit na malalaki at makapangyarihan kaysa inyo.
24 Bawat(F) dakong matuntungan ng talampakan ng inyong paa ay magiging inyo; ang inyong magiging sakop ay mula sa ilang hanggang sa Lebanon, mula sa ilog, sa Ilog Eufrates, hanggang sa dagat kanluran.
25 Walang taong magtatagumpay laban sa inyo; sisidlan ng Panginoon ninyong Diyos ng pagkatakot at pagkasindak sa inyo ang lahat ng lupain na inyong tutuntungan, gaya ng kanyang ipinangako sa inyo.
26 “Inilalagay ko sa harapan ninyo sa araw na ito ang pagpapala at ang sumpa;
27 ang pagpapala, kung inyong diringgin ang mga utos ng Panginoon ninyong Diyos na aking iniutos sa inyo sa araw na ito;
28 at ang sumpa, kung hindi ninyo diringgin ang mga utos ng Panginoon ninyong Diyos, kundi lilihis sa daan na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, upang sumunod sa ibang mga diyos, na hindi ninyo nakilala.
29 At(G) kapag ikaw ay ipapasok ng Panginoon mong Diyos sa lupain na iyong paroroonan upang angkinin, iyong ilalagay ang pagpapala sa bundok ng Gerizim, at ang sumpa sa bundok ng Ebal.
30 Hindi ba sila ay nasa kabila ng Jordan, sa dakong nilulubugan ng araw, sa lupain ng mga Cananeo na tumatahan sa Araba, sa tapat ng Gilgal na katabi ng mga ensina sa More?
31 Sapagkat kayo'y tatawid sa Jordan upang pasukin at angkinin ang lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos. Kapag ito'y inyong naangkin at nanirahan na kayo roon,
32 maingat ninyong gagawin ang lahat ng mga tuntunin at mga batas na aking itinatakda sa inyo sa araw na ito.
Ang Isang Lugar para sa Pagsamba
12 “Ito ang mga tuntunin at mga batas na inyong tutuparin sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon, ng Diyos ng iyong mga ninuno upang angkinin, sa lahat ng mga araw na inyong ilalagi sa ibabaw ng lupa.
2 Wasakin ninyo ang lahat ng mga dako kung saan naglilingkod sa kanilang diyos ang mga bansang inyong aagawan, sa ibabaw ng matataas na bundok, at sa ibabaw ng mga burol, at sa lilim ng bawat luntiang punungkahoy.
3 Wawasakin(H) ninyo ang kanilang mga dambana, at inyong pagpuputul-putulin ang kanilang mga haligi, at susunugin sa apoy ang kanilang mga sagradong poste;[a] at inyong ibubuwal ang mga larawang inanyuan na kanilang mga diyos; at inyong papawiin ang kanilang pangalan sa dakong iyon.
4 Huwag kayong gagawa ng ganito sa Panginoon ninyong Diyos.
5 Kundi inyong hahanapin ang dakong pipiliin ng Panginoon ninyong Diyos mula sa lahat ng inyong mga lipi na paglalagyan ng kanyang pangalan, samakatuwid, sa kanyang tahanan ay inyong hahanapin, at doon kayo paroroon.
6 At doon ninyo dadalhin ang inyong mga handog na sinusunog, at ang inyong mga alay, at ang inyong mga ikasampung bahagi, at ang handog na iwawagayway ng inyong kamay, at ang inyong mga panata, at ang inyong mga kusang handog, at ang mga panganay sa inyong mga bakahan at sa inyong mga kawan;
7 at doon kayo kakain sa harapan ng Panginoon ninyong Diyos, at kayo'y magagalak sa lahat ng inyong gagawin, kayo at ang inyong mga sambahayan kung saan kayo pinagpala ng Panginoon mong Diyos.
8 Huwag ninyong gagawin ang gaya ng mga bagay na ating ginagawa dito sa araw na ito, na ginagawa ng bawat isa ang matuwid sa kanyang paningin;
9 sapagkat hindi pa kayo nakakarating sa kapahingahan at sa pamana na ibinibigay sa iyo ng Panginoon ninyong Diyos.
10 Ngunit pagtawid ninyo ng Jordan, at pagtira sa lupain na ipinamamana sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos, at pagkabigay niya sa inyo ng kapahingahan sa lahat ng inyong mga kaaway sa palibot, upang kayo'y makapanirahan nang tiwasay;
11 at pagkatapos ay sa dakong pipiliin ng Panginoon ninyong Diyos na patatahanan sa kanyang pangalan ay doon ninyo dadalhin ang lahat na aking ipinag-uutos sa inyo: ang inyong mga handog na sinusunog, mga alay, mga ikasampung bahagi, ang handog na iwinawagayway ng inyong kamay, at ang lahat ng inyong ipinangakong handog na inyong ipinanata sa Panginoon.
12 At kayo'y magagalak sa harapan ng Panginoon ninyong Diyos, kayo at ang inyong mga anak na lalaki at babae, at ang inyong mga aliping lalaki at babae, at ang Levita na nasa loob ng inyong mga bayan, sapagkat siya'y walang bahagi ni pamana na kasama ninyo.
13 Mag-ingat ka na huwag mag-alay ng iyong handog na sinusunog sa alinmang dakong iyong makikita,
14 kundi sa dakong pipiliin ng Panginoon sa isa sa iyong mga lipi, doon mo ihahandog ang iyong mga handog na sinusunog, at doon mo gagawin ang lahat na aking iniuutos sa iyo.
15 “Gayunma'y maaari kang kumatay at kumain ng karne sa loob ng lahat ng iyong mga bayan, hanggang gusto mo, ayon sa pagpapala ng Panginoon mong Diyos na kanyang ibinigay sa iyo. Maaari itong kainin ng marumi at ng malinis gaya ng maliit na usa, o malaking usa.
16 Huwag(I) lamang ninyong kakainin ang dugo; ibubuhos ninyo ito sa lupa na parang tubig.
17 Huwag mong kakainin sa loob ng iyong mga bayan ang ikasampung bahagi ng iyong trigo, o ng iyong alak, o ng iyong langis, o ng mga panganay sa iyong bakahan o sa iyong kawan, ni anuman sa iyong mga ipinangakong handog na iyong ipapanata, ni ang iyong mga kusang handog, ni ang handog na iwinawagayway ng iyong kamay.
18 Kakainin mo ang mga ito sa harapan ng Panginoon mong Diyos sa dakong pipiliin ng Panginoon mong Diyos, ikaw at ng iyong anak na lalaki at babae, at ng iyong mga aliping lalaki at babae, at ng Levita na nasa loob ng iyong mga bayan; at ikaw ay magagalak sa lahat ng iyong gagawin sa harapan ng Panginoon mong Diyos.
19 Huwag mong pabayaan ang Levita habang nabubuhay ka sa iyong lupain.
20 “Kapag pinalawak ng Panginoon mong Diyos ang iyong nasasakupan, gaya ng kanyang ipinangako sa iyo, at iyong sasabihin, ‘Ako'y kakain ng karne,’ sapagkat ikaw ay nasasabik sa karne, ay makakakain ka ng karne hangga't nais mo.
21 Kung ang dakong pipiliin ng Panginoon mong Diyos na paglalagyan ng kanyang pangalan ay napakalayo para sa iyo, magpapatay ka sa iyong bakahan at kawan na ibinigay sa iyo ng Panginoon, gaya ng iniutos ko sa iyo, at makakakain ka sa loob ng iyong mga bayan, hangga't nais mo.
22 Kung paano kinakain ang maliit at malaking usa ay gayon mo ito kakainin; ang marumi at ang malinis ay kapwa makakakain niyon.
23 Lamang(J) ay tiyakin mong hindi mo kakainin ang dugo, sapagkat ang dugo ay siyang buhay; at huwag mong kakainin ang buhay na kasama ng laman.
24 Huwag mong kakainin iyon, ibubuhos mo sa lupa na parang tubig.
25 Huwag mong kakainin iyon para sa ikabubuti mo, at ng iyong mga anak pagkamatay mo, kung iyong gagawin ang matuwid sa paningin ng Panginoon.
26 Tanging ang mga banal na bagay na nasa iyo, at ang iyong mga panata ang iyong dadalhin, at hahayo ka sa dakong pipiliin ng Panginoon.
27 At iaalay mo ang iyong mga handog na sinusunog, ang laman at ang dugo, sa ibabaw ng dambana ng Panginoon mong Diyos, at ang dugo ng iyong mga alay ay ibubuhos sa ibabaw ng dambana ng Panginoon mong Diyos; at iyong kakainin ang karne.
28 Sundin mo at dinggin ang lahat ng mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo para sa ikabubuti mo at ng iyong mga anak pagkamatay mo magpakailanman, kapag ginawa mo ang mabuti at matuwid sa paningin ng Panginoon mong Diyos.
Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan
29 “Kapag natanggal na ng Panginoon mong Diyos sa harapan mo ang mga bansa na iyong papasukin upang samsaman; at nasamsaman mo na sila at nakapanirahan sa kanilang lupain,
30 mag-ingat ka upang huwag kang mabitag na sumunod sa kanila, pagkatapos na sila'y mapuksa sa harapan mo. Huwag kang mag-usisa ng tungkol sa kanilang mga diyos, na magsabi, ‘Paanong naglingkod ang mga bansang ito sa kanilang mga diyos? Gayundin ang gagawin ko.’
31 Huwag mong gagawin ang gayon sa Panginoon mong Diyos, sapagkat bawat karumaldumal sa Panginoon na kanyang kinapopootan ay kanilang ginagawa sa kanilang mga diyos; sapagkat pati na ang kanilang mga anak na lalaki at babae ay kanilang sinusunog sa apoy para sa kanilang mga diyos.
32 “Anumang(K) bagay na ipinag-uutos ko sa iyo ay siya mong gagawin; huwag mong daragdagan, ni babawasan.
13 “Kung may lumitaw sa inyo na isang propeta, o isang mapanaginipin ng mga panaginip, at bigyan ka niya ng isang tanda o kababalaghan,
2 at ang tanda o ang kababalaghan ay mangyari, na kanyang sabihin sa iyo, ‘Sumunod tayo sa ibang mga diyos,’ na hindi mo kilala, ‘at ating paglingkuran sila,’
3 huwag mong papakinggan ang mga salita ng propetang iyon, o ng mapanaginiping iyon sapagkat sinusubok kayo ng Panginoon ninyong Diyos, upang malaman kung iniibig ninyo ang Panginoon ninyong Diyos ng inyong buong puso at kaluluwa.
4 Kayo'y lalakad ayon sa Panginoon ninyong Diyos, at matatakot sa kanya, tutupad ng kanyang mga utos, susunod sa kanyang tinig, maglilingkod sa kanya, at mananatili sa kanya.
5 At ang propetang iyon o ang mapanaginiping iyon ay papatayin, sapagkat siya'y nagsalita ng paghihimagsik laban sa Panginoon ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto, at tumubos sa iyo sa bahay ng pagkaalipin, upang iligaw ka sa daan na iniutos ng Panginoon mong Diyos upang iyong lakaran. Ganito mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.
6 “Kung ang iyong kapatid na lalaki, na anak ng iyong ina, o ang iyong anak na lalaki o babae, o ang asawa ng iyong kaibigan, o ang iyong kaibigan na parang iyong sariling kaluluwa, ay humimok sa iyo nang lihim, na magsabi, ‘Tayo'y humayo at maglingkod sa ibang mga diyos,’ na hindi mo nakilala, ninyo o ng iyong mga ninuno;
7 sa mga diyos ng mga bayan na nasa palibot ninyo na malapit sa iyo, o malayo sa iyo, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa;
8 ay huwag kang padadala sa kanya o papakinggan siya; ni huwag mong titingnan siya ng may awa, ni patatawarin, ni ikukubli siya;
9 kundi papatayin mo siya. Ikaw ang mangunguna upang patayin siya, at pagkatapos ay ang buong bayan.
10 Iyong babatuhin siya ng mga bato upang siya'y mamatay, sapagkat kanyang pinagsikapang ilayo ka sa Panginoon mong Diyos, na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin.
11 At maririnig ng buong Israel, at matatakot, at hindi na gagawa ng anumang kasamaang gaya nito sa gitna mo.
12 “Kung iyong marinig sa isa sa iyong mga lunsod na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos upang manirahan ka roon,
13 na ilang masasamang tao mula sa mga kasama mo ang umalis at iniligaw ang mga naninirahan sa lunsod, na sinasabi, ‘Tayo'y humayo at maglingkod sa ibang mga diyos,’ na hindi ninyo nakilala;
14 ay iyo ngang usisain at siyasatin, at itanong na mabuti; at kung totoo na nagawa sa gitna mo ang gayong karumaldumal na bagay;
15 ay iyong lilipulin ang mga naninirahan sa lunsod na iyon sa pamamagitan ng talim ng tabak at iyong lubos na pupuksain ang lahat ng naroon at ang mga hayop doon sa pamamagitan ng talim ng tabak.
16 At iyong titipunin sa liwasan ang lahat ng nasamsam doon, at iyong susunugin sa apoy ang lunsod, at ang lahat ng nasamsam doon, bilang handog na sinusunog para sa Panginoon mong Diyos. Ito ay magiging isang bunton magpakailanman; hindi na muling maitatayo.
17 Huwag mong hayaang lumapat sa iyong kamay ang anumang bagay na itinalaga, upang talikuran ng Panginoon ang bagsik ng kanyang galit, pagpakitaan ka niya ng kaawaan, mahabag sa iyo at paramihin ka, gaya ng ipinangako niya sa iyong mga magulang,
18 kapag pinakinggan mo ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at iyong sinunod ang lahat ng kanyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, at iyong ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon mong Diyos.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001